Kabanata 22
Bahagi 3—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
Isang pambuong-daigdig na ulat ng pangangaral ng mensahe ng Kaharian mula 1935 hanggang 1945 ang inilalahad sa mga pahina 444 hanggang 461. Tunay na makahulugan ang taóng 1935 sapagkat noong panahong iyon ang lubhang karamihan, o malaking pulutong, ng Apocalipsis 7:9 ay ipinakilala. May kaugnayan sa pagtitipon ng grupong iyon, sinimulang matalos ng mga Saksi ni Jehova na inihaharap sa kanila ng Bibliya ang isang higit na malawak na gawain kaysa anumang nauna rito. Papaano nila naisagawa ito samantalang napasangkot ang mga bansa sa Digmaang Pandaigdig II at sila at ang kanilang literatura sa Bibliya ay ipinagbawal na sa karamihan ng mga lupain?
SAMANTALANG ang mga Saksi ni Jehova ay nakikibahagi sa kanilang ministeryo noong dekada ng 1930, ang tunguhin nila ay ang abutin ang pinakamaraming tao hangga’t maaari ng mensahe ng Kaharian. Kung may nakita silang di-pangkaraniwang interes, ang ilan sa kanila’y nagpupuyat sa gabi na nagpapaliwanag ng mga katotohanan ng Bibliya at sumasagot sa mga tanong upang mabigyang-kasiyahan ang mga nagugutom sa espirituwal. Ngunit kalimitan, gumamit ang mga Saksi ng maikling mga presentasyon na may layuning pukawin ang interes ng mga maybahay, at pagkatapos ang iba pang paliwanag ay ipinauubaya nila sa literatura o sa mga pahayag pangmadla sa Bibliya. Ang kanila ay isang gawain ng pagbibigay-alam sa mga tao, ng paghahasik ng mga binhi ng katotohanang pang-Kaharian.
Masinsinang Pagsisikap Upang Abutin ang Marami ng Mabuting Balita
Ang gawain ay ginawang may pagkaapurahan. Halimbawa, maaga noong dekada ng 1930, nang binasa ni Armando Menazzi, sa Córdoba, Argentina, ang malinaw na paglalahad ng katotohanan ng Bibliya sa mga buklet na Impiyerno at Saan Naroon ang mga Patay?, siya’y kumilos agad. (Awit 145:20; Ecles. 9:5; Gawa 24:15) Yamang napakilos dahil sa kaniyang natutuhan, at napasigla dahil sa sigasig na ipinakita ni Nicolás Argyrós, ipinagbili niya ang kaniyang talyer ng sasakyan upang iukol ang kaniyang sarili sa pangangaral ng katotohanan bilang payunir. Pagkatapos, nang unang bahagi ng dekada ng 1940, pinasigla niya ang mga Saksi sa Córdoba na bilhin ang isang lumang bus, palagyan ito ng mga higaan, at gamitin ang sasakyang ito upang ihatid ang sampu o higit pang mga mamamahayag sa mga paglalakbay upang mangaral na tumatagal nang isang linggo, dalawang linggo, o maging tatlong buwan pa nga. Samantalang pinaplano ang mga paglalakbay na ito, iba’t ibang mga kapatid sa kongregasyon ang binigyan ng pagkakataong sumama. Bawat isa sa grupo ay may sariling atas na gawain—paglilinis, pagluluto, o pangingisda at pangangaso para sa pagkain. Sa di-kukulangin na sampung lalawigan ng Argentina, ang masigasig na grupong ito ay nangaral sa bahay-bahay, na pinupuntahan ang mga lunsod gayundin ang mga nayon at umaabot pa hanggang sa magkakahiwaláy na mga sakahan.
Isang nakakatulad na espiritu ang ipinakita sa larangan sa Australia. Malaking pagpapatotoo ang nagawa sa mataong mga lunsod na nasa mga baybayin. Ngunit sinikap ng mga Saksi roon na abutin din ang mga tao sa mga liblib na lugar. Kaya, noong Marso 31, 1936, upang maabot ang mga tao sa magkakahiwaláy na mga rantso ng tupa at baka sa gawing looban ng lupain, sina Arthur Willis at Bill Newlands ay nagsimula sa isang paglalakbay na umabot sa distansiyang 19,710 kilometro. Kalimitan sa kanilang paglalakbay ay walang mga daan—mga landas lamang patawid sa walang-punungkahoy na disyerto na sasalunga sa matinding init at humuhugong na malakas na hangin na may dalang alikabok. Subalit sila’y patuloy na nagtiyaga. Kapag may nasumpungang interes, pinatutugtog nila ang isinaplakang mga pahayag sa Bibliya at nag-iiwan ng literatura. Sa iba namang pagkakataon, sumama sa kanila si John E. (Ted) Sewell; at pagkatapos ay nagboluntaryo siyang maglingkod sa Timog-silangang Asia.
Ang teritoryong pinangasiwaan ng sangay ng Samahan sa Australia ay malayo pa ang naabot kaysa Australia lamang. Saklaw nito ang Tsina at ang mga kapuluan at mga bansa mula sa Tahiti sa silangan hanggang sa Burma (ngayo’y Myanmar) sa kanluran, isang distansiyang may 13,700 kilometro. Sakop nito ang mga lugar tulad ng Hong Kong, Indochina (ngayo’y Cambodia, Laos, at Vietnam), ang Netherlands East Indies (kasali ang mga pulo gaya ng Sumatra, Java, at Borneo), New Zealand, Siam (ngayo’y Thailand), at Malaya. Kadalasan ang tagapangasiwa ng sangay, si Alexander MacGillivray, isang taga-Scotland, ay nag-aanyaya ng isang masigasig na kabataang payunir sa kaniyang opisina, ipakikita sa kaniya ang mapa ng teritoryong sakop ng sangay, at nagtatanong: ‘Gusto mo bang maging misyonero?’ Pagkatapos, habang nakaturo sa isang lugar na hindi pa napangangaralan o bahagya pa lamang na napangangaralan, magtatanong siya: ‘Gusto mo bang buksan ang gawain sa teritoryong ito?’
Noong unang bahagi ng dekada ng 1930, ang ilan sa mga payunir na ito ay marami nang nagawa sa Netherlands East Indies (ngayo’y Indonesia) at Singapore. Noong 1935, si Frank Dewer, na taga-New Zealand, ay sumabay sa isang grupo ng mga payunir na ito na nakasakay sa lantsa ng Samahan na Lightbearer hanggang sa Singapore. Pagkatapos, bago umalis ang lantsa patungo sa hilagang-kanlurang baybayin ng Malaya, sinabi ni Kapitan Eric Ewins: “Buweno, Frank, nandito na tayo. Hanggang dito ka na lamang namin puwedeng ihatid. Pinili mo ang Siam. Kaya, bumaba ka na!” Ngunit halos nakalimutan na ni Frank ang Siam. Nasiyahan siya sa paglilingkod kasama ng grupo sa lantsa. Ngayon ay nag-iisa na siya.
Tumigil muna siya sa Kuala Lumpur hanggang makaipon siya ng sapat na salapi para sa natitirang paglalakbay niya, subalit, habang nandoon, naaksidente siya—nabundol siya ng isang trak samantalang nakabisikleta at siya’y tumilapon. Pagkatapos magpagaling, sumakay siya sa tren mula sa Singapore papuntang Bangkok, na lilimang dolyar ang laman ng bulsa niya. Subalit taglay ang pananampalataya sa kakayahan ni Jehova na maglaan, nagpatuloy siya sa gawain. Si Claude Goodman ay sandaling nakapangaral doon noong 1931; ngunit nang dumating si Frank noong Hulyo 1936, walang Saksi na nandoon upang sumalubong sa kaniya. Gayunman, sa loob ng sumunod na ilang taon, tumulong ang iba sa gawain—sina Willy Unglaube, Hans Thomas, at Kurt Gruber mula sa Alemanya, at si Ted Sewell mula sa Australia. Nakapamahagi sila ng maraming literatura, bagaman ang karamihan nito ay sa Ingles, Intsik, at Hapones.
