Kabanata 3
Mga Bagay na Kailangang Maganap sa Di-kalaunan
1. Paano ka makaliligtas kapag inilapat na ng Diyos ang kaniyang hatol sa sanlibutang ito?
DAPAT kang lubhang mabahala sa mga nangyayari sa daigdig ngayon. Bakit? Sapagkat hindi matatakasan ng sanlibutang ito ang paglalapat ng Diyos ng kaniyang hatol. Subalit maaari kang makaligtas. Makaliligtas ka kung mananatili kang “hindi bahagi ng sanlibutan” na nakatakdang puksain. Hindi ito nangangahulugan na mamumuhay kang tulad ng monghe at pagkakaitan ang iyong sarili. Nangangahulugan ito na bagaman nagtatamasa ka ng kasiya-siya at makabuluhang buhay, hindi ka nakikisangkot sa mga katiwalian sa pulitika, sa sakim na komersiyalismo, at sa relihiyon na lumalapastangan sa Diyos, pati na sa marahas at imoral na paggawi. Kasabay nito, dapat mong sundin ang matataas na pamantayan ng Diyos hinggil sa paggawi at sikaping gawin ang kaniyang kalooban. (Juan 17:14-16; Zefanias 2:2, 3; Apocalipsis 21:8) Ipinakikita ng aklat ng Bibliya na Apocalipsis kung gaano kahalaga para sa iyo na pagsikapang gawin ang mga bagay na ito, anupat ginagawa ang kinakailangang mga pagbabago sa iyong pamumuhay.
2. Paano sinimulan ni apostol Juan ang maringal na hula ng Apocalipsis, at kanino ibinigay ng Diyos ang mahalagang mensaheng ito?
2 Pinasimulan ni apostol Juan ang maringal na hulang ito sa ganitong mga pananalita: “Isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan.” (Apocalipsis 1:1a) Kaya ang tumanggap ng mahalagang mensaheng ito mula sa Diyos ay ang binuhay-muling si Jesu-Kristo. Ipinakikita rito na si Jesus ay sakop ng kaniyang Ama at hindi talaga bahagi ng misteryo ng Trinidad. Sa katulad na paraan, ang mga “alipin” na bumubuo ng kongregasyong Kristiyano ay sakop ni Jesu-Kristo, kaya ‘patuloy silang sumusunod sa kaniya saanman siya pumaroon.’ (Apocalipsis 14:4; Efeso 5:24) Subalit sino sa ngayon ang tunay na mga “alipin” ng Diyos, at paano sila nakikinabang mula sa Apocalipsis?
3. (a) Sino ang mga “alipin” na sakop ni Jesu-Kristo? (b) Anong gawain ang ginaganap ng tapat na ‘mga aliping’ ito sa ilalim ng patnubay ng mga anghel?
3 Sinabi ni apostol Juan, na sumulat ng Apocalipsis, na isa siya sa gayong alipin. Siya ang apostol na kahuli-hulihang namatay at kabilang siya sa piling grupo ng mga “alipin” na pinahiran ng espiritu at magmamana ng imortal na buhay sa mga langit. Sa ngayon, iilang libo na lamang sa mga ito ang nalalabi sa lupa. Ang Diyos ay may iba pang mga lingkod, isang malaking pulutong ng mga lalaki, babae, at mga bata, na milyun-milyon na ang bilang sa ngayon. Sa ilalim ng patnubay ng mga anghel, nakikisama sila sa mga pinahirang “alipin” sa paghahayag ng walang-hanggang mabuting balita sa buong sangkatauhan. Talagang nagpapagal ang lahat ng ‘aliping’ ito upang tulungan ang maaamo sa lupa na maligtas! (Mateo 24:14; Apocalipsis 7:9, 14; 14:6) Ipinakikita ng Apocalipsis kung ano ang dapat mong gawin upang makinabang sa nakapagpapaligayang mabuting balita.
4. (a) Yamang mahigit 1,900 taon na mula nang isulat ni Juan ang Apocalipsis, bakit nasabi niya na ito’y “mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan”? (b) Ano ang ipinakikita ng mga katibayan ngayon hinggil sa mga bagay na inihula?
