Pamumuhay na Magkasama sa Pag-ibig
Mahal kong Lola at Lolo,
Mabuti po ba ang inyong kalagayan? Sa palagay ko po ako’y sisipunin.
Salamat po sa pakikipaglaro ninyo sa akin noong isang araw. Dinala ninyo ako sa parke at sa paliguang bayan. Gustung-gusto ko po iyon.
Sa susunod na taon po sa Pebrero 11, mayroon po kaming konsiyerto sa aming paaralan. Kung makapupunta po kayong muli, pakisuyo pong pumunta kayo.
Masayang-masaya po kami kung kayo ay dumarating, Lola at Lolo.
Pakisuyong mag-ingat po kayo, at sana po’y lagi kayong nasa mabuting kalusugan. Lumalamig na po ang panahon, kaya mag-ingat po kayo na huwag kayong sipunín.
Inaasam-asam ko po ang susunod na pagdating ninyo at pakikipaglaro sa akin. Ikamusta na rin po ninyo ako kina Yumi at Masaki.
Mika (Haponés)
IKAW ba’y sinulatan na ng iyong apo ng isang liham na gaya nito? Kung gayon, nang tanggapin mo ito, tiyak na ito’y nagdulot sa iyo ng malaking kagalakan. Ang mga sulat na gaya niyan ay katibayan ng isang maganda at mapagmahal na kaugnayan sa pagitan ng mga lolo’t lola at mga apo. Subalit ano ang kailangan upang maitatag, mapanatili, at mapatibay ang ganitong uri ng kaugnayan? At paano ito mapatutunayang kapaki-pakinabang sa lahat ng tatlong salinlahi?
Pag-ibig—“Isang Sakdal na Bigkis ng Pagkakaisa”
Sina Roy at Jean, dalawang Britanong nuno, ay nagsasabi: “Inaakala namin na ang mahahalagang simulain ay ang pagkilala sa pagkaulo at pagkakasundo sa isa’t isa sa pag-ibig.” Espesipikong sinipi ng dalawang Saksi ni Jehovang ito ang kasulatan sa Colosas 3:14, na naglalarawan sa Kristiyanong pag-ibig bilang “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” Ang pag-ibig ay lumilikha ng paggalang, maalalahaning atensiyon, pagmamahal, at pagkakaisa ng pamilya. Pagdating ni itay ng bahay galing sa trabaho, ang buong pamilya ay sumasalubong sa kaniya upang bigyan siya ng mainit na pagsalubong. Kung may pag-ibig sa loob ng pamilya, gayundin ang nangyayari kapag dumarating ang mga lolo’t lola. “Narito na sina Lola at Lolo!” sigaw ng isang batang tuwang-tuwa. Kinagabihan, ang pamilya na kasama ang mga nuno ay naupo upang maghapunan, at si lolo, ayon sa lokal na tradisyon, ay nauupo sa dakong nakareserba sa kaniya sa kabisera ng mesa. Maguguniguni mo ba ang iyong sarili at ang iyong pamilya sa maibiging eksenang ito? Tinatamasa mo ba ang pagpapalang ito?
“Ang Ulong May Uban ay Korona ng Kagandahan”
Maliwanag, ang pag-ibig at paggalang sa mga lolo’t lola ay dapat na ipakita sa tuwina, hindi lamang kung pantanging mga okasyon. Sa kadahilanang ito kailangang turuan nang palagian ang mga bata. Sa loob ng pamilya ang mga bata ay natututong magpakita ng pag-ibig sa mga kamag-anak at sa iba, sinusunod ang halimbawang ipinakikita ng kanilang mga magulang. Ang kanilang halimbawa ay mahalaga, gaya ng binanggit ng maraming nakapanayam tungkol sa paksang ito. Si Macaiah, isang ama mula sa Benin City, Nigeria, ay nagsasabi: “Sa palagay ko ang aking halimbawa ng paggalang sa aking mga biyenan ay nakatulong din sa aking mga anak na maging mapagpakumbaba at magalang. Tinatawag ko ang aking mga biyenan na ‘Daddy’ at ‘Mummy.’ Naririnig at nakikita ng aking mga anak na iginagalang ko sila na gaya ng aking sariling mga magulang.”
