Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Dapat Kong Gawin Kung Ako’y Itsinitsismis ng mga Tao?
“SIYAMNAPU’T-LIMANG porsiyento ng mga tao sa aking pinapasukang high school ang nagtsitsismis,” ang sabi ng isang sophomore sa isang high (sekundarya) school sa New York. Ang pangunahing paksa ng tsismis? “Ang ibang mga estudyante: ang kanilang pagkatao, ang kanilang hitsura, kung sino ang gusto nino, at kung ano ang kanilang sinasabi tungkol sa bawat isa.”—Magasing Seventeen, Hulyo 1983.
Madalas, kung gayon, na ang tsismis ay bumabaling sa mga bagay na negatibo at nagbubunga ng malubhang pinsala sa reputasyon ng iba.a At yamang ang tsismis ay ginagawa saan man sa gitna ng mga kabataan at gayon din sa mga adulto, malamang na ikaw man ay (o maaaring sa ibang araw ay maging) biktima rin ng nakasasakit na tsismis. Kung gayon, ano ang maaari mong gawin? May anuman bang paraan upang pigilin ang isang daldalerang nakasasakit ng damdamin?
Ang Sakit na Dulot ng Tsismis
Walang alinlangan tungkol dito: Tunay na nakasasakit kapag nakarating sa iba ang personal na impormasyon o kapag ikaw ang biktima ng isang maling balita. Ang mga damdamin ng galit at paghihiganti ay maaaring kaakibat ng mga sandali ng sakít at panlulumo. “Nadarama mong parang ibig mong saktan ang taong iyon,” ang sabi ng isang biktima ng tsismis. Ang isa pa ay nagsabi: “Para bang dinurog ka; waring sinaksak ka sa likod. Nadarama mong parang ayaw mo na silang kausapin kailanman. Nawala na ang iyong pagtitiwala, at basta hindi na makatkat sa iyong alaala ang tungkol sa problema.”
Tunay, ang tsismis ay nagpangyari sa maraming kabataan na mapigilan dahil sa pagkapahiya. Sa gayon isang batang babae ang lumipat sa ibang paaralan kaysa makaharap niya ang mga kabataang nakibahagi sa pagkakalat ng masamang balita tungkol sa kaniya. Gayumpaman, hindi makapagpapabuti sa situwasyon kahit kaunti man ang paghihiganti, galit, ni ang nakapaparalisang pagkapahiya. May higit pang mabisang mga paraan ng pakikitungo sa pangit na usapan.
Iwasan ang Agad Magalit!
Bago ka gumawa ng anuman, tandaan: “Siyang nagagalit na madali ay gagawang may kamangmangan.” (Kawikaan 14:17) Ang mensahe? Huwag agad-agad magagalit! Ang padalus-dalos na pagkilos ay madalas na lumilikha ng higit pang mga problema sa halip na makalutas. Ang babala ng Bibliya: “Huwag kang madaling magalit, sapagkat ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.” Bakit? Sa isang bagay, hindi mo basta mapipigilan ang mga tao na pag-usapan ang tungkol sa ibang tao. Bahagi na ng buhay ang ikaw ay mapag-usapan. Si Solomon ay nagpayo pa: “Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng mga salita na sinasalita ng mga tao . . . Sapagkat madalas ding nalalaman ng iyong sariling puso, na ikaw ay sumumpa rin sa mga iba.”—Eclesiastes 7:9, 21, 22.
Hindi naman binibigyang-matuwid ni Solomon ang negatibong pagtsitsismis. Kinikilala lamang niya iyon bilang isang katotohanan ng buhay. Kung papaanong ayaw mong pag-usapan ka, hindi ba totoo na maaaring may nasabi kang mga bagay tungkol sa iba na mabuti pang hindi mo na sinabi?
Sa kaniyang aklat na Gossip, si Patricia Meyer Spacks ay nagsabi: “Karaniwan nang ang tsismis ay lumalabas hindi dahil sa masamang hangarin kundi . . . dahil sa kakulangan ng pagpapahalaga . . . Iyon ay nagmumula sa walang-ingat na pagnanais na masabi ang isang bagay nang hindi muna pinag-iisipang mabuti. Walang sinasadyang masamang intensiyon, ang mga tsismoso’t tsismosa ay nagpapalitan ng mga salita at mga anekdota tungkol sa ibang mga tao.” Ang pagkaunawa rito ay makatutulong upang huminahon ang iyong galit.
Mahuhusay na Paraan ng Pakikitungo sa Tsismis
Ang Kawikaan 14:15 ay nagsasabi na “siyang matalino ay tumitinging mabuti sa kaniyang hakbang.” Ito’y nagmumungkahi ng mahinahong pagbalangkas ng isang mahusay na paraan upang mabisang mapakitunguhan ang tsismis.
Maaaring magsimula ka sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang kung gaano kalubha ang tsismis. Baka ang istoryang umiikot tungkol sa iyo, bagaman nakakahiya o kaya’y hindi naman totoo, ay tunay na nakatutuwa at hindi naman talagang nakasisirang-puri. Sa ibang salita, maaaring ayaw mo na sanang malaman pa ng iba na napagsarhan mo ang iyong sarili sa labas ng inyong bahay habang bumabagyo o na napunit ang iyong panlarong shorts samantalang ginagawa mo ang sit-ups, ngunit ngayong lumabas na ang balita, iyon ba’y talagang masasabing isang malaking kahihiyan? Marahil ang pinakamabuting gawin upang makalimutan ang balita ay ang makitawa na lamang.
