Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Haharapin ang Panggigipit ng Kasamahan?
“Nasa lahat ng dako ang panggigipit ng kasamahan.”—Jesse, 16 na taóng gulang.
“Isa sa pinakamahirap na bagay na kinailangan kong harapin habang lumalaki ay ang panggigipit ng aking mga kaeskuwela.”—Johnathan, 21 taóng gulang.
ANG panggigipit ng kasamahan ay tiyak na isang problemang dapat harapin. Subalit, tiyak na maaari mo itong labanan. Sa katunayan, makakayanan mo ito at magagamit mo pa nga ito sa iyong bentaha. Subalit paano?
Sa naunang artikulo sa seryeng ito, tinalakay namin ang isang mahalagang unang hakbang: Kilalanin ang lakas ng panggigipit ng kasamahan at ang iyo mismong kahinaan sa impluwensiya nito.a Ano pang kapaki-pakinabang na mga hakbang ang maaari mong gawin? Ang nakatutulong na patnubay na kailangan mo ay nasa Salita ng Diyos. Ang Kawikaan 24:5 ay nagsasabi: “Ang taong may kaalaman ay nagpapatibay ng kalakasan.” Anong kaalaman ang magpapalakas sa iyo para labanan ang panggigipit ng kasamahan? Bago natin sagutin iyan, talakayin muna natin ang isang problema kung saan maaaring daigin ka ng panggigipit ng kasamahan.
Kawalan ng Pagtitiwala—Isang Panganib
Kung minsan ay nagiging isang pantanging problema para sa mga kabataang Saksi ni Jehova ang panggigipit ng kasamahan dahil sa kalakip sa kanilang paraan ng pamumuhay ang pagsasabi sa iba tungkol sa kanilang pananampalataya. (Mateo 28:19, 20) Kung minsan ba ay nahihirapan kang ibahagi ang iyong pananampalataya sa ibang kabataan na iyong nakikilala? Hindi ka nag-iisa. Ganito ang sabi ng isang 18-taóng-gulang na nagngangalang Melanie: “Mas mahirap palang ipaalam sa ibang kabataan na ako’y isang Saksi kaysa sa inaakala ko.” Sinabi pa niya: “Kapag lumakas na ang loob kong sabihin sa iba na ako’y isang Saksi, matatakot na naman ako.” Waring ang negatibong panggigipit ng kasamahan ang humahadlang sa kaniya na magsalita tungkol sa kaniyang pananampalataya.
Tinitiyak sa atin ng Bibliya na kahit na ang mga lalaki’t babae na may namumukod-tanging pananampalataya ay nag-atubiling magsalita sa bayan tungkol sa Diyos. Halimbawa, alam ng kabataang si Jeremias na tutuyain at pag-uusigin siya kung susundin niya ang utos ng Diyos na magsalita nang buong tapang. Isa pa, kulang ng pagtitiwala sa sarili si Jeremias. Bakit? Sinabi niya sa Diyos: “Narito, hindi nga ako marunong magsalita, sapagkat ako ay isang bata lamang.” Sumang-ayon ba ang Diyos na hindi kuwalipikadong magsalita si Jeremias dahil sa siya ay isang kabataan? Hindi. Pinatibay-loob ni Jehova ang propeta: “Huwag mong sabihin, ‘Ako ay isang bata lamang.’” Nagpatuloy si Jehova sa kaniyang layunin at binigyan ang nag-aatubiling kabataang lalaki ng isang mahalagang atas.—Jeremias 1:6, 7.
Kung wala tayong pagtitiwala sa sarili, anupat hindi tayo nakatitiyak sa ating sarili, maaaring napakahirap paglabanan ang panggigipit ng kasamahan. Ganito nga ang ipinakikita ng mga pagsusuri sa pananaliksik. Halimbawa, noong 1937 isang siyentipikong nagngangalang Muzafer Sherif ang nagsagawa ng isang kilalang eksperimento. Pinapasok niya ang mga tao sa isang madilim na silid, ipinakita sa kanila ang isang tuldok ng liwanag, at saka sila tinanong kung gaano kalayo kumilos ang liwanag.
Sa katunayan, hindi kumilos ang liwanag; ito’y isang optikal na ilusyon lamang. Sa pagsubok sa bawat isa, may kani-kaniyang tantiya ang mga tao tungkol sa waring pagkilos na ito. Subalit nang sila’y subukin nang grupu-grupo, hinilingan silang sabihin nang malakas ang kanilang mga pagtantiya. Ano ang nangyari? Palibhasa’y kulang ng pagtitiwala sa kanilang sariling obserbasyon, naimpluwensiyahan nila ang isa’t isa. Sa paulit-ulit na mga pagsubok, ang kanilang mga kasagutan ay naging magkakatulad hanggang sa nabuo ang isang “pamantayan ng grupo.” Kahit noong subukin silang muli nang isahan nang dakong huli, ang mga indibiduwal ay naimpluwensiyahan pa rin ng kabuuang opinyon ng grupo.
