Mapatibay Ka Nawa ng Pag-ibig
“Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.”—MATEO 22:37.
1. (a) Ano ang ilang bagay na nililinang ng isang Kristiyano? (b) Alin ang pinakamahalagang katangiang Kristiyano, at bakit?
MARAMING bagay ang nililinang ng isang Kristiyano upang maging isang mabisang ministro. Itinatampok ng aklat ng Kawikaan ang kahalagahan ng kaalaman, pagkaunawa, at karunungan. (Kawikaan 2:1-10) Tinalakay ni apostol Pablo ang pangangailangan ukol sa matatag na pananampalataya at matibay na pag-asa. (Roma 1:16, 17; Colosas 1:5; Hebreo 10:39) Mahalaga rin ang pagbabata at pagpipigil sa sarili. (Gawa 24:25; Hebreo 10:36) Gayunman, may isang sangkap na kung wala ito ay nasisira ang lahat ng iba pang bagay at maaari pa ngang mawalan ng halaga ang mga ito. Ang sangkap na ito ay ang pag-ibig.—1 Corinto 13:1-3, 13.
2. Paano ipinakita ni Jesus ang kahalagahan ng pag-ibig, at anong mga tanong ang ibinabangon nito?
2 Ipinakita ni Jesus ang kahalagahan ng pag-ibig nang sabihin niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Yamang pag-ibig ang pagkakakilanlang tanda ng isang tunay na Kristiyano, kailangang itanong natin ang ganito, Ano ba ang pag-ibig? Bakit napakahalaga nito anupat sinabi ni Jesus na ito, higit sa lahat, ang pagkakakilanlan sa kaniyang mga alagad? Paano natin malilinang ang pag-ibig? Sino ang dapat nating pag-ukulan ng pag-ibig? Isaalang-alang natin ang mga tanong na ito.
Ano ba ang Pag-ibig?
3. Paano mailalarawan ang pag-ibig, at bakit nasasangkot dito kapuwa ang isip at puso?
3 Ang isang paglalarawan sa pag-ibig ay ‘isang damdamin ng mainit na personal na pagsinta o matinding pagmamahal, isang mainit na pagkagiliw o pagkagusto sa iba.’ Ito ay isang katangian na nagpapakilos sa mga tao na gumawa para sa ikabubuti ng iba, na kung minsan ay lakip ang malaking pagsasakripisyo sa sarili. Ang pag-ibig, gaya ng pagkakalarawan sa Bibliya, ay nagsasangkot kapuwa sa isip at puso. Ang isip, o talino, ay gumaganap ng bahagi sapagkat ang isang taong umiibig ay gumagawa nito nang may kabatiran, anupat kinikilala na siya at ang ibang mga tao na iniibig niya ay pawang may mga kahinaan at kaakit-akit na mga katangian. Ang talino ay lalo pang nasasangkot yamang may mga iniibig ang isang Kristiyano—kung minsan ay baka labag pa nga sa kaniyang likas na hangarin—dahil alam niya mula sa kaniyang pagbabasa ng Bibliya na ganoon ang nais ng Diyos na gawin niya. (Mateo 5:44; 1 Corinto 16:14) Gayunman, ang pag-ibig ay pangunahin nang nagmumula sa puso. Ang wagas na pag-ibig, gaya ng isinisiwalat sa Bibliya, ay hindi kailanman nasa isip lamang. Kalakip dito ang lubos na kataimtiman at ganap na pagkakasangkot ng damdamin.—1 Pedro 1:22.
