Aklat ng Bibliya Bilang 41—Marcos
Manunulat: Si Marcos
Saan Isinulat: Sa Roma
Natapos Isulat: c. 60–65 C.E.
Panahong Saklaw: 29–33 C.E.
1. Ano ang nababatid tungkol kay Marcos at sa kaniyang pamilya?
NANG madakip si Jesus at tumakas ang mga alagad, sinundan siya ng “isang binata na ang hubad na katawan ay nasusuotan ng mamahaling kasuotang lino.” Nang darakpin din ito ng karamihan, “iniwan [nito] ang kasuotang lino at tumakas na hubo’t hubad.” Karaniwang kinikilala na ang binatang ito ay si Marcos. Sa Mga Gawa binabanggit siya bilang si “Juan na may apelyidong Marcos” at maaaring mula sa mariwasang pamilya sa Jerusalem pagkat may sarili silang bahay at mga utusan. Kristiyano rin ang kaniyang ina, si Maria, at sa kanilang bahay nagpulong ang sinaunang kongregasyon. Nang si Pedro ay palayain ng anghel sa bilangguan, nagpunta siya sa bahay na ito at nakitang nagkakatipon doon ang mga kapatid.—Mar. 14:51, 52; Gawa 12:12, 13.
2, 3. (a) Ano ang tiyak na pumukaw kay Marcos upang maging misyonero? (b) Anong pakikisama ang naranasan niya sa mga misyonero, lalo na kina Pedro at Pablo?
2 Pinsan ni Marcos ang misyonerong si Bernabe, isang Levita mula sa Chipre. (Gawa 4:36; Col. 4:10) Nang magpunta sa Jerusalem sina Bernabe at Pablo na may dalang abuloy sa taggutom, nakilala ni Marcos si Pablo. Ang pagsasamahang ito at ang masisigasig na ministrong dumadalaw ay tiyak na pumukaw kay Marcos ng pagnanais na maging misyonero. Kaya siya’y naging kasama at katulong nina Pablo at Bernabe sa una nilang paglalakbay-misyonero. Sa di-matiyak na dahilan, iniwan sila ni Marcos sa Perga, Pamfilia, at nagbalik sa Jerusalem. (Gawa 11:29, 30; 12:25; 13:5, 13) Kaya ayaw nang isama ni Pablo si Marcos sa ikalawang paglalakbay, at humantong ito sa pagkakasira ni Pablo at ni Bernabe. Isinama ni Pablo si Silas, at isinama naman ni Bernabe si Marcos patungong Chipre.—Gawa 15:36-41.
3 Masikap si Marcos sa ministeryo at nakatulong nang malaki hindi lamang kay Bernabe kundi maging kina apostol Pedro at Pablo. Kasama ni Pablo si Marcos (c. 60-61 C.E.) nang una siyang mabilanggo sa Roma. (Filem. 1, 24) Sumama rin si Marcos kay Pedro sa Babilonya sa pagitan ng 62 at 64 C.E. (1 Ped. 5:13) Nabilanggo uli si Pablo sa Roma noong mga 65 C.E., at sa liham ay hiniling niya kay Timoteo na isama si Marcos, “pagkat siya’y mapapakinabangan ko sa ministeryo.” (2 Tim. 1:8; 4:11) Ito ang huling pagbanggit ng Bibliya kay Marcos.
4-6. (a) Papaano nakamit ni Marcos ang detalye para sa kaniyang Ebanghelyo? (b) Ano ang nagpapahiwatig ng matalik niyang pakikisama kay Pedro? (c) Magbigay ng mga halimbawa sa Ebanghelyo hinggil sa mga katangian ni Pedro.
4 Si Marcos ang kumatha ng pinakamaikling Ebanghelyo. Kamanggagawa siya ng mga apostol at inihandog ang kaniyang buhay sa kapakanan ng mabuting balita. Hindi siya kabilang sa 12 apostol, at hindi siya naging matalik na kasama ni Jesus. Saan niya nakuha ang mga detalye ng ministeryo ni Jesus na gumawang buháy sa kaniyang ulat mula pasimula hanggang wakas? Ayon sa pinakamaagang tradisyon nina Papias, Origen, at Tertullian, ito ay mula kay Pedro na naging matalik na kasama ni Marcos.a Hindi ba tinawag siya ni Pedro na “aking anak”? (1 Ped. 5:13) Nasaksihan ni Pedro ang lahat ng isinulat ni Marcos, kaya malamang na kay Pedro niya natutuhan ang maraming makukulay na punto na wala sa ibang Ebanghelyo. Halimbawa, binanggit ni Marcos ang “mga taong upahan” na naglingkod kay Zebedeo, ang ketongin na “tiklop-tuhod” na nagsumamo kay Jesus, ang lalaking inaalihan-ng-demonyo na “sinusugatan ng bato ang sarili,” at ang paghula ni Jesus sa ‘pagdating ng Anak ng tao na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian’ nang nakaupo sa Bundok ng Olibo “sa tapat ng templo.”—Mar. 1:20, 40; 5:5; 13:3, 26.
