Genesis
42 Nang malaman ni Jacob na may butil sa Ehipto,+ sinabi niya sa mga anak niya: “Bakit nagtitinginan lang kayo at ayaw ninyong kumilos?” 2 Sinabi pa niya: “Nabalitaan kong may butil sa Ehipto. Pumunta kayo roon at bumili para sa atin, para manatili tayong buháy at hindi mamatay.”+ 3 Kaya pumunta sa Ehipto ang 10 kapatid ni Jose+ para bumili ng butil. 4 Pero hindi ipinasama ni Jacob si Benjamin,+ ang kapatid ni Jose, sa iba pa nitong kapatid, dahil sinabi niya: “Baka maaksidente siya at mamatay.”+
5 Kaya ang mga anak ni Israel ay pumunta sa Ehipto kasama ang iba pa na bibili rin, dahil ang taggutom ay umabot sa lupain ng Canaan.+ 6 Si Jose ang may awtoridad sa lupain,+ at siya ang nagbebenta ng butil sa lahat ng tao sa lupa.+ Kaya dumating ang mga kapatid ni Jose at yumukod sa kaniya.+ 7 Nang makita ni Jose ang mga kapatid niya, nakilala niya sila agad, pero hindi siya nagpakilala sa kanila.+ At mabagsik siyang nakipag-usap sa kanila, at sinabi niya: “Tagasaan kayo?” Sumagot sila: “Sa lupain ng Canaan. Nandito kami para bumili ng pagkain.”+
8 Kaya nakilala ni Jose ang mga kapatid niya, pero hindi nila siya nakilala. 9 Naalaala agad ni Jose ang mga panaginip niya tungkol sa kanila,+ at sinabi niya sa kanila: “Mga espiya kayo! Pumunta kayo rito para makita kung anong bahagi ng lupain ang madaling salakayin!”* 10 Kaya sinabi nila: “Hindi, panginoon ko. Pumunta rito ang iyong mga lingkod para bumili ng pagkain. 11 Magkakapatid kami,* at hindi kami masasamang tao.* Hindi mga espiya ang iyong mga lingkod.” 12 Pero sinabi niya: “Hindi! Pumunta kayo rito para makita kung anong bahagi ng lupain ang madaling salakayin!” 13 Sumagot sila: “Ang iyong mga lingkod ay 12 magkakapatid na lalaki.+ Anak kami ng iisang lalaki+ na naninirahan sa lupain ng Canaan, at ang bunso ay kasama ng aming ama ngayon,+ pero ang isa pa ay wala na.”+
14 Pero sinabi ni Jose: “Gaya ng sinabi ko—‘Mga espiya kayo!’ 15 Titingnan ko kung nagsasabi kayo ng totoo: Sumusumpa ako sa ngalan* ng Paraon, hindi kayo makaaalis dito hanggang sa pumunta rito ang bunso ninyong kapatid.+ 16 Pabalikin ninyo ang isa sa inyo para kunin ang kapatid ninyo at ang iba ay mananatiling nakakulong dito. Sa ganitong paraan, malalaman ko kung nagsasabi kayo ng totoo. At kung hindi, sumusumpa ako sa ngalan ng Paraon—mga espiya kayo.” 17 At sama-sama niya silang ikinulong nang tatlong araw.
18 Sa ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila: “Gawin ninyo ito para manatili kayong buháy, dahil may takot ako sa Diyos. 19 Kung matuwid kayo, manatili sa kulungan ang isa sa inyong magkakapatid, pero ang lahat ng iba pa ay puwede nang umuwi at magdala ng butil para makaraos sa taggutom ang inyong mga sambahayan.+ 20 Pagkatapos, dalhin ninyo sa akin ang bunso ninyong kapatid para malaman ko kung mapagkakatiwalaan ang inyong mga salita, at hindi kayo mamamatay.” At gayon ang ginawa nila.
