“Higit sa Lahat, Magkaroon Kayo ng Masidhing Pag-ibig”
“Ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na. . . . Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa.”—1 PEDRO 4:7, 8.
BATID ni Jesus na napakahalaga ng mga huling oras niya sa piling ng kaniyang mga apostol. Alam niya kung ano ang mangyayari sa kanila. Napakarami pa nilang dapat gawin, subalit sila’y kapopootan at pag-uusigin na gaya niya. (Juan 15:18-20) Hindi lamang miminsan niyang ipinaalaala sa kanila ang pangangailangang ‘mag-ibigan sa isa’t isa’ nang huling gabing iyon ng kanilang pagsasama-sama.—Juan 13:34, 35; 15:12, 13, 17.
2 Naunawaan ito ni apostol Pedro na naroroon nang gabing iyon. Pagkalipas ng ilang taon, sa kaniyang sulat noong malapit nang wasakin ang Jerusalem, idiniin ni Pedro ang kahalagahan ng pag-ibig. Pinayuhan niya ang mga Kristiyano: “Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na. . . . Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa.” (1 Pedro 4:7, 8) Ang mga salita ni Pedro ay punung-puno ng kahulugan para sa mga nabubuhay sa “mga huling araw” ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1) Ano ba ang “masidhing pag-ibig”? Bakit mahalagang magkaroon tayo ng ganitong pag-ibig sa iba? At paano natin maipakikitang taglay natin ito?
“Masidhing Pag-ibig”—Ano ba Ito?
3 Marami ang nag-iisip na ang pag-ibig ay isang damdaming kusang umuusbong. Subalit hindi lamang basta pag-ibig ang sinasabi ni Pedro; ang tinutukoy niya ay ang pag-ibig sa pinakamarangal na anyo nito. Ang salitang “pag-ibig” sa 1 Pedro 4:8 ay isang salin ng salitang Griego na a·gaʹpe. Ang terminong iyan ay tumutukoy sa walang-pag-iimbot na pag-ibig na pinapatnubayan, o inuugitan, ng simulain. Isang reperensiyang akda ang nagsabi: “Ang pag-ibig na agape ay nauutusan sapagkat hindi ito basta puro emosyon lamang kundi isang desisyon na pinag-isipan na umaakay tungo sa pagkilos.” Dahil sa ating minanang hilig na maging mapag-imbot, kailangan tayong paalalahanan na magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa, anupat ginagawa ito ayon sa paraang itinuturo ng makadiyos na mga simulain.—Genesis 8:21; Roma 5:12.
4 Hindi naman ito nangangahulugang iibigin natin ang isa’t isa dahil lamang sa obligasyon. Ang a·gaʹpe ay hindi naman salat sa init at damdamin. Sinabi ni Pedro na dapat tayong ‘magkaroon ng masidhing [sa literal, “binabanat” na] pag-ibig sa isa’t isa.’a (Kingdom Interlinear) Magkagayunman, kailangan ang pagsisikap sa ganitong pag-ibig. Hinggil sa salitang Griego na isinaling “masidhi,” sinabi ng isang iskolar: “Inilalarawan nito ang ideya ng binabanat na kalamnan ng isang atleta habang sinisikap niyang ibuhos ang kahuli-hulihang lakas sa pagtatapos ng isang takbuhan.”
5 Kung gayon, ang ating pag-ibig ay hindi dapat na maging limitado lamang sa mga bagay na madaling gawin o para lamang sa ilang pilíng tao. Ang Kristiyanong pag-ibig ay nangangailangan ng “pagbanat” sa ating puso, anupat ipinadarama ang pag-ibig kahit na mahirap itong gawin. (2 Corinto 6:11-13) Maliwanag na kailangan nating linangin at pagsikapan ang uring ito ng pag-ibig, kung paanong dapat magsanay at magsikap ang isang atleta upang mapasulong ang kaniyang mga kakayahan. Napakahalagang magkaroon tayo ng ganitong pag-ibig sa isa’t isa. Bakit? Sa tatlong dahilan.
Bakit Natin Dapat Ibigin ang Isa’t Isa?