Ngunit, halimbawang ang balita ay talaga namang nakasisira o nakaiinsulto? Iyon ba nama’y totoong magdudulot ng namamalaging pinsala ng iyong reputasyon—o iyon ba’y madali ring malilimutan? Kung waring totoo ang huli, maaaring makabuti kung titiisin na lamang ang unos. Pinananatili ang ‘tulad ng dating’ pagkilos—sa halip na magtampo o magmukhang may kasalanan—kahit papaano ay makahahadlang ito sa paggatong sa masamang balita. Ang sabi ng Kawikaan 26:20: “Sa kakulangan ng gatong ay namamatay ang apoy, at kung saan walang mapaghatid-dumapit ay tumitigil ang pagkakaalit.”
Gayunman, kung minsan, ang pangyayari ay gayon na lamang kalubha para hindi pansinin. Si Jesu-Kristo ay nagpayo sa kaniyang mga tagasunod ng kanilang gagawin kapag ang isa ay nakagawa ng isang personal na pagkakasala gaya ng paninirang-puri: “Pumaroon ka’t ipakilala ang kaniyang kasalanan na ikaw at siya lamang.” (Mateo 18:15) Maaaring posible naman na tuntunin ang pinagmulan ng nakapipinsalang tsismis at mahinahong ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa isang iyon na nagpasimula ng balita.
Totoo, maaaring ang taong iyon ay hindi naman isang Kristiyano. Subalit kung alam mo na ang taong iyon ay resonable naman, marahil siya ay tutugon nang may pagsang-ayon. Baka nga ang buong pangyayari ay bunga lamang ng ilang malubhang di-pagkakaunawaan. Kung ang nasa ugat ay ang matinding pagkakapootan, baka naman ang bagay na ito ay puwedeng maayos ninyong dalawa.
Gayunman, madalas na napakahirap matunton ang pinagmulan ng tsismis. At kahit na matunton mo, ang isang nagkasala ay maaaring hindi umamin sa kaniyang kawalang-ingat. Ano kung gayon? Tandaan na si Jesu-Kristo ay biktima ng “pangit na usapan.” (Hebreo 12:3) Si Jesus, gayunman, ay hindi nabahala nang gayon na lamang anupa’t iniwan niya ang kaniyang gawaing pangangaral at umalis upang hanapin ang taong nagsimula ng nakayayamot na usapan. Sa halip, sinabi niya: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng kaniyang mga gawa.”—Mateo 11:19.
Alam ni Jesus na silang makatarungan ay makapapansin ng kaniyang mabubuting gawa at magpapasiyang ang masasakit na usapan ay walang batayan. Sa katulad na paraan, hayaang ang iyong asal ang iyong maging pinakamabuting depensa laban sa tsismis. Yamang ang iyong tunay na mga kaibigan ay nakaaalam ng katotohanan tungkol sa iyo, hindi nila paniniwalaan ang kakatuwang mga istorya. Gayunman, maaari mo ring ipaalam sa kanila na may kasinungalingang kumakalat tungkol sa iyo. Madalas na malaki ang maitutulong nila na mapatahimik ang tsismis sa pamamagitan ng pagtutuwid sa mga nakakausap nila.
Subalit ano kung ang tsismis ay kalat na kalat na? Kalimitan nang hindi naman gaanong kalubha tulad ng iyong sapantaha. Isa pa, ang mga tao ay humihinto rin ng pag-uusap tungkol sa anumang situwasyon. Laging maraming pangyayari ang nagaganap na sa malao’t madali ay mag-aalis ng pansin sa iyo. Samantala, gayunman, huwag magdusa sa pananahimik. Bakit hindi ibahagi ang iyong nadarama sa isang magulang o isa pang maygulang na adulto? Madalas, ang pakikipag-usap sa mga bagay-bagay ay nakatutulong na makita ang problema.
Isang Nakapagtuturong Karanasan
Ang pagiging biktima ng tsismis ay maglalaan sa iyo ng mga pagkakataon na matutuhan ang mahahalagang aral. Halimbawa, sa pagkaranas mo mismo ng kung papaanong nakapipinsala ang walang taros na usapan, bakit hindi magpasiyang huwag kailanman masangkot sa pagkakalat ng mga usap-usapan?
Ang matinding karanasan na matsismis ay maaaring magbunyag ng mga kapintasan sa iyong pagkatao, gaya ng hilig na maghiganti. O maaaring ang iyong labis na pagpapalalo ang siyang problema kaysa sa tsismis mismo. Ang di-nararapat na pagkabahala sa iyong sarili ay magpapangyari na ikaw ay ‘mag-isip nang totoong matayog kaysa nararapat mong isipin.’ (Roma 12:3) Ngayon na ang panahon upang bawasan ang labis na pagiging seryoso.
Bilang paggunita, maaaring mapagtanto mo na ang pagkukulang sa iyong bahagi ang nakatulong sa pagkalat ng tsismis. Halimbawa, ipinagtapat mo ba ang iyong niloloob sa isang kabataang kilala sa pagiging “nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi”? (Kawikaan 13:3) Kung gayon marahil ay mag-iingat ka na sa pagpili ng iyong mapagtatapatan sa susunod. Mag-iingat ka rin na kumilos nang walang kapintasan upang walang dahilan ang iba na magtsismis.—Ihambing ang 1 Pedro 2:15.
Oo, pakitunguhan ang mga bagay-bagay nang mahinahon at may kabaitan, at mapagtatagumpayan mo ang mga kalokohang tsismis—at marahil ay maihinto mo pa nga ito.
[Talababa]
a Tingnan ang “Tsismis—Ano ang Pinsalang Nagagawa Nito?” na lumabas sa Hulyo 8, 1989, na labas ng Gumising!
[Mga larawan sa pahina 18]
Kung minsan posibleng matunton ang pinagmulan ng tsismis at magkaroon ng harap-harapang pakikipag-usap sa isang tsismosa