21 At sinabi nila sa isa’t isa: “Tiyak na pinaparusahan tayo dahil sa ating kapatid,+ dahil nakita natin ang paghihirap niya nang magmakaawa siya sa atin, pero hindi tayo nakinig. Iyan ang dahilan kung bakit nagdurusa tayo ngayon.” 22 Kaya sinabi ni Ruben: “Hindi ba sinabi ko sa inyo, ‘Huwag ninyong gawan ng masama ang bata’? Pero hindi kayo nakinig.+ At ngayon ay sinisingil sa atin ang dugo niya.”+ 23 Pero hindi nila alam na naiintindihan sila ni Jose, dahil gumagamit pa siya ng tagapagsalin. 24 Dahil dito ay umalis siya sa harap nila at umiyak.+ Nang bumalik siya at kausapin silang muli, kinuha niya si Simeon+ at iginapos sa harap nila.+ 25 Pagkatapos, ipinag-utos ni Jose na punuin ng butil ang kanilang mga lalagyan, ibalik ang pera ng mga lalaki sa kani-kaniyang sako, at bigyan sila ng panustos para sa paglalakbay. At gayon nga ang ginawa para sa kanila.
26 Kaya isinakay nila ang mga butil sa kanilang mga asno, at umalis sila. 27 Nang buksan ng isa sa kanila ang sako niya para pakainin ang kaniyang asno sa tinutuluyan nila, nakita niya sa sako ang pera niya. 28 Kaya sinabi niya sa mga kapatid niya: “Ibinalik ang pera ko at nandito iyon sa lalagyan ko!” Pagkatapos, nanlupaypay sila, at habang nanginginig, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano itong ginawa ng Diyos sa atin?”
29 Nang makarating sila sa ama nilang si Jacob sa lupain ng Canaan, ikinuwento nila sa kaniya ang lahat ng nangyari sa kanila. Sinabi nila: 30 “Ang lalaking namamahala sa lupain ay mabagsik na nakipag-usap sa amin+ at pinagbintangan kaming mga espiya sa lupain. 31 Pero sinabi namin sa kaniya, ‘Hindi kami masasamang tao. Hindi kami mga espiya.+ 32 Kami ay 12 magkakapatid na lalaki+ na may iisang ama. Wala na ang isa,+ at ang bunso ay kasama ngayon ng aming ama sa lupain ng Canaan.’+ 33 Pero sinabi sa amin ng lalaking namamahala sa lupain, ‘Titingnan ko kung kayo ay matuwid: Iwanan ninyo rito ang isa ninyong kapatid.+ Pagkatapos, magdala kayo ng pagkain para makaraos sa taggutom ang inyong mga sambahayan at umuwi na kayo.+ 34 At dalhin ninyo sa akin ang bunso ninyong kapatid para malaman ko na hindi kayo mga espiya kundi mga taong matuwid. Pagkatapos, ibabalik ko sa inyo ang inyong kapatid, at puwede na kayong bumili ng butil sa lupain.’”
35 Nang inaalis nila ang laman ng sako nila, nakita nilang nasa kani-kaniyang sako ang nakabalot na pera ng bawat isa. Kaya natakot sila pati ang kanilang ama. 36 Sumigaw ang ama nilang si Jacob: “Kinukuha ninyo sa akin ang mga anak ko!+ Wala na si Jose,+ wala na si Simeon,+ at kukunin pa ninyo si Benjamin! Bakit nangyayari sa akin ang lahat ng ito?” 37 Pero sinabi ni Ruben sa kaniyang ama: “Ipapatay mo ang dalawang anak ko kung hindi ko siya maibalik sa iyo.+ Ipagkatiwala mo siya sa akin, at ibabalik ko siya sa iyo.”+ 38 Pero sinabi niya: “Hindi sasama sa inyo ang anak ko, dahil ang kapatid niya ay patay na at siya na lang ang naiwan.+ Kung maaksidente siya at mamatay habang naglalakbay kayo, tiyak na ibababa ninyo ako sa Libingan*+ dahil sa pamimighati.”+