Kailan Magwawakas ang Trahedya?
KAILAN mahihintong maging mga biktima ng pagdukot, pag-abuso, pagsasamantala, at kadalasa’y masamang impluwensiya ng kanilang mga kaedad ang mga bata? Iingatan ba sila ng mas maraming pagpapatupad ng batas at mas mahigpit na mga parusa para sa mga krimeng nagawa sa mga bata? Mapahihinto ba ng mas maraming programang panlipunan upang maglaan ng pagkain, pabahay, at edukasyon ang pag-abuso at paglalayas? Ang pagtuturo kaya ng mas mabuting mga kasanayan sa komunikasyon sa mga magulang na nagmamalasakit sa kanilang mga anak ay tutulong sa mga magulang na masawata ang mga ilusyon ng katuwaan na umaakit sa kanilang mga anak sa mapangwasak na mga kapaligiran?
Bagaman ang gayong mga hakbang ay maaaring makatulong, hangga’t hindi naaalis ang ugat na sanhi ng gayong mga trahedya, ang mga bata ay patuloy na daranas ng gayong paghihirap. Ayon sa isang kabataan, ang anumang pagkukusa upang pakitunguhan ang problema ng mga batang naglayas na hindi humahadlang sa pag-abuso o sa pagpapabaya sa tahanan ay malamang na hindi maging mabisa, yamang nagawa na ang pinsala.
Ang Ugat na Dahilan
Ano ang dahilan ng lahat ng mga problemang ito? Paano ito malulutas? Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang yunit ng pamilya ay nasa ilalim ng pagsalakay ng di-nakikitang balakyot na espiritung mga nilalang, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, na nasisiyahan sa kalupitan, seksuwal na pagsasamantala, at kahalayan. (Genesis 6:1-6; Efeso 6:12) Nang si Jesus ay nasa lupa, ang mga bata ay sinalakay ng mga demonyong ito. Isang batang lalaki ang dumanas ng pagpapahirap ng pangingisay at inihahagis sa apoy.—Marcos 9:20-22.
Kahit na mga dantaon bago pa naparito si Jesus sa lupa, ang mga demonyo ay natutuwa sa pagpapahirap at pagsusunog sa kamatayan ng mga batang inihahandog sa kasuklam-suklam na paganong mga diyos, gaya nila Baal, Chemos, at Moloch. (1 Hari 11:7; 2 Hari 3:26, 27; Awit 106:37, 38; Jeremias 19:5; 32:35) Kaya nga, sa ngayon, sa daigdig na ito na pasamâ nang pasamâ, hindi dapat ipagtaka na tinatarget ng mga demonyo ang mga bata para pahirapan sa mga kamay ng kusang mga ahenteng tao na nagdudulot ng kahihiyan, kirot, at kamatayan sa mga kabataan. Ang mga gumagawa ng gayong kakila-kilabot na mga krimen ay kadalasang pinakakain ang kanilang isipan ng pornograpya, na gumagatong sa kanilang mga kabuktutan.
Ang panggigipit ng mga demonyong ito sa lahi ng tao ay tumitindi sa ating panahon, sapagkat tinatawag ng Bibliya ang yugtong ito ng kasaysayan na “mga huling araw” ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Inihula nito na ang mga ito ay magiging “panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Ngayon higit kailanman, ang impluwensiya ng mga demonyo ay makikita sa ipinababanaag ng mga tao na kabuktutan ng balakyot na espiritung mga nilalang na ito. Inihula ng Bibliya na ang mga tao sa ating panahon ay magiging mabangis, walang pagpipigil sa sarili, walang likas na pagmamahal, walang pag-ibig sa kabutihan.—2 Timoteo 3:1-5, 13.
Mainam na inilalarawan niyan ang masakim na mga taong gumagawa ng mga pelikula, plaka, magasin, at mga aklat na lumuluwalhati sa pangangalunya, droga, pagpapatiwakal, pagpatay, panghahalay, insesto, pang-aalipin, at pagpapahirap. Sa pamamagitan nito at ng iba pang paraan, itinaguyod ng mga demonyo ang isang kultura, na, tulad ng masamang hangin, ay nagpaparumi sa mga isip at mga puso ng bata’t matanda, inaagnas ang mga pamantayan ng pamilya at maka-Diyos na moralidad.
