Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Magiging Isang Matagumpay na Tagapagsalita sa Madla?
“Naiisip kong ang nakikita lamang ng mga tao ay ang bawat pagkakamali ko at kawalang-kumpiyansa ko. Hindi ako makapagtuon ng pansin sa aking pagsasalita. Pakiramdam ko’y palihim nila akong pinagtatawanan.”—Sandy.a
PUNUNG-PUNO ng mga tao ang awditoryum ng paaralan. Narinig mong inianunsiyo ang pangalan mo sa sound system, at biglang-bigla, ang lahat ay nakatingin sa iyo. Ang ilang hakbang na papunta sa podyum ay parang isang kilometro ang layo. Nagsimulang magpawis ang iyong mga kamay, manghina ang iyong mga tuhod, at waring nanuyo nang husto ang iyong bibig sa di-malamang kadahilanan. Pagkatapos, bago mo pa mapigilan ito, tumulo ang isang malaking patak ng pawis sa iyong pisngi. Talagang nakakahiya! Alam mo namang hindi ka haharap sa isang firing squad, pero parang ganoon ang iyong pakiramdam.
Aminin natin: Ang karamihan sa atin ay natatakot na magsalita sa harap ng iba. (Jeremias 1:5, 6) Sinabi pa nga ng ilang tao na mas takót pa silang magsalita sa madla kaysa sa mamatay! Anuman ang nadarama mo hinggil dito, maraming mabubuting dahilan kung bakit dapat kang maging interesado sa pagsasalita sa madla. Tingnan natin ang ilan sa mga ito at isaalang-alang kung paano ka magiging isang matagumpay na tagapagsalita.
Hinihiling na Magsalita
“Ang pagsasalita sa madla ay isang kasanayan na kailangan ng lahat.” Ganiyan ang sinabi ng anunsiyo para sa isang kurso tungkol sa pagsasalita sa madla. Oo, sa malao’t madali, baka kailanganin mong humarap sa madla. Ang isang dahilan nito ay itinataguyod ang pagsasalita sa madla sa maraming paaralan. Naaalaala ng kabataang babae na nagngangalang Tatiana: “Maraming beses na kinailangan kong magsalita sa harap ng aking mga kaklase sa paaralan.” Mula sa mga oral na report at book review hanggang sa mga multimedia presentation at debate, madalas na kailangang maging handang magsalita ang mga estudyante.
Kapag nagtrabaho ka na sa kalaunan, baka hilingan kang magturo sa isang grupo ng mga katrabaho, magharap ng isang panukala sa isang kliyente, o magpaliwanag ng isang pinansiyal na report sa isang ehekutibong komite. Sa katunayan, ang mga kasanayan sa pagsasalita ay kapaki-pakinabang sa maraming trabaho, kalakip na ang mga trabaho hinggil sa journalism, management, pangmadlang pakikipag-ugnayan, at sa pagbebenta.
Gayunman, paano kung piliin mong magtrabaho bilang isang trabahador o isang klerk sa opisina? Buweno, ang pagiging mahusay magsalita sa isang interbyu sa trabaho ay maaaring mangahulugan ng pagkatanggap sa trabaho o hindi. Sa mismong trabaho, ang kakayahan mong ipahayag ang iyong sarili ay isang positibong bentaha. Nagtrabaho si Corrine nang tatlong taon bilang isang waitress pagkatapos niyang mag-aral. Sinabi niya: “Kung mahusay kang magsalita, itinuturing kang isa na higit na maygulang at may kakayahang humawak ng mas maraming responsibilidad. Baka mangahulugan pa nga ito ng mas magandang trabaho, mas mataas na sahod, o higit na paggalang sa paanuman.”
Kahuli-hulihan, madalas na nagsasalita ang mga kabataang Kristiyano sa harap ng iba dahil bahagi ito ng kanilang pagsamba. (Hebreo 10:23) “Mahalagang maipahayag mo nang malinaw ang iyong sarili,” ang sabi ni Taneisha. “May pribilehiyo tayong mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.” (Mateo 24:14; 28:19, 20) Sa kongregasyon at sa kanilang pangmadlang ministeryo, hindi magagawa ng mga kabataang Kristiyano na “tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na [kanilang] nakita at narinig.”—Gawa 4:20; Hebreo 13:15.
