Maaari Kang Magsalita sa Harap ng mga Tagapakinig!
MAY pagpapatawang nagugunita ni Marie ang kaniyang unang pagsisikap na magsalita sa harap ng isang malaking grupo. “Pagkaraan ng ilang sandali ng aking pahayag,” sabi niya, “ako’y hinimatay!”
Bagaman sobra, inilalarawan ng karanasan ni Marie ang pag-ayaw ng marami sa pagsasalita sa madla. Ipinalalagay ito ng ilan bilang isang kapalaran na masahol pa sa kamatayan! Ito ay isiniwalat sa isang surbey na nagtatanong, “Ano ang kinatatakutan mo sa lahat?” Gaya ng inaasahan, “matataas na dako,” “pinansiyal na mga problema,” “pagsakay sa eruplano,” “malubhang karamdaman,” at “kamatayan” ang nangunguna sa listahan. Subalit ang nangunguna sa lahat ng ito—ang numero unong kinatatakutan—ay ang “pagsasalita sa harap ng isang grupo”!
Kahit na ang kilalang mga lalaki sa Bibliya ay nagpahayag ng takot noong una sa pagsasalita sa madla. “Talagang hindi ako marunong magsalita,” sabi ni Jeremias. “Ako’y bata.” (Jeremias 1:6) Ang reaksiyon ni Moises sa kaniyang atas ay: ‘Ako’y hindi marikit mangusap. Magsugo ka ng iba, isinasamo ko sa iyo.’ (Exodo 4:10, 13) Gayunman, kapuwa si Jeremias at si Moises ay naging magaling na mga tagapagsalita, nagsasalita sa harap ng prominenteng mga pinuno at maraming tao.
Maaari ring mangyari iyan sa iyo. Ang pagsasalita sa madla ay isang natatagong kakayahan na maaaring linangin ng sinuman. Maaari mong madaig ang takot ng pagsasalita sa madla sa pagsunod sa mga mungkahing ito:
1. Huwag Bansagan ang Iyong Sarili
“Masyado akong mahiyain.” “Napakabata ko pa.” “Napakatanda ko na.” “Mapag-alala ako sa aking katayuan.” Mga halimbawa ito ng pagbabansag sa sarili. Hinahadlangan ka nito sa pag-abot sa mga tunguhin na maaaring abutin.
Ang mga bansag ay kadalasang nagkakatotoong mga hula. Halimbawa, ang isang taong binabansagan ang kaniyang sarili na “mahiyain” ay patuloy na ipipinid ang pinto sa mga pagkakataon na humahamon sa kaniya na pagtagumpayan ang pagkamahiyain. Ang paggawing ito, naman, ay kumukumbinsi sa kaniya na siya nga ay mahiyain. Kaya isang siklo ang nalilikha kung saan ikinikilos at pinatutunayan niya ang pagbabansag niya sa sarili. Isang sikologo ay nagsabi: “Kung ikaw ay naniniwala na hindi mo magagawa ang isang bagay, . . . gayon ang ikikilos mo, at magiging gayon ka pa nga.”
Si Dr. Lynne Kelly ng University of Hartford (E.U.A.) ay nagsasabing ang pagkamahiyain ay maaaring maging isang natutuhang pagtugon. Kung ano ang ating natutuhan, maaari nating maalis. Totoo rin ito kung tungkol sa pag-aalala sa sariling katayuan, nerbiyos sa pagharap sa mga tagapakinig, at iba pang hadlang sa pagsasalita sa madla.
2. Gawing Kapaki-pakinabang Para sa Iyo ang Nerbiyos
Isang matagal nang artista ang minsa’y tinanong kung siya ay nininerbiyos pa rin bago ang isang pagtatanghal pagkalipas ng mga taon ng karanasan. “Siempre,” aniya. “Nininerbiyos pa rin ako bago ang bawat pagtatanghal. Subalit sa nakalipas na mga taon, nagagawa kong masupil ang aking nerbiyos.”
Ang layunin, kung gayon, ay supilin ang nerbiyos, hindi ang alisin ito nang lubusan. Bakit? Sapagkat hindi lahat ng nerbiyos ay masama. May dalawang uri ng nerbiyos. Ang isa ay dahil sa kakulangan ng paghahanda. Subalit ang isa naman ay mas positibong pagkabalisa. Ang uring ito ng nerbiyos ay mabuti para sa iyo sapagkat uudyukan ka nito na gawin mo ang pinakamahusay. Pinatutunayan lamang ng nerbiyos na ito na ikaw ay nababahala. Upang mabawasan ang nerbiyos, subukin ang sumusunod:
Isipin ang iyong pahayag bilang isang pakikipag-usap sa halip na isang talumpati. “Ito ay karaniwang pagsasalita lamang,” sabi ng beteranong si Charles Osgood, “at ikaw ay nagsasalita sa lahat ng panahon.” Panlahat, ang mga tagapakinig ang taong kinakausap mo. Kung minsan maaaring angkop na magrelaks at ngumiti. Mientras parang pag-uusap lamang ang iyong paraan ng pagsasalita, mas relaks ka. Gayunman, may mga panahon na ang materyal at ang okasyon ay humihiling ng mas pormal, seryoso, at dinamikong tono pa nga.
