Paglalayag sa Karagatan—Sakay ng mga Barkong Tambo!
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BOLIVIA
GUNIGUNIHIN ang iyong sarili na nagsisimula sa isang matagal na paglalayag sa karagatan na libu-libong kilometro ang layo. Subalit sa halip na isang malaking pampasaherong barko na kumpleto sa mga kaalwanan ng isang makabagong otel, ito ay tila isang marupok na barkong yari sa mga tambo at itinali ng lubid! Totoo, ang barko ay maaaring tumimbang nang mga 50 tonelada, subalit ano ang katiyakan mo kapag ikaw ay nasa laot na, sabihin pa, sa gitna ng Karagatan ng Pasipiko na binabayo ng pagkalalakíng alon?
Waring kataka-taka, nasubok na ang maraming paglalayag na gaya niyaon. Bagaman marami ang nabigo, napatunayan nila sa paano man—na kung isasaalang-alang ang kayarian ng mga ito, napakatatag ng mga barkong tambo. Gusto mo bang makita kung paano ginagawa ang mga barkong ito? Kung gayon, sumama ka sa amin sa pagdalaw namin sa isang pagawaan ng mga barko na kilala sa buong daigdig dahil sa paggawa nila nito.
Isang Pagdalaw sa Lawa ng Titicaca
Maglalakbay tayo sa itaas ng Kabundukan ng Andes sa Timog Amerika patungo sa Lawa ng Titicaca. Sa taas na 3,810 metro, ang Titicaca ang pinakamataas na lawa sa daigdig kung saan maaaring maglayag. Habang naglalakbay tayo sa tabi ng lawa, nakikita natin ang maliliit na bahay na yari sa adobe at atip na pawid ng mga taong Aymara na tagaroon, na ang ilan ay bihasang mga manggagawa ng mga barkong tambo. Nang lumapit tayo sa maliliit na bahay, binati tayo ng dalawang babaing naghahabi ng maganda at makapal na telang lana na dinisenyo para sa pamumuhay sa malamig na Altiplano. Huminto ang mga babae sa kanilang gawain at ipinakilala tayo sa kani-kanilang asawa.
Pagkatapos ng isang magiliw na pagtanggap, inanyayahan tayo ng mga lalaki na sumama sa kanila sa ibayo ng lawa sakay ng kanilang bangkang de-motor. Habang ginagaygay natin ang tabing-dagat, napansin natin ang napakalawak na dako kung saan tumutubo ang mayayabong na totora. Umaabot sa taas na hanggang dalawang metro, ang mga tambong ito ay hindi hihigit sa kapal ng isang lapis, madaling nababaluktot at, ayon sa ating mga giya, lubhang hindi napapasok ng tubig. Ang lahat ng mga katangiang ito ang nagpapangyari na maging angkop ang mga totora sa paggawa ng mga barkong tambo, na siyang dahilan kung bakit naaakit sa Lawa ng Titicaca ang mga gustong gumawa ng gayong mga barko.
“Ang ilan sa aming mga barko ay naglayag nang libu-libong kilometro sa karagatan,” sabi sa atin ng punong-abala nating Aymara na nakangiti habang ipinakikita sa atin ang mga modelo at mga litrato ng kanilang mga gawa. Paano nila dinadala ang mga barko sa karagatan? Kapag hindi gaanong malaki ang barko, isinasakay nila ito sa trak patungo sa Baybayin ng Pasipiko. Kung hindi naman, dinadala nila ang mga materyales sa baybayin at doon ginagawa ang barko. Dahil sa kanilang mga kadalubhasaan, ang mga karpinterong Aymara na bihasa sa paggawa ng barko ay inanyayahang gumawa ng mga barkong tambo sa ibang bansa gaya sa Morocco, Iraq, at Easter Island—subalit ginagamit nila ang mga tambo na tumutubo roon.
Nalaman natin na ang isang barko ay maaaring binubuo ng maraming tonelada ng mga tambo, lalo na kung ito ay para sa matagal na paglalayag. Bakit? Sapagkat ang mga tambo ay unti-unting napapasok ng tubig. Kaya mientras mas matagal ang binabalak na paglalayag, kailangan ang mas maraming tambo at dapat na mas malaki ang barko. Halimbawa, ang isang sasakyang pandagat na tumitimbang nang mga pitong tonelada ay dapat lumutang sa loob ng mga dalawang taon. “Subalit,” ang tanong natin, “paano matatagalan ng mga barko na pangunahing yari lamang sa tuyong mga tangkay ang walang-tigil na paghampas ng alon sa karagatan?”
Ang Kahanga-hangang mga Tambo, Lubid, at Kawayan
Ang tibay ng mga barkong tambo ay hindi depende sa natatagong tibay ng mga materyales mismo kundi sa napakahusay na pagbuo rito hanggang maging barko—isang sining na ipinamamana sa mga salinlahi. Isiniwalat sa atin ng giya natin, na nakasuot ng poncho at gorang lana na may mga pantakip sa tainga na proteksiyon laban sa lamig, ang ilan sa sinaunang mga kasanayang ito.
Ang unang bagay na ginagawa ng mga manggagawa ng barko, paliwanag niya, ay sama-samang tinatalian ang mga bigkis ng tambo upang maging mga bungkos na kasinghaba ng binabalak na barko. (Tingnan ang mga larawan 1 at 2.) Susunod, pagsasama-samahin nila ang mga ito upang gumawa ng dalawang pagkalalakíng bungkos na maaaring ilang metro ang diyametro. Pagkatapos ay ilalatag nila ang mga bungkos na ito upang maging doblihang kasko—anupat lubhang matibay ito sa dagat.
