Kung Paano Gagawin ang Pagsasaliksik
SI HARING Solomon ay “nagmuni-muni at lubusang nagsaliksik, upang makapagsaayos siya ng maraming kawikaan.” Bakit? Sapagkat siya’y interesadong sumulat “ng wastong mga salita ng katotohanan.” (Ecles. 12:9, 10) “Tinalunton [ni Lucas] ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan” upang maisalaysay sa lohikal na pagkakasunud-sunod ang mga pangyayari sa buhay ni Kristo. (Luc. 1:3) Ang dalawang lingkod na ito ng Diyos ay nagsagawa ng pagsasaliksik.
Ano ang pagsasaliksik? Ito ay isang maingat na paghahanap ng impormasyon tungkol sa isang partikular na bagay. Kalakip nito ang pagbabasa, at humihiling ito ng pagkakapit sa mga simulain ng pag-aaral. Maaari ring magsangkot ito ng pakikipanayam sa mga tao.
Anong mga kalagayan ang nangangailangan ng pagsasaliksik? Narito ang ilang halimbawa. Sa iyong personal na pag-aaral o pagbabasa sa Bibliya ay maaaring may bumangong mga tanong na mahalaga sa iyo. Ang iyong binibigyan ng patotoo ay maaaring magbangon ng katanungan na hinggil dito ay nais mong magkaroon ng espesipikong impormasyon para sa kasagutan. Maaaring naatasan kang magpahayag.
Isaalang-alang ang atas na magpahayag. Ang materyal na hinihiling sa iyo na kubrehan ay waring lubhang malawak. Paano mo ito maikakapit sa lokal na paraan? Palawakin ito sa pamamagitan ng pagsasaliksik. Kapag ito’y sinusuportahan ng isa o dalawang estadistika o ng isang halimbawa na aangkop sa iyong materyal at ito’y nakaaantig sa buhay ng iyong mga tagapakinig, ang punto na noo’y waring pangkaraniwan lamang ay nagiging nakapagtuturo at nakagaganyak pa nga. Ang inilathalang materyal na iyong pinag-aaralan ay maaaring inihanda para sa mga mambabasa sa buong daigdig, subalit kailangan mong palawakin, ipaghalimbawa, at ikapit ang mga punto sa isang kongregasyon o sa isang tao. Paano mo ito gagawin?
Bago mo pasimulan ang pagsasaliksik ng impormasyon, isaalang-alang ang iyong mga tagapakinig. Ano ang alam na nila? Ano pa ang kailangan nilang malaman? Pagkatapos ay alamin ang iyong tunguhin. Ito ba’y upang magpaliwanag? kumumbinsi? magpabulaan? o gumanyak? Ang pagpapaliwanag ay humihiling ng pagbibigay ng karagdagang impormasyon upang liwanagin ang isang bagay. Bagaman mauunawaan naman ang saligang mga katotohanan, baka kailanganin mong ipaliwanag kung kailan o paano gagawin ang nabanggit na bagay. Ang pagkumbinsi ay humihiling ng pangangatuwiran kung bakit ang isang bagay ay gayon, lakip na ang paghaharap ng ebidensiya. Ang pagpapabulaan ay humihiling ng lubos na kaalaman hinggil sa magkabilang panig ng isang isyu lakip na ang isang maingat na pagsusuri sa ginamit na ebidensiya. Sabihin pa, hangad natin hindi lamang ang matibay na mga pangangatuwiran, kundi ang paghaharap ng mga katotohanan sa isang mabait na paraan. Ang pagganyak ay nagsasangkot ng pag-abot sa puso. Ito’y nangangahulugan ng paghimok sa iyong tagapakinig at pagpapalaki sa kanilang pagnanais na gawin kung ano ang tinatalakay. Ang totoong-buhay na mga halimbawa ng mga gumawa ng gayon, kahit na sa harap ng kahirapan, ay makatutulong upang maabot ang puso.
Handa ka na ba ngayong magsimula? Hindi pa. Isaalang-alang kung gaano karaming impormasyon ang kailangan mo. Ang panahon ay maaaring maging isang mahalagang salik. Kung ihaharap mo ang impormasyon sa iba, gaano kalaking oras ang maaari mong gugulin upang gawin iyon? Limang minuto? Apatnapu’t limang minuto? Nakatakda ba ang oras, gaya ng pulong sa kongregasyon, o iyon ba’y naibabagay, gaya ng isang pag-aaral sa Bibliya o isang gawaing pagpapastol?
