Aklat ng Bibliya Bilang 66—Apocalipsis
Manunulat: Si Apostol Juan
Saan Isinulat: Sa Patmos
Natapos Isulat: c. 96 C.E.
1. (a) Hinggil sa mga simbolismo sa Apocalipsis, sa ano sasang-ayon ang mga lingkod ng Diyos? (b) Bakit wasto ang pagkalagay ng Apocalipsis sa hulihan ng Bibliya?
ANG mga simbolismo ba sa Apocalipsis ay sinadya upang makasindak? Napakalayo! Ang katuparan ng hula ay maaaring makasindak sa mga balakyot, ngunit sasang-ayon ang mga tapat na lingkod ng Diyos sa kinasihang pambungad at sa katapusang komento ng anghel: “Maligaya ang bumabasa nang malakas at nakikinig sa mga salita ng hulang ito.” “Maligaya ang tumutupad sa mga salita ng hula sa balumbon na ito.” (Apoc. 1:3; 22:7) Bagaman nauna sa apat na iba pang aklat ni Juan, wastong ihuli ang Apocalipsis sa 66 na kinasihang aklat ng Bibliya, sapagkat ito ang naghahatid sa mga mambabasa tungo sa hinaharap, sa pamamagitan ng panlahatang larawan ng mga layunin ng Diyos para sa tao, na naghahatid sa dakilang tema ng Bibliya sa kasukdulan nito, ang pagbanal sa pangalan ni Jehova at pagbabangong-puri sa kaniyang soberanya sa pamamagitan ng Kaharian sa ilalim ni Kristo, ang Ipinangakong Binhi.
2. Papaano dumating kay Juan ang Apocalipsis, at bakit angkop ang pamagat ng aklat?
2 Ayon sa pamagat na talata, ito ay “apocalipsis ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya . . . Isinugo niya ang kaniyang anghel at ipinadala ito sa pamamagitan ng mga tanda sa kaniyang alipin na si Juan.” Kaya si Juan ay manunulat lamang, hindi ang may-akda. Hindi siya ang tagapagpahayag, ni kapahayagan kaya ni Juan ang aklat. (1:1) Ang pagsisiwalat ng kamangha-manghang layunin ng Diyos sa hinaharap ay umaangkop sa pamagat, sapagkat ang Griyegong pangalan ng aklat ay A·po·kaʹly·psis (Apocalypse), nangangahulugang “Paghahayag” o “Pag-aalis ng Lambong.”
3. Sino ang Juan na ayon sa Apocalipsis ay siyang sumulat nito, at papaano ito pinatutunayan ng sinaunang mga mananalaysay?
3 Sino ang Juan na tinutukoy sa unang kabanata bilang manunulat ng Apocalipsis? Sinasabi na siya’y alipin ni Jesu-Kristo, kapatid at kabahagi sa kapighatian, at na siya’y naging tapon sa pulo ng Patmos. Kilalang-kilala siya ng mga unang mambabasa, at hindi na kailangan pa ang higit na pagpapakilala. Siya’y si apostol Juan. Inaalalayan ito ng pinaka-matatandang mananalaysay. Kinilala ni Papias, na sumulat noong unang bahagi ng ikalawang siglo C.E., na ang aklat ay apostoliko. Sinabi ni Justin Martyr, noong ikalawang siglo, sa kaniyang “Dialogue With Trypho, a Jew” (LXXXI): “May kasama tayo, nagngangalang Juan, isa sa mga apostol ni Kristo, na humula, sa pamamagitan ng kapahayagan na ibinigay sa kaniya.”a Si Irenaeus ay bumabanggit kay apostol Juan bilang manunulat, gaya rin ni Clement ng Aleksandriya at ni Tertullian, mula sa dulo ng ikalawa at pasimula sa ikatlong siglo. Sinabi ni Origen, tanyag na iskolar ng Bibliya noong ikatlong siglo: “Ang tinutukoy ko ay yaong nakahilig sa dibdib ni Jesus, si Juan, na nag-iwan ng isang Ebanghelyo, . . . na siya ring sumulat ng Apocalipsis.”b
4. (a) Ano ang sanhi ng pagbabago ng estilo sa Apocalipsis kung ihahambing sa ibang isinulat ni Juan? (b) Ano ang patotoo na ang Apocalipsis ay tunay na bahagi ng kinasihang Kasulatan?
4 Hindi dahil sa ang ibang isinulat ni Juan ay lubhang nagdiriin sa pag-ibig ay hindi na niya kayang isulat ang mapuwersa at mariing Apocalipsis. Siya at ang kapatid niyang si Santiago ay nagsiklab sa galit laban sa mga Samaritano at nais nilang magpababâ ng apoy mula sa langit. Kaya pinangalanan sila ng “Boanerges,” o “Mga Anak ng Kulog.” (Mar. 3:17; Luc. 9:54) Ang paglihis na ito sa estilo ay hindi magiging suliranin kung tatandaan na naiiba ang paksang tinatalakay sa Apocalipsis. Ang nakita ni Juan sa mga pangitain ay ibang-iba sa alinmang nakita na niya. Ang pambihirang pagkakasuwato ng aklat sa ibang makahulang Kasulatan ay tiyak na patotoo na ito’y tunay na bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos.