Kasabay nito, inilalagay nila ang ikatlo at mas manipis na bungkos sa pagitan at sa ilalim ng dalawang mas malalaking bungkos. Ang mas malalaking bungkos ay saka isa-isang itinatali sa pangatlong bungkos sa pamamagitan ng isang mahabang lubid na iniikid sa dalawang bungkos na magkaiba ang laki sa buong kahabaan ng barko. (Tingnan ang larawan 3.) Hinihigpitan ng kasindami ng 12 lalaki ang lubid, sa gayo’y isinisiksik ang mga tambo sa dalawang mahigpit-ang-pagkakatali at matibay na kasko na magkabigkis na sa pagkakataong ito. (Tingnan ang larawan 4.) Oo, napakahigpit ng pagkakatali ng lubid anupat hindi mo maipapasok ang kahit isang daliri sa pagitan nito at ng mga tambo—isang tampok na disenyo na nagpapangyaring hindi ito mapasok ng tubig.
Kapag ang kasko ay buo na (tingnan ang larawan 5), idinaragdag ng mga lalaki ang isang kilya, mga panggaod, dalawang palo (bawat isa ay anyong makitid at baligtad na V na nakabuka sa dalawang kasko), mga layag, at karaniwan nang ang mga gunwale, na gawa rin sa tambo. Sa wakas, itinatayo nila ang bahagi ng barko na nasa ibabaw ng pangunahing palapag na yari sa kawayan at mga dahon ng palma upang ingatan ang mga tripulante mula sa lagay ng panahon. (Tingnan ang larawan 6.) Nakapagtataka, ang nabuong barko ay wala man lamang isang bahagi na yari sa metal!
Pagkatapos ilunsad ang barko, lumalaki ang mga tambo sa loob na mahigpit ang pagkakatali, anupat ginagawang mas matatag ang kasko. Ang wakas na resulta ay tiyak na hindi isang mahinang sasakyang pandagat kundi isang matatag na sasakyang pandagat. Dinadala tayo niyan sa mahalagang katanungan, Ano ang gustong patunayan ng mga taong ito na gumagamit ngayon ng sinaunang mga barkong ito sa matatagal na paglalayag sa karagatan?
Pagsusuri sa mga Hiwaga ng Pandarayuhan
Ang mga barkong tambo sa Lawa ng Titicaca ay nakakatulad ng gasuklay na mga sasakyang pandagat na yari sa tambo na inilarawan sa sinaunang sining ng Ehipto. Ang ilan sa huling nabanggit ay tila matatag pa nga upang maglayag sa karagatan. Nagkataon lamang ba ang mga pagkakatulad na ito, o nagkaroon na ba ng pakikipag-ugnayan ang dalawang bayan na ito noong una? Samantalang mahirap matiyak kung kailan unang lumitaw sa Timog Amerika ang mga barkong tambo, ipinahihiwatig ng mga katibayan na ang mga ito ay umiral na bago pa man dumating ang mga konkistadores na Kastila.
Hindi kataka-taka, ginatungan ng mga teoriya sa pandarayuhan ang debate tungkol sa kaugnayan sa pagitan ng mga kultura sa Timog Amerika, Mediteraneo, at Polynesia—lalo na kung isasaalang-alang na magkakalayo ang mga ito. “May regular na kalakalan sa pagitan ng Peru at Panama,” ang sabi ng isang makabagong manggagalugad. “Kaya, bakit magiging imposible ang kalakalan sa pagitan ng Timog Amerika at Polynesia?”
Hindi gaanong sinuportahan ang mga teoriya ng Norwegong manggagalugad na si Thor Heyerdahl. Makatuwirang isipin na kahit na ipinakikita ng makabagong mga magdaragat na ang sinaunang mga tao ay nakapaglayag sa malalayong baybayin sakay ng mga barkong tambo, gaya ng ginawa ni Heyerdahl sa barkong tambo na Ra II na ginawa ng mga Aymara, nananatili pa rin ang katanungang, Naglayag nga ba sila sa malalayong baybayin sakay ng mga barkong tambo ? Maaari nating malaman ang higit pa tungkol sa nakaiintrigang hiwagang ito sa hinaharap. Anuman ang kalagayan, ipinakikita ng simpleng barkong tambo na talagang makagagawa ng matibay na sasakyang pandagat kahit sa pamamagitan ng pinakasimpleng mga materyales.
[Mga larawan sa pahina 22]
Kros-seksiyon ng kasko
Bago higpitan
Pagkatapos higpitan
Idinagdag ang mga “gunwale” ng barko at palapag
[Credit Line]
Pinagkunan ng mga dibuho: Dominique Görlitz, www.abora2.com
[Mga larawan sa pahina 23]
PAGGAWA NG BARKONG TAMBO
[Credit Lines]
Foto: Carmelo Corazón, Coleccion Producciones CIMA
Mga hakbang 1, 2, 5, at 6: Tetsuo Mizutani (UNESCO); Hakbang 4: Christian Maury/GAMMA
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Itaas: Tetsuo Mizutani (UNESCO)
[Picture Credit Line sa pahina 22]
Foto: Carmelo Corazón, Coleccion Producciones CIMA