4. Sa anong paraan isang matibay na bigkis ang pag-ibig?
4 Ang mga tao na likas na makasarili ay mahirap magkaroon ng isang tunay na maibiging pakikipag-ugnayan dahil ang isang taong umiibig ay nakahanda na unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa kaniyang sarili. (Filipos 2:2-4) Lalo nang totoo ang mga salita ni Jesus na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap” kapag ang pagbibigay ay isang gawa ng pag-ibig. (Gawa 20:35) Ang pag-ibig ay isang matibay na bigkis. (Colosas 3:14) Kadalasan ay kasangkot dito ang pagkakaibigan, ngunit ang mga bigkis ng pag-ibig ay mas matibay kaysa sa mga bigkis ng pagkakaibigan. Ang romantikong kaugnayan sa pagitan ng isang lalaki at ng kaniyang asawa ay inilalarawan kung minsan bilang pag-ibig; gayunman, ang pag-ibig na hinihimok ng Bibliya na linangin natin ay mas nagtatagal kaysa sa pisikal na pagkaakit. Kapag tunay na umiibig sa isa’t isa ang mag-asawa, nananatili silang magkasama kahit na ang pisikal na ugnayan ay hindi na posible dahil sa mga kapansanang dulot ng pagtanda o dahil ang isa sa kanila ay wala nang kakayahan.
Pag-ibig—Isang Napakahalagang Katangian
5. Bakit ang pag-ibig ay isang napakahalagang katangian para sa isang Kristiyano?
5 Bakit ang pag-ibig ay isang napakahalagang katangian para sa isang Kristiyano? Una, dahil inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ibigin ang isa’t isa. Sinabi niya: “Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, na ibigin ninyo ang isa’t isa.” (Juan 15:14, 17) Ikalawa, dahil si Jehova ang personipikasyon ng pag-ibig, at bilang kaniyang mga mananamba, dapat natin siyang tularan. (Efeso 5:1; 1 Juan 4:16) Sinasabi ng Bibliya na ang pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova at kay Jesus ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan. Paano natin masasabi na kilala natin ang Diyos kung hindi natin sinisikap na maging kagaya niya? Nangatuwiran si apostol Juan: “Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”—1 Juan 4:8.
6. Paano natitimbangan ng pag-ibig ang iba’t ibang aspekto ng ating buhay?
6 Mahalaga ang pag-ibig dahil sa ikatlong dahilan: Tinutulungan tayo nito na timbangin ang iba’t ibang aspekto ng ating buhay at nilalakipan nito ng mabuting motibo ang ating ginagawa. Halimbawa, mahalaga na patuloy na kumuha ng kaalaman sa Salita ng Diyos. Para sa isang Kristiyano, ang gayong kaalaman ay parang pagkain. Tumutulong ito sa kaniya na lumaki tungo sa pagkamaygulang at kumilos na kasuwato ng kalooban ng Diyos. (Awit 119:105; Mateo 4:4; 2 Timoteo 3:15, 16) Gayunman, nagbabala si Pablo: “Ang kaalaman ay nakapagpapalalo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay.” (1 Corinto 8:1) Wala namang masama sa tumpak na kaalaman. Nasa atin ang problema—mayroon tayong makasalanang mga hilig. (Genesis 8:21) Kapag wala ang katimbang na impluwensiya ng pag-ibig, maaaring gawing palalo ng kaalaman ang isang tao, anupat iisipin niya na mas magaling siya kaysa sa iba. Hindi iyon mangyayari kung siya ay pangunahin nang inuudyukan ng pag-ibig. “Ang pag-ibig . . . ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki.” (1 Corinto 13:4) Ang isang Kristiyano na inuudyukan ng pag-ibig ay hindi nagmamapuri, kahit na magkaroon siya ng malalim na kaalaman. Pinananatili siyang mapagpakumbaba ng pag-ibig at pinipigilan siya nito na magnais na gumawa ng pangalan para sa kaniyang sarili.—Awit 138:6; Santiago 4:6.
7, 8. Paano tayo tinutulungan ng pag-ibig na magtuon ng pansin sa mas mahahalagang bagay?
