Ano ang Kinabukasan ng Panggagamot?
ANG pagtatanong tungkol sa kinabukasan ng mga doktor ay madalas na umaakay sa mga haka-haka tungkol sa mga pagsulong sa teknolohiya at sa tanong kung mapalalaya nito ang mga doktor sa rutin ng panggagamot upang magkaroon sila ng higit na panahon sa mga pasyente bilang mga indibiduwal. Mangyari pa, ang kinabukasan ng mga doktor ay may malaking kaugnayan sa mas malawak na isyu tungkol sa kinabukasan ng sangkatauhan. Dalawang aklat sa Bibliya na nagbibigay-liwanag sa kinabukasang iyon ang naglalahad ng kasaysayan ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Ang dalawang aklat na ito ay isinulat ng isang doktor.
Bakit tayo partikular na interesado sa pangmalas ng isang doktor sa mga kasaysayang iyon? Ano ang kaugnayan nito sa kinabukasan ng mga doktor at ng mga pasyente? Bakit pinananabikan ng ilang doktor ang panahong hindi na kakailanganin ang kanilang propesyon?
Maraming doktor ang mapanuri sa mga detalye. Si Lucas na tinatawag na “minamahal na manggagamot,” ang sumulat ng dalawang aklat sa Bibliya at nagbigay siya ng detalyadong paglalarawan sa ilang maysakit na pinagaling ni Jesus at gayundin ng mga apostol. (Colosas 4:14) Sa gayon, tinutulungan tayo ni Lucas na isaalang-alang ang mga tanong: Talaga bang nangyari ang mga bagay na ito? At kung nangyari nga, ano ang ipinahihiwatig nito sa mga doktor at mga pasyente sa ngayon?
Sinuri ang Medikal na Katibayan
Nagkaroon ng pagkakataon si Lucas na tiyakin ang makahimalang katangian ng mga pagpapagaling na iyon sa pamamagitan ng pakikipanayam sa mga nakasaksi mismo. Bukod diyan, malawakan siyang naglakbay kasama ni apostol Pablo. Malamang na maraming pinagaling si Pablo habang naroroon si Lucas. Habang isinasaalang-alang natin ang ulat ng manggagamot tungkol sa dalawang pagpapagaling na iyon, pansinin kung gaano niya dinetalye ang mga ito.
Sinabi ni Lucas ang oras, petsa, at lugar ng sumusunod na pangyayari: Hatinggabi noon ng unang araw ng sanlinggo, at isang grupo ng mga Kristiyano ang nasa silid sa ikatlong palapag sa Troas, sa lalawigan ng Roma sa Asia. (Gawa 20:4-8) Mababasa natin ang detalye: “Isang kabataang lalaki na nagngangalang Eutico ang nakatulog nang mahimbing habang si Pablo ay patuloy na nagsasalita, at, nang malugmok sa pagkakatulog, siya ay nahulog mula sa ikatlong palapag at patay na nang buhatin.” Pagkatapos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, pinagaling ni Pablo ang sugat ng kabataang lalaki at binuhay siyang muli. Pagkakain, “dinala nilang buháy ang batang lalaki at di-masukat ang kanilang pagkaaliw.”—Gawa 20:9-12.
Iniulat ni Lucas na kasama rin siya ni Pablo sa Malta. Magiliw silang inaasikaso ni Publio, “ang pangunahing lalaki” sa pulo, nang muling maghimala si Pablo. May kinalaman ito sa isang lalaki na ang sakit, noong panahong iyon na wala pang modernong mga antibiyotiko, ay malamang na nakamamatay. Inilahad ni Lucas: “Ang ama ni Publio ay nakahiga na napipighati dahil sa lagnat at disintirya, at pinasok siya ni Pablo at nanalangin, ipinatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya at pinagaling siya. Pagkatapos na maganap ito, ang iba pa sa mga tao sa pulo na may mga sakit ay nagsimulang pumaroon din sa kaniya at napagaling.”—Gawa 28:7-9.
Ano ang Nakakumbinsi sa Manggagamot?