Tandaan na ang tagapakinig ay nasa iyong panig! Kahit na kung nahahalata ang nerbiyos, karamihan ng mga tagapakinig ay may empatiya. Kaya ituring ang mga tagapakinig bilang iyong kaibigan. Nais nilang magtagumpay ka! Ipalagay mong sila ang iyong mga bisita, at ikaw mismo ang maypabisita. Sa halip na isipin na dapat kang gawing komportable ng mga tagapakinig, sabihin mo sa iyong sarili na bilang maypabisita ay gagawin mo silang komportable. Ang pagbaligtad sa iyong pag-iisip sa ganitong paraan ay tutulong upang mabawasan ang iyong nerbiyos.
Ituon ang iyong isip sa iyong mensahe, hindi sa iyong sarili. Isipin mo ang iyong sarili bilang isang mensahero na naghahatid lamang ng isang telegrama. Ang mensahero ay hindi gaanong pinapansin; ang telegrama ang gusto ng tumatanggap. Gayundin kung ikaw ay nagpapahayag ng isang mensahe sa mga tagapakinig. Ang pansin ay pangunahin nang nasa mensahe, hindi sa iyo. Mientras mas masigla ka tungkol sa mensahe, hindi mo gaanong papansinin ang iyong sarili.
Huwag kumain nang labis bago ang pahayag. Natatandaan ng isang propesyonal na tagapagsalita na siya’y kumain nang husto bago siya nagpahayag ng dalawang-oras na lektyur. Tungkol sa kaniyang pahayag, gunita niya: “Ang dugo na dapat sana’y nasa utak ko ay nasa tiyan ko na nakikipagbuno sa bistik at mga patatas.” Ang pagkain nang marami ang maaaring maging pinakamasama mong kalaban kapag ikaw ay nagsalita sa harap ng mga tagapakinig. Bantayan din kung ano ang iyong iniinom. Ang caffeine ay maaaring magpanerbiyos sa iyo. Papupurulin ng alkohol ang iyong diwa.
Maaaring sa tuwina’y maranasan mo ang silakbo ng nerbiyos kapag ikaw ay nagsisimulang magsalita sa harap ng mga tagapaking. Subalit sa pagluluwat, masusumpungan mo na ang nerbiyos sa simula ay wala kundi iyon—nerbiyos sa simula, na naglalaho pagkatapos mong magsimulang magsalita.
3. Maghanda!
“Ang isang pahayag ay isang paglalakbay na may layunin, at ito ay dapat na gawan ng plano,” sabi ni Dale Carnegie. “Ang taong nagsasalita nang walang layunin, at karaniwang walang patutunguhan.” Upang may marating ka, dapat ay maghanda kang mainam. Ang kakayahang magaling magsalita ay hindi kaloob sa iyong tagapakinig. Kaya paano ka maghahanda?
Magsaliksik at suriing mabuti. Huwag padaskul-daskol sa pagsasaliksik. “Ang tanging paraan upang maging komportable sa harap ng mga tagapakinig ay ang alamin mo kung ano ang iyong sinasabi,” sabi ng dalubhasa sa komunikasyon na si John Wolfe. Maging dalubhasa sa iyong paksa. Magtipon ng maraming impormasyon kaysa magagamit mo. Pagkatapos ay suriing mabuti ang iyong materyal, inihihiwalay ang impormasyong hindi magagamit mula sa magagamit na impormasyon. Kahit ang impormasyong hindi magagamit ay hindi masasayang—ito ay magbibigay sa iyo ng karagdagang pagtitiwala sa impormasyon na gagamitin mo.
Mag-isip. ‘Kumain, matulog, at pag-isipan ang iyong paksa. Pag-isipan ito sa lahat ng pagkakataon sa araw. “Pag-isipan mo ito sa loob ng pitong araw; panaginipan mo ito sa loob ng pitong gabi,” sabi ni Dale Carnegie. Si apostol Pablo ay nagpayo kay Timoteo: “Palaging asikasuhin mo ang iyong sarili at ang iyong turo.” Ngunit bago sabihin ito, si Pablo ay nagpayo: “Bulay-bulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito.” Oo, ang mahusay na tagapagsalita ay mahusay munang nagbubulay-bulay.—1 Timoteo 4:15, 16.
