Langit
Kahulugan: Ang tahanang dako ng Diyos na Jehova at ng tapat na mga espiritung nilalang; isang dako na hindi nakikita ng mga mata ng tao. Ginagamit din ng Bibliya ang katagang “(mga) langit” sa iba’t-ibang pangangahulugan; halimbawa: upang kumatawan sa Diyos mismo, sa kaniyang organisasyon ng tapat na mga espiritung nilalang, sa isang katayuan na nagtataglay ng banal na pagsang-ayon, sa pisikal na uniberso na hiwalay sa lupa, sa himpapawid na pumapalibot sa planetang Lupa, sa mga pamahalaan ng tao na nasa ilalim ng panunupil ni Satanas, at sa matuwid na bagong makalangit na pamahalaan na kung saan inatasan ni Jehovang maghari si Jesu-Kristo at ang kaniyang kasamang mga tagapagmana.
Tayo bang lahat ay dati nang umiiral sa dako ng mga espiritu bago pa tayo isilang bilang tao?
Juan 8:23: “[Sinabi ni Jesu-Kristo:] ‘Kayo’y mga taga-ibaba; ako’y taga-itaas. Kayo ay mula sa sanlibutang ito; ako’y hindi mula sa sanlibutang ito.’ ” (Si Jesus ay galing sa dako ng mga espiritu. Subali’t, gaya ng sinabi ni Jesus, ang tao ay hindi galing doon.)
Roma 9:10-12: “Si Rebeka ay naglihi ng kambal . . . Nang hindi pa sila isinisilang, ni nakagawa man ng mabuti o masama, upang ang layunin ng Diyos kaugnay ng pagkahirang ay patuloy na masalig, hindi sa mga gawa, kundi sa Kaniya na tumatawag, ay sinabi sa kaniya: ‘Ang panganay ay magiging alipin ng bunso.’ ” (Ngayon, kung ang magkakambal na sina Jacob at Esau ay dati nang nabubuhay sa dako ng mga espiritu tiyak na sila ay nakagawa na ng isang rekord salig sa kanilang paggawi doon, hindi ba? Gayunma’y wala silang ganitong rekord hanggang sa panahon na sila’y isilang bilang tao.)
Lahat ba ng mabubuting tao ay pupunta sa langit?
Gawa 2:34: “Si David [na tinutukoy ng Bibliya bilang ‘isang tao na kalugudlugod sa puso ni Jehova’] ay hindi umakyat sa mga langit.”
Mat. 11:11: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa mga naipanganak ng mga babae ay wala pang lumitaw na mas dakila kay Juan Bautista; gayon man ang pinakamaliit sa kaharian ng mga langit ay mas dakila kaysa kaniya.” (Kaya si Juan ay hindi nagpunta sa langit nang siya’y mamatay.)
Awit 37:9, 11, 29: “Ang mga nagsisigawa ng masama ay mangahihiwalay, subali’t yaong umaasa kay Jehova ang siyang mangagmamana sa lupa . . . Ang maaamo ang siya mismong magmamay-ari sa lupa, at tiyak na makakasumpong sila ng katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang mga matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y tatahan dito magpakailanman.”
Kung si Adan sana ay hindi nagkasala, sa langit kaya ang kaniyang magiging hantungan?
Gen. 1:26: “At sinabi ng Diyos: ‘Lalangin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis, at hayaan silang magkaroon ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop at sa buong lupa at sa bawa’t umuusad na hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.’ ” (Kaya, ang layunin ng Diyos para kay Adan ay na siya’y maging katiwala ng lupa at ng mga buhay-hayop na naririto. Walang sinasabi dito tungkol sa pagpunta niya sa langit.)
