Ayon kay Marcos
3 Muli siyang pumasok sa isang sinagoga, at naroon ang isang lalaking may tuyot na* kamay.+ 2 Kaya inaabangan nila kung pagagalingin niya ang lalaki sa Sabbath, para maakusahan nila siya.+ 3 Sinabi niya sa lalaki na may tuyot na* kamay: “Tumayo ka at pumunta ka sa gitna.” 4 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ano ang tamang gawin kapag Sabbath: gumawa ng mabuti o ng masama, magligtas ng buhay* o pumatay?”+ Pero hindi sila kumibo. 5 Tiningnan niya sila nang may galit. Lungkot na lungkot siya dahil manhid ang puso nila.+ Kaya sinabi niya sa lalaki: “Iunat mo ang kamay mo.” At iniunat niya iyon, at gumaling ang kamay niya. 6 Kaya lumabas ang mga Pariseo at agad na nakipagsabuwatan sa mga tagasuporta ni Herodes+ para maipapatay si Jesus.
7 Pero pumunta si Jesus sa may lawa kasama ang mga alagad niya, at sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea at Judea.+ 8 Napakaraming tao rin mula sa Jerusalem at sa Idumea at mula sa kabila ng Jordan at sa palibot ng Tiro at Sidon ang nagpunta sa kaniya nang mabalitaan nila ang maraming bagay na ginagawa niya. 9 At sinabi niya sa mga alagad niya na ipaghanda siya ng maliit na bangka para hindi siya maipit ng mga tao. 10 Dahil marami siyang pinagaling, ang lahat ng may malalang sakit ay nakikipagsiksikan para mahawakan siya.+ 11 Kahit ang mga sinasapian ng masamang* espiritu,+ kapag nakikita siya, ay sumusubsob sa harap niya at sumisigaw: “Ikaw ang Anak ng Diyos!”+ 12 Pero maraming beses niya silang mahigpit na pinagbawalang sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya.+
13 Umakyat siya sa isang bundok at tinawag ang mga pinili niya,+ at sumunod sila sa kaniya.+ 14 At pumili* siya ng 12 at tinawag niya silang mga apostol. Sila ang makakasama niya at isusugo para mangaral+ 15 at bibigyan ng awtoridad na magpalayas ng mga demonyo.+
16 At ang 12+ pinili* niya ay si Simon, na binigyan din niya ng pangalang Pedro,+ 17 si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kapatid ni Santiago (binigyan din niya ang mga ito ng pangalang Boanerges, na nangangahulugang “Mga Anak ng Kulog”),+ 18 si Andres, si Felipe, si Bartolome,+ si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo, 19 at si Hudas Iscariote, na bandang huli ay nagtraidor sa kaniya.
Pagkatapos ay pumasok si Jesus sa isang bahay, 20 at muling dumagsa ang mga tao, kaya hindi man lang sila makakain.+ 21 Nang malaman ng mga kamag-anak niya ang tungkol dito, pinuntahan nila siya para kunin siya, dahil sinasabi nila: “Nababaliw na siya.”+ 22 Sinasabi rin ng mga eskriba na galing sa Jerusalem: “Sinasapian siya ni Beelzebub, at pinalalayas niya ang mga demonyo sa tulong ng pinuno ng mga demonyo.”+ 23 Kaya tinawag niya sila at nagbigay siya sa kanila ng mga ilustrasyon: “Paano mapalalayas ni Satanas si Satanas? 24 Kung ang isang kaharian ay nababahagi, babagsak ang kahariang iyon;+ 25 at kung ang isang pamilya ay nababahagi, mawawasak ang pamilyang iyon. 26 Kaya kung kinakalaban ni Satanas ang sarili niya at ang kaharian niya ay nababahagi,* babagsak siya at iyon na ang wakas niya. 27 Ang totoo, walang makakapasok sa bahay ng isang malakas na tao at makapagnanakaw ng mga pag-aari nito kung hindi niya muna gagapusin ang malakas na tao. Kapag nagawa niya iyon, saka pa lang niya mananakawan ang bahay nito. 28 Sinasabi ko sa inyo, ang mga tao ay mapatatawad sa anumang kasalanang nagawa nila at sa anumang pamumusong na sinabi nila. 29 Pero ang sinumang namumusong laban sa banal na espiritu ay hindi kailanman mapatatawad;+ nagkasala siya ng walang-hanggang kasalanan.”+ 30 Sinabi ito ni Jesus dahil sinasabi nila: “Sinasapian siya ng masamang espiritu.”+
31 Ngayon ay dumating ang kaniyang ina at mga kapatid,+ at habang nakatayo sila sa labas, may pinapunta sila sa loob para tawagin siya.+ 32 Dahil maraming nakaupo sa palibot niya, sinabi nila sa kaniya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid, hinahanap ka.”+ 33 Pero sinabi niya sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?”+ 34 Pagkatapos, tiningnan niya ang mga nakaupong paikot sa kaniya at sinabi: “Tingnan ninyo, ang aking ina at mga kapatid!+ 35 Sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”+