Ikadalawampu’t Dalawang Kabanata
Inihula ni Isaias ang ‘Kakaibang Gawa’ ni Jehova
1, 2. Bakit ang Israel at Juda ay nakadarama ng katiwasayan?
SA MAIKLING sandali lamang, nakadarama ng katiwasayan ang Israel at Juda. Ang kanilang mga pinuno ay may pulitikal na pakikipag-alyansa sa mas malalaki, higit na makapangyarihang mga bansa, sa pagsisikap na makasumpong ng kaligtasan sa isang mapanganib na daigdig. Ang Samaria, ang kabisera ng Israel, ay bumaling sa kalapit-bayan na Sirya, samantalang ang Jerusalem, ang kabisera ng Juda, ay umasa sa malupit na Asirya.
2 Bukod pa sa paglalagak ng kanilang tiwala sa bagong mga kakampi sa pulitika, maaaring inaasahan ng ilang nasa hilagang kaharian na sila’y ipagsasanggalang ni Jehova—sa kabila ng patuloy nilang paggamit ng gintong guya sa pagsamba. Ang Juda ay kumbinsido rin na siya’y makaaasa sa proteksiyon ni Jehova. Tutal, hindi ba’t ang templo ni Jehova ay nasa Jerusalem, ang kanilang kabiserang lunsod? Subalit may di-inaasahang mga pangyayari sa hinaharap para sa dalawang bansang ito. Si Isaias ay kinasihan ni Jehova na humula ng mga pangyayari na magiging waring totoong kakaiba para sa kaniyang suwail na bayan. At ang kaniyang mga salita ay naglalaman ng mahahalagang leksiyon para sa bawat isa sa ngayon.
Ang “mga Lasenggo ng Efraim”
3, 4. Ano ang ipinagmamalaki ng hilagang kaharian ng Israel?
3 Sinimulan ni Isaias ang kaniyang hula sa pamamagitan ng nakasisindak na mga salita: “Sa aba ng marilag na korona ng mga lasenggo ng Efraim, at ng lumilipas na bulaklak ng kagayakan nito ng kagandahan na nasa ulunan ng matabang libis niyaong mga pinananaigan ng alak! Narito! Si Jehova ay may isa na malakas at puspos ng sigla. Gaya ng makulog na bagyo ng graniso, . . . siya ay tiyak na buong lakas na magbubulid sa lupa. Yuyurakan ng mga paa ang maririlag na korona ng mga lasenggo ng Efraim.”—Isaias 28:1-3.
4 Ang Efraim, na pinakaprominente sa sampung tribo sa hilaga, ay nangyaring kumatawan sa buong kaharian ng Israel. Ang kabisera nito, ang Samaria, ay nagtatamasa ng kasiyahan sa isang maganda at nakatatawag-pansing lugar sa “ulunan ng matabang libis.” Ipinagmamalaki ng mga pinuno ng Efraim ang kanilang “marilag na korona” ng kalayaan mula sa Davidikong paghahari sa Jerusalem. Subalit sila’y mga “lasenggo,” lasing sa espirituwal dahilan sa kanilang pakikipag-alyansa sa Sirya laban sa Juda. Ang lahat ng mga bagay na kanilang minamahal ay malapit nang yurakan ng mga manlulusob.—Ihambing ang Isaias 29:9.
5. Ano ang mapanganib na kalagayan ng Israel, subalit anong pag-asa ang taglay ni Isaias?
5 Hindi nababatid ng Efraim ang kaniyang mapanganib na kalagayan. Si Isaias ay nagpatuloy: “Ang lumilipas na bulaklak ng kagayakan nito ng kagandahan na nasa ulunan ng matabang libis ay magiging gaya ng unang igos bago ang tag-init, na, kapag nakita iyon ng tumitingin, habang nasa kaniyang palad pa ay nilululon na niya iyon.” (Isaias 28:4) Ang Efraim ay babagsak sa kamay ng Asirya, isang munting piraso ng masarap na tinapay na mauubos sa isang kagat. Kung gayo’y wala na bang pag-asa? Buweno, gaya ng madalas mangyari, ang mga hula ni Isaias hinggil sa kahatulan ay nalalakipan ng pag-asa. Kahit na bumagsak pa ang bansa, ang mga tapat na indibiduwal ay makaliligtas, sa tulong ni Jehova. “Si Jehova ng mga hukbo ay magiging gaya ng korona ng kagayakan at gaya ng putong ng kagandahan sa mga nalalabi sa kaniyang bayan, at espiritu ng katarungan sa isa na nakaupo sa paghatol, at kalakasan niyaong mga nagtataboy ng pagbabaka mula sa pintuang-daan.”—Isaias 28:5, 6.
