Pagkasumpong ng Kaaliwan sa “Libis ng Matinding Karimlan”
Gaya ng inilahad ni Barbara Schweizer
Kung minsan, kapag mabuti ang mga bagay-bagay, ang aking buhay ay parang kaiga-igayang “madamong pastulan.” Subalit naranasan ko na rin kung paano dumaan sa “libis ng matinding karimlan.” Gayunman, ako’y kumbinsido na sapagkat si Jehova ang ating Pastol, mahaharap natin ang anumang kalagayan na maaaring bumangon.—Awit 23:1-4.
NOONG 1993, nang kaming mag-asawa ay kapuwa malapit nang sumapit sa edad na 70, nagpasiya kaming pumasok sa isang panibago at pambihirang karanasan—ang maglingkod kung saan may higit na pangangailangan para sa mga guro ng Bibliya sa Ecuador. Bagaman isinilang kaming Amerikano, kami’y nagsasalita ng Kastila at walang pinansiyal na mga pananagutan. Yamang alam namin na ang ‘pangingisda ng mga tao’ ay mabunga sa Ecuador, nagplano kaming ibaba ang aming mga lambat sa mabungang mga tubig nito.—Mateo 4:19.
Pagkaraan ng ilang kapana-panabik na mga araw sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Ecuador, nagtungo kami sa istasyon ng bus sa Guayaquil, na sabik magbiyahe patungong Machala—isa sa mga lunsod kung saan may pantanging pangangailangan. Gayunman, samantalang naghihintay ng bus, ang asawa ko, si Fred, ay biglang sumama ang pakiramdam, kaya nagpasiya kaming iantala ang aming biyahe. Nagtungo ako sa isang phone booth upang gumawa ng mga kaayusan upang bumalik sa sangay habang si Fred ay nakaupo sa tabi ng aming mga bagahe. Pagbalik ko pagkaraan ng ilang minuto, wala na ang aking asawa!
Hindi ko na nakita pang buhay si Fred. Doon mismo sa istasyon ng bus, noong umalis akong sandali, siya’y matinding inatake sa puso. Habang natataranta ako sa paghahanap sa kaniya, lumapit ang isang opisyal ng istasyon ng bus at sinabi sa akin na si Fred ay dinala sa ospital. Pagdating ko sa ospital, napag-alaman ko na siya’y namatay na.
Walang anu-ano, nasumpungan ko ang aking sarili na nag-iisa sa isang naiibang bansa, na walang tahanan at walang asawang masasandalan. Sinabi kong “masasandalan” sapagkat si Fred ang laging nangunguna at nagsasaayos ng mga bagay-bagay para sa aming dalawa. Hindi matatag ang aking personalidad at maligaya ako na siya ang nangunguna. Subalit ngayon ay kailangan kong magpasiya, ayusin ang aking buhay at kasabay nito’y pagtagumpayan ang aking dalamhati. Isa nga itong mapangwasak na damdamin—para akong bumulusok sa “libis ng matinding karimlan.” Matutuhan ko kayang harapin ang buhay na mag-isa?
Pagkaalam ng Katotohanan at Paggawang Simple ng Aming Buhay
Kami ni Fred ay kapuwa dating may-asawa at diborsiyado nang una kaming magkakilala. Ang magandang pakikipagkaibigan ay namulaklak tungo sa isang matalik na kaugnayan, at kami’y nagpasiyang magpakasal. Kami’y naturingang mga nagsisimba sa Seattle, Washington, E.U.A. Subalit hindi masyadong mahalaga sa aming buhay ang relihiyon hanggang si Jamie, isang nakalulugod na kabataang payunir (buong-panahong ebanghelisador), ay dumalaw sa aming bahay. Siya’y totoong kaiga-igaya anupat tinanggap ko ang alok niya na makipag-aral sa akin sa Bibliya.
