Kabanata 44
Ikaw at ang Apocalipsis
1. (a) Anong katiyakan ang ibinibigay ng anghel kay Juan hinggil sa lahat ng kamangha-manghang pangako sa Apocalipsis? (b) Sino ang nagsasabi, “ako ay dumarating nang madali,” at kailan ang ‘pagdating’ na ito?
HABANG binabasa mo ang kasiya-siyang paglalarawan hinggil sa Bagong Jerusalem, baka maitanong mo: ‘Magkatotoo kaya ang gayong kamangha-manghang bagay?’ Sinasagot ni Juan ang tanong na ito sa pamamagitan ng pag-uulat hinggil sa susunod na mga pananalita ng anghel: “At sinabi niya sa akin: ‘Ang mga salitang ito ay tapat at totoo; oo, si Jehova na Diyos ng mga kinasihang kapahayagan ng mga propeta ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan. At, narito! ako ay dumarating nang madali. Maligaya ang sinumang tumutupad sa mga salita ng hula sa balumbong ito.’” (Apocalipsis 22:6, 7) Tiyak na matutupad ang lahat ng kamangha-manghang pangako sa Apocalipsis! Sa pagsasalita sa pangalan ni Jesus, ipinahahayag ng anghel na si Jesus ay malapit nang dumating, “nang madali.” Tiyak na ito ang pagdating ni Jesus “na gaya ng isang magnanakaw” upang puksain ang mga kaaway ni Jehova at simulan ang dakila at maligayang kasukdulan ng Apocalipsis. (Apocalipsis 16:15, 16) Kaya dapat nating iayon ang ating buhay sa mga salita sa “balumbong ito,” ang Apocalipsis, upang maipahayag tayong maligaya sa panahong iyon.
2. (a) Ano ang naging reaksiyon ni Juan nang tanggapin niya ang kamangha-manghang mga pagsisiwalat, at ano ang sinabi sa kaniya ng anghel? (b) Ano ang matututuhan natin sa mga salita ng anghel na “Mag-ingat ka!” at, “Sambahin mo ang Diyos”?
2 Pagkatapos ng kamangha-manghang mga pagsisiwalat, mauunawaan natin kung bakit lubhang naantig si Juan: “Buweno, akong si Juan ang nakaririnig at nakakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, sumubsob ako upang sumamba sa harap ng mga paa ng anghel na nagpapakita sa akin ng mga bagay na ito. Ngunit sinabi niya sa akin: ‘Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapuwa mo alipin lamang at ng iyong mga kapatid na mga propeta at niyaong mga tumutupad sa mga salita sa balumbong ito. Sambahin mo ang Diyos.’” (Apocalipsis 22:8, 9; ihambing ang Apocalipsis 19:10.) Ang makalawang ulit na pagbanggit sa babalang ito na huwag sumamba sa mga anghel ay tamang-tama noong panahon ni Juan, sapagkat maliwanag na may ilang nagtaguyod sa ganitong pagsamba o nag-angking tumanggap ng pantanging mga pagsisiwalat mula sa mga anghel. (1 Corinto 13:1; Galacia 1:8; Colosas 2:18) Sa ngayon, idiniriin nito ang katotohanan na sa Diyos lamang tayo dapat sumamba. (Mateo 4:10) Hindi natin dapat pasamain ang dalisay na pagsamba sa pamamagitan ng pagsamba sa ibang persona o anumang bagay.—Isaias 42:5, 8.
3, 4. Ano ang patuloy na sinasabi ng anghel kay Juan, at paano sinunod ng pinahirang nalabi ang kaniyang mga salita?
3 Nagpapatuloy si Juan: “Sinabi rin niya sa akin: ‘Huwag mong tatakan ang mga salita ng hula sa balumbong ito, sapagkat ang takdang panahon ay malapit na. Siya na gumagawa ng kalikuan, hayaan siyang gumawa pa ng kalikuan; at hayaang ang marumi ay maparumi pa; ngunit hayaang ang matuwid ay gumawa pa ng katuwiran, at hayaang ang banal ay mapabanal pa.’”—Apocalipsis 22:10, 11.
