‘Punô ang Aking Saro’
Inilahad ni Tarissa P. Gott
“BAKIT nga ba ganito ang dapat mangyari?” Ganiyan ang tanong naming mag-asawa samantalang kami’y nakaupo sa isang sasakyang hila ng kabayo at hawak-hawak namin ang munting ataul sa aming mga bisig. Ang aking sanggol na lalaki ay nagkasakit ng koliko at namatay makalipas ang ilang mga linggo. Noong 1914, wala pang gaanong alam tungkol sa kung ano ang dapat gawin sa sakit na iyan. Isang totoong kakila-kilabot na bagay na mahalin mo ang isang sanggol ng may anim na buwan, makita siyang ngumingiti sa iyo, at pagkatapos ay inagaw siya ng kamatayan buhat sa iyong mga bisig. Windang ang puso ko.
Dinalaw kami ng aking ina sa gayong malungkot na panahon at kami’y inaliw niya ng mensahe ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli. Napakalaki ang nagawa sa amin niyaon. Anong laking ginhawa sa aking asawang si Walter at sa akin na malaman na posible ngang makita naming muli ang aming munting si Stanley.
Hindi iyon ang unang pagkarinig ko ng katotohanan ng Bibliya. Bago pa nito, ang lolo ko ay nakakuha ng unang tatlong tomo ng Studies in the Scriptures, ni Charles Taze Russell. Ang nabasa roon ni Lolo, lakip na ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya, ang nag-udyok sa kaniya na lumabas at mangaral. Ito ang nagpagalit sa mga klerigo doon sa amin, kaya’t siya’y pinatalsik sa mga simbahan sa Providence, Rhode Island. Kaya naman ang nanay ko ay hindi na nagsimba pagkatapos niyaon. Siya at si Lolo ay doon na ngayon dumalo sa mga pulong ng mga Bible Students, ngunit wala pa akong gaanong hilig sa katotohanan noon.
Sa edad na 16, ako’y nakapag-asawa sa isang binata, si Walter Skillings, at doon kami nanirahan sa Providence. Kami ay kapuwa sabik na makisama sa mga taong may pag-ibig sa Salita ng Diyos. Bagama’t noong 1914 ay mayroon na kaming anim na taóng anak na babae, si Lillian, noon lamang mamatay ang aming sanggol na lalaki saka tumalab sa amin ang katotohanan na ibinalita sa amin ng nanay ko. Nang sumunod na taon, 1915, kaming mag-asawa ay binautismuhan ng mga Bible Students. Ang aming bautismo ay naganap noong tag-araw sa isang karatig na tabing-dagat. Nakasuot ako noon ng isang mahaba at itim na kasuotan na may mataas na leeg at mahabang manggas, ibang-iba sa mga bathing suit ngayon. Sabagay, hindi ito ang karaniwang isinusuot sa tabing-dagat noong mga araw na iyon kundi ito’y pantanging inilaan para sa bautismo.
Pagkatapos ng aming bautismo, nabago ang aming buhay. Si Walter ay nagtrabaho sa Lynn Gas and Electric Company, at kung mga araw ng taglamig, siya’y pinapupunta kung minsan sa iba’t ibang simbahan para tunawin ang yelo na bumabalot sa kanilang mga sistema ng tubig. Kaniyang sinasamantala ang pagkakataon na iyon upang sumulat ng mga teksto sa Kasulatan sa mga pisara ng simbahan, mga talata na nagpapakita kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kawalang-kamatayan, Trinidad, impierno, at iba pa.—Ezekiel 18:4; Juan 14:28; Eclesiastes 9:5, 10.
Saan ba Kami Pupunta?
Noong 1916 si Brother Russell, ang unang pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society, ay namatay, at wari ngang noo’y nagkawatak-watak ang lahat. Ngayon marami sa mga taong waring napakatitibay, napakadebotado sa Panginoon, ay nagsimulang nagsitalikod. Nahayag noon na ang iba’y sumusunod sa isang tao imbis na kay Jehova at kay Kristo Jesus.
Dalawang tagapangasiwa na nangungulo sa aming kongregasyon ang pumanig sa grupo ng oposisyon at sa gayo’y naging mga miyembro ng uring “masamang alipin.” (Mateo 24:48) Lahat na ito ay tila man din hindi nga tama, subalit nangyayari ito noon at kami’y nalito. Subalit ang sabi ko sa aking sarili: ‘Hindi baga ang organisasyong ito ang ginamit ni Jehova upang kami’y mapalaya sa mga gapos ng huwad na relihiyon? Hindi baga nalasap namin ang kaniyang kabutihan? Kung kami’y aalis pa rito ngayon, saan naman kami pupunta? Hindi baga ang mangyayari sa amin ay sa tao lamang kami susunod?’ Hindi namin maintindihan kung bakit kami dapat na sumama sa mga apostata, kaya’t namalagi na lamang kami roon.—Juan 6:68; Hebreo 6:4-6.
Sumapit na Naman ang Isang Kasawian
Ang aking asawa ay nagkasakit ng trangkaso Espanyola, at noong ika-9 ng Enero, 1919, siya’y namatay at ako naman ay nagkasakit ng ganoon din. Ako’y gumaling, ngunit matindi ang pangungulila kay Walter.
