Paghahanap ng mga Kayamanan sa Port of Pearls
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
ANG BROOME ay isang bayan sa hilagang-kanluran ng Australia, na napalilibutan ng maraming buhangin at mga karagatan. Sa timog-silangan, bumabagtas ang Great Sandy Desert hanggang sa gitnang Australia. Sa kanluran, ang Indian Ocean ay umaabot hanggang sa mga dalampasigan ng Madagascar. Madalas bayuhin ng mga bagyo ang hilagang-kanlurang bahaging ito ng kontinente.
Noon, sa ilalim ng tropikal na mga alon ng Broome ay matatagpuan ang napakayamang mga talabahan anupat nakilala ang Broome bilang Port of Pearls. Ang mga pirata, alipin, at maimpluwensiyang negosyante ng perlas ay naging bahagi ng makulay na kasaysayan ng Broome.
Natuklasan ng Isang Pirata
Bagaman ginalugad ng Olandes na si Dirck Hartog ang liblib na dakong ito ng daigdig noong 1616, ang kanlurang baybayin ng Australia ay nanatiling di-kilalá hanggang noong 1688. Noong taong iyon ang Ingles na awtor, pintor, at pirata na si William Dampier ay nakarating nang di-sinasadya sa dalampasigang ito habang lulan ng barko ng mga pirata na Cygnet. Sa pag-uwi, inilathala ni Dampier ang kaniyang mga karanasan. Lubos na napukaw ng kaniyang mga isinulat at mga drowing ang imahinasyon ng kaniyang mga kababayan anupat pinagkalooban siya ng Royal Navy ng isang barko at inatasan siyang maglakbay upang galugarin ang New Holland, na siyang tawag noon sa Australia.
Ang ekspedisyon ni Dampier sakay ng barkong panghukbong-dagat na Roebuck ay itinuring na isang kabiguan. Walang natuklasang bagong lupa, at nagwakas ang paglalakbay nang ang nabubulok na barko ay nawasak at lumubog. Nakaligtas si Dampier, at kabilang sa mga ulat ng kaniyang paglalakbay, binanggit niya ang pagkatuklas ng perlas sa kabibe.
Nakamit sa Pamamagitan ng Dugo at mga Butones
Lumipas pa ang 160 taon bago may nakatanto sa kahalagahan ng natuklasan ni Dampier. Noong 1854, ang pag-aani ng perlas ay nagsimula sa lugar na pinanganlan ni Dampier na Shark Bay, ngunit ang pagsasapalarang ito ay bahagya lamang na nagtagumpay. Samantala, natuklasan sa kalapit na katubigan ng Nichol Bay ang higanteng talaba na Pinctada maxima. Ang kabibe ng talabang ito na kasinlaki ng plato ay naglaan ng pinakamagandang nakar sa buong daigdig—isang yaman na kailangang-kailangan para sa paggawa ng mga butones.
Pagsapit ng dekada ng 1890, mga 140,000 English pound na halaga ng nakar ang iniluluwas sa Inglatera bawat taon mula sa mga talabahan sa Broome. Bagaman maraming mahahalagang perlas ang natagpuan sa mga kabibi, ang mga hiyas na ito ay karagdagang pakinabang lamang. Ang kabibi mismo ang pinagmulan ng karamihan sa kayamanan ng sinaunang mga maimpluwensiyang negosyante ng perlas—kayamanan na kadalasang binubuwisan ng buhay.
Noong una, nilinlang o pinilit ng mga maimpluwensiyang negosyante ng perlas ang lokal na mga Aborigine upang maging mga maninisid ng perlas, isang gawain na madaling natutuhan ng mga Aborigine. Ngunit ang paninisid ng perlas ay mapanganib na gawain, at maraming maninisid ang nalunod o napatay ng mga pating. Marami ring maninisid ang namatay dahil sa napakasamang kalagayan sa pagtatrabaho na itinakda sa kanila ng kanilang mga amo. Upang maragdagan ang mga manggagawang Aborigine, kumuha ng mga maninisid mula sa Malaysia at Java. Nang maubos ang mga talabahan sa mabababaw na lugar, sinisid ang malalalim na talabahan sa tulong ng bagong imbentong diving helmet.