4 Sinusunod ng pinahirang nalabi sa ngayon ang mga sinabi ng anghel. Hindi nila tinatakan ang mga salita ng hula. Sa katunayan, nagkomento ang kauna-unahang isyu ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence (Hulyo 1879) hinggil sa maraming talata ng Apocalipsis. Gaya ng binanggit namin sa unang kabanata, naglathala ang mga Saksi ni Jehova sa nakalipas na mga taon ng iba pang mga aklat na nagbibigay-liwanag sa Apocalipsis. Muli namin ngayong itinatawag-pansin sa lahat ng umiibig sa katotohanan ang nakaaantig na mga hula ng Apocalipsis at ang katuparan ng mga ito.
5. (a) Ano ang mangyayari kung nais ng mga tao na ipagwalang-bahala ang mga babala at payo sa Apocalipsis? (b) Paano dapat tumugon ang maaamo at matuwid?
5 Kung nais ipagwalang-bahala ng mga tao ang mga babala at payo sa Apocalipsis, buweno, bahala sila! “Siya na gumagawa ng kalikuan, hayaan siyang gumawa pa ng kalikuan.” Kung iyon ang gusto nila, mamamatay sa paglulubalob sa karumihan ang mapagpalayaw na sangkatauhan sa panahong ito. Malapit nang lubusang ilapat ang mga hatol ni Jehova, pasimula sa pagkapuksa ng Babilonyang Dakila. Makinig nawang mabuti ang maaamo sa mga salita ng propeta: “Hanapin ninyo si Jehova . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” (Zefanias 2:3) Para naman sa mga nakaalay na kay Jehova, “hayaang ang matuwid ay gumawa pa ng katuwiran, at hayaang ang banal ay mapabanal pa.” Alam ng marurunong na walang anumang pansamantalang pakinabang mula sa kasalanan ang makapapantay sa walang-hanggang mga pagpapala na tatamasahin ng mga nagtataguyod ng katuwiran at kabanalan. Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Corinto 13:5) Ang kagantihang tatanggapin mo ay nakadepende sa landasing pipiliin at patuloy mong itataguyod.—Awit 19:9-11; 58:10, 11.
6. Ano ang sinasabi ni Jehova sa hula sa pakikipag-usap niya sa kahuli-hulihang pagkakataon sa mga mambabasa ng Apocalipsis?
6 Sa kahuli-hulihang pagkakataon sa hula, si Jehova, ang Haring walang hanggan, ay nakikipag-usap ngayon sa mga mambabasa ng Apocalipsis, sa pagsasabing: “Narito! Ako ay dumarating nang madali, at ang gantimpala na aking ibibigay ay nasa akin, upang iukol sa bawat isa ang ayon sa kaniyang gawa. Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas. Maligaya yaong mga naglalaba ng kanilang mahabang damit, upang ang awtoridad na pumaroon sa mga punungkahoy ng buhay ay maging kanila at upang makapasok sila sa loob ng lunsod sa pamamagitan ng mga pintuang-daan nito. Sa labas ay naroon ang mga aso at ang mga nagsasagawa ng espiritismo at ang mga mapakiapid at ang mga mamamaslang at ang mga mananamba sa idolo at ang bawat isa na umiibig at gumagawa ng kasinungalingan.”—Apocalipsis 22:12-15.
7. (a) Bakit “dumarating nang madali” si Jehova? (b) Bakit hindi magiging bahagi ng Bagong Jerusalem ang klero ng Sangkakristiyanuhan?
7 Minsan pa, idiniriin ng Diyos na Jehova ang kaniyang walang-hanggang pagkasoberano at na ang kaniyang layunin sa pasimula ay tutuparin niya sa wakas. Siya ay “dumarating nang madali” upang maglapat ng hatol at gantimpalaan ang mga may-pananabik na humahanap sa kaniya. (Hebreo 11:6) Ang kaniyang mga pamantayan ang magiging saligan kung sino ang dapat gantimpalaan at kung sino ang dapat itakwil. Ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay gumawi na gaya ng “mga asong pipi,” anupat nagkikibit-balikat lamang sa mga kabalakyutan na binabanggit dito ni Jehova. (Isaias 56:10-12; tingnan din ang Deuteronomio 23:18, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.) Talagang ‘umibig at gumawa’ sila ng sinungaling na mga doktrina at mga turo at lubusang ipinagwalang-bahala ang payo ni Jesus sa pitong kongregasyon. Kaya hindi sila magiging bahagi ng Bagong Jerusalem.
8. (a) Sino lamang ang maaaring “pumaroon sa mga punungkahoy ng buhay,” at ano ang kahulugan nito? (b) Sa anong diwa “nilabhan [ng malaking pulutong] ang kanilang mahahabang damit,” at paano nila napananatili ang kanilang malinis na katayuan?
