TV—Ang “Tusong Tagapagturo”
POSIBLENG maging mabisang kasangkapan sa pagtuturo ang telebisyon. Sa pamamagitan nito, nababalitaan natin ang tungkol sa mga lupain at bayan na baka hindi natin kailanman marating. “Nalalakbay” natin ang kagubatan sa tropiko at ang mayeyelong lugar sa polo, ang taluktok ng mga bundok at ang kailaliman ng dagat. Nasisilip natin ang nakamamanghang daigdig ng mga atomo at bituin. Napapanood natin ang balita habang nangyayari ito sa kabilang panig ng daigdig. Nagkakaroon tayo ng kaunawaan sa pulitika, kasaysayan, kasalukuyang mga pangyayari, at kultura. Nakikita sa telebisyon ang trahedya at tagumpay sa buhay ng tao. Ito ay nakalilibang, nagtuturo, at nagbibigay pa nga ng inspirasyon.
Gayunman, ang karamihan sa palabas ay hindi kapaki-pakinabang ni nakapagtuturo man. Ang pinakamatinding pagbatikos dito ay mula marahil sa mga taong di-sang-ayon sa napakarami at lantarang mga palabas sa TV tungkol sa karahasan at sekso. Halimbawa, natuklasan sa isang pag-aaral sa Estados Unidos na halos 2 sa 3 palabas sa TV ang may mga eksena ng karahasan, sa katamtaman ay anim sa bawat oras. Kapag naging adulto na ang isang kabataan, nakapanood na siya ng libu-libong palabas ng karahasan at pagpaslang. Napakarami ring palabas tungkol sa sekso. Dalawang katlo ng lahat ng palabas sa TV ay may pag-uusap tungkol sa sekso, at 35 porsiyento ay may seksuwal na mga kilos, na kadalasang ipinakikitang wala namang panganib at bugso lamang ng damdamin ng dalawang taong hindi mag-asawa.a
Ang mga palabas na nagtatampok ng sekso at karahasan ay tinatangkilik sa buong daigdig. Madali ring ibenta sa ibang bansa ang maaaksiyong pelikulang gawa sa Amerika na sa kalaunan ay ipinalalabas sa TV. Hindi na laging kailangan dito ang magaling na pag-arte o magandang iskrip at madali itong maintindihan. Ang kailangan ay labanan, patayan, special effects, at sekso para panatilihing nakatutok sa panonood ang mga tao. Pero kailangan ding bagu-baguhin ang mga ito para patuloy itong panoorin. Madaling magsawa ang mga mánonoód; nagiging pangkaraniwan na lamang sa kanila ang kahindik-hindik na mga palabas. Upang patuloy na masiyahan ang mga mánonoód, lalo pang pinatitindi ng mga prodyuser ang mga eksena para gitlain at panabikin ang mga mánonoód sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mas marahas, mas lantaran, mas mahalay, at mas sadistikong mga eksena.
Ang Debate Tungkol sa Epekto ng TV
Ano ang epekto ng walang-tigil na panonood ng karahasan at sekso sa TV? Sinisisi ng mga kritiko ang karahasan sa TV dahil nagiging agresibo ang mga tao at nababawasan ang kanilang simpatiya sa mga biktima ng karahasang nagaganap sa totoong buhay. Sinasabi rin nila na ang mga palabas tungkol sa sekso ay nagpapalaganap ng kawalan ng delikadesa at nagpapababa sa moral na mga pamantayan.
Talaga bang may kinalaman ang lahat ng ito sa panonood ng TV? Maraming dekada nang mainit na pinagdedebatihan ang isyung ito; daan-daang pag-aaral at libu-libong aklat at artikulo ang naisulat na tungkol dito. Ang isa sa pangunahing isyu sa debate ay kung gaano kahirap patunayan na ang isang bagay ay nangyayari dahil sa isang bagay—halimbawa, na ang maagang panonood ng karahasan sa TV ay nagiging dahilan ng pagiging agresibo sa pisikal sa kalaunan. Mahirap patunayan kung minsan ang kaugnayan ng sanhi at epekto. Bilang paglalarawan: Halimbawa, uminom ka ng gamot sa kauna-unahang pagkakataon, at namantal ka pagkalipas ng ilang oras. Sa ganitong kalagayan, madaling sabihin na nagkaroon ka ng alerdyi dahil sa gamot. Pero kung minsan, unti-unti ang pagkakaroon ng alerdyi. Kapag ganito ang nangyari, mas mahirap patunayan na ang alerdyi ay dahil sa partikular na gamot na ininom, yamang maraming sanhi ang alerdyi.
