Pahalagahan ang Ating mga Kapatid na Bingi!
ANG bayan ng Diyos sa ngayon ay isang malaking pamilya na binubuo ng mga kapatid na nagmula pa sa mga lalaki at babae ng sinaunang panahon, gaya nina Samuel, David, Samson, Rahab, Moises, Abraham, Sara, Noe, at Abel. Kabilang sa pamilyang ito ang maraming kapatid na bingi. Halimbawa, ang kauna-unahang naging Saksi ni Jehova sa Mongolia ay isang mag-asawa na parehong bingi. At dahil sa katapatan ng ating mga kapatid na bingi sa Russia, nagtagumpay tayo sa European Court of Human Rights.
Sa ngayon, ang “tapat at maingat na alipin” ay naglalaan ng mga publikasyon sa wikang pasenyas at nag-oorganisa ng mga kongregasyon, asamblea, at kombensiyon sa wikang ito. (Mat. 24:45) Napakalaking tulong nito sa mga bingi.a Pero noong wala pang ganitong mga probisyon, gaano kaya kahirap para sa kanila na matuto tungkol sa tunay na Diyos at sumulong sa katotohanan? Sa tingin mo, paano ka kaya makakatulong sa mga bingi sa inyong lugar?
Noong Wala Pang Makabagong mga Probisyon
Ano kaya ang sasabihin ng mga may-edad nang bingi kapag ipinakuwento natin sa kanila kung paano nila nakilala ang Diyos? Baka sabihin nila ang kanilang nadama nang malaman nilang may pangalan pala ang Diyos—kung paanong ang katotohanang iyon ay nagpabago sa kanilang buhay at nakapagpalakas sa kanila bago pa man magkaroon ng mga video at DVD na tutulong sa kanila na higit pang matuto tungkol sa Bibliya. Baka ikuwento nila kung ano ang ginagawa nila noong wala pang mga interpreter o mga pulong sa wikang pasenyas. May tumatabi lang sa kanila noon at isinusulat sa papel ang mga tinatalakay sa pulong para makinabang sila. Isang brother na bingi ang natuto ng katotohanan sa ganitong paraan sa loob ng pitong taon bago magkaroon ng interpreter.
Naaalaala pa rin ng mga may-edad nang kapatid na bingi kung paano sila nangangaral noon sa mga nakaririnig. Hawak nila sa isang kamay ang isang maliit na kard na may nakasulat na simpleng presentasyon at nasa kabilang kamay naman nila ang pinakabagong Bantayan at Gumising! Hirap na hirap silang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa ibang bingi gamit ang nakalimbag na mga publikasyon na pareho nilang hindi masyadong naiintindihan. Malamang na naaalaala rin nila ang hirap ng kalooban noong hindi sila maintindihan at hindi nila maiturong mabuti ang katotohanan. Mahal na mahal nila si Jehova pero hindi sila sigurado kung paano ito ipakikita. Bakit? Hindi kasi nila tiyak kung tama nga ang unawa nila sa isang turo.
Sa kabila ng lahat ng ito, nanatili pa ring tapat ang ating mga kapatid na bingi. (Job 2:3) May-pananabik silang naghintay kay Jehova. (Awit 37:7) At pinagpapala niya sila ngayon nang higit sa kanilang inaasahan.
Tingnan natin ang pagsisikap na ginawa ng isang pamilyadong kapatid na bingi. Kahit noong wala pang mga video sa wikang pasenyas, regular na siyang nagdaraos ng pampamilyang pag-aaral. Sinabi ng kaniyang anak na lalaki: “Nahihirapan si Itay na pangasiwaan ang aming pampamilyang pag-aaral dahil wala siyang ibang nagagamit kundi ang nakalimbag na mga publikasyon. Kadalasan, hindi niya gaanong maintindihan ang nakasulat doon. Nakakadagdag pa kami sa hirap niya. Kasi, pinupuna namin siya agad kapag nagkakamali siya. Pero regular pa rin ang pampamilyang pag-aaral namin. Para sa kaniya, hindi baleng mapahiya siya paminsan-minsan, basta may matutuhan lang kami tungkol kay Jehova.”
Tingnan din natin ang halimbawa ni Richard, isang brother na mahigit 70 anyos at naninirahan sa Brooklyn, New York, E.U.A. Siya ay bingi at bulag, pero regular pa rin siyang dumadalo sa mga pulong. Para makarating sa Kingdom Hall, sumasakay siya sa tren at binibilang ang bawat paghinto nito para malaman kung kailan siya bababa. Minsan, sa panahon ng taglamig, nagkaroon ng malakas na bagyo ng niyebe kung kaya nakansela ang pulong. Napasabihan ang lahat ng kapatid sa kongregasyon maliban kay Richard. Nang maalaala ito ng mga kapatid, hinanap nila si Richard. Nakita nila siyang nakatayo sa labas ng Kingdom Hall, at naghihintay na mabuksan ang pinto. Nang tanungin siya kung bakit siya lumabas ng bahay kahit bagyung-bagyo, sumagot siya, “Mahal ko kasi si Jehova.”
