Mga Black Pearl—Mga Hiyas Mula sa South Seas
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NEW ZEALAND
“Kailangan ang mga manggagawa sa ‘pearl farm’ sa Manihiki,” ang mababasa sa isang anunsiyo sa “Cook Islands News.” Maitatanong mo, ‘Paano kaya pinalalaki ang mga perlas? At nasaan naman kaya ang Manihiki?’
ANG Manihiki, isang malayong isla ng korales, ay isa sa 15 isla na sa kabuuan ay tinatawag na Cook Islands, na nasa 2,600 kilometro sa hilagang-silangan ng New Zealand. Ayon sa ilang ulat, nagsimula roon ang mga eksperimento sa pagpapalaki ng black pearl noong unang mga taon ng dekada ng 1970. Sa ngayon, matatagpuan sa lahat ng dako ng dagat-dagatan (lagoon) ng Manihiki ang maraming matagumpay na nagpapalaki ng perlas bilang negosyo.
Ang pagpapalaki ng mga black pearl ay isang manu-manong trabaho, ngunit mahalaga rin ang teknikal na kasanayan. Ang proseso ay nagsisimula sa maingat na pagpili ng angkop na mga black lip oyster. Maingat na binubuksan ang napiling talaba, at may-kahusayang hinihiwa ang laman nito sa pamamagitan ng isang maliit at napakatalas na kutsilyo. Pagkatapos, isang maliit at bilóg na bagay, o butil, ang ipinapasok kasama ng isang maliit na piraso ng himaymay mula sa laman ng talaba, ang panloob na suson sa balat nito. Saka ibinabalik ng mga trabahador ang mga talaba sa dagat-dagatan at iniingatan itong buháy, anupat inaalis ang anumang kumakapit na lumot o taliptip.
Unti-unti, ang butil ay binabalot ng ipinasok na himaymay ng laman at tinatakpan ito ng susun-suson na makintab at animo’y perlas na sangkap na tinatawag na nakar o mother-of-pearl. Kapag hindi tinanggihan ng talaba ang ipinasok na butil, nabubuo ang perlas sa loob ng isa’t kalahati hanggang dalawang taon. Ang buong proseso ay tinawag na “isang kahanga-hangang simbiyosis ng tao at ng kalikasan.”
Mga Black Pearl—Ang Halaga Nito
Ang black pearl sa Timog Pasipiko ay isa sa pinakapambihirang mga perlas sa daigdig, kaya naman isa ito sa pinakamahal. Sa katunayan, sari-sari at matitingkad ang kulay ng mga black pearl, mula sa parang pilak na puti hanggang sa ubod ng itim. Ang ilan ay kulay-rosas, ginto, bronse, tanso, maningning na berde, asul, purpura, o iba’t ibang kulay-abo na kumikinang. Makakakita ka pa nga ng kombinasyon ng mga kulay, gaya ng pink/rose, berde/ginto, berde/itim, asul/itim, at purpura/itim.
Kapag inaalam ang halaga ng isang perlas, ang isang kulay ay hindi nangangahulugang mas mahal kaysa sa iba. Ang talagang nagpapaganda sa kalidad ng isang perlas ay ang pantay o di-nagbabagong kulay nito. May iba pang salik na tumitiyak sa halaga ng perlas—ang laki, hugis, kinis, at kinang nito.
Kapag binabanggit ng mag-aalahas ang laki ng perlas, tinutukoy niya ang diyametro nito. Ito’y karaniwan nang mula 8 hanggang 12 milimetro, samantalang ang pambihirang mga perlas naman ay umaabot nang 18 milimetro o higit pa. Bagaman ang laki ay hindi siyang pinakamahalagang salik, sa pangkalahatan, ang presyo ng perlas ay depende sa timbang o dimensiyon nito.
