Aklat ng Bibliya Bilang 50—Mga Taga-Filipos
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Roma
Natapos Isulat: c. 60–61 C.E.
1. (a) Papaano narinig ng mga taga-Filipos ang mabuting balita? (b) Papaano naging kawili-wili ang makasaysayang kapaligiran ng lungsod ng Filipos?
NANG anyayahan sa pamamagitan ng pangitain na dalhin ang mabuting balita sa Macedonia, agad sumunod si apostol Pablo kasama sina Lucas, Silas, at ang binatang si Timoteo. Mula sa Troas sa Asya Minor, nagbarko sila hanggang Neapolis at nagtungo agad sa Filipos na 15 kilometro ang layo patawid sa bundok. Ayon kay Lucas, ito “ang pangunahing lungsod sa lalawigan ng Macedonia.” (Gawa 16:12) Ipinangalan ito kay Haring Felipe II ng Macedonia (ama ni Alejandrong Dakila), na sumakop sa lungsod noong 356 B.C.E. Nang dakong huli ito ay naagaw ng mga Romano. Nagkaroon dito ng mahihigpit na labanan noong 42 B.C.E. na nagpatatag sa katayuan ni Octavian na nang maglao’y naging si Augusto Cesar. Bilang alaala ng tagumpay, ang Filipos ay ginawa niyang koloniya ng Roma.
2. Anong pagsulong ang nagawa ni Pablo sa pangangaral sa Filipos, at ano ang naging kaakibat ng pagsilang ng kongregasyon doon?
2 Sa bawat bagong lungsod, nakaugalian ni Pablo na mangaral muna sa mga Judio. Ngunit nang una siyang dumating sa Filipos noong mga 50 C.E., kakaunti ang mga Judio at malamang na wala roong sinagoga pagkat nagtitipon lamang sila upang manalangin sa tabi ng ilog sa labas ng bayan. Nagbunga agad ang pangangaral ni Pablo, at ang isa sa mga unang nakumberte ay si Lydia, isang negosyante at Judiong proselita na agad yumakap sa katotohanan tungkol kay Kristo at nag-anyaya kina Pablo sa kaniyang bahay. “Pinilit niya kaming tumuloy,” sabi ni Lucas. Hindi nagtagal, napaharap sila sa pagsalansang at sina Pablo at Silas ay pinagpapalô at ibinilanggo. Biglang lumindol, at ang tagapagbilanggo at ang sambahayan nito ay sumampalataya matapos makinig kina Pablo at Silas. Kinaumagahan pinalaya sina Pablo at Silas, at dinalaw nila ang mga kapatid sa tahanan ni Lydia at pinatibay sila bago nila lisanin ang lungsod. Taglay ni Pablo ang matitingkad na alaala ng mga kapighatiang nakaakibat ng pagsilang ng kongregasyon sa Filipos.—Gawa 16:9-40.
3. Nang dakong huli anong mga pakikipag-ugnayan ang ginawa ni Pablo sa kongregasyon sa Filipos?
3 Pagkaraan ng ilang taon, sa ikatlo niyang paglalakbay-misyonero, dumalaw uli si Pablo sa kongregasyon sa Filipos. Mga sampung taon makaraang itatag ang kongregasyon, isang makabagbag-damdaming kapahayagan ng pag-ibig mula sa mga kapatid sa Filipos ang nag-udyok kay Pablo na sumulat ng kinasihang liham na naingatan sa Banal na Kasulatan sa pangalan ng minamahal na kongregasyong yaon.
4. Ano ang pagkakakilanlan ng manunulat ng Mga Taga-Filipos, at ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng liham?
4 Tinatanggap ng mga komentarista sa Bibliya na si Pablo ang sumulat ng liham, gaya ng isinasaad sa unang talata, at may saligan ito. Sa sariling liham sa mga taga-Filipos, binabanggit ni Polycarp (69?-155? C.E.) na si Pablo ay sumulat sa kanila. Ipinakita ng pagsipi ng sinaunang mga komentarista sa Bibliya na sina Ignatius, Irenaeus, Tertullian, at si Clement ng Aleksandriya na ang liham ay mula nga kay Pablo. Sinisipi ito sa Muratorian Fragment ng ikalawang siglo C.E. at sa lahat ng iba pang sinaunang kanon, at nasa Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46) na di-umano’y mula pa noong mga 200 C.E., katabi ng walo pang ibang liham ni Pablo.