Gen. 2:16, 17: “At ibinigay ng Diyos na Jehova ang utos na ito sa lalake: ‘Sa lahat ng punong-kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan. Datapuwa’t sa punong-kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain mula roon ay walang pagsalang mamamatay ka.’ ” (Hindi nilayon ni Jehova sa pasimula na mamatay din ang tao sa dakong huli. Ang utos ng Diyos na sinisipi dito ay nagpapakita na nagbabala siya laban sa landasin na hahantong sa kamatayan. Ang kamatayan ay magiging parusa sa pagsuway, hindi isang pintuan tungo sa higit na kaayaayang buhay sa langit. Ang pagsunod ay gagantimpalaan ng patuluyang buhay, walang-hanggang buhay, sa Paraiso na ipinagkaloob ng Diyos sa tao. Tingnan din ang Isaias 45:18.)
Kailangan pa bang pumunta ang tao sa langit upang tamasahin ang isang tunay na maligayang kinabukasan?
Awit 37:11: “Ang maaamo ang siya mismong magmamay-ari sa lupa, at tiyak na makakasumpong sila ng katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”
Apoc. 21:1-4: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa . . . Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa luklukan na nagsabi: ‘Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging bayan niya. Ang Diyos din ay sasa kanila. At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata, at mawawala na ang kamatayan pati na ang dalamhati at ang panambitan at ang hirap. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ ”
Mik. 4:3, 4: “Hindi na sila magtataas ng tabak, ang bansa laban sa kapuwa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma. Kundi sila’y mauupo, bawa’t isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at wala nang tatakot sa kanila; sapagka’t mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”
Binuksan ba ni Jesus ang daan tungo sa langit para sa mga nangamatay nang una sa kaniya?
Ano ang kahulugan ng 1 Pedro 3:19, 20? “At sa ganitong kalagayan [sa espiritu, pagkaraan ng kaniyang pagkabuhay-muli] na siya [si Jesus] din naman ay naparoon at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan, na nang unang panahon ay mga suwail nang ang pagpapahinuhod ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe, samantalang inihahanda ang daong, na sa loob nito’y kakaunti, samakatuwid ay walong kaluluwa [“mga kaluluwa,” KJ, Dy; “mga tao,” TEV, JB; “mga persona,” RS], ang nangaligtas sa pamamagitan ng tubig.” (Yaon bang “mga espiritung nasa bilangguan” ay mga kaluluwa ng mga tao na tumangging makinig sa pangangaral ni Noe bago ang Baha, at dahil dito’y nabuksan na ba ang daan upang makaparoon sila sa langit? Ang paghahambing ng 2 Pedro 2:4 at Judas 6 sa Genesis 6:2-4 ay nagpapakita na ang mga espiritung ito ay mga anghelikong anak ng Diyos na nagbihis ng laman at nag-asawa noong kaarawan ni Noe. Sa 1 Pedro 3:19, 20 ang salitang Griyego ukol sa “mga espiritu” ay pneuʹma·sin, samantalang ang salitang isinalin na “mga kaluluwa” ay psy·khaiʹ. Ang “mga espiritu” ay hindi mga kaluluwang naghubad ng katawang-laman kundi mga masuwaying anghel; ang “mga kaluluwa” na tinutukoy dito ay mga taong nabubuhay, si Noe at ang kaniyang sambahayan. Ang ipinangaral sa “mga espiritung nasa bilangguan” ay dapat kung gayong maging isang mensahe ng paghatol.)
Ano ang kahulugan ng 1 Pedro 4:6? “Kaya nga, dahil dito’y ipinangaral maging sa mga patay ang mabuting balita, upang sila’y mahatulan ayon sa laman mula sa pangmalas ng tao nguni’t upang mabuhay ayon sa espiritu mula sa pangmalas ng Diyos.” (Ang mga “patay” bang ito ay mga tao na namatay na una kay Kristo? Gaya ng naipakita na, ang mga patay ay hindi ang “mga espiritung nasa bilangguan.” Ang mga espiritung yaon ay mga masuwaying anghel. At ang pangangaral ay walang maidudulot na pisikal na pakinabang sa mga taong patay yamang, gaya ng sinasabi ng Eclesiastes 9:5, sila’y “walang nalalamang ano pa man,” at ang Awit 146:4 ay nagdadagdag pa na sa kamatayan ay “mawawala ang mga pag-iisip” ng isang tao. Subali’t ang Efeso 2:1-7, 17 ay tumutukoy sa mga tao na patay sa espirituwal na paraan subali’t nabuhay sa espirituwal na pangmalas dahil sa pagtanggap ng mabuting balita.)