Ang pagdami ng pagdukot, pagmolestiya, at pagpatay sa mga bata ay bahagi ng tanda ng mga huling araw. Karagdagan pa, sinasabi ng Bibliya na ‘ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga di-matapat, mga mapagkanulo.’ Kaya nga sa ngayon ang mga buklod ng pag-aasawa ay kadalasang agad nasisira pagkatapos na ito ay gawin. Habang dumarami ang mga diborsiyo, dumarami rin ang mga pagkidnap ng mga magulang. At ang pambubugbog at pagpatay ng kasalukuyan o dating kabiyak ay dumarami, ang karamihan ng mga biktima ay mga babae. Sa gayon, nakikita natin ang isang salinlahi ng mga bata na ang mga magulang ang humihimok sa kanila na lumayas sa pamamagitan ng pagpapabaya at pag-abuso sa kanila. Isa pa, ang ating panahon ay kakikitaan ng mga bata na “masuwayin sa mga magulang,” na “mga matigas ang ulo,” at na pinipili pang lumayas na kasama ng kanilang mga kaedad kaysa igalang ang maka-Diyos na mga pamantayan.—2 Timoteo 3:2-4.
Malapit Nang Magwakas ang Trahedya
Gayunman, ang impluwensiya ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ay malapit nang magwakas. (Apocalipsis 12:12) Ang hula sa Apocalipsis 20:1-3 ay nagsasabi na lilipulin ng Diyos si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Pagkatapos niyan, ang makalangit na Kaharian ng Diyos, sa mga kamay ni Jesu-Kristo, ay magpupuno sa lupang ito sa katuwiran, mangangasiwa sa katarungan at titiyakin ang katiwasayan para sa lahat. (Awit 72:7, 8; Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Mawawala na ang masakim na komersiyal na mga sistema na umaapi sa mahihirap at nagsasamantala sa kahinaan ng tao alang-alang sa pakinabang, sapagkat “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito.” (1 Juan 2:17) Lahat niyaong gumagawa ng kabalakyutan ay lilipulin, gaya ng inihuhula ng Kawikaan 2:22: “Ang mga balakyot . . . ay lilipulin sa mismong lupa.”
Ang Mikas 4:4 ay nagpapaliwanag na sa bagong sanlibutan ng Diyos ay magkakaroon ng katiwasayan at kapayapaan para sa lahat: “Walang tatakot sa kanila.” Paano posible iyan? Sa pamamagitan ng makaharing batas ng pag-ibig. Ang kataas-taasang batas na iyan ang mamamahala sa lahat ng kaisipan at mga kilos. Matututuhan niyaong mga mabubuhay sa panahong iyon na ipabanaag ang personalidad ni Jesus at ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, yamang kung hindi nila gagawin iyon, hindi sila pahihintulutang patuloy na mabuhay. Sa pagdaramit sa kanilang mga sarili ng ‘magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, at kahinahunan,’ ang kasakiman ay mawawala sa tao. (Colosas 3:12) Ang buhay ay magniningning sa kaligayahan; ang mga tahanan ay kikinang sa init at pagmamahal na siyang iiral sa buong lupa.
Ang Isaias 65:21-23 ay nangangako ng saganang pagkain at magagandang tahanan para sa lahat: “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; at sila nga’y mag-uubasan at magsisikain ng mga bunga niyaon. . . . Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan.” Wala nang pag-abuso. Wala nang paghihirap para sa mga anak o sa mga magulang.
Pakikinabang sa Ngayon
Ngayon pa lamang, sa mga huling oras ng masamang sistemang ito, ang kaalaman tungkol kay Jehova at tungkol sa kaniyang layunin na ibalik sa lupang ito ang isang paraiso ay nagdudulot ng mga pakinabang. Ito’y nagbigay sa maraming kabataan at mga magulang ng pag-asa at dahilan para sa kaligayahan, kahit na sila’y naging mga biktima ng ating panahon. Halimbawa, si Tamara, na nabanggit sa ating naunang artikulo, ay nagpapaliwanag kung ano ang nangyari sa kaniyang buhay.