“Naliligaw Sila”
6. Kailan mawawasak ang Israel, ngunit bakit hindi dapat matuwa ang Juda?
6 Ang araw ng pagsusulit para sa Samaria ay sasapit sa 740 B.C.E. kapag winasak ng mga taga-Asirya ang lupain at ang hilagang kaharian ay huminto na sa pagiging isang malayang bansa. Kumusta naman ang Juda? Ang kaniyang lupain ay sasalakayin ng Asirya, at pagkatapos ay wawasakin ng Babilonya ang kaniyang kabiserang lunsod. Subalit sa buong buhay ni Isaias, ang templo at ang pagkasaserdote ng Juda ay mananatili at ang kaniyang mga propeta ay patuloy na manghuhula. Ang Juda ba ay dapat na matuwa sa dumarating na pagkapuksa ng kaniyang kahangga sa hilaga? Tunay na hindi! Si Jehova ay makikipagtuos din sa Juda at sa kaniyang mga pinuno dahil sa kanilang pagsuway at kawalan ng pananampalataya.
7. Sa anong paraan lasing ang mga pinuno ng Juda, at ano ang naging mga resulta nito?
7 Sa pagpapatungkol ng kaniyang mensahe sa Juda, si Isaias ay nagpatuloy: “At ang mga ito rin—dahil sa alak ay naliligaw sila at dahil sa nakalalangong inumin ay pagala-gala sila. Saserdote at propeta—naliligaw sila dahil sa nakalalangong inumin, nalilito sila dahilan sa alak, pagala-gala sila dahilan sa nakalalangong inumin; naliligaw sila sa kanilang pagtingin, nabubuwal sila kung tungkol sa pagpapasiya. Sapagkat ang lahat ng mesa ay puno ng maruming suka—walang dakong wala nito.” (Isaias 28:7, 8) Tunay ngang kasuklam-suklam! Ang literal na paglalasing sa bahay ng Diyos ay gayon na ngang kasamâ. Subalit ang mga saserdote at mga propetang ito ay lasing sa espirituwal—ang kanilang kaisipan ay natatalukbungan ng labis na pagtitiwala sa kaalyansang mga tao. Dinaya nila ang kanilang sarili sa pag-aakalang ang kanilang landasin ang siyang tanging praktikal, marahil ay sa paniniwalang mayroon silang mapagpipiliang plano kung sakaling hindi maging sapat ang proteksiyon ni Jehova. Dahil sa kanilang espirituwal na kalasingan, lumalabas sa mga pinunong relihiyosong ito ang mapaghimagsik at maruruming kapahayagan na nagpapakita ng matinding kawalan nila ng tunay na pananampalataya sa mga pangako ng Diyos.
8. Ano ang naging tugon sa mensahe ni Isaias?
8 Paano tumugon ang mga pinuno ng Juda sa babala ni Jehova? Kanilang nilibak si Isaias, na siya’y pinararatangang nakikipag-usap sa kanila na para bang sila’y mga sanggol: “Kanino ituturo ng isa ang kaalaman, at kanino ipauunawa ng isa ang bagay na narinig? Doon sa mga inawat na sa gatas, doon sa mga inihiwalay na sa mga suso? Sapagkat ‘utos at utos, utos at utos, pising panukat at pising panukat, pising panukat at pising panukat, kaunti rito, kaunti roon.’” (Isaias 28:9, 10) Gayon na lamang kakulit at kakatwa si Isaias para sa kanila! Paulit-ulit niyang sinasabi: ‘Ganito ang utos ni Jehova! Ganito ang utos ni Jehova! Ito ang pamantayan ni Jehova! Ito ang pamantayan ni Jehova!’a Subalit si Jehova ay malapit nang ‘magsalita’ sa kanila sa pamamagitan ng gawa. Susuguin niya laban sa kanila ang mga hukbo ng Babilonya—mga banyaga na tunay na nagsasalita ng naiibang wika. Tiyak na isasakatuparan ng mga hukbong ito ang “utos at utos” ni Jehova, at ang Juda ay babagsak.—Basahin ang Isaias 28:11-13.
Espirituwal na mga Lasenggo Ngayon
9, 10. Kailan at paano nagkaroon ng kahulugan ang mga salita ni Isaias para sa mga sumunod na salinlahi?