Nang may ipinadalang sulat sa punong-tanggapan ng Samahan na nagsasabing kailangan ng mga kapatid ang literatura sa wikang Thai subalit wala silang tagapagsalin, sumagot si Brother Rutherford: “Wala ako sa Thailand; kayo ang naririyan. Manampalataya kayo kay Jehova at gumawang may pagtitiyaga, at makasusumpong kayo ng tagapagsalin.” At nangyari nga ito. Si Chomchai Inthaphan, isang dating punungguro sa Presbyterian Girls’ School sa Chiang Mai, ay tumanggap ng katotohanan, at pagsapit ng 1941 ay isinasalin na niya ang literatura ng Bibliya sa wikang Thai.
Isang linggo matapos magsimulang mangaral si Frank Dewar sa Bangkok, si Frank Rice, na unang nagsimula ng gawaing pang-Kaharian sa Java (ngayo’y bahagi ng Indonesia), ay dumaan doon samantalang papunta siya sa isang bagong atas sa tinatawag noon na French Indochina. Tulad ng kaniyang ginawa sa nauna niyang teritoryo, siya’y nangaral sa mga nagsasalita ng Ingles habang pinag-aaralan niya ang lokal na wika. Pagkatapos malaganapan ang Saigon (ngayo’y Ho Chi Minh City), siya’y nagturo ng Ingles upang makabili ng isang lumang kotse na magagamit niya sa pag-abot sa hilagang bahagi ng lupain. Ang pinagkaabalahan niya ay hindi materyal na kaalwanan kundi ang intereses ng Kaharian. (Heb. 13:5) Ginagamit ang kotseng binili niya, siya’y nagpatotoo sa mga bayan at mga nayon at sa nakahiwalay na mga bahay hanggang sa marating niya ang Hanoi.
May Tapang na Publisidad
Upang pukawin ang interes sa mensahe ng Kaharian at gisingin ang mga tao sa pangangailangang kumilos nang positibo, gumamit ang mga Saksi ng nakatatawag-pansing mga paraan sa maraming lupain. Pasimula noong 1936 sa Glasgow, Scotland, inianunsiyo ng mga Saksi ang mga pahayag sa kombensiyon sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga plakard at pamamahagi ng mga pulyeto sa mga pamilihan. Dalawang taon pagkaraan nito, noong 1938, kaugnay ng isang kombensiyon sa London, Inglatera, may idinagdag na bagong paraan. Sina Nathan H. Knorr at Albert D. Schroeder, na nang dakong huli ay magkasamang naglingkod sa Lupong Tagapamahala, ay nanguna sa isang parada ng halos isang libong Saksi sa sentro ng mga bahay-kalakal sa London. Bawat ikalawang nagmamartsa ay may suot na plakard na nag-aanunsiyo sa pahayag pangmadla na “Harapin ang mga Katotohanan,” na ibibigay ni J. F. Rutherford sa Royal Albert Hall. Yaong mga nasa pagitan nila ay may dalang mga karatulang nagsasabing “Ang Relihiyon ay Silo at Pangungulimbat.” (Noong panahong iyon ang unawa nila sa relihiyon ay yaong lahat ng pagsamba na hindi kasuwato ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.) Nang dakong huli ng sanlinggong iyon, upang maibsan ang galit ng ilan sa madla, mga karatulang nagsasabing “Maglingkod sa Diyos at kay Kristong Hari” ang isinalit sa mga nauna. Ang gawaing ito ay hindi madali para sa marami sa mga Saksi ni Jehova, subalit ito’y itinuring nila bilang karagdagan pang paraan upang paglingkuran si Jehova, karagdagan pang pagsubok sa kanilang katapatan sa kaniya.
Hindi nalulugod ang lahat sa matapang na publisidad na ibinibigay ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mensahe. Ginipit ng mga klero sa Australia at New Zealand ang mga tagapangasiwa ng mga istasyon ng radyo upang huwag isahimpapawid ang lahat ng mga brodkast ng mga Saksi ni Jehova. Noong Abril 1938, habang naglalakbay si Brother Rutherford patungong Australia upang magbigay ng pahayag sa radyo, ang mga opisyal ng bayan ay naimpluwensiyahan na kanselahin ang mga kaayusang ginawa upang gamitin niya ang Sydney Town Hall at ang mga pasilidad sa radyo. Karaka-raka’y inarkila ang Sydney Sports Grounds, at bilang resulta ng malawakang publisidad tungkol sa pagsalansang sa pagdalaw ni Brother Rutherford, mas malaking pulutong ang nakinig sa kaniyang pahayag. Sa iba namang pagkakataon, nang pagkaitan ang mga Saksing gumamit ng mga pasilidad sa radyo, sila’y tumugon sa pamamagitan ng pagbibigay ng maraming publisidad sa mga pulong na doon pinatutugtog sa mga ponograpo ang isinaplakang mga pahayag ni Brother Rutherford.
Ang mga klero sa Belgium ay nag-utos sa mga bata na batuhin ang mga Saksi, at personal na lumilibot ang mga pari sa mga tahanan upang samsamin ang literaturang naipamahagi. Ngunit naibigan ng ilan sa mga taganayon ang kanilang natututuhan mula sa mga Saksi ni Jehova. Madalas ay sinasabi nila: “Bigyan mo ako ng ilan sa inyong mga buklet; pagdating ng pari, ibibigay ko sa kaniya ang isa upang paluguran siya at nasa akin naman ang iba para basahin!”
Subalit, nang sumunod na mga taon lalong sumidhi ang pagsalansang sa mga Saksi ni Jehova at sa mensahe ng Kaharian na kanilang inihahayag.
Nangangaral sa Europa sa Kabila ng Pag-uusig sa Panahon ng Digmaan
Sapagkat ayaw nilang talikuran ang kanilang pananampalataya at itigil ang pangangaral, libu-libong mga Saksi ni Jehova sa Austria, Belgium, Pransya, Alemanya, at Netherlands ang ibinilanggo o itinapon sa mga kampong piitan ng Nazi. Doon ay palasak ang malupit na pagtrato. Yaong mga hindi pa nabibilanggo ay lihim na nagpatuloy sa kanilang ministeryo. Madalas na sila’y gumamit lamang ng Bibliya at nag-alok lamang ng literatura kapag dumadalaw-muli sa mga taong interesado. Upang huwag maaresto, dumadalaw ang mga Saksi sa isang pinto sa isang apartment at pagkatapos ay lumilipat sa ibang gusali, o kaya, pagkadalaw sa isang bahay sila’y lumilipat sa ibang kalye at doon naman pupunta sa ibang bahay. Ngunit kailanma’y hindi sila umurong sa pagpapatotoo dahil sa takot.
Noong Disyembre 12, 1936, mga ilang buwan lamang matapos arestuhin ng mga Gestapo ang libu-libong mga Saksi at ibang taong interesado sa isang pambansang kampanya upang pahintuin ang kanilang gawain, ang mga Saksi mismo ay nangampanya rin. Taglay ang bilis na tulad-kidlat sila’y naglagay ng sampu-sampung libong kopya ng isang limbag na resolusyon sa mga buson at sa ilalim ng mga pintuan ng mga tao sa buong Alemanya. Ang mga ito’y hinggil sa pagtutol nila sa malupit na pagtratong ginagawa sa kanilang Kristiyanong mga kapatid. Mga isang oras matapos simulan ang pamamahagi, nagtakbuhan ang mga pulis upang sikaping hulihin ang mga namamahagi, subalit ang nahuli nila ay mga isang dosena lamang sa buong lupain.