5. Kailan isinulat ni Juan ang Apocalipsis, at sa ilalim ng anong mga kalagayan?
5 Ayon sa pinakamaagang patotoo, isinulat ni Juan ang Apocalipsis noong mga 96 C.E., humigit-kumulang 26 na taon matapos mawasak ang Jerusalem. Ito’y sa pagtatapos ng pamamahala ni Emperador Domitian. Bilang patotoo, sinasabi ni Irenaeus tungkol sa Apocalipsis, sa kaniyang “Against Heresies” (V, xxx): “Hindi lubhang katagalan mula nang ito’y makita, halos ay sa atin mismong kaarawan, sa pagtatapos ng pamamahala ni Domitian.”c Sina Eusebius at Jerome ay sang-ayon sa patotoong ito. Si Domitian ay kapatid ni Tito, na nanguna sa mga Romano sa pagwasak sa Jerusalem. Naging emperador siya nang mamatay si Tito, 15 taon bago isulat ang Apocalipsis. Iniutos niyang siya’y sambahin bilang diyos at inangkin niya ang titulong Dominus et Deus noster (nangangahulugang “Ating Panginoon at Diyos”).d Ang mga sumasamba sa diyus-diyosan ay hindi tutol sa pagsamba sa emperador, ngunit hindi nakilahok ang mga Kristiyano, na hindi nakipagkompromiso sa pananampalataya. Kaya sa pagtatapos ng pamamahala ni Domitian (81-96 C.E.), dumating sa mga Kristiyano ang mahigpit na pag-uusig. May palagay na si Juan ay ipinatapon ni Domitian sa Patmos. Nang si Domitian ay paslangin noong 96 C.E., hinalinhan siya ng mas mapagparayang emperador na si Nerva, na malamang na nagpalaya kay Juan. Tinanggap ni Juan ang mga pangitaing kaniyang iniulat nang siya’y bilanggo sa Patmos.
6. Dapat malasin ang Apocalipsis bilang ano, at papaano ito maaaring hatiin?
6 Ang nakita at isinulat ni Juan sa mga kongregasyon ay hindi basta serye ng di-magkakaugnay na pangitaing iniulat nang kahit papaano na lamang. Hindi, ang aklat ng Apocalipsis, buhat pasimula hanggang wakas, ay isang maliwanag na larawan ng hinaharap, mula sa isang pangitain tungo sa susunod hanggang sa ganap na maisiwalat ang mga layunin ng Kaharian ng Diyos sa katapusan ng mga pangitain. Kaya ang Apocalipsis ay isang kabuuan na may ugnay-ugnay, magkakasuwatong bahagi, na naghahatid sa atin mula noong panahon ni Juan tungo sa malayong hinaharap. Pagkatapos ng pambungad (Apoc. 1:1-9), ang aklat ay maaaring hatiin sa 16 na pangitain: (1) 1:10–3:22; (2) 4:1–5:14; (3) 6:1-17; (4) 7:1-17; (5) 8:1–9:21; (6) 10:1–11:19; (7) 12:1-17; (8) 13:1-18; (9) 14:1-20; (10) 15:1–16:21; (11) 17:1-18; (12) 18:1–19:10; (13) 19:11-21; (14) 20:1-10; (15) 20:11–21:8; (16) 21:9–22:5. Ang mga pangitain ay may nagpapakilos na pangwakas, kung saan si Jehova, si Jesus, ang anghel, at si Juan ay pawang nagsasalita, at nagbibigay ng katapusang patotoo bilang mga pangunahing tauhan sa hanay ng pakikipagtalastasan.—22:6-21.
NILALAMAN NG APOCALIPSIS
7. Ano ang sinasabi ni Juan tungkol sa pinagmulan ng Apocalipsis, at sa ano raw niya karamay ang pitong kongregasyon?
7 Ang pambungad (1:1-9). Ipinaliliwanag ni Juan ang banal na Pinagmulan at ang bahagi ng anghel sa hanay ng paghahayag, at sumulat siya sa pitong kongregasyon sa distrito ng Asya. Ginawa sila ni Jesu-Kristo na “isang kaharian, mga saserdote sa kaniyang Diyos at Ama,” si Jehova, ang Makapangyarihan-sa-Lahat. Ipinaalaala ni Juan na karamay niya sila “sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis na kaisa ni Jesus,” bilang isang tapon sa Patmos.—1:6, 9.
8. (a) Ano ang iniutos kay Juan na gawin? (b) Sino ang nakikita niya sa gitna ng mga kandelero, at ano ang ipinaliliwanag ng Isang ito?
8 Ang mga mensahe sa pitong kongregasyon (1:10–3:22). Sa unang pangitain, kinasihan si Juan upang makarating sa araw ng Panginoon. Sinabi ng isang malakas, tulad-pakakak na tinig na isulat sa balumbon ang nakikita niya at ipadala ito sa pitong kongregasyon, sa Efeso, Smirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodicea. Nang humarap siya sa tinig, nakita ni Juan ang isang “gaya ng anak ng tao” sa gitna ng pitong kandelero, na may pitong bituin sa kaniyang kanang kamay. Nagpakilala Siya bilang “ang Una at ang Huli,” ang namatay ngunit ngayo’y nabubuhay magpakailanman at may susi ng kamatayan at ng Hades. Siya ang binuhay-muling si Jesu-Kristo. Nagpaliwanag Siya: “Ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong kongregasyon, at ang pitong kandelero ay ang pitong kongregasyon.”—1:13, 17, 20.
