Kabanata 22
Bahagi 4—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
Samantalang patuloy pa ang Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ni Jehova ay gumagawa na ng mga plano para sa pinag-ibayong gawain pagkatapos ng digmaan. Ang ulat sa mga pahina 462 hanggang 501 ay naglalahad ng kaakit-akit na mga detalye tungkol sa aktuwal na naganap mula 1945 hanggang 1975 habang lumalaki ang bilang nila, umaabot sa higit pang mga lupain, at nangangaral at nagtuturo ng Salita ng Diyos nang higit na masinsinan kaysa noong una.
KARAMIHAN ng mga isla sa West Indies ay narating na ng mensahe ng Kaharian pagsapit ng 1945. Subalit isang higit na masinsinang pagpapatotoo ang kailangang ibigay. Mahalaga ang papel na gagampanan ng mga misyonerong sinanay sa Paaralang Gilead.
Pinag-ibayo ng mga Misyonero ang Pagpapatotoo sa West Indies
Pagsapit ng 1960 ang mga misyonerong ito ay nakapaglingkod na sa 27 isla o kapuluan sa Caribeano. Kalahati sa mga lugar na ito ang wala pang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova nang dumating ang mga misyonero. Ang mga misyonero ay nagsimulang magdaos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado, at nag-organisa sila ng regular na mga pulong. Sa mga lugar na mayroon nang kongregasyon, nagbigay sila ng mabisang pagsasanay sa lokal na mga mamamahayag. Dahil dito, sumulong ang uri ng mga pulong at ang bisa ng kanilang ministeryo.
Ang naunang mga Estudyante ng Bibliya ay nagpapatotoo na sa Trinidad kahit bago pa ang Digmaang Pandaigdig I, ngunit pagdating ng mga misyonero mula sa Gilead noong 1946, ang pagdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado ay higit na pinasigla. Sa Jamaica ang pangangaral ng mabuting balita ay ginagawa na sa loob ng halos kalahating siglo, at mayroon nang isang libong lokal na mga Saksi nang dumating ang unang misyonero, subalit nagalak silang matulungan na marating ang mga taong may mataas na pinag-aralan, lalo na sa mga dako sa may labas at paligid ng kabiserang lunsod. Sa kabilang dako naman, sa Aruba maraming pagpapatotoo ang nagawa na sa mga taong nagsasalita ng Ingles, kaya ang pinag-ukulan ng pansin ng mga misyonero ay ang mga katutubong tagaroon. Kailangang marinig ng lahat ang mabuting balita.
Upang tiyakin na ang mga tao sa lahat ng mga isla sa bahaging ito ng lupa ay may pagkakataong makarinig tungkol sa Kaharian ng Diyos, noong 1948 inihanda ng Samahang Watch Tower ang 18-metrong lantsa na Sibia bilang isang lumulutang na tahanang misyonero. Ang mga tauhan nito ay inatasang maghatid ng mensahe ng Kaharian sa bawat isla sa West Indies na walang aktibong tagapangaral ng mabuting balita. Si Gust Maki ang kapitan, at kasama niya sina Stanley Carter, Ronald Parkin, at Arthur Worsley. Nagsimula sila sa Out Islands ng Bahamas, saka gumawang patungo sa timog-silangan na dumadaan sa Leeward Islands at Windward Islands. Ano ang naging epekto ng kanilang mga pagdalaw? Sa St. Maarten, sinabi ng isang negosyante sa kanila: “Dati’y wala ritong nag-uusap tungkol sa Bibliya, ngunit mula nang dumating kayo rito ang lahat ay nag-uusap na tungkol sa Bibliya.” Nang maglaon, ang Sibia ay pinalitan ng mas malaking lantsa, ang Light. Nagkaroon din ng pagbabago sa mga tauhan. Pagkaraan ng isang dekada ang pantanging gawain sa paggamit ng mga lantsang ito ay naisagawa na, at ang mga tagapaghayag naman ng mabuting balita sa katihan ang sumusubaybay sa interes.
Pagpapatotoo Muna sa Malalaking Lunsod
Kung papaano sa West Indies, gayundin sa Sentral at Timog Amerika, mayroon nang mga tao sa maraming lugar na may mga publikasyon ng Samahang Watch Tower bago pa dumating ang mga misyonero mula sa Paaralang Gilead. Gayunman, upang abutin ang lahat ng mabuting balita at tulungan ang mga taimtim na tao na maging tunay na mga alagad, higit na mahusay na organisasyon ang kinailangan.
Nang magtapos ang ikalawang digmaang pandaigdig noong 1945, may ilang daan nang mga Saksi ni Jehova sa Argentina at Brazil; mga tatlong libo sa Mexico; ilang napakaliliit na mga kongregasyon sa British Guiana (ngayo’y Guyana), Chile, Dutch Guiana (ngayo’y Suriname), Paraguay, at Uruguay; at pailan-ilang mamamahayag sa Colombia, Guatemala, at Venezuela. Ngunit tungkol sa Bolivia, Ecuador, El Salvador, Honduras, at Nicaragua, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay hindi permanenteng naitatag hanggang sa pagdating ng mga misyonerong sinanay sa Paaralang Gilead.
Ang mga misyonero ay nag-ukol muna ng pantanging pansin sa pangunahing mga lunsod. Kapansin-pansin na noong unang siglo, si apostol Pablo ay kadalasang nangaral sa mga lunsod sa pangunahing mga dinaanan niya sa paglalakbay sa Asia Minor at sa Gresya. Sa Corinto, isa sa pinakamalaking mga lunsod sa sinaunang Gresya, gumugol si Pablo ng 18 buwan sa pagtuturo ng Salita ng Diyos. (Gawa 18:1-11) Sa Efeso, isang sangandaan para sa paglalakbay at komersiyo sa sinaunang daigdig, inihayag niya ang Kaharian ng Diyos nang mahigit sa dalawang taon.—Gawa 19:8-10; 20:31.
Sa gayon ding paraan, nang dumating sa Bolivia noong 1945 sina Edward Michalec at Harold Morris, mga misyonerong nagtapos sa Paaralang Gilead, hindi nila hinanap ang lugar na may kaaya-ayang klima. Sa halip, pinag-ukulan muna nila ng pansin ang La Paz, ang kabisera, na nakalagay sa kabundukan ng Andes sa taas na halos 3,700 metro. Napakahirap para sa mga baguhan na akyatin ang matatarik na mga lansangan sa ganitong taas; madalas na kumakabog ang kanilang dibdib tulad sa pukpok ng martilyo. Ngunit maraming taong interesado sa mensahe ng Bibliya ang nasumpungan ng mga misyonero. Doon sa kabisera, madalas na sinasabi sa kanila: “Ako’y isang apostolikong Romano Katoliko, ngunit hindi ko gusto ang mga pari.” Pagkaraan lamang ng dalawang buwan, ang dalawang misyonero ay nagdaraos na ng 41 pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya.
Nang sumunod na dekada, matapos dumating ang higit na mga misyonero at lumaki ang bilang ng lokal na mga Saksi, binigyang-pansin ang iba pang mga lunsod sa Bolivia: Cochabamba, Oruro, Santa Cruz, Sucre, Potosí, at Tarija. Pagkatapos, saka nabigyan ng higit na pansin ang lalong maliliit na lunsod at bayan pati na ang mga lugar sa kabukiran.
Kahawig nito, sa Colombia ang mga misyonero ay nagsimula ng organisadong pangangaral sa kabisera, ang Bogotá, noong 1945, at sa may-baybaying lunsod ng Barranquilla nang sumunod na taon. Pagkatapos nito, unti-unting iniukol ang pansin sa Cartagena, Santa Marta, Cali, at Medellín. Higit na maraming tao ang maaabot sa maikling panahon sa paggawa muna sa malalaking lunsod. Sa tulong ng mga natuto ng katotohanan doon, di-magtatagal at ang mensahe ay maihahatid sa nakapaligid na mga dako.
Kapag kakaunti lamang ang interes na ipinakita sa isang lunsod, inililipat ang mga misyonero sa ibang lugar. Kaya, sa Ecuador, nang ang tatlong taóng paggawa sa kalagitnaan ng dekada ng 1950 ay hindi nagbunga ng kahit isang tao na may lakas-loob na manindigan sa katotohanan sa may-pagka-panatikong relihiyosong Cuenca, si Carl Dochow ay inilipat sa Machala, isang lunsod na may mga taong mapagpaubaya at bukás ang kaisipan. Gayunman, pagkaraan ng mga isang dekada, binigyan ng panibagong pagkakataon ang mga tao sa Cuenca. Ibang espiritu ang nasumpungan, napagtagumpayan ang mga hadlang, at pagsapit ng 1992 sa loob at palibot ng Cuenca, mahigit sa 1,200 ang naging mga Saksi ni Jehova at inorganisa sa 25 kongregasyon.
Matiyagang Naghahanap ng mga Tulad-Tupa
Kailangan ang malaking tiyaga upang hanapin ang mga taong tunay na tulad-tupa. Upang hanapin ang mga ito sa Suriname, ang mga Saksi ni Jehova ay nangaral sa mga Amerindian, Intsik, taga-Indonesia, Judio, taga-Lebanon, inapo ng mga dayuhang Olandes, at mga tribo sa kagubatan na binubuo ng mga Bush Negro, na inapo ng mga takas na alipin. Nasumpungan sa mga ito ang mga daan-daan na tunay na nagugutom sa katotohanan. Ang ilan ay kinailangang kumalas mula sa lubhang pagkakasangkot sa animismo at espiritismo. Ang isa sa mga ito ay si Paitu, isang doktor sa kulam, na isinapuso ang mensahe ng Bibliya at pagkatapos ay itinapon sa ilog ang kaniyang mga idolo, anting-anting, at mga panggamot. (Ihambing ang Deuteronomio 7:25; 18:9-14; Gawa 19:19, 20.) Noong 1975 inialay niya ang kaniyang sarili kay Jehova, ang tunay na Diyos.
Marami sa mga naninirahan sa Peru ay nakatira sa maliliit na nayon na nakakalat sa kaitaasan ng Andes at sa kagubatan sa palibot ng pinagmumulan ng mga tubig ng ilog Amazon. Papaano maaabot ang mga ito? Noong 1971 isang pamilya ng mga Saksi mula sa Estados Unidos ang naglakbay sa Peru upang dalawin ang kanilang misyonerong anak, na si Joe Leydig. Nang mapag-alaman nila ang napakaraming mga nayong nakakalat kung saan-saan sa mga libis ng mga bundok, ang kanilang pagkabahala sa mga taong ito ang nagpakilos sa kanila. Sila’y tumulong upang maglaan muna ng isang trailer, saka dalawa pa, gayundin ang mga maliliit na motorsiklo na magagamit sa pangmatagalang mga paglalakbay upang mangaral sa liblib na mga lugar na ito.
Sa kabila ng pagsisikap na ginawa, sa maraming lugar ay tila iilan lamang ang nagpakita ng interes sa mensahe ng Bibliya. Mauunawaan ninyo marahil ang nadama ng anim na kabataang mga misyonero sa Barquisimeto, Venezuela, sa pasimula ng dekada ng 1950 nang, pagkatapos ng isang buong taon ng masikap na pangangaral, halos wala silang nakitang pagsulong. Bagaman palakaibigan naman ang mga tao, karamihan sa kanila’y lubhang napasangkot sa mga pamahiin at itinuturing nilang kasalanan ang magbasa ng kahit isang teksto mula sa Bibliya. Ang sinumang nagpapakita ng interes ay agad pinahihina ng loob ng mga kasambahay o mga kapitbahay. (Mat. 13:19-21) Subalit, taglay ang pagtitiwala na may mga tulad-tupa sa Barquisimeto at na ang mga ito’y titipunin ni Jehova sa kaniyang takdang panahon, patuloy na dumalaw sa bahay-bahay ang mga misyonero. Kaya, tunay na nakapagpapagalak-puso para kay Penny Gavette nang isang araw ay isang babaing may uban ang nakinig sa kaniya at pagkatapos ay nagsabi:
“Senyorita, mula pa sa aking pagkabata, hinintay ko nang may pumunta sa bahay ko at magpaliwanag ng mga bagay na kasasabi mo lamang sa akin. Alam mo, noong ako’y dalagita, naglilinis ako sa bahay ng pari, at may Bibliya siya sa kaniyang aklatan. Alam kong pinagbabawalan kaming basahin ito, ngunit gayon na lamang ang pagnanais kong malaman kung bakit anupat, isang araw nang walang nakakakita, iniuwi ko ito at lihim kong binasa. Sa nabasa ko ay napagtanto ko na hindi kami tinuruan ng Iglesya Katolika ng katotohanan at dahil dito hindi iyan ang tunay na relihiyon. Natakot akong sabihin ito sa iba, ngunit nakatitiyak ako na balang araw ay darating sa aming bayan ang mga nagtuturo ng tunay na relihiyon. Nang dumating ang relihiyong Protestante, sa pasimula ang akala ko’y sila na nga ito, ngunit di-nagtagal at natuklasan ko na sila’y nagtuturo rin ng marami sa mga kamaliang itinuturo ng Iglesya Katolika. Ngayon, ang kasasabi mo lamang sa akin ang siyang nabasa ko sa Bibliyang iyon maraming taon na ang nakalipas.” Buong-sabik na sumang-ayon siya sa pag-aaral ng Bibliya at naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Sa kabila ng pagsalansang ng pamilya, siya’y naglingkod nang may katapatan kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan.
Malaking pagsisikap ang kinailangan upang tipunin ang gayong mga tulad-tupa sa mga kongregasyon at sanayin sila upang makibahagi sa paglilingkod kay Jehova. Halimbawa, sa Argentina, si Rosendo Ojeda ay regular na naglalakbay ng mga 60 kilometro mula sa General San Martín, Chaco, upang magdaos ng pulong sa bahay ni Alejandro Sozoñiuk, isang taong interesado. Madalas na gumugugol siya ng sampung oras sa paglalakbay, namimisikleta, naglalakad, at kung minsan naman ay tumatawid sa tubig na may lalim na hanggang dibdib. Minsan sa isang buwan sa loob ng limang taon ay nilakbay niya ito, na sa bawat pagkakataon siya’y nananatili nang isang linggo upang magpatotoo sa dakong iyon. Sulit ba ang kaniyang pagsisikap? Wala siyang alinlangan dito sapagkat ang resulta’y isang maligayang kongregasyon ng mga tagapuri kay Jehova.
Nagtataguyod ng Edukasyon Ukol sa Buhay
Sa Mexico, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ginampanan kaalinsunod ng mga batas doon na may kinalaman sa mga organisasyong kultural. Ang layunin ng mga Saksi ay higit pa kaysa pagdaraos lamang ng kanilang mga pulong na doo’y ibinibigay ang mga pahayag. Nais nilang ang mga tao ay maging tulad ng mga taga-Berea noong kaarawan ni apostol Pablo na ‘buong-ingat na sinisiyasat ang Kasulatan upang tingnan kung tunay nga ang mga bagay na ito.’ (Gawa 17:11) Sa Mexico, tulad sa maraming ibang lupain, nasasangkot dito ang paglalaan ng pantanging tulong sa mga taong hindi nakapag-aral subalit may pagnanais na matutong bumasa ng kinasihang Salita ng Diyos para sa kanilang mga sarili.
Mga klase para sa pagbasa at pagsulat na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico ang nakatulong sa sampu-sampung libong tao roon na matutong bumasa at sumulat. Ang gawaing ito ay pinahahalagahan ng Kagawaran ng Edukasyong Pampubliko ng Mexico, at noong 1974 isang direktor sa kanilang Pangkalahatang Tanggapan para sa Edukasyong Pangmaysapat na Gulang ang sumulat ng liham sa La Torre del Vigía de México, isang samahang sibil na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova, na nagsasabi: “Sinasamantala ko ang pagkakataong ito upang malugod kayong batiin . . . dahil sa kapuri-puring pakikipagtulungang ibinibigay taun-taon ng inyong samahan sa kapakinabangan ng ating mga kababayan.”
Samantalang inihahanda ang mga tao para sa buhay na walang-hanggan bilang mga sakop ng Kaharian ng Diyos, ang edukasyong inilalaan ng mga Saksi ay nagpapaunlad din ng kanilang buhay pampamilya sa ngayon. Pagkatapos na ang isang huwes sa El Salto, Durango State, ay makapangasiwa sa mga seremonya ng kasal sa iba’t ibang okasyon para sa mga Saksi ni Jehova, sinabi niya noong 1952: “Inaangkin natin na tayo’y makabayan at mabubuting mamamayan subalit napapalagay tayo sa kahihiyan dahil sa mga Saksi ni Jehova. Sila’y halimbawa para sa atin sapagkat hindi nila pinapayagang makapasok sa kanilang organisasyon ang kahit isang tao lamang na nakikisamang hindi kasal. At, kayong mga Katoliko, halos lahat kayo ay namumuhay nang imoral at hindi nagpapakasal.”
Ang programang ito ng edukasyon ay tumutulong din sa mga tao na matutong mapayapang makisama sa iba, na magmahalan sa isa’t isa sa halip na nagkakapootan at nagpapatayan. Nang magsimulang mangaral ang isang Saksi sa Venado, Guanajuato State, nakita niya na ang lahat ng mga tao ay pawang nasasandatahan ng mga riple at rebolber. Ang mga pag-aalitan ay humantong sa pagkakaubos ng mga pamilya. Subalit ang turo mula sa Bibliya ay nagdulot ng malalaking pagbabago. Ang mga riple ay ipinagbili upang bumili ng mga Bibliya. Mahigit sa 150 sa dakong iyon ang naging mga Saksi ni Jehova. Sa makasagisag na paraan, kanila nang ‘pinanday ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’ at sinimulan nang tahakin ang mga daan ng kapayapaan.—Mik. 4:3.
