Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Dapat Kong Sundin ang Aking mga Magulang?
SI Stan ay pinalaki ng mga magulang na may takot sa Diyos. Subalit sa edad na 16 siya’y nagrebelde. Ganito ang paliwanag ni Stan: “Gusto kong makakilala ng mga tao at tanggapin nila ako. Ibig ko na magkaroon ng lahat ng bagay na taglay ng ibang tao.” Ang idea ni Stan upang makamit ang mga mithiing ito ay maging isang negosyante ng droga. Natural lamang, kailangan niyang magsinungaling tungkol sa kaniyang mga ginagawa at sa lahat ng pera na kaniyang inuuwi. “Namanhid na ang aking budhi,” gunita ni Stan.
Si John ay nabautismuhan bilang isang Kristiyano sa edad na 11. “Subalit ang katotohanan ay hindi talaga tumimo sa aking puso,” ang pag-amin niya. “Nagpabautismo lamang ako dahil sa ito ang inaasahan sa akin ng aking pamilya na gagawin ko. Nang ako’y nag-high school, nagsimula akong magwala. Ang musikang rock ay nagkaroon din ng masamang impluwensiya sa akin. Napasali ako sa mga nagsu-surfing at nagbababad ako nang husto sa tabing-dagat kasama ng mga kabataan na hindi naman napapatnubayan ng mga simulain sa Bibliya. Napakaraming droga roon.” Di-nagtagal ay umalis siya sa tahanan ng kaniyang mga magulang at namuhay sa paraang salungat sa lahat ng itinuro sa kaniya.
Kung Bakit Sila Nagrerebelde
Likas lamang para sa mga kabataan na subukin ang kanilang mga limitasyon at palawakin ang kanilang kasarinlan. Subalit ang mapaghimagsik, mapangahas, at mapanira sa sarili na paggawi ay lubusang ibang bagay naman. Ano ang pumupukaw rito? Ang mga dahilan ay marami at sarisari. “Kapag ikaw ay bata pa,” paliwanag ni John, “naghahanap ka ng kasiyahan. Gusto mong mag-good-time.” Gayunman, dahil sa sila’y kulang ng karanasan sa buhay, ang mga kabataan ay hindi laging nakapagpapasiya nang may katalinuhan. (Hebreo 5:14) Kaya naman ang makatuwirang mga magulang ay nagpapatupad ng makatuwirang mga paghihigpit sa kanilang mga anak—mga pagbabawal na matinding ikinagagalit ng ilang kabataan.
Nakalulungkot naman, tinalikdan pa man din ng ilang kabataan ang pagsasanay na kanilang tinanggap mula sa kanilang may takot sa Diyos na mga magulang. (Efeso 6:1-4) Sinabi ni Jesus na ang Kristiyanismo ay magiging isang “makipot” at “masikip” na daan ng buhay. (Mateo 7:13, 14) Kaya ang mga kabataang Kristiyano ay kalimitang hindi makagawa ng mga bagay na ginagawa ng kanilang mga kaklase. Ang karamihan ay tumatanggap ng mga paghihigpit, nagpapahalaga na ang mga batas ng Diyos ay hindi naman talaga nagpapabigat. (1 Juan 5:3) Sa katunayan, iniingatan ng mga batas na ito ang mga kabataan mula sa suliraning gaya ng pagdadalang-tao nang di-kasal, pag-abuso sa droga, at mga sakit na naililipat ng pagtatalik. (1 Corinto 6:9, 10) Subalit tumatanggi ang ilang kabataan na tingnan ang mga bagay sa ganitong paraan; inaakala nila na ang mga kautusan ng Bibliya ay humahadlang sa kanilang istilo ng buhay.
Ang pagkagalit ay lalo nang matindi kapag inaakala ng isang kabataan na napakahigpit ng kaniyang mga magulang pagdating sa mga bagay na gaya ng pagdidisiplina, paglilibang, at pag-aaliw. “Sa palagay ko’y napakahigpit ng aming mga magulang sa amin,” ang paghihinanakit ng isang kabataang babae. Totoo, nakasisira ng loob kapag hindi ka pinahintulutan na gumawa ng mga bagay na ipinahihintulot ng ibang Kristiyanong mga magulang. (Colosas 3:21) Ipinakikita ng ilang kabataan ang kanilang pagkasiphayo sa pamamagitan ng pagsuway.