9. Anong komendasyon at payo ang ibinibigay sa mga kongregasyon sa Efeso, Smirna, Pergamo, at Tiatira?
9 Inutusan si Juan na sumulat sa anghel ng kongregasyon ng Efeso, na sa kabila ng kasipagan, pagtitiis, at pagtanggi sa masasama, ay nag-iwan ng unang pag-ibig at dapat magsisi at manumbalik sa unang mga gawa. Sinabihan ang kongregasyon sa Smirna na sa kabila ng kapighatian at karalitaan nito, sila’y mayaman at hindi sila dapat matakot: “Magtapat ka hanggang kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng buhay.” Ang kongregasyon sa Pergamo, na nasa “kinaroroonan ng luklukan ni Satanas,” ay nananatiling matibay sa pangalan ni Kristo, ngunit may mga apostata sa gitna nila, kaya sila’y dapat magsisi at kung hindi’y makikipagbaka sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng mahabang tabak ng kaniyang bibig. Sa Tiatira ang kongregasyon ay may “pag-ibig at pananampalataya at ministeryo at pagtitiis,” ngunit pinahihintulutan nito “ang babaeng si Jezebel.” Gayunman, ang mga nanghahawakang matibay ay tatanggap ng “kapamahalaan sa mga bansa.”—2:10, 13, 19, 20, 26.
10. Anong mga mensahe ang ipinadala sa mga kongregasyon sa Sardis, Filadelfia, at Laodicea?
10 Ang kongregasyon sa Sardis ay buháy, ngunit ito’y patay sapagkat ang kaniyang mga gawa ay hindi ganap sa harapan ng Diyos. Gayunman, ang mga pangalan ng mga magtatagumpay ay hindi buburahin sa aklat ng buhay. Ang kongregasyon sa Filadelfia ay tumupad sa salita ni Kristo, kaya nangako siyang iingatan sila “sa oras ng pagsubok, na darating sa buong tinatahanang lupa.” Ang magtatagumpay ay gagawin ni Kristo na haligi sa templo ng Kaniyang Diyos. Sinasabi niya: “Isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Diyos at ang pangalan ng lungsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem . . . at ang aking sariling bagong pangalan.” Nagpapakilala bilang “ang pasimula ng paglalang ng Diyos,” sinabi ni Kristo sa kongregasyon sa Laodicea na ito ay malahininga at kaniya itong isusuka. Bagaman ipinaghahambog ang kayamanan, ang mga taga-roon ay dukha, bulag, at hubad. Kailangan nila ng mapuputing damit, at ng pampahid sa mata upang makakita. Papasok si Jesus at makikisalo sa kaninomang magpapatulóy sa kaniya. Ang magtatagumpay ay mauupong kasama ni Kristo sa kaniyang luklukan, gaya rin niya na naupong kasama ng Ama sa Kaniyang luklukan.—3:10, 12, 14.
11. Anong marilag na pangitain ang sumunod na nakita ni Juan?
11 Ang pangitain ng kabanalan at kaluwalhatian ni Jehova (4:1–5:14). Dinadala tayo ng ikalawang pangitain sa marilag na luklukan ni Jehova sa langit. Ang tanawin ay nakasisilaw sa ganda, gaya ng kinang ng mamahaling bato. Sa paligid ng lulukan ay nakaupo ang 24 na matatandang may korona. Apat na buháy na nilalang ang nag-uukol ng kabanalan kay Jehova, at siya’y sinasamba bilang karapat-dapat “tumangap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kapangyarihan” bilang Maylikha ng lahat.—4:11.
12. Sino lamang ang karapat-dapat magbukas ng balumbon na may pitong tatak?
12 “Ang Isa na nakaupo sa luklukan” ay may hawak na balumbon na may pitong tatak. Sino ang karapat-dapat magbukas ng balumbon? Tanging “ang Leon mula sa angkan ni Juda, ang ugat ni David”! Ang Isang ito, na siya ring “pinatay na Kordero,” ang kumukuha ng balumbon mula sa kamay ni Jehova.—5:1, 5, 12.
13. Anong pangitain ang kasabay ng pagbubukas ng unang anim na tatak?
13 Binubuksan ng Kordero ang anim na tatak ng balumbon (6:1–7:17). Nagsisimula ang ikatlong pangitain. Binubuksan ng Kordero ang mga tatak. Una, ang sakay ng maputing kabayo “ay yumaong nagtatagumpay at upang lubusin ang tagumpay.” Pagkatapos, ang sakay ng kabayong mapula ay nag-alis ng kapayapaan sa lupa, at isa pang nakasakay sa itim na kabayo ay nagrarasyon ng mga butil. Isang maputlang kabayo ang sinasakyan ng Kamatayan, at kasunod niya’y ang Hades. Binuksan ang ikalimang tatak, at ang “mga pinatay dahil sa salita ng Diyos” ay sumisigaw na ipaghiganti ang kanilang dugo. (6:2, 9) Sa pagbubukas ng ikaanim na tatak, lumindol nang malakas, nagdilim ang araw at buwan, at ang mga makapangyarihan sa lupa ay nanawagan sa mga bundok na sila’y tabunan at ikubli kay Jehova at sa galit ng Kordero.
14. Ano ang sumunod na nakita tungkol sa mga alipin ng Diyos at sa di-mabilang na malaking pulutong?
14 Matapos ito, nagsisimula ang ikaapat na pangitain. Apat na anghel ang pumipigil sa apat na hangin ng lupa hanggang matatakan sa noo ang mga alipin ng Diyos. Ang bilang nila ay 144,000. Saka nakita ni Juan ang di-mabilang na lubhang karamihan mula sa lahat ng bansa na nakatayo sa harap ng Diyos at ng Kordero na pinagkakautangan nila ng kaligtasan, upang maglingkod sila araw at gabi sa templo ng Diyos. Ang Kordero mismo ‘ay magpapastol at aakay sa kanila sa mga bukal ng tubig ng buhay.’—7:17.
15. Ano ang sumunod sa pagbubukas ng ikapitong tatak?
15 Binuksan ang ikapitong tatak (8:1–12:17). Naging tahimik sa langit. Pitong anghel ang binigyan ng pitong pakakak. Ang ikalimang pangitain ay binuo ng unang anim na hihip ng pakakak.