8 Ang mga pinahirang Kristiyano lamang na totoong “naglalaba ng kanilang mahabang damit” upang maging malinis sa paningin ni Jehova ang may pribilehiyong “pumaroon sa mga punungkahoy ng buhay.” Samakatuwid nga, tinatanggap nila ang karapatan at titulo na magkamit ng imortal na buhay sa kanilang makalangit na tungkulin. (Ihambing ang Genesis 3:22-24; Apocalipsis 2:7; 3:4, 5.) Pagkamatay nila bilang mga tao, makapapasok na sila sa Bagong Jerusalem sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Papapasukin sila ng 12 anghel, samantalang hinahadlangan ng mga ito ang sinumang namumuhay sa kasinungalingan o karumihan bagaman nag-aangking may makalangit na pag-asa. Ang malaking pulutong din sa lupa ay ‘naglaba ng kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero’ at kailangan nilang mapanatili ang kanilang malinis na katayuan. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa kabalakyutan na laban dito’y nagbabala si Jehova, at ng pagsasapuso sa payo ni Jesus sa kaniyang pitong mensahe sa mga kongregasyon.—Apocalipsis 7:14; kabanata 2 at 3.
9. Anong mga salita ang binibigkas ni Jesus, at kanino pangunahin nang ipinatutungkol ang kaniyang mensahe at ang buong Apocalipsis?
9 Pagkatapos ni Jehova, si Jesus naman ang nagsalita. Pinatitibay-loob niya ang matuwid-pusong mga mambabasa ng Apocalipsis, na sinasabi: “Ako, si Jesus, ay nagsugo ng aking anghel upang magpatotoo sa inyo tungkol sa mga bagay na ito para sa mga kongregasyon. Ako ang ugat at ang supling ni David, at ang maningning na bituing pang-umaga.” (Apocalipsis 22:16) Oo, ang mga salitang ito ay talagang “para sa mga kongregasyon.” Ang mensaheng ito ay pangunahin nang ipinatutungkol sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano sa lupa. Ang lahat ng mensahe sa Apocalipsis ay pangunahin nang para sa mga pinahirang Kristiyano, na mananahan sa Bagong Jerusalem. Sa pamamagitan ng kongregasyong ito, ang malaking pulutong ay may pribilehiyo ring magkaroon ng kaunawaan hinggil sa mahahalagang makahulang katotohanang ito.—Juan 17:18-21.
10. Bakit tinawag ni Jesus ang kaniyang sarili na (a) “ang ugat at ang supling ni David”? (b) ang “maningning na bituing pang-umaga”?
10 Si Jesu-Kristo ang pinagkatiwalaang maghatid ng Apocalipsis kay Juan at inihahatid naman ito ni Juan sa kongregasyon. Si Jesus kapuwa ang “ugat at ang supling ni David.” Nagmula siya kay David ayon sa laman at sa gayo’y karapat-dapat na maging Hari sa Kaharian ni Jehova. Siya rin ang magiging “Walang-hanggang Ama” ni David, sa gayo’y nagiging “ugat” ni David. (Isaias 9:6; 11:1, 10) Siya ang permanente at imortal na Hari sa angkan ni David, na tutupad sa tipan ni Jehova kay David, at ang “maningning na bituing pang-umaga” na inihula noong panahon ni Moises. (Bilang 24:17; Awit 89:34-37) Siya ang “bituing pang-araw” na sumisikat bago magbukang-liwayway. (2 Pedro 1:19) Hindi nakahadlang sa maluwalhating pagsikat na ito ang lahat ng panlilinlang ng pangunahing kaaway na Babilonyang Dakila.
Sabihin: “Halika!”
11. Anong bukás na paanyaya ang inihaharap ngayon ni Juan, at sino ang maaaring tumugon dito?
11 Pagkakataon naman ngayon ni Juan na magsalita. Mula sa pusong nag-uumapaw sa pagpapahalaga sa lahat ng kaniyang nakita at narinig, napabulalas siya: “At ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 22:17) Hindi lamang ang 144,000 ang makikinabang sa haing pantubos ni Jesus, sapagkat ito’y isang bukás na paanyaya. Ang nagpapakilos na espiritu ni Jehova ay gumagana sa pamamagitan ng uring kasintahang babae, kaya patuloy na naihahayag nang buong linaw ang mensahe: “Kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Tingnan din ang Isaias 55:1; 59:21.) Sinumang nauuhaw sa katuwiran ay sinasabihang “halika” upang tumanggap ng gantimpala ni Jehova. (Mateo 5:3, 6) Kaylaki ng pribilehiyo ng lahat ng magiging kabilang sa makalupang uri na tumutugon sa paanyayang ito ng pinahirang uring Juan!