Isinapuso ng maraming may-takot sa Diyos na taga-Mexico ang itinuturo sa kanila ng mga Saksi ni Jehova mula sa Salita ng Diyos. Bunga nito, ang ilang libong mamamahayag sa Mexico pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II ay naging 10,000 agad, pagkatapos, 20,000, 40,000, 80,000, at higit pa samantalang ipinakikita ng mga Saksi sa iba kung papaano maikakapit ang payo ng Salita ng Diyos at kung papaano ito maituturo naman sa iba.
Nagtitipong Sama-sama sa Ilalim ng Kagipitan
Gayunman, habang lumalaki ang bilang ng mga Saksi ni Jehova, nasumpungan nila na sa sunud-sunod na lupain, kailangang mapagtagumpayan nila ang mabibigat na mga hadlang upang magdaos ng mga asamblea para sa pagtuturong Kristiyano. Sa Argentina sumailalim sila ng pagbabawal ng gobyerno noong 1950. Sa kabila nito, bilang pagtalima sa Diyos, hindi sila huminto sa pangangaral, ni pinabayaan man nila ang kanilang pagtitipong sama-sama. Naging higit na masalimuot ang mga kaayusan, subalit naidaos pa rin ang mga asamblea.
Halimbawa, sa huling bahagi ng 1953, si Brother Knorr at si Brother Henschel ay dumalaw sa Argentina upang paglingkuran ang isang asambleang idinaraos sa buong bansa. Si Brother Knorr ay pumasok sa lupain mula sa kanluran, at si Brother Henschel naman ay nagsimula ng kaniyang mga pagdalaw sa timog. Nagsalita sila sa mga grupong nagtitipon sa mga sakahan, sa isang taniman ng prutas, sa isang piknikan sa tabi ng isang batis sa bundok, at sa pribadong mga tahanan. Madalas na kailangan silang maglakbay nang malayo mula sa isang grupo tungo sa susunod. Pagdating sa Buenos Aires, ang bawat isa sa kanila’y naglingkod sa mga programa sa siyam na lugar sa isang araw, at sa labing-isang mga tahanan sa kinabukasan. Lahat-lahat, nagsalita sila sa 56 na grupo, na may kabuuang dumalo na 2,505. Ito’y nakapapagod na iskedyul, ngunit maligaya sila na makapaglingkod sa kanilang mga kapatid sa paraang iyan.
Nang pinaghahandaan ang isang asamblea sa Colombia noong 1955, kinontrata ng mga Saksi na gamitin ang isang bulwagan sa Barranquilla. Subalit, dahil sa panggigipit ng obispo, nakialam ang meyor at ang gobernador, at kinansela ang kontrata. Isang araw na lamang bago magsimula, inilipat ng mga kapatid ang asamblea, at idinaos ito sa looban ng tanggapang pansangay ng Samahan. Ngunit nagsisimula pa lamang ang unang panggabing sesyon, nasasandatahang mga pulis ang dumating na may utos na buwagin ang asamblea. Nanindigan ang mga kapatid. Isang apelasyon sa meyor kinabukasan ang naging dahilan ng paghingi ng paumanhin mula sa kaniyang sekretaryo, at halos 1,000 tao ang nagsiksikan sa looban ng Samahan para sa huling araw ng programa ng “Matagumpay na Kaharian” na Asambleang iyan. Sa kabila ng mga kalagayang umiiral noon, sa ganitong paraan ang mga kapatid ay napatibay ng kinakailangang espirituwal na payo.
Naglilingkod Kung Saan Mas Malaki ang Pangangailangan
Malawak ang bukirin, at malaki ang pangangailangan para sa mga manggagawa sa Latin Amerika, katulad na rin sa maraming ibang lugar. Noong 1957, sa mga kombensiyon sa buong daigdig, ang mga indibiduwal at mga pamilya na maygulang na mga Saksi ni Jehova ay hinimok na isaalang-alang ang paglipat mismo sa mga lugar na may malaking pangangailangan upang doon manirahan at magpatuloy sa kanilang ministeryo. Nakakatulad na pampasigla ang ibinigay sa iba’t ibang paraan pagkatapos nito. Ang paanyaya ay kahawig niyaong iniharap ng Diyos kay apostol Pablo, na nakakita sa pangitain ng isang lalaki na namamanhik sa kaniya: “Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” (Gawa 16:9, 10) Ano ang naging tugon sa makabagong paanyaya? Ang mga lingkod ni Jehova ay kusang naghandog ng kanilang mga sarili.—Awit 110:3.
Para sa isang pamilya na may maliliit na anak, malaking pananampalataya ang kailangan upang lisanin ang sariling lugar, iwanan ang mga kamag-anak at tahanan at hanapbuhay, at maglakbay patungo sa isang lubusang bagong kapaligiran. Ang paglipat na ito ay maaaring mangahulugan ng pakikibagay sa isang totoong kakaibang pamantayan ng pamumuhay at kung minsan, ng pag-aaral ng isang bagong wika. Gayunman, libu-libong indibiduwal na mga Saksi at mga pamilya ang gumawa ng gayong paglipat upang tulungan ang iba na matuto tungkol sa maibiging mga paglalaan ni Jehova para sa buhay na walang-hanggan.
Di-nag-atubili sa pagtugon, ang ilan sa mga Saksi ni Jehova ay lumipat noong huling bahagi ng dekada ng 1950; ang iba sa dekada ng 1960; lalong marami sa dekada ng 1970. At ang paglipat ng mga Saksi sa mga dakong may higit na pangangailangan ay nagpapatuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Saan-saan sila nagmula? Malaking bilang ang nagmula sa Australia, Canada, New Zealand, at sa Estados Unidos. Marami ay mula sa Britanya, Pransya, at Alemanya. Gayundin mula sa Austria, Belgium, Denmark, Pinlandya, Italya, Hapón, Republika ng Korea, Norway, Espanya, Sweden, at Switzerland, bukod pa sa iba. Habang lumalaki ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Argentina, Brazil, Mexico, at iba pang mga lupain sa Latin Amerika, ang mga ito ay nagpadala rin ng mga manggagawa na handang maglingkod sa ibang mga lupain kung saan may malaking pangangailangan. Gayundin, sa Aprika ang masisigasig na manggagawa ay lumipat mula sa isang lupain tungo sa iba upang tumulong sa pagbibigay ng patotoo.
Saan-saan sila lumipat? Sa mga lupaing tulad ng Afghanistan, Malaysia, at Senegal, at mga isla tulad ng Réunion at St. Lucia. Mga 1,000 ang lumipat sa Irlandya, kung saan sila naglingkod sa iba’t ibang haba ng panahon. Malaki-laking bilang ang nagtungo sa Iceland, sa kabila ng mahaba, madilim na mga taglamig doon, at ang ilan ay nanatili, na nagiging mga haligi sa mga kongregasyon at naglalaan ng maibiging tulong sa mga baguhan. Malaking tulong lalo na ang naidulot sa Sentral at Timog Amerika. Mahigit na 1,000 Saksi ang lumipat sa Colombia, mahigit na 870 sa Ecuador, mahigit na 110 sa El Salvador.
Sina Harold at Anne Zimmerman ay kasama sa mga nagsilipat. Dati na silang naglilingkod bilang misyonerong mga guro sa Ethiopia. Gayunman, noong 1959, nang sila’y gumagawa ng mga kaayusan na lumipat mula sa Estados Unidos tungo sa Colombia upang makibahagi sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian doon, sila’y nagpapalaki ng apat na anak, na may mga edad mula sa limang buwan hanggang sa limang taon. Nauna si Harold upang maghanap ng trabaho. Nang siya’y dumating sa lupain, naligalig siya dahil sa mga ulat ng lokal na balita. May aktuwal na nagaganap na gera sibil, at may lansakang mga pagpatay sa looban ng bansa. ‘Talaga bang gusto kong dalhin ang aking pamilya rito upang mamuhay sa ganitong mga kalagayan?’ ang tanong niya sa sarili. Nag-isip siyang mabuti para sa ilang halimbawa o simulain sa Bibliya na gagabay sa kaniya. Ang naalaala niya ay ang salaysay ng Bibliya tungkol sa nahintakutang mga tiktik na nag-uwi sa kampo ng mga Israelita ng masamang ulat hinggil sa Lupang Pangako. (Bil. 13:25–14:4, 11) Iyan ang sagot; hindi niya gustong maging gaya nila! Kaagad ay isinaayos niyang pumaroon ang kaniyang pamilya. Nang unti-unting maubos ang kanilang salapi hanggang maging tatlong dolyar na lamang ay saka siya nakakita ng trabaho, subalit taglay naman nila ang talagang kailangan nila. Ang panahon ng paghahanapbuhay na kinailangan niyang gugulin upang suportahan ang kaniyang pamilya ay hindi laging pare-pareho, ngunit lagi niyang sinisikap na ilagay sa pangunahing dako ang kapakanan ng Kaharian. Nang una silang pumunta sa Colombia, may mga 1,400 Saksi sa lupain. Tunay na kamangha-mangha ang nakita nilang pagsulong mula noon!
Ang paglilingkod kung saan mas kailangan ang mga Saksi ay hindi naman nangangahulugan na kailangang laging lumipat ang isa sa ibang bansa. Libu-libong indibiduwal na Saksi at mga pamilya ang lumipat sa ibang mga lugar sa kanilang sariling bansa. Isang pamilya sa Bahia State, Brazil, ang lumipat sa bayan ng Prado, na doo’y wala pang mga Saksi. Sa kabila ng mga pagtutol mula sa mga klero, sila’y nanirahan at naglingkod sa bayang iyon at sa mga karatig na lugar nang tatlong taon. Isang dating simbahang hindi na ginagamit ang binili at ginawang Kingdom Hall. Di-nagtagal, nagkaroon ng mahigit na isang daang aktibong mga Saksi roon. At iyo’y pasimula pa lamang.
Sa parami nang paraming bilang, ang mga umiibig sa katuwiran sa Latin Amerika ay tumutugon sa paanyayang nakaulat sa Awit 148: ‘Purihin sa Jah, kayong mga tao! Purihin si Jehova mula sa lupa, kayong lahat na mga bansa.’ (Aw 148 Tal. 1, 7-11) Sa katunayan, pagsapit ng 1975 nagkaroon ng mga tagapuri kay Jehova sa bawat lupain sa Latin Amerika. Ang ulat para sa taóng iyon ay nagpakita na may 80,481, na inorganisa sa 2,998 kongregasyon, na naglilingkod sa Mexico. May 24,703 pa, sa 462 kongregasyon, na nagsasalita tungkol sa kaharian ni Jehova sa Sentral Amerika. At sa Timog Amerika, may 206,457 pangmadlang mga tagapuri kay Jehova sa 3,620 kongregasyon.
Nararating Hanggang sa mga Isla ng Pasipiko
Samantalang mabilis na sumusulong sa Timog Amerika, ang mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay-pansin din sa mga isla ng Pasipiko. Daan-daan sa mga islang ito ang nakakalat sa pagitan ng Australia at Amerika, na marami sa mga ito’y bahagya nang nakalitaw sa karagatan. Sa mga ilan ay kakaunting mga pamilya ang nakatira; sa iba, may sampu-sampung libo ng mga tao. Nang unang bahagi ng dekada ng 1950, naging imposible para sa Samahang Watch Tower na magpadala ng mga misyonero sa marami sa mga islang ito dahil sa pagtutol ng mga opisyal. Ngunit kailangang marinig din ng mga tao roon ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Ito’y kaayon ng hulang nakaulat sa Isaias 42:10-12, na nagsasabi: “Magsiawit kay Jehova ng bagong awit, ng kapurihan niya mula sa wakas ng lupa . . . Sa mga pulo ay magpahayag sila ng kaniyang kapurihan.” Kaya, noong 1951, sa isang kombensiyon sa Sydney, Australia, ang mga payunir at tagapangasiwa ng sirkito na interesado na magkaroon ng bahagi sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian sa mga isla ay inanyayahang makipagkita kay Brother Knorr. Noong panahong iyon may mga 30 na nagboluntaryo na mangaral sa tropikong mga isla.
Kabilang sa mga ito ay sina Tom at Rowena Kitto, na madaling nakarating sa Papua, na doon ay walang mga Saksi noong panahong iyon. Sinimulan nila ang kanilang gawain sa mga Europeo sa Port Moresby. Di-natagalan, ang mga gabi nila ay ginugugol nila sa Hanuabada, ang “Big Village,” kasama ng isang grupo ng 30 hanggang 40 taga-Papua na nagugutom sa espirituwal na katotohanan. Mula sa kanila, kumalat ang balita sa ibang mga nayon. Sa sandaling panahon, ang mga tao sa tribo ng Kerema ay nagsugo ng mga kinatawan upang humingi na maidaos sa kanila ang isang pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos ay dumating ang isang pinunò mula sa Haima, na nakikiusap: “Pakisuyong pumarito kayo at ituro ang katotohanan sa aking mga nasasakupan!” Kaya ito’y lumaganap.
Isa pang mag-asawa, sina John at Ellen Hubler, ang nagtungo sa New Caledonia upang maitatag ang gawain doon. Nang sila’y dumating noong 1954, ang hawak lamang nila ay tourist visa para sa isang buwan. Ngunit nakakuha si John ng sekular na trabaho, at ito’y tumulong sa kanila sa pagkuha ng ekstensiyon. Nang maglaon, iba pang mga Saksi—31 sa kabuuan—ang lumipat din. Sa pasimula, ang kanilang ministeryo ay ginawa sa may labas ng siyudad upang huwag masyadong makatawag ng pansin. Nang dakong huli, nagsimula silang mangaral sa kabisera, ang Nouméa. Isang kongregasyon ang naitatag. Pagkatapos, noong 1959, isang miyembro ng Catholic Action ang nailagay sa isang pangunahing puwesto sa gobyerno. Wala na ngayong ibinigay na mga ekstensiyon ng visa para sa mga Saksi. Napilitang umalis ang mag-asawang Hubler. Ipinagbawal ang mga publikasyon ng Watch Tower. Gayunman, nakapasok na ang mabuting balita ng Kaharian, at ang bilang ng mga Saksi ay patuloy na lumaki.
Sa Tahiti maraming tao ang nagpakita ng interes sa gawain ng mga Saksi ni Jehova nang dumalaw roon sumandali ang mga kapatid. Subalit noong 1957, walang lokal na mga Saksi, ang kanilang gawain ay ipinagbawal, at pinagbawalang makapasok ang mga misyonero ng Watch Tower. Gayunman, si Agnes Schenck, isang mamamayan ng Tahiti na noo’y nakatira sa Estados Unidos, ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Nang malaman niya na kailangan ang mga tagapaghayag ng Kaharian sa Tahiti, siya, ang kaniyang asawang lalaki, at ang kanilang anak na lalaki ay naglayag mula sa California noong Mayo 1958. Di-nagtagal pagkatapos niyaon, dalawa pang pamilya ang nakisama sa kanila, bagaman ang nakuha lamang nila ay tourist visa para sa tatlong buwan. Nang sumunod na taon, isang kongregasyon ang naitatag sa Papeete. At noong 1960 ang gobyerno ay nagkaloob ng legal na pagkilala sa isang lokal na asosasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Upang palaganapin ang mensahe ng Kaharian, ang dalawang kapatid na misyonera na pabalik sa kanilang atas ay dumaan muna upang dalawin ang isang kamag-anak sa isla ng Niue. Naging mabunga ang isang buwang pananatili nila roon; maraming interes ang nasumpungan. Ngunit nang dumating ang kasunod na barkong galing sa ibang isla, kinailangang umalis sila. Gayunman, di-natagalan, si Seremaia Raibe, isang taga-Fiji, ang nakakuha ng kontrata bilang empleyado sa Kagawaran ng Pagawaing Bayan sa Niue at pagkatapos ay ginamit ang lahat ng libreng panahon niya upang mangaral. Subalit, dahil sa panggigipit ng mga klero, ang permiso sa paninirahan ni Brother Raibe ay kinansela makaraan ang ilang buwan, at noong Setyembre 1961 pinagpasiyahan ng Kapulungang Pambatasan na hindi na papápasúkin ang mga Saksi ni Jehova sa lupain. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin ang pangangaral ng mabuting balita doon. Papaano? Ang lokal na mga Saksi, bagaman baguhan pa, ay nagmatiyaga sa paglilingkuran nila kay Jehova. Bukod dito, tinanggap na ng gobyernong panlokal si William Lovini bilang empleyado, isang katutubong taga-Niue na nakatira sa New Zealand. Bakit sabik siyang bumalik sa Niue? Sapagkat siya’y naging isa sa mga Saksi ni Jehova at nais niyang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Pagsapit ng 1964 ang bilang ng mga Saksi roon ay nakaabot na sa 34.
Noong 1973, si David Wolfgramm, isang mamamayan ng Tonga, kasama ang kaniyang asawa at walong anak, ay nakatira sa isang komportableng tahanan sa New Zealand. Ngunit iniwan nila ito at lumipat sa Tonga upang paunlarin ang mga kapakanan ng Kaharian. Mula roon sila’y nakibahagi sa pagpapalaganap ng gawain sa mga isla ng Tonga, na mga 30 sa mga ito ang may mga nakatira.
Malaking panahon, pagsisikap, at gastos ang kinailangan upang abutin ang mga islang ito. Subalit itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na mahalaga ang buhay ng kanilang mga kapuwa-tao at hindi sila nagkakait ng anumang bagay sa pagsisikap nilang tulungan ang mga ito na makinabang sa maibiging paglalaan ni Jehova na buhay na walang-hanggan sa kaniyang bagong sanlibutan.