5. Ano ang nagpapakita na sa Roma galing ang liham?
5 Ang dako at petsa ng pagsulat ay matitiyak. Nang sumusulat siya, si Pablo ay bilanggo ng tanod-buhay ng emperador ng Roma, at abala ang mga Kristiyano noon. Sa pagwawakas ng liham ay inilakip niya ang mga pagbati ng mga mananampalatayang kasambahay ni Cesar. Ang pinagsamang mga katibayang ito ay nagpapatotoo na sa Roma galing ang liham.—Fil. 1:7, 13, 14; 4:22; Gawa 28:30, 31.
6. Ano ang ebidensiya sa panahon ng pagsulat ng Mga Taga-Filipos?
6 Ngunit kailan ito isinulat? Waring matagal-tagal na rin si Pablo sa Roma kung kaya ang balita at dahilan ng pagkabilanggo niya ay nakarating na sa lahat ng Bantay ng Pretorio at sa marami pang iba. Isa pa, kailangan ang sapat na panahon upang makarating si Epafrodito mula sa Filipos (mga 1,000 kilometro ang layo) taglay ang isang kaloob kay Pablo, upang makabalik ang balita sa Filipos tungkol sa pagkakasakit ni Epafrodito sa Roma, at upang makarating sa Roma ang mga kapahayagan ng pagkalungkot dito mula sa Filipos. (Fil. 2:25-30; 4:18) Yamang unang nabilanggo si Pablo sa Roma noong 59-61 C.E., malamang na isinulat niya ang liham noong 60 o 61 C.E., isang taon o higit pa matapos ang una niyang pagdating sa Roma.
7. (a) Ano ang nagbuklod kay Pablo at sa mga taga-Filipos, at ano ang nag-udyok sa kaniya na sumulat? (b) Anong uri ng liham ang Mga Taga-Filipos?
7 Ang mga suliranin ng pagluluwal sa mga taga-Filipos sa tulong ng salita ng katotohanan, ang pagmamahal at pagiging-bukas-palad ng mga taga-Filipos sa pagkakaloob ng mga pangangailangan sa mga paglalakbay at paghihirap ni Pablo, at ang pantanging pagpapala ni Jehova sa unang pagmimisyonero sa Macedonia ay pawang nakatulong upang si Pablo at ang mga taga-Filipos ay mabigkis sa buklod ng pag-ibig. At ngayon, ang kanilang maibiging kaloob at pag-aalala tungkol kay Epafrodito at ang pagsulong ng mabuting balita sa Roma ay nagpakilos kay Pablo na sumulat ng isang mainit at maibiging liham na talagang nagpapatibay-loob.
NILALAMAN NG MGA TAGA-FILIPOS
8. (a) Papaano nagpahayag si Pablo ng pagtitiwala at pag-ibig sa mga kapatid sa Filipos? (b) Ano ang sinasabi ni Pablo tungkol sa kaniyang mga tanikala, at anong payo ang ibinibigay niya?
8 Pagtatanggol at pagpapalaganap ng mabuting balita (1:1-30). Bumabati sina Pablo at Timoteo at nagpapasalamat si Pablo sa Diyos sa tulong ng mga taga-Filipos sa pagpapalaganap ng mabuting balita “mula nang unang araw hanggang sa ngayon.” Alam niyang itutuloy nila ito hanggang sa matapos, pagkat sila’y kabahagi niya sa di-sana-nararapat na kabaitan, maging sa “pagsasanggalang at pagtatanggol ng mabuting balita.” Nasasabik siya sa kanilang lahat at sinabi niya: “Ito ang lagi kong idinadalangin, na ang inyo nawang pag-ibig ay lalo pang sumagana . . . upang matiyak ninyo ang higit na mahahalagang bagay.” (1:5, 7, 9, 10) Ibig ni Pablo na malaman nilang ang “mga karanasan [niya] ay sa lalong ikasusulong ng mabuting balita,” sapagkat ang kaniyang mga tanikala ay nahayag sa lahat at ang mga kapatid ay napatibay na magpahayag ng salita ng Diyos nang walang-takot. Bagaman may pakinabang ngayon ang kamatayan ni Pablo, batid niya na alang-alang sa kanilang pagsulong at kagalakan, mahalaga na siya’y manatiling buháy. Pinapayuhan niya sila na gumawi nang nararapat sa mabuting balita, sapagkat dumating man siya o hindi, nais niyang sila ay magkaisa sa pakikibaka at ‘kailanma’y hindi nasisindak ng mga kaaway.’—1:12, 28.