Makalangit na buhay ba ang pag-asa na iniaalok ng “Bagong Tipan” para sa lahat ng mga Kristiyano?
Juan 14:2, 3: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo, sapagka’t ako’y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, ay dumoon din kayo.” (Sinasabi dito ni Jesus na sa takdang panahon, ang kaniyang tapat na mga apostol, na siya niyang kinakausap, ay makakasama ni Jesus sa “tahanan” ng kaniyang Ama sa langit. Subali’t hindi niya sinasabi dito kung ilan pa ang pupunta sa langit.)
Juan 1:12, 13: “Ang lahat ng sa kaniya’y [si Jesus] nagsitanggap ay pinagkalooban niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos, sapagka’t sila’y nagsisampalataya sa kaniyang pangalan; at sila’y ipinanganak, hindi sa dugo ni sa kalooban ng laman ni sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos.” (Pansinin na ang konteksto, sa Ju 1 bersikulo 11, ay tumutukoy sa “sariling bayan” ni Jesus, ang mga Judio. Lahat ng sa kaniya’y nagsitanggap nang siya’y naparito noong unang siglo ay naging mga anak ng Diyos, na may pag-asa sa makalangit na buhay. Ang mga pandiwa sa teksto ay nasa panahong nagdaan, kaya ang talatang ito ay hindi tumutukoy sa lahat ng mga tao na naging Kristiyano mula noon.)
Roma 8:14, 16, 17: “Lahat ng pinapatnubayan ng espiritu ng Diyos, ay siyang mga anak ng Diyos. Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo’y mga anak ng Diyos. At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga: mga tagapagmana sa Diyos, nguni’t mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung makikipagtiis tayo sa kaniya upang tayo’y luwalhatiin din namang kasama niya.” (Nang panahong sulatin ito, totoo na lahat ng pinatnubayan ng espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos na ang pag-asa ay ang luwalhatiing kasama ni Kristo. Subali’t hindi laging ganito. Sinasabi ng Lucas 1:15 na si Juan Bautista ay mapupuno ng banal na espiritu, subali’t nililiwanag ng Mateo 11:11 na hindi siya makikibahagi sa kaluwalhatian ng makalangit na Kaharian. Kaya naman, pagkatapos matipon ang mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian, ay may mga iba na maglilingkod sa Diyos bilang mga tagasunod ng kaniyang Anak gayunma’y hindi sila makikibahagi sa makalangit na kaluwalhatian.)
Sa “Bagong Tipan” anong tiyak na mga pagtukoy ang ginagawa tungkol sa buhay na walang-hanggan sa lupa na ilalaan bilang gantimpala para sa mga Kristiyano?
Mat. 5:5: “Maliligaya ang maaamo, sapagka’t mamanahin nila ang lupa.”
Mat. 6:9, 10: “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung papaano sa langit, ay gayon din naman sa lupa.” (Ano ang kalooban ng Diyos hinggil sa lupa? Ano ang ipinahihiwatig ng Genesis 1:28 at Isaias 45:18?)
Mat. 25:31-33, 40, 46: “Pagparito ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating luklukan. At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa, at sila’y pagbubukdin-bukdin niya na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing. At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa’t sa kaliwa ang mga kambing. . . . At sasabihin sa kanila [sa mga tupa] ng Hari, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang ginawa ninyo ang ganito sa isa sa pinakamaliit na ito na mga kapatid ko, ay sa akin ninyo ginawa.’ At [ang mga kambing] ay pasasa walang-hanggang pagkalipol, subali’t ang mga matuwid [ang mga tupa] ay pasasa walang-hanggang buhay.” (Pansinin na ang “mga tupa” ay naiiba sa mga kapatid ng Hari, na siyang “mga kabahagi ng makalangit na pagtawag.” [Heb. 2:10–3:1] Subali’t ang mga tulad-tupang ito ay magiging buháy sa panahon ng pagluklok ni Kristo sa kaniyang trono at sa panahon na ang ilan sa kaniyang “mga kapatid” ay dumadanas pa ng hirap sa lupa.)