9 Ang mga hula ba ni Isaias ay natupad lamang sa sinaunang Israel at Juda? Tunay na hindi! Kapuwa sina Jesus at Pablo ay sumipi sa kaniyang mga salita at ikinapit ang mga iyon sa bansa noong kanilang kaarawan. (Isaias 29:10, 13; Mateo 15:8, 9; Roma 11:8) Gayundin sa ngayon, isang situwasyon ang lumitaw na kagaya noong kaarawan ni Isaias.
10 Sa ngayon, ito nama’y mga pinunong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan na naglalagak ng kanilang tiwala sa pulitika. Sila’y mabuway na nagpapasuray-suray, kagaya ng mga lasenggo ng Israel at Juda, nakikialam sa mga bagay-bagay ng pulitika at nagagalak kapag kinukunsulta ng tinatawag na mga dakila sa daigdig na ito. Sa halip na magsalita ng dalisay na katotohanan ng Bibliya, sila’y nagsasalita ng karumihan. Ang kanilang espirituwal na pangitain ay malabo, at sila’y hindi ligtas na patnubay para sa sangkatauhan.—Mateo 15:14.
11. Paano tumutugon ang mga pinuno ng Sangkakristiyanuhan sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos?
11 Paano tumutugon ang mga pinuno ng Sangkakristiyanuhan kapag inaakay ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pansin sa tanging tunay na pag-asa, ang Kaharian ng Diyos? Hindi nila iyon maunawaan. Para sa kanila, ang mga Saksi ay waring ngawa nang ngawa, gaya ng mga sanggol. Hinahamak ng mga pinunong relihiyoso ang mga mensaherong ito at sila’y nililibak. Kagaya ng mga Judio noong kaarawan ni Jesus, hindi nila gusto ang Kaharian ng Diyos ni gusto man nilang marinig ito ng kanilang mga kawan. (Mateo 23:13) Kaya, sila’y binigyang babala na si Jehova ay hindi laging makikipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang maaamong mensahero. Ang panahon ay darating na ang mga hindi nagpapasakop ng kanilang sarili sa Kaharian ng Diyos ay ‘mawawasak at masisilo at mahuhuli,’ oo, ganap na malilipol.
Isang “Pakikipagtipan sa Kamatayan”
12. Ano ang diumano’y “pakikipagtipan sa Kamatayan” ng Juda?
12 Si Isaias ay nagpatuloy sa kaniyang kapahayagan: “Sinabi ninyo: ‘Gumawa kami ng pakikipagtipan sa Kamatayan; at pinangyari naming kasama ng Sheol ang isang pangitain; ang umaapaw na dumaragsang baha, sakaling dumaan ito, ay hindi darating sa amin, sapagkat ang isang kasinungalingan ay ginawa naming aming kanlungan at sa kabulaanan ay nagkubli kami.’” (Isaias 28:14, 15) Ipinaghahambog ng mga pinuno ng Juda na ang kanilang pulitikal na mga pakikipag-alyansa ay nagsasanggalang sa kanila mula sa pagkatalo. Nadarama nilang sila’y may “pakikipagtipan sa Kamatayan” upang huwag silang pakialaman. Subalit ang kanilang walang kabuluhang kanlungan ay hindi makapagsasanggalang sa kanila. Ang kanilang mga alyansa ay isang kasinungalingan, isang kabulaanan. Gayundin sa ngayon, ang malapit na kaugnayan ng Sangkakristiyanuhan sa mga pinuno ng sanlibutan ay hindi makapagsasanggalang sa kaniya kapag sumapit na ang panahon ni Jehova para siya’y pagsulitin. Tunay nga, ito ay para sa kaniyang ikapapahamak.—Apocalipsis 17:16, 17.