Nagulat ang mga opisyal na kayang isagawa ang gayong kampanya sa kabila ng lahat ng ginawa ng pamahalaang Nazi upang sugpuin ang gawain. Bukod dito, natakot sila sa mga taong-bayan. Bakit? Sapagkat nang pumunta ang pulis at ibang nakaunipormeng mga opisyal sa mga tahanan at nagtanong kung tinanggap ng mga naninirahan ang gayong pulyeto, ikinaila naman ito ng karamihan ng mga tao. Ang totoo, karamihan sa kanila ay walang tinanggap. Ang mga kopya ay ipinamahagi lamang sa dalawa o tatlong sambahayan sa bawat gusali. Ngunit hindi ito alam ng pulis. Ipinalagay nila na may isang naiwan sa bawat pintuan.
Nang sumunod na mga buwan, hayagang itinatwa ng mga opisyal ng Nazi ang mga paratang na nakalahad sa nakalimbag na resolusyong iyon. Kaya, noong Hunyo 20, 1937, ang mga Saksing malaya pa ay namahagi ng isa pang mensahe, isang bukás na sulat na walang anumang inilingid na mga detalye tungkol sa pag-uusig, isang dokumento na bumanggit ng pangalan ng mga opisyal at bumanggit ng mga petsa at mga lugar. Malaki ang pagkabahala ng Gestapo sa paglalantad na ito at sa pambihirang kakayahan ng mga Saksi na maisagawa ang gayong kalawak na pamamahagi.
Ang maraming karanasan ng pamilyang Kusserow, mula sa Bad Lippspringe, Alemanya, ay nagpakita ng gayunding determinasyon na magpatotoo. Ang isang halimbawa ay may kaugnayan sa nangyari matapos na si Wilhelm Kusserow ay bitayin sa publiko sa Münster ng rehimeng Nazi dahil sa pagtangging ikompromiso ang kaniyang pananampalataya. Ang ina ni Wilhelm, si Hilda, ay nagpunta kaagad sa bilangguan upang hingin ang bangkay para ilibing. Sinabi niya sa kaniyang pamilya: “Magbibigay tayo ng malaking patotoo sa mga taong nakakakilala sa kaniya.” Sa libing ang ama ni Wilhelm, si Franz, ay naghandog ng panalangin na nagpahayag ng pananampalataya sa maibiging mga paglalaan ni Jehova. Sa libingan ang kapatid ni Wilhelm na si Karl-Heinz ay nagpahayag ng mga salita ng kaaliwan mula sa Bibliya. Sila’y pinarusahan dahil dito, ngunit para sa kanila ang mahalagang bagay ay ang parangalan si Jehova sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa kaniyang pangalan at Kaharian.
Samantalang lalong humihigpit ang mga kalagayan sa Netherlands dahil sa digmaan, may katalinuhang binago ng mga Saksi ang kaayusan ng kanilang mga pulong. Ang mga ito ngayo’y idinaos sa pribadong mga tahanan sa mga grupong sampu lamang o kulang pa. Malimit na binago ang lugar ng pagpupulong. Ang bawat Saksi ay dumalo lamang sa kaniyang sariling grupo, at walang nagbibigay ng direksiyon ng pag-aaral, kahit na sa mapagkakatiwalaan niyang kaibigan. Nang panahong iyon, nang ang lahat ng mamamayan ay pinalalayas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa digmaan, alam ng mga Saksi ni Jehova na kailangang-kailangan ng mga tao ang nakaaaliw na mensaheng masusumpungan lamang sa Salita ng Diyos, at walang-takot nilang ibinahagi ito sa kanila. Ngunit isang sulat mula sa tanggapang sangay ang nagpaalaala sa mga kapatid hinggil sa pag-iingat na ipinakita ni Jesus sa iba’t ibang mga okasyon nang siya’y mapaharap sa mga mananalansang. (Mat. 10:16; 22:15-22) Bilang bunga nito, kapag napapaharap sila sa isang taong nagpakita ng pagkagalit, maingat nilang isinusulat ang direksiyon upang makapag-ingat na mabuti sakaling gagawing muli ang teritoryong iyon sa hinaharap.
Sa Gresya ay naging palasak na ang paghihirap na dinanas ng mga tao noong panahon ng pananakop ng Aleman. Subalit, ang pinakamatinding pagtrato laban sa mga Saksi ni Jehova ay nangyari udyok ng may malisyang pagbibintang ng mga klero ng Greek Orthodox Church, na pumipilit sa pulis at sa mga hukuman na kumilos laban sa kanila. Marami sa mga Saksi ang nabilanggo o itinaboy mula sa kanilang sariling bayan at ipinadala sa liblib na mga nayon o itinapon sa mga islang walang halaman sa ilalim ng mahirap na mga kalagayan. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin sila sa pagpapatotoo. (Ihambing ang Gawa 8:1, 4.) Madalas na ito’y ginagawa sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga tao sa mga parke at halamanang pampubliko, habang katabi nila sa mga upuan at kinakausap hinggil sa Kaharian ng Diyos. Kapag may nasumpungang tunay na interes, isang mahalagang sipi ng literatura sa Bibliya ang ipinahihiram sa taong iyon. Ang gayong literatura ay isinasauli sa dakong huli at paulit-ulit na ginagamit. Maraming mga umiibig sa katotohanan ang malugod na tumanggap ng tulong ng mga Saksi at nakibahagi pa man ding kasama nila sa pangangaral ng mabuting balita sa iba, bagaman ito’y nagdulot ng matinding pag-uusig sa kanila.
Ang isang mahalagang salik sa tibay-loob at pagtitiyaga ng mga Saksi ay ang bagay na sila’y pinatibay ng espirituwal na pagkain. Bagaman ang suplay ng literatura para sa pamamahagi sa iba sa bandang huli ay halos maubos na sa ibang bahagi ng Europa noong panahon ng digmaan, nakaya pa rin nilang ilibot sa bawat isa ang nakapagpapatibay-pananampalatayang materyales na inihanda ng Samahan upang pag-aralan ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Bagaman isinasapanganib nila ang kanilang buhay, sina August Kraft, Peter Gölles, Ludwig Cyranek, Therese Schreiber, at marami pang iba ay nakibahagi sa pag-iimprenta at pamamahagi ng materyales para sa pag-aaral na palihim na ipinasok sa Austria mula sa Czechoslovakia, Italya, at Switzerland. Sa Netherlands, isang mabait na bantay sa bilangguan ang tumulong kay Arthur Winkler na makakuha ng isang Bibliya. Sa kabila ng lahat ng pag-iingat ng kaaway, ang nakapagpapaginhawang mga tubig ng katotohanan ng Bibliya na halaw sa Ang Bantayan ay nakarating maging sa loob ng mga kampong piitan ng Aleman at nagpalipat-lipat sa mga Saksing naroon.
Ang pagkapiit sa mga bilangguan at mga kampo ay hindi humadlang sa pagpapatotoo ng mga Saksi ni Jehova. Nang si apostol Pablo ay nabilanggo sa Roma, sumulat siya: “Nagtitiis ako ng kahirapan anupat may tanikala ako sa bilangguan . . . Gayunman, ang salita ng Diyos ay hindi natatanikalaan.” (2 Tim. 2:9) Ito’y napatunayang totoo rin sa kaso ng mga Saksi ni Jehova sa Europa noong Digmaang Pandaigdig II. Napansin ng mga bantay ang kanilang ugali; ang iba’y nagtanong, at ang ilan ay naging kapananampalataya, bagaman ito’y nangahulugan ng pagkawala ng sarili nilang kalayaan. Maraming bilanggong nakulong na kasama ng mga Saksi ay nanggaling sa mga lupaing tulad ng Rusya, na noon ay bahagya pa lamang napangangaralan ng mabuting balita. Pagkatapos ng digmaan ang ilan sa mga ito ay bumalik sa kanilang lupang tinubuan bilang mga Saksi ni Jehova, na sabik na palaganapin doon ang mensahe ng Kaharian.