Isang pamilya na nagbili ng kanilang sakahan sa Australia at lumipat sa isa sa mga isla ng Pasipiko ang naghayag ng kanilang damdamin ng ganito: “Ang marinig ang mga taga-isla na sabihing kilala na nila si Jehova, at na ang aming anak ay kanilang anak, sapagkat mahal nila ang mga ito dahil sa katotohanan, ang makitang sumulong kapuwa ang interes sa Kaharian at ang bilang ng dumadalo, ang marinig ang kaibig-ibig na mga taong ito na sinasabing: ‘Ang aking mga anak ay mag-aasawa lamang sa Panginoon,’ at ito’y matapos mapaugnay sila sa mga tradisyon at uring pag-aasawa sa Silangan na umiral nang maraming siglo, ang masdan silang ituwid at linisin ang kanilang masalimuot na kalalagayan sa pag-aasawa, . . . ang makita silang nag-aaral samantalang binabantayan nila ang mga baka sa tabi ng daan, matapos ang mabigat na trabaho sa palayan, ang malaman na pinag-uusap-usapan nila ang kamalian ng idolatriya, ang kagandahan ng pangalan ni Jehova sa lokal na tindahan at sa ibang mga lugar, ang tawagin kang kapatid ng isang may-edad nang inang Indian at hilinging makisama sa iyo upang sabihin sa mga tao ang hinggil sa tunay na Diyos . . . Lahat ng ito ay nakadaragdag sa nagsisilbing isang di-mapapantayang gantimpala dahil sa kinuha naming hakbang upang tugunin ang panawagan mula sa Timog Pasipiko.”
Gayunman, hindi lamang ang mga taga-islang ito sa Pasipiko ang binibigyan ng pansin. Pasimula noong 1964, may-karanasang mga payunir mula sa Pilipinas ang inatasan upang tulungan ang masisigasig na misyonerong dati nang naglilingkod sa Hong Kong, Indonesia, Republika ng Korea, Laos, Malaysia, Taiwan, Thailand, at Vietnam.
Sa Harap ng Panggigipit ng Pamilya at Komunidad
Kapag naging Saksi ni Jehova ang isang tao, hindi ito palaging tinatanggap ng kaniyang pamilya at ng komunidad bilang personal na desisyon lamang.—Mat. 10:34-36; 1 Ped. 4:4.
Karamihan ng mga naging Saksi ni Jehova sa Hong Kong ay mga kabataan. Ngunit matinding panggigipit ang nararanasan ng mga kabataang ito dahil sa sistema roon na laging inuuna ang mataas na edukasyon at ang trabaho na may malaking sahod. Ang mga anak ay itinuturing ng mga magulang na pinaka-puhunan na tumitiyak sa pagkakaroon nila ng maalwang pamumuhay kapag sila’y tumanda na. Kaya, nang makita ng mga magulang ng isang binata sa Kwun Tong na ang pag-aaral sa Bibliya, pagdalo sa pulong, at paglilingkod sa larangan ng kanilang anak ay hahadlang sa kaniya na kumita ng salapi, tumindi na ang kanilang pagsalansang. Hinabol siya ng kaniyang ama na may dalang panghiwa ng karne; dinuraan siya ng kaniyang ina sa publiko. Walang hinto ang pagmumura sa loob ng maraming buwan. Minsan ay tinanong niya ang kaniyang mga magulang: “Hindi ba pinalaki ninyo ako dahil sa pag-ibig?” At sumagot sila: “Hindi, dahil sa pera!” Sa kabila nito, patuloy na inuna ng binatang ito ang pagsamba kay Jehova; ngunit nang lisanin niya ang kanilang tahanan, patuloy pa rin niyang tinustusan ang kaniyang mga magulang sa abot ng kaniyang kaya, sapagkat alam niyang ito’y magbibigay-lugod kay Jehova.—Mat. 15:3-9; 19:19.
Sa mga komunidad na malapit ang ugnayan, madalas na higit kaysa malalapit na kamag-anak lamang ang pinagmumulan ng matinding panggigipit. Ang isa na nakaranas nito ay si Fuaiupolu Pele sa Western Samoa. Itinuturing na isang bagay na di-sukat akalain kung itatakwil ng isang taga-Samoa ang mga kostumbre at relihiyon ng kaniyang mga ninuno, at alam ni Pele na siya’y pagsusulitin doon. Siya’y nag-aral na mabuti at taimtim na nanalangin kay Jehova. Nang siya’y ipinatawag ng mataas na pinunò ng pamilya sa isang miting sa Faleasiu, hinarap siya ng anim na mga pinunò, tatlong orador, sampung pastor, dalawang teologong guro, ang mataas na pinunò na namamahala, at ang matatandang lalaki at babae sa pamilya. Isinumpa at hinatulan nila kapuwa siya at isa pang miyembro ng pamilya na may interes din sa mga Saksi ni Jehova. Sinundan ito ng isang debate; tumagal ito hanggang alas kuwatro ng umaga. Ang paggamit ni Pele ng Bibliya ay nakainis naman sa ibang naroon, at sumigaw sila: “Alisin mo ang Bibliyang iyan! Itigil mo na ang Bibliyang iyan!” Ngunit sa wakas ay sinabi ng mataas na pinunò sa mahinang tinig: “Nanalo ka, Pele.” Ngunit sumagot si Pele: “Mawalang-galang nga po, hindi po ako nanalo. Sa gabing ito ay narinig ninyo ang mensahe ng Kaharian. Taimtim po akong umaasa na ito’y inyong papansinin.”
Kapag May Matinding Pagsalansang Mula sa mga Klero
Ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay nakarating sa mga isla ng Pasipiko noon pang mga taon ng 1800. Ang pagdating nila, sa maraming lugar, ay naging mapayapa; sa ibang lugar ito’y inalalayan ng puwersang militar. Sa ilang dako ay hinati-hati nila sa kanilang sarili ang mga isla sa pamamagitan ng “maginoong kasunduan.” Ngunit nagkaroon din ng relihiyosong mga digmaan, na doon naglabanan ang Katoliko at Protestante para sa kontrol ng mga lugar. Ang relihiyosong “mga pastol” na ito, ang mga klero, ay gumamit na ngayon ng lahat ng paraang maiisip nila upang huwag papasukin ang mga Saksi ni Jehova sa itinuturing nilang kanilang nasasakupan. Kung minsan ay ginigipit nila ang mga opisyal upang palayasin ang mga Saksi mula sa ilang isla. Sa ibang pagkakataon sila mismo ang gumagawa ng paraan upang mangyari ang kanilang kagustuhan.
Sa isla ng New Britain, sa nayon ng Vunabal, isang grupo mula sa tribo ng Sulka ang nagpakita ng tunay na interes sa katotohanan ng Bibliya. Ngunit isang araw ng Linggo noong 1959, habang si John Davison ay nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa kanila, isang magulong pangkat ng mga Katoliko, sa pangunguna ng Katolikong katesista, ang pilit na pumasok sa bahay at pinahinto ang pag-aaral sa pamamagitan ng kanilang pagsisigawan at pag-aalipusta. Ito’y inireport sa pulis sa Kokopo.
Sa halip na iwan na lamang ang mga tupa, bumalik ang mga Saksi nang sumunod na linggo upang patuloy na maglaan ng espirituwal na tulong para sa mga taong nagpapahalaga sa Vunabal. Naroon din ang paring Katoliko, bagaman hindi siya inanyayahan ng mga taganayon, at isinama niya ang ilang daang mga Katoliko mula sa ibang tribo. Matapos sulsulan ng pari, ang mga Saksi ay pinagsalitaan ng mga galing sa kaniyang simbahan, dinuraan sila, inambaang susuntukin, at pinagpunit-punit ang mga Bibliya ng mga taganayon, samantalang ang pari ay nakatayong nakahalukipkip at nakangiti. Ang mga pulis na nagsikap payapain ang nangyayari ay kitang-kitang nabigla. Marami sa mga taganayon ang nahintakutan din. Subalit may isang taganayon na nagpakita ng lakas ng loob at nanindigan sa alam niyang katotohanan. Ngayon, daan-daan pa sa islang iyon ang gumawa rin ng gayon.
Gayunman, hindi lahat ng mga relihiyosong tagapagturo ay nagpakita ng espiritu ng pagkagalit sa mga Saksi ni Jehova. Si Shem Irofa’alu, sa Solomon Islands, ay taimtim na nakadama na may pananagutan siya sa mga tumitingin sa kaniya bilang kanilang relihiyosong lider. Matapos basahin ang aklat ng Samahang Watch Tower na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso, napagtanto niya na may nagsinungaling sa kaniya. Siya at ang mga tagapagturong relihiyosong pinangangasiwaan niya ay nakinig sa mga pagtalakay ng mga Saksi, nagtanong, at binuklat ang mga teksto sa Bibliya. Pagkatapos ay sumang-ayon sila na gusto nilang maging mga Saksi ni Jehova, kaya sinimulan nilang gawing mga Kingdom Hall ang mga simbahan sa kanilang 28 nayon.
Isang Rumaragasang Daluyong ng Katotohanan sa Aprika
Lalo na mula sa pasimula ng dekada ng 1920, malaking pagsisikap ang ginawa upang bigyan ng pagkakataon ang mga tao sa lahat ng bahagi ng Aprika na makilala si Jehova, ang tunay na Diyos, at makinabang mula sa kaniyang maibiging mga paglalaan. Nang magwakas ang ikalawang digmaang pandaigdig, may aktibong mga Saksi ni Jehova sa 14 na lupain sa kontinente ng Aprika. May 14 pang mga lupain sa Aprika na narating na ng mensahe ng Kaharian, ngunit noong 1945 ay walang mga Saksi na nag-uulat ng gawain sa mga ito. Nang sumunod na 30 taon, hanggang noong 1975, ang pangangaral ng mabuting balita ay nakarating na sa 19 pang mga bansa sa Aprika. Sa halos lahat ng mga lupaing ito, gayundin sa nakapalibot na mga isla, inorganisa ang mga kongregasyon—may ilan sa ibang lupain, mahigit na isang libo sa Zambia, halos dalawang libo sa Nigeria. Papaano nangyari ang lahat ng ito?
Ang paglaganap ng mensahe ng Kaharian ay gaya ng rumaragasang daluyong ng tubig. Pangkaraniwan, ang tubig ay umaagos sa mga dinaraanan ng ilog, bagaman may kaunti na umaapaw sa karatig na lupa; at kung may humaharang sa daan, hinahanap ng tubig ang ibang daan o nag-iipon ng lakas at puwersa hanggang sa maapawan niya ito.
Sa pamamagitan ng regular na pang-organisasyong mga kaayusan nito, inatasan ng Samahang Watch Tower ang buong-panahong mga ministro—mga payunir, mga special pioneer, at mga misyonero—sa mga lupaing hindi pa gaano o talagang hindi pa napangangaralan. Saanman sila pumaroon, inanyayahan nila ang mga tao na “kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.” (Apoc. 22:17) Bilang halimbawa, sa hilagang Aprika, ipinaabot ng apat na special pioneer mula sa Pransya ang paanyayang iyan sa mga tao sa Algeria noong 1952. Di-nagtagal at ang isang manghuhula roon ay tumanggap ng katotohanan, nakita na kailangan niyang iwanan ang kaniyang hanapbuhay upang makalugod kay Jehova, at nagsimulang magpatotoo sa kaniyang dating mga kliyente. (Deut. 18:10-12) Mabisang ginamit ng mga payunir ang aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat” upang tulungan ang mga taong taimtim na makita ang kaibahan ng Banal na Bibliya sa relihiyosong tradisyon. Gayon na lamang ang puwersa nito sa pagpapalaya sa mga tao mula sa huwad na mga gawaing relihiyoso kung kaya ang aklat ay itinanghal ng isang klerigo sa kaniyang pulpito at isinumpa niya ito, yaong mga namamahagi nito, at yaong mga bumabasa nito.
Noong 1954 pinalayas ang isang misyonero mula sa Katolikong Espanya dahil sa pagtuturo ng Bibliya na walang pagsang-ayon ng mga klero; kaya nang sumunod na taon, siya at ang kaniyang kasamang payunir ay nagsimulang mangaral sa Morocco. Di-natagalan sila’y sinamahan pa ng isang pamilyang binubuo ng limang Saksi ni Jehova na pinalayas mula sa Tunisia, kung saan nagkaroon ng malaking gulo nang tanggapin ng isang mag-asawang Judio si Jesus bilang Mesiyas at kaagad ay nagsimulang ibahagi ang bago nilang pananampalataya sa iba. Doon naman sa may timugan, ang mga payunir mula sa Ghana ay inatasan sa Mali noong 1962. Pagkatapos, ang mga payunir na Pranses sa Algeria ay inanyayahan ding tumulong sa Mali. Gayundin naman, marami na sa dakong huli ay naging mga Saksi roon ay pumasok sa buong-panahong paglilingkuran. Noong 1966 walong special pioneer mula sa Nigeria ang tumanggap ng atas sa Niger, isang lupaing kakaunti ang populasyon na sumasakop sa bahagi ng Sahara Desert. Ang Burundi ay binigyan ng pagkakataong makarinig ng mensahe ng Kaharian nang suguin doon ang dalawang special pioneer mula sa Northern Rhodesia (ngayo’y Zambia) noong 1963, na sinundan pa ng apat na misyonerong sinanay sa Paaralang Gilead.
May mga misyonero rin sa Ethiopia nang unang bahagi ng dekada ng 1950. Hinilingan sila ng gobyerno sa Ethiopia na magtatag ng regular na misyon at magturo sa paaralan, na siyang ginawa nila. Subalit, bukod dito, sila’y abala sa pagtuturo ng Bibliya, at di-natagalan may patuluyang dagsaan ng mga tao na pumupunta sa tahanang misyonero, na araw-araw may mga bagong dumarating upang humiling na may tumulong sa kanila na maunawaan ang Bibliya. Sa loob ng tatlong dekada pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II, 39 na bansa sa kontinente ng Aprika ang nakinabang mula sa tulong ng mga misyonerong iyon na sinanay sa Gilead.
Kasabay nito, ang mga tubig ng katotohanan ay umaapaw tungo sa mga dakong tigang sa espirituwal sa pamamagitan ng mga Saksi ni Jehova na kailangang makipagtagpo sa ibang mga tao sa kanilang sekular na trabaho. Kaya, ang mga Saksi mula sa Ehipto na lumipat sa Libya noong 1950 dahil sa kanilang trabaho ay masigasig na nangaral sa panahong libre sila. Nang taon ding iyon isang Saksi na mangangalakal ng lana, kasama ang kaniyang pamilya, ay lumipat mula sa Ehipto tungo sa Khartoum, Sudan. Kinagawian niyang patotohanan ang mga parokyano bago makipagnegosyo sa kanila. Isa sa unang mga Saksi sa Senegal (na noo’y bahagi ng French West Africa) ay pumunta roon, noong 1951, bilang kinatawan ng isang kompanyang pangkalakalan. Pinahalagahan din niya ang kaniyang pananagutan bilang isang Saksi ng Kataas-taasan. Noong 1959, may kaugnayan sa sekular na trabaho, isang Saksi ang nagpunta sa Fort-Lamy (ngayo’y N’Djamena), sa lugar na sa dakong huli ay naging Chad, at ginamit niya ang pagkakataon upang palaganapin ang mensahe ng Kaharian sa lupaing iyon. Sa mga lupaing karatig ng Niger ay may mga negosyanteng Saksi ni Jehova; kaya, habang abala ang mga special pioneer sa Niger simula noong 1966 patuloy, ang mga negosyanteng ito ay nangangaral din sa mga taga-Niger na parokyano nila sa kalakal. At dalawang Saksi na may mga asawang lalaking nagtungo sa Mauritania upang magtrabaho noong 1966 ang nagsamantala ng pagkakataon upang magpatotoo sa dakong iyon.
Ibinahagi ito sa iba ng mga taong narepreskuhan ng ‘tubig ng buhay.’ Halimbawa, noong 1947 isang tao na nakadalo sa ilang mga pulong bagaman hindi mismong Saksi ni Jehova ang lumipat mula sa Cameroon tungo sa Ubangi-Shari (ngayo’y Central African Republic). Nang mabalitaan niya ang isang tao sa Bangui na may malaking interes sa Bibliya, may kabaitan niyang isinaayos na mapadalhan ito ng aklat ng tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Switzerland. Si Etienne Nkounkou, ang tumanggap nito, ay nagalak nang gayon na lamang sa saganang espirituwal na pagkain na nilalaman nito, at linggu-linggo ang aklat na iyan ay kaniyang binasa sa isang grupo ng ibang mga interesado. Sila’y nakipag-ugnayan sa punong-tanggapan ng Samahan. Habang sumusulong ang kanilang kaalaman, ang grupong iyon na nag-aaral ay naging grupong nangangaral din. Bagaman ang panggigipit ng mga klero ay humantong sa pagbabawal ng gobyerno sa literatura ng Watch Tower, ang bagong mga Saksing ito ay patuloy na nangaral na taglay lamang ang Bibliya. Gustung-gusto ng mga tao sa lupaing iyan na marinig ang mga usapan sa Bibliya, kaya nang alisin ang pagbabawal sa ilan sa mga publikasyon ng Samahan noong 1957, ang bilang ng mga Saksi roon ay nakaabot na sa mahigit na 500.