5 Si Pedro ay taong emosyonal, kaya mapahahalagahan at mailalarawan niya kay Marcos ang mga damdamin at emosyon ni Jesus. Si Marcos ang malimit mag-ulat ng nadama o naging reaksiyon ni Jesus; halimbawa, kaniyang tiningnan “sila na may galit, na lubhang nalulungkot,” siya’y “nagbuntong-hininga,” at “naghinagpis sa kaniyang espiritu.” (3:5; 7:34; 8:12) Si Marcos ang nagsasalaysay sa nadama ni Jesus sa mayamang pinunò, at sinabi na siya’y “nakadama ng pagmamahal dito.” (10:21) Napakainit ng ulat na nagsasabing si Jesus ay hindi lamang naglagay ng isang bata sa harap ng mga alagad kundi kaniya pang “kinalong ito,” at sa isa pang okasyon ay “niyapos niya ang mga bata”!—9:36; 10:13-16.
6 Maaaninaw sa estilo ni Marcos ang ilang katangian ni Pedro, ang pagiging mapusok, buháy, masigla, dibdiban, at makulay. Waring lagi siyang nag-aapura sa pagsasalaysay. Halimbawa, ang salitang “karaka-raka” ay paulit-ulit na lumilitaw, at nagbibigay ng madulang estilo sa salaysay.
7. Ano ang nagtatangi sa Ebanghelyo ni Marcos mula sa kay Mateo?
7 Bagaman maaaring nabasa ni Marcos ang Ebanghelyo ni Mateo at 7 porsiyento lamang ng aklat ang wala sa ibang Ebanghelyo, mali ang palagay na pinaikli lamang ni Marcos ang Ebanghelyo ni Mateo at dinagdagan ito ng ilang pantanging detalye. Inilarawan ni Mateo si Jesus bilang ipinangakong Mesiyas at Hari, ngunit tinatalakay ni Marcos ang kaniyang buhay at gawain mula sa ibang anggulo. Si Jesus ay inilalarawan niya bilang mapaghimalang Anak ng Diyos, ang matagumpay na Tagapagligtas. Idiniriin ni Marcos ang mga gawain ni Kristo sa halip na ang mga sermon at turo niya. Iilang talinghaga at isa lamang mahabang diskurso ni Jesus ang iniuulat, at wala ang Sermon sa Bundok. Kaya mas maigsi ang Ebanghelyo ni Marcos, bagaman punung-punô ito ng aksiyon na gaya ng iba. Hindi kukulangin sa 19 na himala ang espisipikong tinutukoy.
8. Ano ang nagpapahiwatig na ang Ebanghelyo ni Marcos ay malamang na isinulat para sa mga Romano?
8 Kung ang Ebanghelyo ni Mateo ay para sa mga Judio, maliwanag na si Marcos ay sumulat para sa mga Romano. Paano natin nalaman? Nabanggit lamang ang Kautusan ni Moises nang iniuulat ang pag-uusap tungkol dito, at ang talaangkanan ni Jesus ay inalis. Ipinakikita ang pansansinukob na halaga ng ebanghelyo ni Kristo. Ipinaliliwanag niya ang mga kaugalian at turong Judio na maaaring hindi pamilyar sa mga di-Judio. (2:18; 7:3, 4; 14:12; 15:42) Isinasalin ang mga salitang Aramaiko. (3:17; 5:41; 7:11, 34; 14:36; 15:22, 34) Ipinaliliwanag niya ang mga pangalan ng lugar at halaman sa Palestina. (1:5, 13; 11:13; 13:3) Ang Romanong katumbas ng perang Judio ay ibinibigay. (12:42, talababa) Mas marami siyang ginagamit na salitang Latin kaysa ibang manunulat ng Ebanghelyo, halimbawa’y speculator (tanod-buhay), praetorium (palasyo ng gobernador), at centurio (pinunò ng hukbo).—6:27; 15:16, 39.