Ipinakikita ng eksperimentong iyan ang isang mahalagang punto. Ang kawalan ng katiyakan o ng pagtitiwala sa sarili ay nagpapangyari sa mga tao na mas madaling maimpluwensiyahan ng panggigipit ng kasamahan. Nakapupukaw-kaisipan, hindi ba? Kung sa bagay, ang panggigipit ng kasamahan ay makaaapekto sa mga tao may kaugnayan sa napakahahalagang isyu, pati na sa kanilang pangmalas hinggil sa pagtatalik bago ang kasal, pag-abuso sa droga, at gayundin sa mga tunguhin na itataguyod nila sa buhay. Kung hahayaan natin ang ating mga sarili na sundin ang “pamantayan ng grupo” may kaugnayan sa gayong mga isyu, lubha nating maaapektuhan ang ating sariling kinabukasan. (Exodo 23:2) Ano ang maaaring gawin?
Buweno, ano sa palagay mo ang naging sagot mo sa pagsubok kung tiyak na alam mo na ang tuldok ng liwanag ay hindi kumilos? Malamang na hindi ka naimpluwensiyahan ng grupo. Oo, kailangan natin ng pagtitiwala sa sarili. Subalit anong uri ng pagtitiwala sa sarili ang nasasangkot, at paano natin matatamo ito?
Pagtiwalaan Mo si Jehova
Maaaring marami ka nang narinig na pahayag tungkol sa pagkakaroon ng pagtitiwala sa sarili. Subalit may kaugnayan sa kung paano ito matatamo—at gaano karami ang kailangan mo—may nagkakasalungatang mga opinyon. Ganito ang timbang na payo ng Bibliya: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo riyan na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan.” (Roma 12:3) Ang isa pang salin ng talatang ito ay kababasahan ng ganito: “Sasabihin ko sa bawat isa sa inyo na huwag mag-isip sa kaniyang sarili nang higit sa kaniyang tunay na halaga, kundi magkaroon ng matinong palagay sa kaniyang sarili.”—Charles B. Williams.
Ang “matinong palagay” ng iyong “tunay na halaga” ay humahadlang sa iyo na maging palalo, labis na magtiwala sa sarili, o magyabang. Sa kabilang panig naman, kabilang sa gayong timbang na pangmalas ang ilang antas ng pagtitiwala sa iyong tunay na kakayahang mag-isip, mangatuwiran, at gumawa ng makatuwirang mga pasiya. Pinagkalooban ka ng iyong Maylalang ng “kakayahan sa pangangatuwiran,” at mahalagang regalo iyan. (Roma 12:1) Makatutulong sa iyo kapag lagi mong isasaisip iyan upang mapaglabanan mo ang pagnanais na hayaang magpasiya para sa iyo ang mga nakapaligid sa iyo. Gayunman, may isang uri ng pagtitiwala sa sarili na mas mabisang magsasanggalang sa iyo.
Si Haring David ay kinasihang sumulat: “Ikaw ang aking pag-asa, O Soberanong Panginoong Jehova, ang aking pinagtitiwalaan mula pa sa aking pagkabata.” (Awit 71:5) Oo, lubusang nagtiwala si David sa kaniyang makalangit na Ama, at ginawa niya iyon mula sa kaniyang pagkabata. Siya ay “isang bata lamang”—marahil isang tin-edyer—nang hamunin ng higanteng Filisteo na si Goliat ang sinumang sundalo ng Israel na makipaglaban sa kaniya. Natakot ang mga sundalo. (1 Samuel 17:11, 33) Marahil bumangon sa gitna nila ang negatibong panggigipit ng kasamahan. Walang-alinlangang pinag-uusapan nila nang may kapanglawan ang tungkol sa laki at nakahihigit na kagitingan ni Goliat at iginiit na ang sinumang lalaking tatanggap sa gayong hamon ay baliw. Hindi naapektuhan si David ng anumang uri ng gayong panggigipit. Bakit?