Nabangkarote ang “Sodoma at Gomorra”
Ang plota ng mga kumukuha ng perlas ay dumami tungo sa mahigit na 400 barko. Ang kultura ng mga taga-Asia, taga-Europa, at mga Aborigine ang bumuo ng isang kakaiba at kadalasan ay tampalasang lipunan. Tamang-tama ang paglalarawan ng isang mang-aani ng perlas sa umiiral na kalagayan ng lipunan nang panahong iyon: “Ang Broome ay [dating] isang maunlad, makasalanan at mapagpalayaw na komunidad, kung saan ang malimit na pagtukoy ng mga Klero sa Sodoma at Gomorra ay itinuturing na angkop na mga papuri sa pag-unlad ng mga mamamayan, sa halip na mga babala ng paghihiganti ng Diyos sa hinaharap.”
Gayunman, sa pagsiklab ng unang digmaang pandaigdig, ang pamilihang pandaigdig para sa nakar ay bumagsak, at ang Broome ay biglang nabangkarote. Ang industriya ay pansamantalang nanumbalik sa pagitan ng dalawang digmaang pandaigdig, ngunit pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, muling tinamaan ng isa pang kalamidad ang Broome. Naimbento ang mga plastik, at di-nagtagal ay pinahina ng plastik na mga butones ang pangangailangan para sa nakar.
Paggawa ng ‘Mga Brilyante sa Kalaliman’
Sa pagwawakas ng ikalawang digmaang pandaigdig, isang delegasyon mula sa Australia ang dumalaw sa mga pinag-aalagaan ng perlas sa Ago, Hapon. Doon naging dalubhasa si Kokichi Mikimoto sa sining ng pag-aalaga ng mga perlas sa pamamagitan ng pagsisingit ng butil ng buhangin sa talaba sa artipisyal na paraan. Tinutukoy ng aklat na Port of Pearls na sinabi ni Mikimoto sa mga Australiano na “mas magaganda pang perlas ang mapalalaki sa mas malalaking kabibi ng talaba sa kanilang sariling mainit-init na mga katubigan sa Australia.” Sinunod ang kaniyang payo, at pagsapit ng dekada ng 1970, ang mga talaba sa Australia ay pinagmumulan ng ilan sa pinakamalalaki at pinakamamahaling perlas na inalagaan.
Bagaman ang mga perlas na pinalalaki sa maraming bahagi ng daigdig ay umaabot sa 11 milimetro ang diyametro, ang mga perlas sa South Sea ay lumalaki nang hanggang 18 milimetro. Ang isang kuwintas lamang ng malalaking perlas na ito ay maaaring magkahalaga ng mahigit na $500,000. Hindi nga kataka-taka na ang bilog na mga hiyas na ito ay tinatawag na mga brilyante sa kalaliman!
[Mga larawan sa pahina 14, 15]
William Dampier
Maninisid ng perlas na nangunguha ng mga perlas sa kabibi sa mga katubigan ng baybayin sa hilagang Broome
Isang eksperto na nag-aalis ng perlas sa isang talaba
Isa sa mga orihinal na bangkang ginagamit sa pagkuha ng perlas na nagagamit na muli sa dagat
Ang mga perlas ay may iba’t ibang kulay (pinalaki ang larawan)
[Credit Lines]
Si William Dampier: By permission of the National Library of Australia - Rex Nan Kivell Collection, NK550; maninisid: © C. Bryce - Lochman Transparencies; kuwintas at eksperto: Courtesy Department of Fisheries WA, J. Lochman; barko: Courtesy Department of Fisheries WA, C. Young; malapitang kuha ng litrato sa mga perlas: Courtesy Department of Fisheries WA, R. Rose