KABANATA 9
Dapat Nating Labanan ang Tukso
MAY humiling na ba sa iyo na gawin ang isang bagay na mali?— Hinamon ka ba niya na gawin ito? O sinabi niyang ito’y katuwaan lamang at na hindi naman talaga mali kung gagawin ito?— Kapag may gumagawa nito sa atin, sinisikap niyang tuksuhin tayo.
Ano ang dapat nating gawin kapag tayo’y tinutukso? Pagbibigyan ba natin at gagawin ang mali?— Hindi malulugod diyan ang Diyos na Jehova. Pero alam mo ba kung sino ang matutuwa?— Oo, si Satanas na Diyablo.
Si Satanas ay kaaway ng Diyos, at si Satanas ay kaaway natin. Hindi natin siya nakikita dahil siya ay espiritu. Pero nakikita niya tayo. Isang araw ay nakipag-usap ang Diyablo kay Jesus, ang Dakilang Guro, at sinikap na tuksuhin siya. Tingnan natin kung ano ang ginawa ni Jesus. Sa gayon ay malalaman natin ang dapat gawin kapag tayo’y tinutukso.
Gusto ni Jesus na palaging gawin ang kalooban ng Diyos. Hayagan niya itong ipinakita sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa Ilog Jordan. Katatapos pa lamang ng bautismo ni Jesus nang sikapin ni Satanas na tuksuhin Siya. Sinasabi ng Bibliya na “ang langit ay nabuksan” kay Jesus. (Mateo 3:16) Maaaring mangahulugan ito na naalaala na ngayon ni Jesus ang naunang buhay niya sa langit kasama ng Diyos.
Pagkatapos ng kaniyang bautismo si Jesus ay pumunta sa iláng upang pag-isipan ang mga bagay na naalaala niya. Lumipas ang apatnapung araw at gabi. Sa buong panahong iyon ay hindi kumain si Jesus, kaya siya ngayon ay gutom na gutom. Sa pagkakataong ito sinikap ni Satanas na tuksuhin si Jesus.
Ang sabi ng Diyablo: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, sabihin mo sa mga batong ito na maging mga tinapay.” Napakasarap sana kung may tinapay nga! Pero kaya nga ba ni Jesus na gawing tinapay ang mga bato?— Oo, kaya niya. Bakit? Sapagkat si Jesus, na Anak ng Diyos, ay may natatanging kapangyarihan.
Gagawin mo bang tinapay ang bato kung ang Diyablo ang humiling sa iyo na gawin iyon?— Gutom si Jesus. Hindi kaya makatuwiran na gawin niya iyon kahit minsan lamang?— Alam ni Jesus na mali ngang gamitin ang kaniyang kapangyarihan sa gayong paraan. Ibinigay sa kaniya ni Jehova ang kapangyarihang iyon upang ilapit ang mga tao sa Diyos, hindi upang gamitin para sa kaniyang sariling kapakanan.
Kaya, sa halip, sinabi ni Jesus kay Satanas ang nakasulat sa Bibliya: ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’ Alam ni Jesus na ang paggawa ng bagay na nakalulugod kay Jehova ay mas mahalaga kaysa sa pagkakaroon ng makakain.
Pero tinukso siyang muli ng Diyablo. Dinala niya si Jesus sa Jerusalem at pinatayo sa isang mataas na bahagi ng templo. Saka sinabi ni Satanas: ‘Kung ikaw ay anak ng Diyos, magpatihulog ka mula rito. Sapagkat nasusulat na hindi pababayaan ng mga anghel ng Diyos na masaktan ka.’
Bakit sinabi ito ni Satanas?— Sinabi niya ito para tuksuhin si Jesus na gumawa ng isang bagay na peligroso. Pero hindi na naman nakinig si Jesus kay Satanas. Sinabi niya kay Satanas: “Nasusulat, ‘Huwag mong ilalagay sa pagsubok si Jehova na iyong Diyos.’ ” Alam ni Jesus na maling subukin si Jehova sa pamamagitan ng pagsasapanganib ng kaniyang buhay.
Pero, hindi pa rin sumuko si Satanas. Dinala naman niya si Jesus sa isang napakataas na bundok. Doon ay ipinakita niya sa kaniya ang lahat ng kaharian, o pamahalaan, ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian. Saka sinabi ni Satanas kay Jesus: “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo kung susubsob ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.”