12. Paano tumutugon ang malaking pulutong sa paanyaya ng Apocalipsis 22:17?
12 Mula pa noong unang mga taon ng dekada ng 1930, ang lumalagong bilang ng malaking pulutong ay “nakikinig”—nagbibigay-pansin sa paanyaya. Gaya ng mga pinahiran na kapuwa nila alipin, nagkaroon sila ng malinis na katayuan sa harap ni Jehova. Nananabik sila sa panahong bababa na mula sa langit ang Bagong Jerusalem upang magpaagos ng mga pagpapala sa sangkatauhan. Yamang narinig ang nakapagpapasiglang mensahe ng Apocalipsis, ang malaking pulutong ay hindi lamang nagsasabing “Halika!” kundi aktibo rin nilang tinitipon ang iba pa tungo sa organisasyon ni Jehova, anupat sinasanay rin ang mga ito na magsabi: “Ang sinumang nauuhaw ay pumarito.” Kaya patuloy na dumarami ang malaking pulutong, habang mahigit 6,000,000 sa kanila sa 235 lupain sa palibot ng lupa kasama ng wala pang 9,000 mula sa pinahirang uring kasintahang babae ay nakikibahagi sa pag-aanyaya na “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.”
13. Ano ang ibinabala ni Jesus?
13 Pagkatapos nito, muling nagsalita si Jesus, na sinasabi: “Ako ay nagpapatotoo sa bawat isa na nakikinig sa mga salita ng hula sa balumbong ito: Kung ang sinuman ay magdagdag sa mga bagay na ito, idaragdag sa kaniya ng Diyos ang mga salot na nakasulat sa balumbong ito; at kung ang sinuman ay mag-alis ng anuman mula sa mga salita ng balumbon ng hulang ito, aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi mula sa mga punungkahoy ng buhay at mula sa banal na lunsod, na mga bagay na nakasulat sa balumbong ito.”—Apocalipsis 22:18, 19.
14. Ano ang pangmalas ng uring Juan sa “hula” ng Apocalipsis?
14 Dapat itawag-pansin ng mga kabilang sa uring Juan ang “hula” ng Apocalipsis. Hindi nila ito dapat ikubli o dagdagan. Ang mensahe nito ay dapat ipangaral nang hayagan, “mula sa mga bubungan ng bahay.” (Mateo 10:27) Ang Apocalipsis ay kinasihan ng Diyos. Sino ang mangangahas na baguhin ang kahit isa mang salita na binigkas mismo ng Diyos at ipinahatid sa pamamagitan ng isa na nagpupuno na ngayon bilang Hari, si Jesu-Kristo? Ang gayong tao ay tiyak na hindi karapat-dapat magkamit ng buhay kundi sa halip ay dumanas ng mga salot na siguradong sasapitin ng Babilonyang Dakila at ng buong sanlibutan.
15. Ano ang kahulugan ng mga salita ni Jesus na “nagpapatotoo [siya] tungkol sa mga bagay na ito” at “ako ay dumarating nang madali”?
15 Idinaragdag ngayon ni Jesus ang huling pampatibay-loob: “Siya na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito ay nagsasabi, ‘Oo; ako ay dumarating nang madali.’” (Apocalipsis 22:20a) Si Jesus ang “saksing tapat at totoo.” (Apocalipsis 3:14) Tiyak na totoo ang mga pangitain sa Apocalipsis sapagkat pinatototohanan niya ito. Paulit-ulit na idiniriin ni Jesus at ng Diyos na Jehova mismo ang katotohanan na dumarating sila nang “madali,” o sa lalong madaling panahon, at ito ang ikalimang pagkakataon na sinabi ito ni Jesus. (Apocalipsis 2:16; 3:11; 22:7, 12, 20) Ang ‘pagdating’ ay upang maglapat ng hatol sa dakilang patutot, sa pulitikal na “mga hari” at sa lahat ng iba pang sumasalansang sa “kaharian ng ating Panginoon[g Jehova] at ng kaniyang Kristo.”—Apocalipsis 11:15; 16:14, 16; 17:1, 12-14.