13. Sino ang “subok na bato,” at paano siya tinanggihan ng Sangkakristiyanuhan?
13 Saan nga kung gayon dapat umasa ang mga pinunong relihiyosong ito? Itinala ngayon ni Isaias ang pangako ni Jehova: “Narito, inilalatag ko bilang pundasyon sa Sion ang isang bato, isang subok na bato, ang mahalagang panulukan ng isang matibay na pundasyon. Walang sinumang nananampalataya ang matatakot. At gagawin kong pising panukat ang katarungan at kasangkapang pangnibel ang katuwiran; at papalisin ng graniso ang kanlungang kasinungalingan, at babahain ng tubig ang mismong dakong kublihan.” (Isaias 28:16, 17) Hindi pa natatagalan matapos bigkasin ni Isaias ang mga salitang ito, ang tapat na si Haring Hezekias ay iniluklok sa Sion, at ang kaniyang kaharian ay nakaligtas, hindi sa pamamagitan ng mga kalapít na kakampi, kundi sa pamamagitan ng pakikialam ni Jehova. Gayunpaman, ang kinasihang mga salitang ito ay hindi natupad kay Hezekias. Sa pagsipi sa mga salita ni Isaias, ipinakita ni apostol Pedro na si Jesu-Kristo, isang malayong inapo ni Hezekias, ang siyang “subok na bato” at walang sinumang sumasampalataya sa Kaniya ang kailangang matakot. (1 Pedro 2:6) Kay lungkot nga na ang mga pinuno ng Sangkakristiyanuhan, bagaman tinatawag ang kanilang sarili na mga Kristiyano, ay gumawa ng kung ano ang tinanggihang gawin ni Jesus! Sila’y naghangad ng katanyagan at kapangyarihan sa sanlibutang ito sa halip na hintaying pairalin ni Jehova ang kaniyang Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo ang Hari.—Mateo 4:8-10.
14. Kailan mawawala ang “pakikipagtipan sa Kamatayan” ng Juda?
14 Sa pagdaan ng “umaapaw na dumaragsang baha” ng mga hukbo ng Babilonya sa lupain, ibubunyag ni Jehova ang pulitikal na kanlungan ng Juda bilang isang kasinungalingan. “Ang inyong pakikipagtipan sa Kamatayan ay tiyak na matutunaw,” sabi ni Jehova. “Ang umaapaw na dumaragsang baha, kapag dumaan ito—kayo rin ay magiging dakong yuyurakan nito. Sa tuwing ito ay daraan, . . . ito ay magiging walang iba kundi sanhi ng pangangatal upang ipaunawa sa iba ang bagay na narinig.” (Isaias 28:18, 19) Oo, may matinding leksiyong matututuhan mula sa nangyari sa mga nag-aangking naglilingkod kay Jehova subalit sa halip ay naglalagak ng kanilang tiwala sa mga pakikipag-alyansa sa mga bansa.
15. Paano inilalarawan ni Isaias ang di-sapat na proteksiyon ng Juda?
15 Isaalang-alang ang posisyon na doo’y nasumpungan ngayon ng mga pinunong ito ng Juda ang kanilang sarili. “Ang higaan ay napakaikli upang mapag-unatan ng sarili, at ang hinabing kumot ay napakakitid kapag ibinabalot sa sarili.” (Isaias 28:20) Para bang sila’y hihiga upang magpahinga, subalit sa walang kabuluhan. Alinman sa malamigan ang kanilang mga paang nakalabas o ibaluktot nila ang kanilang mga paa at ang kumot ay napakaikli upang mabalot ang sarili para mainitan. Ito ang mahirap na kalagayan noong kaarawan ni Isaias. At ito ang siyang kalagayan ngayon ng sinumang naglalagak ng kanilang tiwala sa kanlungan ng kasinungalingan ng Sangkakristiyanuhan. Kasuklam-suklam nga anupat bunga ng pakikilahok nila sa pulitika, nasumpungan ng ilang pinunong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang sarili na sangkot sa kakila-kilabot na kabuktutan gaya ng paglilinis ng lahi at paglipol ng lahi!
Ang ‘Kakaibang Gawa’ ni Jehova
16. Ano ang ‘kakaibang gawa’ ni Jehova, at bakit ang gawang ito ay pambihira?
16 Ang pangwakas na hantungan ng mga bagay-bagay ay magiging ibang-iba sa inaasahan ng mga pinunong relihiyoso ng Juda. Si Jehova ay gagawa ng kakaibang bagay sa espirituwal na mga lasenggo ng Juda. “Si Jehova ay titindig na gaya noon sa Bundok Perazim, siya ay maliligalig na gaya noon sa mababang kapatagan malapit sa Gibeon, upang maisagawa niya ang kaniyang gawa—ang kaniyang gawa ay kakaiba—at upang magawa niya ang kaniyang gawain—ang kaniyang gawain ay pambihira.” (Isaias 28:21) Noong kaarawan ni Haring David, si Jehova ay nagbigay ng dakilang tagumpay sa kaniyang bayan laban sa mga Filisteo sa Bundok ng Perazim at sa mababang kapatagan ng Gibeon. (1 Cronica 14:10-16) Noong kaarawan ni Josue, pinapangyari pa nga niyang tumigil ang araw sa ibabaw ng Gibeon upang maging lubusan ang tagumpay ng Israel laban sa mga Amorita. (Josue 10:8-14) Iyon ay totoong pambihira! Ngayon si Jehova ay makikipaglabang muli, subalit sa pagkakataong ito’y laban doon sa mga nag-aangking kaniyang bayan. Mayroon pa bang higit na kakaiba o pambihira? Wala nga kung isasaalang-alang ang bagay na ang Jerusalem ang siyang sentro ng pagsamba kay Jehova at siyang lunsod ng pinahirang hari ni Jehova. Hanggang ngayon, ang maharlikang sambahayan ni David sa Jerusalem ay hindi pa naigugupo kailanman. Gayunman, tiyak na isasakatuparan ni Jehova ang kaniyang ‘kakaibang gawa.’—Ihambing ang Habakuk 1:5-7.
