Pinupuri si Jehova ng mga May Kapansanan sa Pandinig
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA
SA LOOB ng maraming taon ay naging mahirap para sa mga Saksi ni Jehova sa Nigeria na magturo ng Bibliya sa milyun-milyong may kapansanan sa pandinig. Ito’y dahilan sa kakulangan ng mga Saksi na may alam ng sign language. Subalit nagbago ang kalagayang iyan. Parami nang paraming Saksi ang natututo ng sign language at nagpapatotoo sa mga taong may kapansanan sa pandinig. Ang malaking hakbang sa pagsulong na ito ay ang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap noong nakaraang taon sa Nigeria.
“Madarama mo ang katuwaan sa paligid,” ang sabi ng isang delegado sa kombensiyong iyon sa Ota, Nigeria. “May madarama kang paghanga, isang damdamin ng pagkamangha,” ang sabi ng isa pa. Ano ang nag-udyok sa gayong mga damdamin? Sa kauna-unahang pagkakataon sa Nigeria, ang buong programa ay ininterprete sa sign language. Ito ang tanging kombensiyon mula sa 96 na ginanap sa buong bansa noong taóng iyon na may ganitong programa.
Kabilang sa libu-libong nagsidalo ay ang 43 delegadong may kapansanan sa pandinig, na nakaupo sa kaliwang bahagi ng plataporma, sa harapan. Nakasabit sa itaas nila ang isang malaking puting tabla na may pulang sulat na kababasahan ng, “Sign Language.” Tuwang-tuwa ang mga delegadong may kapansanan sa pandinig sa pagiging naroroon nila. Ganito ang sulat ng isa sa kanila: “Napapaluha ako at nag-uumapaw ang aking kagalakan sa pagsulat kong ito. Parang ‘kahapon’ lamang na napapakagat-labi kami kapag nalalaman namin ang inilalaan na espirituwal na mga bagay sa aming kapuwa mga Krisitiyanong may kapansanan sa pandinig sa ibang bansa. Wala kaming kaalam-alam na ang gayunding mga pagpapala ay darating sa amin dito.”
Sino ang mga Nagsidalo?
Ang mga taong may kapansanan sa pandinig ay nagmula sa lahat ng bahagi ng Nigeria. Dinala ng isang Saksing may kapansanan sa pandinig ang kaniyang tatlong binging mga estudyante sa Bibliya. Ang isa pang grupo ng mga may kapansanan sa pandinig, na naglakbay ng 700 kilometro papunta at pabalik, ay nag-ipon ng pamasahe sa loob ng pitong buwan. Gayunman, nang sila’y maglalakbay na, hindi sila makaarkila ng sasakyan mula sa kompanya ng sasakyan ng estado sapagkat pista opisyal noon. Nang malaman ng pamahalaan ng estado ang kanilang problema, binigyan sila nito ng 13,000 naira ($152, U.S.) upang matulungan silang makakuha ng ibang sasakyan!
Pami-pamilya na kasama ng kanilang mga anak na may kapansanan sa pandinig ang naglakbay upang makadalo sa pantanging kombensiyong ito. Isang babae mula sa lalawigan ang nakabalita tungkol sa kombensiyon at dumalo kasama ang kaniyang anak na lalaki na may kapansanan sa pandinig. Silang mag-ina ay walang gaanong alam sa sign language. Napaluha sila dahil sa naantig sila sa kanilang nakita, ngayo’y determinado silang matuto ng sign language.
Sa libu-libong nagsidalo, ang ilan ay daan-daang kilometro ang layo ng pinanggalingan upang makita lamang kung paano “maririnig” ng mga may kapansanan sa pandinig ang programa. Ang bilang ng dumalo noong Linggo ay 13,936—ang pinakamataas na bilang sa alinman sa 96 na pandistritong kombensiyon sa Nigeria. Nalugod na maging bahagi ng pulutong na iyon ang mga delegadong may kapansanan sa pandinig.