Sa katulad na paraan, mahirap patunayan na ang karahasan sa telebisyon ay sanhi ng krimen at kawalan ng pakikipagkapuwa-tao. Maraming pag-aaral ang nagpapahiwatig na may kaugnayan nga ang dalawang ito. Isa pa, sinasabi ng ilang kriminal na ang kanilang ugali at marahas na paggawi ay impluwensiya ng napapanood nila sa TV. Sa kabilang banda, nakahantad ang mga tao sa maraming impluwensiya sa buhay. Mararahas na video game, mga pamantayang sinusunod ng mga kaibigan at kapamilya, pangkalahatang kalagayan ng pamumuhay—ang lahat ng ito ay nakaiimpluwensiya rin sa pagiging agresibo.
Kung gayon, hindi nga nakapagtataka na magkaroon ng magkakasalungat na pananaw. Isang sikologo sa Canada ang sumulat: “Walang maipakitang katibayan ang siyensiya na nagiging marahas o manhid ang mga tao dahil sa panonood ng karahasan.” Pero ganito naman ang sinabi ng American Psychological Association Committee on Media and Society: “Talagang walang alinlangan na ang mas madalas na panonood ng karahasan sa telebisyon ay may kaugnayan sa mas agresibong pag-uugali at pagkunsinti sa ugaling ito.”
Pagmumuni-muni Tungkol sa TV
Tandaan na ang pinagdedebatihan ng mga eksperto ay ang patunay—kung mapatutunayan nga na ang panonood ng agresibong eksena ay nagiging dahilan ng agresibong pag-uugali. Subalit iilan lamang ang magsasabi na walang impluwensiya ang telebisyon sa ating pag-iisip at paggawi. Pag-isipan ito. Maaari tayong magalit, maluha, o matuwa dahil lamang sa isang litrato. Napupukaw rin ng musika ang ating damdamin. Napag-iisip, nababagbag, at napakikilos tayo ng mga salita, kahit nakasulat lamang ang mga ito. Tiyak na mas matindi ang epekto kapag maingat na pinagsama-sama ang mga larawan, musika, at mga salita! Hindi nga nakapagtataka kung bakit talagang nakatutukso ang telebisyon! At halos lahat ay mayroon nito. Ganito ang sabi ng isang manunulat: “Mula nang matuto ang tao na isulat ang kaniyang ideya . . . wala pang bagong paraan ng paghahatid ng ideya ang nagkaroon ng gayon kalaking epekto sa sibilisasyon.”
Bilyun-bilyong dolyar ang ginagastos ng mga negosyante sa pag-aanunsiyo taun-taon dahil alam nila na ang mga mánonoód ay naiimpluwensiyahan ng kanilang nakikita at naririnig. Hindi nila ginagastos ang perang iyon dahil iniisip nilang baka may epekto ang pag-aanunsiyo; alam nilang may epekto ito. Naibebenta nito ang kanilang mga produkto. Noong 2004, ang The Coca-Cola Company ay gumastos ng 2.2 bilyong dolyar sa pag-aanunsiyo ng mga produkto nito sa buong mundo sa pamamagitan ng mga lathalain, radyo, at telebisyon. Sulit ba ang ipinuhunan? Halos 22 bilyong dolyar ang kinita ng kompanya sa taóng iyon. Alam ng mga nag-aanunsiyo na maaaring walang epekto sa paggawi ang isang anunsiyo lamang. Sa halip, umaasa sila sa unti-unting epekto ng maraming taóng pag-aanunsiyo.
Kung nakaiimpluwensiya sa ating ugali at kilos ang 30-segundong anunsiyo, makatitiyak tayo na nakaaapekto rin sa atin ang maraming oras na panonood ng TV. “Sa likod ng pinakakaraniwan o pinakasimpleng libangan,” ang sabi ng awtor ng Television—An International History, “ang telebisyon ay gumagana bilang tusong tagapagturo.” Ganito naman ang sabi ng aklat na A Pictorial History of Television: “Binabago ng telebisyon ang ating paraan ng pag-iisip.” Ang kailangan nating itanong sa ating sarili ay, ‘Gusto ko ba ang nagiging epekto sa aking isip ng pinanonood ko?’
Para sa mga naglilingkod sa Diyos, napakahalaga ng tanong na ito. Ang karamihan ng ipinalalabas sa telebisyon ay salungat sa matatayog na simulain at moral na pamantayang itinuturo ng Bibliya. Ang mga istilo ng pamumuhay at pag-uugali na hinahatulan ng Kasulatan ay ipinalalabas na katanggap-tanggap, normal, at moderno pa nga. Samantalang ang mga pamantayang Kristiyano at ang mga taong sumusunod dito ay madalas na di-pinapansin, tinutuya, o inaalipusta sa telebisyon. Ganito ang hinagpis ng isang awtor: “Hindi lamang sapat na gawing normal ang di-normal. Dapat ding ituring na normal ang di-normal.” Ganito ang kadalasang ibinubulong ng “tusong tagapagturo”: “Ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti.”—Isaias 5:20.