4 Gayunpaman, bakit nasabi ni Juan na ang ipahahayag sa mga “alipin” na ito ay “mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan”? Hindi ba’t mahigit 1,900 taon na ngayon ang nakalilipas mula nang banggitin ang mga salitang iyon? Sa pangmalas ni Jehova, ang isang libong taon ay “gaya lamang ng kahapon,” kaya maikling panahon lamang para sa kaniya ang 1,900 taon kung ihahambing sa di-mabilang na panahon na ginugol niya sa paglikha at paghahanda sa lupa upang tahanan ng tao. (Awit 90:4) Sumulat si apostol Pablo tungkol sa kaniyang “may-pananabik na pag-asam at pag-asa,” at walang alinlangan na iniisip niyang napakalapit na niyang makamit ang kaniyang gantimpala. (Filipos 1:20) Subalit sa ngayon, napakaraming katibayan na lahat ng bagay na inihula ay magaganap sa itinakdang panahon. Sa buong kasaysayan, ngayon lamang nalagay sa alanganin ang kaligtasan ng sangkatauhan. Diyos lamang ang makalulutas nito!—Isaias 45:21.
Alulod ng Pakikipagtalastasan
5. Paano ipinatalastas ang Apocalipsis kay apostol Juan at pagkatapos ay sa mga kongregasyon?
5 Ang Apocalipsis 1:1b, 2 ay nagpapatuloy: “At isinugo niya [ni Jesus] ang kaniyang anghel at iniharap ito [ang Apocalipsis] sa mga tanda sa pamamagitan niya sa kaniyang aliping si Juan, na nagpatotoo sa salita na ibinigay ng Diyos at sa patotoo na ibinigay ni Jesu-Kristo, maging sa lahat ng bagay na kaniyang nakita.” Kaya tinanggap ni Juan ang kinasihang ulat sa pamamagitan ng isang mensaherong anghel. Isinulat niya ito sa isang balumbon, at ipinamahagi ito sa mga kongregasyon noong panahon niya. Mabuti na lamang at iningatan ito ng Diyos para mapatibay-loob ang halos 100,000 kongregasyon ng kaniyang nagkakaisang mga lingkod sa lupa ngayon.
6. Paano tinukoy ni Jesus ang alulod na gagamitin niya sa pagbibigay ng espirituwal na pagkain para sa kaniyang mga “alipin” sa ngayon?
6 Ang Diyos ay may ginamit na alulod nang ipatalastas niya ang Apocalipsis noong panahon ni Juan, at si Juan ang makalupang bahagi ng alulod na iyon. Sa ngayon, ang Diyos ay gumagamit din ng alulod sa paghahatid ng espirituwal na pagkain sa kaniyang mga “alipin.” Sa kaniyang dakilang hula hinggil sa katapusan ng sistema ng mga bagay, tinukoy ni Jesus ang makalupang bahagi ng alulod na ito bilang “ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:3, 45-47) Ginagamit niya ang uring Juan na ito sa pagsisiwalat ng kahulugan ng hula.
7. (a) Paano dapat makaapekto sa atin ang mga tanda na masusumpungan sa Apocalipsis? (b) Gaano katagal nang nakikibahagi ang ilan sa uring Juan sa katuparan ng mga pangitain sa Apocalipsis?
7 Isinulat ni apostol Juan na ang Apocalipsis ay iniharap ni Jesus “sa [pamamagitan ng] mga tanda,” o simbolo. Detalyado ang mga ito at kapana-panabik na suriin. Inilalarawan ng mga ito ang makapangyarihang mga gawa, na dapat namang magpakilos sa atin na maging masigasig sa paghahayag sa iba tungkol sa hula at sa kahulugan nito. Inihaharap sa atin ng Apocalipsis ang ilang nakapagpapasiglang pangitain, at sa bawat isa sa mga ito, aktibong nakibahagi o naging tagapagmasid si Juan. Ang mga kabilang sa uring Juan, na ilan sa kanila’y maraming dekada nang nakikibahagi sa katuparan ng mga pangitaing ito, ay maligaya na isiniwalat ng espiritu ng Diyos ang kahulugan nito upang maipaliwanag nila sa iba.
8. (a) Ano ang namumukod-tangi sa bawat isa sa mga pangitain sa Apocalipsis? (b) Paano tayo tinutulungan ng hula ni Daniel upang maunawaan kung ano ang isinasagisag ng mga hayop sa Apocalipsis?