Yamang nagpakita rin ng interes si Fred, ang mga magulang ni Jamie ang nangasiwa sa pag-aaral, at pagkalipas ng isang taon, noong 1968, kami kapuwa ay nabautismuhan. Mula sa umpisa, masigasig na inuna namin ang mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos sa aming buhay. (Mateo 6:33) Ang mag-asawang nakipag-aral sa amin, sina Lorne at Rudi Knust, ay tunay na nagbigay ng halimbawa may kinalaman sa bagay na ito. Hindi nagtagal pagkatapos ng aming bautismo, sila’y lumipat sa isang bayan sa Silangang Baybayin ng Estados Unidos upang maglingkod kung saan may higit na pangangailangan. Ito’y naghasik ng binhi sa aming puso.
May isa pang dahilan kung bakit nag-isip kami na lumipat. Si Fred ang manedyer ng isang malaking department store. Masyado siyang okupado sa kaniyang trabaho, at natanto niya na kung siya’y lilipat sa ibang lugar magagawa niyang simple ang kaniyang buhay at makapagbibigay ng higit na pansin sa katotohanan at sa aming dalawang anak. May anak na babae rin ako sa aking unang pag-aasawa, na ngayo’y may asawa na, at tinanggap din nilang mag-asawa ang katotohanan, kaya ang aming pasiyang lisanin ang Seattle ay mahirap. Gayunman, naunawaan nila ang aming mga motibo at sinuportahan nila ang aming pasiya.
Kaya noong 1973 ay lumipat kami sa Espanya, isang bansa kung saan, nang panahong iyon, ay may napakalaking pangangailangan para sa mga mangangaral ng mabuting balita at mga kapatid na lalaki upang manguna. Natantiya ni Fred na kung kami’y magtitipid, ang aming mga naipon ay magiging sapat upang ibayad sa aming mga pagkakagastos sa Espanya, at maitatalaga namin ang karamihan ng aming panahon sa ministeryo. At iyon nga ang ginawa namin. Di-nagtagal, si Fred ay naglilingkod bilang isang matanda, at noong 1983 kami kapuwa ay mga payunir.
Naglingkod kami sa Espanya sa loob ng 20 taon, anupat natuto kaming magsalita ng Kastila at nagtamasa ng maraming maiinam na karanasan. Kadalasang kami ni Fred ay nangangaral na magkasama at nakikipag-aral sa mga mag-asawa, na ang ilan ngayon ay bautisadong mga Saksi na. Pagkaraan ng ilang taon sa Espanya, ang dalawa naming nakababatang anak, sina Heidi at Mike, ay nagpayunir din. Bagaman kaunti lamang ang taglay namin sa materyal, ito ang pinakamaligayang panahon ng aking buhay. Simple lang ang aming buhay. Nagugugol namin ang malaking bahagi ng panahon na magkakasama bilang isang pamilya, at tulad ng langis ng babaing balo sa ulat ng Bibliya, sa maingat na pagbabadyet ng aming naimpok ito’y hindi kinapos.—1 Hari 17:14-16.
Paglipat Na Naman ng Bansa
Noong 1992 ay muli na naman kaming nag-isip na lumipat. Malalaki na ang aming mga anak, at hindi na gaanong malaki ang pangangailangan sa Espanya na gaya nang dati. May kakilala kaming misyonero na dating naglingkod sa Ecuador, at sinabi niya sa amin ang tungkol sa masidhing pangangailangan para sa mga payunir at matatanda sa bansang iyon. Napakatanda na ba namin upang mag-isip na magsimulang muli sa isang bagong bansa? Hindi gayon ang palagay namin, yamang kami kapuwa ay may mabuting kalusugan at mahal namin ang gawaing pangangaral. Kaya nakibalita kami sa sangay ng Ecuador at nagsimula kaming magplano. Sa katunayan, ang aking anak na babaing si Heidi at ang kaniyang asawa, si Juan Manuel, na naglilingkod din sa hilaga ng Espanya, ay interesado ring sumama sa amin.