Kailangan tayong maging maingat sa pinanonood natin, sapagkat nakaaapekto ito sa ating pag-iisip. Sinasabi ng Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Ganito ang sabi ng iskolar sa Bibliya na si Adam Clarke: “Ang paglakad kasama ng isang tao ay nagpapahiwatig ng pag-ibig at pagkagiliw; at imposibleng hindi natin tularan ang ating mga iniibig. Kaya sinasabi natin, ‘Sabihin mo sa akin kung sino ang kasama niya, at sasabihin ko sa iyo kung sino siya.’ Ipakilala mo sa akin ang palagi niyang kasama, at masasabi ko agad ang pagkatao niya.” Gaya ng nakikita natin, karamihan sa mga tao ay gumugugol ng mahabang panahon kasama ng di-matalinong mga tauhan sa telebisyon, mga tauhang hindi kailanman aanyayahan ng isang taimtim na Kristiyano sa kaniyang tahanan.
Kung niresetahan ka ng doktor ng matapang na gamot, malamang na pag-isipan mong mabuti ang mga pakinabang at panganib sa pag-inom nito. Ang pag-inom ng maling gamot—o pag-inom ng napakaraming gamot kahit ito ang tamang gamot—ay makasasama sa iyong kalusugan. Ganiyan din ang panonood ng TV. Kung gayon, isang katalinuhan na pag-isipang mabuti ang pinanonood natin.
Ang mga Kristiyano ay pinasigla ng kinasihang apostol na si Pablo na isaalang-alang ang mga bagay na totoo, seryosong pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, may mabuting ulat, may kagalingan, at kapuri-puri. (Filipos 4:6-8) Susundin mo ba ang payong ito? Magiging maligaya ka kung susundin mo ito.
[Talababa]
a Ang estadistika sa Estados Unidos ay katulad din sa ibang lugar, yamang ipinalalabas sa buong mundo ang mga programa at pelikula sa telebisyon mula sa Amerika.
[Blurb sa pahina 5]
“Ang telebisyon ay isang imbensiyon na lilibang sa iyo sa loob ng iyong salas sa pamamagitan ng mga taong hindi mo aanyayahan sa iyong tahanan.”—David Frost, Britanong brodkaster
[Kahon sa pahina 5]
KUMUSTA NAMAN ANG SEKSO AT KARAHASAN SA BIBLIYA?
Ano ang pagkakaiba ng karahasan at sekso na ipinalalabas sa TV at yaong mababasa sa Bibliya? Ang ulat ng Bibliya tungkol sa sekso at karahasan ay isinulat para magturo, hindi para manlibang. (Roma 15:4) Iniuulat ng Salita ng Diyos ang totoong mga pangyayari sa kasaysayan. Tumutulong ito para maunawaan natin ang pananaw ng Diyos sa mga bagay-bagay at upang matuto tayo mula sa pagkakamali ng iba.
Sa karamihan ng mga bansang nagpapalabas ng mga patalastas, ang ipinakikitang sekso at karahasan sa TV ay walang kinalaman sa pagtuturo—kundi sa pera. Ang mga nag-aanunsiyo ay gustong umakit ng mas maraming tao hangga’t maaari at dahil sa sekso at karahasan, hindi maawat ang mga tao sa kanilang panonood. Ang resulta: Mapapanood nila ang mga patalastas at bibili ng iniaanunsiyong mga produkto. Sinusunod ng mga tagapagbalita ang tuntunin: “Kung madugo, ulong-balita ito.” Sa madaling salita, mas inuuna ang mga istoryang kahindik-hindik—tungkol sa krimen, sakuna, at digmaan—kaysa sa mga balitang di-gaanong kapana-panabik.
Bagaman may mga ulat ng karahasan sa Bibliya, pinasisigla nito ang mga tao na mamuhay nang payapa—hindi maghiganti kundi lutasin sa mapayapang paraan ang mga suliranin. Hindi nagbabago ang itinataguyod nitong kalinisang-asal sa sekso. Hindi ito ang mensaheng mapupulot sa karamihan ng ipinalalabas sa telebisyon.—Isaias 2:2-4; 1 Corinto 13:4-8; Efeso 4:32.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
ANG TELEBISYON AT ANG MGA BATA
“Batay sa naipong ebidensiya sa mga pag-aaral sa loob ng maraming dekada, naging konklusyon ng karamihan sa mga nasa larangan ng siyensiya at pampublikong kalusugan na ang panonood ng karahasan ay mapanganib sa mga bata.”—The Henry J. Kaiser Family Foundation.
“[Sang-ayon kami sa] American Academy of Pediatrics na dapat ay ‘hindi [manood ng telebisyon] ang mga batang dalawang taóng gulang pababa.’ Ang mga batang ito na nadedebelop pa lamang ang utak ay nangangailangan ng aktibong pakikipaglaro at pakikisalamuha sa mga tao sa tunay na buhay upang mapasulong ang kanilang mga kasanayan sa pisikal, pakikihalubilo, at paglaki.”—The National Institute on Media and the Family.
[Larawan sa pahina 6, 7]
Gusto ko ba ang nagiging epekto sa aking isip ng pinanonood ko?