9. Saan at kailan isinulat ang aklat ni Marcos, at ano ang patotoo ng pagiging-tunay nito?
9 Yamang maliwanag na sumulat si Marcos para sa mga Romano, malamang na sa Roma niya ito isinulat. Kapuwa ang pinakamaagang tradisyon at ang nilalaman ng aklat ay nagpapatotoo na ito ay isinulat sa Roma noong una o ikalawang pagkabilanggo ni apostol Pablo, 60-65 C.E. Nang mga taóng yaon si Marcos ay napunta sa Roma, kung hindi minsan ay makalawa. Lahat ng pangunahing autoridad noong ikalawa at ikatlong siglo ay nagpapatotoo na si Marcos ang sumulat. Laganap na sa mga Kristiyano ang Ebanghelyo noong kalagitnaan ng ikalawang siglo. Ang paglitaw nito sa lahat ng sinaunang katalogo ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ay tumitiyak sa pagiging-tunay ng Ebanghelyo ni Marcos.
10. Papaano dapat ituring ang mahaba at maigsing konklusyon ng Marcos, at bakit?
10 Gayunman, ang mahaba at maikling konklusyon na kung minsa’y idinaragdag sa Marcos kabanata 16, talata 8, ay hindi dapat ituring na tunay. Wala ito sa pinakamatatandang manuskrito, gaya ng Sinaitic at ng Vatican No. 1209. Sang-ayon ang ikaapat-na-siglong mga iskolar na sina Eusebius at Jerome na ang tunay na ulat ay nagwawakas sa mga salitang “sila’y nangatatakot.” Ang ibang konklusyon ay malamang na idinagdag upang pakinisin ang biglang paghinto ng Ebanghelyo.
11. (a) Ano ang patotoo ng kawastuan ng Ebanghelyo ni Marcos, at anong kapamahalaan ang idiniriin? (b) Bakit “mabuting balita” ito, at anong yugto ang saklaw ng Ebanghelyo?
11 Ang kawastuan ng Marcos ay makikita sa pagkakasuwato nito hindi lamang sa ibang Ebanghelyo kundi sa buong Banal na Kasulatan mula Genesis hanggang Apocalipsis. Bukod dito, ipinakikita ang kapangyarihan ni Jesus hindi lamang sa salita kundi maging sa mga puwersa ng kalikasan, kay Satanas at sa mga demonyo, sa sakit at karamdaman, oo, maging sa kamatayan man. Kaya binubuksan ni Marcos ang salaysay sa ganitong pambungad: “Ang pasimula ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo.” Ang pagparito at ministeryo ni Jesus ay “mabuting balita,” Kaya kapaki-pakinabang ang pag-aaral ng Ebanghelyo ni Marcos. Ang mga kaganapang inilalarawan niya ay nagsisimula sa tagsibol ng 29 C.E. hanggang sa tagsibol ng 33 C.E.
NILALAMAN NG MARCOS
12. Ano ang nakasiksik sa unang 13 talata ng Marcos?
12 Bautismo at pagtukso kay Jesus (1:1-13). Sa pasimula ay ipinakikilala si Juan na Tagapagbautismo. Siya ang inihulang sugo na magpapahayag: “Ihanda ang daan ni Jehova, tuwirin ang kaniyang mga landas.” Sinasabi ni Juan tungkol sa Isa na darating, ‘Siya’y makapangyarihan kaysa akin.’ Oo, magbabautismo siya, hindi ng tubig, kundi ng espiritu. Dumating si Jesus mula sa Nazaret at binautismuhan siya ni Juan. Bumaba kay Jesus ang espiritu sa anyong kalapati, at sinabi ng tinig mula sa langit: “Ikaw ang aking Anak, ang sinisinta; nalulugod ako sa iyo.” (1:3, 7, 11) Tinukso siya ni Satanas sa ilang, at pinaglingkuran siya ng mga anghel. Lahat ng madulang pangyayaring ito’y isiniksik sa unang 13 talata ni Marcos.
13. Sa anong mga paraan ipinakilala agad ni Jesus ang kapamahalaan niya bilang “ang Banal ng Diyos”?
13 Sinimulan ni Jesus ang ministeryo sa Galilea (1:14–6:6). Nang madakip si Juan, nangaral si Jesus sa Galilea. Nakapupukaw ang mensahe niya! “Malapit na ang kaharian ng Diyos. Magsisi kayo, at manampalataya sa mabuting balita.” (1:15) Sinabi niya kina Simon, Andres, Santiago, at Juan na iwan ang kanilang lambat at maging alagad niya. Pagsapit ng Sabbath ay nagturo siya sa sinagoga sa Capernaum. Humanga ang mga tao, pagkat nagtuturo siya “na gaya ng isa na may kapamahalaan, at di-gaya ng mga eskriba.” Ipinakita niya ang kapamahalaan bilang “ang Banal ng Diyos” nang palayasin niya ang maruming espiritu mula sa isang inaalihan at nang pagalingin niya ang lagnat ng biyenang babae ni Simon. Lumaganap ang balita na parang apoy, at kinagabihan “ang buong lungsod” ay nasa labas ng bahay ni Simon. Pinagaling ni Jesus ang mga maysakit at nagpalayas siya ng mga demonyo.—1:22, 24, 33.