Kung hindi iginagalang ng mga apo ang kanilang mga lolo’t lola, sila’y nayayamot, hindi dahil sa pagkukulang mismo kundi sa bagay na ang mga apo ay hindi itinutuwid ng mga magulang. Si Demetrio, isang lolo mula sa Roma, Italya, ay nagsasabi: “Nakikita ko ang pag-ibig sa amin ng aking anak na babae at ng aking manugang na lalaki sa paraan ng pagtuturo nila sa aming mga apo na parangalan at igalang kami.” Paminsan-minsan, maaaring pakitunguhan ng mga apo ang mga lolo’t lola sa masyadong pamilyar na paraan, para bang sila’y mga kalaro na kasinggulang, o kaya’y taglay ang saloobin ng pagiging nakatataas. Pananagutan ng mga magulang na ituwid ang anumang gayong saloobin. Si Paul, isang Saksing taga-Nigeria, ay nagsasabi: “Mga isang taon na ang nakalipas, hinamak ng mga bata ang aking ina. Nang mapansin ko ito, binasa ko sa kanila ang Kawikaan 16:31: ‘Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan,’ at ipinagunita ko rin sa kanila na si Lola ay nanay ko. Kung paanong iginagalang nila ako, dapat din nilang igalang siya. Pinag-aralan din namin ang kabanata 10 ng aklat na Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito,a na pinamagatang ‘Papaano Mo Minamalas ang Iyong mga Magulang?’ Ngayon, wala na silang problema may kaugnayan sa paggalang sa kanilang lola.”
Mga Pakinabang sa Pagpapaunlad ng mga Kaugnayan sa Pamilya
Ang pagmamahal sa isa’t isa ay maaaring paunlarin kahit na kung ang mga miyembro ng pamilya ay malayo sa isa’t isa. Si Stephen, isang lolo na taga-Nigeria, ay nagsasabi: “Sinusulatan namin nang isa-isa ang aming mga apo. Ang gawaing ito ay nakapapagod, ngunit ang gantimpala sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng malapít na kaugnayan sa mga apo ay napakalaki.” Ang mga pagsisikap ng mga magulang tungkol sa bagay na ito ay mahalaga. Ang iba, ayon sa kani-kanilang kalagayan, ay pinananatili ang komunikasyon sa pamamagitan ng telepono.
Si Giuseppe, isang lolo mula sa Bari, Italya, na may 11 apo, ay nagpapaliwanag kung paano niya pinauunlad ang isang mainit na pakikipagkaibigan sa kaniyang pinakamalapit na mga miyembro ng pamilya: “Sa ngayon, tatlo sa anim na mga pamilya na bumubuo sa ‘tribo’ ko ay nakatira sa malayo. Ngunit hindi hadlang iyon sa kaayaayang pakikitungo at mga pagtitipon sa gitna namin. Naging kaugalian na namin na magtipong sama-sama minsan sa isang taon, kaming 24 na lahat.”
Kapag ang mga lolo’t lola ay nakabukod, kung ang mga palitan ng pagdalaw, mga tawag sa telepono, o mga sulat sa mga miyembro ng pamilya ay hindi regular, ang mga kaugnayan ay maaaring maging malayo. Ang pagmamahal ay kailangang ipakita sa tuwina. Ang ilang lolo’t lola na nasa kalagitnaang gulang o nasa mabuting kalusugan ay nagnanais na mumuhay sa ganang sarili samantalang sila’y malakas pa at malaya. Subalit, kung lubusan nilang ihihiwalay ang kanilang sarili sa mga miyembro ng pamilya, bakâ masumpungan din nila na kung kailan mas kailangan nila ang pagmamahal, maaaring mabagal ito sa pagdating.
Isa pang nakatutulong na mungkahi ay galing kay Michael, isang lolo na taga-Nigeria: “Ikinakapit ko ang Ginintuang Tuntunin ni Jesus—gawin sa iba ang mga bagay na nais ninyong gawin nila sa inyo. Dahil diyan ay mahal na mahal ako ng aking mga anak. Nasisiyahan kami sa mabuting pag-uusap.” Susog pa niya: “Kung ang sinuman sa aking mga apo ay may ginagawang nakababalisa sa akin, kinakausap ko sila kung kinakailangan. Ngunit kung ito’y maliit na bagay lamang, karaniwan nang basta kinakalimutan ko na iyon.”
Ang maliliit na regalo at maliliit na bagay na ginawa o sinabi sa bahagi ng mga lolo’t lola ay gumagawa ng positibong reaksiyon. Ang mabait, nakapagpapatibay na mga salita, sa halip ng palaging pagrereklamo, ay gumagawa sa buhay pampamilya na kaayaaya. Ang paglalaan ng panahon sa mga apo, tinuturuan sila ng nakatutuwang mga laro at kapaki-pakinabang na mumunting gawain, pagkukuwento sa kanila ng mga kuwento sa Bibliya o mga anekdota ng pamilya, ay lumilikha ng masigla at nagtatagal na mga alaala. Ang gayong maliliit ngunit mahahalagang bagay ay gumagawa sa buhay na mas kasiya-siya.