7 Sumulat si Pablo sa mga taga-Filipos: “Ito ang patuloy kong ipinapanalangin, na ang inyong pag-ibig ay managana nawa nang higit at higit pa na may tumpak na kaalaman at lubos na kaunawaan; upang matiyak ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.” (Filipos 1:9, 10) Tutulong sa atin ang Kristiyanong pag-ibig upang masunod ang pampasiglang ito na tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga. Bilang halimbawa, isaalang-alang ang mga salita ni Pablo kay Timoteo: “Kung ang sinumang lalaki ay umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa, siya ay nagnanasa ng isang mainam na gawa.” (1 Timoteo 3:1) Noong 2000 taon ng paglilingkod, ang bilang ng mga kongregasyon sa buong daigdig ay dumami ng 1,502, anupat umabot sa bagong kabuuang bilang na 91,487. Kaya naman, may malaking pangangailangan para sa mas marami pang matatanda, at yaong mga umaabot sa pribilehiyong ito ay dapat na papurihan.
8 Gayunman, mapananatili niyaong mga umaabot sa mga pribilehiyo ng pangangasiwa ang mahusay na pagkatimbang kung lagi nilang tatandaan ang layunin ng gayong pribilehiyo. Ang basta pagkakaroon lamang ng awtoridad o ng higit na katanyagan ay hindi siyang mahalaga. Ang mga matatanda na kalugud-lugod kay Jehova ay inuudyukan ng pag-ibig para sa kaniya at sa kanilang mga kapatid. Hindi sila naghahangad ng katanyagan o impluwensiya. Matapos payuhan ang mga matatanda sa kongregasyon na panatilihin ang isang mabuting saloobin, idiniin ni apostol Pedro ang pangangailangang magkaroon ng “kababaan ng pag-iisip.” Pinayuhan niya ang lahat sa kongregasyon: “Magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos.” (1 Pedro 5:1-6) Para sa sinumang nagsisikap na makaabot, makabubuting isaalang-alang ang halimbawa ng di-mabilang na matatanda sa buong daigdig na masisipag, mapagpakumbaba, at dahil dito ay isang pagpapala sa kani-kanilang kongregasyon.—Hebreo 13:7.
Ang Mabuting Motibo ay Tumutulong sa Atin na Magbata
9. Bakit iniingatan ng mga Kristiyano sa isipan ang mga pagpapalang ipinangako ni Jehova?
9 Ang kahalagahan ng pagiging nauudyukan ng pag-ibig ay makikita sa isa pang paraan. Sa mga nagtataguyod ng makadiyos na debosyon dahil sa pag-ibig, ang Bibliya ay nangangako ng saganang pagpapala ngayon at ng di-malirip na kamangha-manghang mga pagpapala sa hinaharap. (1 Timoteo 4:8) Ang isang Kristiyano na may matibay na paniniwala sa mga pangakong ito at kumbinsido na si Jehova ang “nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya” ay natutulungan na tumayong matatag sa pananampalataya. (Hebreo 11:6) Karamihan sa atin ay umaasam sa katuparan ng mga pangako ng Diyos at nagpapahayag sa nadama ni apostol Juan: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.” (Apocalipsis 22:20) Oo, ang pagbubulay-bulay sa nakalaang mga pagpapala kung tayo ay tapat ay nagpapalakas sa atin upang makapagbata, kung paanong ang laging pag-iisip “sa kagalakang inilagay sa harap niya” ay tumulong kay Jesus upang magbata.—Hebreo 12:1, 2.
10, 11. Paano tayo natutulungang magbata kapag nauudyukan ng pag-ibig?
10 Subalit paano kung ang tanging motibo natin sa paglilingkod kay Jehova ay ang ating pagnanais na mabuhay sa bagong sanlibutan? Kung gayon ay madali tayong maiinip o masisiphayo kapag naging mahirap harapin ang mga bagay-bagay o kapag ang mga pangyayari ay hindi naganap ayon sa o sa panahon na ating inaasahan. Maaaring tayo ay lubhang manganib na maanod papalayo. (Hebreo 2:1; 3:12) Binanggit ni Pablo ang isang dating kasamahan na nagngangalang Demas, na nagpabaya sa kaniya. Bakit? Sa dahilang “inibig niya ang kasalukuyang sistema ng mga bagay.” (2 Timoteo 4:10) Sinumang naglilingkod dahil lamang sa makasariling mga dahilan ay nanganganib na makagawa rin ng gayon. Maaari silang maakit ng dagliang mga pagkakataon na iniaalok sa sanlibutan at maging di-handa na magsakripisyo ngayon taglay ang pag-asang magtamo ng mga pagpapalang darating.