14. Papaano pinatunayan ni Jesus ang kapamahalaan niya na magpatawad ng kasalanan?
14 Inihayag ni Jesus ang kaniyang misyon: “Upang mangaral.” (1:38) Nangaral siya sa buong Galilea. Nagpalayas siya ng mga demonyo at nagpagaling ng mga sakit, gaya ng isang ketongin at isang paralitiko na sinabihan niya: “Pinatawad na ang iyong kasalanan.” Inisip ng mga eskriba, ‘Ito’y pamumusong. Sino ang makapagpapatawad ng kasalanan kundi ang Diyos?’ Pinatunayan ni Jesus na “ang Anak ng tao ay may kapamahalaan na magpatawad ng kasalanan” kaya sinabi niya sa paralitiko na tumayo at umuwi. Niluwalhati ng mga tao ang Diyos. Nang maging alagad ang maniningil ng buwis na si Levi (Mateo), sinabi ni Jesus sa mga eskriba: “Tinatawag ko, hindi ang matuwid, kundi ang makasalanan.” Ipinakita niya na siya’y “Panginoon maging ng sabbath.”—2:5, 7, 10, 17, 28.
15. Ano ang ipinahayag ni Jesus tungkol sa mga nagkakaila sa kaniyang mga himala, at ano ang sinabi niya tungkol sa ugnayang pampamilya?
15 Binuo ni Jesus ang 12 apostol. Bahagyang sumalansang ang mga kamag-anak niya, at nagparatang ang mga eskriba na siya’y nagpapalayas ng demonyo sa pangalan ng pinunò ng mga demonyo. Tinanong niya sila, “Papaano mapalalayas ni Satanas si Satanas?” at saka nagbabala: “Ang mamusong laban sa banal na espiritu ay hindi patatawarin kailanman, kundi nagkakasala nang walang-hanggan.” Dumating ang naghahanap niyang ina at mga kapatid, at sinabi niya: “Sinomang gumagawa ng kalooban ng Diyos, siya ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”—3:23, 29, 35.
16. Sa tulong ng mga talinghaga, ano ang itinuro ni Jesus tungkol “sa kaharian ng Diyos”?
16 Itinuro ni Jesus ang “banal na lihim ng kaharian ng Diyos” sa pamamagitan ng mga talinghaga. Isinaysay niya ang tungkol sa isa na naghasik ng binhi sa iba’t-ibang uri ng lupa (upang lumarawan sa iba’t-ibang uri ng tagapakinig ng salita) at ng ilaw na lumiliwanag mula sa ilawan. Sa isa pang ilustrasyon, itinulad ni Jesus ang Kaharian ng Diyos sa isang tao na naghasik ng binhi: “Sa ganang sarili’y nagbunga ang lupa, una’y ang usbong, saka ang uhay, at saka ang mga butil na humihitik sa uhay.” (4:11, 28) Ibinigay din niya ang talinghaga ng binhi ng mustasa na, bagaman pinakamaliit sa lahat, ay lumalaki at nagsasanga.
17. Papaano itinatanghal ng mga himala ni Jesus ang saklaw ng kaniyang kapamahalaan?
17 Samantalang tumatawid sa Dagat ng Galilea, naghimala si Jesus at pinayapa ang malakas na hangin, at ang maunos na dagat ay naging kalmado nang iutos niya: “Tumahimik ka!” (4:39) Sa lupain ng mga Gadareno ay pinalayas ni Jesus ang isang “Pulutong” ng mga demonyo mula sa isang tao at pinapasok ang mga ito sa isang kawan ng 2,000 baboy na lumundag sa bangin at nalunod sa dagat. (5:8-13) Matapos ito, tumawid si Jesus sa ibayo. Isang babae na 12 taon nang inaagasan ay gumaling nang mahipo ang damit ni Jesus na paparoon upang buhaying-muli ang 12-taóng gulang na dalagitang anak ni Jairo. Tunay na ang Anak ng tao ay may kapangyarihan sa buhay at kamatayan! Gayunman sinalansang siya ng kaniyang mga kababayan. Hindi siya makapaniwala sa kawalan nila ng pananampalataya subalit “nilibot niya ang mga nayon sa paligid, na nagtuturo.”—6:6.
