KUWENTO 24
Sinubok ni Jose ang mga Kapatid Niya
GUSTONG malaman ni Jose kung ang 10 nakatatandang kapatid niya ay salbahe pa rin at malupit. Kaya sinabi niya: ‘Mga espiya kayo.’
‘Hindi totoo iyan,’ sabi nila. ‘Mababait kami. Kami ay magkakapatid. 12 kami noon. Pero wala na ang isa, at ang bunso ay nasa bahay kasama ng aming tatay.’
Kunwari ayaw maniwala ni Jose. Ipinabilanggo niya ang kapatid niyang si Simeon, at ang iba ay pinakuha ng pagkain at pinauwi. Pero sinabi niya: ‘Pagbalik ninyo, isama ninyo ang inyong bunso.’
Pag-uwi nila sa Canaan, ikinuwento ng magkakapatid sa tatay nila kung ano ang nangyari. Lungkot-na-lungkot si Jacob. Ayaw niyang pumayag na isama nila si Benjamin pabalik sa Ehipto. Pero nang maubos na ang pagkain nila, pumayag siya na isama nila si Benjamin para makakuha uli sila ng pagkain.
Nang makita ni Jose na dumarating sila, tuwang-tuwa siyang makita ang bunso niyang kapatid na si Benjamin. Oo, wala sa kanila ang nakakaalam na ang importanteng taong ito ay si Jose. Kaya may ginawa si Jose para subukin ang kaniyang mga kapatid.
Iniutos niya sa kaniyang mga alila na punuin ang kanilang mga sako ng pagkain. Pero hindi nila alam, na ang kaniyang espesyal na kopang pilak ay ipinasilid din niya sa sako ni Benjamin. Nang makaalis na sila at medyo nakakalayo na, ay ipinahabol sila ni Jose sa kaniyang mga alila.
Nang maabutan sila, ay hinalughog ng mga alila ang kanilang mga sako at nakita nila ang kopa sa sako ni Benjamin. Parang lumalabas na ninakaw ni Benjamin ang kopa! Sinabi ng mga alila: ‘Makakaalis na kayong lahat, isasama namin si Benjamin.’ Ano kaya ang gagawin ngayon ng 10 magkakapatid?
Sinamahan nila si Benjamin kay Jose. Sinabi ni Jose: ‘Makakauwi na kayo. Pero si Benjamin ay maiiwan bilang aking alipin.’
Kaya sinabi ni Juda: ‘Pakisuyo, ako na ang magpapaalipin, pauwiin mo lang ang bata!’
Nakita ni Jose na nagbago na ang kaniyang mga kapatid. Hindi na sila salbahe at malupit. Alamin natin kung ano ngayon ang gagawin ni Jose.