11 Bagaman wasto at likas lamang na magkaroon ng hangaring tumanggap ng mga pagpapala sa hinaharap at ng inaasam na kaginhawahan mula sa mga pagsubok, pinatitibay ng pag-ibig ang ating pagpapahalaga sa kung ano ang dapat na maging pangunahin sa ating buhay. Ang mahalaga ay ang kalooban ni Jehova, hindi ang sa atin. (Lucas 22:41, 42) Oo, pinatitibay tayo ng pag-ibig. Pinangyayari nito na makontento tayo sa matiyagang paghihintay sa ating Diyos, anupat nasisiyahan sa anumang pagpapala na ibinibigay niya at nagtitiwala na sa kaniyang takdang panahon ay tatanggapin natin ang lahat ng bagay na kaniyang ipinangako—at higit pa roon. (Awit 145:16; 2 Corinto 12:8, 9) Samantala, tinutulungan tayo ng pag-ibig na magpatuloy sa di-makasariling paglilingkod sapagkat “ang pag-ibig ay . . . hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.”—1 Corinto 13:4, 5.
Sino ang Dapat Ibigin ng mga Kristiyano?
12. Ayon kay Jesus, sino ang dapat nating ibigin?
12 Nagbigay si Jesus ng pangkalahatang tuntunin hinggil sa kung sino ang dapat nating ibigin nang sipiin niya ang dalawang pangungusap mula sa Kautusang Mosaiko. Sinabi niya: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip” at, “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—Mateo 22:37-39.
13. Paano natin matututuhang ibigin si Jehova, bagaman hindi natin siya nakikita?
13 Mula sa mga salita ni Jesus, maliwanag na una sa lahat ay dapat nating ibigin si Jehova. Subalit hindi tayo isinilang na may ganap na pag-ibig kay Jehova. Iyan ay isang bagay na kailangang linangin natin. Nang una nating marinig ang tungkol sa kaniya, naakit tayo sa kaniya dahil sa ating narinig. Unti-unti, natutuhan natin kung paano niya inihanda ang lupa para sa sangkatauhan. (Genesis 2:5-23) Natutuhan natin kung paano siya nakitungo sa sangkatauhan, anupat hindi niya tayo pinabayaan nang unang pumasok ang kasalanan sa pamilya ng tao, kundi gumawa siya ng mga hakbang upang tubusin tayo. (Genesis 3:1-5, 15) Nakitungo siya nang may kabaitan sa mga tapat, at nang dakong huli ay inilaan niya ang kaniyang bugtong na Anak para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. (Juan 3:16, 36) Ang pagsulong na ito sa kaalaman ang siyang nagpalaki ng ating pagpapahalaga kay Jehova. (Isaias 25:1) Sinabi ni Haring David na inibig niya si Jehova dahil sa Kaniyang maibiging pangangalaga. (Awit 116:1-9) Sa ngayon, pinangangalagaan tayo ni Jehova, pinapatnubayan tayo, pinalalakas tayo, at pinasisigla tayo. Habang dumarami ang ating natututuhan tungkol sa kaniya, lalong sumisidhi ang ating pag-ibig.—Awit 31:23; Zefanias 3:17; Roma 8:28.
Paano Natin Maipakikita ang Ating Pag-ibig?