Kung gayon, ang pagkatuto ng maiinam na kasanayan sa pagsasalita ay maaaring kapaki-pakinabang sa iyo sa iba’t ibang paraan. Magkagayunman, maaari ka pa ring mabalisa sa pag-iisip na ikaw ay magsasalita sa harap ng madla. May magagawa ka ba para madaig ang iyong kaba? Oo, mayroon.
Pagdaig sa Iyong Pagkatakot
“Hindi mo naman kailangang maging napakahusay o perpekto upang magtagumpay,” ang sabi ni Dr. Morton C. Orman, isang eksperto hinggil sa kaigtingan at isang propesyonal na tagapagsalita sa madla. “Ang pinakatunguhin ng pagsasalita sa madla ay ito: ibahagi mo sa iyong mga tagapakinig ang isang mahalagang bagay.” Sa ibang salita, magtuon ng pansin sa iyong mensahe, hindi sa iyong sarili o sa iyong mga kabalisahan. Inakala ng ilang tao noong sinaunang siglo na si apostol Pablo ay hindi siyang pinakamahusay na tagapagsalita, ngunit dahil palagi siyang may mahalagang sasabihin, mabisa pa rin siya. (2 Corinto 11:6) Sa katulad na paraan, kung may ihaharap kang mahalagang bagay na talagang pinaniniwalaan mo, mas madaling maglalaho ang iyong kaba.
Si Ron Sathoff, isa pang kilaláng tagapagsalita at tagapagsanay, ay nagbigay ng ganitong mungkahi: Huwag mong isiping isang palabas ang iyong pahayag. Ituring mo ito na isang pakikipag-usap. Oo, sikaping makipag-usap sa iyong mga tagapakinig, hindi bilang isang malaking grupo, kundi bilang isa o dalawang indibiduwal sa isang pagkakataon, kagaya ng ginagawa mo sa pangkaraniwang pag-uusap. Magpakita ng tunay at personal na interes sa iyong mga tagapakinig, at magsalita sa kanila sa karaniwang paraan ng iyong pagsasalita. (Filipos 2:3, 4) Kapag ang iyong paraan ng pagsasalita ay parang nakikipag-usap lamang, magiging mas relaks ka.
Ang isa pang karaniwang dahilan ng pagkabalisa ay ang pagkatakot na mapahiya o mapuna ng iyong mga tagapakinig. Ipinaalaala sa atin ni Lenny Laskowski, isang propesyonal na tagapagsalita at tagapagsanay, na ang mga tagapakinig ay karaniwan nang may positibong pananaw sa bawat presentasyon. “Gusto nilang magtagumpay ka—hindi mabigo,” ang sabi ni Laskowski. Kaya magkaroon ng positibong saloobin. Kung posible, sikaping batiin ang ilan sa mga tagapakinig habang dumarating sila. Pagsikapang ituring sila na mga kaibigan, hindi mga kaaway.
Tandaan din na ang kaba ay hindi naman talagang masama. “Salungat sa karaniwang paniniwala,” ang sabi ng isang eksperto, “ang kaba ay mabuti sa iyo at sa iyong presentasyon.” Bakit gayon? Sapagkat ang isang antas ng kaba ay nagpapakita ng kahinhinan, na tutulong sa iyo na maiwasan ang labis na pagtitiwala sa sarili. (Kawikaan 11:2) Maraming atleta, manunugtog, at artista ang nakadarama na ang kaunting kaba ay sa katunayan nakatutulong sa kanila na maging mas mahusay sa kanilang pagtatanghal, at maaaring maging totoo rin iyan sa mga tagapagsalita sa madla.
Mga Mungkahi Upang Magtagumpay
Sa pamamagitan ng pagkakapit nito at ng iba pang mga ideya, ang ilang kabataang Kristiyano ay nakapagtamo na ng karanasan at tagumpay bilang mga tagapagsalita sa paaralan, sa trabaho, at sa kanilang mga kongregasyon. Tingnan mo kung makatutulong sa iyo ang ilan sa kanilang mga mungkahi.
Jade: “Ipahayag mo ang materyal sa sarili mong pananalita. Kumbinsihin mo ang iyong sarili hinggil sa mga kapakinabangan ng sasabihin mo. Kung sa palagay mo ay mahalaga ang iyong pahayag, gayundin ang iisipin ng mga tagapakinig.”