17. Ano ang magiging epekto ng panunudyo sa katuparan ng hula ni Isaias?
17 Kaya, si Isaias ay nagbabala: “Huwag kayong maging mga manunudyo, upang ang inyong mga panali ay hindi tumibay, sapagkat may paglipol, isa ngang bagay na naipasiya, na narinig ko mula sa Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, para sa buong lupain.” (Isaias 28:22) Bagaman ang mga pinuno ay nanunudyo, ang mensahe ni Isaias ay totoo. Narinig niya iyon mula kay Jehova, na sa kaniya’y may pakikipagtipan ang mga pinunong ito. Gayundin sa ngayon, ang mga pinunong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan ay nanunudyo kapag kanilang naririnig ang ‘kakaibang gawa’ ni Jehova. Sila pa nga ay nagsasalita nang malakas at may pagkagalit. Subalit ang mensaheng inihahayag ng mga Saksi ni Jehova ay totoo. Ito’y masusumpungan sa Bibliya, isang aklat na inaangking kinakatawan ng mga pinunong ito.
18. Paano inilalarawan ni Isaias ang pagiging timbang ni Jehova kapag naglalapat ng disiplina?
18 Para naman sa taimtim na mga indibiduwal na hindi sumusunod sa mga pinunong ito, ibabalik ni Jehova sa ayos ang mga ito at isasauli sila sa kaniyang paglingap. (Basahin ang Isaias 28:23-29.) Kung paanong gumagamit ang magsasaka ng mas banayad na pamamaraan upang giikin ang mas maseselan na butil, gaya ng komino, ibinabagay ni Jehova ang kaniyang disiplina ayon sa indibiduwal at ayon sa mga kalagayan. Hindi siya kailanman marahas o mapaniil kundi kumikilos taglay sa pangmalas ang posibleng pagbabago ng nagkasala. Oo, kapag ang mga indibiduwal ay tumugon sa panawagan ni Jehova, may pag-asa. Gayundin sa ngayon, bagaman ang kahihinatnan ng Sangkakristiyanuhan sa kabuuan ay natatakan na, ang sinumang indibiduwal na nagpapasakop sa Kaharian ni Jehova ay makaiiwas sa dumarating na masamang hatol.
Sa Aba ng Jerusalem!
19. Sa anong paraan magiging isang “apuyan ng altar” ang Jerusalem, at kailan at paano ito naganap?
19 Ano ba ang sinasabi ngayon ni Jehova? “Sa aba ng Ariel, ng Ariel, ang bayan na pinagkampuhan ni David! Magdagdag kayo ng taon sa taon; ipagdiwang nang sunud-sunod ang mga kapistahan. At gigipitin ko ang Ariel, at magkakaroon ng pagdadalamhati at pagtaghoy, at sa akin ay magiging gaya siya ng apuyan ng altar ng Diyos.” (Isaias 29:1, 2) Ang “Ariel” ay maaaring nangangahulugang “Apuyan ng Altar ng Diyos,” at dito’y maliwanag na tumutukoy sa Jerusalem. Iyon ang kinaroroonan ng templo at ng altar ng hain nito. Ang mga Judio ay sumusunod sa rutin ng pagdaraos ng kapistahan at paghahandog ng mga hain doon, subalit si Jehova ay hindi nalulugod sa kanilang pagsamba. (Oseas 6:6) Sa halip, ipinag-utos niya na ang lunsod mismo ay magiging isang “apuyan ng altar” sa naiibang diwa. Gaya ng isang altar, ito’y aagusan ng dugo at mapapasa apoy. Inilalarawan pa nga ni Jehova kung paano ito mangyayari: “Ako ay magkakampo sa magkabi-kabila laban sa iyo, at kukubkubin kita ng bakod na mga tulos at magtatayo ako laban sa iyo ng mga kayariang pangubkob. At ikaw ay mábababâ anupat magsasalita ka mula sa mismong lupa, at hihina ang iyong pananalita na waring mula sa alabok.” (Isaias 29:3, 4) Ito’y natupad sa Juda at Jerusalem noong 607 B.C.E. nang kubkubin at wasakin ng hukbo ng Babilonya ang lunsod at sunugin ang templo. Ang Jerusalem ay ibinaba hanggang sa lupa kung saan siya itinayo.