Pinakahuli, anong mga kasangkapan sa pagsasaliksik ang maaari mong gamitin? Bukod pa sa taglay mo na sa tahanan, mayroon pa bang iba na nasa aklatan ng inyong Kingdom Hall? Papayag ba ang mga kapatid na naglilingkod kay Jehova sa loob ng maraming taon na gamitin mo ang kanilang mga kasangkapan sa pagsasaliksik? Mayroon bang aklatang pambayan sa iyong lugar kung saan ang mga reperensiyang aklat ay magagamit mo kung kinakailangan?
Paggamit sa Ating Pangunahing Kasangkapan sa Pagsasaliksik—Ang Bibliya
Kung ang iyong proyekto sa pagsasaliksik ay may kaugnayan sa kahulugan ng isang kasulatan, magpasimula sa Bibliya mismo.
Suriin ang Konteksto. Itanong mo sa sarili: ‘Patungkol kanino ang tekstong ito? Ano ang ipinahihiwatig ng nakapalibot na mga talata hinggil sa mga kalagayan na umaakay sa gayong pananalita o saloobin ng mga taong nasasangkot?’ Ang gayong mga detalye ay kadalasang tumutulong sa atin na maunawaan ang isang teksto, at ang mga ito ay magbibigay-buhay rin sa isang pahayag na maaaring paggamitan mo ng mga ito.
Halimbawa, ang Hebreo 4:12 ay kadalasang sinisipi upang ipakita ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos na makasaling sa puso at makaimpluwensiya sa buhay. Ang konteksto ay nagpapalaki sa ating pagpapahalaga kung paano ito maaaring mangyari. Ito’y tumatalakay sa mga karanasan ng Israel sa loob ng 40 taon sa iláng bago pumasok sa lupang ipinangako ni Jehova kay Abraham. (Heb. 3:7–4:13) “Ang salita ng Diyos,” ang kaniyang pangako na dadalhin sila sa isang dako ng kapahingahan kasuwato ng kaniyang tipan kay Abraham, ay hindi patay; iyon ay buháy at kumikilos tungo sa katuparan niyaon. Taglay ng mga Israelita ang lahat ng dahilan upang magpakita ng pananampalataya roon. Gayunpaman, habang inaakay sila ni Jehova mula sa Ehipto tungo sa Bundok Sinai at hanggang sa Lupang Pangako, sila’y paulit-ulit na nagpakita ng kakulangan ng pananampalataya. Kaya, sa pamamagitan ng kanilang reaksiyon sa paraan ng pagtupad ng Diyos sa kaniyang salita, nahayag kung ano ang laman ng kanilang mga puso. Sa katulad na paraan sa ating kapanahunan, inihahayag ng salita ng pangako ng Diyos kung ano ang nasa puso ng mga tao.
Suriin ang Kaugnay na mga Reperensiya. Ang ilang Bibliya ay may kaugnay na mga reperensiya. Mayroon ba nito ang sa iyo? Kung gayon, makatutulong ito. Pansinin ang isang halimbawa sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Ang 1 Pedro 3:6 ay tumutukoy kay Sara bilang isang halimbawa na karapat-dapat tularan ng mga Kristiyanong asawang babae. Ang isang kaugnay na reperensiya sa Genesis 18:12 ay sumusuporta roon sa pagsasabing tinawag ni Sara si Abraham bilang panginoon “sa loob niya.” Kung gayon, ang kaniyang pagpapasakop ay taos-puso. Bilang karagdagan sa gayong kaunawaan, maaaring akayin ka ng kaugnay na mga reperensiya sa mga teksto na nagpapakita ng katuparan ng isang hula sa Bibliya o ng isang parisan sa tipang Kautusan. Gayunman, dapat unawain na ang ilang kaugnay na mga reperensiya ay hindi nilayong magbigay ng gayong mga paliwanag. Ang mga ito ay maaaring umakay lamang sa nakakatulad na mga kaisipan o sa biyograpiko o heograpikong impormasyon.
