Liham sa mga Taga-Filipos
1 Akong si Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Kristo Jesus, ay sumusulat sa lahat ng banal na kaisa ni Kristo Jesus sa Filipos,+ pati na sa mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod:+
2 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.
3 Tuwing naaalaala ko kayo, nagpapasalamat ako sa aking Diyos 4 sa bawat pagsusumamo ko. Masaya ako tuwing nagsusumamo ako para sa inyong lahat+ 5 dahil sa suporta ninyo sa mabuting balita mula noong unang araw na tanggapin ninyo ito hanggang ngayon. 6 Nagtitiwala ako na ang mabuting gawa na sinimulan ng Diyos sa loob ninyo ay tatapusin niya+ hanggang sa pagdating ng araw ni Kristo Jesus.+ 7 Tamang isipin ko ito tungkol sa inyong lahat, dahil nasa puso ko kayo, kayong mga kabahagi ko sa walang-kapantay* na kabaitan sa pagkabilanggo ko+ at sa pagtatanggol at legal na pagtatatag ng mabuting balita.+
8 Alam ng Diyos na gustong-gusto ko kayong makita, dahil mahal na mahal ko kayong lahat, gaya ng pagmamahal sa inyo ni Kristo Jesus. 9 At lagi kong ipinapanalangin na patuloy na sumagana ang inyong pag-ibig,+ kasama ang tumpak na kaalaman+ at malalim na unawa;+ 10 na makita* ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay,+ para manatili kayong taimtim at wala kayong matisod+ hanggang sa araw ni Kristo; 11 at na maging sagana kayo sa matuwid na mga bunga sa pamamagitan ni Jesu-Kristo,+ para sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.
12 Ngayon, gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na nakatulong pa sa ikasusulong ng mabuting balita ang sitwasyon ko, 13 dahil nalaman ng mga Guwardiya ng Pretorio at ng lahat ng iba pa na nakagapos ako bilang bilanggo+ alang-alang kay Kristo.+ 14 At dahil sa mga gapos ko sa bilangguan, lumakas ang loob ng karamihan sa mga kapatid na kaisa ng Panginoon, at lalo pa nilang inihahayag ang salita ng Diyos nang walang takot.+
15 Totoo, ang ilan ay nangangaral tungkol sa Kristo dahil sa inggit at pakikipagpaligsahan, pero mabuti ang motibo ng iba. 16 Inihahayag nila ang tungkol sa Kristo dahil sa pag-ibig, dahil alam nilang inatasan ako para ipagtanggol ang mabuting balita;+ 17 pero ginagawa ito ng ilan, hindi dahil sa mabuting motibo, kundi para makipagtalo, dahil gusto nila akong pahirapan habang nasa bilangguan ako. 18 Ano ang resulta? Mabuti man o masama ang motibo ng isang tao, naihahayag pa rin ang tungkol sa Kristo sa bawat paraan, at ikinatutuwa ko ito. Sa katunayan, patuloy rin akong magsasaya 19 dahil alam kong ang magiging resulta nito ay ang kaligtasan ko sa pamamagitan ng inyong pagsusumamo+ at sa tulong ng espiritu ni Jesu-Kristo.+ 20 Kaayon ito ng pag-asa ko at pagtitiwalang hindi ako mapapahiya sa anumang paraan. Alam kong dahil nangangaral ako nang walang takot, ang Kristo ay maluluwalhati, gaya ng dati, sa pamamagitan ng katawan ko, mamatay man ako o mabuhay.+
21 Dahil kung patuloy akong mabubuhay, para ito kay Kristo,+ at kung mamamatay ako, may pakinabang pa rin.+ 22 Kung patuloy akong mabubuhay sa katawang ito, mas magiging mabunga pa ang gawain ko; pero hindi ko sasabihin* kung ano ang pipiliin ko. 23 Nahihirapan akong pumili sa dalawang ito, dahil di-hamak na mas maganda ang talagang gusto ko, ang mapalaya at makasama si Kristo.+ 24 Pero mas makakabuti para sa inyo na manatili akong buháy sa katawang ito. 25 At dahil tiyak ako rito, alam kong mabubuhay pa ako at makakasama kayong lahat para higit pa kayong sumulong at makadama ng kagalakan na nagmumula sa inyong pananampalataya,+ 26 nang sa gayon, kapag kasama na ninyo akong muli, mag-umapaw ang inyong kagalakan dahil sa pagiging tagasunod ni Kristo Jesus.
27 Ang gusto ko lang ay kumilos kayo nang* nararapat para sa mabuting balita tungkol sa Kristo,+ nang sa gayon, kasama man ninyo ako* o hindi, manatili pa rin kayong matatag na may iisang kaisipan at nagkakaisa,+ na nagtutulong-tulong para mapanatili ang pananampalataya sa mabuting balita, 28 at hindi natatakot sa inyong mga kalaban. Patunay ito na mapupuksa+ ang inyong mga kaaway, at kayo naman ay maliligtas;+ at galing ito sa Diyos. 29 Dahil bukod sa pribilehiyo ninyong manampalataya kay Kristo, binigyan din kayo ng pribilehiyo na magdusa para sa kaniya.+ 30 Dahil kinakaharap ninyo ngayon ang problema na nakita ninyong pinagdaanan ko noon+ at patuloy pa ring kinakaharap ngayon.