Juan 10:16: “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, isang pastol.” (Sino ang “ibang tupa” na ito? Sila’y mga tagasunod ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, subali’t wala sila sa kulungan ng “bagong tipan,” taglay ang pag-asa sa makalangit na buhay. Gayunma’y may matalik silang kaugnayan sa mga nasa loob ng kulungang yaon.)
2 Ped. 3:13: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.” (Gayon din ang Apocalipsis 21:1-4)
Apoc. 7:9, 10: “Pagkatapos ng mga bagay na ito [pagkatapos makita ni apostol Juan ang kabuuang bilang ng “mga tinatakan” na siyang mga “binili mula sa lupa” upang makasama ni Kristo sa makalangit na Bundok ng Sion; tingnan ang Apocalipsis 7:3, 4; 14:1-3] ay tumingin ako, at, narito! ang isang malaking pulutong, na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawa’t bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng luklukan at sa harapan ng Kordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit; at may mga palma sa kanilang mga kamay. At sila’y nagsisigawan sa malakas na tinig, na nangagsasabi: ‘Kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa luklukan, at sa Kordero.’ ”
Ukol sa ilan ang pag-asa sa makalangit na buhay na binabanggit ng Bibliya?
Luc. 12:32: “Huwag kayong mangatakot, munting kawan, sapagka’t nakalulugod na mainam sa inyong Ama na sa inyo’y ibigay ang kaharian.”
Apoc. 14:1-3: “Tumingin ako, at narito! ang Kordero [si Jesu-Kristo] ay nakatayo sa Bundok ng Sion, [sa langit, tingnan ang Hebreo 12:22-24], at ang kasama niya’y isang daan at apatnapu’t-apat na libong may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo. . . . At sila’y nag-aawitan ng wari’y isang bagong awit . . . at walang sinomang natuto ng awit na yaon kundi ang isang daan at apatnapu’t-apat na libo, alalaong baga’y, silang mga binili mula sa lupa.”
Ang 144,000 ba’y pawang mga likas na Judio?
Apoc. 7:4-8: “At narinig ko ang bilang niyaong mga tinatakan, na isang daan at apatnapu’t-apat na libo, na tinatakan mula sa bawa’t angkan ng mga anak ni Israel: . . . Juda . . . Ruben . . . Gad . . . Aser . . . Neptali . . . Manases . . . Simeon . . . Levi . . . Isacar . . . Zabulon . . . Jose . . . Benjamin.” (Hindi maaaring maging mga tribo ito ng likas na Israel sapagka’t kailanma’y hindi nagkaroon ng tribo si Jose, ang mga tribo ni Epraim at Dan ay hindi kasali sa talaang ito, at ang mga Levita ay itinangi sa paglilingkod kaugnay ng templo subali’t hindi sila ibinibilang na kasama ng 12 tribo. Tingnan ang Bilang 1:4-16.)
Roma 2:28, 29: “Siya’y hindi isang Judio kung sa labas lamang, ni ang pagtutuli kaya’y yaong nasa labas na nahahayag sa laman. Datapuwa’t siya ay Judio sa loob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu, at hindi sa nasusulat na titik.”
Gal. 3:26-29: “Ang totoo, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ninyo kay Kristo Jesus. . . . Walang magiging Judio ni Griyego man, walang magiging alipin ni malaya man, walang magiging lalake ni babae man; sapagka’t kayong lahat ay iisang persona na kaisa ni Kristo Jesus. Kaya’t kung kayo’y kay Kristo nga, kayo’y tunay na binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa isang pangako.”