18. (a) Papaano pinalawak ang ministeryo ni Jesus? (b) Ano ang nag-udyok kay Jesus na magturo at maghimala?
18 Pinalawak ang ministeryo sa Galilea (6:7–9:50). Ang 12 ay isinugo na tig-2 taglay ang tagubilin at kapamahalaan na mangaral at magturo, magpagaling, at magpalayas ng demonyo. Napabantog si Jesus at inakala ng iba na siya ang binuhay-muling si Juan na Tagapagbautismo. Nabahala si Herodes, pagkat si Juan ay pinugutan noong kaarawan niya. Nagbalik ang mga apostol mula sa paglalakbay at nag-ulat sila kay Jesus. Sinundan si Jesus ng isang malaking pulutong sa palibot ng Galilea, at ‘naawa siya, pagkat sila’y gaya ng tupa na walang pastol.’ Kaya tinuruan niya sila ng maraming bagay. (6:34) Maibigin din siyang naglaan sa materyal at nagpakain ng 5,000 lalaki mula sa limang tinapay at dalawang isda. Pagkaraan nito, nang ang daong ng mga alagad patungo sa Betsaida ay hampasin ng malakas na hangin, dumating siya na naglalakad sa ibabaw ng tubig at pinayapa ang hangin. Hindi kataka-taka na pati mga alagad ay “lubhang nanggilalas”!—6:51.
19, 20. (a) Papaano sinaway ni Jesus ang mga eskriba at Fariseo? (b) Ano ang umakay sa pagsaway din kay Pedro?
19 Sa distrito ng Genesaret, nakipagtalo si Jesus sa mga eskriba at Fariseo mula sa Jerusalem sa di-paghuhugas ng kamay bago kumain at sinaway sila sa ‘pagpapabaya sa kautusan ng Diyos at panghahawakan sa sali’t-saling sabi.’ Sinabi niya na hindi ang pumapasok ang nagpaparumi, kundi ang lumalabas sa puso, alalaong baga, “masasamang pag-iisip.” (7:8, 21) Nagtungo siya sa Tiro at Sidon at doo’y naghimala siya para sa isang Gentil nang palayasin ang demonyo mula sa anak na babae ng isang taga-Sirofenicia.
20 Pagbalik sa Galilea, naawa uli si Jesus sa karamihang sumusunod sa kaniya kaya pinakain niya ang 4,000 lalaki mula sa pitong tinapay at ilang maliliit na isda. Nagbabala siya tungkol sa lebadura ng mga Fariseo at ni Herodes, ngunit hindi ito naunawaan ng mga alagad. Isa pang himala—pinagaling ang bulag na lalaki sa Betsaida. Sa pag-uusap nila patungo sa Cesarea ng Filipos, tiniyak ni Pedro na si Jesus “ang Kristo” ngunit tumutol ito nang banggitin ni Jesus ang napipintong paghihirap at kamatayan ng Anak ng tao. Kaya sinaway siya ni Jesus: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas, sapagkat hindi mo iniisip ang mga kaisipan ng Diyos, kundi ang sa tao.” (8:29, 33) Hinimok niya ang mga alagad na patuloy na sumunod sa kaniya alang-alang sa mabuting balita; kung ikahihiya nila siya, ikahihiya rin niya sila pagdating niya sa kaluwalhatian ng Ama.
21. (a) Sino ang nakakita sa “kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan,” at papaano? (b) Papaano idiniin ni Jesus ang pag-una sa Kaharian?
21 Anim na araw pagkaraan, nang magbagong-anyo si Jesus sa mataas na bundok, nakita nina Pedro, Santiago, at Juan “ang kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan.” (9:1) Muling ipinakita ni Jesus ang kapamahalaan niya nang palayasin ang piping espiritu sa isang batang lalaki, at sa ikalawang beses ay binanggit ang napipinto niyang paghihirap at kamatayan. Pinayuhan niya ang mga alagad na huwag hahayaan ang anoman na humadlang sa pagpasok nila sa buhay. Nakakatisod ba ang inyong kamay? Putulin ito! Ang paa? Putulin ito! Ang mata? Dukitin ito! Mabuti pang pumasok sa Kaharian ng Diyos na pilay sa halip na maibulid nang buo sa Gehena.