6 Una, “sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos.” (1 Juan 4:7) Si Jehova, ang Bukal ng mapagmahal na katangiang ito, ang naunang umibig sa atin. Sinabi ni apostol Juan: “Sa ganito nahayag ang pag-ibig ng Diyos may kaugnayan sa atin, sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya.” (1 Juan 4:9) Ang Anak ng Diyos ay “isinugo” sa pamamagitan ng pagiging tao, pagganap ng kaniyang ministeryo, at pagkamatay sa isang pahirapang tulos—na pawang nangyari “upang magkamit tayo ng buhay.” Paano tayo dapat tumugon sa pinakadakilang kapahayagang ito ng pag-ibig ng Diyos? Ang sabi ni Juan: “Kung sa ganitong paraan tayo inibig ng Diyos, kung gayon tayo mismo ay may pananagutan na mag-ibigan sa isa’t isa.” (1 Juan 4:11) Pansinin na isinulat ni Juan, “kung sa ganitong paraan tayo inibig ng Diyos”—hindi lamang ikaw kundi tayo. Maliwanag ang punto: Kung iniibig ng Diyos ang ating kapuwa mga mananamba, kung gayon ay dapat din natin silang ibigin.
7 Ikalawa, talagang napakahalaga na higit tayong mag-ibigan ngayon sa isa’t isa upang mapaabutan natin ng tulong ang ating mga kapatid na nangangailangan dahil “ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na.” (1 Pedro 4:7) Nabubuhay tayo sa mga “panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang mga kalagayan sa daigdig, likas na mga kasakunaan, at pagsalansang ay nagpapahirap sa atin. Sa ilalim ng mahihirap na kalagayan, kailangan nating maging mas malapít sa isa’t isa. Ang masidhing pag-ibig ang magbubuklod at mag-uudyok sa atin na ‘magmalasakit sa isa’t isa.’—1 Corinto 12:25, 26.
8 Ikatlo, kailangan nating mag-ibigan sa isa’t isa dahil ayaw nating ‘magbigay ng dako sa Diyablo’ upang pagsamantalahan tayo. (Efeso 4:27) Alisto si Satanas na gamitin ang di-kasakdalan ng mga kapananampalataya—ang kanilang mga kahinaan, pagkukulang, at pagkakamali—bilang mga batong katitisuran. Magiging dahilan kaya ang walang-pakundangang pananalita o nakasasakit na paggawi upang iwan natin ang kongregasyon? (Kawikaan 12:18) Hindi nga kung tayo’y may masidhing pag-ibig sa isa’t isa! Ang gayong pag-ibig ay tumutulong sa atin na mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa sa paglilingkod sa Diyos “nang balikatan.”—Zefanias 3:9.
Kung Paano Maipakikitang Iniibig Mo ang Iba
9 Ang pagpapakita ng pag-ibig ay dapat magsimula sa tahanan. Sinabi ni Jesus na makikilala ang kaniyang tunay na mga tagasunod sa pamamagitan ng taglay nilang pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Ang pag-ibig ay dapat makita hindi lamang sa loob ng kongregasyon kundi sa loob din ng pamilya—sa mag-asawa at sa mga magulang at mga anak. Hindi sapat ang basta makadama lamang ng pag-ibig sa mga miyembro ng pamilya; kailangan nating ipadama ito sa positibong pamamaraan.
10 Paano maipakikita ng mag-asawa ang pag-ibig sa isa’t isa? Ipinababatid ng isang asawang lalaking tunay na umiibig sa kaniyang asawa na pinakamamahal niya siya sa pamamagitan ng mga salita at gawa—sa publiko at sa pribado. Iginagalang niya ang dignidad ng pagkatao nito at makonsiderasyon sa iniisip, pangmalas, at damdamin nito. (1 Pedro 3:7) Inuuna niya ang kapakanan nito kaysa sa kaniyang sarili, at ginagawa ang lahat ng makakaya niya upang mailaan ang materyal, espirituwal, at emosyonal na pangangailangan nito. (Efeso 5:25, 28) Ang isang asawang babaing tunay na umiibig sa kaniyang asawa ay nagpapakita rito ng “matinding paggalang,” kahit na kung minsan ay hindi ito nakaaabot sa kaniyang mga inaasahan. (Efeso 5:22, 33) Siya ay sumusuporta at nagpapasakop sa kaniyang asawa, anupat hindi humihiling ng mga bagay na di-makatuwiran, kundi nakikipagtulungan dito para patuloy na maitutok ang pansin sa espirituwal na mga bagay.—Genesis 2:18; Mateo 6:33.