Mga Pakinabang ng Paggalang sa Isa’t Isa
“Ang mga lolo’t lola,” sabi ng manggagamot na si Gaspare Vella, “ay kailangang maging maingat na huwag salansangin o makipagkompetensiya sa awtoridad ng mga magulang sa pagpapalaki ng anak.” “Kung hindi,” susog niya, “hihigitan pa nila ang kanilang larangan ng pagkilos bilang mga lolo’t lola at nagiging nunong-magulang.” Ang mungkahing ito ay kasuwato ng sinasabi ng Kasulatan, na ang mga magulang ang may pangunahing pananagutan sa pagsasanay ng kanilang mga anak.—Kawikaan 6:20; Colosas 3:20.
Dahil sa kanilang karanasan sa buhay, madali para sa mga lolo’t lola na magpayo. Gayunman, dapat silang maging maingat sa pagbibigay ng inaayawan at kung minsan ay hindi tinatanggap na payo. Ganito ang sabi nina Roy at Jean: “Mahalaga na maunawaan na ang mga magulang ang may pangunahing pananagutan na sanayin at disiplinahin ang kanilang mga anak. Kung minsan maaaring akalain ng isa na sila ay masyadong mahigpit at sa ibang pagkakataon naman ay hindi gaanong mahigpit. Kaya nga kailangang labanan ang tunay na tuksong makialam.” Sina Michael at Sheena, dalawa pang Britanong mga nuno, ay nagpapatunay rin dito: “Kung hihingin ng mga bata ang aming payo, ibibigay namin ito, ngunit hindi namin inaasahan na tatanggapin nila ito, ni mababalisa man kami kung hindi nila tanggapin ito.” Makabubuti para sa mga matanda nang mga magulang na magkaroon ng tiwala sa kanilang may-asawang mga anak na lalaki o babae. Ang gayong pagtitiwala ay nagpapaunlad sa mga kaugnayan sa tatlong salinlahi.
Sina Vivian at Jane, na nakatira sa timog ng Inglatera, ay gumawa ng pagsisikap na itaguyod sa lahat ng panahon ang disiplinang ibinigay ng kanilang anak na lalaki at manugang na babae sa kanilang mga apo, na kapisan nila: “Hindi namin sinisikap na ipasunod ang aming sariling mga idea kung saan marahil iba ang aming palagay. Natatanto na itinataguyod namin ang kanilang inay at itay, hindi kailanman sinikap ng mga bata na ‘pag-awayin kami.’” Kahit na kung wala ang mga magulang, ang mga lolo’t lola ay dapat na maging maingat tungkol sa pagdisiplina sa mga apo. Si Harold, mula sa Britanya, ay nagsasabi: “Ang anumang disiplinang nakikita ng mga lolo’t lola na kinakailangan kung wala ang mga magulang ay dapat na ipakipag-usap sa mga magulang nang patiuna.” Sabi pa ni Harold na ang mabait, gayunma’y matatag, na salita sa mga apo o ang basta pagpapaalaala sa “kung ano ang hinihiling ng magulang” ay kadalasang sapat na.
Nang mapansin ni Christopher, isang lolo na taga-Nigeria, ang ilang pagkakamali sa bahagi ng kaniya mismong mga anak, hindi niya binabanggit ito sa harap ng kaniyang mga apo: “Ibinibigay ko ang anumang kinakailangang payo kapag wala na ang mga apo ko.” Kailangan namang gawin ng mga magulang ang kanilang bahagi sa pagtiyak na ang bahagi ng mga lolo’t lola ay iginagalang. “Mahalaga,” sabi ni Carlo, isang ama na nakatira sa Roma, Italya, “na huwag kailanman magreklamo tungkol sa mga pagkukulang ng mga lolo’t lola o ng ibang miyembro ng pamilya sa harap ng mga bata.” Si Hiroko, isang inang Hapones, ay nagsasabi: “Kapag bumabangon ang isang problema sa mga kamag-anak ng aking asawa, ipinakikipag-usap ko muna ito sa aking asawa.”
Ang Edukasyonal na Bahagi ng mga Lolo’t Lola
Ang bawat pamilya ay may kani-kaniyang kasaysayan, mga kaugalian, at mga karanasan na gumagawa rito na naiiba sa lahat ng iba pa. Karaniwan na, ang mga lolo’t lola ang makasaysayang kawing ng pamilya sa nakalipas. Ayon sa isang kasabihang Aprikano, “ang bawat matandang lalaki na namamatay ay isang aklatan na nasusunog.” Inihahatid ng mga lolo’t lola ang mga alaala ng mga kamag-anak at mahahalagang pangyayari sa pamilya, gayundin ang mga pagpapahalaga ng pamilya na kadalasang nagbubuklod sa pamilya sa pinaka-ugat nito. Hindi kabilang ang moral na patnubay na ibinibigay ng Bibliya, sabi ng isang dalubhasa na kung ang “mga kabataan ay walang kabatiran tungkol sa kasaysayan ng pamilya, sila’y lumalaki nang walang pundasyon ng karanasan na nauna sa kanila, salát sa mga pagpapahalaga, walang katiyakan at walang kasiguruhan.”—Gaetano Barletta, Nonni e nipoti (Mga Lolo’t Lola at mga Apo).