Ang malupit na pag-uusig at ang epekto ng pangmalawakang digmaan ay hindi makahahadlang sa inihulang pagtitipon ng mga tao sa dakilang espirituwal na bahay ni Jehova ukol sa pagsamba. (Isa. 2:2-4) Mula 1938 hanggang 1945, ang karamihan ng mga lupain sa Europa ay sumulong sa bilang ng mga nakikibahagi sa gayong pangmadlang pagsamba sa pamamagitan ng paghahayag ng Kaharian ng Diyos. Sa Britanya, Pinlandya, Pransya, at Switzerland, sumulong ang mga Saksi nang humigit-kumulang na 100 porsiyento. Sa Gresya, nagkaroon ng pagsulong na halos pitong ulit ang dami. Sa Netherlands, labindalawang ulit ang dami. Subalit hanggang sa magtapos ang 1945, hindi pa dumarating ang mga detalye mula sa Alemanya o Romania, at madalang lamang ang mga ulat na tinanggap mula sa iba pang mga lupain.
Sa Labas ng Europa Noong Panahon ng Digmaan
Sa Silangan din, ang digmaang pandaigdig ay naging sanhi ng matinding paghihirap sa mga Saksi ni Jehova. Sa Hapón at Korea, sila’y inaresto at pinagbubugbog at labis na pinahirapan sapagkat kanilang itinaguyod ang Kaharian ng Diyos at tumanggi silang sumamba sa emperador ng Hapón. Nang dakong huli ay naputol ang lahat ng kaugnayan nila sa mga Saksi sa ibang mga lupain. Para sa marami sa kanila, ang tanging pagkakataon nilang magpatotoo ay kung sila’y iniimbistiga o nililitis sa hukuman. Nang magtapos ang digmaan, ang pangmadlang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova sa mga lupaing ito ay halos huminto na.
Nang dumating ang digmaan sa Pilipinas, ang mga Saksi ay pinahirapan ng magkabilang panig dahil sa pagtanggi nila na sumuporta alinman sa mga Hapones o sa mga puwersang lumalaban dito. Upang iwasan ang pagkadakip, iniwan ng maraming Saksi ang kanilang mga tahanan. Subalit habang palipat-lipat sila sa iba’t ibang dako, sila’y nangaral—na pinahihiram ang literatura kapag mayroon, at nang dakong huli ay gumagamit na lamang ng Bibliya. Nang humupa ang kainitan ng labanan, sila’y naghanda ng ilang mga bangka upang ihatid ang malalaking grupo ng Saksi tungo sa mga isla na babahagya pa lamang o hindi pa nabibigyan ng pagpapatotoo.
Sa Burma (ngayo’y Myanmar), hindi ang paglusob ng mga Hapones kundi ang panggigipit ng mga klerigong Anglikano, Methodist, Romano Katoliko, at American Baptist sa mga opisyal ng kolonya ang siyang naging dahilan ng pagbabawal sa literatura ng mga Saksi ni Jehova noong Mayo 1941. Nakita ng dalawang Saksing nagtatrabaho sa opisina ng kablegrama ang isang telegrama na nagbigay ng hiwatig sa kanila hinggil sa malapit nang mangyari, kaya dali-daling inilipat ng mga kapatid ang literatura mula sa bodega ng Samahan upang huwag itong makumpiska. Pagkatapos ay gumawa sila ng mga pagsisikap na ipahakot ang marami sa literaturang ito patungo sa Tsina.
Noong panahong iyon ang gobyerno ng E.U. ay naghahakot ng napakaraming materyales para sa digmaan sa pamamagitan ng Burma Road upang suportahan ang gobyernong Nasyonalista ng Tsina. Sinikap ng mga kapatid na makakuha ng espasyo sa isa sa mga trak na iyon subalit sila’y tinanggihan. Ang mga pagsisikap na kumuha ng sasakyan mula sa Singapore ay nabigo rin. Gayunman, nang si Mick Engel, na noo’y nangangasiwa sa bodega ng Samahan sa Rangoon (ngayo’y Yangon), ay lumapit sa isang mataas na opisyal ng E.U., siya’y binigyan ng permiso na ipahakot ang literatura sa mga trak ng sundalo.
Gayunpaman, pagkatapos nito nang sina Fred Paton at Hector Oates ay lumapit sa opisyal na nangangasiwa sa kumboy patungong Tsina upang mabigyan sila ng espasyo, sumiklab ang kaniyang galit! “Ano?” ang sigaw niya. “Papaano ko kayo mabibigyan ng mahalagang espasyo sa aking mga trak para sa walang kuwentang mga tract ninyo samantalang walang-wala akong lugar para sa apurahang mga suplay ng militar at ng gamot na nabubulok dito sa labas?” Tumigil muna si Fred, may kinuha sa kaniyang bag, ipinakita sa kaniya ang sulat ng awtorisasyon at sinabi na magiging maselang na bagay kung kaniyang wawaling-bahala ang tagubiling ibinigay ng mga opisyal sa Rangoon. Hindi lamang isinaayos ng tagapangasiwa ng kumboy na maghakot ng dalawang tonelada ng mga aklat kundi ipinagamit pa niya sa mga kapatid ang isang maliit na trak, kasama ang isang tsuper at mga suplay. Sila’y naglakbay sa hilagang-silangan sa mapanganib na bulubunduking daan patungong Tsina na dala ang kanilang mahalagang kargamento. Pagkatapos magpatotoo sa Pao-shan, sila’y nagpatuloy hanggang sa Chungking (Pahsien). Libu-libong sipi ng literatura na nagbabalita ng Kaharian ni Jehova ang ipinamahagi sa loob ng isang taon na inilagi nila sa Tsina. Kabilang sa mga personal na pinatotohanan nila ay si Chiang Kai-shek, ang presidente ng Nasyonalistang gobyerno ng Tsina.
Samantala, habang tumitindi ang pagbobomba sa Burma, ang lahat ng mga Saksi roon maliban lamang sa tatlo ay umalis sa lupain, karamihan ay patungo sa India. Sabihin pa, ang gawain ng tatlong naiwan ay limitado lamang. Gayunman sila’y patuloy na nagpatotoo sa impormal na paraan, at nagbunga ang kanilang mga pagsisikap pagkatapos ng digmaan.
Sa Hilagang Amerika rin naman, ang mga Saksi ni Jehova ay napaharap sa matinding mga hadlang noong panahon ng digmaan. Ang laganap na karahasan ng mga mang-uumog at ang labag-sa-konstitusyong pagkakapit ng lokal na mga batas ay lubhang nagpahirap sa gawaing pangangaral. Libu-libo ang nabilanggo dahil sa paninindigan nila bilang neutral na mga Kristiyano. Subalit, hindi ito nagpabagal sa ministeryo sa bahay-bahay ng mga Saksi. Bukod pa rito, pasimula noong Pebrero 1940, karaniwang makikita sila sa mga lansangan sa lugar ng mga bahay-kalakal na nag-aalok ng Ang Bantayan at Consolation (ngayo’y Gumising!). Lalong tumindi ang kanilang sigasig. Bagaman tinitiis nila ang pinakamatinding pag-uusig na naranasan sa dakong iyon ng daigdig, mahigit na nadoble ang bilang ng mga Saksi kapuwa sa Estados Unidos at sa Canada mula 1938 hanggang 1945, at nag-ibayo nang tatlong ulit ang oras na ginugol nila sa kanilang pangmadlang ministeryo.