22. Anong payo ang nagtampok sa ministeryo ni Jesus sa Perea?
22 Ministeryo sa Perea (10:1-52). Dumating si Jesus sa mga hangganan ng Judea at “sa ibayo ng Jordan” (tungo sa Perea). Ang mga Fariseo ay nagtanong tungkol sa diborsiyo at sinamantala niya ito upang isaad ang maka-diyos na mga simulain sa pag-aasawa. Isang mayamang binata ang nagtanong tungkol sa buhay na walang-hanggan ngunit nalungkot ito nang marinig na dapat niyang ipagbili ang lahat at sumunod kay Jesus upang magkaroon siya ng kayamanan sa langit. Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Magaang pa sa kamelyo na pumasok sa butas ng karayom kaysa taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” Pinasigla niya ang mga nag-iwan ng lahat alang-alang sa mabuting balita, at pinangakuan sila ng “tig-iisandaan ngayon . . . sampu ng pag-uusig, at sa darating na pamamalakad ng mga bagay ay buhay na walang-hanggan.”—10:1, 25, 30.
23. Anong pag-uusap at himala ang naganap patungo sa Jerusalem?
23 Naghanda si Jesus at ang 12 upang magtungo sa Jerusalem. Ikatlong beses binanggit ni Jesus ang kaniyang paghihirap at pagkabuhay-na-muli. Tinanong niya kung makaiinom sila sa kaniyang saro, at sinabi sa kanila: “Sinomang nagnanais na maging una ay dapat maging alipin ng lahat.” Nang palabas na sila sa Jerico, nanawagan ang isang bulag na pulubi sa tabing-daan: “Anak ni David, Jesus, maawa ka!” Iminulat ni Jesus ang mata ng bulag—ito ang huli niyang makahimalang pagpapagaling ayon kay Marcos.—10:44, 47, 48.
24, 25. (a) Sa anong mga kilos pinatunayan ni Jesus ang kaniyang kapamahalaan? (b) Anong pangangatuwiran ang isinagot niya sa kaniyang mga kaaway? (c) Anong babala ang ibinigay ni Jesus sa karamihan, at ano ang itinawag-pansin niya sa mga alagad?
24 Si Jesus sa loob at sa palibot ng Jerusalem (11:1–15:47). Mabilis na nagpapatuloy ang ulat! Sumakay si Jesus sa asno papasók sa lungsod at nagpugay ang mga tao sa kaniya bilang Hari. Kinabukasan ay nilinis niya ang templo. Natakot ang mga punong saserdote at binalak siyang patayin. “Ano ang kapamahalaan mo sa paggawa nito?” tanong nila. (11:28) Ibinalik sa kanila ni Jesus ang tanong at isinalaysay ang talinghaga ng mga magsasaka na pumatay sa tagapagmana ng ubasan. Naunawaan nila ang punto at iniwan siya.
25 Nagsugo sila ng mga Fariseo upang siluin siya tungkol sa buwis. Humingi siya ng denaryo, at nagtanong: “Kaninong larawan at ukit ang narito?” Anila: “Kay Cesar.” Kaya sinabi ni Jesus: “Ibigay kay Cesar ang kay Cesar, ngunit sa Diyos ang sa Diyos.” Hindi kataka-takang manggilalas sila sa kaniya! (12:16, 17) Sa isa pang tanong ay sinikap siyang gipitin ng mga Saduceo na ayaw maniwala sa pagkabuhay-na-muli: ‘Isang babae ang pitong beses nabalo, sa pagkabuhay-na-muli, kanino siya magiging asawa?’ Agad tumugon si Jesus na ang mga bubuhayin ay magiging “gaya ng mga anghel sa langit,” sapagkat hindi na sila mag-aasawa. (12:19-23, 25) “Aling utos ang mahalaga sa lahat?” tanong ng isang eskriba. Sumagot si Jesus: “Ang una ay, ‘Dinggin, O Israel, si Jehova na ating Diyos ay isang Jehova, kaya dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong isip at nang buong lakas.’ Ang ikalawa ay, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sarili.’ ” (12:28-31) Matapos ito, wala nang nangahas magtanong sa kaniya. Naitatag ang kapamahalaan ni Jesus bilang sakdal na guro. Tuwang-tuwa ang mga nakikinig, at binalaan sila ni Jesus laban sa palalong mga eskriba. Saka itinawag-pansin sa mga alagad na ang abuloy ng dukhang balo ay malaki sa lahat, pagkat ang dalawang lepta ay ang “buong nasa kaniya, ang buo niyang ikabubuhay.”—12:44.
26. Ano ang tanging mahabang diskurso na iniulat ni Marcos, at sa anong payo ito nagwawakas?
26 Habang nasa Bundok ng Olibo na tanaw ang templo, sinabi ni Jesus sa apat na alagad “ang tanda” ng katapusan ng mga bagay. (Ito lamang ang mahabang diskurso na iniulat ni Marcos, at kahawig ng Mateo kabanata 24 at 25.) Nagtapos ito sa payo ni Jesus: “Tungkol sa araw at oras na yaon ay walang nakakaalam, ni ang mga anghel sa langit ni ang Anak, kundi ang Ama lamang. Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Manatiling nagbabantay.”—13:4, 32, 37.