Magsaliksik sa Pamamagitan ng Isang Konkordansiya ng Bibliya. Ang konkordansiya ng Bibliya ay isang alpabetikong indise ng mga salitang ginamit sa Bibliya. Ito’y makatutulong sa iyo upang makita ang mga kasulatan na kaugnay ng paksang sinasaliksik mo. Habang sinisiyasat mo ang mga ito, may iba pang nakatutulong na mga detalye na matututuhan mo. Makikita mo ang ebidensiya ng “parisan” ng katotohanan na nakasaad sa Salita ng Diyos. (2 Tim. 1:13) Ang Bagong Sanlibutang Salin ay naglalaman ng isang pilíng talaan ng “Indise ng mga Salita sa Bibliya.” Ang Comprehensive Concordance ng Samahan sa wikang Ingles ay higit pang malawak ang saklaw. Ito ay aakay sa iyo sa lahat ng tekstong naglalaman ng bawat isa sa pangunahing mga salita sa Bibliya.
Pag-aralang Gamitin ang Iba Pang mga Kasangkapan sa Pagsasaliksik
Ang kahon sa pahina 33 ay nagtatala ng ilan sa iba pang mga kasangkapan sa pagsasaliksik na inilaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45-47) Marami sa mga ito ay may talaan ng mga nilalaman, at ang marami ay may indise sa likuran na dinisenyo upang tulungan kang matukoy ang espesipikong impormasyon. Sa katapusan ng bawat taon, inilalathala ang mga indise ng paksa na tinalakay kapuwa sa Ang Bantayan at Gumising! para sa kalipunan ng mga artikulo sa taóng iyon.
Ang pagiging pamilyar sa uri ng impormasyon na ibinibigay sa mga publikasyon sa pag-aaral ng Bibliya ay magpapabilis sa proseso ng pagsasaliksik. Halimbawa, nais mong malaman ang tungkol sa hula, doktrina, Kristiyanong paggawi, o ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. Malamang na nasa Ang Bantayan ang iyong hinahanap. Ang Gumising! ay tumatalakay sa kasalukuyang mga pangyayari, mga suliranin sa ngayon, relihiyon, siyensiya, at mga tao sa iba’t ibang lupain. Ang komentaryo sa bawat ulat ng mga Ebanghelyo salig sa pagkakasunud-sunod nito ayon sa panahon ay lumilitaw sa Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Ang talata por talatang pagtalakay ng buong mga aklat ng Bibliya ay masusumpungan sa mga publikasyong gaya ng Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!, at sa dalawang tomo ng Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan. Sa Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, masusumpungan mo ang kasiya-siyang mga sagot sa daan-daang katanungan sa Bibliya na karaniwang ibinabangon sa paglilingkod sa larangan. Para sa mas maliwanag na kaunawaan sa ibang mga relihiyon, sa kanilang mga turo, at sa kanilang makasaysayang pinagmulan, tingnan Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos. Isang detalyadong ulat ng makabagong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ang nasa Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Ukol sa ulat hinggil sa kasalukuyang mga pagsulong sa pambuong daigdig na pangangaral ng mabuting balita, suriin ang pinakabagong Yearbook of Jehovah’s Witnesses. Ang Insight on the Scriptures ay isang ensayklopidiya at atlas ng Bibliya. Kung kailangan mo ang mga detalye hinggil sa mga tao, mga lugar, mga bagay, mga wika, o makasaysayang mga pangyayaring may kinalaman sa Bibliya, ito’y isang napakainam na reperensiya.
“Watch Tower Publications Index.” Ang Index na ito, na inilathala sa mahigit na 20 wika, ay aakay sa iyo sa impormasyon sa napakaraming iba’t ibang publikasyon natin. Ito ay hinati sa indise ng paksa (subject index) at indise ng kasulatan (scripture index). Upang magamit ang indise ng paksa, hanapin ang salita na kumakatawan sa paksa na nais mong siyasatin. Upang magamit ang indise ng kasulatan, hanapin sa listahan ng mga kasulatan ang isa na nais mong higit na maunawaan. Kung may inilimbag sa iyong wika tungkol sa paksang iyon o sa kasulatang iyon sa mga taóng sinasaklaw ng Index, makasusumpong ka ng listahan ng mga reperensiyang mapagsasanggunian. Gamitin ang talaan sa harapan ng Index upang malaman ang pinaikling anyo ng mga pangalan ng mga publikasyong binanggit. (Sa tulong niyaon, halimbawa, malalaman mo na ang w99 3/1 15 ay tumutukoy sa Ang Bantayan ng 1999, isyu ng Marso 1, pahina 15.) Ang pangunahing mga uluhan gaya ng “Field Ministry Experiences” at “Life Stories of Jehovah’s Witnesses” ay makatutulong sa paghahanda ng nakagaganyak na mga presentasyon para sa kongregasyon.
