Kapitulo 13
Pagkatuto Mula sa mga Pagtukso kay Jesus
KARAKARAKA pagkatapos ng kaniyang bautismo, inakay si Jesus ng banal na espiritu tungo sa kaparangan ng Judea. Marami siyang dapat pag-isipan, sapagkat nang siya’y bautismuhan “nabuksan ang mga langit,” kung kaya siya’y nakaaninaw ng mga bagay ukol sa langit. Tunay, marami siyang dapat na bulay-bulayin!
Gumugol si Jesus ng 40 araw at 40 gabi sa ilang at walang kinakain sa mga panahong ito. Pagkatapos, nang si Jesus ay gutom na gutom na, lumapit ang Diyablo upang tuksuhin siya, na sinasabi: “Kung ikaw ang anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.” Subalit alam ni Jesus na di-tamang gamitin ang kaniyang kapangyarihan na maghimala upang bigyang-kasiyahan ang sarili. Kaya hindi siya napatukso.
Ngunit hindi sumuko ang Diyablo. Sumubok siya ng ibang paraan. Hinamon niya si Jesus na lumundag mula sa pader ng templo upang iligtas siya ng mga anghel ng Diyos. Subalit hindi natukso si Jesus na gawin ang kahindik-hindik na panooring iyon. Sa pagsipi mula sa Kasulatan, ipinakita ni Jesus na maling ilagay ang Diyos sa pagsubok sa ganitong paraan.
Sa ikatlong pagtukso, ipinamalas ng Diyablo kay Jesus ang lahat ng kaharian sa sanlibutan sa isang makahimalang paraan at ang sabi: “Lahat na ito ay ibibigay ko sa iyo kung magpapatirapa ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.” Ngunit muli si Jesus ay tumangging paakay sa tukso upang gumawa ng di-tama, at pinili ang pananatiling tapat sa Diyos.
Matututo tayo mula sa mga pagtuksong ito kay Jesus. Halimbawa, ang mga ito’y nagpapakita na ang Diyablo ay hindi isang uri ng kasamaan lamang, gaya ng sinasabi ng ibang tao, kundi na siya’y isang tunay, di-nakikitang persona. Ang pagtukso kay Jesus ay nagpapakita rin na ang lahat ng pamahalaan ng sanlibutan ay pag-aari ng Diyablo. Sapagkat papaanong ang pag-aalok sa mga ito ng Diyablo ay magiging isang kapani-paniwalang tukso kung ang mga ito’y hindi sa kaniya.
At pag-isipan ito: Sinabi ng Diyablo na handa niyang gantimpalaan si Jesus para sa isang gawang pagsamba, kahit na ibigay sa kaniya ang lahat ng kaharian sa sanlibutan. Maaaring tuksuhin tayo ng Diyablo sa katulad na paraan, marahil ilalagay sa harapan natin ang nakatatakam na mga oportunidad na makamit ang makasanlibutang kayamanan, kapangyarihan, o posisyon. Subalit isang katalinuhan para sa atin na sundin ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa Diyos anuman ang gawing pagtukso! Mateo 3:16; 4:1-11; Marcos 1:12, 13; Lucas 4:1-13.
▪ Anong mga bagay ang sa malas ay binubulay-bulay ni Jesus sa loob ng 40 araw niya sa ilang?
▪ Papaano sinubukang tuksuhin ng Diyablo si Jesus?
▪ Ano ang matututuhan natin mula sa mga pagtukso kay Jesus?