Ezekiel
47 At ibinalik niya ako sa pasukan ng templo,+ at may nakita akong tubig na umaagos pasilangan sa ilalim ng bungad ng templo,+ dahil ang templo ay nakaharap sa silangan. Ang tubig ay umaagos sa ilalim ng kanang bahagi ng templo, sa timog ng altar.
2 Pagkatapos, idinaan niya ako sa hilagang pintuang-daan+ para makalabas at inilibot hanggang sa pintuang-daan ng malaking looban na nakaharap sa silangan,+ at may nakita akong kaunting tubig na umaagos sa gawing kanan.
3 Ang lalaking may dalang pising panukat+ ay sumukat ng 1,000 siko* pasilangan, at pinadaan niya ako sa tubig; ang tubig ay hanggang sa bukung-bukong.
4 At sumukat siya ulit ng 1,000 at pinadaan ako sa tubig, at hanggang tuhod ito.
Sumukat siya ulit ng 1,000 at pinadaan ako rito, at ang tubig ay hanggang sa balakang.
5 Nang sumukat siya ulit ng 1,000, isa na itong ilog na hindi ko kayang tawirin; napakalalim na ng tubig kaya kailangan nang lumangoy para matawid ito.
6 Tinanong niya ako: “Nakita mo ba ito, anak ng tao?”
At pinalakad niya ako pabalik sa pampang ng ilog. 7 Pagbalik ko, nakakita ako ng napakaraming puno sa magkabilang pampang ng ilog.+ 8 At sinabi niya sa akin: “Ang tubig na ito ay umaagos papunta sa silangan hanggang sa Araba,*+ at aabot ito sa dagat. Kapag nasa dagat na ito,+ magiging sariwa ang tubig doon. 9 Mabubuhay ang mga kulumpon ng buháy na mga nilalang* saanman umagos ang tubig.* Magkakaroon doon ng napakaraming isda, dahil aagos doon ang tubig na ito. Magiging sariwa ang tubig sa dagat, at ang lahat ay mabubuhay kung saan umaagos ang ilog.
10 “Tatayo sa tabi ng dagat ang mga mangingisda, mula En-gedi+ hanggang En-eglaim, kung saan magkakaroon ng patuyuan ng mga lambat. Magkakaroon ng maraming isda na iba’t ibang klase, gaya ng mga isda sa Malaking Dagat.*+
11 “May mga latian at maputik na mga lugar, at hindi mababago ang mga iyon. Mananatiling maalat ang mga iyon.+
12 “Tutubo sa magkabilang pampang ng ilog ang lahat ng klase ng punong namumunga. Hindi malalanta ang mga dahon ng mga ito; hindi rin titigil sa pamumunga ang mga ito. Mamumunga ang mga puno buwan-buwan, dahil ang tubig na dumidilig sa mga ito ay umaagos mula sa santuwaryo.+ Ang bunga ng mga ito ay magiging pagkain at ang mga dahon ay pampagaling.”+
13 Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Ito ang teritoryong hahati-hatiin ninyo sa 12 tribo ng Israel bilang mana, at si Jose ay magkakaroon ng dalawang bahagi.+ 14 Mamanahin ninyo ito at magkakapareho ng sukat ang tatanggapin ninyo.* Ipinangako* ko ang lupaing ito sa inyong mga ninuno,+ at ngayon ay ibinibigay ito sa inyo bilang mana.
15 “Ito ang hangganan ng lupain sa hilaga: mula sa Malaking Dagat papunta sa Hetlon+ at hanggang sa Zedad,+ 16 Hamat,+ Berota,+ at Sibraim, na nasa pagitan ng teritoryo ng Damasco at teritoryo ng Hamat, hanggang sa Hazer-haticon, na nasa may hangganan ng Hauran.+ 17 Kaya ang hangganan ay mula sa dagat hanggang sa Hazar-enon,+ sa hangganan ng Damasco pahilaga, at sa hangganan ng Hamat.+ Ito ang hangganan sa hilaga.
18 “Ang silangang bahagi ay nasa pagitan ng Hauran at ng Damasco at nasa baybayin ng Jordan, sa pagitan ng Gilead+ at ng lupain ng Israel. Ang susukatin mo ay mula sa hangganan* hanggang sa silanganing dagat.* Ito ang hangganan sa silangan.
19 “Ang hangganan sa timog ay mula Tamar hanggang sa katubigan ng Meribat-kades,+ papunta sa Wadi* at sa Malaking Dagat.+ Ito ang hangganan sa timog.
20 “Ang hangganan sa kanluran ay ang Malaking Dagat, mula hangganan sa timog hanggang bago makarating sa Lebo-hamat.*+ Ito ang hangganan sa kanluran.”
21 “Ang lupaing ito ay paghahati-hatian ninyo, ang 12 tribo ng Israel. 22 Paghahati-hatian ninyo ito bilang mana ninyo at ng mga dayuhang naninirahang kasama ninyo na nagkaanak habang nasa gitna ninyo; at ituturing ninyo silang gaya ng katutubong Israelita. Tatanggap din sila ng mana kasama ng mga tribo ng Israel. 23 Ang manang ibibigay ninyo sa dayuhan ay dapat na nasa teritoryo ng tribo kung saan siya naninirahan,” ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.