KABANATA 14
Maging Matapat sa Lahat ng Bagay
“Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”—HEBREO 13:18.
1, 2. Bakit natutuwa si Jehova kapag nakikita niyang nagsisikap tayong maging matapat? Ilarawan.
PAALIS na sa tindahan ang isang ina at ang kaniyang maliit na anak na lalaki. Biglang huminto ang bata na namumutla. Hawak niya ang isang maliit na laruan na dinampot niya sa tindahan. Nalimutan niya itong ibalik o tanungin ang kaniyang nanay kung puwede ba nila itong bilhin. Takot na takot siya at sinabi niya ito sa kaniyang ina. Pinakalma siya ng kaniyang ina at sinamahan siya pabalik sa tindahan para isauli niya ang laruan at humingi ng paumanhin. Habang ginagawa ito ng bata, tuwang-tuwa ang nanay. Bakit?
2 Talagang nakapagpapasaya sa mga magulang na makitang natututuhan ng kanilang anak ang kahalagahan ng pagkamatapat. At ganiyan din ang nadarama ng ating makalangit na Ama, ang “Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Habang pinagmamasdan niya ang ating pagsulong sa espirituwal na pagkamaygulang, natutuwa siyang makita na nagsisikap tayong maging matapat. Dahil gusto natin siyang mapasaya at manatili sa kaniyang pag-ibig, masasabi rin natin ang damdaming ipinahayag ni apostol Pablo: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Magtuon tayo ng pansin sa apat na mahahalagang pitak ng buhay kung saan maaaring maging hamon sa atin kung minsan ang pagkamatapat. Pagkatapos ay isasaalang-alang natin ang ilan sa mga pagpapalang idinudulot nito.
PAGKAMATAPAT SA ATING SARILI
3-5. (a) Paano tayo binabalaan ng Salita ng Diyos tungkol sa mga panganib ng panlilinlang sa sarili? (b) Ano ang tutulong sa atin na maging matapat sa ating sarili?
3 Ang unang hamon sa atin ay maging matapat sa ating sarili. Napakadali para sa ating mga di-sakdal na tao na linlangin ang ating sarili. Halimbawa, sinabi ni Jesus sa mga Kristiyano sa Laodicea na nilinlang nila ang kanilang sarili sa pag-iisip na mayaman sila gayong ang totoo, sila ay “dukha at bulag at hubad” sa espirituwal—isang kalagayan na talagang kahabag-habag. (Apocalipsis 3:17) Lalo lamang silang nalagay sa panganib dahil sa kanilang panlilinlang sa sarili.
4 Natatandaan mo rin siguro na nagbabala ang alagad na si Santiago: “Kung inaakala ng isang tao na siya ay isang pormal na mananamba at gayunma’y hindi nirerendahan ang kaniyang dila, kundi patuloy na nililinlang ang kaniyang sariling puso, ang anyo ng pagsamba ng taong ito ay walang saysay.” (Santiago 1:26) Kung iniisip nating magagamit natin sa maling paraan ang ating dila at magiging katanggap-tanggap pa rin kay Jehova ang ating pagsamba, nililinlang lamang natin ang ating sarili. Mawawalang-saysay at masasayang lamang ang ating pagsamba kay Jehova. Paano tayo makaiiwas sa kapaha-pahamak na landasing iyon?
5 Sa kabanata ring iyon, inihalintulad ni Santiago ang katotohanan ng salita ng Diyos sa isang salamin. Pinapayuhan niya tayong magmasid sa sakdal na kautusan ng Diyos at gumawa ng kinakailangang mga pagbabago. (Santiago 1:23-25) Makatutulong din ang Bibliya para maging matapat tayo sa ating sarili at makita kung ano ang kailangan nating pasulungin. (Panaghoy 3:40; Hagai 1:5) Maaari din tayong manalangin kay Jehova at hilingin sa kaniya na suriin tayo, anupat tinutulungan tayong makita at maituwid ang anumang malulubhang kapintasan. (Awit 139:23, 24) Ang pagiging di-matapat ay isang kahinaang karaniwan nang hindi namamalayan, at kailangan nating tularan ang pananaw ng ating makalangit na Ama hinggil dito. Sinasabi ng Kawikaan 3:32: “Sapagkat ang taong mapanlinlang ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang Kaniyang matalik na pakikipag-ugnayan ay sa mga matuwid.” Matutulungan tayo ni Jehova na madama ang kaniyang nadarama at makita ang ating sarili ayon sa kaniyang nakikita sa atin. Tandaan na sinabi ni Pablo: “Nais naming gumawi nang matapat.” Hindi pa tayo sakdal ngayon, pero taimtim nating sinisikap at marubdob na hinahangad na maging matapat.
