Pagkapanganak-na-Muli
Kahulugan: Ang pagkapanganak-na-muli ay nagsasangkot ng pagkabautismo sa tubig (‘ipinanganak ng tubig’) at ng pagiging inianak sa espiritu ng Diyos (“ipinanganak ng . . . espiritu”), sa gayo’y nagiging isang anak ng Diyos na may pag-asang makibahagi sa Kaharian ng Diyos. (Juan 3:3-5) Ito’y naging karanasan ni Jesus, at maging ng 144,000 na kasama niyang tagapagmana ng makalangit na Kaharian.
Bakit kailangan ng sinomang Kristiyano na “maipanganak-muli”?
Nilayon ng Diyos na ang isang takdang bilang ng tapat na mga tao ay kasamahin ni Jesu-Kristo sa makalangit na Kaharian
Luc. 12:32: “Huwag kayong mangatakot, munting kawan, sapagka’t nakalulugod na mainam sa inyong Ama na sa inyo’y ibigay ang kaharian.”
Apoc. 14:1-3: “Tumingin ako, at, narito! ang Kordero [si Jesu-Kristo] ay nakatayo sa Bundok ng Sion, at ang kasama niya’y isang daan at apatnapu’t-apat na libong . . . mga binili mula sa lupa.” (Tingnan ang mga pahina 225, 226, sa paksang “Langit.”)
Ang mga tao’y hindi makakaakyat sa langit na may katawang laman at dugo
1 Cor. 15:50: “Sinasabi ko nga ito, mga kapatid, na ang laman at ang dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos, ni ang kasiraan ay magmamana ng walang-kasiraan.”
Juan 3:6: “Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng espiritu ay espiritu nga.”
Yaon lamang mga “ipinanganak-muli,” sa gayo’y nagiging mga anak ng Diyos, ang maaaring makabahagi sa makalangit na Kaharian
Juan 1:12, 13: “Datapuwa’t ang lahat ng sa kaniya’y [si Jesu-Kristo] nagsitanggap ay pinagkalooban niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos, sapagka’t sila’y nagsisampalataya sa kaniyang pangalan; at sila’y ipinanganak, hindi sa dugo ni sa kalooban ng laman ni sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos.” (Ang “lahat ng sa kaniya’y nagsitanggap” ay hindi tumutukoy sa lahat ng tao na sumasampalataya kay Kristo. Pansinin kung sino ang tinutukoy, gaya ng ipinakikita ng Ju 1 bersikulo 11 [“sariling bayan niya,” ang mga Judio]. Ang pribilehiyo ring ito ay ipinaaabot sa iba pang tao, nguni’t sa isang “munting kawan” lamang.)
Roma 8:16, 17: “Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo’y mga anak ng Diyos. At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga: mga tagapagmana sa Diyos, nguni’t mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung makikipagtiis tayo sa kaniya upang tayo’y luwalhatiin din namang kasama niya.”
1 Ped. 1:3, 4: “Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na ayon sa kaniyang dakilang awa ay ipinanganak tayong muli tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo sa mga patay, sa isang manang di nasisira at walang-dungis at hindi kumukupas. Ito’y nakalaan sa langit para sa inyo.”
Ano ang kanilang gagawin sa langit?
Apoc. 20:6: “Sila’y magiging mga saserdote ng Diyos at ni Kristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.”
1 Cor. 6:2: “Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga banal ay magsisihatol sa sanlibutan?”
Maliligtas ba ang isang taong hindi “ipinanganak-na-muli”?
Apoc. 7:9, 10, 17: “Pagkatapos ng mga bagay na ito [pagkatapos marinig ni apostol Juan ang bilang niyaong mga “ipinanganak-na-muli,” yaong bubuo sa espirituwal na Israel at makakasama ni Kristo sa langit; ihambing ang Roma 2:28, 29 at Galacia 3:26-29] ay tumingin ako, at, narito! ang isang malaking pulutong, na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawa’t bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng luklukan at sa harapan ng Kordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit, at may mga palma sa kanilang mga kamay. At sila’y nagsisigawan sa malakas na tinig, na nangagasasabi: ‘Kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa luklukan, at sa Kordero.’ . . . ‘Ang Kordero [si Jesu-Kristo], na nasa gitna ng luklukan, ay magpapastol sa kanila, at aakay sa kanila sa mga bukal ng tubig ng buhay.’ ”
Pagkatapos itala ang maraming mananampalataya na nabuhay bago kay Kristo, sinasabi ng Hebreo 11:39, 40: “Lahat ng mga ito, bagaman sila’y pinatotohanan dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nangagsipagkamit ng katuparan ng pangako, palibhasa’y ipinaghanda tayo ng Diyos ng mas mabuting bagay, upang sila’y huwag maging sakdal nang bukod sa atin.” (Sino dito ang tinutukoy na “atin”? Ipinakikita ng Hebreo 3:1 na sila’y “mga kabahagi ng makalangit na pagtawag.” Kaya ang mga mananampalataya bago kay Kristo ay may pag-asa ukol sa sakdal na buhay sa ibang dako maliban sa langit.)
Awit 37:29: “Ang mga matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y tatahan dito magpakailanman.”