Sa wakas, noong Pebrero 1993, inayos namin ang lahat ng aming mga gawain at dumating kami sa isang bagong bansa. Tuwang-tuwa kami na makapagpayunir sa Ecuador, kung saan napakaraming tao ang sabik na mag-aral ng Bibliya. Pagkatapos ng malugod na pagtanggap sa sangay, nagplano kaming dumalaw sa ilang lunsod na iminungkahi bilang mga lugar kung saan may pantanging pangangailangan. Ngunit namatay ang aking asawa.
Sa “Libis ng Matinding Karimlan”
Sa simula’y nabigla ako, pagkatapos ay hindi ako makapaniwala. Bihirang magkasakit noon si Fred. Ano ang gagawin ko? Saan ako pupunta? Hindi ako makapag-isip.
Noong napakahirap na mga sandaling iyon ng aking buhay, ako’y pinagpala sa pamamagitan ng suporta ng madamaying espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae, ang karamihan ay hindi man lamang ako nakikilala. Napakabait ng mga kapatid sa sangay at inasikaso nila ang lahat ng bagay, pati na ang mga kaayusan sa libing. Natatandaan ko lalo na ang pag-ibig na ipinakita sa akin nina Brother at Sister Bonno. Tiniyak nila na hindi ako kailanman mag-iisa, at si Edith Bonno ay natulog pa nga sa paanan ng aking kama sa loob ng ilang gabi upang hindi ako makadama na ako’y nag-iisa. Sa katunayan, ang buong pamilyang Bethel ay nagpakita ng gayon na lamang pag-ibig at konsiderasyon anupat parang binalot nila ako sa isang mainit at pananggalang na kumot ng pag-ibig.
Sa loob ng ilang araw, nakasama ko na rin ang aking tatlong anak, at malaking bagay ang kanilang suporta. Gayunman, kahit na maraming maibiging kapatid ang nasa paligid ko sa buong araw, mas mahirap harapin ang mahahabang gabi. Iyan ang panahon na pinalakas ako ni Jehova. Kailanma’t sumasagi sa akin ang matinding pangungulila, ako’y bumabaling sa kaniya sa panalangin, at ako’y inaaliw niya.
Pagkatapos ng libing ay bumangon ang katanungang, Ano ang gagawin ko sa aking buhay? Nais kong manatili sa Ecuador sapagkat iyon ang napagpasiyahan namin, subalit inaakala kong hindi ko ito magagawa nang nag-iisa. Kaya sina Heidi at Juan Manuel, na nagbabalak na lumipat sa Ecuador sa malapit na hinaharap, ay nagbago ng kanilang mga plano anupat sila’y dumating karaka-raka upang kaming lahat ay makapaglilingkod na sama-sama.
Sa loob ng isang buwan, nakasumpong kami ng isang bahay sa Loja, isa sa mga lunsod na iminungkahi ng sangay. Agad akong naging abala sa pag-oorganisa ng mga bagay-bagay, ang pagtira sa isang bagong bahay, at ang pagsisimulang mangaral sa isang bagong bansa. Lahat ng gawaing iyon sa paano man ay nakatulong upang maibsan ang aking dalamhati. Bukod pa riyan, naiiyakan ko ang aking anak na babae, na naging totoong malapit kay Fred, at iyan ay nakatulong sa akin upang ibulalas ko ang aking mga damdamin.
Gayunman, pagkalipas ng dalawang buwan, nang ako’y nasasanay na sa aking bagong rutin, ang kabatiran tungkol sa aking matinding pangungulila ay sumidhi. Natuklasan ko na hindi ko kayang isipin ang tungkol sa maliligayang panahon namin ni Fred dahil ito’y labis na nakababalisa sa akin. Nabuhay ako sa bawat araw, na ibinabaon sa limot ang nakaraan, at hindi ako gaanong makapag-isip tungkol sa hinaharap. Subalit sinisikap kong punan ang bawat araw ng isang bagay na makabuluhan, lalo na ang aking gawaing pangangaral. Iyan ang nakatulong sa akin na magpatuloy.
