Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Panggigipit ng Kasamahan—Talaga Bang Gayon Ito Kalakas?
“Sa palagay ko’y hindi naman ako nagigipit ng aking mga kasamahan.”—Pamela, isang estudyante sa haiskul.
“Sa palagay ko’y hindi na gayon kalakas ang epekto sa akin ng panggigipit ng kasamahan. Karamihan sa mga panggigipit ay nagmumula sa aking sarili.”—Robbie, isang kabataang adulto.
GANITO rin ba ang iyong nadarama? Sabihin pa, maaaring alam mo ang sinasabi ng Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Pero baka maitanong mo, ‘Gayon nga ba talaga kalakas ang panggigipit ng kasamahan—baka naman hindi kasinlakas na gaya ng sinasabi ng aking mga magulang at ng iba pang nakatatanda?’
Kung paminsan-minsan ay nahihirapan ka dahil sa gayong mga pag-aalinlangan, hindi ikaw ang kauna-unahang kabataan na nakararanas nito. Subalit inaanyayahan ka namin na isaalang-alang ang posibilidad. Mas matindi kaya ang panggigipit ng kasamahan kaysa sa inaakala mo? Ikinagulat mismo ng maraming kabataan ang lakas ng panggigipit ng kasamahan. Halimbawa, inamin ni Angie na baka nga pinagsisikapan niya nang husto na makiayon sa grupo kaysa sa inaakala niya. Ganito ang sabi niya: “Kung minsan ay gayon na lamang kalakas ang panggigipit anupat hindi mo namamalayan na panggigipit na pala iyon ng kasamahan. Napapaniwala kang sa sarili mo lamang nanggagaling ang panggigipit.”
Gayundin ang sinabi ni Robbie, na sinipi sa itaas, na ang pinakamatinding panggigipit ay nagmumula sa kaniyang sarili. Pero talagang inamin niya na mahirap manirahan nang malapit sa malaking lunsod. Bakit? Dahil sa panggigipit ng kasamahan na nagmumula sa materyalistikong kapaligiran. Ang sabi niya: “Napakalaking bagay ang kayamanan dito.” Maliwanag na ang panggigipit ng kasamahan ay isang impluwensiya na dapat isaalang-alang. Bakit kaya iniisip ng maraming kabataan na hindi sila naaapektuhan ng panggigipit ng kasamahan?
Mapandaya Subalit Malakas
Maaaring maging mapandaya ang panggigipit ng kasamahan—sa katunayan, baka hindi pa nga natin ito mapansin. Bilang paglalarawan: Kung tayo ay nasa kapantayan ng dagat, ang himpapawid sa itaas natin ay nagdudulot ng di-nagbabagong presyon sa atin na halos isang kilo sa bawat sentimetro kuwadrado.a Baka namumuhay ka sa kapaligiran na gayon ang presyon araw-araw, pero halos hindi mo ito napapansin. Bakit? Nasanay ka na rito.
Sabihin pa, hindi naman nakasasama ang presyon ng atmospera. Ngunit kapag nagigipit tayo ng mga tao nang hindi natin namamalayan, baka unti-unti nila tayong mabago. Naunawaan ni apostol Pablo ang lakas ng panggigipit ng kasamahan. Nagbabala siya sa mga Kristiyano sa Roma: “Huwag kayong pahubog sa daigdig na ito.” (Roma 12:2, Bibliya ng Sambayanang Pilipino) Subalit, paano ito maaaring mangyari?
Kung Paano Kumikilos ang Panggigipit ng Kasamahan
Nasisiyahan ka ba kapag sinasang-ayunan at tinatanggap ka ng iba? Aaminin ng karamihan sa atin na nasisiyahan nga tayo. Subalit ang ating likas na pagnanais sa gayong pagtanggap ay maaaring makasama at makabuti. Hanggang saan dapat umabot ang pagtanggap na minimithi natin? Kahit na nakasisiguro tayo sa ating sarili sa bagay na iyan, kumusta naman ang mga taong nasa paligid natin? Sinisikap nga ba nilang paglabanan ang panggigipit ng kasamahan, o hinahayaan nilang hubugin sila nito?