PAGKAMATAPAT SA LOOB NG PAMILYA
6. Bakit kailangang maging matapat sa isa’t isa ang mag-asawa, at anong mga panganib ang naiiwasan nila dahil dito?
6 Ang pagkamatapat ay dapat na maging pagkakakilanlan ng pamilyang Kristiyano. Kung gayon, dapat na maging matapat sa isa’t isa ang mag-asawa. Dapat iwasan ng mga may-asawang Kristiyano ang nakasasakit at maruruming gawain gaya ng pakikipagligaw-biro sa hindi nila asawa, lihim na pakikipagrelasyon sa pamamagitan ng Internet, o paggamit ng anumang anyo ng pornograpya. Ang ilang may-asawang Kristiyano ay gumagawa ng ganitong mga bagay at inililihim ito sa kanilang walang kamalay-malay na asawa. Ang paggawa nito ay kawalang-katapatan. Pansinin ang mga salita ng tapat na si Haring David: “Hindi ako umupong kasama ng mga taong bulaan; at hindi ako pumapasok na kasama ng mga mapagpakunwari.” (Awit 26:4) Kung ikaw ay may-asawa, huwag na huwag kang gagawa ng bagay na magtutulak sa iyo na itago sa asawa mo kung ano ka talaga!
7, 8. Anong mga halimbawa sa Bibliya ang tutulong sa mga anak na matutuhan ang kahalagahan ng pagkamatapat?
7 Sa pagtuturo ng kahalagahan ng pagkamatapat sa kanilang mga anak, isang katalinuhan na gamitin ng mga magulang ang mga halimbawa sa Bibliya. Maaari nilang banggitin ang mga ulat hinggil sa mga di-matapat, gaya ni Acan, na nagnakaw at nagtangkang ilihim ito; ni Gehazi, na nagsinungaling para sa materyal na pakinabang; at ni Hudas, na nagnakaw at nagsinungaling para ipahamak si Jesus.—Josue 6:17-19; 7:11-25; 2 Hari 5:14-16, 20-27; Mateo 26:14, 15; Juan 12:6.
8 Sa kabilang dako naman, maaari nilang banggitin ang halimbawa ng mga naging matapat, gaya ni Jacob, na humimok sa kaniyang mga anak na lalaki na isauli ang salapi na iniisip niyang baka di-sinasadyang nailagay sa kanilang mga supot ng pagkain; ni Jepte at ng kaniyang anak na babae, na tumupad sa ipinanata ng kaniyang ama sa kabila ng malaking sakripisyo; at ni Jesus, na buong-tapang na nagpakilala sa harap ng mararahas na mang-uumog para matupad ang hula at maprotektahan ang kaniyang mga kaibigan. (Genesis 43:12; Hukom 11:30-40; Juan 18:3-11) Ang ilang halimbawang ito ay maaaring magbigay ng ideya sa mga magulang hinggil sa mahahalagang impormasyong makikita sa Salita ng Diyos na tutulong sa kanila na maituro sa kanilang mga anak na ibigin at pahalagahan ang pagkamatapat.
9. Ano ang dapat iwasan ng mga magulang kung gusto nilang maging halimbawa ng pagkamatapat sa kanilang mga anak, at bakit mahalaga ang gayong halimbawa?
9 Pananagutan ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak. Nagtanong si apostol Pablo: “Gayunman, ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili? Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnakaw,’ nagnanakaw ka ba?” (Roma 2:21) Nalilito ang mga anak kapag itinuturo ng kanilang mga magulang ang pagkamatapat samantalang kabaligtaran naman ang nakikita nilang ginagawa ng kanilang mga magulang. Baka para sa mga magulang, maliit na bagay lamang ang pang-uumit at kaunting pagsisinungaling anupat sinasabing “Huwag kang mag-alala, bale-wala naman sa may-ari kung may kumuha nito” o “Okey lang ang kaunting pagsisinungaling. Walang masama ’dun.” Ngunit ang totoo, ang pagnanakaw ay pagnanakaw, gaanuman kaliit ang halaga ng ninakaw, at ang pagsisinungaling ay pagsisinungaling, tungkol saan man ito o gaanuman ito kaliit.a (Lucas 16:10) Madaling mahalata ng mga bata ang pagpapaimbabaw at maaari itong makasamâ sa kanila. (Efeso 6:4) Gayunman, kapag natuto sila ng pagkamatapat mula sa halimbawa ng kanilang mga magulang, malamang na lumaki silang lumuluwalhati kay Jehova sa gitna ng di-matapat na sanlibutang ito.—Kawikaan 22:6.