Sa tuwina’y gustung-gusto ko ang pangangaral at pagtuturo ng Bibliya, at sa Ecuador ang mga tao’y handang tumanggap anupat ang gawaing ito ay isang kaluguran. Noong unang lumabas ako sa gawaing pagbabahay-bahay roon, may nakilala akong isang babaing may-asawa na nasa kabataan pa na nagsabi: “Opo, gusto ko pong matuto tungkol sa Bibliya!” Siya ang unang pag-aaral sa Bibliya na sinimulan ko sa Ecuador. Buhos na buhos ang isip ko sa ganitong uri ng karanasan anupat naiwasan ko ang labis na pag-iisip tungkol sa akin mismong kalungkutan. Saganang pinagpala ni Jehova ang aking paglilingkod sa larangan. Parang sa tuwing lalabas ako upang mangaral ng mabuting balita, nagkakaroon ako ng magandang karanasan.
Walang alinlangan, ang patuloy na paglilingkod bilang isang payunir ay isang pagpapala. Ito’y nagbigay sa akin ng pananagutan na kumilos at naglaan ng isang positibong bagay para gawin sa bawat araw. Sa loob ng maikling panahon, ako’y nagdaraos ng anim na pag-aaral sa Bibliya.
Upang ilarawan ang kasiyahang natatanggap ko mula sa aking ministeryo, hayaan mong banggitin ko ang tungkol sa isang babaing nasa kalagitnaang gulang na kamakaila’y nagpakita ng tunay na pagpapahalaga sa mga turo ng Bibliya. Nang ipakita ko sa kaniya ang isang kasulatan, gusto niya munang maunawaan ito nang lubusan, at pagkatapos ay handa niyang ikapit ang payo nito. Bagaman siya’y namuhay ng isang imoral na buhay noon, nang siya’y alukin kamakailan ng isang lalaki na makisama sa kaniya, buong tatag niyang tinanggihan ang alok nito. Sinabi niya sa akin na gayon na lamang ang kaniyang kaligayahan na siya’y nanindigang matatag sa maka-Kasulatang mga pamantayan, yamang siya ngayon ay nagtatamasa ng kapayapaan ng isip na hindi niya kailanman naranasan noon. Ang gayong mga pag-aaral ay nakapagpapasigla sa aking puso at nadarama kong ako’y nakatutulong.
Pagpapanatili ng Aking Kagalakan
Bagaman ang paggawa ng alagad ay nagdudulot sa akin ng labis na kagalakan, hindi naman madaling naglaho ang aking dalamhati. Sa aking kalagayan, ang kalungkutan ay isang bagay na dumarating at nawawala. Isang malaking tulong sa akin ang aking anak na babae at manugang, subalit kung minsan kapag nakikita ko silang magkasama sa pantanging mga sandali, lalo kong nadarama ang aking pangungulila. Labis akong nangungulila sa aking asawa, hindi lamang dahil sa lubha kaming malapit sa isa’t isa kundi dahil din sa umaasa ako sa kaniya sa napakaraming bagay. May mga panahon na palibhasa’y hindi ko siya nakakausap, o nahihingan ng payo, o naibabahagi sa kaniya ang karanasan sa paglilingkod sa larangan ako’y nakadarama ng kalungkutan at kahungkagan na hindi madaling pakitunguhan.
Ano ang nakatulong sa akin sa gayong mga kalagayan? Taimtim akong nananalangin kay Jehova at hinihiling ko na tulungan niya ako na mag-isip ng ibang bagay, isang bagay na positibo. (Filipos 4:6-8) At talaga namang tinutulungan niya ako. Pagkaraan ng ilang taon, naipakikipag-usap ko na ang tungkol sa ilang mabubuting panahon na pinagsamahan namin ni Fred. Kaya, maliwanag na ang proseso ng paggaling ay unti-unting nagkakabisa. Gaya ng salmistang si David, nadama kong ako’y lumakad sa “libis ng matinding karimlan.” Subalit si Jehova ay naroroon upang aliwin ako, at ang tapat na mga kapatid ay may kabaitang umaakay sa akin sa tamang direksiyon.