Kapag Ibinangon ang mga Hadlang
Kapag may mga bagay na humadlang sa agos ng nagbibigay-buhay na tubig, di-nagtatagal at ito’y nakapapasok sa iba namang paraan. Si Ayité Sessi, isang payunir mula sa Dahomey (ngayo’y Benin), ay nakapangaral sa French Togo (ngayo’y Togo) nang maigsing panahon lamang noong 1949 nang siya’y pilit na pinaalis ng gobyerno. Subalit nang sumunod na taon si Akakpo Agbetor, isang dating boksingero, na katutubong taga-Togo, ay umuwi sa sarili niyang lupain kasama ng kaniyang kapatid. Sapagkat ito ang tinubuan niyang lupain, malaya siyang nakapagpatotoo, na nagdaraos pa nga ng mga pulong. Bagaman ang mga payunir na inatasan sa Fernando Po (ngayo’y bahagi ng Equatorial Guinea) noong mga 1950 ay pinaalis kaagad dahil sa relihiyosong panatismo, ang ibang mga Saksi ay nakakuha ng mga kontrata sa trabaho na nagpangyaring makapanirahan sila sa lugar na iyon. At, sabihin pa, kasuwato ng utos ni Jesus, sila’y nangaral.—Mar. 13:10.
Si Emmanuel Mama, isang tagapangasiwa ng sirkito mula sa Ghana, ay isinugo sa Upper Volta (ngayo’y tinatawag na Burkina Faso) nang ilang linggo noong 1959 at nakapagpatotoong mabuti sa Ouagadougou, ang kabisera. Subalit wala pang mga Saksing nakatira sa lupain. Pagkaraan ng apat na taon, pitong Saksi, na katutubong taga-Togo, Dahomey (ngayo’y Benin), at Congo, ang lumipat sa Ouagadougou at naghanap ng trabaho upang sila’y makapaglingkod sa dakong ito. Makalipas ang ilang buwan, sila’y sinamahan pa ng ilang special pioneer mula sa Ghana. Gayunman, bunga ng panggigipit ng mga klero sa mga opisyal, noong 1964, nang ang mga Saksi ay wala pang isang taon doon, sila’y inaresto, ibinilanggo nang 13 araw, saka pinalayas mula sa lupain. Naging sulit ba ang kanilang mga pagsisikap? Natutuhan ni Emmanuel Johnson, isang naninirahan sa bansang iyon, kung saan masusumpungan ang katotohanan ng Bibliya. Patuloy siyang nakipag-aral sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng koreo, at siya’y nagpabautismo noong 1969. Oo, nakapagsimula na ang gawaing pang-Kaharian sa isa na namang lupain.
Nang gumawa ng aplikasyon para sa mga visa upang makapaglingkod ang mga misyonerong sinanay sa Gilead sa Ivory Coast (ngayo’y tinatawag na Côte d’Ivoire), ang mga ito’y hindi noon sinang-ayunan ng mga opisyal na Pranses. Kaya, noong 1950, si Alfred Shooter, mula sa Gold Coast (ngayo’y Ghana), ay isinugo sa kabisera ng Ivory Coast bilang payunir. Nang maging maayos ang kalagayan niya roon, sinamahan siya ng kaniyang asawa; at pagkaraan ng ilang buwan, dumating ang isang mag-asawang misyonero, sina Gabriel at Florence Paterson. Bumangon ang mga problema. Isang araw, ang kanilang literatura ay kinumpiska sapagkat hindi ito sinang-ayunan ng gobyerno, at pinapagmulta ang mga kapatid. Ngunit nang dakong huli’y nakita nila ang kanilang mga aklat na ipinagbibili sa palengke, kaya binili nila ang mga ito at ginamit na mabuti.
Samantala, ang mga kapatid na ito ay pumunta sa maraming mga opisina ng gobyerno sa pagsisikap na makakuha ng permanenteng mga visa. Si G. Houphouët-Boigny, na nang dakong huli ay naging presidente ng Ivory Coast, ay nag-alok ng tulong. “Sa katotohanan,” aniya, “ay walang anumang makasasagabal. Ito’y tulad ng isang malakas na ilog; lagyan mo ito ng prinsa at aapawin nito ang prinsa.” Nang nagsikap na makialam ang isang paring Katoliko at isang ministrong Metodista, si Ouezzin Coulibaly, isang kinatawan ng gobyerno, ay nagsabi: “Ako’y kinatawan ng mga tao sa lupaing ito. Kami ang mga tao, at gusto namin ang mga Saksi ni Jehova kaya gusto namin silang manatili rito sa lupaing ito.”
Mga Alagad na Tunay na Nakauunawa
Nang ibigay ang mga tagubilin na “gawing mga alagad ang mga tao sa lahat ng mga bansa,” nag-utos din si Jesus na yaong mga magiging alagad—yaong mga naniniwala sa mga turo ni Jesus at ikinakapit ang mga yaon—ay dapat magpabautismo. (Mat. 28:19, 20) Kasuwato nito, may kaayusan para sa bautismo ng bagong mga alagad sa pana-panahong mga asamblea at mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Maaaring kakaunti lamang ang mga nababautismuhan sa bawat pagkakataon. Subalit, sa isang kombensiyon sa Nigeria noong 1970, may 3,775 bagong mga Saksi na nabautismuhan. Gayunman, ang layunin ay hindi ang pag-abot lamang sa matataas na bilang.
Nang mapagtanto, noong 1956, na ang ilan sa nagpapabautismo sa Gold Coast ay hindi nakapagtayo ng kanilang pananampalataya sa matibay na pundasyon, pinasimulan doon ang isang kaayusan upang suriing mabuti ang mga kandidato sa bautismo. Inilagay ang pananagutan sa lokal na mga tagapangasiwa ng kongregasyon sa Gold Coast upang personal na suriin ang bawat kandidato sa bautismo upang tiyakin na may wastong kaalaman siya ng saligang mga katotohanan ng Bibliya, na siya’y namumuhay kaayon ng mga pamantayan ng Bibliya, at na malinaw na nauunawaan niya ang mga pananagutang kaakibat sa pagiging naaalay, bautisadong Saksi ni Jehova. Nang malaunan, isang nakakatulad na kaayusan ang pinasimulan sa buong daigdig. Isang detalyadong balangkas na ginamit upang repasuhin ang saligang mga turo ng Bibliya kasama ang mga kandidato sa bautismo ang inilaan noong 1967 sa aklat na “Ang Iyong Salita ay Ilawan sa Aking Paa” (sa Ingles). Pagkatapos ng maraming taóng karanasan, ang balangkas na iyon ay higit na pinagbuti at inilathala noong 1983 sa aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo (sa Ingles).
Sa gayong kaayusan, naisaalang-alang ba ang pangangailangan ng mga taong may kakaunti o walang pinag-aralan?
Pananagumpay sa mga Suliranin ng mga Di-nakapag-aral
Noong 1957 tinataya ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization na humigit-kumulang na 44 na porsiyento ng populasyon sa daigdig na may edad na 15 o higit pa ang hindi marunong bumasa’t sumulat. Iniuulat na sa 42 bansa sa Aprika, 2 sa kontinente ng Amerika, 28 sa Asia, at 4 sa Oceania, 75 porsiyento ng mga maygulang na ay hindi marunong bumasa’t sumulat. Gayunman, sila rin ay dapat bigyan ng pagkakataong matuto sa kautusan ng Diyos upang makapaghanda sila na maging mga sakop ng kaniyang Kaharian. Marami sa mga hindi marunong bumasa ay may matalas na kaisipan at kaya nilang alalahanin ang karamihan sa kanilang naririnig, ngunit hindi pa rin nila mismo mababasa ang mahalagang Salita ng Diyos ni magagamit ang nakalimbag na mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya.
Sa loob ng marami nang taon ang indibiduwal na mga Saksi ay nakapagbibigay ng personal na tulong sa mga tao na nagnanais matutong bumasa. Gayunman, noong 1949 at 1950, mga klase sa pagbasa at pagsulat ang pinasimulan ng mga Saksi ni Jehova sa bawat kongregasyon nila sa maraming lupaing Aprikano. Pangkaraniwang idinaraos sa mga Kingdom Hall ang mga klase, at sa ilang dako ang buong nayon ay inanyayahang dumalo upang makinabang mula sa programa.
Sa mga lugar kung saan itinataguyod ng gobyerno ang isang programa sa pagbasa at pagsulat, malugod na nakipagtulungan dito ang mga Saksi ni Jehova. Gayunman, sa maraming lugar kinailangang ihanda at gamitin ng mga Saksi ang kanilang sariling mga manwal sa pagtuturo. Sampu-sampung libong mga tao, kabilang din ang libu-libong mga babae at mga may-edad na, ang natulungang bumasa at sumulat dahil sa mga klaseng ito na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova. Dahil sa disenyo ng kurso, hindi lamang sila natutong bumasa at sumulat kundi kasabay nito’y napag-alaman din nila ang saligang mga katotohanan mula sa Banal na Salita ng Diyos. Ito’y nakatulong sa kanilang maging kuwalipikadong makibahagi sa gawaing paggawa ng alagad na ipinag-utos ni Jesus. Ang pagnanais nilang mabisang gawin ito ang siyang nag-udyok sa marami na magsumikap na mabuti upang matutong bumasa.
Nang ang isang bagong Saksi sa Dahomey (ngayo’y Benin), Kanlurang Aprika, ay hindi pinansin ng isang maybahay sapagkat hindi marunong bumasa ang Saksi, pinagpasiyahan ng Saksi na pagtagumpayan niya ang problemang ito. Bilang karagdagan sa pagdalo sa mga klase sa pagbasa at pagsulat, gumawa siya ng kaniyang sariling personal na pagsisikap. Pagkaraan ng anim na linggo ay dinalaw niya muli ang maybahay na iyon; gayon na lamang ang pagkamangha ng lalaki nang marinig ang taong ito, na kailan lamang ay hindi makabasa, na nagbabasa sa kaniya mula sa Salita ng Diyos anupat nagpakita rin siya ng interes sa itinuturo ng Saksi. Ang ilan na tinuruan sa mga klaseng ito sa pagbasa at pagsulat, nang malaunan, ay naging naglalakbay na mga tagapangasiwa, na nagtuturo sa ilang mga kongregasyon. Totoo ito kay Ezekiel Ovbiagele sa Nigeria.
Nagtuturo sa Pamamagitan ng mga Pelikula at mga Palabas ng Slide
Upang matulungan ang mga nagpapakita ng interes sa Bibliya na maunawaan ang lawak ng nakikitang organisasyon ni Jehova, isang pelikula ang inilabas noong 1954. Ang pelikulang ito, The New World Society in Action, ay nakatulong din upang maalis ang mga maling pangmalas ng mga komunidad.
Sa tinatawag ngayon na Zambia, isang bitbiting generator ang madalas kailanganin upang maipalabas ang pelikula. Isang lonang puti na binanat sa pagitan ng dalawang punungkahoy ang nagsilbing telon. Sa Barotse Province pinanood ng punong pangulo ang pelikula kasama ang kaniyang maharlikang pamilya, pagkatapos ay gusto niyang ipalabas ito sa publiko. Dahil dito, nang sumunod na gabi ito’y napanood ng 2,500 katao. Ang kabuuang bilang ng dumalo sa mga palabas ng pelikula sa Zambia sa loob ng 17 taon ay lampas pa sa isang milyon. Gayon na lamang ang katuwaan ng mga nagsidalo sa kanilang napanood. Mula sa karatig na Tanganyika (ngayo’y bahagi ng Tanzania), iniulat na pagkatapos ipalabas ang pelikula, umalingawngaw sa himpapawid ang hiyawan ng mga pulutong na nagsasabing, “Ndaka, ndaka” (Salamat po, salamat po).
Pagkatapos ng pelikulang The New World Society in Action, sinundan ito ng ibang mga pelikula: The Happiness of the New World Society, Proclaiming “Everlasting Good News” Around the World, God Cannot Lie, at Heritage. Nagkaroon din ng mga palabas ng slide, na may komentaryo, hinggil sa praktikalidad ng Bibliya sa ating kapanahunan, ang paganong pinagmulan ng mga doktrina at gawain ng Sangkakristiyanuhan, at ang kahulugan ng mga kalagayan sa daigdig sa liwanag ng hula sa Bibliya, gayundin ng mga palabas ng slide hinggil sa mga Saksi ni Jehova bilang isang organisasyon, na itinatampok ang isang pagdalaw sa pandaigdig na punong-tanggapan, kapana-panabik na mga kombensiyon sa mga lupaing dating nagbabawal sa kanila, at isang repaso sa kanilang modernong kasaysayan. Lahat ng mga ito ay nakatulong upang makilala ng mga tao na tunay ngang may bayan si Jehova sa lupa at na ang Bibliya ang Kaniyang kinasihang Salita.
Pagkakilala sa Tunay na mga Tupa
Sa ilang mga lupain, ang mga tao na may taglay lamang na ilan sa mga publikasyon ng Watch Tower ay nag-angking sila’y mga Saksi ni Jehova o gumamit ng pangalang Watch Tower. Subalit nabago ba nila ang kanilang mga paniniwala at paraan ng pamumuhay upang iayon ito sa mga pamantayan ng Bibliya? Kapag binigyan ng kinakailangang mga tagubilin, sila ba’y mapatutunayang tunay na tulad-tupang mga tao na nakikinig sa tinig ng Panginoon, si Jesu-Kristo?—Juan 10:4, 5.
Isang nakagigitlang sulat ang tinanggap sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Timog Aprika, noong 1954, mula sa isang grupo ng mga Aprikano sa Baía dos Tigres, isang kolonya ng mga bilanggo sa may timog ng Angola. Ang sumulat, si João Mancoca, ay nagsabi: “Ang grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Angola ay binubuo ng 1,000 miyembro. Ang mga ito’y pinangungunahan ni Simão Gonçalves Toco.” Sino itong si Toco? Ang kaniyang mga tagasunod ba’y talagang mga Saksi ni Jehova?
Gumawa ng mga kaayusan upang dumalaw sa Angola si John Cooke, isang misyonerong marunong magsalita ng Portuges. Pagkatapos ng matagal na pakikipanayam ng isang opisyal ng kolonya, si Brother Cooke ay binigyang pahintulot na dalawin si Mancoca. Napag-alaman ni Brother Cooke na noon pang dekada ng 1940, nang si Toco ay kasama ng isang misyon ng Baptist sa Belgian Congo (ngayo’y Zaire), siya’y nakakuha ng ilang literatura ng Watch Tower at naibahagi sa ilan sa kaniyang matalik na mga kasamahan ang kaniyang natutuhan. Ngunit pagkaraan, naimpluwensiyahan ng mga espiritista ang grupo, at nang maglaon ay lubusang itinigil ni Toco ang paggamit ng literatura ng Watch Tower at ng Bibliya. Sa halip, humingi siya ng patnubay sa pamamagitan ng espiritung midyum. Ang kaniyang mga tagasunod ay pinabalik ng gobyerno sa Angola at pagkatapos ay ikinalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Si Mancoca ay naging isa sa mga kasamahan ni Toco, subalit pinagsikapan ni Mancoca na hikayatin ang iba na itigil ang espiritismo at manghawakan sa Bibliya. Hindi ito nagustuhan ng ilan sa mga tagasunod ni Toco at, sa pamamagitan ng maling mga paratang, pinagbintangan si Mancoca sa harap ng mga awtoridad na Portuges. Bilang resulta, si Mancoca at yaong mga sumang-ayon sa kaniya ay ipinatapon sa isang kolonya ng mga bilanggo. Mula roon ay sumulat siya sa Samahang Watch Tower at kumuha ng karagdagang literatura sa Bibliya. Siya’y mababang-loob, palaisip sa espirituwal, at talagang interesadong gumawang matalik na kasama ng organisasyon na nagturo sa kaniya ng katotohanan. Matapos gugulin ni Brother Cooke ang maraming oras sa pagtalakay ng mga katotohanan ng Bibliya sa grupong ito, wala siyang pag-aalinlangan na si João Mancoca ay tunay na isa sa mga tupa ng Panginoon. Sa ilalim ng totoong mahirap na mga kalagayan, iyan ay pinatunayan ni Brother Mancoca sa loob ng maraming taon hanggang sa ngayon.
Kinapanayam din si Toco at ang ilan sa kaniyang mga tagasunod. Gayunman, maliban lamang sa iilan, hindi sila kinasumpungan ng tulad-tupang mga katangian ng mga tagasunod ni Kristo. Kaya, noong panahong iyon, walang 1,000 Saksi ni Jehova sa Angola kundi mga 25 lamang.
Samantala, sa Belgian Congo (ngayo’y Zaire), isa na namang kalituhan sa pagkakakilanlan ang naganap. May isang kilusan na pinaghalong relihiyon at pulitika na tinawag na Kitawala, na kung minsan ay gumagamit din ng pangalang Watch Tower. Sa bahay ng ilan sa mga miyembro nito ay may masumpungang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, na nakuha nila sa pamamagitan ng koreo. Ngunit ang mga paniniwala at paggawi ng Kitawala (na may kasamang pagtatangi ng lahi, paghihimagsik laban sa awtoridad upang pangyarihing mabago ang pulitika o lipunan, at mahalay na seksuwal na imoralidad sa ngalan ng pagsamba) ay walang anumang kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, sinikap ng ilang inilathalang mga ulat na isangkot ang Samahang Watch Tower ng mga Saksi ni Jehova sa Kitawala.
Paulit-ulit na hinadlangan ng mga opisyal na taga-Belgium ang pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova na magpadala ng sinanay na mga tagapangasiwa sa lupain. Tuwang-tuwa ang grupo ng mga Protestante at mga Katoliko. Lalo na mula noong 1949 patuloy, malupit na panggigipit ang isinagawa sa Belgian Congo laban sa mga nagsikap na mag-aral ng Bibliya sa tulong ng literatura ng Watch Tower. Subalit ito’y katulad ng sinabi ng isa sa tapat na mga Saksi roon: “Tayo’y katulad ng isang supot ng mais sa Aprika. Saanman nila tayo dalhin, ang Salita ay isa’t isang malalaglag, hanggang sa ito’y datnan ng patak ng ulan, at kanilang masaksihang tayo’y sumisibol saanmang dako.” Kaya kahit sa ilalim ng mahihirap na kalagayan, mula 1949 hanggang 1960, ang bilang na nag-ulat ng gawain bilang mga Saksi ni Jehova ay sumulong mula sa 48 tungo sa 1,528.
