Mapipili Mo ang Iyong Kinabukasan
BAGAMAN ang panghuhula ay itinuturing na “isang pangunahing pangkaisipang tagumpay sa buong daigdig noong sinaunang panahon,” ito’y “isang sining na inalipusta ng mga propetang Hebreo,” sabi ng arkeologong si Joan Oates. Bakit?
Bagaman napalilibutan ng mga bansang may patalistikong pangmalas sa buhay, ang mga Israelita noon ay tumanggi sa ideya hinggil sa bulag na puwersang humuhubog sa kanilang buhay. Sa instruksiyong ibinigay sa bansa, sinabi sa kanila ng Diyos: “Huwag makasusumpong sa iyo . . . ng sinumang nanghuhula, ng mahiko o ng sinumang naghahanap ng mga tanda o ng manggagaway, o . . . ng manghuhula ng mga pangyayari.”—Deuteronomio 18:10, 11.
Kahit wala ang ideya ng kapalaran o ang pagsangguni sa mga manghuhula, ang mga Israelita ay makapagtitiwala sa kinabukasan. Sa pagpapaliwanag kung bakit, sinabi ng Pranses na Katolikong ensayklopidiya na Théo na ang bansa ay naniniwalang “ang tao at ang daigdig ay hindi biktima ng isang bulag na puwersa. May layunin ang Diyos sa tao.” Ano ba ang layuning ito?
Tadhana at Malayang Kalooban
Pinangakuan ng Diyos ang mga Israelita ng kapayapaan at kasaganaan kung susundin nila ang mga batas ng Diyos. (Levitico 26:3-6) Bukod diyan, sila’y umasa sa isang Mesiyas na siyang magtatatag ng matuwid na mga kalagayan sa lupa. (Isaias, kabanata 11) Gayunman, hindi dahil sa ipinangako ng Diyos ang mga bagay na ito ay basta uupo na lamang at maghihintay ang mga tao at hahayaan na lamang mangyari ang mga bagay-bagay. Sa kabaligtaran, sila’y sinabihan: “Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan.”—Eclesiastes 9:10.
Ang mahalaga rito ay ang ideya hinggil sa malayang kalooban. Malaya ang mga Israelita na paglingkuran ang Diyos at hubugin ang kanilang kinabukasan. Pinangakuan sila ng Diyos: “At mangyayari nga na kung walang pagsalang susundin ninyo ang aking mga utos na iniuutos ko sa inyo ngayon upang ibigin si Jehova na inyong Diyos at upang paglingkuran siya ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa, tiyak na magbibigay naman ako ng ulan para sa inyong lupain sa takdang panahon nito, ulan sa taglagas at ulan sa tagsibol, at magtitipon ka nga ng iyong butil at ng iyong matamis na alak at ng iyong langis.” (Deuteronomio 11:13, 14) Sumapit ang pagpapala ng Diyos sa Israel nang sila’y naging masunurin.
Nang malapit nang pumasok ang mga ito sa lupaing ipinangako niya sa kanila, pinapili ng Diyos ang bansang Israel: “Tingnan mo, inilalagay ko nga sa harap mo ngayon ang buhay at ang kabutihan, at ang kamatayan at ang kasamaan.” (Deuteronomio 30:15) Nakasalalay ang kinabukasan ng bawat isa sa kaniyang sariling mga gawa at pagpapasiya. Ang paglilingkod sa Diyos ay mangangahulugan ng buhay at pagpapala, samantalang ang pagtangging gawin ito ay mangangahulugan naman ng paghihirap. Ngunit kumusta naman sa ngayon?
Sanhi at Epekto
Tayo’y nalilimitahan ng maraming batas ng kalikasan na inilagay para sa ating kabutihan. Isa rito ang batas ng sanhi at epekto, o, gaya ng pagkasabi rito ng Bibliya, “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) Kapag kinilala natin ang simulaing ito, makikini-kinita na natin ang maaaring mangyari sa hinaharap.
Kapag tayo’y walang-ingat na nagmamaneho nang napakabilis, mas malamang na maaksidente tayo kaysa kung tayo’y maingat na nagmamaneho. Kung tayo’y naninigarilyo, mas malamang na magkakanser tayo kaysa kung hindi tayo maninigarilyo. Ipagpalagay nang ang mga pangyayaring gaya ng pagsalakay ng mga terorista na binanggit sa pasimulang artikulo ng seryeng ito ay waring malayong mangyari sa atin, at pag-aaksaya lamang ng panahon kung iisipin ang posibilidad nito. Gayunman, wala tayong mararating kung aasa tayo sa ideya ng kapalaran. Wala itong maituturo sa atin hinggil sa kasalukuyan o sa hinaharap. Ang paniniwala sa kabulaanan ay hindi magbibigay ng katiyakan sa kinabukasan. Ni ang pag-aakala na itinatakda na ng Diyos ang bawat pangyayari.
Ano ang Iyong Magiging Kinabukasan?
Ang ating kinabukasan ay hindi patiunang isinulat kundi ito’y hinuhubog ng kasalukuyan. Kahit na isang kaloob mula sa Diyos ang buhay, maliwanag na sinasabi ng Bibliya na tayo’y may mahalagang papel na gagampanan upang pagpasiyahan ang ating kasalukuyan at ang ating hinaharap. Ang bagay na makapipili tayo alinman sa pasayahin natin ang Diyos o, sa kabaligtaran, palungkutin natin siya ay nagpapakitang ipinauubaya sa atin ng Diyos ang isang antas ng pagkontrol sa ating buhay.—Genesis 6:6; Awit 78:40; Kawikaan 27:11.
Karagdagan pa, paulit-ulit na idiniriin ng Banal na Kasulatan na ang ating kinabukasan ay may kaugnayan sa ating pagbabata at sa landasin ng ating buhay, na mawawalan ng kabuluhan kung ang mga bagay-bagay ay nakatalaga na. (Mateo 24:13; Lucas 10:25-28) Kung gayon, sakaling piliin natin na maging masunurin at tapat sa Diyos, anong kinabukasan ang maaasahan natin?
Isinisiwalat ng Bibliya na ang sangkatauhan ay may napakagandang kinabukasan. Ang lupa ay gagawing paraiso na doo’y mamamayani ang kapayapaan at katiwasayan. (Awit 37:9-11; 46:8, 9) Tiyak ang kinabukasang iyan sapagkat tutuparin ng makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang ang kaniyang mga pangako. (Isaias 55:11) Subalit walang kinalaman ang kapalaran kung pagpalain man tayo na mabuhay sa Paraiso; matatamasa iyon bilang resulta ng ating masunuring paggawa ng kalooban ng Diyos sa panahong ito. (2 Tesalonica 1:6-8; Apocalipsis 7:14, 15) Binigyan tayo ng Diyos ng malayang kalooban at hinihimok tayo: “Piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy.” (Deuteronomio 30:19) Ano ang pipiliin mo? Sa halip na ipaubaya sa kapalaran, ang iyong kinabukasan ay nasa iyong mga kamay.
[Mga larawan sa pahina 10]
Nilayon ng Diyos ang isang kahanga-hangang kinabukasan para sa masunuring sangkatauhan