9. Papaano maiingatan ng mga taga-Filipos ang kaisipan ni Kristo?
9 Pag-iingat ng kaisipan ni Kristo (2:1-30). Pinasigla ni Pablo ang mga taga-Filipos sa kababaan ng pag-iisip, ‘at tumingin, hindi sa sariling kapakanan, kundi rin ng sa iba.’ Dapat nilang taglayin ang kaisipan ni Kristo Jesus na, bagaman nasa anyong Diyos, ay hinubad ito at nakitulad sa mga tao at nagpakumbaba at naging masunurin hanggang kamatayan, anupat dinakila siya ng Diyos at binigyan ng isang pangalan na mataas sa lahat ng pangalan. Pinasigla sila ni Pablo: “Lubusin ninyo ang pagkakamit ng sariling kaligtasan sa takot at panginginig.” “Gawin ang lahat ng bagay na walang bulung-bulungan at pagtatalo,” at “manghawakang mahigpit sa salita ng buhay.” (2:4, 12, 14, 16) Inaasahan niyang maisusugo si Timoteo sa kanila at nagtitiwala siya na di-magtatagal at siya rin ay makaparoroon. Ngunit ngayon, upang sila’y magalak, isinusugo niya si Epafrodito, na gumaling na sa pagkakasakit.
10. Papaano nagpatuloy si Pablo hanggang sa tunguhin, at ano ang ipinapayo niya sa iba?
10 “Patuloy hanggang sa makamit ang tunguhin” (3:1–4:23). ‘Tayong nasa tunay na pagtutuli,’ ani Pablo, ‘ay dapat mag-ingat sa mga aso, sa mga nagpupungos ng laman.’ Kung ang sinoman ay may dahilan na magtiwala sa laman, lalo na si Pablo, at pinatutunayan niya ito bilang tinuling Judio at Fariseo. Ngunit lahat ay inari niyang kalugihan ‘alang-alang sa dakilang pagkakilala kay Kristo Jesus na Panginoon.’ Sa katuwirang dulot ng pananampalataya, umaasa siya sa “maagang pagkabuhay-na-muli sa mga patay.” (3:2, 3, 8, 11) Kaya, aniya, “nililimot ang mga bagay sa hulihan at tinutungo ang mga bagay sa unahan, nagpapatuloy ako hanggang sa makamit ang tunguhin na gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Ganito ang dapat maging kaisipan ng mga maygulang. Ang iba ay dumidiyos sa kanilang tiyan, ang isipan ay nakapako sa mga bagay na nasa lupa, at ang kahihinatnan nila ay kamatayan, ngunit “para sa atin,” tinitiyak ni Pablo, “ang ating pagka-mamamayan ay nasa langit.”—3:13, 14, 20.
11. (a) Anong mga bagay ang dapat isaalang-alang at ikapit? (b) Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa pagiging bukas-palad ng mga taga-Filipos?