Ano ang Puwede Mong Gawin?
May mga bingi ba sa lugar ninyo? Puwede ka bang mag-aral ng ilang senyas para makausap mo sila? Karaniwan nang mabait at matiyaga ang mga bingi kapag nagtuturo ng kanilang wika. Baka may makita kang bingi sa ministeryo o sa ibang lugar. Ano ang puwede mong gawin? Subukan mong kausapin siya. Puwede kang magsenyas, magsulat, magdrowing, o magpakita ng mga larawan. Kahit napansin mong hindi siya interesado sa katotohanan, sabihin mo pa rin sa isang kapatid na bingi o sa isang marunong ng wikang pasenyas na may nakausap kang bingi. Baka magkainteres siya sa ating mensahe kapag iniharap ito sa wikang pasenyas.
Kung nag-aaral ka ng wikang pasenyas at dumadalo sa kongregasyon na gumagamit ng wikang ito, paano ka kaya magiging mas mahusay sa pagsesenyas at sa pag-intindi sa wikang ito? Kahit mga kapatid na nakaririnig ang kausap mo sa inyong kongregasyon, kalimutan mo munang nakapagsasalita ka. Tutulong ito para makapagsenyas ka sa natural na paraan. Kung minsan, baka mapilitan kang magsalita na lang para hindi ka na mahirapan. Pero sa pag-aaral ng isang wika, kailangan mong magtiyaga para masanay.
Kapag nagsisikap kang magsenyas, naipakikita mong mahal mo ang mga kapatid na bingi at iginagalang mo sila. Isip-isipin na lang ang lungkot na nadarama nila sa araw-araw dahil hindi nila maintindihan ang sinasabi ng kanilang mga katrabaho at kaeskuwela. “Araw-araw, lahat ng tao sa paligid ko ay nagsasalita,” ang sabi ng isang kapatid na bingi. “Walang pumapansin sa akin kaya madalas akong nalulungkot, hanggang sa mainis na ako at magalit pa nga. Kung minsan, hindi ko maipaliwanag ang nadarama ko.” Kaya ang ating mga pulong ay dapat makapagpaginhawa sa ating mga kapatid na bingi. Mga pagkakataon ito para makatanggap sila ng espirituwal na pagkain at masiyahan sa pakikipag-usap at pakikihalubilo sa iba.—Juan 13:34, 35.
Hindi rin natin dapat kalimutan ang maraming mas maliliit na grupo ng mga bingi na nakikipagtipon sa mga kongregasyon ng mga nakaririnig. Ang mga pulong ay iniinterpret para sa kanila. Para maintindihan nang husto ang programa at makitang mabuti kapuwa ang interpreter at ang tagapagsalita, sa harapan ng Kingdom Hall sila nauupo. Batay sa mga karanasan, madali namang nasasanay sa kaayusang ito ang nakaririnig na mga kapatid. Ganito rin ang ginagawa sa mga asamblea at kombensiyon na may nag-iinterpret sa wikang pasenyas. Nararapat lamang na bigyan ng komendasyon ang masisipag na kapatid sa kongregasyon na nag-iinterpret sa paraang natural at naiintindihan ng mga bingi.
Kung kabilang ka sa kongregasyong may grupo sa wikang pasenyas o sa kongregasyong nag-iinterpret para sa ilang bingi na nakikidalo, paano mo maipakikita sa mga kapatid na bingi na mahalaga sila sa iyo? Anyayahan mo sila sa inyong bahay. Baka puwede ka ring mag-aral ng ilang senyas. Huwag kang mahiyang makipag-usap sa kanila. Marami kang maiisip na paraan para magawa ito. Ang pagpapakita ng ganitong pag-ibig ay magdudulot sa iyo ng kasiyahan. (1 Juan 4:8) Nakatutuwang makasama ang ating mga kapatid na bingi. Masarap silang kausap, matatalino, at masayahin. Ganito ang sabi ng isang brother na may mga magulang na bingi: “Mula pagkabata, kasalamuha ko na ang mga bingi, at napakalaki ng utang na loob ko sa kanila. Napakarami nating matututuhan sa ating mga kapatid na bingi.”
Mahal ni Jehova ang kaniyang tapat na mga mananamba, kasama na ang mga bingi. Ang kanilang pananampalataya at pagbabata ay lalong nagpapaganda sa organisasyon ni Jehova. Pahalagahan sana natin ang ating mga kapatid na bingi!
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Pinasinag ni Jehova ang Kaniyang Mukha sa Kanila,” sa isyu ng Ang Bantayan, Agosto 15, 2009.
[Larawan sa pahina 31]
Baka magkainteres sa mensahe ng Kaharian ang isang bingi kapag iniharap ito sa wikang pasenyas
[Mga larawan sa pahina 32]
Ang ating mga pulong ay dapat makapagpaginhawa at makapagpatibay sa ating mga kapatid na bingi