Isinulat ni Lucas ang mga ulat na iyon sa aklat ng Mga Gawa noong panahong puwede pang tiyakin ng kaniyang mga mambabasa ang mga pangyayari sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga taong nasasangkot. May kinalaman sa kaniyang iniulat sa aklat ng Bibliya na ipinangalan sa kaniya, sumulat si Lucas: “Tinalunton ko ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan . . . upang malaman mo nang lubos ang katiyakan ng mga bagay.” (Lucas 1:3, 4) Ang nakita at nasaliksik ng manggagamot na ito ang nakakumbinsi sa kaniya na totoo nga ang mga turo ni Jesus. Naging bahagi ng mga turong iyon ang makahimalang pagpapagaling, anupat nagbibigay ng batayan para maniwala sa hula ng Bibliya na sa dakong huli ay madaraig ng Diyos ang sakit. (Isaias 35:5, 6) Bilang manggagamot na nasanay na sa pakikitungo sa mga nagdurusa, tiyak na lubhang nakaaliw kay Lucas ang pagbubulay-bulay sa panahon na hindi na kakailanganin ang kaniyang propesyon. Kaakit-akit ba sa iyo ang pag-asang ito?
Kapansin-pansin, ito ang kinabukasang naghihintay sa mga umiibig sa Diyos, saanman sila naninirahan sa lupa. Nangangako ang Bibliya na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” (Isaias 33:24) Ipinapalagay ng maraming makabagong-panahong doktor na may makatuwirang batayan para paniwalaan ang mga pangako sa Bibliya.
‘Talagang Kaakit-akit Ito Para sa Akin’
“Gaya ng maraming tao, nag-aral ako ng medisina para tulungan ang mga maysakit,” ang sabi ng Dr. Jon Schiller, isang doktor ng pamilya sa Hilagang Amerika. “Talagang kaakit-akit para sa akin ang pag-asa ng isang daigdig na wala nang sakit. Nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova pagkatapos kong kumuha ng isang kurso sa kolehiyo tungkol sa kasaysayan ng sibilisasyon ng Kanluran. Ipinakita ng kursong iyon na ang mga relihiyon ang ugat ng napakaraming problema, at parang pakunwari lamang ang paggamit nila ng Bibliya. Kaya iniisip ko, ‘Ano ba talaga ang sinasabi ng Bibliya?’
“Sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, naakit agad ako sa palakaibigang mga tao, na ibang-iba sa marami kong kakilala. Nilapitan ako ng isang Saksi at nag-alok na dadalawin niya ako upang pag-usapan ang Bibliya. Humanga ako dahil anuman ang itanong ko, ipinakikita niya sa akin ang sagot mula sa Bibliya.
“Habang nagkakaedad ako, lalo kong napahahalagahan ang pagiging isang Saksi ni Jehova. Kapag nagsimula ka bilang isang kabataang doktor, may pag-asa kang maabot ang isang bagay na mahalaga. Subalit madalas akong makatagpo ng mga taong bigo, na nakadaramang wala talaga silang narating sa kanilang buhay. Sa palagay ko, ang isa sa pinakamahahalagang bagay sa pagiging isang Saksi ni Jehova ay ang pagkakaroon namin ng pag-asa sa kinabukasan at layunin sa buhay. Kami man ay mga doktor, mekaniko, o diyanitor, alam namin na ang aming ginagawang paglilingkod sa Diyos ay isang bagay na mahalaga; ginagawa namin ang isang bagay para kay Jehova. At iyan ang nagbibigay sa amin ng kasiyahan.”
“Bumuti ang Kalagayan ng Aming Pamilya Dahil sa Pagkakapit ng mga Simulain sa Bibliya”
Si Dr. Krister Renvall ay isang doktor sa Finland, at giliw na giliw siyang makipag-usap sa mga bata. “Isang araw, nakipag-usap ako sa isang 12-taóng-gulang na batang babae na may taning na ang buhay dahil sa kanser,” ang sabi niya. “Binigyan niya ako ng isang aklat na Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan—Saan Magmumula?a Humanga ako sa ipinakita niyang pananampalataya sa panahong may taning na ang kaniyang buhay, pero hindi ako nagkapanahong basahin ang aklat. Sa katunayan, abalang-abala ako noon sa aking trabaho sa isang klinika sa Helsinki anupat hindi na nagiging maganda ang epekto nito sa aking pamilya.