Humanga ang mga Nagmamasid
Sa kauna-unahang pagkakataon ay “narinig” ng maraming may kapansanan sa pandinig ang mabuting balita sa sign language. At ito ang kauna-unahang pagkakataon para sa mga nakaririnig na makakita ng sign language. Sinabi ng isang delegado na siya’y nagulat na makitang ang buong programa ay ininterprete—mga awit, panalangin, patalastas, at maging ang drama! “Talagang nakagagalak ng puso,” ang sabi ng isa pa.
Ang kagalakan ng mga delegadong may kapansanan sa pandinig ay nabanaag sa kanilang pag-awit. Masiglang-masiglang ginamit nila ang kanilang mga kamay sa pagpuri kay Jehova. Para naman sa mga nakaririnig, ang panonood sa “pag-awit” ng mga may kapansanan sa pandinig ay isang makabagbag damdaming tagpo. Napaluha ang marami dahil dito. Isang delegado ang naringgang bumulalas ng, “O Jehova!” taglay ang may pagpapahalagang paghanga. Minsan, nang matapos ang awitin, yaong mga nakaupo malapit sa seksiyon ng sign language ay walang patid na pumalakpak nang masigabo.
Pagkatapos ng pahayag sa bautismo, habang tumatayo ang mga kandidato sa bautismo, isang binata ang tumayo rin sa seksiyon ng sign language. Umalingawngaw ang anasan ng pagkalugod sa mga tagapakinig nang isenyas niya ang “oo” bilang sagot sa dalawang katanungang ibinangon ng tagapagsalita.
Anong ligaya para sa mga delegadong may kapansanan sa pandinig na makilala ang kanilang espirituwal na mga kapatid mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa! Masiglang-masiglang kumikilos ang mga bisig at mga daliri habang nakikipagkilala sa isa’t isa ang mga bingi. Hindi magkamayaw sa pagkakamayan at pagpapalitan ng numero ng tirahan.
Siyam na mga interprete (tagasenyas) ang dumating mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Napakagandang pagmasdan ng kanilang mga kamay at bisig habang isinesenyas nila nang napakaganda ang lahat ng pahayag at mga awit. Sila’y niyapos, kinamayan, at binigyan ng komendasyon dahil sa kanilang pagsisikap. Inulan din sila ng mga tanong na: Paano kayo natuto? Paano ako matututo? May mga aklat ba na nagtuturo ng sign language?
Isang Bagong Larangan ang Nabuksan
Para sa mga may kapansanan sa pandinig, ang pinakatampok na bahagi ng kombensiyon ay ang paglalabas ng videotape ng bersiyon sa sign language ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Hinimok ang higit pa na matuto ng sign language at, sa tulong ng pantulong sa pagtuturo, abutin ang mga may kapansanan sa pandinig sa buong Nigeria. Ginawang determinado ng kombensiyon ang marami na gawin ang gayon.
“Noon kapag nakatatagpo kami ng may kapansanan sa pandinig sa larangan ng ministeryo, basta nagtutungo kami sa susunod na bahay,” ang sabi ng isang sister. “Ngayon, alam na namin ang aming gagawin.” Dahil sa tinatayang limang milyong may kapansanan sa pandinig sa Nigeria, talagang may napakalaking potensiyal. Isang kapatid na lalaki ang nagsabi: “Ito na ang pasimula. Ngayo’y kailangan naming linangin ang kakaibang bagong larangang ito.”
Mga ilang buwan sapol noong kombensiyon, iyon nga ang nangyari. Ang sama-samang pagsisikap ay ginawa upang magturo ng katotohanan ng Salita ng Diyos sa milyun-milyong may kapansanan sa pandinig sa Nigeria. Sila rin ay kailangang matuto tungkol sa mabuting balita ng dumarating na bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, sapagkat doon ang makahimalang paggaling ay magaganap at “ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan.”—Isaias 35:5.