20. Ano ang sukdulang kahihinatnan ng mga kaaway ng Diyos?
20 Bago sumapit ang kapaha-pahamak na panahong iyon, sa pana-panahon ang Juda ay nagkaroon ng isang hari na sumusunod sa Kautusan ni Jehova. Ano kung gayon? Si Jehova ay nakikipaglaban para sa kaniyang bayan. Bagaman matakpan ng kaaway ang lupain, sila’y magiging gaya lamang ng “pinong alabok” at “ipa.” Sa kaniyang takdang panahon, sila’y pangangalatin ni Jehova na “may pagyanig at may malakas na ugong, bagyong hangin at unos, at ang liyab ng apoy na lumalamon.”—Isaias 29:5, 6.
21. Ipaliwanag ang ilustrasyon sa Isaias 29:7, 8.
21 Ang kaaway na mga hukbo ay maaaring nananabik na dambungin ang Jerusalem at magpakabundat sila sa mga samsam ng digmaan. Subalit sila’y magugulantang! Gaya ng isang taong gutom na nananaginip na siya’y nagpipiging at pagkatapos ay nagigising na gutom na gutom, gayon ang mga kaaway ng Juda na hindi magtatamasa ng piging na may pananabik nilang inaasam-asam. (Basahin ang Isaias 29:7, 8.) Isaalang-alang kung ano ang nangyayari sa hukbo ng Asirya sa ilalim ni Senakerib nang pagbantaan nito ang Jerusalem noong kaarawan ng tapat na si Haring Hezekias. (Isaias, kabanata 36 at 37) Sa loob ng isang gabi, na walang iniunat na kamay ng tao, ang nakatatakot na hukbo ng Asirya ay umatras—185,000 sa kaniyang magigiting na mandirigma ang napatay! Ang pag-asang manakop ay muling mabibigo kapag ang hukbo ni Gog ng Magog ay kumilos laban sa bayan ni Jehova sa malapit na hinaharap.—Ezekiel 38:10-12; 39:6, 7.
22. Paanong ang espirituwal na kalasingan ng Juda ay nakaapekto sa kaniya?
22 Sa panahong binigkas ni Isaias ang bahaging ito ng kaniyang hula, ang mga pinuno ng Juda ay hindi nagtataglay ng pananampalatayang kagaya ng kay Hezekias. Nilasing nila ang kanilang sarili sa espirituwal na pagkatuliro sa pamamagitan ng kanilang pakikipag-alyansa sa mga bansang hindi makadiyos. “Tumigil kayo at mamangha; magpakabulag kayo, at mabulag nga. Sila ay nalango, ngunit hindi sa alak; sila ay sumuray-suray, ngunit hindi dahil sa nakalalangong inumin.” (Isaias 29:9) Dahil sa espirituwal na pagkalasing, hindi maunawaan ng mga pinunong ito ang kahulugan ng pangitain na ibinigay sa tunay na propeta ni Jehova. Sinabi ni Isaias: “Sa inyo ay nagbuhos si Jehova ng espiritu ng mahimbing na tulog; at ipinipikit niya ang inyong mga mata, ang mga propeta, at tinakpan niya maging ang inyong mga ulo, ang mga tagapangitain. At para sa inyo ang pangitain ng lahat ng bagay ay naging gaya ng mga salita ng aklat na tinatakan, na ibinibigay nila sa isang nakakakilala ng sulat, na sinasabi: ‘Basahin mo ito nang malakas, pakisuyo,’ at sasabihin niya: ‘Hindi ko magagawa, sapagkat ito ay natatatakan’; at ang aklat ay ibibigay sa isang hindi nakakakilala ng sulat, na may magsasabi: ‘Basahin mo ito nang malakas, pakisuyo,’ at sasabihin niya: ‘Hindi nga ako nakakakilala ng sulat.’”—Isaias 29:10-12.