PAGKAMATAPAT SA LOOB NG KONGREGASYON
10. May kinalaman sa karaniwang kuwentuhan ng magkakapananampalataya, anong pag-iingat ang dapat nating tandaan?
10 Ang pakikipagsamahan sa mga kapuwa Kristiyano ay nagbibigay sa atin ng maraming pagkakataon para malinang ang pagkamatapat. Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 12, kailangan nating maging maingat sa paggamit ng ating kakayahang magsalita, lalung-lalo na sa ating mga kapatid sa espirituwal. Ang karaniwang kuwentuhan ay napakadaling mauwi sa nakapipinsalang tsismis o paninirang-puri pa nga! Kung sasabihin natin sa iba ang isang kuwentong hindi naman natin tiyak kung totoo, maaaring nagkakalat tayo ng kasinungalingan, kaya mas makabubuting supilin natin ang ating mga labi. (Kawikaan 10:19) Sa kabilang dako naman, maaaring may alam tayong totoong kuwento, pero hindi ito nangangahulugang dapat na itong ikuwento sa iba. Halimbawa, maaaring wala naman tayong kinalaman sa bagay na iyon, o baka hindi ito magandang pag-usapan. (1 Tesalonica 4:11) Ipinagmamatuwid ng ilan ang kagaspangan anupat ikinakatuwirang pagsasabi lamang ito ng totoo, pero ang ating pananalita ay dapat na laging magandang-loob at mabait.—Colosas 4:6.
11, 12. (a) Sa anong paraan pinalalala ng ilang nakagawa ng malubhang pagkakamali ang kanilang problema? (b) Ano ang ilan sa mga kasinungalingang itinataguyod ni Satanas hinggil sa malulubhang kasalanan, at paano natin maaaring mapaglabanan ang mga ito? (c) Paano natin maipapakitang matapat tayo sa organisasyon ni Jehova?
11 Lalo nang mahalaga na maging matapat tayo sa mga nangunguna sa kongregasyon. Pinalalala ng ilang nakagawa ng malulubhang pagkakamali ang kanilang problema sa pamamagitan ng paglilihim ng kanilang kasalanan at pagsisinungaling sa matatanda kapag tinatanong sila tungkol dito. Nagsisimula pa nga silang magkaroon ng dobleng pamumuhay, anupat kunwa’y naglilingkod kay Jehova pero patuloy naman sa paggawa ng malubhang pagkakasala. Sa diwa, nabubuhay sila sa kasinungalingan. (Awit 12:2) Ang iba naman ay hindi nagsasabi ng buong katotohanan sa matatanda. (Gawa 5:1-11) Ang gayong paggawi ay kadalasan nang resulta ng paniniwala sa mga kasinungalingang itinataguyod ni Satanas.—Tingnan ang kahong “Mga Kasinungalingan ni Satanas Hinggil sa Malulubhang Kasalanan.”
12 Mahalaga ring maging matapat sa organisasyon ni Jehova kapag may pinupunan na mga form. Halimbawa, kapag iniuulat natin ang ating nagawa sa ministeryo, isinusulat lamang natin kung ano ang totoo. Gayundin, kapag may pinupunan tayong aplikasyon para sa ilang pribilehiyo ng paglilingkuran, dapat na hindi tayo magsinungaling tungkol sa totoong kalagayan ng ating kalusugan o hinggil sa iba pang personal na impormasyon.—Kawikaan 6:16-19.