“Nang ako’y 18 anyos, ako’y nag-asawa at sa paano man ay iniwan ko ang grupo ng ‘mga kaibigan,’ ang ilan sa wakas ay nakulong, naging sugapa sa droga, o nasadlak sa prostitusyon. Subalit gayon pa rin ang aking personalidad, kaya nagsimula ang mga pagtatalo namin ng aking asawa. Gayunman, di-nagtagal pagkasilang ko sa aming anak na lalaki, may nangyari na lubusang bumago sa aking buhay. Nakasumpong ako ng isang Bibliya at sinimulan ko itong basahin. Isang gabi nabasa ko ang kabanata sa Kawikaan na nagsasabing ‘ang paghahanap ng karunungan ay tulad ng paghahanap ng kayamanang natatago.’ (Kawikaan 2:1-6) Bago ako matulog nang gabing iyon, ako’y nanalangin para sa karunungang iyon. Kinabukasan, ang mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa aming tahanan. Nagsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa kanila, subalit nangailangan ng ilang panahon upang magawa ko ang natututuhan ko buhat sa Bibliya. Sa wakas, ako’y naging determinado na sundin ang Kristiyanong paraan ng pamumuhay at ako’y nabautismuhan. Ngayon, kasama ng aking asawa, ako’y tumutulong sa iba na tumanggap ng ginhawa na inilalaan ng Diyos.”
Oo, nasumpungan ni Tamara ang Pinagmumulan ng lahat ng ginhawa, ang Diyos na Jehova. Siya ang makalangit na Ama na hindi kailanman pababayaan yaong mga nangungunyapit sa kaniya, ang Awit 27:10 ay nagsasabi sa atin: “Bagaman pabayaan ako ng aking ama at ng aking ina, gayunma’y dadamputin ako ni Jehova.”
Si Domingos, na nabanggit kanina, ay nakasumpong din ng isang tunay na pamilya na naglaan ng ginhawa, pampatibay-loob, at suporta. Sabi niya: “Isang araw ako’y tumanggap ng isang kopya ng aklat na Pakikinig sa Dakilang Guro at ako’y nagulat na malaman na ang Diyos ay may pangalan, Jehova.a Ako’y dumalo sa isa sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova at namangha akong makita na doon ay walang pagtatangi dahil sa katayuan sa lipunan. Ang mga Saksi ay nagsimulang makipag-aral sa akin ng Bibliya sa kabila ng aking hindi mahusay na pananamit, magaspang na pag-uugali, at hindi pagtitiwala sa lahat. Unti-unting tinulungan nila akong itakwil ang aking dating paraan ng pamumuhay. Tinulungan pa nga nila akong makakuha ng trabaho. Sa wakas ako ay natulungang sumulong tungo sa bautismo.”
Ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay tulad ng isang pananggalang para sa mga kabataan. Ang mga Saksi ay maligayang tumutulong sa sinuman na nagnanais makaalam ng kahanga-hangang pag-asa sa hinaharap. Ang kaaliwang dulot nito sa mga naghahanap ng kaugnayan sa kanilang makalangit na Ama ay malaki, yamang ang mga Saksi ay sinanay na magbigay ng payo at patnubay mula sa Salita ng Diyos ang Bibliya. Isang Saksi ay nagpapaliwanag na kailangang ipaunawa sa mga kabataan na ang kasuklam-suklam na kalagayan na maaaring kasadlakan nila ay kasuklam-suklam din kay Jehova. Ganito ang sabi ng Saksi: “Ayaw ni Jehova na ang mga bata ay maabuso. Ayaw niyang sila ay maging malungkot. Subalit ayaw niyang ipagpalit nila ang isang anyo ng pag-abuso sa ibang anyo ng pag-abuso—pag-abuso na nakukuha nila sa mga lansangan. Maaari silang sumangguni sa maygulang na mga indibiduwal sa organisasyon ni Jehova upang ipakipag-usap ang kanilang mga problema at ipakita sa kanila kung paano lulutasin ang problema.”
Para sa mga bata na ang mga puso ay handang tumanggap ng payo, ang Salita ng Diyos ay nagbibigay ng isang malakas na pangganyak upang iwasan ang silo ng panggigipit ng mga kasama. Si Frances, isang 17-taóng-gulang na babae, ay naudyukan ng isang kaklase na magbulakbol sa paaralan nang ilang ulit nang hindi sinasabi sa kaniyang mga magulang. Sa wakas, siya’y naglayas. Pagkatapos magdulot ng mga oras ng kabalisahan para sa kaniyang mga magulang, siya’y bumalik. Pagkatapos, dalawang Saksi buhat sa kaniyang kongregasyon ang dumalaw. Nalaman nila na ang kalagayan sa loob ng pamilya ay hindi siyang dahilan ng problema, at sila’y maibiging nagbigay ng payo. Ipinaliwanag nila ang Kristiyanong pananagutan ng mga kabataan na igalang ang kanilang mga magulang (Efeso 6:1, 2); ang pangangailangan na umiwas sa pagiging di-tapat, yamang siya’y nagbulakbol nang hindi sinasabi sa kaniyang mga magulang (Efeso 4:25); at ang kahalagahan ng pag-iwas sa masasamang kasama. (1 Corinto 15:33) Siya’y tumugon nang positibo.