Sa maraming lupaing kabilang sa British Commonwealth (sa Hilagang Amerika, Aprika, Asia, at mga isla ng Caribeano at Pasipiko) alinman sa mga Saksi ni Jehova mismo o sa kanilang literatura ang ipinagbawal ng gobyerno. Ang isa sa mga lupaing iyon ay ang Australia. Sa isang opisyal na pahiwatig na inilathala roon noong Enero 17, 1941, ayon sa utos ng gobernador-heneral, ang mga Saksi ni Jehova ay pinagbawalang magtipon para sa pagsamba, mamahagi ng alinman sa kanilang literatura, o magtaglay man lamang nito. Sa ilalim ng batas ay maaaring ipaglaban ang pagbabawal na ito sa hukuman, at ito’y ginawa kaagad. Ngunit lumipas pa ang mahigit na dalawang taon bago ipahayag ni G. Justice Starke ng Mataas na Hukuman na ang mga regulasyon na doon ibinatay ang pagbabawal ay “di-makatuwiran, makapritso, at mapang-api.” Inalis ang pagbabawal ng buong Mataas na Hukuman. Ano ang ginawa ng mga Saksi pansamantala?
Bilang pagtulad sa mga apostol ni Jesu-Kristo, sila’y ‘tumalima sa Diyos bilang pinunò sa halip na sa mga tao.’ (Gawa 4:19, 20; 5:29) Sila’y patuloy na nangaral. Sa kabila ng napakaraming hadlang, sila’y nagsaayos pa ng isang kombensiyon sa Hargrave Park, malapit sa Sydney, noong Disyembre 25-29, 1941. Nang tumanggi ang gobyerno na isakay sa tren ang ilang mga delegado, isang grupo mula sa Kanlurang Australia ang nagsangkap sa kanilang mga sasakyan ng motor na pinatatakbo ng gas na nagmumula sa karbón at nagsimulang maglakbay ng 14 na araw patawid sa lupain, kalakip na ang buong isang linggo upang tawirin nila ang tulad-disyertong Nullarbor Plain. Nakarating silang maluwalhati at nasiyahan sa programa kasama ang anim na libong iba pang mga delegado. Nang sumunod na taon idinaos ang isa pang asamblea, ngunit ito’y hinati-hati sa 150 mas maliliit na grupo sa pitong malalaking siyudad sa buong bansa, samantalang ang mga tagapagsalita ay nagparoo’t-parito sa iba’t ibang mga lokasyon.
Samantalang lumulubha ang mga kalagayan sa Europa noong 1939, ang ilang ministrong payunir ng mga Saksi ni Jehova ay nagboluntaryong maglingkod sa ibang mga larangan. (Ihambing ang Mateo 10:23; Gawa 8:4.) Tatlong bilanggong Aleman ang isinugo mula sa Switzerland patungong Shanghai, Tsina. Ang ilan ay nagtungo sa Timog Amerika. Kabilang sa mga inilipat sa Brazil ay si Otto Estelmann, na dating dumadalaw at tumutulong sa mga kongregasyon sa Czechoslovakia, at si Erich Kattner, na dating naglilingkod sa opisina ng Samahang Watch Tower sa Prague. Ang kanilang bagong atas ay hindi madali. Nasumpungan nila na sa ibang dakong may mga sakahan, ang mga Saksi ay bumabangong maaga at nangangaral hanggang alas 7:00 n.u. at pagkatapos ang ibang paglilingkod sa larangan ay ginagawa hanggang sa kalaliman ng gabi. Naalaala ni Brother Kattner na samantalang palipat-lipat siya sa iba’t ibang dako, siya’y madalas na natutulog sa labas, na ginagamit niya bilang unan ang kaniyang bag ng literatura.—Ihambing ang Mateo 8:20.
Sina Brother Estelmann at Brother Kattner ay parehong tinugis ng mga sekretang Nazi sa Europa. Sila ba’y napalibre sa pag-uusig dahil sa kanilang paglipat sa Brazil? Sa kabaligtaran, pagkaraan lamang ng isang taon, sila’y ipiniit sa sariling bahay at sa mga bilangguan udyok ng mga opisyal na malamang na mga tagapagtaguyod ng Nazi! Naging karaniwan na rin ang pagsalansang mula sa mga klerong Katoliko, subalit patuloy na nagtiyaga ang mga Saksi sa kanilang bigay-Diyos na gawain. Sila’y nagsikap na abutin ang mga lunsod at mga bayan sa Brazil na hindi pa napangangaralan ng mensahe ng Kaharian.
Isang pagmamasid sa pambuong-daigdig na situwasyon ang nagpapakita na sa karamihan ng mga lupain kung saan may mga Saksi ni Jehova noong Digmaang Pandaigdig II, sila’y napaharap sa mga pagbabawal ng gobyerno alinman sa kanilang organisasyon o sa kanilang literatura. Bagaman sila’y nangangaral na sa 117 lupain noong 1938, noong mga taon ng digmaan (1939-45) ay ipinagbawal ang kanilang organisasyon o literatura, o pinalayas sa lupain ang kanilang mga ministro, sa mahigit na 60 ng mga lupaing iyon. Kahit sa mga lugar na walang pagbabawal, sila’y napaharap sa marahas na mga pang-uumog at madalas silang dinarakip. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi tumigil ang pangangaral ng mabuting balita.
Nagsimulang Lumitaw ang Malaking Pulutong sa Latin Amerika
Nang kainitan mismo ng digmaan, noong Pebrero 1943, habang isinasaplano ang gawain pagkatapos ng digmaan, sinimulan ng Samahang Watch Tower ang Paaralang Gilead sa New York State upang sanayin ang mga misyonero para sa paglilingkod sa ibang mga bansa. Bago nagtapos ang taon, 12 sa mga misyonerong ito ang nagsimula nang maglingkod sa Cuba. Nasumpungan nilang tunay na mabunga ang bukirin doon.
Sing-aga ng 1910, may ilang binhi ng katotohanan ng Bibliya na naihasik na sa Cuba. Si C. T. Russell ay nakapagbigay ng pahayag doon noong 1913. Si J. F. Rutherford ay nakapagsalita sa radyo sa Havana noong 1932, at muli itong isinahimpapawid sa wikang Kastila. Ngunit mabagal ang naging pagsulong. Noon ay marami ang hindi marunong bumasa’t sumulat at marami ang mga panatiko sa relihiyon. Noong pasimula ang karamihang nagpapakita ng interes ay yaong mga marunong ng Ingles na galing sa Jamaica at iba pang mga lugar. Pagsapit ng 1936 mayroon lamang 40 tagapaghayag ng Kaharian sa Cuba. Subalit noong panahong iyon ang pagtatanim at pagdidilig ng mga binhi ng katotohanan ng Kaharian ay nagsimulang magbunga nang higit.
Noong 1934 ang unang mga Cubano ay nabautismuhan; mga iba pa ang sumunod. Pasimula noong 1940, ang araw-araw na mga brodkast sa radyo at ang may tibay-loob na pagpapatotoo sa lansangan ay idinagdag sa ministeryo sa bahay-bahay roon. Kahit bago dumating ang mga misyonerong sinanay sa Gilead noong 1943, mayroon nang 950 sa Cuba na nanghawakan na sa mabuting balita at ipinangangaral ito sa iba, bagaman hindi lahat ay palagiang nakikibahagi. Dalawang taon matapos dumating ang mga misyonero, ang pagsulong sa bilang ay higit pang bumilis. Pagsapit ng 1945, ang mga Saksi ni Jehova sa Cuba ay may bilang na 1,894. Bagaman ang karamihan sa kanila ay nanggaling sa isang relihiyon na nagtuturo na lahat ng tapat na tagapagtaguyod ng simbahan ay aakyat sa langit, ang malaking bahagi niyaong naging mga Saksi ni Jehova ay buong pananabik na nanghahawakan sa pag-asa ng walang-hanggang buhay sa lupa sa isang isinauling paraiso. (Gen. 1:28; 2:15; Awit 37:9, 29; Apoc. 21:3, 4) May 1.4 porsiyento lamang sa mga ito ang nagsasabing sila’y pinahiran-ng-espiritung mga kapatid ni Kristo.