13. Paano tayo mananatiling matapat kung mayroon tayong ugnayang pangnegosyo sa isang kapananampalataya?
13 Ang ating pagkamatapat sa mga kapananampalataya ay dapat ding makita pagdating sa negosyo. May mga pagkakataong nagkakasama sa negosyo ang mga kapatid na Kristiyano. Dapat silang mag-ingat na huwag isabay ang pag-aasikaso ng kanilang negosyo sa panahon ng kanilang espirituwal na mga gawain sa Kingdom Hall o sa ministeryo. Maaaring ang ugnayang pangnegosyo ay bilang amo at empleado. Kung kukuha tayo ng mga kapatid para maging empleado, tiyakin nating pinakikitunguhan natin sila nang matapat at sinusuwelduhan sila sa tamang panahon at sa halagang pinag-usapan, kasama na ang mga benepisyong hinihiling ng batas. (1 Timoteo 5:18; Santiago 5:1-4) Kung tayo naman ay empleado ng isang kapatid, dapat nating ipakita sa ating pagtatrabaho na sulit ang ipinasusuweldo niya sa atin. (2 Tesalonica 3:10) Hindi tayo umaasa ng espesyal na pakikitungo dahil sa ating espirituwal na ugnayan na para bang obligasyon ng ating amo na magbigay ng bakasyon, benepisyo, o iba pang pakinabang na hindi ibinibigay sa ibang mga empleado.—Efeso 6:5-8.
14. Kapag magkakasosyo sa negosyo ang mga Kristiyano, anong pag-iingat ang may-katalinuhan nilang ginagawa, at bakit?
14 Paano kung may kasosyo ka sa negosyo, marahil ay namuhunan o nangutang kayo? Nagbibigay ang Bibliya ng mahalaga at praktikal na simulain: Gumawa ng kasulatan! Halimbawa, nang bumili ng lote si Jeremias, gumawa siya ng kasulatan, gumawa ng kopya nito, kumuha siya ng mga saksi, at maingat na itinago ang dokumento para gawing batayan sa hinaharap. (Jeremias 32:9-12; tingnan din ang Genesis 23:16-20.) Kapag nakikipagnegosyo sa mga kapananampalataya, hindi nangangahulugan ng kawalan ng tiwala ang paglalagay ng lahat ng detalye sa isang dokumento na maingat na inihanda, pinirmahan, at sinaksihan. Sa halip, nakatutulong ito na maiwasang bumangon ang di-pagkakaunawaan, kabiguan, at maging ang pagtatalu-talo na maaaring humantong sa pagkakabaha-bahagi. Dapat tandaan ng sinumang Kristiyanong nakikipagnegosyo sa iba pang Kristiyano na hindi sulit isapanganib ang pagkakaisa at kapayapaan ng kongregasyon dahil lamang sa negosyo.b—1 Corinto 6:1-8.
PAGKAMATAPAT SA PAKIKITUNGO SA MGA TAGA-SANLIBUTAN
15. Ano ang nadarama ni Jehova tungkol sa di-matapat na mga gawain sa negosyo, at ano ang pananaw ng mga Kristiyano sa gayong kalakaran?
15 Ang pagkamatapat ng isang Kristiyano ay hindi lamang sa loob ng kongregasyon. Sinabi ni Pablo: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Pagdating sa negosyo, nais ng ating Maylalang na maging matapat ang mga tao. Sa aklat pa lamang ng Mga Kawikaan, apat na beses nang ipinahiwatig na ayaw ni Jehova ng madayang timbangan. (Kawikaan 11:1; 16:11; 20:10, 23) Noong sinaunang panahon, karaniwan nang gumagamit ng mga timbangan at panimbang sa mga transaksiyon sa negosyo ang mga tao para matimbang ang biniling paninda at ang salaping ipinambili rito. Gumagamit ang mga di-matapat na mangangalakal ng dalawang klaseng batong panimbang at isang madayang timbangan para maisahan ang kanilang mámimíli.c Kinamumuhian ni Jehova ang gayong mga gawain! Para manatili sa kaniyang pag-ibig, lubusan nating iniiwasan ang lahat ng di-matapat na mga gawain sa negosyo.
16, 17. Anong anyo ng pagiging di-matapat ang karaniwan sa sanlibutan sa ngayon, at ano ang determinadong gawin ng mga tunay na Kristiyano?