Magbulay-bulay hanggang sa madaig ng kahalagahan at pagkaapurahan ng iyong mensahe ang iyong nerbiyos. Iyan ang nagpangyari kay Jeremias na sabihin ang kaniyang mensahe. “Sa aking puso ay naging parang nag-aalab na apoy iyon na nakukulong sa aking mga buto; at ako’y napagod nang kapipigil, at hindi ko na mapigil.” (Jeremias 20:9) At ito’y mula sa mismong tao na sa simula’y nagsabi tungkol sa kaniyang atas: ‘Hindi ako marunong magsalita.’
Isaalang-alang ang iyong mga tagapakinig. Isuot ang iyong pinakapresentableng kasuutan. At, ang iyong materyal na sinaliksik ay dapat na ibagay sa iyong mga tagapakinig. Kaya isaalang-alang ang kanilang pag-iisip: Ano ang kanilang mga paniwala? Ano ang nalalaman na nila tungkol sa iyong paksa? Paano babagay ang iyong materyal sa kanilang pang-araw-araw na buhay? Mientras tinatalakay mo ang mga tanong na ito, lalong makikinig nang husto ang tagapakinig, itinuturing ang iyong impormasyon na nababagay sa kanilang espisipikong mga pangangailangan.
Paggawa ng Pinakamagaling na Pagsisikap
Ang daigdig ngayon ay naglalaman ng lahat halos ng paraan ng kagyat na komunikasyong maiisip ng tao. Gayunman “sa karamihan ng mga kalagayan,” sabi ng aklat na Get to the Point, “ang pinakamabisang paraan ng komunikasyon ay tao sa tao.” Ang nabanggit na mga mungkahi ay dapat na makatulong sa iyo na maging dalubhasa sa gayong komunikasyon. Sa halip na mag-atubili dahil sa takot, masusumpungan mo na ikaw ay maaaring magsalita sa harap ng mga tagapakinig!
[Kahon sa pahina 22]
Mga Ehersisyong Nakapagpapahinahon-sa-Nerbiyos
Kung ipinahihintulot ng kalagayan, maaaring bawasan ng sumusunod na ehersisyo ang nerbiyos bago humarap sa mga tagapakinig.
● Pihit-pihitin ang iyong mga daliri, iwagwag ang iyong galang-galangan at kamay. Itaas ang mga balikat, pagkatapos ay irelaks ito. Ulitin ito ng ilang beses.
● Iyuko ang ulo sa harap, pagkatapos ay ikilos ito sa magkabi-kabila.
● Ikilos ang panga sa magkabi-kabila. Ibuka nang husto ang bibig.
● Humiging nang marahan, pagsalit-salitin ang mataas at mababang tono.
● Huminga nang mabagal at malalim.
[Kahon sa pahina 23]
Pagpapabuti sa Pahayag
Ibagay sa dami ng mga tagapakinig. Sa maraming tagapakinig, kailangan mo ng mas malakas na tinig. Ang mga kumpas ay dapat na mas malawak, at ang tinig ay mas masigla.
Lagyan ng buhay ang iyong tinig. Isip-isipin ang pagtugtog ng isang instrumento sa musika na iisa lamang ang nota! Ang iyong tinig ang iyong instrumento. Kung ang iyong pahayag ay “isang-nota”—walang pagbabago ng tinig—papagurin mo ang iyong mga tagapakinig.
Bantayan ang iyong tindig. Ang paghuhukot ay nagpapahiwatig ng kawalang-bahala. Ang paninigas naman ay nagpapahiwatig ng kabalisahan. Sikaping maging timbang—relaks at alisto, ngunit hindi nagwawalang-bahala at maigting.
Kumpas. Hindi lamang ito para sa pagdiriin. Ang pagkumpas ay nagrerelaks sa mga kalamnan at pinabubuti ang paghinga, pinahihinahon ang tinig o nerbiyos.
Magdamit nang mahinhin. Ikaw ang nagdadala ng mensahe, hindi ang iyong mga damit. Ang opinyon ng mga tagapakinig tungkol sa iyong hitsura ay kasinghalaga kung hindi man mas mahalaga kaysa iyong opinyon.
Panatilihin ang pagtingin sa mga tagapakinig. Kapag ikaw ay naghahagis ng isang bola sa isang laro ng bola, tinitingnan mo kung ito ay nasasambot. Ang bawat kaisipan sa iyong pahayag ay isang “hagis” sa tagapakinig. Ang “pagsambot” ay ipinahihiwatig ng kanilang tugon—isang pagtango, isang ngiti, isang atentibong tingin. Panatilihin ang mabuting pagtingin sa mga tagapakinig upang matiyak na ang iyong mga idea ay “nasasambot.”