Unti-unting napag-unawa ng mga opisyal na ang mga Saksi ni Jehova ay totoong kakaiba sa Kitawala. Nang pagkalooban ang mga Saksi ng kaunting kalayaan upang magtipun-tipon, ang mga tagamasid sa gobyerno ay madalas na nagkomento hinggil sa kanilang mabuting paggawi at kaayusan. Nang magkaroon ng mararahas na demonstrasyon upang humingi ng pulitikal na kasarinlan, alam ng mga tao na hindi kasangkot dito ang mga Saksi ni Jehova. Noong 1961 isang kuwalipikadong tagapangasiwa ng mga Saksi, si Ernest Heuse, Jr., mula sa Belgium, ang sa wakas ay nakapasok na sa lupain. Sa pamamagitan ng masinsinang pagsisikap, naging posible na unti-unting iayon pang higit ng mga kapatid ang kanilang mga kongregasyon at ang kanilang personal na pamumuhay sa Salita ng Diyos. Maraming dapat na matutuhan, at nangangailangan ito ng ibayong pagtitiyaga.
Sa pag-aakalang ito’y magiging pabor sa kanila, ang Kitawala sa ilang lugar ay nagpadala ng mahahabang listahan ng kanilang mga tauhan na gustong makilala bilang mga Saksi ni Jehova. Kumikilos nang may katalinuhan, ipinadala ni Brother Heuse ang kuwalipikadong mga kapatid sa mga dakong ito upang alamin kung ano ngang uri ng mga tao ito. Sa halip na tanggapin ang malalaking grupo, sila’y nagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga indibiduwal.
Nang maglaon, ang talagang mga tupa, yaong tunay na tumitingin kay Jesu-Kristo bilang kanilang Pastol, ay nahayag. At naging marami ang mga ito. Sila rin ay nagturo naman sa mga iba. Sa nagdaang mga taon, maraming misyonero ng Watch Tower mula sa ibang bansa ang dumating upang gumawang kasama nila, upang tulungan silang magtamo ng higit na wastong kaalaman sa Salita ng Diyos at upang maglaan ng kinakailangang pagsasanay. Nang sumapit ang 1975, may 17,477 Saksi ni Jehova sa Zaire, na inorganisa sa 526 na kongregasyon, na abalang nangangaral at nagtuturo ng Salita ng Diyos sa iba.
Niwawasak ang Kapangyarihan ng Agimat
Sa may kanluran ng Nigeria ay ang lupain ng Benin (dati’y tinawag na Dahomey), na may populasyong hinahati sa 60 lipi na nagsasalita ng mga 50 wika at diyalekto. Katulad din sa halos buong Aprika, ang animismo ang katutubong relihiyon, at ito’y may kasamang pagsamba sa mga ninuno. Ang gayong relihiyosong kapaligiran ay nagdulot ng pamahiin at takot sa buhay ng mga tao. Marami sa mga nag-aangking Kristiyano ang nagsasagawa rin ng animismo.
Mula sa huling bahagi ng dekada ng 1920 hanggang sa dekada ng 1940, maraming mga binhi ng katotohanan ng Bibliya ang ipinamudmod sa Dahomey ng mga Saksi ni Jehova mula sa Nigeria sa kanilang pana-panahong mga pagdalaw roon upang mamahagi ng literatura sa Bibliya. Marami sa mga binhing yaon ang nangangailangan lamang ng kaunting pagdidilig upang magbunga. Ang pangangalagang ito ay inilaan noong 1948 nang si Nouru Akintoundé, isang taga-Dahomey na nakatira sa Nigeria, ay bumalik sa Dahomey upang magpayunir. Sa loob ng apat na buwan, 300 tao ang madaling tumugon sa katotohanan at nakibahaging kasama niya sa ministeryo sa larangan. Ang ganitong tugon ay higit pa sa lahat ng makatuwirang maaasahan.
Dahil sa gawaing ito, madaling napukaw ang panliligalig hindi lamang ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan kundi pati ng mga animista. Nang ang sekretarya ng kumbento ng agimat sa Porto-Novo ay nagpakita ng interes sa katotohanan, inihayag ng pinunò ng agimat na ang sekretarya ay mamamatay sa loob ng pitong araw. Subalit may-katatagang sinabi ng dating sekretaryang ito ng kumbento: “Kung si Jehova ay ginawa lamang ng agimat, mamamatay nga ako; subalit kung si Jehova ang kataas-taasang Diyos, kung gayon ay dadaigin niya ang agimat.” (Ihambing ang Deuteronomio 4:35; Juan 17:3.) Upang pangyarihin niyang magkatotoo ang kaniyang hula, sa gabi ng ikaanim na araw, ginamit ng pinunò ng agimat ang lahat ng uri ng pangkukulam at pagkatapos ay inihayag niya na ang dating sekretaryang ito ay patay na. Gayunman, nagkaroon ng malaking ligalig sa gitna ng mga mananamba ng agimat kinabukasan nang siya’y pumaroon sa palengke sa Cotonou na buháy na buháy. Pagkatapos, ang isa sa mga kapatid ay umarkila ng kotse at dinala siya sa palibot ng Porto-Novo upang makita mismo ng mga tao na siya’y buháy pa. Pagkaraan nito, maraming iba pang mga mananamba ng agimat ang nanindigang matatag sa katotohanan.—Ihambing ang Jeremias 10:5.
Di-nagtagal, dahil sa matinding relihiyosong panggigipit, ang mga publikasyon ng Watch Tower ay ipinagbawal sa Dahomey. Subalit, bilang pagtalima sa Diyos na Jehova, patuloy na nangaral ang mga Saksi, na madalas ay ginagamit lamang ang Bibliya. Kung minsan sila’y magbabahay-bahay bilang “mga negosyante,” na may iba’t ibang mga itinitinda. Kapag maganda ang usapan, ibabaling nila ang pansin sa Bibliya, at maaaring maglabas din sila mula sa malaking panloob na bulsa ng kanilang kasuotan ng isang mahalagang sipi ng literatura sa Bibliya.
Kapag sila’y nahihirapan sa lunsod dahil sa mga pulis, sila’y nangangaral naman sa mga lugar ng kabukiran. (Ihambing ang Mateo 10:23.) At pagka sila’y itinatapon sa bilangguan, sila’y nangangaral doon. Noong 1955, ang mga Saksing nasa bilangguan ay nakasumpong ng di-kukulangin sa 18 interesadong mga tao mula sa mga bilanggo at mga opisyal ng bilangguan sa Abomey.
Pagkaraan lamang ng isang dekada matapos bumalik ang kapatid na payunir na taga-Dahomey upang mangaral sa kaniyang tinubuang lupain, mayroon nang 1,426 na nakikibahagi sa ministeryo—at ito’y sa kabila ng bagay na ang kanilang gawain ay ipinagbawal noon ng gobyerno!
Higit na mga Manggagawa ang Nakikibahagi sa Pag-aani
Maliwanag na sa buong Aprika maraming tao ang nagugutom sa katotohanan. Malaki ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Kaya, napatibay ang mga kapatid nang makita nila kung papaano sinagot ng Panginoon ng pag-aani, si Jesu-Kristo, ang kanilang mga panalangin ukol sa higit na mga manggagawa na tutulong sa espirituwal na pagtitipon.—Mat. 9:37, 38.
Maraming literatura ang ipinamahagi sa Kenya ng naglalakbay na mga payunir noong dekada ng 1930, ngunit hindi ito gaanong nabalikan. Subalit, noong 1949, si Mary Whittington, kasama ang kaniyang tatlong maliliit na anak, ay lumipat mula sa Inglatera upang manirahan sa Nairobi kasama ng kaniyang asawa, na may trabaho roon. Wala pang isang taon na nababautismuhan si Sister Whittington ngunit taglay na niya ang espiritu ng isang payunir. Bagaman wala siyang kilalang mga Saksi sa Kenya, siya’y humayo upang tulungan ang iba sa malawak na teritoryong ito na matuto ng katotohanan. Sa kabila ng mga hadlang, hindi siya umurong. Dumating din ang ibang mga Saksi—mula sa Australia, Britanya, Canada, Timog Aprika, Sweden, Estados Unidos, at Zambia—na personal na nagsaayos na lumipat doon upang ibahagi ang pag-asa ng Kaharian sa mga tao.
Bukod dito, ang mga mag-asawang misyonero ay isinugo upang tumulong sa pag-aani. Nang pasimula napilitan ang mga lalaki na maghanapbuhay upang makapanatili sa lupain, kaya limitado lamang ang panahong magagamit nila sa ministeryo. Ngunit ang kani-kanilang mga asawa ay malayang nakapaglingkod bilang mga payunir. Nang maglaon, umabot sa mahigit na isang daang misyonerong sinanay sa Gilead ang nakarating sa Kenya. Nang malapit na ang kasarinlan, at inalis ang pagbubukud-bukod ng lahi na dating ipinatupad ng gobyernong kolonyal ng Britanya, ang mga Saksing Europeano ay nag-aral ng Swahili at kaagad ay pinalawak ang kanilang gawain upang maabot ang katutubong mga Aprikano. Mabilis na lumaki ang bilang ng mga Saksi sa bahaging ito ng pandaigdig na larangan.
Noong 1972, ang Botswana rin ay tumanggap ng tulong sa espirituwal na pag-aani nang lumipat sa malalaking lunsod nito ang mga Saksi mula sa Britanya, Kenya, at Timog Aprika. Pagkaraan ng tatlong taon, dumating din ang mga misyonerong sinanay sa Gilead. Subalit, sa kalakhang bahagi ang mga tao ay nakatira sa mga nayon sa kabukiran. Upang maabot ang mga ito, ang mga Saksi mula sa Timog Aprika ay naglakbay patawid sa disyertong tinatawag na Kalahari. Sa malalayong komunidad ay nangaral sila sa mga pinunò ng nayon, sa mga guro, at madalas sa mga grupo ng 10 o 20 nalulugod na mga tagapakinig. Sinabi ng isang lalaking may-edad na: “Ibig ba ninyong sabihin na ganiyang kalayo ang nilakbay ninyo upang kausapin kami tungkol sa mga bagay na ito? Mababait kayo, napakababait.”
Nakapagbigay na si “Bible Brown” ng mapuwersang mga pahayag sa Bibliya sa Liberia noon pang dekada ng 1920, ngunit marami ang pagsalansang noon. Ang espirituwal na pag-aani roon ay hindi talagang lumago hanggang sa pagdating ng mga misyonerong sinanay sa Paaralang Gilead. Si Harry Behannan, na dumating noong 1946, ang nauna. Marami pa ang nakibahagi nang sumunod na mga taon. Unti-unting nakisama sa kanila sa gawain ang mga katutubong taga-Liberia, at pagsapit ng 1975 ang bilang ng mga tagapuri kay Jehova ay lampas na sa isang libo.
Higit na maraming pangangaral ang nagawa ni “Bible Brown” sa Nigeria. Ito’y isang bansang nahahati sa napakaraming mga kaharian, mga estadong-siyudad, at mga sistemang panlipunan, na ang mga tao ay nagsasalita ng mahigit sa 250 wika at diyalekto. Nababahagi rin sila dahil sa relihiyon. Hindi gaanong gumagamit ng taktika subalit taglay ang makapangyarihang mga argumento mula sa Kasulatan, inilantad ng unang mga Saksi roon ang mga klero at ang kanilang huwad na mga turo. Nang ipagbawal ang kanilang literatura noong Digmaang Pandaigdig II, nangaral ang mga kapatid na gumagamit lamang ng Bibliya. Ang mga taong umiibig sa katotohanan ay malugod na tumugon. Iniwan nila ang mga simbahan, pagkatapos ay tinanggihan nila ang poligamya at tinalikuran ang kanilang mga juju, na pinayagan ng mga iglesya. Pagsapit ng 1950 ang bilang ng mga Saksi ni Jehova na nakikibahagi sa paghahayag ng mensahe ng Kaharian sa Nigeria ay 8,370. Pagsapit ng 1970, naragdagan ang bilang nang mahigit sa sampung ulit.
Kinailangang mapagtagumpayan ang sunud-sunod na legal na mga hadlang upang magbigay ng espirituwal na tulong sa mga taong interesado sa Southern Rhodesia (ngayo’y tinatawag na Zimbabwe). Ang mga pagsisikap upang legal na makilala ay nagsimula noon pang kalagitnaan ng dekada ng 1920. Noong 1932, ang mga payunir mula sa Timog Aprika ay pinaalis sa bansa at di-makatuwiran na sinabihang hindi na sila maaaring maghabol pa. Subalit, naghabol pa rin sila. Ang mga bintang na ang literatura ng Watch Tower ay laban sa gobyerno ay kailangang harapin sa mga hukuman. Noong unang bahagi ng dekada ng 1940, nabilanggo ang ilang mga kapatid dahil sa pamamahagi ng mga publikasyong nagpapaliwanag ng Bibliya. Noong 1966 saka lamang binigyan ang mga Saksi ni Jehova sa Zimbabwe ng legal na pagkilala bilang isang relihiyosong organisasyon. Sa loob ng mahigit sa 40 taon, ang espirituwal na pag-aani ay ginawa sa ilalim ng maraming paghihirap, subalit nang panahong iyon ang may tibay-loob na mga manggagawa ay nakatulong sa mahigit na 11,000 upang maging mga lingkod ng Diyos na Jehova.
Pagpapatotoo sa mga Gobernador at mga Hari
Alam ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay mapapaharap sa pagsalansang sa kanilang ministeryo. Sinabihan niya sila na sila’y dadalhin sa harap ng “lokal na mga hukuman,” at maging sa harap ng “mga gobernador at mga hari,” at na ito’y magiging “pagpapatotoo sa kanila at sa mga bansa.” (Mat. 10:17, 18) Ang naranasan ng mga Saksi ni Jehova ay katulad na katulad ng inihula ni Jesus, at kaayon ng kaniyang sinabi, sinikap nilang gamitin ang pagkakataon upang magpatotoo.
Ang ilang mga opisyal ay napigilan na gumawa ng mabuti sa mga tagasunod ni Kristo dahil sa takot. (Juan 12:42, 43) Nakita ni Llewelyn Phillips ang katunayan nito noong 1948 nang pribado niyang kapanayamin ang ilan sa mga opisyal ng gobyerno sa Belgian Congo, na may layuning matulungan ang mga Saksing pinag-uusig doon. Ipinaliwanag niya ang mga paniniwala at gawain ng mga Saksi ni Jehova sa mga lalaking ito. Subalit sa panahon ng pakikipanayam, malungkot na nagtanong ang gobernador-heneral: “At kung tutulungan ko kayo, ano naman ang maaaring mangyari sa akin?” Alam niya na malakas ang impluwensiya ng Iglesya Katolika Romana sa lupaing iyon.
Gayunman, ang punong pangulo ng bansang Swazi, si Haring Sobhuza II, ay hindi gaanong nababahala sa kung ano ang sabihin ng mga klero. Nakakausap niyang madalas ang mga Saksi ni Jehova, hawak niya ang marami sa kanilang literatura, at mabait ang kaniyang pakikitungo sa kanila. Tuwing “Biyernes Santo” taun-taon, inanyayahan niya ang mga klerong Aprikano sa kaniyang maharlikang kraal. Pinababayaan niya silang magsalita, ngunit tinatawag rin niya ang isa sa mga Saksi ni Jehova upang magsalita. Noong 1956 ang Saksi ay nagpaliwanag hinggil sa doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa at sa nagpaparangal na mga titulo ng mga pinunong relihiyoso. Nang siya’y matapos, tinanong ng punong pangulo ang mga klerigo: “Ang mga bagay bang ito na sinabi rito ng mga saksi ni Jehova ay tama o mali? Kung mali, ipaliwanag.” Hindi nila mapabulaanan ang mga ito. Minsan ang punong pangulo ay napatawa nang malakas nang makita niya ang kalituhan ng mga klero dahil sa sinabi ng isang Saksi.
Madalas na ang mga pulis ang inutusang humingi sa mga Saksi ng dahilan sa kanilang ginagawa. Mula sa kongregasyon sa Tangier, Morocco, regular na naglalakbay noon ang mga Saksi patungo sa Ceuta, isang daungan sa ilalim ng kontrol ng Espanya bagaman nasa baybayin ito ng Morocco. Minsan nang sila’y pinatigil ng mga pulis noong 1967, ang mga Saksi ay inimbistigahan nang dalawang oras, na sa panahong iyon isang mainam na patotoo ang ibinigay. Minsan ay nagtanong ang dalawang inspektor ng pulis kung ang mga Saksi ay naniniwala kay “Birheng Maria.” Nang sabihan sila na ipinakikita ng mga salaysay ng Ebanghelyo na nagkaroon si Maria ng ibang mga anak pagkatapos maipanganak si Jesus nang siya’y birhen, at na ang mga ito’y mga kapatid ni Jesus sa ina, ang mga opisyal ay natigilan at namangha at nagsabing ang gayong bagay kailanma’y hindi masusumpungan sa Bibliya. Nang ipakita sa kanila ang Juan 7:3-5, matagal na ito’y tahimik na tiningnan ng isa sa mga opisyal; kaya sinabi ng isa: “Ákiná ang Bibliyang iyan. Ako ang magpapaliwanag ng teksto!” Sumagot ang unang opisyal: “Huwag na. Ang tekstong ito ay napakaliwanag na.” Maraming ibang mga bagay ang itinanong at sinagot nang may kahinahunan. Pagkatapos nito, wala nang gaanong hadlang mula sa mga awtoridad kapag nangangaral ang mga Saksi sa lugar na iyon.