Pag-isipan ang alok ng Diyablo. Talaga nga bang kay Satanas ang lahat ng kaharian, o pamahalaang ito ng tao?— Buweno, hindi tumanggi si Jesus na kay Satanas nga ang mga ito. Dapat sana’y tumanggi siya kung hindi kay Satanas ang mga ito. Oo, si Satanas nga ang tagapamahala ng lahat ng bansa sa daigdig. Tinatawag pa nga siya ng Bibliya na “tagapamahala ng sanlibutang ito.”—Juan 12:31.
Ano ang gagawin mo kung pangakuan ka ng Diyablo ng isang bagay kung sasamba ka sa kaniya?— Alam ni Jesus na maling sumamba sa Diyablo anuman ang maging pakinabang Niya. Kaya sinabi ni Jesus: ‘Lumayas ka, Satanas! Sapagkat sinasabi ng Bibliya na si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin at sa kaniya ka lamang maglilingkod.’—Mateo 4:1-10; Lucas 4:1-13.
Tayo rin ay napapaharap sa mga tukso. Alam mo ba ang ilan sa mga ito?— Heto ang isang halimbawa. Baka gumawa ang iyong nanay ng isang masarap na bibingka o keyk para sa panghimagas. Baka sabihin niya sa iyo na huwag kakainin ito hangga’t hindi pa oras ng pagkain. Pero gutom na gutom ka na, kaya baka matukso kang kainin na ito. Susundin mo ba ang iyong nanay?— Gusto ni Satanas na suwayin mo siya.
Alalahanin si Jesus. Gutom na gutom na rin siya noon. Pero alam niya na mas mahalagang paluguran ang Diyos kaysa kumain. Ipinakikita mong katulad ka ni Jesus kapag sinusunod mo ang sinasabi ng iyong nanay.
Baka hilingin sa iyo ng ibang mga bata na uminom ka ng ilang tabletas. Maaaring sabihin nila sa iyo na makapagpapasigla sa iyo ang mga ito. Pero baka naman droga ang mga tabletas na ito. Ito’y maaaring magdulot sa iyo ng malubhang sakit at baka pumatay pa nga sa iyo. O baka may magbigay sa iyo ng sigarilyo, na may droga rin, at hamunin kang hititin ito. Ano ang gagawin mo?—
Alalahanin si Jesus. Sinubok ni Satanas na isapanganib ni Jesus ang kaniyang buhay nang sabihin sa kaniya na tumalon mula sa templo. Pero hindi ito ginawa ni Jesus. Ano ang gagawin mo kapag hinamon ka na gumawa ng isang bagay na mapanganib?— Si Jesus ay hindi nakinig kay Satanas. Huwag ka ring makikinig sa sinumang hihikayat sa iyo na gumawa ng mga bagay na mali.
Baka balang-araw ay may humiling sa iyo na gumawa ng isang gawang pagsamba sa imahen, isang bagay na ayon sa Bibliya ay hindi natin dapat gawin. (Exodo 20:4, 5) Maaaring ito ay bahagi ng isang seremonya sa paaralan. Baka sabihin sa iyo na ni hindi ka na makapapasok sa paaralan kung hindi mo gagawin ito. Ano ang gagawin mo?—
Madaling gawin ang tama kapag ang lahat ay gumagawa nito. Pero napakahirap gawin ang tama kapag hinihikayat tayo ng iba na gumawa ng mali. Maaaring sabihin nila na hindi naman talaga napakasama ng kanilang ginagawa. Pero ang mahalagang tanong ay, Ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito? Siya ang nakaaalam higit kaninuman.
Kaya anuman ang sabihin ng iba, hindi natin dapat gawin kailanman ang mga bagay na ayon sa Diyos ay mali. Sa ganitong paraan ay palagi nating pasasayahin ang Diyos, at hindi natin kailanman paluluguran ang Diyablo.
Ang higit pang impormasyon tungkol sa kung paano lalabanan ang tukso na gumawa ng mali ay makikita sa Awit 1:1, 2; Kawikaan 1:10, 11; Mateo 26:41; at 2 Timoteo 2:22.