27. Ilarawan ang mga pangyayari na umakay sa pagkakanulo kay Jesus sa Getsemane.
27 Sa Betania isang babae ang nagpahid ng mamahaling pabango kay Jesus. Nanghinayang ang ilan, ngunit sinabi ni Jesus na ito’y mabuting gawa at paghahanda sa kaniyang libing. Sa takdang oras, si Jesus at ang 12 ay nagtipon para sa Paskuwa. Ipinakilala niya ang tagapagkanulo at pinasinayaan ang alaalang hapunan kasama ng tapat na mga alagad, saka sila lumisan tungo sa Bundok ng Olibo. Habang daan sinabi ni Jesus na silang lahat ay matitisod. “Ako’y hindi,” ani Pedro. Ngunit sinabi ni Jesus: “Sa gabing ito, bago tumilaok nang makalawa ang manok, tatlong beses mo akong ipagkakaila.” Sa Getsemane, humiwalay si Jesus upang manalangin at nagbilin na sila’y magbantay. Nagtapos ang panalangin niya sa mga salitang: “Abba, Ama, lahat ng bagay ay magagawa mo; alisin mo sa akin ang sarong ito. Gayunma’y huwag ang ibig ko, kundi ang ibig mo.” Tatlong beses binalikan ni Jesus ang mga alagad, at lagi silang dinaratnang tulóg, kahit na “sa panahong gaya nito”! (14:29, 30, 36, 41) Subalit oras na! Narito!—ang tagapagkanulo!
28. Ano ang nangyari nang si Jesus ay dakpin at iharap sa mataas na saserdote?
28 Lumapit si Judas at hinagkan si Jesus. Ito ang hudyat upang hulihin siya ng mga armadong lalaki. Dinala siya sa bulwagan ng mataas na saserdote, at marami ang sumaksi nang di-totoo laban sa kaniya, subalit sila’y nagkakasalungatan. Hindi kumikibo si Jesus. Sa wakas, tinanong siya ng mataas na saserdote: “Ikaw ba ang Kristo na Anak ng Pinagpala?” Sumagot si Jesus, “Ako nga.” Sumigaw ang mataas na saserdote, ‘Pamumusong!’ at silang lahat ay humatol sa kaniya ng kamatayan. (14:61-64) Sa looban sa ibaba, tatlong beses ikinaila ni Pedro si Jesus. Makalawang tumilaok ang manok, at si Pedro, nang maalaala ang sinabi ni Jesus, ay tumangis.
29. Ano ang iniulat ni Marcos tungkol sa huling paglilitis at pagpatay kay Jesus, at papaano ipinakita na nasasangkot ang Kaharian?
29 Magmamadaling-araw na, kaya nagsanggunian ang Sanhedrin at si Jesus ay dinalang-gapos kay Pilato. Natalos nito na si Jesus ay hindi salarin at palalayain sana. Ngunit sa pamimilit ng mga mang- uumog na ibinuyo ng mga punong saserdote, kaniyang ipinapako si Jesus. Dinala siya sa Golgota (o, “Dako ng Bungo”) at ipinako na may nakasulat na paratang: “Hari ng mga Judio.” Nilibak siya ng mga tao: “Iniligtas niya ang iba; hindi niya mailigtas ang sarili!” Nang tanghaling yaon (ikaanim na oras) nagdilim sa buong lupain hanggang alas tres. Sumigaw si Jesus, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” at namatay siya. Dahil sa kaniyang nakita, nasabi ng isang punong kawal: “Tiyak na ang taong ito ay Anak ng Diyos.” Ang bangkay ni Jesus ay hiningi ni Jose ng Arimatea, miyembro ng Sanhedrin na sumampalataya sa Kaharian ng Diyos, at ito’y inilibing niya sa puntod na inuka sa bato.—15:22, 26, 31, 34, 39.
30. Sa unang araw ng sanlinggo, ano ang nangyari sa puntod?
30 Mga pangyayari pagkamatay ni Jesus (16:1-8). Maaga pa sa unang araw ng sanlinggo, tatlong babae ang nagpunta sa puntod. Nabigla sila nang madatnang nahawi ang malaking bato sa pasukan. Sinabi ng “isang binata” na nakaupo sa loob na si Jesus ay ibinangon na. (16:5) Wala siya roon at nauna na sa Galilea. Nagtatakbo sila mula sa puntod, na nanginginig sa takot.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
31. (a) Papaano nagpatotoo si Marcos na si Jesus ang Mesiyas? (b) Ano ang patotoo ng kapamahalaan ni Jesus bilang Anak ng Diyos, at ano ang idiniin niya?
