“Pumaroon Ka sa Langgam”
“PUMAROON ka sa langgam, ikaw na tamad,” sulat ni Haring Solomon, “masdan mo ang kaniyang mga lakad at magpakapantas ka.” Ano ang matututuhan ng isang tamad na tao—o sino pa mang tao tungkol sa bagay na iyan—mula sa isang langgam? Nagpatuloy si Solomon: “Na bagaman walang pangulo, tagapamahala o pinuno, naghahanda ng kaniyang pagkain sa tag-init; at pinipisan ang kaniyang pagkain sa pag-aani.”—Kawikaan 6:6-8.
Maliwanag na tinutukoy ng pantas na hari ang mang-aaning langgam. Sa Israel, gaya rin sa ibang maraming lugar, karaniwang tanawin ang isang nagpapalibut-libot na mang-aaning langgam, na dala-dala ang isang butóng halos sinlaki ng kaniyang sarili. (Tingnan ang itaas sa kaliwa.) Dinadala nito ang natipong suplay ng pagkain sa isang kamalig sa ilalim ng lupa.
Dahil sa nasa ilalim ng lupa, ang “kamalig” ay maaaring maging mamasa-masa sa panahon ng tag-ulan, at ang mga buto ay magsisitubo o aamagin kung hindi maalagaan. Kaya ang mga langgam ay may dagdag na gawain. Karakaraka pagsikat ng araw, ilalabas ng mga manggagawang langgam ang mga buto sa ibabaw upang ang mga ito’y matuyo sa hangin. (Tingnan ang nasa itaas.) At bago lumubog ang araw, kailangang buhatin ng mga langgam ang mga buto pabalik. Ang ilang langgam ay marurunong anupa’t kanilang kinakagat upang alisin ang mga tumutubong dulo ng mga buto pagkatapos na pagkatapos na ang mga ito’y matipon o kapag ang mga ito’y nagpapasimula nang magsitubo.
Hindi nagwawakas ang gawain ng langgam sa paghahanda ng pagkain. May gawain rin silang alagaan ang mga batang langgam. Kailangang bungkusing mahigpit ang mga itlog. Ang mga larva mula sa mga napisa-nang-itlog ay kailangang pakanin. Kailangang alagaan ang mga pupa. Ang ilang langgam ay naglalaan pa man din ng serbisyong air-conditioning. Kapag naging mainit sa araw, kanilang ibinababa ang mga pupa nang mas malalim sa kanilang mga pugad. Kapag papalapit na ang lamig ng gabi, kanilang iniaakyat muli ang mga pupa. Maraming gawain, hindi ba?
Habang lumalaki ang pulutong, kailangang magtayo ng bagong mga silid. Ang mga manggagawang langgam ay gumagamit ng kanilang mga panga upang humukay at ilabas ang lupa. Kadalasan nilang ginagawa ito pagkatapos ng ulan kung kailan malambot ang lupa. Kanila ring hinuhugis ang lupa sa mga “laryo” para sa kanilang proyekto sa inhinyerya—pagtatayo ng mga pader at bubong ng kanilang mga lungga at silid sa ilalim ng lupa.
Lahat nang ito’y ginagawa ng mga langgam nang “walang pangulo, tagapamahala o pinuno.” Kumusta naman ang reyna? Hindi siya nag-uutos. Siya’y nangingitlog lamang at isang reyna sa diwa na siya ang ina ng pulutong. (Tingnan ang pinakataas.) Kahit na walang superbisor upang subaybayan sila o isang foreman upang ipagtulakan silang magtrabaho, ang mga langgam ay walang kapagurang gumagawa ng kanilang mga gawain. Ang isang langgam ay nakitang gumagawa mula alas-sais ng umaga hanggang alas-diyes ng gabi!
May matututuhan ka bang aral mula sa pagmamasid sa langgam? Ikaw ba’y nagsisikap nang husto at pinipilit na mapagbuti ang iyong gawain ikaw ma’y binabantayan o hindi? (Kawikaan 22:29) Ikaw ay pagpapalain sa dakong huli kahit na hindi ito napapansin ng iyong amo. Magtatamasa ka ng isang malinis na budhi at personal na kasiyahan. Gaya ng sinabi ni Solomon: “Ang tulog ng manggagawang tao ay mahimbing, maging siya’y kumakain ng kaunti o marami.”—Eclesiastes 5:12.
Hindi lamang iyan ang ating matututuhan mula sa langgam. Ang mga langgam ay nagpapagal sa pamamagitan ng instinct. Sa katunayan, ang ilang langgam ay napagmasdang sumusunod lamang sa mga bakas na iniwan ng ibang langgam. Sa katapusan sila’y nagsisiikot, paikot-ikot, hanggang sila’y bumagsak at mamatay.
Minsan ba’y nadarama mong ika’y paikot-ikot, laging abala at pagod subalit walang nararating? Kung gayon, panahon na upang suriin mo ang layunin ng iyong pagpapagal at sukatin ang tunay na halaga ng iyong mga tunguhin. Alalahanin ang pantas na payo ni Haring Solomon: “Matakot ka sa tunay na Diyos at sundin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Eclesiastes 12:13.