16. (a) Ano ang kasabay ng sunud-sunod na paghihip ng unang limang pakakak, at ano ang una sa tatlong kaabahan? (b) Ano ang inihahayag ng ikaanim na pakakak?
16 Sa sunud-sunod na hihip ng unang tatlong pakakak, napahamak ang lupa, ang dagat, at ang mga ilog at bukal ng tubig. Sa ikaapat na pakakak, nagdilim ang ikatlong bahagi ng araw, ng buwan, at ng mga bituin. Sa ikalimang paghihip, isang bituin sa langit ang nagpakawala ng salot ng mga balang na nanakit “sa mga walang tatak ng Diyos sa kanilang noo.” Ito ang “unang kaabahan,” at may dalawa pang susunod. Kinalagan ng ikaanim na pakakak ang apat na anghel na tagapuksa. “Makalawang laksa ng mga laksa” na mga mangangabayo ang nagdulot ng higit pang kapahamakan at pamamaslang, ngunit hindi pa rin nagsisisi ang mga tao.—9:4, 12, 16.
17. Anong mga pangyayari ang humantong sa paghahayag na natapos na ang ikalawang kaabahan?
17 Sa pasimula ng ikaanim na pangitain, isa pang malakas na anghel ang nanaog mula sa langit at nagpahayag na “sa mga kaarawan na marinig ang ikapitong anghel . . . ang banal na lihim ng Diyos na naaayon sa mabuting balita” ay matatapos na. Ipinakain kay Juan ang isang maliit na balumbon. Ito’y “sintamis ng pulot-pukyutan” sa kaniyang bibig, ngunit pumait ang kaniyang tiyan. (10:7, 9) Dalawang saksing nakasuot ng magaspang na kayo ang nagpatotoo nang 1,260 araw; pinatay sila ng “mabangis na hayop na umaahon mula sa kalaliman,” at ang kanilang bangkay ay naiwang tatlo at kalahating araw “sa malapad na lansangan ng dakilang lungsod.” Nagalak ang mga naninirahan sa lupa, ngunit napalitan ito ng takot nang sila’y buhaying-muli ng Diyos. Nang oras na yaon ay nagkaroon ng malakas na lindol. “Natapos na ang ikalawang kaabahan.”—11:7, 8, 14.
18. Ano ang mahalagang patalastas ng ikapitong pakakak, at panahon na ukol sa ano?
18 Humihip ang ikapitong anghel. Sinabi ng mga tinig sa langit: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng Panginoon at ng kaniyang Kristo.” “Dalawampu’t apat na matatanda” ang sumamba sa Diyos at nagpasalamat, ngunit nagalit ang mga bansa. Panahon na upang hatulan ng Diyos ang mga patay at gantimpalaan ang mga banal at “ipahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.” Nabuksan ang santwaryo ng templo, at nakita roon ang kaban ng tipan.—11:15, 16, 18.
19. Anong tanda at pagbabaka ang nakita sa langit, ano ang resulta, at papaano ito nagsangkot sa ikatlong kaabahan?
19 Matapos ibalita ang pagkatatag ng Kaharian, inihayag agad ng ikapitong pangitain ang “isang dakilang tanda” sa langit. Isang babae ay magsisilang ng “isang anak, isang lalaki, na magpapastol sa mga bansa sa pamamagitan ng panghampas na bakal.” “Isang malaking dragong mapula” ang nag-aabang sa bata ngunit ito ay dinala sa luklukan ng Diyos. Si Miguel ay nakipagdigma sa dragon, at inihagis sa lupa ang “matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” “Sa aba ng lupa”! Inusig ng dragon ang babae at nakipagbaka sa mga nalabi ng binhi nito.—12:1, 3, 5, 9, 12; 8:13.
20. Anong dalawang mabangis na hayop ang sumunod na nakita sa pangitain, at papaano nila iniimpluwensiyahan ang mga tao sa lupa?
20 Ang mabangis na hayop mula sa dagat (13:1-18). Makikita sa ikawalong pangitain na umaahon sa dagat ang isang mabangis na hayop na may pitong ulo at sampung sungay. Ang kapangyarihan nito ay galing sa dragon. Ang isa sa mga ulo nito ay waring napatay, ngunit gumaling, at ang buong lupa ay humanga sa hayop. Nagsalita ito ng pamumusong laban sa Diyos at nakipagbaka sa mga banal. Subalit masdan! Nakakita si Juan ng isa pang hayop, ito’y umaahon sa lupa. May dalawa itong sungay na gaya ng kordero, ngunit parang dragon kung magsalita. Dinadaya nito ang mga naninirahan sa lupa at inuutusan sila na gumawa ng larawan ng unang mabangis na hayop. Lahat ay pinilit sumamba sa larawan at kung hindi’y papatayin sila. Ang mga walang tanda o bilang ng mabangis na hayop ay hindi makabibili o makapagbibili ng anoman. Ang bilang nito ay 666.
21. Ano ang nakita ni Juan sa Bundok Sion, ano ang dala-dala at ipinapahayag ng mga anghel, at papaano iniligpit ang ubasan ng lupa?
