ARAL 69
Dinalaw ni Gabriel si Maria
Si Elisabet ay may kamag-anak na kabataan pa. Ang pangalan nito ay Maria, na nakatira sa lunsod ng Nazaret sa Galilea. Si Maria ay ikakasal na kay Jose na isang karpintero. Noong anim na buwan nang buntis si Elisabet, nagpakita kay Maria ang anghel na si Gabriel. Sinabi niya: ‘Magandang araw, Maria. Pinagpala ka ni Jehova.’ Hindi ito naintindihan ni Maria. Pagkatapos, sinabi ni Gabriel: ‘Magbubuntis ka at magkakaanak ng isang lalaki, at Jesus ang ipapangalan mo sa kaniya. Magiging Hari siya at walang katapusan ang Kaharian niya.’
Sinabi ni Maria: ‘Pero wala akong asawa. Paano ako magkakaanak?’ Sinabi ni Gabriel: ‘Walang imposible kay Jehova. Bababa sa iyo ang banal na espiritu, at magkakaroon ka ng anak na lalaki. Ang kamag-anak mong si Elisabet ay buntis din ngayon.’ Pagkatapos, sinabi ni Maria: ‘Ako’y alipin ni Jehova. Mangyari sana sa akin ang sinabi mo.’
Pinuntahan ni Maria si Elisabet. Nang batiin niya si Elisabet, sumipa ang sanggol sa tiyan nito. Napuno ng banal na espiritu si Elisabet, at sinabi niya: ‘Pinagpala ka ni Jehova, Maria. Karangalan kong maging bisita ang nanay ng aking Panginoon.’ Sinabi ni Maria: ‘Buong puso kong pinupuri si Jehova.’ Tumira si Maria kina Elisabet nang tatlong buwan, ’tapos, umuwi na siya sa Nazaret.
Nang malaman ni Jose na buntis si Maria, ayaw na niyang pakasalan ito. Pero may anghel na nagpakita sa kaniya sa panaginip: ‘Huwag kang matakot na pakasalan siya. Wala siyang ginawang mali.’ Kaya kinuha ni Jose si Maria bilang asawa at iniuwi sa bahay niya.
“Ginagawa ni Jehova ang lahat ng gusto niyang gawin sa langit at sa lupa.”—Awit 135:6