Ang Pag-asang Iniaalok ng Tunay na Relihiyon
LIKAS sa atin ang magnais na makipag-usap tungkol sa mga bagay na nakababahala o nakaaantig sa atin. Isa itong dahilan kung bakit ang mga Saksi ni Jehova ay natutuwang ibahagi sa iba ang kamangha-manghang mensahe ng Bibliya. Ang mensaheng ito, na nagtatampok sa Kaharian ng Diyos, ay nagtataglay ng mga sagot sa mga tanong na totoong nakababahala sa mga tao sa ngayon, gaya ng kinabukasan, seguridad, kalusugan, at kaligayahan.—Lucas 4:43.
Subalit, ano muna ang Kaharian ng Diyos?
Isang Kapana-panabik na Pag-asa
Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno ng Diyos na pinamamahalaan ng kaniyang Anak, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.” Sinasabi ng Bibliya hinggil sa kaniya: “Isang bata ang ipinanganak sa atin, isang anak na lalaki ang ibinigay sa atin; at ang pamamahala bilang prinsipe ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging . . . Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”—Isaias 9:6, 7.
Nakatanaw nang malayo sa hinaharap, oo, sa yugto mismo ng ating kasaysayan pati na sa mga tagapamahala nito, isa pang hula ng Bibliya ang nagsasabi: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos sa langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
Ang Kahariang ito ng Diyos, na pinamamahalaan ni Kristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang magsasakatuparan sa panalangin na itinuro ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod, alalaong baga ay ang: “Ama namin na nasa mga langit . . . , dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Ano ang magiging kahulugan para sa lupa at para sa atin ng pagdating ng Kaharian ng Diyos? Pansinin ang mga pangako ng Diyos na Jehova mismo, gaya ng nakaulat sa Bibliya. Ang ilan sa mga ito ay nakalarawan sa mga pahinang ito.
Isang Mensahe Mula sa Diyos
Ang kamangha-manghang mga pangako na matatagpuan sa Salita ng Diyos ay hindi dapat itago, at muli tayong ibinabalik nito hinggil sa pakikipag-usap tungkol sa relihiyon. Inihula ni Jesus na bago ang katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, sisimulan ng kaniyang mga tagasunod ang pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14; 28:19, 20; Gawa 1:8.
Ang mensaheng ito tungkol sa Kaharian ng Diyos ang inihahayag ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ang Bantayan, na kasama ng magasing ito, ay inilalathala sa 130 wika, at nasa pabalat ng bawat isa sa mahigit na 22 milyong kopya na inililimbag sa bawat isyu ang mga salitang “Naghahayag ng Kaharian ni Jehova.”
Bilang isang matalinong tao, nais mong gumawa ng may-kabatirang mga pasiya tungkol sa iyong buhay. (Kawikaan 18:13) Kaya naman, personal ka naming inaanyayahan na alamin pa nang higit ang tungkol sa maluwalhating Kaharian ng Diyos at sa maaaring maging kahulugan nito sa iyo. Sa layuning iyan, huwag ipuwera ang iyong sarili sa pakikipag-usap tungkol sa Bibliya. Wala nang usapan ang magiging mas nakapagtuturo, mas kawili-wili, at mas mahalaga kaysa rito.—Juan 17:3.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Mga Pangako Tungkol sa Isang Paraisong Lupa
Lubos na kapayapaan ang iiral sa lupa. “Sa kaniyang mga araw ay sisibol ang matuwid, at ang kasaganaan ng kapayapaan hanggang sa mawala na ang buwan.”—Awit 72:7, 8.
Maging ang mga patay ay muling bubuhayin. “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:15.
Tatamasahin magpakailanman ang sakdal na kalusugan. “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Ang mga tao ay magtatayo at maninirahan sa kanilang sariling mga tahanan. “Sila ay tiyak na magtatayo ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at sila ay tiyak na magtatanim ng mga ubasan at kakain ng bunga ng mga iyon.”—Isaias 65:21, 22.
Mananagana ang pagkain. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:16.