Mga Leksiyong Aking Natutuhan
Palibhasa’y si Fred ang laging nangunguna, hindi ko kailanman naisip na ako’y makapagpapatuloy at makagawa ng mga bagay-bagay sa ganang akin. Subalit sa tulong ni Jehova, ng aking pamilya, at ng mga kapatid, nagawa ko ito. Sa ilang paraan ay mas malakas ako kaysa dati. Mas madalas akong bumaling kay Jehova kaysa dati, at natututo akong gumawa ng pasiya sa ganang sarili.
Ako’y natutuwa na kami ni Fred ay gumugol ng 20 taon sa Espanya, na magkasamang naglilingkod kung saan may higit na pangangailangan. Sa sistemang ito ng mga bagay, hindi natin nalalaman kung ano ang mangyayari sa bawat araw, kaya inaakala kong napakahalagang gawin natin ang ating buong makakaya para kay Jehova at para sa ating pamilya samantalang mayroon tayong pagkakataon. Pinagyaman ng mga taóng iyon ang aming buhay at ang aming pagsasamang mag-asawa, at ako’y kumbinsido na inihanda ako nito upang harapin ang aking pangungulila. Yamang ang pagpapayunir ay naging isang paraan na ng pamumuhay bago pa namatay si Fred, nagbigay ito sa akin ng layunin nang ako’y nakikipagpunyagi upang tanggapin ang bagong kalagayan.
Nang mamatay si Fred, sa simula’y parang nagwakas na rin ang aking buhay. Mangyari pa, hindi naman gayon ang kalagayan. Mayroon akong gawaing dapat gawin sa paglilingkuran kay Jehova, at may mga tao akong dapat tulungan. Dahil sa bagay na napakarami sa palibot ko ang nangangailangan pa ng katotohanan, paano nga ako makahihinto? Ang pagtulong sa iba ay mabuti para sa akin, gaya ng sabi ni Jesus. (Gawa 20:35) Ang mga karanasan ko sa ministeryo sa larangan ay nagbigay sa akin ng mga bagay na aasam-asamin, mga bagay na dapat planuhin.
Mga ilang araw ang nakalipas, minsan pang sumagi sa akin ang damdamin ng pangungulila. Subalit nang umalis ako ng bahay upang magtungo sa isang pag-aaral sa Bibliya, agad kong nadama na sumasaya ang aking pakiramdam. Pagkaraan ng dalawang oras ako’y umuwi ng bahay na nasisiyahan at napatibay. Gaya ng sinabi ng salmista, kung minsan ay maaaring ‘naghahasik tayo nang may luha,’ subalit pagkatapos ay pinagpapala ni Jehova ang ating mga pagsisikap, at tayo’y ‘umaani nang may kagalakan.’—Awit 126:5, 6.
Kamakailan lamang, dahil sa alta presyon, kailangan kong baguhin nang bahagya ang aking iskedyul, at ako ngayon ay isang regular na auxiliary pioneer. Ako’y namumuhay ng isang kasiya-siyang buhay, bagaman hindi ko iniisip na kailanman ay lubusan kong mapapawi ang aking pangungulila sa sistemang ito ng mga bagay. Nagdudulot sa akin ng kagalakang makita ang aking tatlong anak na nasa buong-panahong paglilingkod. Higit sa lahat, inaasam-asam kong makitang muli si Fred sa bagong sanlibutan. Tiyak kong matutuwa siyang malaman ang tungkol sa gawaing nagawa ko sa Ecuador—na nagbunga talaga ang aming mga plano.
Dalangin ko na harinawang ang mga salita ng salmista ay patuloy na maging totoo sa aking kalagayan. “Tiyak na susundan ako ng kabutihan at maibiging-kabaitan sa lahat ng mga araw ng buhay ko; at tatahan ako sa bahay ni Jehova sa kahabaan ng mga araw.”—Awit 23:6.
[Larawan sa pahina 23]
Sa ministeryo sa San Lucas, Loja, Ecuador