Halimbawa, itinuturing ng marami sa ngayon na ang mga pamantayan ng Bibliya sa moralidad ay makaluma na o di-makatotohanan sa ating modernong daigdig. Ipinapalagay ng marami na hindi na gaanong mahalaga na sambahin ang Diyos ayon sa kaniyang kahilingan sa atin na nakasaad sa kaniyang Salita. (Juan 4:24) Bakit gayon ang kanilang nadarama? Sa isang antas, ang sagot ay maaaring dahil sa panggigipit ng kasamahan. Sa Efeso 2:2, tinutukoy ni Pablo ang hinggil sa isang “espiritu,” o nangingibabaw na saloobin, na taglay ng sistema ng mga bagay sa sanlibutan. Ang espiritung iyan ang gumigipit sa mga tao na sumunod sa pag-iisip ng sanlibutan na hindi nakakakilala kay Jehova. Paano tayo maaaring maapektuhan?
Karaniwang nasasangkot sa ating pang-araw-araw na mga gawain sa paaralan, pag-aaral, mga obligasyon sa pamilya, at trabaho ang pangangailangang makihalubilo sa mga taong hindi sumasang-ayon sa lahat ng ating mga simulaing Kristiyano. Halimbawa, baka sinisikap ng marami sa paaralan na gawin ang halos lahat ng bagay para lamang maging popular, magsagawa ng imoral na pakikipagtalik, o mag-abuso pa nga sa droga at alkohol. Ano kaya ang mangyayari kung pipiliin nating maging malapít na mga kaibigan ang mga gumagawi ng gayon o nagtuturing na normal iyon, at kapuri-puri pa nga? Malamang na mahawa tayo sa mga saloobin ding iyon—marahil ay unti-unti sa simula. Gigipitin tayo ng “espiritu,” o “hangin,” ng sanlibutan, anupat talagang huhubugin tayo nito ayon sa sanlibutan.
Kapansin-pansin, nagsagawa ang mga social scientist sa ngayon ng mga eksperimentong sumusuhay sa mga simulaing ito ng Bibliya. Isaalang-alang ang mahalagang eksperimento ni Asch. Inaanyayahan ang isang indibiduwal na sumali sa isang grupo ng mga taong nakaupo. Ipakikita ni Dr. Asch ang isang malaking kard na may patayong guhit, pagkatapos ay ipakikita ang isa pang kard na may tatlong patayong guhit na kitang-kitang magkakaiba ang sukat. Pagkatapos ay hihilingin niya sa mga indibiduwal sa grupo na magbigay ng kanilang opinyon kung alin sa tatlong guhit ang maliwanag na kapareho ng nauna. Madali lamang ang sagot. Sa unang ilang ulit, iisa ang sagot ng lahat. Subalit sa ikatlong pagsubok ay may pagbabago.
Katulad ng dati, madaling sabihin kung aling mga guhit ang magkakapareho ang sukat. Ngunit walang kamalay-malay ang indibiduwal na sinusubok, na ang ibang miyembro ng grupo ay binayaran para magkunwari bilang bahagi ng eksperimento. Sumasang-ayon sila sa iisang maling sagot. Ano ang nangyayari? Dalawampu’t limang porsiyento lamang ng mga indibiduwal na sinubok ang may katatagang naninindigan sa kung ano ang alam nilang totoo. Ang lahat ng iba pa ay sumang-ayon sa grupo nang kahit isang beses man lamang—bagaman nangangahulugan ito ng pagtanggi sa kung ano mismo ang nakikita nila!
Maliwanag na nais ng mga tao na makiayon sa taong nakapaligid sa kanila—gayon na lamang ang pagnanais nila anupat itatanggi pa nga ng karamihan sa kanila ang nalalaman nilang totoo. Naranasan mismo ng maraming kabataan ang epekto ng ganitong panggigipit. Inaamin ito ni Daniel, isang 16-anyos na kabataan: “Kaya kang baguhin ng panggigipit ng kasamahan. At kapag mas maraming tao ang nakapaligid, mas tumitindi ang panggigipit. Magsisimula kang mag-isip na tama naman ang ginagawa nila.”
Si Angie, na sinipi kanina, ay naglahad ng isang karaniwang halimbawa ng gayong panggigipit sa paaralan: “Kapag nasa junior high school ka na, napakahalaga kung ano ang iyong isinusuot. Kailangang may tatak ang gamit mo. Hindi mo naman talaga gustong gumastos ng $50 para lamang sa isang kamiseta—bakit gugustuhing gawin iyon ng sinuman?” Gaya ng sabi ni Angie, mahirap mahalata na naaapektuhan ka na ng panggigipit. Subalit maaari kaya tayong maapektuhan ng panggigipit ng kasamahan sa mas seryosong mga bagay?