23. Bakit pagsusulitin ni Jehova ang Juda, at paano niya gagawin iyon?
23 Ang mga pinunong relihiyoso ng Juda ay nag-aangking maingat sa paraang espirituwal, subalit iniwan nila si Jehova. Sa halip, itinuturo nila ang kanilang sariling pilipit na mga ideya ng tama at mali, ipinagmamatuwid ang kanilang kawalan ng pananampalataya at imoral na mga gawain at inaakay ang mga tao tungo sa kawalang paglingap ng Diyos. Sa pamamagitan ng “isang bagay na kamangha-mangha”—ang kaniyang ‘kakaibang gawa’—sila’y pagsusulitin ni Jehova dahil sa kanilang pagpapaimbabaw. Sinabi niya: “Sa dahilang lumapit ang bayang ito sa pamamagitan ng kanilang bibig, at niluwalhati nila ako sa pamamagitan lamang ng kanilang mga labi, at lubusan nilang inilayo sa akin ang kanilang puso, at ang kanilang pagkatakot sa akin ay utos ng mga tao na itinuturo, kaya narito ako, ang Isa na muling kikilos nang kamangha-mangha sa bayang ito, sa kamangha-manghang paraan at taglay ang isang bagay na kamangha-mangha; at ang karunungan ng kanilang mga taong marurunong ay maglalaho, at ang mismong pagkaunawa ng kanilang mga taong maiingat ay magkukubli.” (Isaias 29:13, 14) Ang sariling istilo ng karunungan at kaunawaan ng Juda ay mawawala kapag minaniobra ni Jehova ang mga bagay-bagay upang ang kaniyang buong apostatang relihiyosong sistema ay mapalis ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya. Gayundin ang nangyari noong unang siglo pagkatapos na iligaw ng matatalinong pinuno ng mga Judio na may sariling istilo ang bansa. Gayundin ang mangyayari sa Sangkakristiyanuhan sa ating kaarawan.—Mateo 15:8, 9; Roma 11:8.
24. Paano ipinakita ng mga taga-Juda ang kawalan nila ng makadiyos na takot?
24 Samantala, ang nagyayabang na mga pinuno ng Juda ay naniniwala na sa kanilang katusuhan ay makalulusot sila sa ginagawa nilang pagpapasama sa tunay na pagsamba. Gayon nga ba? Inalis ni Isaias ang kanilang maskara, anupat ibinubunyag na sila’y walang tunay na takot sa Diyos at sa gayo’y walang tunay na karunungan: “Sa aba niyaong mga nagpapakatalamak sa pagkukubli ng panukala mula kay Jehova, at niyaong ang mga gawa ay naganap sa madilim na dako, habang sinasabi nila: ‘Sino ang nakakakita sa atin, at sino ang nakakakilala sa atin?’ Ang inyo ngang katiwalian! Ang magpapalayok ba ay ibibilang na tulad ng luwad? Sapagkat sasabihin ba ng bagay na ginawa tungkol sa maygawa nito: ‘Hindi niya ako ginawa’? At talaga bang sasabihin ng bagay na inanyuan tungkol sa tagapag-anyo nito: ‘Wala siyang ipinakitang unawa’?” (Isaias 29:15, 16; ihambing ang Awit 111:10.) Gaano mang kahigpit ang inaakala nilang pagkukubli, sila’y nakatayong “hubad at hayagang nakalantad” sa paningin ng Diyos.—Hebreo 4:13.
“Tiyak na Maririnig ng mga Bingi”
25. Sa anong diwa makaririnig ang “mga bingi”?
25 Gayunman, may kaligtasan para sa mga indibiduwal na nananampalataya. (Basahin ang Isaias 29:17-24; ihambing ang Lucas 7:22.) “Maririnig ng mga bingi ang mga salita ng aklat,” ang mensahe mula sa Salita ng Diyos. Oo, ito’y hindi isang pagpapagaling ng pisikal na pagkabingi. Ito’y isang espirituwal na pagpapagaling. Minsan pang tinukoy ni Isaias ang pagtatatag sa hinaharap ng Mesiyanikong Kaharian at ang pagsasauli ng tunay na pagsamba sa lupa sa pamamagitan ng pamamahala ng Mesiyas. Ito’y nagaganap sa ating panahon, at milyun-milyong taimtim na mga tao ang nagpapatuwid ng kanilang sarili kay Jehova at natututong pumuri sa kaniya. Ano ngang kapana-panabik na katuparan! Sa dakong huli, ang araw ay darating na bawat isa, bawat bagay na humihinga ay pupuri kay Jehova at pakababanalin ang kaniyang banal na pangalan.—Awit 150:6.