Kung paanong iba-iba ang kulay ng perlas, iba-iba rin ang hugis nito. Kadalasan, ang bilóg na mga perlas ang pinakamahal. Gayunman, ang mga hiyas na hugis patak ng luha ay magandang gamiting palawit at hikaw. Mayroon ding mga perlas na sirkulo, yaong may mga argolya o ukit na nakapalibot dito. Kung narinig mo na ang tungkol sa perlas na hugis butones, nangangahulugang ang isang panig nito ay bilog at ang kabila naman ay lapad. Nariyan din ang mga baroque, mga perlas na may kakaibang hugis.
Bibihira at mamahalin ang perlas na talagang makinis ang ibabaw. Pangkaraniwan na ang mga depekto gaya ng mga uka, bukul-bukol, kulubot, gasgas, batik, o mantsa—na pawang likas na lumilitaw. Kung kakaunti ang mga depekto o lumilitaw lamang sa ilang dako, posibleng maitago ang mga ito kapag ang perlas ay nakaenggaste na.
Tiyak na mapapansin mo ang kinang ng perlas, na depende naman sa kapal ng nakar nito. Ang isa pa na isasaalang-alang ay ang kinang ng hiyas, o ang katangian nito na magpabanaag ng liwanag, na nagbibigay sa perlas ng kaakit-akit na kagandahan nito. Naniniwala ang ilan na ang kinang—kaysa sa kulay, laki, hugis, o kinis—ang nakatatawag ng pansin.
Kailangang Pag-ingatan ang mga Perlas
Di-tulad ng ibang mahahalagang hiyas, gaya ng mga brilyante o rubi, ang mga perlas ay itinuturing na “malambot.” Maaari itong magasgas ng ibang alahas o matitigas na bagay. Kaya kung may mga perlas ka, maging maingat kapag isinusuot o itinatago ang mga ito.
Ang asido, pati na ang pawis ng tao, ay puwedeng makapinsala, gaya ng mga detergent, pabango, at iba pang kosmetik. Inirerekomenda ng isang kilalang gumagawa ng alahas sa Cook Islands ang sumusunod na pamamaraan sa paglilinis: “Lagyan ng banayad na sabong panghugas ng pinggan ang tubig sa isang maliit na mangkok. Haluin ng isang malambot na sipilyo ang tubig, at bahagyang kuskusin ang enggaste at ang perlas. Banlawan ng tubig, at patuyuin sa malambot na basahan.”
Ang mga Perlas sa Kasaysayan
Ang mga perlas ay isa sa mga pinakaunang mahahalagang hiyas na ginamit bilang kagayakan ng tao, anupat pinapurihan ito sa sinaunang literatura. Napakahalaga ng mga ito para sa mga taga-Gitnang Silangan at Asia, anupat itinuturing nila ang mga perlas bilang mga sagisag ng kadalisayan at kagalingan.
Sa sinaunang Roma, ang mga perlas ay lubhang pinahahalagahan anupat ang mga kabilang lamang sa mataas na lipunan ang pinahihintulutang magsuot nito. Pinapurihan ni Pliny na Nakatatanda, isang naturalista at pilosopo noong unang siglo, ang mga perlas bilang “ang pinakanangungunang paninda sa buong daigdig.” At nang inilalarawan ang kahalagahan ng Kaharian ng langit, binanggit ni Jesus ang “isang perlas” na may mataas na halaga anupat ‘dali-daling ipinagbili ng isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas ang lahat ng mga bagay na taglay niya at binili iyon.’—Mateo 13:45, 46.
Walang-alinlangang ang pagtukoy ni Jesus sa mga perlas ay nagpapahiwatig kapuwa ng kagandahan at kahalagahan nito. Kaylaki ngang pasasalamat natin kay Jehova, na Maylalang ng mga hiyas na ito at ng mga nasusumpungan sa South Seas!
[Mga larawan sa pahina 26]
Mga “black pearl” (pinalaki upang ipakita ang mga detalye)