Rochelle: “Nasumpungan kong nakatutulong ang pagvi-videotape sa aking sarili. Makikita mo ang mga pagkakamali mo pero kapaki-pakinabang naman ito. Isa pa, sikapin mong pumili ng paksang nagugustuhan mo. Lalabas ito sa iyong pahayag.”
Margrett: “Nasusumpungan kong mas natural at mas parang nakikipag-usap lamang ako kapag gumagamit ako ng balangkas sa halip na isulat ang bawat salitang sasabihin ko. Karagdagan pa, ang paghinga nang malalim bago ako magsalita ay nakatutulong sa akin na maging kalmado.”
Corrine: “Huwag kang matakot na tawanan ang iyong sarili. Ang lahat naman ay nagkakamali. Gawin mo lamang ang pinakamagaling mong magagawa.”
Siyempre pa, sa anumang gawain, kagaya ng sa isport, sining, o musika, walang kapalit ang karanasan at maraming beses na pag-eensayo. Iminumungkahi ni Tatiana na ihanda ang iyong pahayag nang patiuna upang magkaroon ka ng sapat na panahon sa pag-eensayo. At huwag kang susuko. “Miyentras mas madalas akong magsalita sa harap ng iba,” ang sabi niya, “mas nawawala ang kaba ko.” Gayunman, may isa pang pinagmumulan ng tulong na hindi mo dapat kalimutan, lalo na kapag ikaw ay hiniling na magsalita upang itaguyod ang tunay na pagsamba.
Tulong Mula sa Dakilang Tagapagpahayag
Bilang kabataang lalaki, si David, ang magiging hari noon ng Israel, ay mayroon nang reputasyon bilang “isang matalinong tagapagsalita.” (1 Samuel 16:18) Bakit gayon? Lumilitaw na noong kaniyang kabataan, sa maraming oras na kaniyang ginugol sa ilalim ng malawak na kalangitan habang nag-aalaga ng tupa, nilinang ni David ang isang malapít na kaugnayan sa Dakilang Tagapagpahayag, ang Diyos na Jehova, sa pamamagitan ng panalangin. (Awit 65:2) Ang kaugnayan namang ito ang naghanda sa kaniya na magsalita nang may kalinawan, puwersa, at panghihikayat kahit sa ilalim ng mahihirap na kalagayan.—1 Samuel 17:34-37, 45-47.
Makatitiyak ka na sa landas ng iyong pagsamba, tutulungan ka rin ng Diyos na magsalita nang may panghihikayat, kagaya ng pagtulong niya kay David, anupat ipagkakaloob sa iyo ang “dila ng mga naturuan.” (Isaias 50:4; Mateo 10:18-20) Oo, sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga pagkakataong pasulungin ang iyong mga kakayahan sa pagsasalita sa ngayon, maaari kang maging isang mabisang tagapagsalita sa madla!
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
[Kahon sa pahina 18]
Sinanay Bilang mga Tagapagsalita
Sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa, may lingguhang salig-Bibliyang programa ng pagtuturo na tinatawag na Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Nakikibahagi ang mga estudyante sa mga talakayan sa paaralan, nagbibigay ng mga presentasyon sa harap ng kongregasyon, at tumatanggap ng personal na tulong upang sumulong sila. Mabisa ba ang programa? Hayaan mong ilahad ng 19-na-taóng-gulang na si Chris ang kaniyang karanasan.
“Bago ako nagpatala sa paaralan, hindi ako palagay sa mga taong nakapalibot sa akin,” ang sabi niya. “Hinding-hindi ko man lamang inisip na makapagsasalita ako sa entablado sa harap ng mga tagapakinig. Ngunit pinasigla ako ng ilan sa kongregasyon, na sinasabing kahit magsalita ako nang pautal-utal, masisiyahan naman sila rito, yamang nalalaman nila kung gaano kalaking pagsisikap ang ginawa ko para makatayo roon. Pagkatapos ng bawat pahayag ko, pinapurihan nila ako. Malaking tulong iyon.”
Ngayon, pagkalipas ng limang taon sa paaralan, naghahanda si Chris upang iharap ang kaniyang unang 45-minutong lektyur. Sinasamantala mo ba ang paglalaang ito?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang pagiging bihasang tagapagsalita ay makatutulong sa iyo sa lahat ng pitak ng buhay