Yamang ang pagsasaliksik ay lubhang kawili-wili, mag-ingat na huwag mapalihis. Manatiling nakapako sa iyong tunguhing saliksikin ang materyal na kailangan mong gamitin. Kung ang Index ay umaakay sa iyo sa isang reperensiya, tingnan ang binanggit na (mga) pahina, pagkatapos ay gamitin ang mga subtitulo at pambungad na mga pangungusap ng mga parapo upang akayin ka sa materyal na angkop sa iyong mga pangangailangan. Kung sinasaliksik mo ang kahulugan ng isang partikular na talata ng Bibliya, una muna ay hanapin ang talata sa pahinang itinuro sa iyo. Pagkatapos ay suriin ang nakapalibot na mga komento.
“Watchtower Library” sa CD-ROM. Kung gumagamit ka ng computer, maaaring makinabang ka sa paggamit ng Watchtower Library sa CD-ROM, na naglalaman ng malawak na kalipunan ng ating mga publikasyon. Sa pamamagitan ng madaling-gamiting search program, makikita mo ang isang salita, kombinasyon ng mga salita, o isang siniping kasulatan sa alinman sa mga publikasyong nasa Watchtower Library. Kahit na wala sa iyong sariling wika ang mga kasangkapang ito sa pagsasaliksik, maaari kang makinabang dito sa pamamagitan ng isang malawakang ginagamit na pang-internasyonal na wika na pamilyar sa iyo.
Iba Pang Teokratikong mga Aklatan
Sa kaniyang ikalawang kinasihang liham kay Timoteo, hiniling ni Pablo sa binata na dalhin sa kaniya sa Roma “ang mga balumbon, lalo na ang mga pergamino.” (2 Tim. 4:13) Pinahalagahan ni Pablo ang ilang kasulatan at iningatan ang mga iyon. Magagawa mo rin ang gayon. Iniingatan mo ba ang iyong personal na mga kopya ng Ang Bantayan at Gumising!, at ang Ating Ministeryo sa Kaharian kahit na tapos nang isaalang-alang ang mga ito sa mga pulong ng kongregasyon? Kung gayon, magagamit mo ang mga ito bilang mga kasangkapan sa pagsasaliksik, kasama ng iba pang mga publikasyong Kristiyano na taglay mo. Pinagsisikapang mapanatili ng maraming kongregasyon ang isang kalipunan ng mga teokratikong publikasyon sa aklatan ng Kingdom Hall. Ang mga ito ay sa kapakinabangan ng buong kongregasyon, upang magamit nila habang nasa Kingdom Hall.
Panatilihin ang Personal na mga Salansan
Maging alisto sa mga interesanteng bagay na magagamit mo kapag ikaw ay nagsasalita at nagtuturo. Kung makasumpong ka sa isang pahayagan o sa isang magasin ng isang balita, estadistika, o halimbawa na magagamit mo sa iyong ministeryo, gupitin iyon o kopyahin ang impormasyon. Ilakip ang petsa, ang pamagat ng babasahin, at pati na marahil ang pangalan ng may-akda o tagapaglathala. Sa mga pulong ng kongregasyon, isulat ang mga punto ng pangangatuwiran at mga ilustrasyon na makatutulong sa iyo sa pagpapaliwanag ng katotohanan sa iba. May naisip ka bang isang magandang ilustrasyon subalit hindi ka nagkaroon ng pagkakataon na gamitin ito kaagad? Isulat ito, at ingatan sa isang salansan. Pagkalipas ng ilang panahon ng iyong pagkakatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, marami ka nang naihandang mga presentasyon. Sa halip na itapon ang iyong mga nota sa mga pahayag na ito, ingatan ang mga ito. Ang ginawa mong pagsasaliksik ay maaaring magamit sa hinaharap.