Sa iba pang paraan, ang pandaigdig na punong-tanggapan ng Samahan ay naglaan ng tulong para sa Latin Amerika. Sa kaagahan ng 1944, sina N. H. Knorr, F. W. Franz, W. E. Van Amburgh, at M. G. Henschel ay gumugol ng sampung araw sa Cuba upang palakasin sa espirituwal ang mga kapatid doon. Nang panahong iyon may kombensiyon na idinaos sa Havana, at may binalangkas na mga kaayusan upang pagbutihin pa ang pangangasiwa sa gawaing pangangaral. Sa paglalakbay na ito nagpunta rin sina Brother Knorr at Brother Henschel sa Costa Rica, Guatemala, at Mexico upang tulungan ang mga Saksi ni Jehova sa mga lupaing iyon.
Noong 1945 at 1946, sina N. H. Knorr at F. W. Franz ay gumawa ng mga paglalakbay upang magpahayag at maglingkod kasama ng mga Saksi sa 24 na mga lupain sa mga dako mula sa Mexico hanggang sa dulong timugan ng Timog Amerika gayundin sa Caribeano. Sila’y personal na gumugol ng limang buwan sa dakong iyon ng daigdig, na nagbibigay ng maibiging tulong at patnubay. Sa ilang lugar ang nakausap lamang nila ay isang maliit na grupo ng mga taong interesado. Upang tiyakin na may regular na mga kaayusan para sa mga pulong at paglilingkod sa larangan, sila’y personal na tumulong sa pag-oorganisa sa unang mga kongregasyon sa Lima, Peru, at Caracas, Venezuela. Sa mga lugar na may idinaraos nang mga pulong, dumalo sila sa mga ito at, kung minsan, ay naglaan ng payo kung papaano mapabubuti pa ang praktikal na kahalagahan ng mga ito may kaugnayan sa gawaing pag-eebanghelyo.
Hangga’t maaari, nagsasaayos ng mga pahayag pangmadla sa Bibliya sa panahon ng mga dalaw na ito. Ang mga pahayag ay malawak na inianunsiyo sa pamamagitan ng mga plakard na suot ng mga Saksi at ng mga pulyeto na ipinamahagi sa mga lansangan. Bunga nito, ang 394 na mga Saksi sa Brazil ay natuwa nang may dumalong 765 sa kanilang kombensiyon sa São Paulo. Sa Chile, kung saan may 83 mga tagapaghayag ng Kaharian, 340 ang nakinig sa pantanging inianunsiyong pahayag. Sa Costa Rica ang 253 lokal na mga Saksi ay natuwa na may kabuuang 849 na dumalo sa kanilang dalawang asamblea. Ang mga ito ay mga pagkakataon ng mainit na pagsasamahan sa gitna ng mga kapatid.
Gayunman, ang layunin ay hindi lamang ang magkaroon ng di-malilimot na mga kombensiyon. Sa mga paglalakbay na ito ang mga kinatawan mula sa punong-tanggapan ay nagbigay ng pantanging pagdiriin sa kahalagahan ng pagdalaw-muli sa interesadong mga tao at pagdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya sa kanila. Upang ang mga tao ay maging tunay na mga alagad, kailangan nila ang regular na pagtuturo mula sa Salita ng Diyos. Bunga nito, ang bilang ng mga pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya ay sumulong sa dakong ito ng daigdig.
Samantalang ginagawa nina Brother Knorr at Brother Franz ang mga paglalakbay na ito ukol sa paglilingkod, lalong maraming mga misyonerong sinanay sa Gilead ang dumarating sa kani-kanilang mga atas. Pagsapit ng katapusan ng 1944, ang ilan ay naglilingkod na sa Costa Rica, Mexico, at Puerto Rico. Noong 1945, ang iba pang mga misyonero ay tumutulong upang higit na organisahing mabuti ang gawain sa Barbados, Brazil, British Honduras (ngayo’y Belize), Chile, Colombia, El Salvador, Guatemala, Haiti, Jamaica, Nicaragua, Panama, at Uruguay. Nang dumating ang unang dalawang misyonero sa Dominican Republic noong 1945, sila lamang ang mga Saksi sa buong lupaing iyon. Ang epekto ng ministeryo ng unang mga misyonero ay nakita agad. Sinabi ni Trinidad Paniagua tungkol sa unang mga misyonerong ipinadala sa Guatemala: “Ito ang talagang kailangan namin—mga guro ng Salita ng Diyos na tutulong sa amin kung papaano gaganapin ang gawain.”
Kaya inilalatag na ang pundasyon para sa higit na pagpapalawak sa bahaging ito ng pandaigdig na larangan. Sa mga kapuluan ng Caribeano, may 3,394 na mga tagapaghayag ng Kaharian noong katapusan ng 1945. Sa Mexico, may 3,276, at may 404 pa sa Sentral Amerika. Sa Timog Amerika, 1,042. Para sa dakong ito ng daigdig, iyan ay 386 na porsiyentong pagsulong sa nakalipas na pitong taon, na naging totoong maligalig na panahon sa kasaysayan ng tao. Subalit ito’y pasimula pa lamang. Nasa unahan pa ang isang pambihirang bilis na pagsulong! Inihula ng Bibliya na “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at angkan at bayan at wika” ang titipunin bilang mga mananamba kay Jehova bago dumating ang malaking kapighatian.—Apoc. 7:9, 10, 14.
Nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, mayroon lamang 72,475 Saksi ni Jehova na nangangaral sa 115 lupain (Kung bibilangin ayon sa paghahati ng bansa maaga noong dekada ng 1990). Sa kabila ng matinding pag-uusig na dinanas nila sa buong daigdig, ang bilang nila ay mahigit na nadoble hanggang sa natapos ang digmaan. Kaya, ang ulat para sa 1945 ay nagpapakita na may 156,299 aktibong mga Saksi sa 107 lupain ayon sa natipong mga ulat. Gayunman, noong panahong iyon may 163 lupain na aktuwal na inabot ng mensahe ng Kaharian.
Ang pagpapatotoong ibinigay sa pagitan ng 1936 at 1945 ay tunay na kamangha-mangha. Noong dekadang iyon ng pambuong-daigdig na kaligaligan, ang masisigasig na Saksing ito ni Jehova ay gumugol ng kabuuang 212,069,285 oras sa paghahayag sa daigdig na ang Kaharian ng Diyos ang siyang tanging pag-asa para sa sangkatauhan. Sila’y nakapamahagi rin ng 343,054,579 na mga aklat, mga buklet, at mga magasin upang tulungan ang mga tao na maunawaan ang maka-Kasulatang saligan para sa pag-asang iyan. Upang tulungan ang mga taong tunay na interesado, noong 1945 sila’y nagdaraos, bilang aberids, ng 104,814 na walang-bayad na pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya.
[Blurb sa pahina 455]
Bagaman napilitan silang tumakas dahil sa kalagayan dulot ng digmaan, nagpatuloy pa rin sila sa pangangaral
[Kahon/Mga larawan sa pahina 451-453]
Tumanggi Silang Huminto sa Pagpapatotoo Kahit Nakabilanggo
Ang makikita rito ay iilan lamang sa libu-libong nagdusa sa mga bilangguan at mga kampong piitan dahil sa kanilang pananampalataya noong Digmaang Pandaigdig II
1. Adrian Thompson, New Zealand. Nabilanggo noong 1941 sa Australia; ang kaniyang aplikasyon para sa eksemsiyon sa pagsusundalo ay tinanggihan nang ipagbawal sa Australia ang mga Saksi ni Jehova. Matapos mapalaya, bilang naglalakbay na tagapangasiwa, pinatibay niya ang mga kongregasyon sa kanilang pangmadlang ministeryo. Naglingkod bilang misyonero at bilang unang naglalakbay na tagapangasiwa sa Hapón pagkatapos ng digmaan; patuloy na nangaral nang may kasigasigan hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1976.