21 Ang “walang-hanggang mabuting balita” at kaugnay na mga mensahe (14:1-20). Kabaligtaran nito, sa ikasiyam na pangitain, nakikita ni Juan ang Kordero sa Bundok Sion, kasama ang 144,000 na may mga pangalan ng Kordero at ng Ama sa kanilang noo. “Sila’y umaawit ng wari’y isang bagong awit sa harapan ng luklukan,” at sila’y “binili mula sa sangkatauhan bilang mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero.” Isang anghel sa gitna ng langit ay may “walang-hanggang mabuting balita na ihahayag bilang masayang balita” sa bawat bansa, at nagsasabi: “Matakot sa Diyos at luwalhatiin siya.” Isa pang anghel ang nagpahayag: “Bumagsak na ang Babilonyang Dakila!” At isa pa, ang ikatlo, ay nagpahayag na yaong sumasamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito ay iinom ng galit ng Diyos. Ang isang “gaya ng anak ng tao” ay humawak ng panggapas, at isa pang anghel ang humawak din ng panggapas upang tipunin ang ubasan ng lupa, sa “malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.” Nang yurakan ito sa labas ng lungsod, ang dugo ay umabot sa preno ng mga kabayo, “sa lawak na isang libo at anim na raang estadio” (mga 296 kilometro).—14:3, 4, 6-8, 14, 19, 20.
22. (a) Sino ang sumunod na lumuluwalhati kay Jehova, at bakit? (b) Saan ibinubuhos ang pitong mangkok ng galit ng Diyos, at anong yumayanig-sa-daigdig na mga pangyayari ang sumunod?
22 Ang mga anghel na may pitong huling salot (15:1–16:21). Sa ikasampung pangitain, muling natatanaw ang makalangit na korte. Ang mga nagtagumpay laban sa mabangis na hayop ay lumuwalhati kay Jehova, ang “Haring walang-hanggan,” dahil sa kaniyang dakila at kagila-gilalas na mga gawa. Pitong anghel ang lumabas sa santwaryo at pinagkalooban ng pitong gintong mangkok na punô ng galit ng Diyos. Ang unang anim ay ibinuhos sa lupa, sa dagat, sa mga ilog at bukal ng tubig, sa araw, sa luklukan ng mabangis na hayop, at sa ilog Eufrates, na natuyo upang madaanan ng “mga hari mula sa sikatan ng araw.” Tinipon ng maka-demonyong mga kapahayagan ang ‘mga hari ng buong tinatahanang lupa sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat’ sa Har–Magedon. Ibinuhos sa hangin ang ikapitong mangkok, kasabay ng nakasisindak na mga kababalaghan, nahati sa tatlo ang dakilang lungsod, nawasak ang mga lungsod sa lupa, at ininom ng Babilonya ‘ang saro ng alak ng mabangis na galit ng Diyos.’—15:3; 16:12, 14, 19.
23. (a) Papaano iginawad ang hatol sa Babilonyang Dakila? (b) Anong mga patalastas at panaghoy ang kasabay ng kaniyang pagbagsak, at anong nakagagalak na papuri ang umalingawngaw sa langit?
23 Ang hatol ng Diyos sa Babilonya; ang kasalan ng Kordero (17:1–19:10). Nagsimula ang ika-11 pangitain. Ito’y hatol ng Diyos sa “Babilonyang Dakila, ina ng mga patutot,” “na pinakiapiran ng mga hari sa lupa.” Lasing sa dugo ng mga banal, sakay siya ng mabangis na hayop na kulay-pula na may pitong ulo at sampung sungay. Ang hayop “ay naging siya, subalit wala na, gayunma’y malapit nang umahon mula sa kalaliman.” Ang sampung sungay ay nakipagdigma sa Kordero, at palibhasa’y “Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari,” dinaig niya sila. Ang patutot ay binalingan at nilamon ng sampung sungay, at sa ika-12 pangitain, isa pang anghel, na ang kaluwalhatian ay nagbigay-liwanag sa lupa, ay nagpahayag: “Bumagsak na! Bumagsak na ang Babilonyang Dakila!” Inutusan ang bayan ng Diyos na lumabas sa kaniya, upang huwag maramay sa kaniyang mga salot. Tinangisan siya ng mga hari at ng mga makapangyarihan sa lupa: “Sa aba, sa aba, ikaw na dakilang lungsod, Babilonya, ikaw na matibay na lungsod, sapagkat sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo!” Lahat ng kayamanan niya’y nawasak. Inihagis sa dagat ang isang malaking gilingang-bato, kaya sa isang mabilis na paghagis ay ibinulusok ang Babilonya, upang huwag nang masumpungang muli. Sa wakas naipaghiganti rin ang dugo ng mga banal! Apat na beses umalingawngaw sa langit ang: “Aleluya!” Purihin si Jah pagkat hinatulan niya ang dakilang patutot! Purihin si Jah pagkat naghahari na si Jehova! Magalak at magsaya pagkat “dumating na ang kasalan ng Kordero at ang kaniyang asawa ay nakapaghanda na”!—17:2, 5, 8, 14; 18:2, 10; 19:1, 3, 4, 6, 7.
24. (a) Gaano katagumpay ang pakikipagdigma ng Kordero? (b) Ano ang naganap sa loob ng isang libong taon, at ano ang nangyari nang matapos ito?
24 Ang matuwid na pakikidigma ng Kordero (19:11–20:10). Sa ika-13 pangitain, ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon” ay nanguna sa mga hukbo ng langit sa matuwid na digmaan. Ang mga hari at makapangyarihang mga lalaki ay kinain ng mga ibon, at ang mabangis na hayop at ang huwad na propeta ay inihagis na buháy sa dagat na nagliliyab sa asupre. (19:16) Sa ika-14 na pangitain, isang anghel ang “pumapanaog mula sa langit na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay.” “Ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas,” ay ginapos ng isang libong taon. Ang mga kasama sa unang pagkabuhay- na-muli ay magiging ‘mga saserdote ng Diyos at ng Kristo at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.’ Pawawalan uli si Satanas upang mandaya sa mga bansa, ngunit siya’y ihahagis, sampu ng mga tagasunod niya, sa dagat-dagatang apoy.—20:1, 2, 6.