Sa kabilang dako, ang ilang kabataan ay sumusuway sapagkat ang kanilang mga magulang ay hindi man lamang nagpapakita ng paggalang sa maka-Diyos na mga simulain. “Si Itay ay isang alkoholiko,” gunita ni John. “Sila ni Inay ay nagtatalo sapagkat malakas siyang uminom. Kaming mag-iina ay ilang ulit nang lumipat upang lumayo sa kaniya.” Ang mga alkoholiko at ang iba pang mga sugapa sa ibang bagay ay hindi man lamang makapaglaan nang sapat sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Sa gayong mga tahanan, ang masasakit na salita at pagkapahiya ay maaaring araw-araw na maranasan ng isang kabataan.
Ang ibang kabataan ay nagrerebelde sapagkat ang kanilang mga magulang, sa paano man, ay nagpabaya sa kanila o nagwalang-bahala sa kanila. Ang pagrerebelde ay waring ang paraan upang makuha ang pansin ng kanilang mga magulang—o saktan sila. “Sa abot ng aking natatandaan, ang aking mga magulang ay waring hindi ko kailanman nakasama,” sabi ng isang kabataang babae na nagngangalang Taylor na nagmula sa isang mayamang pamilya. “Alam mo, nag-iisang anak ako, at yamang ang mga magulang ko ay laging wala, iniiwanan na lamang nila ako ng maraming pera.” Dahil sa kulang ng pagsubaybay, si Taylor ay nagsimulang pumunta sa mga nightclub at naglalasing. Noong siya’y arestuhin na lamang dahil sa pagmamaneho nang lasing na natanto ng kaniyang mga magulang na siya’y may problema.
Karagdagan pa, may kalagayan na binanggit si apostol Pablo nang kaniyang tanungin ang isang pangkat ng mga Kristiyano: “Kayo ay tumatakbo noon nang mahusay. Sino ang humadlang sa inyo sa patuloy na pagsunod sa katotohanan?” (Galacia 5:7) Kalimitang ang masamang kasama ang suliranin. (1 Corinto 15:33) “Napasali ako sa masasamang kasama,” sabi ng isang tin-edyer na nagngangalang Elizabeth. Inamin niya na bilang resulta ng panggigipit ng kaniyang mga kasama, siya’y “natutong manigarilyo at mag-abuso ng droga.” Sabi pa niya: “Ang pakikiapid ay laging ginagawa.”
Kung Bakit Isang Kahangalan ang Pagrerebelde
Marahil ay nasusumpungan mo rin ang iyong sarili sa kalagayan na waring nakasisiphayo—o mapang-api pa nga. Maaaring waring nakatutukso na sumalansang sa iyong mga magulang at basta gawin mo kung ano ang gusto mo. Subalit gaya ng ibinabala ng matuwid na taong si Job, “mag-ingat ka na huwag kang mahila ng poot sa nakagagalit na [mga gawa]. Ikaw ay mag-ingat na huwag mong lingunin ang kasamaan.”—Job 36:18-21.
Ang nakagagalit, mapangahas na paggawi ay maaaring humila ng reaksiyon ng iyong mga magulang, subalit baka ito’y di-kanais-nais na reaksiyon. Anuman ito, baka higit na paghigpitan ka nila. Higit pa, ang nakasasama ng loob na paggawi ay maaaring magdulot ng sama ng loob para sa iyong mga magulang. (Kawikaan 10:1) Iyan ba ay mapagmahal? Mapabubuti ba nito ang iyong kalagayan? Ang higit na makatuwirang paraan ay ipakipag-usap ang mga bagay sa kanila kung inaakala mo na may katuwiran kang magreklamo.a Baka sila’y handa ring gumawa ng ilang pagbabago sa paraan ng kanilang pakikitungo sa iyo.
Ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang ay ang epekto ng iyong mga ginagawa sa Diyos. ‘Sa Diyos?’ baka maitanong mo. Oo, sapagkat ang pagrerebelde sa iyong mga magulang ay katulad na rin ng pagrerebelde sa Diyos mismo, yayamang siya ang nag-utos sa iyo na igalang ang iyong mga magulang. (Efeso 6:2) Ano kaya ang nadarama ng Diyos sa gayong pagsuway? Ganito ang sabi ng Bibliya hinggil sa bansang Israel: “Kay dalas na naghimagsik sila laban sa kaniya sa ilang.” Ano ang epekto? “Kanilang pinapanglaw [ang Diyos] sa ilang!” (Awit 78:40) Ipagpalagay na, maaaring ikaw ay galit sa iyong mga magulang, inaakala mo na napakahigpit nila. Subalit talaga bang ibig mo na dulutan ng sama ng loob ang Diyos na Jehova—ang isa na nagmamahal sa iyo at nagnanais na mabuhay ka magpakailanman?—Juan 17:3; 1 Timoteo 2:4.
