Paghahanap sa Tadhana ng Tao
BAKIT nga ba napakaraming naniniwala sa kapalaran? Sa lahat ng panahong lumipas, sinikap na ng tao na malutas ang mga hiwaga ng buhay at makasumpong ng layunin sa nagaganap na mga pangyayari. “Dito pumapasok sa eksena ang mga kategoryang ‘diyos’, ‘tadhana’, at ‘pagkakataon’, depende kung ang mga pangyayari ay dulot ng isang makapangyarihang persona, ng impersonal na kaayusan, o walang anumang kaayusang pinagmulan,” paliwanag ng istoryador na si Helmer Ringgren. Ang kasaysayan ay punung-puno ng mga paniniwala, kuwento, at alamat na may kaugnayan sa kapalaran at tadhana.
Ganito ang sabi ng Asiryologong si Jean Bottéro: “Tayo’y pangunahin nang hinuhubog ng sibilisasyon ng Mesopotamia sa lahat ng aspekto ng ating kultura,” anupat sinabi pa na masusumpungan natin sa sinaunang Mesopotamia o Babilonya “ang pinakamatandang kapuna-punang reaksiyon at palagay ng sangkatauhan hinggil sa mga himala, ang pinakamatandang nakikilalang kaayusan sa relihiyon.” Dito rin natin masusumpungan ang pinagmulan ng kapalaran.
Ang Sinaunang Ugat ng Kapalaran
Sa sinaunang mga labí ng Mesopotamia, na ngayo’y Iraq, natuklasan ng mga arkeologo ang ilan sa pinakamatatandang kasulatan na nabatid ng tao. Ang libu-libong tapyas na sinulatan ng cuneiform ay nagpapakita sa atin ng isang maliwanag na larawan ng buhay noon ng sinaunang sibilisasyon sa Sumer at Akkad at sa bantog na lunsod ng Babilonya. Ayon sa arkeologong si Samuel N. Kramer, ang mga Sumeriano “ay nababahala sa problema ng paghihirap ng tao, lalo na yaong may kinalaman sa mahihiwagang dahilan.” Ang kanilang paghahanap ng kasagutan ay umakay sa kanila sa ideya ng kapalaran.
Sa kaniyang aklat na Babylon, sinabi ng arkeologong si Joan Oates na “ang bawat taga-Babilonya ay may sarili nitong personal na diyos o diyosa.” Naniniwala ang mga taga-Babilonya na “hinubog na [ng mga diyos] ang tadhana ng buong sangkatauhan, isahan at maramihan.” Ayon kay Kramer, naniniwala ang mga Sumeriano na “ang mga diyos na kumokontrol sa sansinukob ang nagplano at nagpasok ng kasamaan, kasinungalingan at karahasan bilang kakambal ng sibilisasyon.” Laganap ang paniniwala sa kapalaran, at mataas ang pangmalas dito.
Inakala ng mga taga-Babilonya na posibleng malaman ang mga plano ng mga diyos sa pamamagitan ng panghuhula—“isang paraan ng pakikipag-usap sa mga diyos.” Sangkot sa panghuhula ang pagsisikap na patiunang masabi ang mangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng pagmamasid, pagbibigay-kahulugan, at pagpapaliwanag sa mga bagay at mga pangyayari. Karaniwan nang sinusuri ang mga panaginip, paggawi ng mga hayop, at mga lamang-loob. (Ihambing ang Ezekiel 21:21; Daniel 2:1-4.) Ang di-inaasahan o di-karaniwang mga pangyayari na sinasabing nagsisiwalat ng mangyayari sa hinaharap ay iniuulat sa tapyas na putik.
Ayon sa Pranses na iskolar hinggil sa sinaunang sibilisasyon na si Édouard Dhorme, “kung babalikan natin ang kasaysayan ng Mesopotamia, makasusumpong tayo ng manghuhula at ng ideya ng panghuhula.” Ang panghuhula ay kakambal na ng buhay. Sa katunayan, sinabi ni Propesor Bottéro na “lahat ng bagay ay maaaring isaalang-alang bilang ang posibleng paksa ng pagsusuri at makahulang pangangatuwiran . . . Ang buong pisikal na sansinukob ang ginamit na ebidensiya na sa pamamagitan nito’y maaaring masabi sa paanuman ang mangyayari sa hinaharap matapos ang isang masusing pag-aaral.” Kaya naman ang mga taga-Mesopotamia ang pinakamasusugid na gumagawa ng astrolohiya bilang paraan ng panghuhula sa kinabukasan.—Ihambing ang Isaias 47:13.