25. Anong kapana-panabik na pangitain ang sumunod, at sino ang magmamana sa mga bagay na nakita?
25 Ang Araw ng Paghuhukom at ang kaluwalhatian ng Bagong Jerusalem (20:11–22:5). Sumusunod ang kapana-panabik na ika-15 pangitain. Ang mga patay, malalaki at maliliit, ay hinahatulan sa harap ng malaki at maputing luklukan ng Diyos. Inihagis ang Kamatayan at ang Hades sa dagat-dagatang apoy, ang “ikalawang kamatayan,” sampu ng mga hindi nakasulat sa aklat ng buhay. Nanaog mula sa langit ang Bagong Jerusalem, at ang Diyos ay nakipanahanan sa tao, na pinapahiran ang bawat luha sa kanilang mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, panambitan, o hirap pa man! Oo, ‘lahat ng bagay ay gagawing bago’ ng Diyos, at tinitiyak niya ito sa pagsasabing: “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at tunay.” Ang magtatagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito, ngunit ang mga duwag, mga walang pananampalataya, mga mahahalay, mga manggagaway o mga sumasamba sa diyus-diyosan ay hindi.—20:14; 21:1, 5.
26. (a) Papaano inilarawan ang Bagong Jerusalem? (b) Anong mga bagay na tumutustos-sa-buhay ang nakita sa lungsod, at saan galing ang liwanag nito?
26 Sa ika-16 at huling pangitain ay nakita ni Juan “ang asawa ng Kordero,” ang Bagong Jerusalem, na may 12 pintuan at 12 saligang bato na may pangalan ng 12 apostol. Ito’y parisukat, at ang maharlikang karilagan nito ay isinasagisag ng jaspe, ginto, at perlas. Ang templo ng lungsod ay si Jehova at ang Kordero, at sila rin ang liwanag nito. Yaon lamang nakasulat sa balumbon ng buhay ng Kordero ang makakapasok. (21:9) Umagos mula sa luklukan ang isang dalisay na ilog ng buhay tungo sa maluwang na lansangan ng lungsod, at sa magkabila ay mga punong-kahoy ng buhay, na namumunga bawat buwan at may mga dahon na nagpapagaling. Ang luklukan ng Diyos at ng Kordero ay nasa lungsod, at makikita ng mga alipin ng Diyos ang Kaniyang mukha. “Ang Diyos na Jehova ay magsasabog sa kanila ng liwanag, at sila’y maghahari magpakailan-kailanman.”—22:5.
27. (a) Anong katiyakan ang ibinigay kay Juan tungkol sa hula? (b) Sa anong apurahang paanyaya at babala nagtatapos ang Apocalipsis?
27 Ang pagtatapos (22:6-21). Ibinigay ang katiyakan: “Ang mga salitang ito ay tapat at tunay.” Maligaya ang tumutupad sa salita ng hula! Matapos marinig at makita ang lahat, nagpatirapa si Juan upang sambahin ang anghel, na nagsabing Diyos lamang ang dapat sambahin. Hindi dapat tatakan ang mga salita ng hula, “pagkat ang itinakdang panahon ay malapit na.” Maligaya ang papasok sa lungsod, sapagkat nasa labas ang marurumi at “bawat umiibig at gumagawa ng kasinungalingan.” Si Jesus ang nagpapatotoo sa mga kongregasyon sa pamamagitan ng anghel, at siya “ang ugat at supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.” “Ang espiritu at ang kasintahang-babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang sinomang nauuhaw ay pumarito; ang sinomang may ibig ay uminom ng walang bayad sa tubig ng buhay.” Walang magdaragdag o mag-aalis mula sa mga salita ng hula, pagkat ang bahagi niya ay aalisin “mula sa mga punongkahoy ng buhay at mula sa banal na lungsod.”—22:6, 10, 15-17, 19.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
28. Sa anong mga halimbawa mauunawaan na winawakasan ng Apocalipsis ang ulat na pinasimulan sa unang bahagi ng Bibliya?
28 Ang kinasihang koleksiyon ng 66 na aklat ng Bibliya ay maluwalhating tinatapos ng Apocalipsis! Walang nakaligtaan. Walang naiwang di-tapos. Malinaw nating nakikita ang dakilang kasukdulan at gayon din ang pasimula. Winawakasan ng huling bahagi ng Bibliya ang ulat na sinimulan ng unang bahagi. Kung papaano inilalarawan ng Genesis 1:1 ang paglalang ng Diyos sa materyal na langit at lupa, inilalarawan naman ng Apocalipsis 21:1-4 ang bagong langit at bagong lupa at ang di-mabilang na pagpapala sa sangkatauhan, gaya ng inihula sa Isaias 65:17, 18; 66:22; at 2 Pedro 3:13. Kung papaanong sinabihan ang unang tao na siya’y mamamatay kung susuway, tinitiyak din ng Diyos na para sa mga masunurin ay “hindi na magkakaroon ng kamatayan.” (Gen. 2:17; Apoc. 21:4) Nang unang lumitaw ang Ahas na dumadaya sa sangkatauhan, inihula ng Diyos ang pagdurog sa ulo nito, at ipinakikita ng Apocalipsis na sa wakas “ang matandang Ahas, na siyang Diyablo at Satanas,” ay ibubulid sa pagkapuksa. (Gen. 3:1-5, 15; Apoc. 20:10) Bagaman ang masuwaying tao ay itinaboy mula sa punongkahoy ng buhay sa Eden, may simbolikong mga punongkahoy ng buhay para “sa pagpapagaling sa mga bansa” ng masunuring sangkatauhan. (Gen. 3:22-24; Apoc. 22:2) Kung papaanong umagos ang isang ilog sa Eden upang diligin ang halamanan, isang makasagisag na ilog, na nagbibigay at tumutustos sa buhay, ay umaagos mula sa luklukan ng Diyos. Kahawig ito ng naunang pangitain ni Ezekiel, at nagpapaalaala sa mga salita ni Jesus tungkol sa “isang balon ng tubig na bumubukal upang maghatid ng buhay na walang hanggan.” (Gen. 2:10; Apoc. 22:1, 2; Ezek. 47:1-12; Juan 4:13, 14) Kabaligtaran ng pagkapalayas ng unang lalaki at babae sa harapan ng Diyos, ang mga matagumpay ay makakakita sa kaniyang mukha. (Gen. 3:24; Apoc. 22:4) Talagang kapaki-pakinabang ang pagrerepaso sa kapana-panabik na mga pangitain ng Apocalipsis!