Makasagisag lamang ba ang bilang na 144,000?
Ang sagot ay ipinahihiwatig ng bagay na, makaraang banggitin ang tiyak na bilang na 144,000, tinutukoy ng Apocalipsis 7:9 ang “isang malaking pulutong, na di mabilang ng sinoman.” Kung ang bilang na 144,000 ay hindi literal walang kabuluhan ito kung ihahambing sa “malaking pulutong.” Ang pag-unawa sa bilang sa diwang literal ay kasuwato ng pangungusap ni Jesus sa Mateo 22:14 hinggil sa Kaharian ng mga langit: “Marami ang inanyayahan, subali’t kakaunti ang pinili.”
Aakyat din ba sa langit yaong kabilang sa “malaking pulutong” na binabanggit sa Apocalipsis 7:9, 10?
Tungkol sa kanila, ang Apocalipsis ay hindi nagsasabi gaya ng sinasabi nito tungkol sa 144,000 na sila’y “binili mula sa lupa” upang makasama ni Kristo sa makalangit na Bundok ng Sion.—Apoc. 14:1-3.
Ang paglalarawan sa kanila na “nakatayo sa harap ng luklukan at sa harapan ng Kordero” ay tumutukoy, hindi sa isang dako, kundi sa isang sinang-ayunang kalagayan. (Ihambing ang Apocalipsis 6:17; Lucas 21:36.) Ang pangungusap na “sa harap ng luklukan” (Griyego, e·noʹpi·on tou throʹnou; sa literal ay “sa abot-tanaw ng trono”) ay hindi humihiling na sila’y mapunta sa langit. Ang kalagayan nila’y “abot-tanaw” lamang ng Diyos, na nagsasabing mula sa langit ay kaniyang namamasdan ang mga anak ng tao.—Awit 11:4; ihambing ang Mateo 25:31-33; Lucas 1:74, 75; Gawa 10:33.
Ang “makapal na karamihan sa langit” na tinutukoy sa Apocalipsis 19:1, 6 ay hindi ang “malaking pulutong” ng Apocalipsis 7:9. Yaong mga nasa langit ay hindi inilalarawan bilang “mula sa bawa’t bansa” ni utang kaya nila ang kanilang kaligtasan sa Kordero; sila ay mga anghel. Ang pangungusap na “malaking pulutong” ay ginagamit sa sari-saring konteksto sa Bibliya.—Mar. 5:24; 6:34; 12:37.
Ano ang gagawin sa langit niyaong mga magtutungo roon?
Apoc. 20:6: “Sila’y magiging mga saserdote ng Diyos at ni Kristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Ganoon din ang Daniel 7:27)
1 Cor. 6:2: “Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga banal ay magsisihatol sa sanlibutan?”
Apoc. 5:10: “Ginawa mo sila upang maging isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at sila’y mangagpupuno bilang mga hari sa ibabaw [“sa,” RS, KJ, Dy; “sa ibabaw,” AT, Da, Kx, CC] ng lupa.” (Ang gayon ding Griyegong salita at balarila ay masusumpungan sa Apocalipsis 11:6. Doon ang RS, KJ, Dy, atb., ay pawang nagsasalin nito ng “sa ibabaw.”)
Sino ang pumipili sa mga pupunta sa langit?
2 Tes. 2:13, 14: “Kami ay nararapat magpasalamat nang walang patid sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ni Jehova, sapagka’t pinili kayo ng Diyos mula sa pasimula sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pagbanal sa inyo sa espiritu at sa pamamagitan ng pananampalataya ninyo sa katotohanan. Sa pag-asang ito’y tinawag kayo sa pamamagitan ng mabuting balita na aming inihahayag, sa layuning tamuhin ang kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”
Roma 9:6, 16: “Hindi lahat ng nagbubuhat sa Israel ay tunay ngang ‘Israel.’ . . . Ito’y nasasalig, hindi sa may ibig ni sa tumatakbo, kundi sa Diyos, na may awa.”