14. Sa anong paraan natin maipakikita na wagas ang ating pag-ibig sa Diyos?
14 Sabihin pa, maraming tao sa daigdig ang nagsasabi na iniibig nila ang Diyos, subalit pinasisinungalingan ng kanilang kilos ang kanilang pag-aangkin. Paano natin malalaman na talagang iniibig natin si Jehova? Maaari natin siyang kausapin sa panalangin at sabihin sa kaniya ang ating nadarama. At maaari tayong kumilos sa paraang magpapamalas ng ating pag-ibig. Sinabi ni apostol Juan: “Sinuman na tumutupad sa salita [ng Diyos], tunay na sa taong ito ay pinasakdal na ang pag-ibig sa Diyos. Sa ganito natin taglay ang kaalaman na tayo ay kaisa niya.” (1 Juan 2:5; 5:3) Bukod sa iba pang mga bagay, sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na magtipong sama-sama at mamuhay nang malinis at may magandang asal. Iniiwasan natin ang pagpapaimbabaw, sinasalita ang katotohanan, at pinananatiling malinis ang ating isipan. (2 Corinto 7:1; Efeso 4:15; 1 Timoteo 1:5; Hebreo 10:23-25) Nagpapakita tayo ng pag-ibig sa pamamagitan ng pagbibigay ng materyal na tulong sa mga nangangailangan. (1 Juan 3:17, 18) At hindi tayo nag-aatubiling sabihin sa iba ang tungkol kay Jehova. Kasali riyan ang pakikibahagi sa pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 24:14; Roma 10:10) Ang pagsunod sa Salita ng Diyos hinggil sa gayong mga bagay ay katunayan na wagas ang ating pag-ibig kay Jehova.
15, 16. Paanong ang pag-ibig kay Jehova ay nakaapekto sa buhay ng marami nitong nakaraang taon?
15 Ang pag-ibig kay Jehova ay tumutulong sa mga tao na gumawa ng mabubuting pasiya. Nitong nakaraang taon, pinakilos ng gayong pag-ibig ang 288,907 indibiduwal na ialay sa kaniya ang kanilang buhay at sagisagan ang pasiyang iyon sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. (Mateo 28:19, 20) Makahulugan ang kanilang pag-aalay. Tanda iyon ng pagbabago sa kanilang buhay. Halimbawa, si Gazmend ay isa sa mga nangungunang sikat na manlalaro ng basketball sa Albania. Sa loob ng ilang taon, silang mag-asawa ay nag-aral ng Bibliya at sa kabila ng mga hadlang ay naging kuwalipikado nang dakong huli bilang mga mamamahayag ng Kaharian. Nitong nakaraang taon, nabautismuhan si Gazmend, isa sa 366 na nabautismuhan sa Albania sa 2000 taon ng paglilingkod. Isang pahayagan ang naglathala ng isang artikulo tungkol sa kaniya at nagsabi: “Ang kaniyang buhay ay may layunin, at dahil dito, tinatamasa niya at ng kaniyang pamilya ang pinakamaliligayang araw ng kanilang buhay. Para sa kaniya, hindi na mahalagang makita kung gaano ang kaniyang mapapakinabangan sa buhay kundi, sa halip, kung gaano ang kaniyang maibibigay upang matulungan ang ibang tao.”
16 Gayundin naman, isang kababautismong kapatid na babae na nagtatrabaho sa isang kompanya ng langis sa Guam ang nakatanggap ng nakatutuksong alok. Matapos marating ang mataas na posisyon sa loob ng maraming taon, sa wakas ay inialok sa kaniya ang pagkakataon na maging ang kauna-unahang babaing bise-presidente sa kasaysayan ng kompanya. Subalit naialay na niya noon ang kaniyang buhay kay Jehova. Kaya matapos ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa kaniyang asawa, tinanggihan ng bagong kapatid ang alok at sa halip ay nagsaayos ng part-time na trabaho para sumulong siya tungo sa pagiging isang buong-panahong ministro, isang payunir. Ang pag-ibig kay Jehova ang nag-udyok sa kaniya na magnais na paglingkuran siya bilang isang payunir sa halip na itaguyod ang pinansiyal na mga kapakanan ng sanlibutang ito. Sa katunayan, sa buong daigdig, ang gayong pag-ibig ang nagpakilos sa 805,205 na makibahagi sa iba’t ibang pitak ng ministeryong pagpapayunir noong 2000 taon ng paglilingkod. Kay laking kapahayagan ng pag-ibig at pananampalataya ang nagawa ng mga payunir na iyon!