Ang mga prominenteng tao sa gobyerno ay lubos na nakakakilala sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang ministeryo. Ang ilan sa kanila ay nakauunawa na ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay totoong kapaki-pakinabang para sa mga tao. Nang huling bahagi ng 1959, nang kasalukuyang naghahanda sila para sa kasarinlan ng Nigeria, ang gobernador-heneral, si Dr. Nnamdi Azikiwe, ay humiling na dumoon si W. R. Brown bilang kinatawan ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya sa kaniyang Konseho ng mga Ministro: “Kung lahat ng relihiyosong mga denominasyon ay magiging katulad ng mga Saksi ni Jehova, hindi na tayo magkakaroon pa ng mga patayan, ng mga nakawan, ng mga delingkuwente, ng mga bilanggo at ng mga bomba atomika. Hindi na kailangang palaging kandaduhan ang mga pinto.”
Tunay na isang malaking espirituwal na anihin ang tinitipon sa Aprika. Pagsapit ng 1975, mayroon nang 312,754 na mga Saksing nangangaral ng mabuting balita sa 44 na mga bansa sa kontinente ng Aprika. Sa siyam sa mga lupaing iyon, wala pang 50 ang naninindigan sa katotohanan ng Bibliya at nakikibahagi sa pag-eebanghelyo. Subalit minamalas ng mga Saksi na ang buhay ng bawat isa ay mahalaga. Sa 19 sa mga bansang iyon, ang bilang ng mga nakikibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay bilang mga Saksi ni Jehova ay umabot na sa mga libu-libo. Malalaking pagsulong ang iniulat sa ilang mga lugar. Sa Angola, halimbawa, mula 1970 hanggang 1975, ang bilang ng mga Saksi ay sumulong mula sa 355 tungo sa 3,055. Sa Nigeria, noong 1975, may 112,164 na mga Saksi ni Jehova. Ang mga ito ay hindi lamang mga taong nagnanais na bumasa ng literatura ng Watch Tower, ni yaong mga paminsan-minsan lamang na dumadalo sa mga pulong sa isang Kingdom Hall. Lahat sa kanila ay aktibong mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos.
Ang Silangan ay Nagbunga ng mga Tagapuri kay Jehova
Katulad sa maraming ibang dako, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas ay mabilis na lumaganap pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II. Sa pinakamaagang pagkakataon matapos makalaya sa bilangguan noong Marso 13, 1945, si Joseph Dos Santos ay nakipag-ugnayan sa tanggapan ng Samahang Watch Tower sa New York. Ibig niyang makuha ang lahat ng materyal sa pag-aaral ng Bibliya at mga tagubilin ng organisasyon na hindi tinanggap ng mga kapatid sa Pilipinas noong panahon ng digmaan. Pagkatapos ay personal niyang dinalaw ang mga kongregasyon upang pagkaisahin at palakasin ang mga ito. Nang taon ding iyon isang pambansang kombensiyon ang idinaos sa Lingayen, Pangasinan, na doon ang mga instruksiyon ay ibinigay kung papaano tuturuan ang mga taong nagugutom sa katotohanan sa pamamagitan ng mga pag-aaral sa Bibliya. Nang sumunod na mga taon may malaking pagsisikap na ginawa upang isalin at ilathala ang higit na materyal sa lokal na mga wika—Tagalog, Iloko, at Cebuano. Nailatag na ang pundasyon para sa higit na pagpapalawak, at mabilis itong naganap.
Wala pang isang dekada pagkatapos ng digmaan, ang bilang ng mga Saksi sa Pilipinas ay sumulong mula sa mga 2,000 tungo sa mahigit na 24,000. Pagkaraan ng 20 taon pa, may mahigit sa 78,000 mga tagapuri kay Jehova doon.
Isa sa naunang mga bansa sa Silangan na pinadalhan ng mga misyonerong sinanay sa Paaralang Gilead ay ang Tsina. Sina Harold King at Stanley Jones ay dumating sa Shanghai noong 1947; si Lew Ti Himm, noong 1949. Ang tatlong payunir na Aleman na nagsimulang gumawa roon noong 1939 ay naroon upang salubungin sila. Ito’y isang lupain kung saan ang karamihan ng mga tao ay Buddhista at hindi madaling tumutugon sa mga pagtalakay tungkol sa Bibliya. Sa kanilang mga bahay ay may mga dambana at mga altar. Sa pamamagitan ng mga salamin na nakabitin sa itaas ng mga pintuan, sinikap nilang palayasin ang masasamang espiritu. Ang mga telang pula na may tatak ng mga sawikain ukol sa ‘mabuting kapalaran’ at nakatatakot na mga larawan ng mga diyos ng Buddhista ang nakagayak sa mga pintuang-daan. Ngunit iyon ay mga panahon ng malaking pagbabago sa Tsina. Sa ilalim ng pamamahala ng Komunista inuutusan ang lahat na pag-aralan ‘ang mga kaisipan ni Mao Tse-tung.’ Pagkatapos ng kanilang sekular na trabaho, sila’y kinailangang dumalo sa mahahabang pulong kung saan ipinaliliwanag ang Komunismo. Sa gitna ng lahat ng ito, patuloy na naging abala ang ating mga kapatid sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Marami sa mga nagnanais makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova ay may dating kabatiran sa Bibliya mula sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Totoo ito kay Nancy Yuen, nagtatrabaho sa simbahan at maybahay na nagpahalaga sa ipinakita sa kaniya ng mga Saksi mula sa Bibliya. Di-nagtagal at siya’y masigasig na nakikibahagi na sa pagbabahay-bahay at nagdaraos mismo ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ang iba na pinangaralan nila ay likas na Intsik at Buddhista ang kinagisnan at wala pang kabatiran sa Bibliya. Noong 1956 naabot ang pinakamataas na bilang na 57 mamamahayag. Subalit, nang taon ding iyon, matapos hulihin nang anim na beses dahil sa pangangaral, tuluyan nang nabilanggo si Nancy Yuen. Ang iba’y alinman sa inaresto o pilit na pinaalis sa bansa. Sina Stanley Jones at Harold King ay inaresto noong Oktubre 14, 1958. Bago sila litisin, nabilanggo sila nang dalawang taon. Noong panahong iyon sila’y paulit-ulit na inimbistigahan. Nang sa wakas ay inihabla sila sa hukuman noong 1960, sinintensiyahan sila ng mahabang pagkabilanggo. Kaya, noong Oktubre 1958 ang pangmadlang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Tsina ay sapilitang pinahinto. Subalit hindi kailanman lubusang tumigil ang kanilang pangangaral. Maging sa bilangguan at sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho, may mga paraan upang magpatotoo. Sa hinaharap higit pa ba ang gagawin sa napakalawak na bansang ito? Ito’y mababatid sa takdang panahon.
Samantala, ano kaya ang nangyayari sa Hapón? Bago ang ikalawang digmaang pandaigdig mayroon lamang mga isang daang Saksi ni Jehova na nangangaral doon. Nang mapaharap sa malulupit na panggigipit noong mga taon ng digmaan, marami sa mga ito ay nakipagkompromiso. Bagaman ang ilan ay nanatiling tapat, ang organisadong pangangaral sa madla ay tumigil. Gayunman, ang paghahayag ng Kaharian ni Jehova sa bahaging iyon ng daigdig ay nabigyan ng panibagong sigla nang si Don Haslett, isang misyonerong sinanay sa Gilead, ay dumating sa Tokyo noong Enero 1949. Makalipas ang dalawang buwan, nakasama niya si Mabel, ang kaniyang asawa. Ito’y isang larangan kung saan maraming tao ang nagugutom sa katotohanan. Tinalikdan na ng emperador ang kaniyang pag-aangkin na siya’y diyos. Ang Shinto, Buddhismo, Katolisismo, at Kyodan (na binubuo ng iba’t ibang mga grupong Protestante sa Hapón) ay pawang napahiya sa mga tao dahil sa pakikisama nila sa pagtangkilik ng Hapón sa digmaan, na nauwi naman sa pagkatalo.
Pagsapit ng katapusan ng 1949, 13 misyonero mula sa Paaralang Gilead ang abalang-abala sa Hapón. Marami pa ang sumunod—mahigit sa 160 lahat-lahat. Kaunti lamang ang literaturang nagamit nila. Ang ilan sa mga misyonero ay dati nang nagsasalita ng lumang-istilong Hapones sa Hawaii, ngunit kailangang matutuhan nila ang makabagong wika. Ang iba ay natuto na ng ilang simpleng mga salita ngunit kailangang laging buklatin ang kanilang mga diksyunaryong Hapones-Ingles hanggang maging higit na bihasa sa bago nilang wika. Di-nagtagal, ang mga pamilyang Ishii at Miura, na hindi tumalikod sa kanilang pananampalataya noong mga taon ng digmaan, ay nakipag-ugnayan sa organisasyon at minsan pa’y nagsimulang makibahagi sa pangmadlang ministeryo.
Sunud-sunod na binuksan ang mga tahanang misyonero sa Kobe, Nagoya, Osaka, Yokohama, Kyoto, at Sendai. Mula 1949 hanggang 1957, ang pangunahing layunin ay ang maitatag ang gawaing pang-Kaharian sa malalaking lunsod sa pinakamalaking isla sa Hapón. Pagkatapos ang mga manggagawa ay nagsimulang lumipat sa iba pang mga lunsod. Napakalawak ang larangan. Maliwanag na upang mabigyan ng lubusang patotoo ang buong Hapón, kakailanganin ang maraming mga payunir na ministro. Idiniin ito, marami ang nagboluntaryo, at kamangha-mangha ang naging tugon sa sama-samang mga pagsisikap ng masisipag na ministrong ito! Sa unang dekada nagkaroon ng 1,390 mga tagapuri kay Jehova. Pagsapit ng kalagitnaan ng dekada ng 1970, may 33,480 masisigasig na tagapuri kay Jehova na nakakalat sa buong Hapón. At higit na bumibilis ang gawaing pagtitipon.
Noong taon din ng pagdating ni Don Haslett sa Hapón, ang 1949, ang gawaing pang-Kaharian sa Republika ng Korea ay higit ding pinasigla. Ang Korea ay napasailalim ng pagsupil ng Hapón noong digmaang pandaigdig, at malupit na pinag-usig doon ang mga Saksi. Bagaman may maliit na grupong nagtipon upang mag-aral pagkatapos ng digmaan, hindi nagkaroon ng pakikipag-ugnayan sa internasyonal na organisasyon kundi noong matapos makita ni Choi Young-won ang isang ulat tungkol sa mga Saksi ni Jehova noong 1948 sa pahayagan ng Hukbong Amerikano na Stars and Stripes. Nang sumunod na taon naitatag ang isang kongregasyon ng 12 mamamahayag sa Seoul. Nang huling bahagi ng taóng iyon sina Don at Earlene Steele, ang unang mga misyonero mula sa Paaralang Gilead, ay dumating. Makalipas ang pitong buwan, anim pang mga misyonero ang sumunod.
Napakainam ang natatamasa nilang resulta—isang aberids ng 20 pag-aaral sa Bibliya bawat isa at umaabot sa 336 ang dumadalo sa mga pulong. Pagkatapos ay sumiklab ang Digmaang Koreano. Halos tatlong buwan lamang mula sa pagdating ng huling grupo ng mga misyonero, silang lahat ay inilipat sa Hapón. Mahigit na isang taon ang lumipas bago nakabalik si Don Steele sa Seoul, at isa pang taon bago nakasama sa kaniya si Earlene. Samantala ang mga kapatid na Koreano ay nanatiling matatag at naging masigasig sa pangangaral, sa kabila ng bagay na nawalan ng mga bahay at marami sa kanila’y mga takas. Subalit ngayon, yamang natapos na ang digmaan, nabigyan ng pansin ang paglalaan ng higit na literatura sa wikang Koreano. Ang mga kombensiyon at ang pagpasok ng higit pang mga misyonero ang nagpasigla sa gawain. Pagsapit ng 1975, may 32,693 mga Saksi ni Jehova sa Republika ng Korea—halos kasindami ng nasa Hapón—at may mahusay na potensiyal para sa higit na pagsulong, sapagkat mahigit sa 32,000 pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos.
Ano Kaya ang Kalagayan sa Europa?
Ang pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II sa Europa ay hindi nagdulot ng lubos na kalayaan para sa mga Saksi ni Jehova roon upang magampanan ang kanilang gawaing pagtuturo nang walang hadlang. Sa ilang dako iginagalang sila ng mga opisyal dahil sa matatag nilang paninindigan noong panahon ng digmaan. Subalit sa ibang dako ang makapangyarihang mga puwersa ng nasyonalismo at relihiyosong kapootan ay humantong sa higit pang pag-uusig.
Kasama sa mga Saksi sa Belgium ay ang ilan na nanggaling sa Alemanya upang makibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. Sapagkat ayaw nilang suportahan ang rehimeng Nazi, tinugis sila ng Gestapo na parang mga hayop sa gubat. Subalit ngayon ang ilan sa mismong mga Saksing ito ay pinagbintangang mga Nazi ng mga opisyal sa Belgium at sila’y ibinilanggo at pagkatapos ay pinalayas sa bansa. Sa kabila ng lahat ng ito, ang bilang ng mga Saksing nakikibahagi sa ministeryo sa larangan sa Belgium ay nag-ibayo nang higit sa tatlong ulit sa unang limang taon pagkaraan ng digmaan.
Ano ang nasa likod ng kalakhan ng pag-uusig na ito? Ang Iglesya Katolika Romana. Kailanman at may kapangyarihang gawin iyon, ito’y walang-tigil na nakipagbaka sa pagsisikap na lubos na pawiin ang mga Saksi ni Jehova.
Sa pagkaalam na ang maraming tao sa Kanluran ay natatakot sa Komunismo, ang mga Katolikong klero sa lunsod ng Cork sa Irlandya, noong 1948, ay nagbunsod ng pagsalansang laban sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng laging pagtawag sa kanila na “mga diyablong Komunista.” Dahil dito, nang si Fred Metcalfe ay nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, siya’y napaharap sa mga mang-uumog na sumuntok at sumipa sa kaniya at nagtapon ng kaniyang literatura sa Bibliya sa lansangan. Mabuti naman, sa oras na iyan may dumating na pulis at pinaalis ang mga mang-uumog. Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy na nagmatiyaga ang mga Saksi. Hindi lahat ng mga taga-Irlandya ay sang-ayon sa karahasang ito. Nang maglaon, maging ang ilan na nakibahagi roon ay nagsisi. Karamihan ng mga Katoliko sa Irlandya noon ay hindi pa kailanman nakakakita ng Bibliya. Ngunit, taglay ang maibiging pagtitiyaga, ang ilan sa kanila ay tinulungang manghawakan sa katotohanan na nagpapalaya sa mga tao.—Juan 8:32.
Bagaman ang mga Saksi sa Italya ay may bilang lamang na mga isang daan noong 1946, pagkalipas ng tatlong taon ay nagkaroon sila ng 64 na mga kongregasyon—maliliit lamang ngunit masisipag naman. Nababalisa ang mga klero. Palibhasa’y hindi nila mapabulaanan ang mga katotohanan ng Bibliyang ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova, pinuwersa ng Katolikong klero sa Italya ang mga awtoridad ng gobyerno na sikaping sugpuin sila. Kaya, noong 1949, ang mga misyonerong Saksi ay pinaalis mula sa bansa.
Paulit-ulit na sinikap ng Romanong Katolikong klero na guluhin o hadlangan ang mga asamblea ng mga Saksi sa Italya. Gumamit sila ng mga manggugulo upang sikaping lansagin ang isang asamblea sa Sulmona noong 1948. Sa Milan pinuwersa nila ang hepe ng pulisya na kanselahin ang permiso para sa isang kombensiyon sa Teatro dell’Arte noong 1950. Muli, noong 1951, sinulsulan nila ang pulis na kanselahin ang permiso para sa isang asamblea sa Cerignola. Ngunit noong 1957, nang pahintuin ng pulis ang isang kombensiyon ng Saksi sa Milan, tumutol ang Italyanong mga pahayagan, at ibinangon ang mga tanong sa parlamento. Ang lingguhang Il Mondo ng Roma, ng Hulyo 30, 1957, ay hindi nag-atubiling magsabi pa na ang pagkilos na ito ay ginawa “upang pagbigyan ang arsobispo,” si Giovanni Battista Montini, na nang maglaon ay naging Papa Paul VI. Hindi lingid sa mga tao na sa nakalipas na maraming dantaon ipinagbawal ng Iglesya Katolika ang pagpapalaganap ng Bibliya sa mga wikang ginagamit ng balana. Ngunit patuloy na hinayaan ng mga Saksi ni Jehova ang taimtim na mga Katoliko na makita para sa kanilang sarili kung ano ang sinasabi ng Bibliya. Ang kaibahan ng Bibliya sa mga doktrina ng simbahan ay madaling makita. Sa kabila ng matinding pagsisikap ng Iglesya Katolika na hadlangan ito, libu-libo ang umaalis sa simbahan, at pagsapit ng 1975 may 51,248 mga Saksi ni Jehova sa Italya. Lahat ng mga ito ay aktibong mga ebanghelisador, at mabilis na lumalaki ang bilang nila.