16. Sa pagkaalam na ang Diyos na Jehova at si Jesus ay dumarating nang madali, ano ang dapat na desidido mong gawin?
16 Ang pagkaalam mo na dumarating nang madali ang Diyos na Jehova at si Jesus ay dapat magpasigla sa iyo na ingatang “malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” (2 Pedro 3:12) Ilusyon lamang ang anumang waring katatagan ng lupa sa ilalim ng sistema ng mga bagay ni Satanas. Pansamantala lamang ang anumang tagumpay na wari’y nakakamit ng langit ng makasanlibutang mga tagapamahala sa ilalim ni Satanas. Lumilipas ang mga bagay na ito. (Apocalipsis 21:1) Ang tanging bagay na mamamalagi ay masusumpungan kay Jehova, sa kaniyang Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo, at sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan. Huwag mo sanang kaliligtaan iyan!—1 Juan 2:15-17.
17. Paano dapat makaapekto sa iyo ang pagpapahalaga mo sa kabanalan ni Jehova?
17 Sana’y makaimpluwensiya nang husto sa iyong buhay ang natutuhan mo sa pag-aaral ng Apocalipsis. Hindi ba’t ang pagsulyap mo sa makalangit na presensiya ni Jehova ay nagkintal sa iyo na walang kapantay ang kaluwalhatian at kabanalan ng ating Maylalang? (Apocalipsis 4:1–5:14) Kaylaking pribilehiyo na maglingkod sa gayong Diyos! Pakilusin ka nawa ng iyong pagpapahalaga sa kaniyang kabanalan na pakadibdibin ang payo ni Jesus sa pitong kongregasyon at iwasan ang mga bagay na gaya ng materyalismo, idolatriya, imoralidad, pagiging malahininga, apostatang sektaryanismo, o anumang bagay na maaaring maging dahilan upang hindi kalugdan ni Jehova ang iyong paglilingkod. (Apocalipsis 2:1–3:22) Ang simulain sa mga salita ni apostol Pedro sa uring Juan ay kapit din sa malaking pulutong: “Ayon sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi.”—1 Pedro 1:15, 16.
18. Saan ka dapat lubusang makibahagi, at bakit apurahan ngayon ang gawaing ito?
18 Bukod dito, mapakilos ka nawa na pag-ibayuhin ang iyong sigasig sa paghahayag ng ‘taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ng araw ng paghihiganti ng ating Diyos.’ (Isaias 35:4; 61:2) Kabilang ka man sa munting kawan o sa malaking pulutong, lubusan ka nawang makibahagi sa pagbabalita hinggil sa pagbubuhos ng pitong mangkok ng galit ni Jehova, na naghahayag ng mga paghatol ng Diyos sa sanlibutan ni Satanas. Kasabay nito, idagdag mo ang iyong tinig sa maligayang paghahayag ng walang-hanggang mabuting balita tungkol sa natatag na Kaharian ni Jehova at ng kaniyang Kristo. (Apocalipsis 11:15; 14:6, 7) Maging apurahan sa gawaing ito. At ang kabatiran na nasa araw na tayo ng Panginoon ay magpakilos nawa sa marami na hindi pa naglilingkod kay Jehova na makisama sa paghahayag ng mabuting balita. Sumulong din nawa ang mga ito tungo sa pag-aalay ng kanilang buhay sa Diyos at magpabautismo. Tandaan, “ang takdang panahon ay malapit na”!—Apocalipsis 1:3.
19. Ano ang mga pangwakas na pangungusap ng may-edad nang apostol na si Juan, at paano ka tumutugon dito?
19 Kaya kaisa ni Juan, marubdob tayong nananalangin: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.” At sinabi pa ng may-edad nang apostol na si Juan: “Nawa’y mapasa mga banal ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo.” (Apocalipsis 22:20b, 21) Sumainyo rin nawa ito, kayong lahat na nagbabasa ng publikasyong ito. Manampalataya ka nawa na malapit na ang dakilang kasukdulan ng Apocalipsis, upang makaisa ka namin sa taos-pusong “Amen!”
[Larawan sa pahina 314]
“Sa labas ay naroon ang mga aso . . . ”
[Larawan sa pahina 315]
‘Maligaya yaong mga makapapasok sa loob ng lunsod sa pamamagitan ng mga pintuang-daan nito’