16 Dahil si Satanas ang tagapamahala ng sanlibutang ito, hindi tayo nagtataka kung bakit laganap ang kawalang-katapatan. Araw-araw tayong napapaharap sa tukso na maging di-matapat. Kapag gumagawa ang mga tao ng résumé para mag-aplay sa trabaho, pangkaraniwan na lamang ang panlilinlang, anupat nag-iimbento sila ng mga kredensiyal at nagsisinungaling hinggil sa kanilang karanasan sa trabaho. Kapag pinupunan ng mga tao ang mga form para sa imigrasyon, pagbubuwis, seguro, at iba pa, karaniwan nang hindi totoo ang isinusulat nila para makuha ang kanilang gusto. Maraming estudyante ang nandaraya sa kanilang mga pagsusulit. Kapag gumagawa naman ang iba ng mga sulatin at report, kumokopya na lamang sila sa Internet at sinasabing gawa nila iyon. At kapag nakikipagnegosasyon ang mga tao sa tiwaling mga opisyal, kadalasan nang sinusuhulan nila ito para makuha ang kanilang gusto. Inaasahan na natin ang ganitong paggawi sa isang sanlibutan na napakaraming “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . mga walang pag-ibig sa kabutihan.”—2 Timoteo 3:1-5.
17 Determinado ang mga tunay na Kristiyano na huwag makibahagi sa alinman sa mga gawaing ito. Nagiging hamon kung minsan ang pagkamatapat dahil yaong mga di-matapat ang siya pang waring nagtatagumpay at nakalalamang pa nga sa sanlibutan sa ngayon. (Awit 73:1-8) Samantalang ang mga Kristiyano naman ay maaaring naghihirap dahil gusto nilang manatiling matapat “sa lahat ng bagay.” Sulit ba ang pagsasakripisyong ito? Oo naman! Bakit? Ano ba ang mga pagpapala ng matapat na paggawi?
MGA PAGPAPALA NG PAGIGING MATAPAT
18. Bakit napakahalagang magkaroon ng reputasyon bilang matapat na tao?
18 Sa buhay ng tao, talagang napakahalaga ng pagkakaroon ng reputasyon bilang matapat at mapagkakatiwalaang tao. (Tingnan ang kahong “Matapat ba Ako sa Lahat ng Pagkakataon?”) At isipin ito—sinuman ay maaaring magkaroon ng ganitong reputasyon! Hindi ito nakadepende sa iyong talino, kayamanan, hitsura, kalagayan sa lipunan, o sa iba pang mga bagay na wala kang kontrol. Gayunpaman, marami ang bigong magkaroon ng mabuting reputasyon. Bibihira lamang ito. (Mikas 7:2) Maaaring tuyain ka ng ilan dahil sa pagiging matapat, pero pahahalagahan ka naman ng iba dahil dito, at bilang resulta, pagkakatiwalaan ka nila at igagalang. Maraming Saksi ni Jehova ang nakinabang pa nga sa pinansiyal na paraan dahil sa kanilang pagkamatapat. Kapag nagtatanggal ng mga di-matapat na empleado, pinananatili sa trabaho ang mga Saksi, o kapag kailangang-kailangan ng matapat na mga empleado, sila ang kinukuha.
19. Paano nakaaapekto sa ating budhi at kaugnayan kay Jehova ang pagkamatapat?
19 Nangyayari man iyan sa iyo o hindi, ang pagkamatapat ay nagdudulot ng iba pang pagpapala. Makikinabang ka sa pagkakaroon ng malinis na budhi. Sumulat si Pablo: “Nagtitiwala kami na kami ay may matapat na budhi.” (Hebreo 13:18) Karagdagan pa, ang iyong reputasyon ay nakikita ng ating maibiging makalangit na Ama, at mahal niya ang matapat na mga tao. (Awit 15:1, 2; Kawikaan 22:1) Oo, makatutulong sa iyo ang pagiging matapat para manatili sa pag-ibig ng Diyos, at iyan ang pinakamahalagang pagpapala na matatanggap natin. Isasaalang-alang natin sa susunod na kabanata ang isang kaugnay na paksa: ang pananaw ni Jehova hinggil sa trabaho.
a Sa loob ng kongregasyon, ang paninirang-puri—na may malinaw na intensiyong makasakit ng iba—ay maaaring aksiyunan ng isang hudisyal na komite.
b Hinggil sa mga dapat gawin kung sakaling may bumangong problema sa isang negosyo, tingnan ang Apendise, sa artikulong “Paglutas sa mga Di-pagkakasundo sa Negosyo.”
c Upang makapanlamang, magkaiba ang batong panimbang na ginagamit nila sa pamimili at sa pagtitinda. Maaaring gumagamit din sila ng madayang timbangan. Marahil, ang isang dulo ng pinakabraso nito ay mas mahaba o mas mabigat kaysa sa kabilang dulo para madaya nila ang kanilang mámimíli sa anumang transaksiyon.