Mga Paraan Para Makontrol Ito
“KAPAG nabuksan na ito, pinanonood na namin ang lahat ng palabas, sunud-sunod na,” ang sabi ni Claudine. “Hindi namin ito pinapatay hangga’t hindi pa kami matutulog.” Sinasabi ng ilan: “Hindi ko talaga maalis ang aking mata rito,” at sinasabi naman ng iba, “Ayaw ko namang manood nang manood ng TV gaya ng ginagawa ko, pero hindi ko mapigil.” Nagbababad ka ba sa panonood ng telebisyon? Nababahala ka ba sa nagiging epekto ng TV sa iyong pamilya? Narito ang ilang mungkahing makatutulong sa iyo para makontrol ang panonood mo.
1. ALAMIN KUNG GAANO KA KATAGAL MANOOD. “Pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang,” ang sabi ng Kawikaan 14:15. Isang katalinuhan na pansinin ang nakagawian mong panonood para makita kung kailangan na ang mga pagbabago. Gumawa ka ng diary sa loob ng mga isang linggo, at isulat mo kung gaano karaming oras ang ginugugol mo sa panonood ng TV. Baka gusto mo ring ilista ang mga palabas na pinanonood mo, ang mga bagay na natututuhan mo, at kung gaano mo kagusto ang mga palabas na ito. Pero ang pinakamahalaga ay ang pagbibilang ng oras na ginugugol mo sa harap ng TV. Baka magulat ka sa resulta. Kapag nalaman mo kung gaano kalaking bahagi ng buhay mo ang ginugugol sa telebisyon, baka mapakilos kang magbago.
2. BAWASAN ANG ORAS NG PANONOOD MO. Subukan mong huwag manood ng TV nang isang araw sa isang linggo, buong linggo, o isang buwan. O baka gusto mong limitahan ang oras ng panonood mo bawat araw. Kung babawasan mo ng kalahating oras bawat araw ang iyong panonood ng TV, magkakaroon ka ng ekstrang 15 oras sa bawat buwan. Gamitin mo ang oras na iyan sa makabuluhang mga gawain, tulad ng pagtataguyod sa espirituwal na mga bagay, pagbabasa ng magandang aklat, o pakikihalubilo sa mga kapamilya at kaibigan. Ipinakikita ng mga pag-aaral na mas nasisiyahan sa panonood ang mga taong bihirang manood ng TV kaysa sa mga taong nagbababad dito.
Ang isang paraan para mabawasan ang panonood ng TV ay alisin ito sa kuwarto. Ang mga batang may TV sa kanilang kuwarto ay gumugugol ng karagdagang halos isa at kalahating oras sa panonood ng TV kaysa sa mga batang wala nito sa kuwarto. Bukod dito, kapag nasa loob ng kuwarto ng bata ang TV, hindi na alam ng mga magulang kung ano ang pinanonood niya. Matutuklasan ng mga magulang at mga mag-asawa na mas marami silang panahon para sa isa’t isa kung aalisin din nila ang TV sa loob ng kanilang kuwarto. Ipinasiya ng ilan na huwag nang magkaroon ng TV sa bahay.
3. IISKEDYUL ANG PANONOORIN MO. Mangyari pa, marami namang mapapanood na magagandang palabas. Sa halip na magpalipat-lipat ng istasyon ng TV o manood anuman ang palabas, tingnan muna ang listahan ng mga palabas para mapili mo ang gusto mong panoorin. Buksan ang TV kapag magsisimula na ang napili mong programa, at patayin kapag tapos na ito. O sa halip na panoorin ang programa habang ipinalalabas ito, baka gusto mong irekord na lamang muna ito para mapanood sa ibang pagkakataon. Sa ganitong paraan, mapapanood mo ito sa mas kumbinyenteng oras at malalaktawan ang mga patalastas.
4. MAGING PIHIKAN. Inihula ng Bibliya na sa ating panahon, ang mga tao ay magiging “maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, [at] mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” Marahil ay sasang-ayon kang ganito nga ang maraming tauhan sa telebisyon. “Layuan mo ang mga ito,” ang payo ng Bibliya. (2 Timoteo 3:1-5) “Huwag kayong palíligaw,” ang babala sa atin, “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.
Bahagi ng pagiging pihikan ang pagpipigil sa sarili. Naranasan mo na bang mapanood ang unang ilang minuto ng drama o pelikula at, bagaman naisip mong hindi ito katanggap-tanggap, pinanood mo pa rin ang buong palabas dahil gusto mong malaman ang mangyayari? Ganito ang nangyayari sa maraming tao. Gayunman, kung determinado kang patayin ang TV para magawa mo ang ibang bagay, malamang na matuklasan mong hindi naman pala mahalaga sa iyo kung ano ang nangyari.
Matagal pa bago naimbento ang telebisyon, isinulat ng salmista: “Hindi ako maglalagay sa harap ng aking mga mata ng anumang walang-kabuluhang bagay.” (Awit 101:3) Napakagandang tunguhin ito na dapat nating isaisip! Ang ilan, tulad ni Claudine, ay nagpasiyang alisin na ang telebisyon. Sinabi niya: “Hindi ko akalain na magiging ganito ako kamanhid dahil sa TV. Kapag nakakapanood ako ng TV ngayon, nagugulat ako sa mga bagay na bale-wala sa akin noon. Akala ko ay mapili na ako noon sa aking pinanonood, pero ngayon ko lang napagtanto na hindi pala. Kapag nakakapanood ako ng magandang palabas, mas nasisiyahan ako rito ngayon.”
[Larawan sa pahina 8]
Isulat kung gaano karaming oras ang ginugugol mo sa panonood ng TV
[Larawan sa pahina 8]
Palitan ng mas makabuluhang gawain ang panonood ng TV
[Larawan sa pahina 9]
Huwag mag-atubiling patayin ang TV!