Makipag-usap sa mga Tao
Tandaan na ang mga tao ay pinagmumulan ng mahahalagang impormasyon. Nang tinitipon ni Lucas ang kaniyang ulat ng Ebanghelyo, maliwanag na nakapagtipon siya ng maraming impormasyon sa pamamagitan ng pakikipanayam sa mga nakasaksi. (Luc. 1:1-4) Marahil ang isang kapuwa Kristiyano ay makapagbibigay ng liwanag sa isang bagay na pinagsisikapan mong saliksikin. Ayon sa Efeso 4:8, 11-16, si Kristo ay gumagamit ng “mga kaloob [na] mga tao” upang tulungan tayong lumaki sa “tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos.” Ang pakikipanayam sa mga may karanasan sa paglilingkod sa Diyos ay maaaring magbunga ng kapaki-pakinabang na mga ideya. Ang pakikipag-usap sa mga tao ay maaari ring magsiwalat sa kung ano ang kanilang iniisip, at ito’y makatutulong sa iyo na maghanda ng materyal na tunay na praktikal.
Suriin ang Iyong mga Nagawa
Matapos anihin ang trigo, ang butil ay kailangang alisin mula sa ipa. Gayundin kung tungkol sa nagiging bunga ng iyong pagsasaliksik. Bago ito magamit, kailangan mong ihiwalay kung ano ang mahalaga sa hindi kailangan.
Kung gagamitin mo ang impormasyon sa isang pahayag, tanungin mo ang sarili: ‘Ang punto bang pinaplano kong gamitin ay talagang makatutulong sa aking presentasyon ng paksa? O, kahit na iyon ay isang kapana-panabik na materyal, maililihis ba nito ang pansin mula sa paksa na ipapahayag ko?’ Kung iniisip mong gumamit ng kasalukuyang mga pangyayari o materyal mula sa pabagu-bagong larangan ng siyensiya o medisina, tiyakin mong sunod sa panahon ang impormasyon. Kilalanin din na ang ilang punto sa matatanda nating publikasyon ay maaaring nabago na, kaya isaalang-alang kung ano ang inilathala kamakailan tungkol sa paksa.
May pantanging pangangailangan na maging maingat kung ibig mong magtipon ng impormasyon mula sa sekular na mga reperensiya. Huwag kalilimutan kailanman na ang Salita ng Diyos ay katotohanan. (Juan 17:17) Si Jesus ang gumaganap ng pangunahing papel sa katuparan ng layunin ng Diyos. Kaya ang Colosas 2:3 ay nagsasabi: “Maingat na nakakubli sa kaniya ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” Suriin ang naging mga bunga ng iyong pagsasaliksik mula sa gayong pangmalas. Kung tungkol sa sekular na pagsasaliksik, tanungin mo ang sarili: ‘Ang materyal bang ito ay may pagmamalabis, haka-haka, o makitid ang pangmalas? Ito ba ay isinulat taglay ang sakim o komersiyal na motibo? Sumasang-ayon ba rito ang ibang mga mapananaligang reperensiya? Higit sa lahat, ito ba ay kasuwato sa katotohanan ng Bibliya?’
Ang Kawikaan 2:1-5 ay nagpapasigla sa atin na patuloy na magsaliksik ukol sa kaalaman, pagkaunawa, at kaunawaan ‘gaya ng pilak, at gaya ng nakatagong kayamanan.’ Ito’y nagpapahiwatig kapuwa ng pagsisikap at ng mayamang mga gantimpala. Ang pagsasaliksik ay nangangailangan ng pagsisikap, subalit ang paggawa nito ay tutulong sa iyo na masumpungan ang kaisipan ng Diyos sa mga bagay-bagay, maiwasto ang maling mga ideya, at mapatatag ang iyong pagkaintindi sa katotohanan. Madaragdagan din nito ng sustansiya at buhay ang iyong mga presentasyon, anupat ginagawa ang mga ito na kasiya-siyang ipahayag at kawili-wiling pakinggan.