Buhay sa Isinauling Paraiso
BUO ang tiwala ni Jesus sa pagkabuhay-muli, at sinabi niya sa kaniyang mga alagad na tiyak na mangyayari ito. “Sa muling-paglalang,” ang sabi niya, “[kayo ay] magmamana ng buhay na walang hanggan.” Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa pananalitang “sa muling-paglalang”?—Mateo 19:25-29.
Ayon sa katulad na ulat ng manunulat ng Bibliya na si Lucas, sinabi ni Jesus na “sa darating na sistema ng mga bagay,” ang kaniyang mga alagad ay tatanggap ng “buhay na walang hanggan.” (Lucas 18:28-30) Bakit tinutukoy rin ng Bibliya ang “darating na sistema ng mga bagay” bilang “muling-paglalang”?
Maliwanag na ito’y para idiin na titiyakin ng Diyos na Jehova na matutupad ang kaniyang orihinal na layunin para sa sangkatauhan na tamasahin ang walang-hanggang buhay sa lupang paraiso. Magiging sakdal na muli ang mga tao gaya nina Adan at Eva bago sila magkasala. Kaya “sa darating na sistema ng mga bagay,” magkakaroon ng “muling-paglalang” ng Paraiso na katulad ng hardin ng Eden.
Kung Paano Isasauli ang Paraiso
Noong nasa lupa si Jesus, tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na ipanalangin ang pamahalaang gagamitin ng Diyos para isauli ang paraiso sa buong lupa. Sinabi ni Jesus na ipanalangin natin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Inatasan ng Diyos ang kaniyang Anak upang maging Tagapamahala ng Kahariang ito, na tutupad sa layunin ng Diyos na gawing Paraiso ang buong lupa.
Hinggil sa Isa na inatasan ng Diyos bilang Tagapamahala, sinasabi ng Bibliya: “Isang bata ang ipinanganak sa atin, isang anak na lalaki ang ibinigay sa atin; at ang pamamahala bilang prinsipe ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging . . . Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.” (Isaias 9:6, 7) Pero paano isasakatuparan ng pamahalaang ito, na nasa ilalim ng ‘pamamahala ng prinsipe,’ ang kalooban ng Diyos?
Ganito ang sagot ng Bibliya: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian [ang pamamahala ng prinsipe] na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
Isaalang-alang natin ang kalagayang iiral sa lupa sa isinauling Paraiso, oo, “sa muling-paglalang,” kapag ginamit na ng Anak ng Diyos ang kapangyarihan bilang ‘Tagapamahalang prinsipe’ sa Kaharian ng kaniyang Ama.
Kung Ano ang Magiging Buhay sa Paraiso
Pagkabuhay-muli ng mga patay
“Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.”—Juan 5:28, 29.
“Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:15.
Wala nang sakit, pagtanda, o kamatayan
“Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.”—Isaias 35:5, 6.
“Ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Saganang masusustansiyang pagkain
“Ang lupa ay tiyak na magbibigay ng bunga nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ay magpapala sa atin.”—Awit 67:6.
“Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:16.
Maalwang tirahan at kasiya-siyang trabaho para sa lahat
“Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain.”—Isaias 65:21, 22.
Wala nang krimen, karahasan, o digmaan
“Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa.”—Kawikaan 2:22.
“Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Wala nang takot, at magkakaroon ng kapayapaan sa buong lupa
“Tatahan sila nang tiwasay, na walang sinumang magpapanginig sa kanila.”—Ezekiel 34:28.
“Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isaias 11:9.
Kaysaya ngang mabuhay kapag umiiral na ang gayong mga kalagayan sa buong lupa, kapag ang lahat ng tao ay umiibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa! (Mateo 22:37-39) Makapagtitiwala kang matutupad sa panahong iyon ang lahat ng mga pangako ng Diyos. “Sinalita ko nga iyon,” ang sabi ng Diyos, “gagawin ko rin naman.”—Isaias 46:11.
Marahil marami ka pang kailangang matutuhan hinggil sa Diyos na Jehova at sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan. Halimbawa, ano ang katibayan na malapit na ang bagong sanlibutang ito? Paano hahalinhan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pamahalaan sa lupa? At anu-anong pangyayari ang magaganap bago matupad ang mga ito? Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na ipaliwanag sa iyo ang sagot sa mga tanong na ito. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang pahina 32 ng magasing ito.
Malapit nang matapos ang maraming taóng paghihintay ng mga tao sa matuwid na bagong sanlibutan. Karamihan ng mga taong namatay na ay mabubuhay-muli. Hindi lamang ito isang posibilidad—ito mismo ang kalooban ng Diyos. Talagang mabubuhay-muli ang mga nasa libingan! Oo, ito ang “tunay na buhay,” ang ‘buhay na darating.’—1 Timoteo 4:8; 6:19.