11 Mga magulang, paano ninyo maipakikita ang pag-ibig sa inyong mga anak? Ang inyong pagnanais na magbanat ng buto upang mapaglaanan sila sa materyal na paraan ay katibayan ng inyong pag-ibig. (1 Timoteo 5:8) Subalit hindi lamang pagkain, damit, at tirahan ang kailangan ng mga anak. Upang sila’y lumaking umiibig at naglilingkod sa tunay na Diyos, kailangan nila ang espirituwal na pagsasanay. (Kawikaan 22:6) Nangangahulugan iyan ng paglalaan ng panahon bilang isang pamilya na mag-aral ng Bibliya, makibahagi sa ministeryo, at dumalo sa mga pulong Kristiyano. (Deuteronomio 6:4-7) Ang palaging pagtupad sa ganitong mga gawain ay nangangailangan ng malaking sakripisyo, lalo na sa mapanganib na mga panahong ito. Ang iyong pagmamalasakit at ang iyong pagsisikap na mapangalagaan ang espirituwal na mga pangangailangan ng inyong mga anak ay isang kapahayagan ng pag-ibig, sapagkat ipinakikita mo na talagang mahalaga sa iyo ang kanilang walang-hanggang kapakanan.—Juan 17:3.
12 Kailangang ipakita rin ng mga magulang ang pag-ibig sa pamamagitan ng pangangalaga sa emosyonal na pangangailangan ng kanilang mga anak. Ang mga bata ay madaling maimpluwensiyahan; kailangan ng kanilang murang puso ang katiyakan ng inyong pag-ibig. Sabihin sa kanilang iniibig ninyo sila, at busugin sila sa pagmamahal, sapagkat ang gayong mga kapahayagan ay tumitiyak sa kanila na sila’y kagiliw-giliw at mahalaga. Bigyan sila ng mainit at tunay na komendasyon, sapagkat ipinababatid nito sa kanila na iyong nakikita at pinahahalagahan ang kanilang mga pagsisikap. Disiplinahin sila nang may pag-ibig, sapagkat ang gayong mga pagtutuwid ay nagsasabi sa kanila na mahalaga sa iyo ang kanilang magiging pagkatao paglaki nila. (Efeso 6:4) Ang lahat ng gayong mabubuting kapahayagan ng pag-ibig ay tumutulong sa pagtatayo ng isang maligaya at nagtutulungang pamilya na mas handang lumaban sa mga panggigipit sa mga huling araw na ito.
13 Ang pag-ibig ay magpapakilos sa atin na palampasin ang mga pagkukulang ng iba. Gunitain na noong pinapayuhan ang kaniyang mga mambabasa na ‘magkaroon ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa,’ ibinigay sa atin ni Pedro ang dahilan kung bakit napakahalaga nito: “Sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8) Ang ‘pagtatakip’ ng mga kasalanan ay hindi nangangahulugang ‘pinagtatakpan’ ang malulubhang kasalanan. Angkop lamang na ipaalam at asikasuhin ng responsableng mga kapatid sa kongregasyon ang gayong mga bagay. (Levitico 5:1; Kawikaan 29:24) Talagang kawalan ng pag-ibig—at di-makakasulatan—na payagan ang talamak na mga makasalanan na patuloy na puminsala o bumiktima sa mga inosente.—1 Corinto 5:9-13.
14 Karaniwan nang maliliit lamang ang mga pagkakamali at pagkakasala ng mga kapananampalataya. Tayong lahat kung minsan ay natitisod sa salita o sa gawa, nakapagdudulot ng pagkasiphayo o nagkakasamaan pa nga ng loob. (Santiago 3:2) Dapat ba nating ipamalita agad ang mga pagkukulang ng iba? Lilikha lamang ng sigalot sa kongregasyon kapag ganiyan ang ginawa. (Efeso 4:1-3) Kung tayo’y inuugitan ng pag-ibig, hindi natin ‘ibubunyag ang pagkakamali’ ng isang kapananampalataya. (Awit 50:20) Kung paanong tinatakpan ng palitada at pintura ang mga sirang bahagi ng pader, gayundin naman tinatakpan ng pag-ibig ang mga kasiraan ng iba.—Kawikaan 17:9.
15 Ang pag-ibig ay magtutulak sa atin na tumulong sa tunay na mga nangangailangan. Habang patuloy na sumasamâ ang mga kalagayan sa mga huling araw, maaaring may mga pagkakataon na mangailangan ang ating mga kapananampalataya ng materyal o pisikal na tulong. (1 Juan 3:17, 18) Halimbawa, may kakongregasyon ba tayo na biglang naghirap o nawalan ng trabaho? Kung gayon, baka naman puwedeng magbigay tayo ng materyal na tulong, ayon sa ipinahihintulot ng ating kalagayan. (Kawikaan 3:27, 28; Santiago 2:14-17) Kailangan na bang kumpunihin ang bahay ng isang matanda nang babaing balo? Kung gayon ay baka naman puwedeng tayo na ang magkusang magbigay ng naaangkop na tulong sa ilang dapat kumpunihin.—Santiago 1:27.