Sa Katolikong Espanya nang unti-unting mabuhay muli ang organisadong gawain ng mga Saksi ni Jehova pagkatapos ng 1946, hindi naging kataka-taka na malaman na ginipit din ng klero doon ang sekular na mga opisyal upang sila’y pahintuin. Ginulo ang mga pulong ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga misyonero ay pinaalis sa lupain. Ang mga Saksi ay inaresto dahil lamang sa may dala silang Bibliya o literatura tungkol sa Bibliya. Madalas silang mabilanggo sa maruruming piitan hanggang tatlong araw, saka palalayain—upang muli lamang arestuhin, imbestigahan, at ibilanggo. Marami ay nabilanggo nang isang buwan o higit pa. Sinulsulan ng mga pari ang sekular na mga awtoridad na tuntunín ang sinumang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Kahit matapos malagdaan ang Religious Liberty Law noong 1967, matagal pa rin bago nagkaroon ng pagbabago. Gayunpaman, nang sa wakas ang mga Saksi ni Jehova ay pagkalooban ng legal na pagkilala noong 1970, mayroon nang mahigit na 11,000 sa kanila sa Espanya. At pagkalipas ng limang taon pa, sila’y may bilang na mahigit sa 30,000, at bawat isa’y naging isang aktibong ebanghelisador.
Kumusta naman ang Portugal? Dito rin ay pinaalis ang mga misyonero sa lupain. Dahil sa sinulsulan ng Katolikong klero, hinalughog ng pulis ang mga tahanan ng mga Saksi ni Jehova, kinumpiska ang kanilang literatura, at ginulo ang kanilang mga pulong. Noong Enero 1963 ang kumander ng Public Security Police ng Caldas da Rainha ay nagpalabas pa man din ng isang nasusulat na utos na pinagbabawalan silang ‘isagawa ang kanilang pagbabasa ng Bibliya.’ Ngunit hindi tinalikuran ng mga Saksi ang kanilang paglilingkod sa Diyos. May mahigit na 13,000 sa kanila nang sila’y pagkalooban ng legal na pagkilala sa Portugal noong 1974.
Sa ibang bahagi ng Europa, sinikap ng sekular na mga awtoridad na hadlangan ang pangangaral ng mabuting balita sa pamamagitan ng pagtuturing na ang pamamahagi ng literatura sa Bibliya ay isang gawang komersiyo, anupat nasasakop ng mga batas sa negosyo. Sa ilan sa mga estado ng Switzerland, ang mga batas sa paglalako ay ikinapit sa literatura ng mga Saksi ni Jehova na ipinamamahagi sa pamamagitan ng kusang-loob na mga abuloy. Habang ginagawa ito ng mga Saksi, sila’y malimit na inaaresto at inihahabla sa mga hukuman. Gayunman, kapag nililitis ang mga kaso, ang ilang mga hukuman, kasama na rin ang Mataas na Hukuman ng estado ng Vaud, noong 1953, ay nagpasiya na ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay hindi wastong maituturing na paglalako. Samantala, sa Denmark, may pagsisikap na ginawa upang mabawasan ang oras na maaaring ipamahagi ng mga Saksi ang literatura, na nililimitahan ang kanilang gawain sa mga panahon lamang na awtorisado ng batas para sa pagbubukas ng mga tindahang komersiyal. Ito rin ay kailangang ipakipaglaban sa mga korte. Sa kabila ng mga hadlang, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na naghayag ng Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan.
Ang isa pang isyu na nakaapekto sa mga Saksi ni Jehova sa Europa, gayundin sa iba pang bahagi ng lupa, ay ang Kristiyanong neutralidad. Dahil sa hindi ipinahihintulot ng kanilang Kristiyanong budhi na masangkot sa mga labanan sa pagitan ng iba’t ibang mga pangkat sa sanlibutan, sila’y sinintensiyahang mabilanggo sa sunud-sunod na mga lupain. (Isa. 2:2-4) Dahil dito ang mga binata ay nailayo sa kanilang regular na ministeryo sa bahay-bahay. Subalit ang isang kapaki-pakinabang na resulta ay ang isang masinsinang patotoo na ibinigay sa mga manananggol, mga hukom, mga opisyal ng hukbo, at mga bantay sa bilangguan. Kahit sa bilangguan ang mga Saksi ay naghanap ng paraan upang mangaral. Bagaman ang trato sa ibang mga bilangguan ay malupit, ang mga Saksing nakulong sa bilangguan ng Santa Catalina sa Cádiz, Espanya, ay nakuhang magamit ang bahagi ng panahon nila upang magpatotoo sa pamamagitan ng koreo. At sa Sweden ang paraan ng paghawak ng mga kaso tungkol sa neutralidad ng mga Saksi ni Jehova ay hayagang inilathala sa madla. Kaya, sa maraming paraan nalaman ng mga tao na si Jehova ay may mga saksi sa lupa at na sila’y mahigpit na nanghahawakan sa mga simulain ng Bibliya.
May isa pang bagay na nagpangyaring malawakang makilala ng madla ang mga Saksi. Mayroon din itong makapangyarihan, nakapagpapasiglang epekto sa kanilang gawaing pag-eebanghelyo.
Ang mga Kombensiyon ay Nakatulong sa Pagpapatotoo
Nang idaos ng mga Saksi ni Jehova ang isang internasyonal na kombensiyon sa Paris, Pransya, noong 1955, ang buong bansa ay binigyan ng mga ulat sa telebisyon ng mga sulyap sa nagaganap doon. Noong 1969 isa na namang kombensiyon ang idinaos malapit sa Paris, at maliwanag na ang ministeryo ng mga Saksi ay naging mabunga. Ang mga nabautismuhan sa kombensiyon ay may bilang na 3,619, o mga 10 porsiyento ng aberids na bilang ng dumalo. Tungkol dito, ang popular na panggabing pahayagan sa Paris na France-Soir ng Agosto 6, 1969, ay nagsabi: “Ang nakababahala sa klero ng ibang mga relihiyon ay hindi ang kamangha-manghang paraan ng pamamahagi ng literatura na ginagamit ng mga saksi ni Jehova, kundi, sa halip, ang kanilang gawaing pangungumberte. Bawat isa sa mga saksi ni Jehova ay may obligasyong magpatotoo o magpahayag ng kaniyang pananampalataya sa paggamit ng Bibliya sa bahay-bahay.”
Sa loob ng tatlong linggo noong tag-araw na iyan ng 1969, apat pang malalaking internasyonal na kombensiyon ang idinaos sa Europa—sa London, Copenhagen, Roma, at Nuremberg. Ang kombensiyon sa Nuremberg ay dinaluhan ng 150,645 mula sa 78 bansa. Bukod sa mga eroplano at mga bapor, mga 20,000 kotse, 250 bus, at 40 espesyal na mga tren ang kinailangan upang ihatid ang mga delegado sa kombensiyong iyon.
Ang mga kombensiyon ay hindi lamang nagpatibay at nagsanay sa mga Saksi ni Jehova para sa kanilang ministeryo, kundi nagbigay rin ng pagkakataong makita mismo ng madla kung anong uri ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova. Nang may naka-eskedyul na internasyonal na kombensiyon sa Dublin, Irlandya, noong 1965, ginamit ang matinding relihiyosong panggigipit upang pilit na kanselahin ang mga kaayusan. Subalit nairaos na rin ang kombensiyon, at maraming mga maybahay sa Dublin ang nagbigay ng mga tuluyan para sa mga delegado. Ano ang resulta? “Hindi sinabi sa amin ang katotohanan hinggil sa inyo,” ang komento ng ilan sa mga maybahay pagkatapos ng kombensiyon. “Nagsinungaling sa amin ang mga pari, ngunit ngayong nakilala na namin kayo, lagi kaming malulugod na kayo’y tanggapin.”
Kapag Nagsasalita ang mga Tao ng Ibang Wika
Sa nakaraang mga dekada nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova sa Europa na ang pakikipagtalastasan sa mga tao mula sa ibang nasyonalidad ay nagharap ng di-pangkaraniwang hamon. Maraming tao ang lumipat mula sa isang bansa tungo sa iba upang samantalahin ang mga pagkakataong magtrabaho. Ang ibang mga lunsod sa Europa ay naging sentro ng pangunahing internasyonal na mga institusyon, na hindi lahat ng mga tauhan nito ay nakapagsasalita ng lokal na wika.
Sabihin pa, sa ilang lugar, ang teritoryong may maraming iba’t ibang wika ay naging pangkaraniwang bahagi ng buhay sa loob ng marami nang siglo. Sa India, halimbawa, may 14 na pangunahing mga wika at marahil ay 1,000 mas maliliit na wika at diyalekto. Sa Papua New Guinea ay may mahigit na 700 wika. Ngunit noon lamang mga dekada ng 1960 at 1970 na nasumpungan ng mga Saksi sa Luxembourg na ang kanilang teritoryo ay naging isa na binubuo ng mga tao mula sa mahigit na 30 iba’t ibang bansa—at pagkatapos nito ay dumating pa na di-kukulangin sa 70 pang nasyonalidad. Nag-uulat ang Sweden na nagbago ito mula sa isang bansang iisa ang wika na ginagamit ng halos lahat tungo sa isang lipunan na nagsasalita ng 100 iba’t ibang mga wika. Papaano ito hinarap ng mga Saksi ni Jehova?
Nang pasimula, sinikap nilang basta alamin lamang ang wika ng maybahay at pagkatapos ay sinubok na kumuha ng literaturang mababasa niya. Sa Denmark, gumawa ng mga tape recording upang maiparinig ang mensahe sa mga taimtim na taga-Turkey sa kanilang sariling wika. Sa Switzerland ay marami ang mga dayuhang manggagawa mula sa Italya at Espanya. Ang karanasan ni Rudolf Wiederkehr sa pagtulong sa ilan sa mga ito ay nagpapakita kung papaano nagsimula ito. Sinikap niyang patotohanan ang isang lalaking Italyano, ngunit wala sa kanila ang nakababatid ng wika ng isa’t isa. Ano ang maaaring gawin? Iniwan ng ating kapatid sa kaniya ang isang Italyanong Bantayan. Sa kabila ng problema sa wika, bumalik si Brother Wiederkehr. Pinasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya sa lalaki, sa asawa niya, at sa kanilang 12-taóng-gulang na anak na lalaki. Ang aklat ni Brother Wiederkehr ay Aleman, ngunit naglaan siya ng Italyanong mga sipi para sa pamilya. Kapag kinakapos ng salita, mga pagkumpas ang ginagamit. Kung minsan ang batang lalaki, na nag-aaral ng Aleman sa paaralan, ang nagiging tagapagsalin. Tinanggap ng buong pamilyang iyan ang katotohanan at kaagad ay sinimulang ibahagi ito sa iba.
Ngunit literal na angaw-angaw na mga manggagawa mula sa Gresya, Italya, Portugal, Espanya, Turkey, at Yugoslavia ang lumilipat sa Alemanya at sa ibang mga lupain. Mas mabisang maibibigay ang espirituwal na tulong sa kanilang sariling mga wika. Di-nagtagal ang ilan sa lokal na mga Saksi ay nagsimulang matuto ng wika ng mga dayuhang manggagawa. Sa Alemanya, ang mga klase upang mag-aral ng wikang Turko ay isinaayos pa ng tanggapang pansangay. Ang mga Saksi sa ibang bansa na nakaaalam ng wikang kinakailangan ay inanyayahang lumipat sa mga lugar na nangangailangan ng pantanging tulong.
Ang ilan sa mga dayuhang manggagawa ay noon lamang nakausap ng mga Saksi ni Jehova at tunay na gutóm sa espirituwal na mga bagay. Sila’y nagpasalamat sa pagsisikap na ginagawa upang sila’y matulungan. Maraming mga kongregasyong gumagamit ng wikang banyaga ang naitatag. Nang malaunan, ang ilan sa mga dayuhang manggagawang ito ay bumalik sa kanilang sariling lupain upang ipagpatuloy ang ministeryo sa mga lugar na dati’y hindi lubusang nabigyan ng pagpapatotoo hinggil sa Kaharian ng Diyos.
Isang Saganang Pag-aani sa Kabila ng mga Hadlang
Ang mga Saksi ni Jehova ay gumagamit ng gayunding mga pamamaraan ng pangangaral sa buong lupa. Sa Hilagang Amerika sila’y naging aktibo sa pag-eebanghelyo sa loob ng mahigit na isang siglo. Dahil dito, hindi kataka-taka na nagkakaroon ng saganang espirituwal na pag-aani roon. Noong 1975, may 624,097 aktibong mga Saksi ni Jehova sa kontinente ng E.U. at sa Canada. Gayunman, ito’y hindi dahil sa walang pagsalansang sa kanilang pangangaral sa Hilagang Amerika.
Bagaman inalis na ng gobyerno ng Canada ang pagbabawal nito sa mga Saksi ni Jehova at sa legal na mga korporasyon nila noon pang 1945, ang mga pakinabang mula sa desisyong iyon ay hindi kaagad naranasan sa lalawigan ng Quebec. Noong Setyembre 1945, ang mga Saksi ni Jehova sa Châteauguay at Lachine ay sinalakay ng Katolikong mga mang-uumog. Ang mga Saksi ay inaresto at pinaratangang lumalaban sa gobyerno sapagkat ang literaturang ipinamamahagi nila ay pumupuna sa Iglesya Katolika Romana. Ang iba’y nabilanggo sapagkat namahagi sila ng literatura sa Bibliya na hindi sinang-ayunan ng hepe ng pulisya. Noong 1947, may 1,700 kaso laban sa mga Saksi na nabibinbin sa mga hukuman ng Quebec.
Samantalang ang mga kasong pamamarisan ay sinisikap na unahing dinggin sa mga korte, tinagubilinan ang mga Saksi na ipangaral ang ebanghelyo nang bibigan, na gumagamit lamang ng Bibliya—ang Douay Version ng Katoliko hangga’t maaari. Ang buong-panahong mga ministro mula sa ibang bahagi ng Canada ay nagboluntaryong mag-aral ng Pranses at lumipat sa Quebec upang makibahagi sa pagpapalaganap ng tunay na pagsamba roon.
Ang mga Saksi ay inanyayahan ng maraming taimtim na mga Katoliko sa kanilang mga tahanan at marami ang itinanong, bagaman madalas ay sinasabi nila: ‘Ako’y Romanong Katoliko at kailanman ay hindi ako magbabago.’ Ngunit nang makita nila mismo ang sinasabi ng Bibliya, sampu-sampung libo sa kanila, dahil sa pag-ibig nila sa katotohanan at sa paghahangad na magbigay-lugod sa Diyos, ang nagbago nga.
Sa Estados Unidos din, kinailangang ipakipaglaban sa mga hukuman ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova na mangaral sa madla at sa bahay-bahay. Mula 1937 hanggang 1953, may 59 na gayong mga kasong kinasasangkutan ng mga Saksi na isinampa hanggang sa Korte Suprema sa Washington, D.C.
Pagbibigay-pansin sa Di-naiatas na mga Teritoryo
Ang layunin ng mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang upang basta may magawa sa pangangaral ng mabuting balita kundi upang maabot ng mensahe ng Kaharian ang bawat isa hangga’t maaari. Sa layuning iyan, iniaatas ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa bawat tanggapang pansangay ang pananagutan para sa isang partikular na bahagi ng pandaigdig na larangan. Samantalang inoorganisa ang mga kongregasyon sa teritoryo ng sangay, ang bawat kongregasyon ay binibigyan ng bahagi ng teritoryong iyan upang pangaralan. Pagkatapos ay hinahati-hati ng kongregasyon ang dakong iyon sa maliliit na seksiyon na maaaring iatas sa mga grupo at sa indibiduwal na mga ministro sa kongregasyon. Sinisikap ng mga ito na regular na abutin ang bawat sambahayan. Subalit kumusta naman ang mga lugar na hindi pa naiaatas sa mga kongregasyon?
Noong 1951 isang talaan ang ginawa ng lahat ng mga county sa Estados Unidos upang tiyakin kung alin sa mga ito ang hindi regular na dinadalaw ng mga Saksi ni Jehova. Noong panahong iyon, halos 50 porsiyento ang hindi ginagawa o bahagya lamang ginagawa. Ang mga kaayusan ay ginawa upang gawin ng mga Saksi ang kanilang ministeryo sa mga lugar na ito sa mga buwan ng tag-araw o sa ibang angkop na mga panahon, sa layuning magtatag ng mga kongregasyon. Kapag wala sa bahay ang mga tao, iniiwan kung minsan ang isang nakalimbag na mensahe, kasama ng isang sipi ng literatura sa Bibliya. Ang mga pag-aaral sa Bibliya ay idinaos sa pamamagitan ng koreo. Nang malaunan, isinugo ang mga special pioneer sa gayong mga teritoryo upang masubaybayan ang interes na nasumpungan.
Ang gawaing ito ay hindi lamang ginawa noong dekada ng 1950. Sa palibot ng daigdig, sa mga lupain na ang pangunahing mga lunsod ay tumatanggap ng patotoo subalit may ilang teritoryo na hindi pa naiaatas, ipinagpapatuloy ang puspusang pagsisikap upang abutin ang mga tao na hindi regular na pinupuntahan. Sa Alaska noong dekada ng 1970, mga 20 porsiyento ng populasyon ang nakatira sa liblib na mga nayon. Marami sa mga taong ito ay mas madaling masumpungan sa taglamig kapag halos humihinto na ang pangingisda. Ngunit sa panahong iyan mapanganib ang pag-eeroplano dahil sa matinding pagyeyelo at mga sigwada ng niyebe. Sa kabila nito, ang mga Eskimo, Indian, at Aleut ay kailangang bigyan ng pagkakataong matuto hinggil sa paglalaan ng buhay na walang hanggan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Upang maabot ang mga ito, isang grupo ng 11 Saksi na sakay ng maliliit na eroplano ay lumipad patungo sa mga 200 nayon na nakakalat sa isang lugar na may lawak na 844,000 kilometro kuwadrado sa loob ng dalawang taon. Lahat ng ito ay tinustusan ng boluntaryong mga abuloy na inilaan ng lokal na mga Saksi.