29. (a) Papaano pinag-uugnay ng Apocalipsis ang mga hula tungkol sa Babilonya? (b) Sa Daniel at sa Apocalipsis, anong mga pagkakahawig ang mapapansin sa mga pangitain ng Kaharian, at gayon din sa mga hayop?
29 Pansinin din kung papaano pinag-uugnay ng Apocalipsis ang mga hula tungkol sa balakyot na Babilonya. Nakini-kinita ni Isaias ang pagbagsak ng literal na Babilonya matagal bago ito nangyari, at sinabi niya: “Bumagsak na! Ang Babilonya ay bumagsak na!” (Isa. 21:9) Humula rin si Jeremias laban sa Babilonya. (Jer. 51:6-12) Subalit ang Apocalipsis ay makasagisag na nagsasalita tungkol sa “Babilonyang Dakila, ina ng mga patutot at ng kasuklam-suklam na mga bagay sa lupa.” Siya rin ay dapat ibagsak, at nakita ito ni Juan sa pangitain, sa pagsasabing: “Bumagsak na! Bumagsak na ang Babilonyang Dakila!” (Apoc. 17:5; 18:2) Naaalaala ba ninyo ang pangitain ni Daniel tungkol sa kaharian ng Diyos na dudurog sa ibang kaharian at na mananatili “sa mga panahong walang takda”? Pansinin na ito’y kaugnay ng makalangit na kapahayagan sa Apocalipsis: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at siya’y maghahari magpakailan-kailanman.” (Dan. 2:44; Apoc. 11:15) At kung papaano inilarawan ni Daniel ‘ang isang gaya ng anak ng tao na dumarating sa mga alapaap upang tumanggap ng walang-hanggang kapamahalaan at karangalan at kaharian,’ ipinakikilala ng Apocalipsis si Jesu-Kristo bilang “Pinunò ng mga hari sa lupa” na “pumaparitong nasa mga alapaap,” at na “makikita siya ng bawat mata.” (Dan. 7:13, 14; Apoc. 1:5, 7) Mapapansin din na ang mga hayop sa pangitain ni Daniel ay kahawig ng mga hayop sa Apocalipsis. (Dan. 7:1-8; Apoc. 13:1-3; 17:12) Ang Apocalipsis ay tunay na isang malawak na larangan ng pag-aaral na nagpapatibay sa pananampalataya.
30. (a) Anong kumpletong larawan ang ibinibigay ng Apocalipsis sa pagbanal sa pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian? (b) Ano ang idiniriin tungkol sa kabanalan, at sino ang apektado nito?
30 Kamangha-mangha ang iba’t-ibang pangitain ng Apocalipsis tungkol sa Kaharian ng Diyos! Itinatampok ang sinabi ng mga propeta at ni Jesus at ng mga alagad. Narito ang buong larawan ng pagbanal sa pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian: “Banal, banal, banal si Jehovang Diyos, ang Makapangyarihan-sa-Lahat.” Marapat siyang “tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kapangyarihan.” Siya ay ‘humawak ng dakilang kapangyarihan at nagsimulang maghari’ sa pamamagitan ni Kristo. Napaka-sigasig ng maharlikang Anak na ito, ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” sa paghampas sa mga bansa at pagyurak “sa pisaan ng ubas ng mabangis na galit ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat”! Habang palapit sa sukdulan ang dakilang tema ng pagbabangong-puri kay Jehova, idiniriin na ang bawat tao at bagay na kaugnay ng mga layunin ng Kaharian ay dapat maging banal. Ang Kordero, si Jesu- Kristo, na “may susi ni David,” ay banal, sampu ng mga anghel sa langit. “Maligaya at banal” ang kasama sa unang pagkabuhay-na-muli at ang “alinmang bagay na karumal-dumal o ang sinomang gumagawa ng kasuklam-suklam” ay hindi makakapasok sa “banal na lungsod ng Jerusalem.” Kaya ang mga binili ng dugo ng Kordero “upang maging isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos” ay pinatitibay-loob na magpakabanal sa harap ni Jehova. Ang “malaking pulutong” ay dapat ding ‘maghugas at magpaputi ng damit sa dugo ng Kordero’ upang makapaghandog ng banal na paglilingkod.—Apoc. 4:8, 11; 11:17; 19:15, 16; 3:7; 14:10; 20:6; 21:2, 10, 27; 22:19; 5:9, 10; 7:9, 14, 15.