16 Ang ating pagpapakita ng pag-ibig sa iba ay hindi lamang para sa mga nakatira sa ating lugar. Kung minsan, nakababalita tayo tungkol sa mga lingkod ng Diyos sa ibang lupain na nagiging biktima ng malalakas na bagyo, lindol, o pambansang kaguluhan. Baka kailangang-kailangan nila ang pagkain, damit, at iba pang mga bagay. Hindi mahalaga kung iba man ang kanilang lahi o etnikong grupo. Tayo’y may “pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.” (1 Pedro 2:17) Kaya, gaya ng unang-siglong mga kongregasyon, gustung-gusto nating sumuporta sa mga kaayusang inorganisa upang makapaglaan ng tulong. (Gawa 11:27-30; Roma 15:26) Kapag ipinakita natin ang pag-ibig sa lahat sa ganitong mga paraan, pinatitibay natin ang tali na nagbubuklod sa atin sa mga huling araw na ito.—Colosas 3:14.
17 Ang pag-ibig ay nagpapakilos sa atin na ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa iba. Isaalang-alang ang halimbawa ni Jesus. Bakit siya nangaral at nagturo? Siya’y “nahabag” sa mga tao dahil sa kanilang kaawa-awang kalagayan sa espirituwal. (Marcos 6:34) Sila’y pinabayaan at iniligaw ng mga bulaang pastol ng relihiyon, na dapat sana’y nagturo sa kanila ng espirituwal na mga katotohanan at nagbigay sa kanila ng pag-asa. Kaya naman, udyok ng masidhi at taimtim na pag-ibig at habag, inaliw ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng “mabuting balita ng kaharian ng Diyos.”—Lucas 4:16-21, 43.
18 Gayundin sa ngayon, maraming tao ang pinabayaan at iniligaw sa espirituwal na paraan at walang pag-asa. Kung, gaya ni Jesus, pinatatalas natin ang ating pakiramdam sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga hindi pa nakakakilala sa tunay na Diyos, kung gayon ay mapakikilos tayo ng pag-ibig at habag na ibahagi sa kanila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:9, 10; 24:14) Dahil sa maikli na ang panahong natitira, ngayon higit kailanman dapat na apurahang ipangaral ang nagbibigay-buhay na mensaheng ito.—1 Timoteo 4:16.
“Ang Wakas ng Lahat ng mga Bagay ay Malapit Na”
19 Tandaan, pinasimulan ni Pedro ang kaniyang payo na magkaroon ng pag-ibig sa isa’t isa sa mga salitang: “Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na.” (1 Pedro 4:7) Malapit nang palitan ang balakyot na sanlibutang ito ng matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. (2 Pedro 3:13) Kung gayon, hindi na ito ang panahon para maging kampante. Binabalaan tayo ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo.”—Lucas 21:34, 35.
20 Kung gayon, dapat tayong “patuloy na magbantay,” anupat nakasubaybay sa kinaroroonan natin sa agos ng panahon. (Mateo 24:42) Dapat tayong mag-ingat sa anumang tukso ni Satanas na makapagliligaw sa atin. Huwag nating pahintulutang hadlangan tayo ng manhid at salat sa pag-ibig na sanlibutang ito sa pagpapakita ng pag-ibig sa iba. Higit sa lahat, maging mas malapít tayo sa tunay na Diyos, si Jehova, na naglaan ng Mesiyanikong Kaharian na malapit nang tumupad sa kaniyang maluwalhating layunin sa lupa.—Apocalipsis 21:4, 5.
[Talababa]
a Sa 1 Pedro 4:8, sinasabi ng ibang mga salin ng Bibliya na dapat nating ibigin ang isa’t isa nang “tapat,” “taimtim,” o “marubdob.”
MGA TANONG SA PAG-AARAL
• Anong pahimakás na payo ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at ano ang nagpapakitang naunawaan ito ni Pedro? (Par. 1-2)
• Ano ba ang “masidhing pag-ibig”? (Par. 3-5)
• Bakit natin dapat ibigin ang isa’t isa? (Par. 6-8)
• Paano mo maipakikitang iniibig mo ang iba? (Par. 9-18)
• Bakit hindi na ito ang panahon para maging kampante, at ano ang dapat na determinado nating gawin? (Par. 19-20)
[Larawan sa pahina 29]
Ang nagtutulungang pamilya ay mas handang makatagal sa mga panggigipit sa mga huling araw na ito
[Larawan sa pahina 30]
Ang pag-ibig ay nagtutulak sa atin upang tumulong sa tunay na mga nangangailangan
[Larawan sa pahina 31]
Ang pagbabahagi sa iba ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay isang gawa ng pag-ibig