Ngayong wala na si Walter, kinailangan ko na maghanapbuhay, kaya’t ipinagbili ko ang aking tahanan at nakipisan sa isang espirituwal na sister. Ang aking mga muwebles ay inihabilin ko sa tahanan ng isa pang sister sa Saugus, Massachusetts. Ang kaniyang anak na lalaki, si Fred A. Gott, nang malaunan ay naging pangalawang asawa ko. Kami’y ikinasal noong 1921, at sa loob ng sumunod na tatlong taon, kami ay naging mga magulang ni Fred at ni Shirley.
Ang Isyu ng Pagsaludo sa Bandila
Nang malaunan, nang si Fred at si Shirley ay nag-aaral sa paaralang-bayan, bumangon ang isyu tungkol sa pagsaludo sa bandila. Ang isyu ay nakasentro sa mga turo ng Bibliya tungkol sa ‘pag-iwas sa idolatriya.’ (1 Corinto 10:14) Isang kabataang kapatid na lalaki sa Lynn Congregation ang tumangging sumaludo at manumpa ng katapatan sa bandila. Hindi naglipat buwan pitong mga bata sa kongregasyon ang pinaalis sa paaralan, at kabilang na roon si Fred at si Shirley.
Inaamin ko na medyo isang sorpresa sa amin na ang aming mga anak ay gumawa ng paninindigan sa paaralan gaya ng paninindigan nila. Mangyari pa, aming tinuruan sila ng paggalang sa bayan at sa bandila, at tinuruan din namin sila ng mga utos ng Diyos tungkol sa hindi pagyuko sa mga imahen at mga idolo. Bilang mga magulang, hindi namin ibig na ang aming mga anak ay mapaalis sa paaralan. Subalit ngayon na sapilitang bumangon ang isyu, wari ngang tumpak lamang na sila’y manindigan sa panig ng Kaharian ng Diyos. Kaya’t sa pagtitimbang-timbang ng mga bagay, naintindihan namin na tama naman ang ginawa ng aming mga anak at kung kami’y magtitiwala kay Jehova lahat ay mapapasaayos bilang pagpapatotoo sa kaniyang pangalan.
Inorganisa ang Kingdom School
Ang tanong ngayon ay, Paano nga magkakaroon ng edukasyon ang mga bata? Sandaling tinangka namin na turuan sila sa tahanan sa tulong ng anumang mga aklat-aralan na nakuha namin. Subalit kaming mag-asawa ay nahirapan nang unang taon na iyon ng paaralan sa pagsisikap namin na turuan ang aming dalawang anak. Ang aking asawa ay nagtatrabaho nang buong panahon, at ako naman ay naglalaba at namamalantsa upang maragdagan ang aming lingguhang kita. Bukod diyan, mayroon akong isang limang-taóng-gulang na anak na lalaki, si Robert, na inaalagaan.
Halos noon din, sa tagsibol ng 1936, si Cora Foster, isang sister sa kongregasyon at isang guro sa mga paaralang-bayan ng Lynn nang may 40 taon, ay inalis sa kaniyang trabaho dahilan sa hindi pagsaludo sa bandila at hindi panunumpa bilang guro na uso noon. Kaya isinaayos na si Cora ang magturo sa mga bata na pinaalis sa paaralan at ang aming tahanan ang gagamitin bilang isang Kingdom School. Ang piyano ni Cora ay ipinadala niya sa aming tahanan kasama ang mga ilang aklat-aralan para gamitin ng mga bata, at ang ilan sa mga nakatatandang mga batang lalaki ay gumawa ng mga desk buhat sa mga tabla na galing sa mga kahon ng dalanghita at sa plywood. Aming pinasimulan ang paaralan nang sumunod na taglagas at ito’y may sampung batang mag-aaral.
Ang aking bunsong anak, si Robert, ay nagsimula ng kaniyang pag-aaral at siya’y nasa unang grado sa Kingdom School. “Bago namin pinasimulan ang aming regular na pagkaklase,” ang nagunita pa ni Robert, “ang Kingdom School ay nagsisimula sa pamamagitan ng isang awiting pang-Kaharian araw-araw, at pagkatapos may kalahating oras na kami’y nag-aaral ng aralin sa Watchtower para sa darating na linggo.” Noong mga araw na iyon hindi naman nililimbag ng Samahan ang mga tanong para sa mga parapo ng araling artikulo, kaya naging responsabilidad na ng mga bata na sila ang magbigay ng mga tanong para sa mga parapo na gagamitin sa pulong ng kongregasyon.
Si Cora ay isang debotadong guro. “Nang ako’y may tuspirina,” ang nagunita pa ni Robert, at ang paaralan ay sarado hanggang sa maampat na ang nakakahawang sakit na iyon, “si Sister Foster ay dumalaw sa bahay ng bawat mag-aaral at nagbigay ng araling-bahay.” Sa kabila ng kaniyang debosyon, marahil ay nasisiraan din siya ng loob paminsan-minsan, sapagkat siya’y kinailangang magturo sa mga mag-aaral sa lahat ng 12 grado sa isang silid-aralan. Sa katapusan ng limang taon na nasa aming tahanan ang Kingdom School, mayroong 22 mga bata na nag-aaral doon.