Pinakilos na Ibigin si Jesus
17. Anong mainam na halimbawa ng pag-ibig ang nakikita natin kay Jesus?
17 Si Jesus ay isang napakagandang halimbawa ng isa na naudyukan ng pag-ibig. Sa kaniyang pag-iral bago naging tao, inibig niya ang kaniyang Ama at inibig niya ang sangkatauhan. Bilang ang personipikasyon ng karunungan, sinabi niya: ‘Nasa piling ako [ni Jehova] bilang isang dalubhasang manggagawa, at ako ang siyang lubhang kinagigiliwan niya araw-araw, at ako ay nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon, na nagagalak sa mabungang lupain ng kaniyang lupa, at ang mga kinagigiliwan ko ay nasa mga anak ng mga tao.’ (Kawikaan 8:30, 31) Pinakilos si Jesus ng kaniyang pag-ibig upang iwan ang kaniyang makalangit na tahanan at isilang bilang isang walang-kakayahang sanggol. Matiisin at mabait siyang nakitungo sa maaamo at maralita at nagdusa siya sa mga kamay ng mga kaaway ni Jehova. Sa wakas, namatay siya sa isang pahirapang tulos alang-alang sa buong sangkatauhan. (Juan 3:35; 14:30, 31; 15:12, 13; Filipos 2:5-11) Kay inam na halimbawa ng isa na naudyukan nang wasto!
18. (a) Paano natin nalilinang ang pag-ibig kay Jesus? (b) Sa anong paraan natin maipamamalas na iniibig natin si Jesus?
18 Kapag binasa niyaong mga may tamang kalagayan ng puso ang mga salaysay ng buhay ni Jesus sa mga Ebanghelyo at binulay-bulay kung gaano karaming pagpapala ang naidulot sa kanila ng kaniyang tapat na landasin, nagiging sanhi ito upang umusbong sa kanila ang matimyas na pag-ibig sa kaniya. Tayo sa ngayon ay kagaya niyaong mga kausap ni Pedro nang sabihin niya: ‘Bagaman hindi ninyo nakita [si Jesus], iniibig ninyo siya.’ (1 Pedro 1:8) Ipinakikita natin ang ating pag-ibig kapag nananampalataya tayo sa kaniya at tinutularan natin ang kaniyang mapagsakripisyo-sa-sariling buhay. (1 Corinto 11:1; 1 Tesalonica 1:6; 1 Pedro 2:21-25) Noong Abril 19, 2000, isang kabuuang bilang na 14,872,086 ang napaalalahanan tungkol sa ating mga dahilan upang ibigin si Jesus nang daluhan nila ang taunang Memoryal ng kaniyang kamatayan. Kay laki ngang bilang niyaon! At tunay na nakapagpapalakas na malaman na napakarami ang interesado sa kaligtasang dulot ng hain ni Jesus! Tunay na napatibay tayo ng pag-ibig ni Jehova at ni Jesus sa atin at ng ating pag-ibig sa kanila.
19. Anong mga tanong tungkol sa pag-ibig ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Sinabi ni Jesus na dapat nating ibigin si Jehova nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. Subalit sinabi rin niya na dapat nating ibigin ang ating kapuwa na gaya ng ating sarili. (Marcos 12:29-31) Sinu-sino ang kasama riyan? At paanong ang pag-ibig sa kapuwa ay tumutulong sa atin na mapanatili ang mahusay na pagkatimbang at ang tamang motibo? Tatalakayin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit isang mahalagang katangian ang pag-ibig?
• Paano natin matututuhang ibigin si Jehova?
• Paano pinatutunayan ng ating paggawi na iniibig natin si Jehova?
• Paano natin naipamamalas ang ating pag-ibig kay Jesus?
[Mga larawan sa pahina 10, 11]
Tinutulungan tayo ng pag-ibig na matiyagang hintayin ang kaginhawahan
[Larawan sa pahina 12]
Ang napakalaking sakripisyo ni Jesus ay nagpapakilos sa atin na ibigin siya