Ang Magagandang Paruparong Ito ay Nakalalason?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA
NAKAPAGMASID ka na ba na bighaning-bighani habang ang isang paruparo ay lilipad-lipad? Humanga ka ba sa taglay na ganda, disenyo, at mga kulay nito? Habang ito’y palipat-lipat sa mga bulaklak, waring ito ay nanunukso sa iyo. Maaaring ibig mo na pagmasdan ito nang mas malapit, marahil kunan ng larawan, subalit waring ito ay hindi nagtatagal sa isang bulaklak—at waring laging pinapagaspas nito ang kaniyang mga pakpak. Subalit alam mo ba na ang ilan sa nakatutuwang mga nilalang na ito ay inaakalang nakalalason?
Suriin nating mabuti ang dalawa sa mga pahinang ito—ang monarch (sa kanan), taglay ang malaking itim at dalandan-kayumangging mga pakpak nito, at ang viceroy (itaas), na halos kahawig na kahawig ng monarch, bagaman ito’y karaniwang mas maliit. Ano ang nagpapangyari sa mga ito na nakalalason, at sa anong layunin ito nagsisilbi?
Ang mga paruparo, na may mahigit na 15,000 uri, ay dumaraan sa apat na yugto ng pagbabago upang maging magagandang may pakpak na mga nilalang na ating nakikita sa ating mga halamanan. Ang isa sa mga yugtong ito ay pagiging larva, o uod. Ang uod na monarch ay kumakain ng nakalalasong milkweed, at sa gayon, ito’y sinasabing nagiging “isang tunay na nakalalasong paruparo, malamang na makamatay sa anumang ibon na makakakain nito at hindi ito maisuka agad,” sulat ni Tim Walker sa Science News. Ang lason ay cardenolide, isang lason sa puso. Kumusta naman ang paruparong viceroy?
Ganito ang sabi ni Walker: “Sa loob ng mahigit na sandaang taon, ang karaniwang palagay ay na itinatago ng may pakpak na insektong ito ang katakam-takam na katawan na nakakubli sa mga kulay ng isang nakalalasong paruparong monarch, Danaus plexippus.” Gaya ng iyong makikita mula sa mga larawan, ang dalawang paruparo ay may magkatulad na magkatulad na disenyo maliban sa itim na panloob na linya sa dakong baba ng mga pakpak ng viceroy. Sa loob ng nakalipas na 100 taon, inakala ng mga ebolusyunista na ang viceroy ay nagbago ng disenyo ng pakpak na katulad sa nakalalasong monarch upang sikaping maiwasan ang mga pagsalakay ng mga ibon na natutong lumayo mula sa masamang-lasa na paruparong ito. Maliban pa riyan, akala noon, ang viceroy ay katakam-takam sa mga ibon.
Ano ang natuklasan kamakailan ng mga nagsusuri? Ganito ang sulat ni Walker: “Gayunman, ipinakikita ng mga bagong pagsusuri na matagumpay na nalinlang ng viceroy ang mga siyentipiko, hindi ang mga ibon. . . . Ipinakita ng dalawang dalubhasa sa hayop na para sa nakauunawang mga ibon, ang viceroy ay maaaring kasinsama ng lasa ng nakalalasong monarch.” Subalit bakit masama ang lasa ng viceroy, lalo na yamang ang mga uod nito ay kumakain ng walang-lason na halamang willow, hindi ang nakalalasong mga halaman? Ang sulat ni Walker: “Ipinakikita nito na ang mga paruparong viceroy sa paano man ay gumagawa ng sarili nilang kemikal na panlaban.”
Sa katunayan, sinasabi ng kasalukuyang kalagayan ng entomolohiya (kadalubhasaan sa insekto) na ang mga dalubhasa ay marami pa ring dapat alamin at dapat marahil ay di-gaanong nagtitiwala sa kanilang “karaniwang palagay.” Ganito ang sulat ng isang kritiko tungkol sa pinakahuling aklat tungkol sa paruparong monarch: “Ipinakikita ng kamangha-manghang aklat na ito sa atin na mientras mas marami tayong natututuhan tungkol sa monarch may matibay na paniniwala na higit na wala tayong ‘alam.’”
Sa halip, ito’y tulad ng sinabi ng Bibliya: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.”—Apocalipsis 4:11.
Maliwanag na marami pang dapat malaman ang tao tungkol sa lahat ng anyo ng buhay sa lupa. Ang isang pangunahing hadlang sa tumpak na kaalaman ay ang pagtanggi ng maraming siyentipiko na tanggapin ang pag-iral at lubusang bahagi ng Maylikha-Disenyador. Isinulat ni Paul Davies, isang propesor sa matematika ng pisika, sa kaniyang aklat na The Mind of God: “Walang alinlangan na maraming siyentipiko ang likas na salungat sa anumang anyo ng sobrenatural na . . . mga pangangatuwiran. Nililibak nila ang kaisipan na maaaring may umiiral na Diyos, o maging ng di-personang mapanlikhang simulain o ng pagiging gayon na maaaring makapagpatibay sa katotohanan . . . Para sa akin hindi ako nakikibahagi sa kanilang panlilibak. . . . Hindi ako makapaniwala na ang ating pag-iral sa sansinukob na ito ay basta nagkataon lamang, isang di-sinasadyang pangyayari sa kasaysayan, di-sinasadyang sinag sa pagkalaki-laking kosmikong kalagayan.”
Ganito ang sulat ng salmistang si David: “Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso: ‘Walang Jehova.’ Sila’y kumilos tungo sa kapahamakan, sila’y kumilos sa paggawa ng mga bagay na kasuklam-suklam.” Sa kabilang dako, ang taong pantas ay may kapakumbabaang kikilalanin ang Maylikha, gaya ng sinabi ng propetang si Isaias: “Sapagkat ganito ang sabi ni Jehova, na Maylikha ng langit, Siyang tunay na Diyos, ang Nag-anyo ng lupa at ang Gumawa nito, Siyang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, at kaniyang ginawa ito upang tahanán: ‘Ako ay si Jehova, at wala nang iba.’ ”—Awit 14:1; Isaias 45:18.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Monarch (itaas), viceroy (pahina 16). Ang malaking pagkakaiba ay ang itim na linya sa dakong likuran ng mga pakpak ng viceroy. (Ang mga larawan ay hindi ayon sa aktuwal na laki)