2. Alois Moser, Austria. Nakulong sa pitong bilangguan at kampong piitan. Aktibong Saksi pa rin noong 1992 sa edad na 92.
3. Franz Wohlfahrt, Austria. Ang pagbitay sa kaniyang ama at kapatid na lalaki ay hindi humadlang kay Franz. Nakulong sa Rollwald Camp sa Alemanya sa loob ng limang taon. Nagpapatotoo pa rin noong 1992 sa edad na 70.
4. Thomas Jones, Canada. Nabilanggo noong 1944, pagkatapos ay sapilitang pinapagtrabaho sa dalawang kampo. Pagkaraan ng 34 na taon ng buong-panahong paglilingkuran, siya’y inatasan noong 1977 bilang miyembro ng Komite ng Sangay na nangangasiwa sa gawaing pangangaral sa buong Canada.
5. Maria Hombach, Alemanya. Paulit-ulit na inaresto; nag-iisa sa selda sa loob ng tatlo at kalahating taon. Bilang tagahatid ng literatura, isinapanganib niya ang kaniyang buhay upang dalhin ang literatura sa Bibliya sa kapuwa mga Saksi. Noong 1992, nananatiling isang tapat na miyembro ng pamilyang Bethel sa edad na 90.
6. Max at Konrad Franke, Alemanya. Mag-ama, kapuwa paulit-ulit na nabilanggo, at sa loob ng maraming taon. (Ang asawa ni Konrad, si Gertrud, ay nabilanggo rin.) Lahat ay nanatiling tapat, masigasig na mga lingkod ni Jehova, at si Konrad ang nanguna sa muling-pagtatayo ng gawaing pangangaral ng mga Saksi sa Alemanya pagkatapos ng digmaan.
7. A. Pryce Hughes, Inglatera. Sinentensiyahang mabilanggo nang dalawang ulit sa Wormwood Scrubs, London; nabilanggo rin dahil sa kaniyang pananampalataya noong Digmaang Pandaigdig I. Nanguna sa gawain ng pangangaral ng Kaharian sa Britanya hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1978.
8. Adolphe at Emma Arnold kasama ang anak nilang babae na si Simone, Pransya. Matapos mabilanggo si Adolphe, sina Emma at Simone ay patuloy na nagpatotoo, at namahagi pa rin ng literatura sa ibang mga Saksi. Si Emma, noong nasa bilangguan, ay ikinulong na nag-iisa dahil sa walang-tigil niyang pagpapatotoo sa ibang mga bilanggo. Si Simone ay ipinadala sa isang repormatoryo. Lahat ay nagpatuloy bilang masisigasig na Saksi.
9. Ernst at Hildegard Seliger, Alemanya. Kung pagsasamahin, silang dalawa ay nakaranas ng mahigit na 40 taon sa bilangguan at sa mga kampong piitan dahil sa kanilang pananampalataya. Kahit nasa bilangguan kanilang patuloy na ibinahagi ang katotohanan ng Bibliya sa iba. Nang mapalaya ginugol nila ang kanilang buong panahon sa pangangaral ng mabuting balita. Si Brother Seliger ay namatay bilang tapat na lingkod ng Diyos noong 1985; si Sister Seliger, noong 1992.
10. Carl Johnson, Estados Unidos. Dalawang taon matapos mabautismuhan, nabilanggo kasama ng daan-daang ibang mga Saksi sa Ashland, Kentucky. Nakapaglingkod bilang payunir at bilang tagapangasiwa ng sirkito; noong 1992, nangunguna pa rin sa ministeryo sa larangan bilang isang elder.
11. August Peters, Alemanya. Pilit na inihiwalay sa kaniyang asawa at apat na anak, siya’y nabilanggo noong 1936-37, at muli noong 1937-45. Matapos mapalaya, sa halip na bawasan ang pangangaral, siya’y gumawa ng higit pa, sa buong-panahong paglilingkod. Noong 1992, sa edad na 99, siya’y naglilingkod pa rin bilang miyembro ng pamilyang Bethel at nakita niyang lumago ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya tungo sa 163,095.
12. Gertrud Ott, Alemanya. Nabilanggo sa Lodz, Polandya, pagkatapos sa kampong piitan sa Auschwitz; sumunod sa Gross-Rosen at Bergen-Belsen sa Alemanya. Pagkatapos ng digmaan siya’y masigasig na naglingkod bilang misyonera sa Indonesia, Iran, at Luxembourg.
13. Katsuo Miura, Hapón. Pitong taon matapos siyang madakip at mabilanggo sa Hiroshima, ang kalakhang bahagi ng bilangguan na kaniyang pinagpiitan ay niwasak ng bomba atomika na naggiba sa buong lunsod. Gayunman, ang mga doktor ay walang makitang ebidensiya na siya’y pininsala ng radyasyon. Ginamit niya ang huling mga taon ng kaniyang buhay bilang isang payunir.
14. Martin at Gertrud Poetzinger, Alemanya. Ilang buwan pa lamang pagkatapos ng kanilang kasal, sila’y inaresto at pilit na pinaghiwalay sa loob ng siyam na taon. Si Martin ay ipinadala sa Dachau at Mauthausen; si Gertrud, sa Ravensbrück. Sa kabila ng malupit na pagtrato, hindi nanghina ang kanilang pananampalataya. Matapos mapalaya ginugol nila ang buong lakas nila sa paglilingkuran kay Jehova. Sa loob ng 29 na taon siya’y naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa buong Alemanya; pagkatapos, bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1988. Noong 1992, si Gertrud ay nagpatuloy pa bilang isang masigasig na ebanghelisador.
15. Jizo at Matsue Ishii, Hapón. Pagkatapos ng isang dekada ng pamamahagi ng literatura sa Bibliya sa buong Hapón, sila’y nabilanggo. Bagaman ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Hapón ay pilit na pinahinto noong digmaan, sina Brother at Sister Ishii ay muling nagpatotoo nang may kasigasigan pagkatapos ng digmaan. Noong 1992, nakita ni Matsue Ishii na sumulong tungo sa mahigit na 171,000 ang bilang ng aktibong mga Saksi sa Hapón.
16. Victor Bruch, Luxembourg. Nabilanggo sa Buchenwald, Lublin, Auschwitz, at Ravensbrück. Sa edad na 90, aktibo pa rin bilang isang elder ng mga Saksi ni Jehova.
17. Karl Schurstein, Alemanya. Isang naglalakbay na tagapangasiwa bago nagsimulang mamahala si Hitler. Nabilanggo nang walong taon, pagkatapos ay pinatay ng SS sa Dachau noong 1944. Kahit sa loob ng kampo, patuloy niyang pinatibay ang iba sa espirituwal.
18. Kim Bong-nyu, Korea. Nabilanggo nang anim na taon. Sa edad na 72, nagbabalita pa rin sa iba hinggil sa Kaharian ng Diyos.
19. Pamfil Albu, Romania. Pagkatapos ng malupit na pagtrato, ipinadala siya sa isang kampo sa Yugoslavia at sapilitang pinagtrabaho nang dalawa at kalahating taon. Pagkatapos ng digmaan siya’y nabilanggo nang dalawang beses pa, para sa 12 taon. Hindi siya huminto sa pagsasalita hinggil sa layunin ng Diyos. Bago siya namatay tumulong siya sa libu-libo sa Romania na maglingkod na kasama ng pambuong-daigdig na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova.