Karagdagan pa, gumagamit din ang mga taga-Babilonya ng dais o mga palabunutan kapag nanghuhula. Sa kaniyang aklat na Randomness, ipinaliwanag ni Deborah Bennett na ang mga ito’y upang “alisin ang posibleng pagmamaniobra ng tao at sa gayon ay mabigyan ang mga diyos ng isang maliwanag na alulod na sa pamamagitan nito’y maipahahayag nila ang kanilang banal na kalooban.” Magkagayunman, ang mga desisyon ng mga diyos ay hindi itinuturing na di-mababali. Ang tulong upang maiwasan ang masamang kapalaran ay maaaring makamit sa pamamagitan ng pagsusumamo sa mga diyos.
Kapalaran sa Sinaunang Ehipto
Noong ika-15 siglo B.C.E., may napakalapít na ugnayan ang Babilonya at ang Ehipto. Ang mga gawain sa relihiyon na may kaugnayan sa kapalaran ay napasama sa naganap na pagpapalitan ng kultura. Bakit kaya tinanggap ng mga Ehipsiyo ang paniniwala sa kapalaran? Ayon kay John R. Baines, propesor sa Ehiptolohiya sa University of Oxford, “karamihan sa nasangkot na [Ehipsiyong] relihiyon ay nagtatangkang unawain at tugunin ang mga di-mahulaan at masasamang pangyayari.”
Sa karamihan ng mga diyos sa Ehipto, si Isis ang inilarawan bilang ang “babaing panginoon ng buhay, tagapamahala ng kapalaran at tadhana.” Nagsagawa rin ng panghuhula at astrolohiya ang mga Ehipsiyo. (Ihambing ang Isaias 19:3.) Sabi ng isang istoryador: “Ang galíng nila sa pagtatanong sa mga diyos ay walang limitasyon.” Gayunman, hindi lamang ang Ehipto ang tanging sibilisasyong nanghiram sa Babilonya.
Gresya at Roma
Pagdating sa mga bagay tungkol sa relihiyon, “hindi nakaligtas ang sinaunang Gresya sa napakalakas na impluwensiyang naipaabot ng Babilonya hanggang sa malayo,” sabi ni Jean Bottéro. Ipinaliwanag ni Propesor Peter Green kung bakit ang paniniwala sa kapalaran ay napakapopular sa Gresya: “Sa isang walang-katiyakang daigdig, na doo’y patuloy na nag-aatubili ang mga tao na managot sa kanilang sariling pagpapasiya, at sa katunayan ay madalas na nakadarama sa kanilang sarili na sila’y mga tau-tauhan lamang, anupat itinutulak kung saan-saan ng kapangyarihan ng Kapalaran na mahiwaga at di-maaaring baguhin, ang orakulong utos ng diyos [kapalarang itinalaga ng mga diyos] ay isang paraan upang maisaplano ang kinabukasan para sa indibiduwal. Anumang bagay na itinalaga ng Kapalaran, kapag may pantanging kakayahan o unawa, ay mahuhulaan. Maaaring hindi iyon ang ibig marinig ng isa, ngunit ang patiunang babala sa paanuman ay magpapangyari upang makapaghanda.”
Bukod pa sa pagbibigay katiyakan sa hinaharap ng mga indibiduwal, ang paniniwala sa kapalaran ay mayroon ding mas masasamang layunin. Ang ideya ng kapalaran ay nakatulong upang masupil ang mga tao, at dahil diyan, ayon sa istoryador na si F. H. Sandbach, “ang paniniwala na ang daigdig ay ganap na pinamamahalaan ng Banal na Patnubay ay magugustuhan ng mga nagpupunong lupon ng namamahalang bayan.”
Bakit? Ipinaliwanag ni Propesor Green na ang paniniwalang ito “ay isang nakabuo nang pagbibigay-matuwid—sa moral, teolohikal, semantika—sa permanenteng kaayusan sa lipunan at pulitika: ito ang pinakamakapangyarihan at pinakatusong paraan na ginamit kailanman ng nagpupunong Hellenistikong lupon upang makapanatili sa kapangyarihan. Ang mismong bagay na anuman ang mangyari ay nangangahulugan na iyon ay itinadhanang maganap; at yamang ang kalikasan ay itinalaga para sa ikabubuti ng sangkatauhan, lahat ng itadhana ay tiyak na pawang sa ikabubuti.” Ang totoo, ito’y naglaan ng “pagbibigay-matuwid sa walang-habag na kaimbutan.”
