Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano ang Dapat Gawin Kung Magkasala ang Isang Ministro?
ANG maling paggawi ng mga lider ng relihiyon ay nakatatawag-pansin ngayon sa publiko higit kailanman. Ang mga Protestante ay napahiya sa iskandalosong paggawi ng mga ministro sa TV. Nang mahuli kamakailan ang isang ebanghelista sa telebisyon na kasama ng isang patutot sa ikalawang pagkakataon sa loob ng tatlong taon, sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod na sinabi sa kaniya ng Diyos na ang kaniyang paggawi ay walang pakialam ang iba.
Nag-uulat tungkol sa 25-taóng pag-aaral, ang magasing Time ay nagsasabi: “Tinataya ng isang dating mongheng Benedictine . . . na kalahati ng 53,000 Romano Katolikong mga pari sa E.U. ay sumisira sa kanilang panata ng hindi pag-aasawa.” Gayundin, isang balita noong 1990 tungkol sa maraming paring taga-Canada na nahatulan dahil sa seksuwal na pag-abuso sa mga bata ang nagsabi: “Alin sa hindi pinansin, pinawalang saysay o hindi mabisang tinugon ng mga lider ng simbahan ang mga reklamo ng seksuwal na pag-abuso, kahit na tinanggap nila ang mga reklamong iyon mula sa mga biktima, mga miyembro sa parokya, pulisya, mga social worker at ibang pari.”
“Nito lamang kamakailan,” sabi ng Time, “ang nagkasalang mga pari ay basta inililipat mula sa isang parokya tungo sa isang parokya.” Subalit ngayon na ang mga demanda na isinampa ng mga biktima dahil sa maling paggawi ng mga pari ay umabot ng $300 milyon sa Estados Unidos, ang mga pari ay kadalasang binibigyan ng paggagamot sa isipan bago ibalik sa relihiyosong tungkulin.
Ano ang dapat gawin kung ang isang ministro, isang pari, o isang matanda ay magkasala? Anong patnubay ang ibinibigay ng Bibliya sa kung paano pangangasiwaan ang gayong malungkot na maling paggawi? Suriin natin ang dalawang susing teksto sa Bibliya—Tito 1:7 at 1 Timoteo 3:2.
Dapat na “Walang Maipaparatang”
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang tagapangasiwa [“obispo,” The New American Bible (saling Katoliko)] ay dapat na walang maipaparatang bilang katiwala ng Diyos.” (Tito 1:7) Ibinigay ni Pablo ang utos na ito kay Tito nang atasan niya ito na humirang ng matatanda sa kongregasyon sa Creta. Gayunman, ano ang ibig sabihin ng apostol?
Ang katagang “walang maipaparatang” ay galing sa salitang Griego na a·negʹkle·tos. Nagkokomento tungkol sa salitang ito, ganito ang sabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology: “Ang anenklētos ay kasali sa legal na tagpo ng pagsasakdal sa hukuman, at nagpapahiwatig ng paggawi na walang maipipintas, kung saan walang akusasyon ang maaaring gawin.” Kaya, ang rekord ng isang lalaki ay dapat na maging malinis bago siya ay hirangin na isang matanda; walang maipupula sa kaniya, o akusasyon. At tanging kung siya ay manatiling malaya sa anumang lehitimong paratang na siya ay makapagpapatuloy na manungkulan bilang isang matanda.—Ihambing ang 1 Timoteo 3:10.
Ang isang matanda ay hindi lamang mangunguna sa kongregasyon kundi siya rin ay maglilingkod sa kongregasyon. Pananagutan niya ang kaniyang pagiging katiwala. Siya ang katiwala ng Diyos; pinapastol niya ang mumunting tupa ng Diyos. Kaya, pangunahin nang mananagot siya sa May-ari ng kawan, kay Jehova, at sa bayan na kung saan siya ay binigyan ng Diyos ng pananagutan na mangasiwa.—1 Pedro 5:2, 3.