31 Sa matingkad na paglalarawang ito kay Jesu-Kristo, ang katuparan ng mga hula sa Kasulatang Hebreo tungkol sa Mesiyas ay nakita ng lahat ng mambabasa ng Marcos, mula sa sinaunang mga Kristiyano hanggang ngayon. Mula sa pambungad na pagsipi, “Narito! Sinusugo ko ang aking mensahero sa inyong harapan,” hanggang sa mga salita ng naghihingalong si Jesus, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”, ang ulat ng kaniyang masigasig na ministeryo ayon kay Marcos ay kasuwato ng inihula ng mga Kasulatang Hebreo. (Mar. 1:2; 15:34; Mal. 3:1; Awit 22:1) Bukod dito, ang kaniyang mga himala at kababalaghan, nagpapatibay na turo, matatas na pangangatuwiran, lubos na pagsalig sa Salita at espiritu ni Jehova, maibiging pagpapastol sa mga tupa—ay pawang nagpapakilala sa kaniya bilang Anak ng Diyos. Nagturo siya “na gaya ng isa na may kapamahalaan,” kapamahalaan mula kay Jehova, at idiniin na ang pangunahing gawain niya sa lupa ay ang “pangangaral ng mabuting balita ng Diyos,” na “malapit na ang kaharian ng Diyos.” Ang kaniyang turo ay nagdulot ng di-masukat na pakinabang sa mga nakarinig.—Mar. 1:22, 14, 15.
32. Ilang beses ginamit ni Marcos ang pariralang “kaharian ng Diyos,” at ano ang ilang pumapatnubay na simulain na iniharap niya sa pagkakamit ng buhay sa ilalim ng Kaharian?
32 Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Sa inyo ipinagkaloob ang banal na lihim ng kaharian ng Diyos.” Ang pariralang “kaharian ng Diyos” ay 14 na beses ginagamit ni Marcos at nagharap siya ng maraming pumapatnubay na simulain para sa mga mabubuhay sa ilalim ng Kaharian. Sinabi ni Jesus: “Sinomang mawalan ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa akin at sa mabuting balita ay magliligtas nito.” Dapat alisin ang bawat balakid sa pagkakamit ng buhay: “Maigi pa ang pumasok sa kaharian ng Diyos na iisa ang mata kaysa maibulid sa Gehena nang may dalawang mata.” Sinabi pa ni Jesus: “Sinomang hindi tatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng maliit na bata ay hindi makakapasok doon,” at, “Napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos ang masalapi!” Sinabi niya na “hindi malayo sa kaharian ng Diyos” ang nakatatalos na ang pag-iingat ng dalawang dakilang utos ay mahalaga kaysa lahat ng mga handog na susunugin at mga hain. Ito at ang iba pang turo ng Kaharian sa Ebanghelyo ni Marcos ay napakahusay na payo na maikakapit sa araw-araw na buhay.—4:11; 8:35; 9:43-48; 10:13-15, 23-25; 12:28-34.
33. (a) Papaano tayo makikinabang sa Ebanghelyo ni Marcos? (b) Sa anong landasin dapat tayong mapakilos ni Marcos, at bakit?
33 Ang mabuting balita “ayon kay Marcos,” isang kapana-panabik, mabilis, at dinamikong repaso ng ministeryo ni Jesus, ay mababasa nang buo sa isa o dalawang oras. Kapaki-pakinabang ang tuluy-tuloy na pagbasa at ang mas masusing pag-aaral at pagbubulay sa kinasihang ulat. Kapaki-pakinabang ang Ebanghelyo ni Marcos sa mga Kristiyanong pinag-uusig ngayon, pagkat gaya noong unang siglo, napapaharap tayo sa “mapanganib na mga panahon” at kailangan natin ang patnubay mula sa kinasihang ulat tungkol sa ating Ehemplo, si Jesu-Kristo. Basahin ito, manabik sa madulang aksiyon nito, at sumunod sa yapak ng Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng pananampalataya, si Jesus, sampu ng walang-maliw niyang kagalakan. (2 Tim. 3:1; Heb. 12:2) Oo, masdan siya bilang isa na buhós sa paggawa, mapuspos ng kaniyang sigasig, at tularan ang kaniyang di-natitinag na katapatan at tibay-loob sa gitna ng pagsubok at pagsalansang. Magkamit ng kaaliwan mula sa mayamang bahaging ito ng kinasihang Kasulatan. Pakinabangan ito habang nagsisikap ukol sa walang-hanggang buhay.
[Talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 337.