Tulong Mula sa Itaas
Si Cheryl ay nakasumpong din ng tulong mula kay Jehova sa pakikitungo sa pagkidnap sa kaniyang mga anak ng kaniyang dating asawa.b Nang tanungin kung ano ang nakatulong sa kaniya na mabata ang masamang panaginip na ito, aniya: “Ang unang bagay na ginawa ko ay basahin ang Mga Awit, lalo na ang Awit 35. Nakaaaliw na malamang nakikita ni Jehova ang kawalan ng katarungan na nararanasan ko.” Ang Awit 35:22, 23 ay nagsasabi: “Iyong nakita, Oh Jehova. Huwag kang tumahimik. Oh Jehova, huwag kang lumayo sa akin. Kumilos ka at ikaw ay gumising upang gawan ako ng kahatulan, . . . sa aking usap.”
Pagkaraan ng dalawang taon, sa alalay ni Jehova at sa tulong ng mga Saksi, hinarap ni Cheryl ang kaniyang dating asawa, at dinalaw niya ang kaniyang mga anak. Siya’y nakapagbigay ng nakaaaliw na mga kasagutan sa kung bakit ito nangyari sa kanila at tiyakin sa kanila na hindi niya sila pinabayaan. Sapagkat sinanay ni Cheryl ang kaniyang mga anak na igalang si Jehova, nasabi niya sa kanila ang pagtitiwala niya sa kanila. Sabi niya: “Alam kong mahal ng aking mga anak si Jehova, at hindi niya itutulot ang nagtatagal na pinsala na sumapit sa kanila.”
Ganiyan nalutas ang problema. Sa walang-lubay na pagsisikap ni Cheryl sa pakikitungo sa mga opisyal sa pandarayuhan at taglay ang pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, ang kaniyang mga anak ay naibalik sa kaniya. Sabi ni Cheryl: “Talagang masasabi ko na tanging sa pamamagitan lamang ng tulong ni Jehova na nakuha ko silang muli.”
Gaano kahalaga nga na turuan ang ating mga anak ngayon na makilala si Jehova at sambahin siya! Ang Bibliya ay nagsasabi sa 1 Pedro 3:12 na ang mga mata ni Jehova “ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay sa kanilang pagsusumamo.” Tunay na si Jehova ay isang kanlungan para sa ating mga anak. Ang kaniyang pangalan ay “isang matibay na moog. Dito ay tumatakbo ang matuwid at nabibigyan ng proteksiyon.”—Kawikaan 18:10.
Bagaman tayo’y nabubuhay sa napakamapanganib na panahon at hindi natin nalalaman sa tuwina kung ano ang mangyayari sa ating mga anak, nalalaman ng mga magulang na sumasamba kay Jehova na walang nagtatagal na pinsala ang sasapit sa kanilang mga anak na tapat. Siya ay nangako pa nga na ibabalik mula sa mga patay yaong mga nagdusa bilang mga biktima ng ating panahon at papawiin ang kirot at paghihirap na ginawa sa kanila.—Isaias 65:17, 18; Juan 5:28, 29.
Ang pag-asa tungkol sa bagong sanlibutan ng Diyos ay isang kahanga-hangang pag-asa. Gayundin ang katuparan na malapit nang alisin ng Diyos sa lupa si Satanas at ang kaniyang balakyot na sistema. Mawawala na ang anumang banta sa ating mga anak. Ganito inilalarawan ng isa sa mga awit na inaawit ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga pulong sa kongregasyon ang bagong sistemang iyon: “Awitan ng mga bata,/payapa ang buong lupa,/at ang patay babangon nga,/tumitig sa gantimpala”!
Sa susunod na pagkakataong may makilala kang ilan sa mga Saksi ni Jehova, hilingin sa kanila na ipakita sa iyo kung paano ka rin maaaring matuto nang higit pa tungkol sa mga kagalakang nasa unahan lamang sa dumarating na bagong sanlibutan ng katuwiran ng Diyos. Sila’y magagalak na tumulong sa iyo na maunawaan kung paanong ang Salita ng Diyos ay makapagdudulot ng higit na kaaliwan sa ngayon at buhay na walang-hanggan sa dakong huli.—Awit 37:29; Apocalipsis 21:4, 5.
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Tingnan ang artikulo sa pahina 6.
[Blurb sa pahina 12]
“Ayaw ni Jehova na ang mga bata ay maabuso”