Maliwanag na ipinakikita sa Griegong panitikan ang malawakang pagtanggap sa ideya ng kapalaran. Kabilang sa sinaunang istilo sa panitikan ay ang epiko, ang alamat, at ang trahedya—na doo’y gumaganap ng pangunahing papel ang kapalaran. Sa Griegong mitolohiya, ang tadhana ng tao ay kinatawanan ng tatlong diyosa na tinawag na Moirai. Si Clotho ang tagakidkid ng sinulid ng buhay, si Lachesis ang tumitiyak sa haba ng buhay, at si Atropos naman ang pumuputol ng buhay kapag tapos na ang itinakdang panahon. Ang mga Romano ay mayroon ding katulad na tatluhang diyos na tinawag nilang Parcae.
Gustung-gustong malaman ng mga Romano at mga Griego ang diumano’y tadhana nila. Kaya naman, hiniram nila ang astrolohiya at panghuhula mula sa Babilonya at pinasulong pa ang mga ito. Portenta, o mga tanda, ang itinawag ng mga Romano sa mga pangyayaring ginamit upang mahulaan ang kinabukasan. Ang mga mensaheng ibinigay ng mga tandang ito ay tinawag na omina. Nang sumapit ang ikatlong siglo B.C.E., naging popular sa Gresya ang astrolohiya, at noong 62 B.C.E., lumitaw ang kinikilalang kauna-unahang horoscope sa Gresya. Interesadung-interesado ang mga Griego sa astrolohiya anupat ayon kay Propesor Gilbert Murray, ang astrolohiya “ay nagkaroon ng epekto sa Hellenistikong kaisipan na gaya ng isang bagong uri ng sakit na sumasalot sa mga mamamayan sa isang liblib na isla.”
Sa pagtatangkang malaman ang mangyayari sa hinaharap, lubusang gumamit ang mga Griego at mga Romano ng mga orakulo o midyum. Sa pamamagitan nito ay nakikipagtalastasan daw ang mga diyos sa mga tao. (Ihambing ang Gawa 16:16-19.) Ano ang naging epekto ng paniniwalang ito? Sinabi ng pilosopong si Bertrand Russell: “Napalitan ng takot ang pag-asa; ang naging layunin ng buhay ay ang makatakas sa kasawian sa halip na makapagtamo ng anumang positibo at mabuting bagay.” Gayunding mga tema ang naging paksa ng kontrobersiya sa Sangkakristiyanuhan.
Pagtatalo ng mga “Kristiyano” Tungkol sa Kapalaran
Ang sinaunang mga Kristiyano ay namuhay sa isang kulturang mahigpit na naiimpluwensiyahan ng Griego at Romanong mga ideya tungkol sa tadhana at kapalaran. Halimbawa, ang tinatawag na mga Ama ng Simbahan ay umasa nang husto sa mga akda ng mga Griegong pilosopo na gaya nina Aristotle at Plato. Ang isang suliranin na sinikap nilang lutasin ay, Paanong ang isang Diyos na nakaaalam ng lahat at makapangyarihan sa lahat, “ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula,” ay maitutugma sa isang Diyos ng pag-ibig? (Isaias 46:10; 1 Juan 4:8) Kung alam na ng Diyos ang wakas mula pa sa pasimula, katuwiran nila, kung gayon ay patiunang alam na niya na magkakasala ang tao at pati ang pinsalang idudulot nito.
Ikinatuwiran ni Origen, isa sa pinakamalikhaing Kristiyanong manunulat noong sinauna, na isa sa mahalagang elementong dapat tandaan ay ang ideya hinggil sa malayang kalooban. “Sa katunayan, napakaraming talata sa Kasulatan na napakaliwanag na nagpapatunay ng pag-iral ng malayang kalooban,” isinulat niya.
Sinabi ni Origen na ang paninisi sa ilang panlabas na puwersa bilang dahilan ng ating ginawa “ay hindi totoo ni kaayon man ng pangangatuwiran, kundi pangungusap ito ng isa na nais lamang sirain ang ideya tungkol sa malayang kalooban.” Ikinatuwiran ni Origen na bagaman maaaring alamin ng Diyos ang sunud-sunod na mangyayari sa hinaharap, hindi ito nangangahulugan na siya na ang nagpapangyari nito o na gumagawa siya ng paraan upang mangyari ito. Gayunman, hindi lahat ay sumang-ayon.