Pansinin ang mga salita ni David kay Goliat: “Ikaw ay pumaparito sa akin taglay ang isang tabak at isang sibat at isang diyabelin, ngunit ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel, na iyong tinuya.” (1 Samuel 17:45) Hindi bulag si David sa laki, lakas, o sandata ni Goliat. Ngunit may isang bagay siyang alam, kung paanong natitiyak niyang ang langit ay nasa itaas niya. Alam niyang bale-wala si Goliat kung ihahambing sa Diyos na Jehova. Kung si Jehova ay nasa panig ni David, bakit nga siya kung gayon matatakot kay Goliat? Ang gayong pagtitiwala sa Diyos ang nagpatatag kay David. Hindi makaiimpluwensiya sa kaniya ang panggigipit ng kasamahan gaano man kalakas ito.
Mayroon ka rin bang gayong pagtitiwala kay Jehova? Hindi siya nagbago mula noong panahon ni David. (Malakias 3:6; Santiago 1:17) Mientras mas marami kang nalalaman tungkol sa kaniya, lalo kang nakatitiyak sa lahat ng bagay na sinasabi niya sa iyo sa kaniyang Salita. (Juan 17:17) Makasusumpong ka roon ng di-nagbabago at maaasahang mga pamantayan upang pumatnubay sa iyo sa buhay at tumulong sa iyo na labanan ang panggigipit ng kasamahan. Bukod pa sa pagtitiwala mo kay Jehova, mayroon ka pang magagawa.
Pumili ng Mabubuting Tagapayo
Itinatampok ng Salita ng Diyos ang pangangailangang humanap ng mabuting patnubay. “Ang taong may unawa ang siyang nagtatamo ng mahusay na patnubay,” sabi ng Kawikaan 1:5. Ang iyong mga magulang, na lubhang nagmamalasakit sa iyong pinakamainam na mga kapakanan, ay maaaring pagmulan ng patnubay. Alam na alam ito ni Indira. Aniya: “Dahil sa laging ginagamit ng aking mga magulang ang Kasulatan upang mangatuwiran sa akin at ginawa nilang tunay si Jehova sa aking buhay kung kaya ako ngayon ay lumalakad sa daan ng katotohanan.” Gayundin ang nadarama ng maraming kabataan.
Kung ikaw ay isang miyembro ng kongregasyong Kristiyano, mayroon kang kahanga-hangang pinagmumulan ng suporta roon—ang hinirang na mga tagapangasiwa, o mga elder, gayundin ang iba pang may-gulang na mga Kristiyano. Ganito ang nagugunita ng kabataang si Nadia: “Talagang iginagalang at hinahangaan ko ang mga elder sa aming kongregasyon. Natatandaan ko ang isang pahayag ng punong tagapangasiwa na sadyang iniangkop para sa mga kabataan. Pagkatapos ng pulong, kami ng kaibigan ko ay tuwang-tuwa sapagkat ang binanggit niya ay ang mismong nararanasan namin.”
Isa pang malakas na sandata laban sa negatibong panggigipit ng kasamahan ang positibong impluwensiya ng kasamahan. Kung pipiliin mo nang may karunungan ang iyong mga kaibigan, matutulungan ka nilang manghawakan sa mabubuting tunguhin at matutuwid na pamantayan. Paano tayo makapipili nang mabuti? Isaisip ang payong ito: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Maingat si Nadia sa pagpili ng marurunong na kaibigan sa paaralan—ang kaniyang mga kapananampalataya, na nanghahawakan sa gayunding moral na mga pamantayan. Naaalaala niya: “Kapag lumalapit ang mga kabataang lalaki sa paaralan upang ‘makipag-usap’ sa amin, nagtutulungan kaming magkakaibigang Saksi.” Nakatutulong ang mabubuting kaibigan na ilabas ang ating pinakamaiinam na katangian. Sulit ang pagsisikap upang hanapin sila.
Kung gayon, makatitiyak ka na kung maglalagak ka ng iyong pagtitiwala kay Jehova, hahanapin mo ang patnubay mula sa may-gulang na mga Kristiyano, at pipiliin mo nang may karunungan ang iyong mga kaibigan, matagumpay mong mahaharap ang problema ng panggigipit ng kasamahan. Sa katunayan, maaari kang magkaroon ng positibong impluwensiya sa iyong mga kaibigan at tulungan silang manatili sa daan ng buhay na kasama mo.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Panggigipit ng Kasamahan—Talaga Bang Gayon Ito Kalakas?” sa Nobyembre 22, 2002, labas ng Gumising!
[Blurb sa pahina 26]
Hanapin ang mabubuting kaibigan, na umiibig din sa Diyos at sa kaniyang mga pamantayan na gaya mo
[Mga larawan sa pahina 26]
“Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33
“Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.”—Kawikaan 13:20