Kapitulo 2
Pinarangalan Na Bago Pa Siya Isilang
PAGKATAPOS na sabihin ng anghel na si Gabriel sa dalagang si Maria na siya’y magsisilang ng isang sanggol na lalaki na magiging isang haring walang hanggan, nagtanong si Maria: “Papaano ngang mangyayari ito, yamang hindi ako nasisipingan ng isang lalaki?”
“Bababa sa iyo ang banal na espiritu,” ang paliwanag ni Gabriel, “at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya naman ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.”
Upang mapaniwala si Maria sa kaniyang mensahe, nagpatuloy si Gabriel: “At, narito! si Elizabeth na iyong kamag-anak ay naglihi rin naman sa isang anak na lalaki, sa kaniyang katandaan at ito ang ikaanim na buwan niya, ang tinatawag na babaing baog; sapagkat walang salita ng Diyos ang di-ikapangyayari.”
Tinanggap ni Maria ang sinabi ni Gabriel. At ano ang kaniyang itinugon? “Narito! ang aliping babae ni Jehova!” ang bulalas niya. “Mangyari nawa sa akin ayon sa sinabi mo.”
Di-nagtagal pagkaalis ni Gabriel, naghanda si Maria at naparoon upang dumalaw kay Elizabeth, na kapiling ng kaniyang asawa, si Zacarias, sa bulubunduking lupain ng Judea. Buhat sa tahanan ni Maria sa Nasaret, ito’y isang mahabang paglalakbay na marahil gumugol ng tatlo o apat na araw.
Nang sa wakas si Maria’y dumating sa bahay ni Zacarias, siya’y pumasok at naghandog ng pagbati. Nang sandaling iyon, si Elizabeth ay napuspos ng banal na espiritu, at ang sabi niya kay Maria: “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga sa iyong sinapupunan! Kaya papaanong ang pribilehiyong ito ay sumaakin, na ang ina ng aking Panginoon ay pumarito sa akin? Sapagkat, narito! sa sandaling narinig ko ang iyong pagbati, ang sanggol sa aking sinapupunan ay lumundag na taglay ang malaking kagalakan.”
Nang marinig ito, si Maria ay nagpasalamat nang buong puso: “Dinarakila ng aking kaluluwa si Jehova, at nagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas; sapagkat nilingap niya ang kababaan ng kaniyang aliping babae. Sapagkat, narito! mula ngayon lahat ng tao ay tatawagin akong maligaya; sapagkat ang makapangyarihang Isa ay gumawa ng dakilang mga bagay para sa akin.” Gayunman, sa kabila ng mga kagandahang-loob na ipinakita sa kaniya, iniukol ni Maria ang lahat ng karangalan sa Diyos. “Banal ang kaniyang pangalan,” ang sabi niya, “at sa mga lahi’t lahi ang kaniyang awa ay nasa mga nangatatakot sa kaniya.”
Nagpatuloy si Maria sa pagpuri sa Diyos sa kinasihang makahulang awit, na nagsasabi: “Siya’y nagpakita ng lakas ng kaniyang bisig, isinambulat niya ang mga palalo sa hangarin ng kanilang mga puso. Ibinaba niya ang mga prinsipe sa mga luklukan at itinaas ang mabababa; binusog niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay at pinaalis niya ang mayayaman na walang anuman. Tumulong siya sa Israel na kaniyang alipin, upang maalaala niya ang awa, gaya ng sinabi niya sa ating mga magulang, kay Abraham at sa kaniyang binhi, magpakailanman.”
Si Maria ay lumagi kina Elizabeth nang may tatlong buwan, at tiyak na siya’y nakatulong nang malaki samantalang dumaraan si Elizabeth sa mga huling linggo ng kaniyang pagdadalantao. Isang napakainam na bagay na ang dalawang tapat na mga babaing ito, na kapuwa nagdadalantao sa pamamagitan ng tulong ng Diyos, ay nagkasama sa pinagpalang panahong ito ng kanilang buhay!
Napansin ba ninyo ang karangalan na iniukol kay Jesus kahit na bago pa siya isilang? Tinawag siya ni Elizabeth na “aking Panginoon,” at ang kaniyang hindi pa isinisilang na sanggol ay lumundag nang buong kagalakan nang unang lumitaw si Maria. Sa kabilang dako, ang iba ay walang gaanong paggalang kay Maria at sa kaniyang dinadalang sanggol, gaya ng makikita natin. Lucas 1:26-56.
▪ Ano ang sinabi ni Gabriel upang tulungan si Maria na maunawaan kung papaano siya magdadalantao?
▪ Papaano pinarangalan si Jesus bago pa siya isilang?
▪ Ano ang sinabi ni Maria sa kaniyang makahulang awit sa pagpuri sa Diyos?
▪ Gaano katagal magkasama si Maria at si Elizabeth, at bakit angkop na si Maria ay sumama kay Elizabeth sa panahong ito?