Apoc. 21:3, 4: “Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging bayan niya. Ang Diyos din ay sasa kanila. At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata, at mawawala na ang kamatayan, pati na ang dalamhati at ang panambitan at ang hirap. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
Maaari bang makamit ng isang tao ang espiritu ng Diyos bagaman siya ay hindi “naipanganak-na-muli”?
Tungkol kay Juan na tagapagbautismo, ganito ang sinabi ng anghel ni Jehova: “Siya’y mapupuspos ng banal na espiritu mula pa sa bahay-bata ng kaniyang ina.” (Luc. 1:15) At nang dakong huli ay sinabi ni Jesus: “Sa mga naipanganak ng mga babae ay wala pang lumitaw na mas dakila kay Juan Bautista; gayon man ang pinakamaliit sa kaharian ng mga langit ay mas dakila kaysa kaniya [Bakit? Sapagka’t si Juan ay hindi aakyat sa langit kaya hindi niya kailangan na “maipanganak-na-muli”]. Nguni’t mula sa mga araw ni Juan Bautista hanggang sa ngayon [nang sabihin ito ni Jesus] ang kaharian ng mga langit ang tunguhin na pinagsisikapang maabot ng mga tao.”—Mat. 11:11, 12.
Ang espiritu ni Jehova ay “nagpakilos” kay David at “nagsalita sa pamamagitan niya” (1 Sam. 16:13; 2 Sam. 23:2), subali’t walang anomang sinasabi sa Bibliya na siya’y “ipinanganak-na-muli.” Hindi niya kinailangan na “ipanganak-muli” yamang, gaya ng sinasabi ng Gawa 2:34: “Si David ay hindi umakyat sa mga langit.”
Ano ang pagkakakilanlan sa mga taong nagtataglay ng espiritu ng Diyos sa ngayon?
Tingnan ang mga pahina 159, 160, sa paksang “Espiritu.”
Kung May Magsasabi—
‘Ako’y ipinanganak-nang-muli’
Maaari kayong sumagot: ‘Kung ganoo’y umaasa kayo na balang araw ay makakasama kayo ni Kristo sa langit, hindi ba? . . . Napag-isip-isip na ba ninyo kung ano ang gagawin ng mga pupunta sa langit?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Sila’y magiging mga hari at saserdote, at magpupunong kasama ni Kristo. (Apoc. 20:6; 5:9, 10) Sinabi ni Jesus na sila’y isang “munting kawan” lamang. (Luc. 12:32)’ (2) ‘Kung sila’y magiging hari, kailangan nila ng mga sakop na paghaharian. Sino kaya ang mga ito? . . . Narito ang ilang punto na nakatawag ng aking pansin. (Awit 37:11, 29; Kaw. 2:21, 22)’
‘Ikaw ba’y ipinanganak-nang-muli?’
Maaari kayong sumagot: ‘Natuklasan ko na iba-iba ang pakahulugan ng mga tao sa “pagkapanganak-na-muli.” Puwede ba ninyong sabihin sa akin kung ano ang kahulugan nito para sa inyo?’
O maaari ninyong sabihin: ‘Gusto siguro ninyong malaman kung tinanggap ko na si Jesus bilang aking Tagapagligtas at kung tumanggap na ako ng banal na espiritu, ganoon ba? Tinitiyak ko sa inyo na ang sagot ay Oo; kung hindi’y wala ako rito para kausapin kayo tungkol kay Jesus.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Pero kapag iniisip ko ang tungkol sa pagtataglay ng banal na espiritu, napapansin ko na ang ebidensiya ng espiritung ito ay mahirap makita sa maraming nag-aangking Kristiyano. (Gal. 5:22, 23)’ (2) ‘Nanaisin kaya ninyong mamuhay sa lupang ito kung lahat ay magpapamalas ng maka-diyos na mga katangiang ito? (Awit 37:10, 11)’
Isa pang posibilidad: ‘Kung ang gusto ninyong sabihin ay, “Tinanggap ko na ba si Kristo bilang aking Tagapagligtas?” ang sagot ay Oo. Lahat ng mga Saksi ni Jehova ay nakagawa na nito. Pero, para sa amin, ang pagkapanganak-na-muli ay nagsasangkot ng higit pa kaysa rito.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Nang sabihin ni Jesus ang tungkol sa pagkapanganak-na-muli sinabi niyang kailangan ito upang makapasok sa Kaharian ng Diyos, alalaong baga’y upang maging bahagi ng Kaharian ng Diyos, ang kaniyang makalangit na pamahalaan. (Juan 3:5)’ (2) ‘Ipinakikita rin ng Bibliya na maraming tumutupad sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay dito sa lupa, bilang maliligayang sakop ng Kahariang yaon. (Mat. 6:10; Awit 37:29)’
Isang karagdagang mungkahi: Yaong mga uring makalangit ay maaaring sumagot: ‘Opo, ganoon nga. Pero binabalaan tayo ng Bibliya laban sa labis na pagtitiwala sa ating katayuan. Kailangan natin na patuluyang suriin ang ating sarili upang matiyak na talagang ginagawa natin ang hinihiling ng Diyos at ni Kristo. (1 Cor. 10:12)’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Anong pananagutan ang iniatang ni Jesus sa kaniyang tunay na mga alagad? (Mat. 28:19, 20; 1 Cor. 9:16)’