Ginawang kumplikado ng isang maimpluwensiyang Ama ng Simbahan, si Augustine (354-430 C.E.), ang argumento sa pamamagitan ng pagpapaliit sa papel na ginagampanan ng malayang kalooban sa mga pangyayari. Ang predestinasyon ay binigyan ni Augustine ng teolohikal na saligan sa Sangkakristiyanuhan. Ang kaniyang mga akda, lalo na ang De libero arbitrio, ay naging tampok sa usapan noong Edad Medya. Sa wakas ay umabot sa sukdulan ang pagtatalo noong Repormasyon, anupat lubusang nabahagi ang Sangkakristiyanuhan sa isyu ng predestinasyon.a
Isang Laganap na Paniniwala
Ngunit ang ideya tungkol sa kapalaran ay hindi lamang para sa Kanluraning daigdig. Bilang pagsisiwalat sa kanilang paniniwala sa tadhana, maraming Muslim ang nagsasabing “mektoub”—nasusulat—kapag napapaharap sa sakuna. Bagaman totoo na idiniriin ng maraming relihiyon sa Oryente ang papel ng indibiduwal sa personal na tadhana, mayroon pa ring bahid ng patalismo sa kanilang mga turo.
Halimbawa, ang Karma ng Hinduismo at Budismo ay isang di-matatakasang tadhana na bunga ng mga ginawa noong nakaraang buhay. Ang pinakamatandang kasulatang natuklasan sa Tsina ay yaong nasa tortoiseshells na ginagamit noon sa panghuhula. Naging bahagi rin ang kapalaran sa paniniwala ng mga katutubo sa lupain ng Amerika. Halimbawa, ang mga Aztec ay gumawa ng mga kalendaryo sa panghuhula na ginamit upang ipakita ang tadhana ng mga indibiduwal. Karaniwan din sa Aprika ang paniniwalang patalistiko.
Ang laganap na pagtanggap sa ideya ng kapalaran ay nagpapakita lamang na ang tao ay may saligang pangangailangan na maniwala sa isang nakatataas na kapangyarihan. Sinabi ni John B. Noss, sa kaniyang aklat na Man’s Religions: “Sa paanu’t paanuman ay sinasabi ng lahat ng relihiyon na ang tao ay hindi nakatayo, at hindi makatatayong mag-isa. Siya ay kailangang kaugnay at umasa pa nga sa mga kapangyarihang nasa Kalikasan at Lipunan na nakapalibot sa kaniya. Malabo man o malinaw, batid niyang siya’y hindi isang nagsasariling sentro ng puwersa na makatatayong hiwalay sa daigdig.”
Bilang karagdagan sa pangangailangang maniwala sa Diyos, taglay rin natin ang isang saligang pangangailangan na maunawaan ang nangyayari sa paligid natin. Gayunman, may pagkakaiba sa pagitan ng pagkilala sa namumukod-tanging kapangyarihan ng Maylalang at ng paniniwala na permanenteng itinatalaga na niya ang ating tadhana. Ano nga ba talaga ang papel na ginagampanan natin sa paghubog sa ating tadhana? Ano naman ang papel na ginagampanan ng Diyos?
[Talababa]
a Tingnan ang aming kasamang magasin, Ang Bantayan, ng Pebrero 15, 1995, pahina 3-4.
[Larawan sa pahina 5]
Ang kalendaryong pang-astrolohiya ng mga taga-Babylonia, 1000 B.C.E.
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris
[Larawan sa pahina 7]
Naniniwala noon ang mga Griego at mga Romano na ang tadhana ng tao ay itinalaga ng tatlong diyosa
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris
[Larawan sa pahina 7]
Si Isis ng Ehipto, ang “tagapamahala ng kapalaran at tadhana”
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris
[Larawan sa pahina 8]
Ang pinakasinaunang kasulatang Tsino na nasa mga tortoiseshell ay ginagamit sa panghuhula
[Credit Line]
Institute of History and Philology, Academia Sinica, Taipei
[Larawan sa pahina 8]
Ang mga tanda ng zodiac ay lumilitaw sa kahong ito ng mga Persiyano
[Credit Line]
Photograph taken by courtesy of the British Museum