31. Anong mga pitak ng Kaharian ang sa Apocalipsis lamang itinatawag-pansin?
31 Ang pangitain ng maringal at banal na Kaharian ng Diyos ay nabubuo sa isipan samantalang itinatawag-pansin ang ilang bahagi na masusumpungan lamang sa Apocalipsis. Narito ang kumpletong pangitain ng mga tagapagmana ng Kaharian na kasama ng Kordero sa Bundok Sion, na umaawit ng bagong awit na sila lamang ang nakakaalam. Apocalipsis lamang ang bumabanggit sa bilang ng mga binili sa lupa upang makapasok sa Kaharian—144,000—at sila ay tinatakan mula sa 12 simbolikong tribo ng espirituwal na Israel. Apocalipsis lamang ang nagpapakita na ang ‘mga saserdote at hari’ na kaisa ni Kristo sa unang pagkabuhay-na-muli ay maghahari ring kasama niya “sa loob ng isang libong taon.” Apocalipsis lamang ang may kumpletong larawan ng “banal na lungsod, ang Bagong Jerusalem,” ng maningning na kaluwalhatian nito, na si Jehova at ang Kordero ang templo nito, ng 12 pintuan at batong saligan nito, at ng mga hari na magpupunò magpakailanman sa pamamagitan ng walang-hanggang liwanag na isinasabog ni Jehova.—14:1, 3; 7:4-8; 20:6; 21:2, 10-14, 22; 22:5.
32. (a) Papaanong ang lahat ng naihula tungkol sa Binhi ng Kaharian ay nabubuo sa pangitain ng “bagong langit” at ng “banal na lungsod, ang Bagong Jerusalem”? (b) Anong mga pagpapala ang tinitiyak ng Kaharian para sa tao sa lupa?
32 Masasabi nga na lahat ng inihula ng Kasulatan mula noong una tungkol sa Binhi ng Kaharian ay nabubuo sa pangitain ng “bagong langit” at ng “banal na lungsod, ang Bagong Jerusalem.” Inasam-asam ni Abraham ang binhi na sa pamamagitan nito ‘lahat ng sambahayan sa lupa ay pagpapalain ang kanilang sarili’, at ang “lungsod na may tunay na patibayan, na ang nagtayo at maygawa ay ang Diyos.” Ngayon, sa pangitain ng Apocalipsis, ang lungsod ng pagpapala ay malinaw na ipinakikilala bilang ang “bagong langit”—isang bagong pamahalaan, ang Kaharian ng Diyos, na binubuo ng Bagong Jerusalem (ang kasintahan ni Kristo) at ng Kasintahang-lalaki. Pangangasiwaan nila ang isang matuwid na pamahalaan sa buong lupa. Ipinapangako ni Jehova sa tapat na sangkatauhan na sila’y magiging “kaniyang bayan” sa maligaya, walang-kasalanan, walang-kamatayang kalagayan na tinamasa ng tao sa Eden. At bilang pagdiriin, makalawang sinasabi ng Apocalipsis na “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mata.”—Gen. 12:3; 22:15-18; Heb. 11:10; Apoc. 7:17; 21:1-4.
33. (a) Anong kamangha-manghang pangkalahatang pangitain ang ibinibigay ng Apocalipsis tungkol sa natupad na mga pangako ng Diyos? (b) Papaano napatunayan na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang,” at bakit dapat pag-aralan at sundin ang Salita ng Diyos?
33 Oo, ito’y napakadakilang konklusyon para sa kinasihang Kasulatan! Kamangha-mangha ang “mga bagay na malapit nang maganap”! (Apoc. 1:1) Pinagiging-banal ang pangalan ni Jehova, “ang Diyos ng mga kinasihang kapahayagan ng mga propeta.” (22:6) Ipinakikita ang katuparan ng makahulang mga kasulatan ng nakalipas na 16 na siglo, at ang gantimpala sa mga gawa ng pananampalataya sa nakalipas na libu-libong taon! Patay na “ang matandang ahas,” nalipol na ang kaniyang hukbo, at wala nang kasamaan. (12:9) Nagpupuno na ang Kaharian ng Diyos bilang “bagong langit” sa kapurihan niya. Ang mga pagpapala ng isinauling lupa, na pinunô at sinupil ayon sa layunin ni Jehova na ipinahayag sa unang kabanata ng Bibliya, ay magpapatuloy nang maluwalhati sa kawalang-hanggan. (Gen. 1:28) Napatunayan na lahat ng Kasulatan ay “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” Ginamit ito ni Jehova upang akayin ang mga ganap, lubos na nasasangkapang mga tao na sumasampalataya hanggang sa kagila-gilalas na araw na ito. Kaya, pag-aralan ang mga Kasulatan upang patibayain ang inyong pananampalataya. Sundin ang iniuutos nito upang makamit ang pagpapala ng Diyos. Sundin ang matuwid na landas na umaakay sa buhay na walang-hanggan. Sa paggawa nito, masasabi rin ninyo, kasuwato ng tiyak na pagtitiwala ng pagsasara ng huling aklat ng Bibliya: “Siya nawa! Pumarito ka, Panginoong Jesus.”—2 Tim. 3:16; Apoc. 22:20.
34. Papaano tayo magkakamit ngayon ng walang-kahulilip na kagalakan, at bakit?
34 Walang-kahulilip na kagalakan ang tatamasahin natin ngayon sa pagbubunyi “sa kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo,” ang Binhi, sapagkat ito’y nagbubunga ng walang-hanggang pagpapakabanal sa natatanging pangalan ng “Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-Lahat”!—Apoc. 11:15, 17.
[Mga talababa]
a The Ante-Nicene Fathers, Tomo I, pahina 240.
b The Ecclesiastical History, Eusebius, VI, xxv, 9, 10.
c The Ante-Nicene Fathers, Tomo I, pahina 559-60.
d The Lives of the Caesars (Domitian, XIII, 2).