Dapat na “Walang Kapintasan”
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang tagapangasiwa [“obispo,” NAB] ay dapat nga na walang kapintasan.” (1 Timoteo 3:2) Ang salitang Griego na a·ne·piʹlem·ptos ay isinalin na “walang kapintasan” at literal na nangangahulugang “walang maisusumbat.” Sa ibang salita ang buhay ng isang tagapangasiwa ay dapat na walang anumang maisusumbat o magagamit laban sa kaniya ang isang tagaparatang. Pinalalawak pa ang kahulugan ng salitang Griegong iyon, ang Theological Dictionary of the New Testament ay nagsasabi na ang isang tagapangasiwa ay “hindi maaaring batikusin (kahit ng mga hindi Kristiyano) dahil sa kaniyang moral na paggawi.”
Ang Diyos ang naglalagay ng mataas na mga pamantayan para sa mga mangangasiwa sa kaniyang bayan at magtuturo ng kaniyang Salita. Ganito ang sabi ni Santiago tungkol sa kaniyang sarili at sa iba pang matatanda: “Tayo ay tatanggap ng lalong mabigat na hatol.” At binanggit ni Jesus ang gumagabay na simulaing ito: “Sinumang pinagkatiwalaan ng marami, ay lalo nang marami ang hihingin sa kaniya.”—Santiago 3:1; Lucas 12:48.
Samakatuwid, kung ang isang tagapangasiwang Kristiyano ay hayagang magkasala subalit siya ay nagsisisi, maaari siyang manatiling isang miyembro ng kongregasyon, subalit dapat siyang alisin sa kaniyang tungkulin bilang tagapangasiwa. Hindi na siya walang kapintasan. Maaaring kumuha ng ilang taon upang muli siyang makagawa ng isang mabuting pangalan upang minsan pang maging walang anumang maipaparatang. Ang kaso niya ay maitutulad sa katiwala ni Hezekias, si Shebna. Dahil sa kaniyang maling paggawi siya ay sinaway ni Jehova ng mga salitang: “Aalisin kita sa iyong katungkulan; at sa iyong kinaroroonan ay ibubuwal ka.” Ngunit nang maglaon muling nakamit ni Shebna ang kaniyang mabuting pangalan sapagkat ating mababasa na siya ay muling nasa paglilingkod ng hari bilang kalihim.—Isaias 22:15-22; 36:3.
Kumusta Naman Kung ang Isang Ministro ay Hindi Nagsisisi?
Ipinahihintulot ng maraming relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang mga ministro na gumagawa ng kasalanan. Noong 1459 si kardinal Rodrigo Borgia ay naging bise-kansilyer ng papa, ang pinakamataas na administratibong tanggapan sa Katolikong Curia. Dahil sa kaniyang bantog sa kasamaang imoralidad, siya ay sinaway ni Papa Pio II. Gayunman, bagaman siya ay nagkaanak ng apat na anak sa labas, noong 1492 siya ay hinirang ng kolehiyo ng mga kardinal sa pagkapapa! Siya’y nagpatuloy sa kaniyang iskandalosong karera bilang si Papa Alejandro VI. Ang pagpapahintulot sa hindi nagsisisi, masamang mga ministro sa buong kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan ay walang alinlangang nakatulong sa kabulukan na nakikita natin sa kaniya ngayon. Ano, kung gayon, ang dapat gawin kung ang isang ministro ay hindi nagsisisi?
Ang isang ministrong Kristiyano na gumagawa ng maselang kasalanan at hindi nagpapakita ng katibayan ng pagsisisi ay dapat na itiwalag sa kongregasyon. Si apostol Pablo ay sumulat: “Huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid o masakim o mananamba sa diyus-diyusan o mapagtungayaw o lasenggo o mangingikil, huwag man lamang kayong makisalo sa pagkain sa ganoong tao. . . . ‘Alisin nga ninyo sa gitna ninyo ang taong balakyot.’ ”—1 Corinto 5:11-13.
Ipinagsasanggalang ng matatag na aksiyon ang pangalan ng kongregasyon at ibinubukod ito sa mga ‘hayagang nagsasabing nakikilala nila ang Diyos ngunit ikinakaila siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.’ Ang paraan kung paano pinangangasiwaan ng isang relihiyon ang problema tungkol sa isang ministro na nagkasala ay tutulong sa iyo na makilala kung ang relihiyong iyon ay talagang Kristiyano.—Tito 1:16; Mateo 7:15, 16.
[Larawan sa pahina 26]
Papa Alejandro VI
[Credit Line]
Alinari/Art Resource, N.Y.