Paglitrato sa Isang Paruparo
IKAW ba’y nakasubok nang kumuha ng litrato ng isang paruparo? Maaaring iyon ay nakayayamot na karanasan at isang pagsubok sa pagtitiis. Sila’y patuloy na pumapagaspas sa kanilang wari bang walang-tigil na paghahanap ng pagkain at maiinom, bihira kang bigyan ng pagkakataon na makakuha ng magandang larawan. At kapag sila’y lumapag at ibinuka ang kanilang mga pakpak at sinusubukan mong makakuha ng magandang pokus, ang paruparo ay alin sa isinasara ang mga pakpak nito o lumilipad na!
Kaya’t isip-isipin ang aking reaksiyon nang isang kaibigan sa Sydney, Australia ang nagsabi: “Pumunta tayo sa Butterfly House sa Mittagong.” Ito ang aking pagkakataon na makita ang mga paruparo nang malapitan at marahil makakuha ng magagandang larawan sa ilalim ng tamang-tamang mga kalagayan.
Nang kami’y pumasok sa lugar na kung saan malayang nakalilipad ang mga paruparo sa likas na kapaligiran, agad naming napag-alaman na kami’y nasa isang kontroladong tropikong kalagayan, ang lugar ay may insulasyon upang huwag maapektuhan ng pagbabago ng temperatura sa labas. Mahalaga ito upang mapanatiling buháy ang mga paruparo. Sa paligid namin ay palipat-lipat ang maririkit na nilalang na ito sa mga halaman. Pagpasok na pagpasok namin, nakita namin ang isang magandang kulay-dalandan na paruparong monarch na nangingitlog sa sintunis. Sa Australia ang monarch ay kilala bilang layás. Narating nito ang isla-kontinente mula sa Hilagang Amerika noong 1870 at ngayon ay namamalagi sa silanganan at timugang mga rehiyon gayundin malapit sa Perth sa malayong kanluran.
Ipinaliwanag ni Kerry, ang aming giya, kung paano nagpaparami ang mga paruparo sa pamamagitan ng pagkakabit ng mga dulo. Ngunit narito ang kapansin-pansing bahagi—pagka biglang nagulat ang lalaki, siya’y lumilipad, dala-dala niya ang babae! Isip-isiping dalhin ang isa na kasimbigat mo, habang lumilipad! Pagkatapos, sa aming pagkabigla, talagang nakita namin itong nangyari—at ayun siya, lumilipad papunta sa mga palumpong na walang-kibong nakabitin ang babae.
Oo, ang monarch ay kilala sa buong daigdig sa kahusayan sa paglalakbay. Gaya ng sinasabi ng aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?a: “Umaalis ang paruparong monarch sa Canada sa taglagas, pinalilipas ang taglamig sa California o sa Mexico. Ang ilang paglipad ay lumalampas ng 3,200 kilometro; isang paruparo ang nakalilipad ng 130 kilometro sa isang araw.” Ngunit narito ang isang pambihirang bagay: “Ang mga paruparong nanggagaling sa timog ay mga bata pa na hindi pa nakakita ng mga lugar na pinagtutulugan sa taglamig. Kung paano nila natatagpuan ang mga lugar na ito ay isa sa mga mahirap na ipaliwanag na misteryo ng Kalikasan.”—The Story of Pollination.
Subalit kami ba’y nakakuha ng litrato ng alinman sa maiilap na mga nilalang na ito? Oo! Waring sanay na sila sa mga tao na paikot-ikot sa kanilang mahalumigmig na daigdig at madaling dumarapo sa mga halaman at kahit sa ulo ng mga tao! Kaya’t ang mga litratista ay nagkaroon ng pantanging pagkakataon, lalo na ang mga taong mahilig sa video-camera. Anong laking kagalakan pagkatapos na makita ang gumagalaw na mga larawang iyon sa TV sa pamamagitan ng videotape recorder.
Ang iba pang mga paruparo sa Australia na aming nakita ay ang blackwinged common eggfly, na may bilugang-lila at mga puting batik sa mga pakpak nito. Isa pang magandang paruparo ang blue-banded eggfly, kaakit-akit na idinisenyo na may puting mga batik at ikut-ikot ang dulo ng mga pakpak nito at may asul na guhit sa loob. May mga kamag-anakan ito sa New Guinea, sa Mollucas, at sa Solomon Islands.
Laging pinupukaw ang interes ko ng mga paruparo. Ang pagbabagong-anyo mula sa higad (larva) tungo sa pupa (chrysalis), o nagpapahingang kalagayan, hanggang sa kamangha-manghang paglipad ay isang kapahayagan sa akin, hindi ng tinatawag na bulag na mga puwersa ng kalikasan at ebolusyon, kundi ng makasiyentipikong Maylikha, na siyang gumawa ng lahat ng bagay na kamangha-mangha sa kanilang iba’t ibang paraan.—Isinulat.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Pahina 16: monarch; 1. Australian lurcher; 2. pupa; 3. ulysses; 4. Australian birdwing; 5. pagpaparami ng birdwings; 6. orange lacewing
[Credit Line]
Pawang paruparo: Butterfly House, Mittagong, Australia