8 Ang mga pangitaing ito sa Apocalipsis ay hindi inihaharap sa kronolohikal na paraan. Bawat isa sa mga ito ay may kani-kaniyang takdang panahon ng katuparan. Marami sa mga pangitaing ito ay pag-ulit sa mga pananalita ng naunang mga hula na nagbigay ng pahiwatig sa kahulugan ng mga ito. Halimbawa, apat na kakila-kilabot na hayop ang inilarawan sa hula ni Daniel, at ipinaliwanag niya na sumasagisag ang mga ito sa mga kapangyarihang namahala sa lupa. Kaya natulungan tayong maunawaan na ang mga hayop sa Apocalipsis ay sumasagisag sa pulitikal na mga organisasyon, pati na ang mga umiiral sa ngayon.—Daniel 7:1-8, 17; Apocalipsis 13:2, 11-13; 17:3.
9. (a) Gaya ni Juan, anong saloobin ang ipinakikita ng uring Juan? (b) Ano ang sinabi ni Juan na dapat nating gawin upang maging maligaya?
9 Naging tapat si Juan sa pagpapatotoo sa mensahe na ibinigay sa kaniya ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Detalyado niyang inilarawan ang “lahat ng bagay na kaniyang nakita.” Ang uring Juan ay taimtim na humihingi ng patnubay sa Diyos at kay Jesu-Kristo upang lubusan nilang maunawaan ang hula at nang maituro nila ang mahuhusay na punto nito sa bayan ng Diyos. Para sa kapakinabangan ng pinahirang kongregasyon (at gayundin ng pandaigdig na malaking pulutong na ililigtas ng Diyos sa malaking kapighatian), ganito ang isinulat ni Juan: “Maligaya ang bumabasa nang malakas at yaong mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito, at tumutupad sa mga bagay na nakasulat dito; sapagkat ang takdang panahon ay malapit na.”—Apocalipsis 1:3.
10. Ano ang dapat nating gawin may kinalaman sa Apocalipsis upang maging maligaya?
10 Makikinabang ka nang husto sa pagbabasa ng Apocalipsis at lalung-lalo na kung tutuparin mo ang mga bagay na nasusulat dito. Nagpaliwanag si Juan sa isa sa kaniyang mga liham: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat, sapagkat ang lahat ng ipinanganak mula sa Diyos ay dumaraig sa sanlibutan. At ito ang pananaig na dumaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.” (1 Juan 5:3, 4) Walang-kahulilip na kaligayahan ang madarama mo kung maglilinang ka ng gayong pananampalataya!
11. (a) Bakit apurahan na sundin natin ang mga salita ng hula? (b) Anong panahon ang tiyak na napakalapit na ngayon?
11 Apurahan na sundin natin ang mga salita ng hula, “sapagkat ang takdang panahon ay malapit na.” Takdang panahon ukol sa ano? Ukol sa katuparan ng mga hula sa Apocalipsis, lakip na ang mga paghatol ng Diyos. Malapit nang ilapat ng Diyos at ni Jesu-Kristo ang pangwakas na hatol sa sistema ng sanlibutan ni Satanas. Nang narito si Jesus sa lupa, sinabi niya na ang kaniyang Ama lamang ang nakaaalam “sa araw na iyon o sa oras.” Yamang nakikini-kinita ang mga kaguluhang lalaganap sa lupa sa ating panahon, sinabi rin ni Jesus: “Ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa mangyari ang lahat ng mga bagay na ito.” Kaya talagang napakalapit na ng takdang panahon sa paglalapat ng pasiya ng Diyos. (Marcos 13:8, 30-32) Gaya ng sinasabi ng Habakuk 2:3: “Ang pangitain ay sa takdang panahon pa, at iyon ay patuloy na nagmamadali patungo sa kawakasan, at hindi iyon magsisinungaling. Kung iyon man ay magluwat, patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.” Ang kaligtasan natin sa malaking kapighatian ay nakasalalay sa pagsunod natin sa makahulang Salita ng Diyos.—Mateo 24:20-22.
[Kahon sa pahina 15]
Upang maunawaan ang aklat ng Apocalipsis kailangan nating
● Tanggapin ang tulong ng espiritu ni Jehova
● Maunawaan kung kailan nagsimula ang araw ng Panginoon
● Makilala kung sino ang tapat at maingat na alipin sa ngayon