Bilang karagdagan sa gayong mga paglalakbay upang mangaral, ang maygulang na mga Kristiyano ay pinasiglang isaalang-alang kung maaari silang lumipat sa mga lugar sa loob ng kanilang sariling bansa kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Libu-libo ang tumugon. Kabilang sa mga gumawa nito sa Estados Unidos ay sina Eugene at Delia Shuster, na umalis sa Illinois noong 1958 upang maglingkod sa Hope, Arkansas. Nanatili na sila roon nang tatlong dekada upang hanapin ang interesadong mga tao, organisahin sila sa isang kongregasyon, at tulungan silang sumulong tungo sa Kristiyanong pagkamaygulang.
Dahil sa pampasiglang ibinigay ng kanilang tagapangasiwa ng sirkito, noong 1957, si Alexander B. Green at ang kaniyang asawa ay umalis sa Dayton, Ohio, upang maglingkod sa Mississippi. Una ay inatasan sila sa Jackson at pagkaraan ng dalawang taon ay sa Clarksdale. Nang malaunan, si Brother Green ay naglingkod sa lima pang mga dako. Lahat ng mga ito ay may maliliit na kongregasyon na nangangailangan ng tulong. Tinustusan niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang diyanitor, hardinero, barnisador ng muwebles, mekaniko ng sasakyan, at iba pa. Ngunit ang pangunahing pinagkakaabalahan niya ay ang pangangaral ng mabuting balita. Tinulungan niya ang lokal na mga Saksi na sumulong sa espirituwal, nakisama sa kanila upang abutin ang mga tao sa kanilang teritoryo, at malimit ay tinulungan pa niya sila sa pagtatayo ng isang Kingdom Hall bago siya lumipat sa ibang lugar.
Noong 1967, nang si Gerald Cain ay naging Saksi sa kanlurang bahagi ng Estados Unidos, matinding nadama niya at ng kaniyang pamilya ang pagkaapurahan ng gawaing pag-eebanghelyo. Kahit bago mabautismuhan ang sinuman sa kanila, gumagawa na sila ng kaayusan upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Sa loob ng apat na taon sila’y gumawang kasama ng kongregasyon sa Needles, California. Ito’y may pananagutan sa isang teritoryong sumasaklaw sa bahagi ng tatlong estado sa kanlurang bahagi ng Estados Unidos. Nang mapilitan silang lumipat dahil sa kalusugan, muli ang pinili nila’y isang lugar na may pantanging pangangailangan ng tulong, at ang bahagi ng kanilang tahanan doon ay ginawa nilang Kingdom Hall. Ilang beses silang lumipat mula noon, subalit ang laging pangunahing isinasaalang-alang nila ay ang pumunta sa isang lugar kung saan higit silang makatutulong sa pagpapatotoo.
Habang dumarami ang mga kongregasyon, sa ilang lugar ay matinding nadama ang pangangailangan para sa kuwalipikadong matatanda. Upang tugunin ang pangangailangang ito, libu-libong matatanda ang nagboluntaryong regular na maglakbay (at sarili nila ang gastusin) tungo sa mga kongregasyong may kalayuan sa kanilang mga komunidad. Sila’y nagpapabalik-balik ng tatlo, apat, lima, o higit pang ulit bawat sanlinggo—upang makibahagi sa mga pulong ng kongregasyon at sa ministeryo sa larangan at gayundin upang akayin ang kawan. Ito’y nagawa hindi lamang sa Estados Unidos kundi sa El Salvador, Hapón, Netherlands, Espanya, at marami pang mga lupain din naman. Kung minsan ang matatanda at ang kanilang mga pamilya ay lumilipat ng bahay upang tugunin ang pangangailangang ito.
Ano ang naging mga resulta nito? Isaalang-alang ang isang bansa. Noon pang 1951, nang unang ipatalastas ang mga kaayusan na gumawa sa di-naiatas na teritoryo, may mga 3,000 kongregasyon sa Estados Unidos, na may aberids na 45 mamamahayag sa bawat kongregasyon. Pagsapit ng 1975, mayroon nang 7,117 kongregasyon, at ang katamtamang bilang ng aktibong mga Saksing nakikiugnay sa bawat kongregasyon ay umabot na sa halos 80.
Ang patotoong ibinigay sa pangalan at Kaharian ni Jehova mula 1945 hanggang 1975 ay makapupung higit kaysa lahat ng naisagawa na bago ang panahong iyon.
Ang bilang ng mga Saksi ay lumaki mula 156,299 noong 1945 tungo sa 2,179,256 sa palibot ng globo noong 1975. Ang bawat isa sa mga ito ay may personal na bahagi sa pangmadlang pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos.
Noong 1975, ang mga Saksi ni Jehova ay abala sa 212 lupain (Binilang ayon sa paraan ng paghahati ng mapa noong kaagahan ng dekada ng 1990). Sa kontinente ng E.U. at Canada, 624,097 sa kanila ang gumaganap ng kanilang ministeryo. Sa Europa, maliban sa tinawag noon na Unyon Sobyet, mayroon pang 614,826. Ang Aprika ay nakaririnig ng mensahe ng katotohanan mula sa 312,754 mga Saksi na nakikibahagi sa gawain doon. Ang Mexico, Sentral Amerika, at Timog Amerika ay pinaglilingkuran ng 311,641 mga Saksi; ang Asia, ng 161,598; ang Australia at ang maraming mga kapuluan sa buong daigdig, ng 131,707.
Sa loob ng 30 taon hanggang 1975, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol ng 4,635,265,939 na oras sa pangmadlang pangangaral at pagtuturo. Sila’y nakapamahagi rin ng 3,914,971,158 aklat, buklet, at magasin sa mga taong interesado upang tulungan silang makita kung papaano sila maaaring makinabang mula sa maibiging layunin ni Jehova. Kaayon ng utos ni Jesus na gumawa ng mga alagad, sila’y gumawa ng 1,788,147,329 na mga pagdalaw-muli sa mga taong interesado, at noong 1975 sila’y nagdaraos ng aberids na 1,411,256 na walang-bayad na pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya sa mga indibiduwal at sa mga pamilya.
Pagsapit ng 1975 ang pangangaral ng mabuting balita ay aktuwal na nakarating sa 225 lupain. Sa mahigit na 80 lupain na inabutan ng mabuting balita noong 1945 subalit wala pang mga kongregasyon noong taóng iyon, dumami ang mga kongregasyon ng masisigasig na Saksi pagsapit ng 1975. Kabilang sa mga lugar na ito ay ang Republika ng Korea na may 470 kongregasyon, Espanya na may 513, Zaire na may 526, Hapón na may 787, at Italya na may 1,031.
Noong panahon mula 1945 hanggang 1975, ang karamihan sa mga naging Saksi ni Jehova ay hindi nag-angkin na sila’y pinahiran ng espiritu ng Diyos na may pag-asa sa makalangit na buhay. Noong tagsibol ng 1935, ang bilang ng mga nakibahagi sa mga emblema sa Hapunan ng Panginoon ay umabot sa 93 porsiyento niyaong mga nakikibahagi sa ministeryo sa larangan. (Nang dakong huli ng taóng iyon, ang “malaking pulutong” ng Apocalipsis 7:9 ay ipinakilala na binubuo ng mga taong mabubuhay magpakailanman sa lupa.) Pagsapit ng 1945 ang bilang ng mga Saksi na umaasa sa buhay sa isang lupang paraiso ay sumulong hanggang sa punto na sila’y bumuo ng 86 na porsiyento niyaong mga nakikibahagi noon sa pangangaral ng mabuting balita. Sa pagsapit ng 1975 yaong mga umaasang sila’y pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano ay wala pang kalahati ng 1 porsiyento ng kabuuang pandaigdig na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Bagaman nakakalat sa mga 115 lupain noong panahong iyon, ang mga pinahirang ito ay patuloy na naglilingkod bilang nagkakaisang grupo sa ilalim ni Jesu-Kristo.
[Blurb sa pahina 463]
“Mula nang dumating kayo rito ang lahat ay nag-uusap na tungkol sa Bibliya”
[Blurb sa pahina 466]
“Ang kasasabi mo lamang sa akin ang siyang nabasa ko sa Bibliyang iyon maraming taon na ang nakalipas”
[Blurb sa pahina 470]
Libu-libo ang lumilipat sa mga lugar sa kanilang sariling bansa kung saan mas malaki ang pangangailangan sa mga Saksi
[Blurb sa pahina 472]
“Isang di-mapapantayang gantimpala”
[Blurb sa pahina 475]
Ipinadala ang kuwalipikadong mga Saksi sa mga lupaing may pantanging pangangailangan
[Blurb sa pahina 486]
Taglay ang makapangyarihang mga argumento mula sa Kasulatan, inilantad ng unang mga Saksi sa Nigeria ang mga klero at ang kanilang huwad na mga turo
[Blurb sa pahina 497]
Kapag kinakapos ng salita, mga pagkumpas ang ginagamit
[Blurb sa pahina 499]
Ang layunin? Maabot ng mensahe ng Kaharian ang bawat isa hangga’t maaari
[Mapa/Mga larawan sa pahina 489]
Malaking pagsisikap ang ginawa upang maabot ang mga tao sa Tsina ng mabuting balita ng Kaharian ni Jehova
Mula sa Chefoo, libu-libong mga sulat, tract, at aklat ang ipinadala sa pagitan ng 1891 at 1900
Si C. T. Russell ay nagpahayag sa Shanghai at dumalaw sa 15 lunsod at nayon, 1912
Namahagi ang mga colporteur ng mga literatura sa buong baybayin ng Tsina, na naglalakbay hanggang sa looban, 1912-18
Ang mga colporteur mula sa Hapon ay naglingkod dito, 1930-31
Ang mga pagsasahimpapawid sa radyo ay ginawa sa Intsik mula sa Shanghai, Peking, at Tientsin, noong dekada ng 1930; bunga nito, mga sulat na humihingi ng literatura ang dumating mula sa maraming bahagi ng Tsina
Ang mga payunir mula sa Australia at Europa ay nagpatotoo sa Shanghai, Peking, Tientsin, Tsingtao, Pei-tai-ho, Chefoo, Weihaiwei, Canton, Swatow, Amoy, Foochow, Hankow, at Nanking noong mga dekada ng 1930 at 1940. Ang iba ay pumasok sa pamamagitan ng Burma Road at nagpatotoo sa Pao-shan, Chungking, Ch’eng-tu. Ang lokal na mga payunir ay naglingkod sa Shensi at Ningpo
[Larawan]
Ang mga misyonerong sinanay sa Gilead, tulad nina Stanley Jones (kaliwa) at Harold King (kanan), ay naglingkod dito mula 1947 hanggang 1958, kasama ng mga pamilya ng masisigasig na lokal na Saksi
[Mapa]
TSINA
[Mapa/Mga larawan sa pahina 462]
Ang “Sibia” ay naglingkod bilang lumulutang na tahanang misyonero sa West Indies
G. Maki
S. Carter
R. Parkin
A. Worsley
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
BAHAMAS
LEEWARD ISLANDS
VIRGIN ISLANDS (E.U.)
VIRGIN ISLANDS (BRITANYA)
WINDWARD ISLANDS
[Mapa sa pahina 477]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Nagbibigay-buhay na mga tubig ng katotohanan ang umapaw sa pambansang mga hangganan tungo sa maraming iba’t ibang lugar sa Aprika
EHIPTO
SENEGAL
KENYA
TIMOG APRIKA
GHANA
KENYA
MALAWI
NIGERIA
SIERRA LEONE
ZAMBIA
[Mga larawan sa pahina 464]
Bilang mga misyonero sa Bolivia, sina Edward Michalec (kaliwa) at Harold Morris (kanan) ay unang nangaral dito sa La Paz
[Larawan sa pahina 465]
Ang lantsang “El Refugio,” na ginawa ng mga Saksi sa Peru, ay ginamit upang ihatid ang mensahe ng Kaharian sa mga taong nasa tabi ng mga ilog sa may kaitaasan ng rehiyon ng Amazon
[Larawan sa pahina 467]
Mga klase para sa pagbasa at pagsulat na idinaos ng mga Saksi sa Mexico ang tumulong sa sampu-sampung libong tao na makabasa ng Salita ng Diyos
[Larawan sa pahina 468]
Si Brother Knorr (kanan, sa harap) ay nakipagpulong sa mga Saksi sa maliliit na asamblea sa mga sakahan at sa kabundukan ng Argentina nang sila’y pagkaitang makipagtipon nang hayagan
[Larawan sa pahina 469]
Kabilang sa libu-libong mga Saksi na lumipat sa ibang mga lupain upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan ay pami-pamilya, tulad nina Harold at Anne Zimmerman kasama ang kanilang apat na maliliit na anak (Colombia)
[Larawan sa pahina 471]
Bilang tugon sa panawagan para sa mga boluntaryo, sina Tom at Rowena Kitto ay lumipat sa Papua upang magturo ng katotohanan sa Bibliya
[Larawan sa pahina 471]
Sina John at Ellen Hubler, na sinundan pa ng 31 ibang mga Saksi, ay lumipat sa New Caledonia. Bago sila napilitang umalis, matibay na naitatag muna ang isang kongregasyon doon
[Larawan sa pahina 473]
Bilang isang binata sa Western Samoa, si Fuaiupolu Pele ay humarap sa matinding panggigipit mula sa pamilya at sa komunidad nang siya’y magpasiyang maging isa sa mga Saksi ni Jehova
[Larawan sa pahina 474]
Matapos makumbinsi si Shem Irofa’alu at ang kaniyang mga kasamahan na ang itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ay talagang katotohanan, ang mga simbahan sa 28 nayon sa Solomon Islands ay ginawang mga Kingdom Hall
[Mga larawan sa pahina 476]
Upang makapangaral sa Ethiopia noong pasimula ng dekada ng 1950, ang mga Saksi ay hinilingang magtatag ng misyon at magturo sa paaralan
[Larawan sa pahina 478]
Nang siya’y pagbantaang paalisin sa bansa, si Gabriel Paterson (ipinakikita rito) ay pinalakas-loob ng isang prominenteng opisyal: ‘Ang katotohanan ay tulad ng isang malakas na ilog; lagyan mo ito ng prinsa at aapawin nito ang prinsa’
[Mga larawan sa pahina 479]
Noong 1970 sa isang kombensiyon sa Nigeria, 3,775 bagong mga Saksi ang nabautismuhan; maingat na tiniyak nila na talagang kuwalipikado ang bawat isa
[Mga larawan sa pahina 481]
Ang mga palabas ng pelikula (sa Aprika at sa buong daigdig) ay nagpakita sa mga tagapanood ng isang sulyap sa lawak ng nakikitang organisasyon ni Jehova
[Larawan sa pahina 482]
Si João Mancoca (na makikita rito kasama ang kaniyang asawa, si Mary) ay tapat na nakapaglingkod kay Jehova nang maraming dekada sa kabila ng napakahirap na mga kalagayan
[Larawan sa pahina 483]
Noong 1961, si Ernest Heuse, Jr., kasama ang kaniyang pamilya, ay nakapasok sa Zaire (noo’y tinawag na Congo) upang tumulong na maglaan ng espirituwal na pagtuturo sa mga tunay na nagnanais maglingkod kay Jehova
[Mga larawan sa pahina 485]
Bagaman isang taon pa lamang siya nababautismuhan at wala siyang kilalang ibang mga Saksi sa Kenya, si Mary Whittington ay humayo upang tulungan ang iba na matuto ng katotohanan
[Larawan sa pahina 487]
Si Mary Nisbet (sentro sa harap), na napagigitnaan ng kaniyang mga anak na sina Robert at George, na nagpayunir sa Silangang Aprika noong dekada ng 1930, at (sa likod) ang kaniyang anak na si William at ang asawa niyang si Muriel, na naglingkod sa Silangang Aprika mula 1956 hanggang 1973
[Mga larawan sa pahina 488]
Sa isang kombensiyon sa Pilipinas noong 1945, ang mga instruksiyon ay ibinigay kung papaano magturo sa pamamagitan ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya
[Mga larawan sa pahina 490]
Sina Don at Mabel Haslett, ang unang mga misyonero sa Hapón pagkatapos ng digmaan, na nagpapatotoo sa lansangan
[Larawan sa pahina 491]
Sa loob ng 25 taon si Lloyd Barry (kanan) ay naglingkod sa Hapón, una bilang misyonero at pagkatapos bilang tagapangasiwa ng sangay
[Larawan sa pahina 491]
Sina Don at Earlene Steele, ang una sa maraming misyonero na naglingkod sa Republika ng Korea
[Larawan sa pahina 492]
Noong nakalipas na mga taon, si Fred Metcalfe nang minsan ay hinabol ng mga mang-uumog nang siya’y nagsikap na mangaral mula sa Bibliya sa Irlandiya; ngunit nang maglaon nang ang mga tao ay tumigil upang makinig, libu-libo ang naging Saksi ni Jehova
[Larawan sa pahina 493]
Sa kabila ng pagsalansang ng mga klero, libu-libo ang dumagsa sa mga kombensiyon ng Saksi sa Italya (Roma, 1969)
[Larawan sa pahina 494]
Sa panahon ng mga pagbabawal, ang mga pulong ng kongregasyon ay madalas na idinaos sa may kabukiran, na parang piknik, tulad dito sa Portugal
[Mga larawan sa pahina 495]
Ang mga Saksi sa bilangguan sa Cádiz, Espanya, ay patuloy na nangaral sa pamamagitan ng pagsulat ng mga liham
[Mga larawan sa pahina 496]
Ang malalaking kombensiyon ay nagsilbing pagkakataon upang makita at marinig mismo ng madla kung anong uri ng mga tao ang mga Saksi
Paris, Pransya (1955)
Nuremberg, Alemanya (1955)
[Mga larawan sa pahina 498]
Upang maabot ng mabuting balita ang bawat isa sa Luxembourg, kinakailangang gamitin ng mga Saksi ni Jehova ang literatura sa di-kukulangin sa isang daang wika