26. Anong espirituwal na mga paalaala ang naririnig ngayon ng “mga bingi”?
26 Ano ang matututuhan ngayon ng “mga bingi” na nakaririnig ng Salita ng Diyos? Na ang lahat ng mga Kristiyano, lalo na yaong itinuturing ng kongregasyon bilang mga halimbawa, ay kailangang lubos na umiwas na ‘maligaw dahil sa nakalalangong inumin.’ (Isaias 28:7) Isa pa, tayo’y hindi dapat manghimagod kailanman sa pakikinig sa mga paalaala ng Diyos, na nakatutulong sa atin sa pagkakaroon ng espirituwal na pangmalas sa lahat ng mga bagay. Bagaman ang mga Kristiyano ay wastong nagpapasakop sa mga awtoridad ng pamahalaan at umaasa sa mga ito para paglaanan sila ng ilang paglilingkod, ang kaligtasan ay nagmumula, hindi sa sekular na sanlibutan, kundi sa Diyos na Jehova. Gayundin, hindi natin dapat kalimutan na gaya ng kahatulan sa apostatang Jerusalem, ang kahatulan ng Diyos sa salinlahing ito ay hindi maiiwasan. Sa tulong ni Jehova tayo’y patuloy na makapaghahayag ng kaniyang babala sa kabila ng pagsalansang, gaya ng ginawa ni Isaias.—Isaias 28:14, 22; Mateo 24:34; Roma 13:1-4.
27. Anong mga leksiyon ang maaaring matutuhan ng mga Kristiyano mula sa hula ni Isaias?
27 Ang matatanda at mga magulang ay maaaring matuto mula sa paraan ng paglalapat ni Jehova ng disiplina, na laging nagsisikap na maibalik ang manggagawa ng kamalian sa lingap ng Diyos, hindi ang basta parusahan sila. (Isaias 28:26-29; ihambing ang Jeremias 30:11.) At tayong lahat, lakip na ang mga kabataan, ay pinaaalalahanan kung gaano kahalaga na maglingkod kay Jehova mula sa puso, na hindi lamang nagkukunwaring Kristiyano upang paluguran ang mga tao. (Isaias 29:13) Dapat nating ipakita na di-tulad ng walang pananampalatayang mga tumatahan sa Juda, tayo’y may kaayaayang pagkatakot kay Jehova at may matinding paggalang sa kaniya. (Isaias 29:16) Bukod dito, kailangan nating ipakita na tayo’y nakahandang magpatuwid at matuto mula kay Jehova.—Isaias 29:24.
28. Paano minamalas ng mga lingkod ni Jehova ang kaniyang gawang pagliligtas?
28 Gaano nga kahalagang magkaroon ng pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang paraan ng pagsasagawa ng mga bagay-bagay! (Ihambing ang Awit 146:3.) Sa nakararami, ang babalang mensahe na ating ipinangangaral ay waring pambata. Ang pagkapuksa sa hinaharap ng isang organisasyon, ang Sangkakristiyanuhan, na nag-aangking naglilingkod sa Diyos ay kakaiba, di-karaniwang ideya. Subalit isasakatuparan ni Jehova ang kaniyang ‘kakaibang gawa.’ Tungkol dito ay walang alinlangan. Kaya, sa huling mga araw ng sistemang ito ng mga bagay, ang mga lingkod ng Diyos ay naglalagak ng lubos na tiwala sa kaniyang Kaharian at sa kaniyang inatasang Hari, si Jesu-Kristo. Kanilang nalalaman na ang gawang pagliligtas ni Jehova—na isinasagawa kalakip ng kaniyang ‘pambihirang gawain’—ay magdudulot ng walang-hanggang mga pagpapala sa lahat ng masunuring sangkatauhan.
[Talababa]
a Sa orihinal na Hebreo, ang Isaias 28:10 ay isang paulit-ulit na pagtutugma, na parang pagtutugma ng isang tulang pambata. Kaya, ang mensahe ni Isaias ay paulit-ulit at parang bata sa mga pinunong relihiyoso.
[Mga larawan sa pahina 289]
Ang Sangkakristiyanuhan ay nagtitiwala sa kaniyang pakikipag-alyansa sa mga taong tagapamahala sa halip na sa Diyos
[Larawan sa pahina 290]
Isinagawa ni Jehova ang kaniyang ‘kakaibang gawa’ nang kaniyang pahintulutang wasakin ng Babilonya ang Jerusalem
[Larawan sa pahina 298]
“Maririnig” ng dating espirituwal na mga bingi ang Salita ng Diyos