Gustong marinig ng mga apo ang kuwento nang bata pa sina inay at itay at ang iba pang kamag-anak. Ang pagtingin sa isang album ng mga litrato ay maaaring maging totoong nakapagtuturo at nakalilibang. Anong laking pagkagiliw at pagmamahal ang malilikha habang ikinukuwento ng mga lolo’t lola ang nakaraang mga pangyayari gaya ng inilalarawan sa mga litrato.
Sina Reg at Molly, dalawang Britanong nuno na mga Saksi ni Jehova, ay nagsasabi: “Ang kaligayahan ay dumating sa amin dahil sa pakikisama sa mga apo at paggawa ng mga bagay na kasama nila, nang hindi nanghihimasok sa kanilang malapít na buklod sa kanilang Inay at Itay, sinasagot ang marami nilang mga tanong, naglalarong magkasama, nagbabasang magkasama, tinuturuan silang sumulat, pinakikinggan silang bumasa, sinusubaybayan ang kanilang pag-aaral taglay ang maibiging interes.”
Isang malaking pagkakamali na ginagawa ng maraming lolo’t lola at mga magulang ay ang pag-aalala lamang tungkol sa pisikal na kapakanan ng mga anak at mga apo. Sina Reg at Molly, na nabanggit kanina, ay nagsasabi: “Ang pinakadakilang pamana na maibibigay namin sa aming mga anak at mga apo ay makita silang pinalalaki sa tunay na kaalaman ng Salita ng Diyos.”—Deuteronomio 4:9; 32:7; Awit 48:13; 78:3, 4, 6.
Pagkilos na Kasuwato ng Banal na Pagtuturo
Ang Banal na Bibliya, ang Salita ng Diyos, ay “may lakas” sa mga tao. May kakayahan itong tulungan sila na supilin o alisin ang bumabahaging mga katangian, gaya ng kasakiman at pagmamataas. (Hebreo 4:12) Samakatuwid, yaong mga nagkakapit ng mga turo nito ay nagtatamasa ng kapayapaan at pagkakaisa sa loob ng pamilya. Ang isa sa maraming kasulatan na tumutulong sa tatlong salinlahi na alisin ang anumang agwat na maaaring umiral sa pagitan nila ay ang Filipos 2:2-4, na humihimok sa lahat na magpakita ng pag-ibig at kababaan ng isip, panatilihin ang pagkakaisa, ‘na itinutuon ang mata, hindi sa personal na interes ng kanilang sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.’
Kumikilos na kasuwato ng banal na pagtuturo, dinidibdib ng mga magulang at ng mga apo ang payo na “magpatuloy sa pagbabayad ng kaukulang kabayaran sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola,” sa materyal, emosyonal, at espirituwal na paraan. (1 Timoteo 5:4) Taglay ang mabuting pagkatakot kay Jehova, sila’y nagpapakita ng matinding paggalang sa mga lolo’t lola, isinasaisip ang kaniyang mga salita: “Titindig kayo sa harap ng may uban, at dapat kayong magpakita ng konsiderasyon sa taong nakatatanda, at katakutan ninyo ang inyong Diyos.” (Levitico 19:32) Ang mga lolo’t lola ay nagpapakita ng kabutihan sa pamamagitan ng paggawa para sa kapakanan ng kanilang mga inapo: “Ang mabuti ay nag-iiwan ng mana sa mga anak ng kaniyang mga anak.”—Kawikaan 13:22.
Ang mga lolo’t lola, mga magulang, at mga apo, sila man ay namumuhay na magkasama o hindi, ay makasusumpong ng pakinabang sa isa’t isa sa mapagmahal na mga kaugnayang nakasalig sa pag-ibig at paggalang, gaya ng sinasabi ng Kawikaan 17:6: “Ang mga apong lalaki ay korona ng matatandang tao, at ang kagandahan ng mga anak na lalaki ay ang kanilang mga ama.”
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 8]
Ang isang reunyon ng pamilya ay maaaring makatulong sa pagkakaisa ng pamilya
[Larawan sa pahina 9]
Ang iyong mga lolo’t lola ay napatitibay-loob kapag ikaw ay sumusulat sa kanila
[Larawan sa pahina 10]
Ang pagtingin sa isang album ng pamilya na kasama ng iyong mga apo ay maaaring maging isang nakapagpapayamang karanasan