“Subalit pagkalipas ng ilang panahon, kinuha ng aking asawa ang aklat mula sa istante at sinimulang basahin ito. Nakumbinsi agad siya na ang binabasa niya ay ang katotohanan. Dinalaw siya ng isa sa mga Saksi ni Jehova at nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Sa pasimula, medyo takót ang aking asawa na sabihin sa akin ang tungkol dito. Pero nang sabihin niya ito sa akin, ang sagot ko, ‘Anumang bagay na makatutulong sa ating pamilya ay mabuti.’ Nakisali na rin ako sa pag-aaral. Bumuti ang kalagayan ng aming pamilya dahil sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya at nagbigay ito sa amin ng panibagong pananaw sa buhay. Tuwang-tuwa akong malaman ang tungkol sa pag-asa ukol sa isang daigdig na wala nang sakit; waring natural lamang na magkaroon ang Diyos ng ganitong layunin para sa sangkatauhan. Di-nagtagal, kaming mag-asawa, at sa wakas ang buong pamilya, ay nabautismuhan. Namatay na ang batang babaing iyon na unang nakipag-usap sa akin, subalit sa diwa, buháy pa rin ang kaniyang pananampalataya.”
Patindi nang patindi ang kaigtingan sa buhay ng mga doktor sa ating mabilis na nagbabagong daigdig, anupat talagang nagiging kapuri-puri ang mga sakripisyo nila sa pagtulong sa mga maysakit. Subalit ang pinakamalaking pagbabago na makaaapekto kailanman sa sangkatauhan ay malapit nang dumating. Buong-pagtitiwalang inaasam ng maraming doktor sa ngayon ang kinabukasang ipinangako ng Salita ng Diyos—isang daigdig na wala nang sakit! (Apocalipsis 21:1-4) Isa itong paksa na mahalagang saliksikin nang personal.
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 10, 11]
“NAPAG-ISIP-ISIP KONG MAY LAYUNIN PALA ANG BUHAY”
“Habang inaasikaso ko ang mga batang mág-aarál na may kapansanan, napansin ko ang malaking pagkakaiba ng mga magulang na Saksi ni Jehova. Parang mas nakakayanan nila ang problema ng pagkakaroon ng anak na may kapansanan kaysa sa ibang magulang na nasa gayunding kalagayan. Napansin ko rin na mas edukado sila kaysa sa dapat asahan ng isa mula sa kanilang hanapbuhay. Hinahangaan ko ang kanilang pananampalataya. Ang aking pananampalataya ay halos sirain ng mga guro sa teoriya ng ebolusyon. Gayunman, dahil sa aking pag-aaral ng medisina, naintriga ako sa kababalaghan ng buhay.
“Kasabay nito, napag-isip-isip kong hindi ko pala alam kung paano ko palalakihin ang aking mga anak. Ano ang dapat kong ipagbawal? Ano ang dapat kong ipayo sa kanila? Ano ang maibibigay ko sa kanila bilang layunin ng buhay? Ang sarili kong buhay ay naging walang kabuluhan. Nanalangin pa nga ako para humingi ng tulong.
“Noon ako binigyan ng mga Saksi ni Jehova ng isang magasin tungkol sa maibiging pagtutuwid at pagsaway sa mga anak. Nakita kong talagang makatutulong ang mga simulain ng Bibliya na ipinaliliwanag dito, kaya tinanggap ko ang kanilang alok na mag-aral ng Bibliya. Habang natututuhan ko kung bakit nilalang ni Jehova ang buhay at kung bakit namatay si Jesus, napag-isip-isip kong may layunin pala ang buhay. (Juan 3:16; Roma 5:12, 18, 19) Napilipit ng ebolusyon ang aking isipan. Lumuwag ang aking dibdib nang matutuhan kong hindi pala bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos ang sakit at kamatayan! Patuloy pa rin ako ngayong nakasusumpong ng tunay na kasiyahan sa pagtuturo sa taimtim na mga tao kung paano pagagalingin ng Diyos ang lahat ng sakit sa malapit na hinaharap.”
[Mga larawan]
Si Helena Bouwhuis ay nagtrabaho bilang doktor para sa mga batang mág-aarál sa Netherlands
[Mga larawan sa pahina 9]
Ang manggagamot at manunulat ng Bibliya na si Lucas ay kasama ni Pablo sa paglalakbay nang pagalingin ng apostol ang ama ni Publio at buhaying muli si Eutico
[Mga larawan sa pahina 10]
Si Dr. Jon Schiller, Estados Unidos
[Mga larawan sa pahina 10]
Si Dr. Krister Renvall, Finland