Ang Malaking Kabayaran ng “Kalayaan”
Kung gayon, taglay ang mabuting dahilan, kailangan nating makinig sa ating mapagmahal na makalangit na Ama. Huwag padaya sa huwad na mga pangako ng “kalayaan.” (Ihambing ang 2 Pedro 2:19.) Waring ang ilang kabataan ay hindi naparurusahan sa kanilang maling paggawi. Subalit ang salmista ay nagbabala: “Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng kasamaan. Huwag kang managhili sa kanila na nagsisigawa ng kalikuan. Sapagkat sila’y madaling puputuling gaya ng damo, at matutuyong gaya ng sariwang damo.” (Awit 37:1, 2) Ang mga kabataan na naghihimagsik ay kalimitang nagbabayad nang malaki sa kanilang di-umano’y kalayaan. Ganito ang sabi ng Bibliya sa Galacia 6:7: “Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”
Isaalang-alang si Stan, na binanggit sa pasimula. Gaya ng kaniyang minimithi, naging popular siya sa kaniyang imbing mga kaibigan. “Nadama kong ako’y tinanggap,” ang gunita niya. Gayunman, nagsimulang sumama ang kalagayan. Ganito ang sabi niya: “Ako’y nabaril, nakulong, at ngayon ako’y mabibilanggo. At ang tanging maitatanong ko sa sarili ko ay, ‘Sulit ba ito?’ ”
Kumusta naman ang paghahanap ni John ng “kalayaan”? Pagkatapos na siya’y maaresto dahil sa pagtataglay ng droga, siya’y itiniwalag mula sa kongregasyong Kristiyano. Mula noon lalo siyang napalugmok sa lisyang paggawi. “Nagnakaw ako ng mga kotse dahil sa pera,” ang pag-amin ni John. “Napakarahas ko.” Nagkamal ng salapi si John dahil sa kaniyang masasamang gawa. Subalit ganito ang kaniyang gunita: “Nilustay kong lahat ito. Ang dami ng droga na aming ginamit ay hindi kapani-paniwala.” At kapag si John ay hindi napapaaway, nagnanakaw, o nalalasing, siya’y nagtatago sa mga pulis. “Ako’y naaresto nang halos 50 ulit. Karaniwan nang hindi nila ako mahatulan, pero minsan ako’y talagang nakulong ng isang taon.” Oo, malayo sa pagiging malayang tao, nasumpungan ni John ang kaniyang sarili na nalubalob sa “malalalim na bagay ni Satanas.”—Apocalipsis 2:24.
Gayundin ang masasabi kay Elizabeth. Ang kaniyang di-masawatang pakikisama sa makasanlibutang mga kaibigan ang sa wakas nagdala sa kaniya sa bilangguan. Ganito ang pag-amin niya: “Nagdalang-tao pa nga ako—at dahil sa paggamit ko ng droga ay nalaglag ang sanggol ko. Ang mga droga ang buhay ko—wari bang ako’y nabubuhay dahil sa susunod na ligayang dulot ng droga. Sa wakas ay napaalis ako sa aking apartment. Hindi na ako makauwi sa bahay, at nahiya na akong humingi ng tulong kay Jehova.”
Maraming katulad na mga karanasan ang maibibigay ng mga kabataan na tumanggi sa maka-Diyos na mga simulain na nagdusa lamang ng kalunus-lunos na mga kahihinatnan. Ang Bibliya ay nagbababala: “Ang iniisip ninyo na tamang daan ay maaaring humantong sa kamatayan.” (Kawikaan 14:12, Today’s English Version) Kung gayon, ang pantas na bagay na dapat gawin ay sikaping magkaroon ng mabuting kaugnayan sa iyong mga magulang, ipakipag-usap—sa halip na magrebelde—ang anumang mga paghihigpit na inaakala mong di-makatarungan.
Kaya, kumusta naman ang tungkol sa mga kabataan na huling napaabutan ng impormasyong ito, ang mga kabataan na nasumpungan ang kanilang mga sarili na nalugmok sa maling paggawi? May anuman bang paraan para sa kanila upang maituwid ang mga bagay sa kanilang mga magulang—at sa Diyos? Ang aming susunod na artikulo sa kasunod na labas ang susuri sa mga katanungang ito.
[Talababa]
a Maraming artikulo ang naglaan ng nakatutulong na impormasyon hinggil sa bagay na ito. Halimbawa, tingnan ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” sa aming mga labas ng Hunyo 8, 1985, Agosto 8, 1992, at Nobyembre 8, 1992, ng Gumising!
[Larawan sa pahina 26]
Ang pagrerebelde sa iyong mga magulang ay makapagbibigay sa iyo ng higit na “kalayaan,” subalit naisaalang-alang mo na ba ang mga kahihinatnan?