Kung Bakit Maaaring Maging Mapanganib ang Panggigipit ng Kasamahan
Gunigunihin na lumalangoy ka sa karagatan. Samantalang abala ka sa paglangoy at pagsabay sa mga alon, maaaring kumikilos ang iba pang malalakas na puwersa nang hindi mo namamalayan. Itinutulak ka ng mga alon patungo sa baybayin, subalit may mga puwersa rin ng alon sa ilalim. Unti-unti ka nitong tinatangay. Kapag sa wakas ay tumingin ka na sa baybayin, hindi mo na makita ang iyong pamilya o mga kaibigan. Hindi mo na namalayan kung gaano ka kalayo tinangay ng puwersa ng alon! Gayundin, habang isinasagawa natin ang ating pang-araw-araw na mga gawain, patuloy na iniimpluwensiyahan ang ating mga kaisipan at damdamin. Bago natin ito matanto, maaaring itulak tayo ng mga impluwensiyang ito na lumayo sa mga pamantayang inaakala nating palagi nating pinanghahawakan.
Halimbawa, si apostol Pedro ay isang lalaking malakas ang loob. May-katapangan niyang ginamit ang tabak sa harap ng isang galít na pulutong sa gabi ng pag-aresto kay Jesus. (Marcos 14:43-47; Juan 18:10) Gayunman, pagkalipas ng maraming taon, inakay siya ng panggigipit ng kasamahan na magpakita ng lantarang pagtatangi. Iniwasan niya ang mga Kristiyanong Gentil—bagaman bago nito ay nakatanggap siya ng pangitain mula kay Kristo na nag-uutos sa kaniya huwag ituring na marumi ang mga Gentil. (Gawa 10:10-15, 28, 29) Maaaring mas nahirapan si Pedro na harapin ang paghamak ng ibang mga tao kaysa sa tabak! (Galacia 2:11, 12) Tunay nga, maaaring maging mapanganib ang panggigipit ng kasamahan.
Mahalagang Kilalanin ang Lakas ng Panggigipit ng Kasamahan
Ang halimbawa ni Pedro ay may maituturong mahalagang aral sa atin. Ang pagiging malakas sa ilang bagay ay hindi nangangahulugan ng pagiging malakas sa lahat ng bagay. May mga kahinaan si Pedro, gaya nating lahat. Maging sinuman tayo, kailangan tayong maging palaisip sa ating mga kahinaan. Maaari nating tanungin ang ating sarili nang may katapatan: ‘Saan ba ako mahina? Hinahangad ko ba ang istilo ng pamumuhay ng isang mayaman? Ang kapalaluan ba ay nagkakaugat na sa aking puso? Ano ang handa kong gawin upang makamit ang papuri, mataas na katayuan, at popularidad?’
Marahil ay hindi naman natin sadyang ihahantad ang ating sarili sa nakapipinsalang mga bagay sa pamamagitan ng pakikisama sa mga taong nag-aabuso sa droga o sa mga taong mahihilig sa seksuwal na imoralidad. Gayunman, kumusta naman ang ating di-nahahalatang mga kahinaan? Kung pipiliin nating maging malapit sa mga nakaiimpluwensiya sa atin sa kung saan tayo mahina, inilalagay natin ang ating sarili sa kalagayang maiimpluwensiyahan tayo ng panggigipit ng kasamahan—na baka magdulot pa nga sa atin ng namamalaging kapahamakan.
Subalit ang mabuting balita ay na hindi naman masama ang lahat ng panggigipit ng kasamahan. Makokontrol ba natin ang panggigipit ng kasamahan—anupat para pa nga sa ikabubuti natin? At paano natin mapaglalabanan ang negatibong panggigipit ng kasamahan? Ang mga tanong na iyan ay tatalakayin sa isang panghinaharap na artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .”
[Talababa]
a Ipinakikita ng isang simpleng eksperimento ang katotohanan ng presyon ng hangin. Kapag dinala mo sa taluktok ng bundok ang isang plastik na bote, pinuno iyon ng hangin, at tinakpan iyon nang mabuti, ano ang mangyayari sa bote habang pababa ka mula sa bundok? Ito’y liliit anupat para itong nilamukos. Ang presyon ng hangin sa labas ay mas malakas kaysa sa hangin sa loob ng bote na mas mababa ang densidad.
[Larawan sa pahina 12, 13]
Maaaring lumikha ng matinding panggigipit ng kasamahan ang isang materyalistikong kapaligiran