Pananalansang at Kabaitan
Ang isyu sa pagsaludo sa bandila ay hindi lamang isang panahon ng pagsubok at kagipitan kundi rin naman ng malawak na publisidad sa pamamagitan ng pahayagan at radyo. Karaniwan nang may makikitang mga potograpo sa harap ng aming tahanan na kumukuha ng litrato ng mga bata samantalang sila’y nagdaratingan sa Kingdom School. Marami sa aming mga kapitbahay, na dati-rati’y palakaibigan sa amin, ay naging mga mananalungat na ngayon. Inaakala nila na isang kakila-kilabot na bagay na ang aming mga anak ay tumangging sumaludo sa bandilang Amerikano. ‘Tutal,’ sabi nila, ‘hindi ba ito ang bansa na nagbibigay sa inyo ng tinapay at mantikilya?’ Hindi nila nauunawaan na kung hindi sa pangangalaga ni Jehova, ay hindi magkakaroon ng tinapay ni mantikilya man.
Sa kabilang panig, mayroon namang mga iba na nakakaunawa sa nasasangkot na mga isyu at tumangkilik sa amin. Nang ang mga tao sa paligid-ligid ay magboykoteo sa isang groseri na kung saan nagtatrabaho bilang manedyer ang aming tagapangasiwa ng kongregasyon, isang nakaririwasang tao na interesado sa kalayaang sibil ang bumili ng karamihan ng mga paninda sa grosering iyon at ipinamigay niya nang walang bayad sa mga kapatid sa kongregasyon.
Hindi nangyari kundi noong 1943, nang ang Korte Suprema ng Estados Unidos ay nagbago ng kaniyang paninindigan at baligtarin niya ang kaniyang hatol tungkol sa isyu ng pagsaludo sa bandila, na ang aking anak na si Robert ay pinayagan na mag-aral sa paaralang bayan.
‘Punô ang Aking Saro’
Anong ligaya ko nang makita ko na si Robert ay mag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova at pabautismo sa kombensiyon sa St. Louis noong 1941. Sa kombensiyong ding iyon, lahat ng tatlong kong mga anak ay nagkapribilehiyo na makabilang sa maraming mga bata na tumanggap ng isang libreng personal na kopya ng aklat na Children buhat kay Brother Rutherford, ang pangulo noon ng Samahang Watch Tower.
Noong 1943 ang aking mas matandang anak na lalaking si Fred ay pumasok sa buong-panahong ministeryo ng pagpapayunir. Subalit, ito’y tumagal lamang ng mga ilang buwan sapagkat noon ay sumiklab na ang Digmaang Pandaigdig II, at siya’y nasa edad na magsundalo. Nang ang lokal na draft board ay tumangging kilalanin ang kaniyang mga pag-aangkin na mapapuwera sa pagsusundalo dahil sa siya’y isang ministro, siya pagkatapos ay sinentensiyahan na mabilanggo ng tatlong taon sa pederal na piitan sa Danbury, Connecticut. Noong 1946 siya ay pinalaya, at nang may katapusan ng taon na iyon, siya ay isang buong-panahong manggagawa sa pandaigdig na punung-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn, New York, na kung saan tinamasa niya ang maraming mga taon ng paglilingkod. Ngayon ay isa siyang tagapangasiwa na naglilingkod kasama ng kaniyang pamilya sa Providence, Rhode Island.
Noong 1951 si Robert man, ay inanyayahan sa Bethel, at siya’y naroroon hanggang sa araw na ito kasama ang kaniyang asawang si Alice. Siya rin naman ay isang tagapangasiwa, sa isang kongregasyon sa New York City.
At nariyan din ang aking mahal na anak na babaing si Shirley, na nanatili na lamang sa bahay. Siya ang tumingin sa aking asawa at sa akin hanggang sa mamatay ang asawa ko noong 1972; magmula na noon ay naging isang malaking kaaliwan siya sa akin. Talagang hindi ko alam kung paano ang kalalabasan ng mga bagay kung wala siya, subalit pinasasalamatan ko si Jehova dahil sa pag-ibig at debosyon ni Shirley.
Ako’y 95 taóng gulang na ngayon, subalit ang pag-asa sa bagong sistema ni Jehova ay maningning higit kailanman. Kung minsan ay sinasabi ko sa aking sarili, “Kung ako lamang sana’y may lakas na gaya ng taglay ko noong mga taóng lumipas.” Hindi na ako makapagbahay-bahay, pero habang mayroon akong dila, patuloy na pupurihin ko si Jehova. Pinasasalamatan ko ang pribilehiyong ito nang higit ngayon kaysa kailanman sa tanang buhay ko. Oo, ‘punô ang aking saro.’—Awit 23:5.
[Larawan sa pahina 21]
Ang Kingdom School na ginanap sa aming tahanan noong 1930’s
[Larawan sa pahina 23]
Si Tarissa Gott kasama si Robert, Shirley, at Fred