20. Wilhelm Scheider, Polandya. Nasa mga kampong piitan ng Nazi 1939-45. Nasa Komunistang mga bilangguan 1950-56, gayundin 1960-64. Hanggang sa kamatayan niya noong 1971, siya’y walang-pag-aatubiling gumamit ng kaniyang lakas sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos.
21. Harald at Elsa Abt, Polandya. Noong panahon ng digmaan at pagkatapos, si Harald ay nakaranas ng 14 na taon sa bilangguan at mga kampong piitan dahil sa kaniyang pananampalataya ngunit patuloy na nangaral kahit doon. Si Elsa ay pilit na inihiwalay sa kaniyang anak na babaing sanggol at pagkatapos ay ikinulong sa anim na kampo sa Polandya, Alemanya, at Austria. Sa kabila ng isang 40-taóng pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa Polandya kahit pagkatapos ng digmaan, lahat sila’y nanatiling masisigasig na lingkod ni Jehova.
22. Ádám Szinger, Hungarya. Sa anim na mga paglilitis sa hukuman, sinintensiyahan ng 23 taon, at aktuwal na nanatili sa bilangguan at mga kampo para sa sapilitang pagtatrabaho nang 8 1/2 taon. Nang mapalaya, naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa kabuuang 30 taon. Sa edad na 69, nananatili siyang isang tapat na elder sa kongregasyon.
23. Joseph Dos Santos, Pilipinas. Nakagugol na ng 12 taon bilang buong-panahong tagapaghayag ng mensahe ng Kaharian bago siya nabilanggo noong 1942. Muling pinasigla ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas pagkatapos ng digmaan at personal na nagpatuloy sa paglilingkurang payunir hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1983.
24. Rudolph Sunal, Estados Unidos. Nabilanggo sa Mill Point, West Virgina. Matapos mapalaya ginugol ang buong panahon niya sa pagpapalaganap ng kaalaman ng Kaharian ng Diyos—bilang payunir, miyembro ng pamilyang Bethel, at tagapangasiwa ng sirkito. Nagpapayunir pa rin noong 1992, sa edad na 78.
25. Martin Magyarosi, Romania. Mula sa bilangguan, 1942-44, nagpatuloy na magbigay ng mga tagubilin para sa pangangaral ng mabuting balita sa Transylvania. Nang mapalaya, malawak siyang naglakbay upang patibayin ang kapuwa mga Saksi sa kanilang pangangaral at naging walang-takot na Saksi mismo. Muling nabilanggo noong 1950, siya’y namatay sa loob ng isang kampo noong 1953, isang tapat na lingkod ni Jehova.
26. R. Arthur Winkler, Alemanya at Netherlands. Unang ipinadala sa kampong piitan sa Esterwegen; patuloy na nangaral sa loob ng kampo. Nang dakong huli, sa Netherlands, siya’y binugbog ng Gestapo hanggang sa halos hindi na siya makilala. Sa wakas ay ipinadala siya sa Sachsenhausen. Isang tapat, masigasig na Saksi hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1972.
27. Park Ock-hi, Korea. Tatlong taon sa Sodaemun Prison, Seoul; sumailalim ng di-mailalarawang pagpapahirap. Sa edad na 91, noong 1992, masigasig na nangangaral pa rin, bilang isang special pioneer.
[Mapa/Larawan sa pahina 446]
Si Alexander MacGillivray, bilang tagapangasiwa ng sangay sa Australia, ay tumulong sa pagpaplano ng mga paglalakbay upang mangaral sa maraming bansa at kapuluan
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
AUSTRALIA
NEW ZEALAND
TAHITI
TONGA
FIJI
NEW GUINEA
JAVA
BORNEO
SUMATRA
BURMA
HONG KONG
MALAYA
SINGAPORE
SIAM
INDOCHINA
TSINA
KARAGATANG PASIPIKO
Mga Pangalan ng Lugar ang Ginagamit Noong Dekada ng 1930
[Mapa/Mga larawan sa pahina 460]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Pagsapit ng huling bahagi ng 1945, ang mga misyonero mula sa Paaralang Gilead ay nakapaglilingkod na sa 18 na lupain sa dakong ito ng daigdig
Charles and Lorene Eisenhower
Cuba
John and Adda Parker
Guatemala
Emil Van Daalen
Puerto Rico
Olaf Olson
Colombia
Don Burt
Costa Rica
Gladys Wilson
El Salvador
Hazel Burford
Panama
Louise Stubbs
Chile
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
BARBADOS
BELIZE
BOLIVIA
BRAZIL
CHILE
COLOMBIA
COSTA RICA
CUBA
DOMINICAN REPUBLIC
EL SALVADOR
GUATEMALA
HAITI
JAMAICA
MEXICO
NICARAGUA
PANAMA
PUERTO RICO
URUGUAY
[Larawan sa pahina 444]
Ang ilang colporteur ay nakapamahagi ng maraming karton ng literatura; ang mga maybahay ay tumanggap ng maraming sermon sa Bibliya sa bawat aklat
[Larawan sa pahina 445]
Si Armando Menazzi (sa gitna sa harap) at isang maligayang grupo na kasama niya sa isang paglalakbay upang mangaral sakay ng kanilang “de-gulong na tahanang pampayunir”
[Larawan sa pahina 445]
Sina Arthur Willis, Ted Sewell, at Bill Newlands—tatlo na nagdala ng mensahe ng Kaharian sa dakong looban ng Australia
[Larawan sa pahina 447]
Si Frank Dewar (makikita rito kasama ang kaniyang asawa at kanilang dalawang anak na babae) ay nagtungo sa Thailand bilang nag-iisang payunir noong 1936 at siya’y special pioneer pa rin noong 1992
[Larawan sa pahina 447]
Ginamit ni Chomchai Inthaphan ang kaniyang kakayahan bilang tagapagsalin upang maabot ang mga taga-Thailand ng mabuting balita na matatagpuan sa Bibliya
[Larawan sa pahina 448]
Sa Alemanya, malawak na ipinamahagi sa madla ng mga Saksi ni Jehova ang bukás na sulat na ito noong 1937, bagaman ang pagsamba nila ay ipinagbabawal noon ng gobyerno
[Larawan sa pahina 449]
Ang pamilya nina Franz at Hilda Kusserow—bawat isa sa kanila ay isang tapat na Saksi ni Jehova, bagaman ang lahat sa pamilya (maliban sa isang anak na lalaki na namatay sa isang aksidente) ay itinapon sa mga kampong piitan, bilangguan, o repormatoryo dahil sa kanilang pananampalataya
[Mga larawan sa pahina 450]
Ang ilan sa Austria at Alemanya na nagsapanganib ng kanilang buhay upang imprentahin o ipamahagi ang mahalagang materyal para sa pag-aaral sa Bibliya, gaya ng makikita sa may likuran
Therese Schreiber
Peter Gölles
Elfriede Löhr
Albert Wandres
August Kraft
Ilse Unterdörfer
[Larawan sa pahina 454]
Mga Saksi sa isang kombensiyon sa Shanghai, Tsina, noong 1936; siyam sa grupong ito ang nabautismuhan sa pagkakataong iyon
[Larawan sa pahina 456]
Sa kabila ng pagbabawal sa kanilang pagsamba, ang mga Saksing ito ay nagdaos ng kombensiyon sa Hargrave Park, malapit sa Sydney, Australia, noong 1941
[Larawan sa pahina 458]
Mga Saksing Cubano sa isang kombensiyon sa Cienfuegos noong 1939
[Larawan sa pahina 459]
Si N. H. Knorr (kaliwa) sa kombensiyon sa São Paulo noong 1945, na isinasalin ni Erich Kattner