11 Nagpapasigla si Pablo, ‘Magalak sa Panginoon at hayaang ang inyong katuwiran ay makilala ng lahat. Patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na totoo at kagalang-galang, mga bagay na matuwid, malinis, kaibig-ibig, may mabuting ulat, may kagalingan, at kapuri-puri. Ikapit ang natutuhan at tinanggap at narinig sa akin, at sasa-inyo ang Diyos ng kapayapaan.’ (4:4-9) Si Pablo ay totoong nagagalak sa pagiging bukas-palad ng mga taga-Filipos, bagaman nagagawa niya ang lahat “dahil sa kaniya na nagpapalakas [sa akin].” Lubos siyang nagpapasalamat sa kanilang kaloob. Mula nang ipahayag niya ang mabuting balita sa Macedonia, sila ay namukod-tangi sa pagbibigay. Dahil dito, ilalaan ng Diyos ang lahat ng kanilang “kailangan ayon sa kaniyang kayamanan sa kaluwalhatian sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (4:13, 19) Bumabati ang lahat ng mga banal, kabilang na ang mga kasambahay ni Cesar.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
12. Tulad ng mga kapatid sa Filipos, papaano natin makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos at maging isang kagalakan sa ating mga kapatid?
12 Lubhang kapaki-pakinabang ang aklat ng Mga Taga-Filipos! Tiyak na hangad natin ang pagsang-ayon ni Jehova at ang komendasyon ng mga tagapangasiwa gaya ng tinanggap ng mga taga-Filipos mula kay Pablo. Mapapasa-atin ito kung susundin natin ang mahusay na halimbawa ng mga taga-Filipos at ang maibiging payo ni Pablo. Gaya nila, dapat tayong maging bukas-palad, handang tumulong sa mga nangangailangan, at makibahagi sa pagsasanggalang at pagtatanggol ng mabuting balita. (1:3-7) Dapat tayong “maging matatag sa isang espiritu, na sa iisang kaluluwa ay nagtutulungan sa pananampalataya ng mabuting balita,” na nagliliwanag bilang “mga ilawan” sa gitna ng isang lahing liko at masama. Sa paggawa nito at sa pagsasaalang-alang sa mga bagay na kagalang-galang, magiging kagalakan tayo sa mga kapatid na gaya ng mga taga-Filipos na naging putong ng kagalakan kay apostol Pablo.—1:27; 2:15; 4:1, 8.
13. Sa anong mga paraan natin may-pagkakaisang matutularan si Pablo?
13 “Kayo’y magkaisang tumulad sa akin,” sabi ni Pablo. Papaano? Ang isa ay sa pagiging-nasisiyahan anoman ang kalagayan. Sa kasaganaan o sa pangangailangan, si Pablo ay natutong makibagay nang walang reklamo upang makapagpatuloy nang buong-sigasig at may-kagalakan sa ministeryo ng Diyos. Lahat ay dapat ding tumulad kay Pablo sa matimyas na pagmamahal sa mga kapatid. May pag-ibig at may-kagalakan niyang pinuri ang ministeryo nina Timoteo at Epafrodito! At naging malapit siya sa mga kapatid sa Filipos na tinukoy niya bilang “minamahal at pinananabikan, ang aking kagalakan at putong”!—3:17; 4:1, 11, 12; 2:19-30.
14. Anong mahusay na payo ang ibinibigay ng liham sa Filipos kaugnay ng tunguhin sa buhay at sa Kaharian, at kanino lalung-lalo na pinatutungkol ang liham?
14 Papaano pa matutularan si Pablo? Sa “pagpapatuloy hanggang makamit ang tunguhin”! Lahat ng nakapagpako ng isipan sa ‘mga bagay na kagalang-galang’ ay lubhang interesado sa kamangha-manghang kaayusan ni Jehova sa langit at sa lupa, kung saan ang ‘bawat dila ay magpapahayag na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.’ Ang mga umaasa sa buhay na walang hanggan sa Kaharian ng Diyos ay pinasisigla ng mahusay na payo sa Filipos na magpatuloy sa tunguhing ito. Gayunman, ang liham sa Filipos ay pangunahing ipinatutungkol sa kanila na ang “pagka-mamamayan ay nasa langit” at na buong pananabik na naghihintay na “maging katulad ng maluwalhating katawan” ni Kristo. “Nililimot ang mga bagay sa hulihan at tinutungo ang mga bagay sa unahan,” tumulad nawa sila kay apostol Pablo sa “pagpapatuloy hanggang sa makamit ang tunguhin na gantimpala ng dakilang pagtawag,” ang maluwalhating mana sa Kaharian ng mga langit!—4:8; 2:10, 11; 3:13, 14, 20, 21.