KABANATA 15
Magdudulot ng Kasiyahan ang Iyong Pagpapagal
‘Ang bawat tao ay magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal.’—ECLESIASTES 3:13.
1-3. (a) Ano ang pananaw ng maraming tao tungkol sa kanilang trabaho? (b) Anong pananaw sa trabaho ang itinataguyod ng Bibliya, at anu-anong tanong ang tatalakayin natin sa kabanatang ito?
PARA sa maraming tao sa ngayon, ang pagtatrabaho ay nakababagot. Dahil sa mahahabang oras na ginugugol nila sa isang trabahong hindi nila gusto, itinuturing nilang parusa ang pagpasok sa trabaho araw-araw. Paano kaya mauudyukan ang mga taong ito na magustuhan ang kanilang trabaho—at masiyahan pa nga rito?
2 Pinasisigla ng Bibliya ang mga tao na magkaroon ng positibong pananaw sa pagpapagal. Sinasabi rito na ang trabaho at ang mga resulta nito ay isang pagpapala. Isinulat ni Solomon: “Ang bawat tao . . . ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan [o “kasiyahan,” Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino] dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.” (Eclesiastes 3:13) Dahil iniibig tayo ni Jehova at lagi siyang interesado sa ating kapakanan, nais niyang masiyahan tayo sa trabaho natin at sa resulta ng ating pinagpagalan. Para manatili sa kaniyang pag-ibig, dapat tayong mamuhay ayon sa kaniyang mga simulain at tularan ang kaniyang pananaw hinggil sa trabaho.—Eclesiastes 2:24; 5:18.
3 Sa kabanatang ito, tatalakayin natin ang apat na tanong: Paano tayo masisiyahan sa ating pagpapagal? Anu-anong uri ng trabaho ang hindi nararapat sa mga tunay na Kristiyano? Paano natin pagtitimbangin ang sekular na trabaho at ang espirituwal na mga gawain? At ano ang pinakamahalagang trabahong magagawa natin? Pero bago ang lahat, suriin muna natin ang halimbawa ng dalawang pinakamahusay na manggagawa sa uniberso—ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo.
ANG PINAKADAKILANG MANGGAGAWA AT ANG DALUBHASANG MANGGAGAWA
4, 5. Paano ipinapakita ng Bibliya na si Jehova ay isang napakahusay na manggagawa?
4 Si Jehova ang Pinakadakilang Manggagawa. Sinasabi sa Genesis 1:1: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” Nang matapos ng Diyos ang kaniyang paglalang sa lupa, sinabi niyang iyon ay “napakabuti.” (Genesis 1:31) Sa ibang pananalita, tiyak na nasiyahan si Jehova, ang “maligayang Diyos,” sa kaniyang paglalang sa lupa. Oo, isa siyang napakahusay na manggagawa.—1 Timoteo 1:11.
5 Hindi kailanman tumigil sa paggawa ang ating masipag na Diyos. Pagkalipas ng mahabang panahon pagkatapos ng paglalang sa lupa, sinabi ni Jesus: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon.” (Juan 5:17) Ano pa ang ginagawa ng kaniyang Ama? Mula sa kinaroroonan Niya sa langit, tiyak na abala siya sa pagpatnubay at pangangalaga sa mga tao. Gumawa siya ng “isang bagong nilalang,” mga Kristiyanong inianak sa espiritu na mamamahalang kasama ni Jesus sa langit. (2 Corinto 5:17) Siya’y patuloy na gumagawa para sa katuparan ng kaniyang layunin sa mga tao—na lahat ng mga umiibig sa kaniya ay mabuhay nang walang hanggan sa isang bagong sanlibutan. (Roma 6:23) Tiyak na tuwang-tuwa si Jehova sa mga resulta ng kaniyang ginawa. Milyun-milyon ang tumutugon sa mensahe ng Kaharian, anupat inilapit sila ng Diyos sa kaniyang kongregasyon at binago nila ang kanilang buhay para manatili sa kaniyang pag-ibig.—Juan 6:44.
6, 7. Paano ipinakita ni Jesus na isa siyang masipag na manggagawa?
6 Sa simula pa lamang, si Jesus ay may mainam nang reputasyon sa pagiging isang masipag na manggagawa. Bago naging tao, naglingkod siya bilang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos sa paglalang ng lahat ng bagay “sa langit at sa ibabaw ng lupa.” (Kawikaan 8:22-31; Colosas 1:15-17) Kahit noong naririto na si Jesus sa lupa, isa pa rin siyang masipag na manggagawa. Bata pa’y marunong na siya sa konstruksiyon, anupat nakilala bilang “ang karpintero.”a (Marcos 6:3) Mabigat na trabaho ito at nangangailangan ng iba’t ibang kasanayan—lalo na noong panahong wala pang mga lagarian, tindahan ng materyales, at kagamitang de-kuryente. Naguguniguni mo ba si Jesus habang nangunguha ng mga kahoy na gagamitin niya—marahil ay pumuputol pa nga ng mga punungkahoy at hinahakot ito hanggang sa kaniyang pinagtatrabahuhan? Nailalarawan mo ba siya sa iyong isip habang nagtatayo ng mga bahay—naghahanda at nagkakabit ng mga biga ng bubong, gumagawa ng mga pinto, at maging ng mga muwebles? Tiyak na nadama mismo ni Jesus ang kasiyahang dulot ng masikap at mahusay na paggawa.
7 Si Jesus ay namumukod-tangi sa kaniyang masikap na paggawa sa ministeryo. Sa loob ng tatlo at kalahating taon, naging abalang-abala siya sa napakahalagang gawaing ito. Dahil gusto niyang maabot hangga’t maaari ang maraming tao, wala siyang inaksayang panahon, anupat maagang bumabangon at patuloy na gumagawa hanggang sa gabi. (Lucas 21:37, 38; Juan 3:2) Naglakbay siya “sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Lucas 8:1) Daan-daang kilometro ang nilakad ni Jesus, sa maalikabok na mga lansangan pa nga, para ipangaral ang mabuting balita sa mga tao.
8, 9. Paano nagdulot ng kasiyahan kay Jesus ang kaniyang pagpapagal?
8 Nasiyahan ba si Jesus sa kaniyang pagpapagal sa ministeryo? Oo! Naghasik siya ng mga binhi ng katotohanan tungkol sa Kaharian, at nag-iwan ng mga bukid na hinog na para anihin. Ang pagsasagawa ng gawain ng Diyos ay nagpalakas kay Jesus anupat handa niyang ipagpaliban ang pagkain para matapos ang gawaing ito. (Juan 4:31-38) Isip-isipin na lamang ang kasiyahan niya nang sa pagtatapos ng kaniyang ministeryo sa lupa ay buong-katapatan niyang iniulat sa kaniyang Ama: “Niluwalhati kita sa lupa, nang matapos ang gawa na ibinigay mo sa akin upang gawin.”—Juan 17:4.
9 Oo, si Jehova at si Jesus ang mga pangunahing halimbawa ng mga nasiyahan sa kanilang pagpapagal. Dahil iniibig natin si Jehova, nauudyukan tayong “maging mga tagatulad . . . sa Diyos.” (Efeso 5:1) Dahil iniibig natin si Jesus, nauudyukan tayong ‘maingat na sundan ang kaniyang mga yapak.’ (1 Pedro 2:21) Suriin naman natin ngayon kung paano rin tayo masisiyahan sa ating pagpapagal.
KUNG PAANO MAGDUDULOT NG KASIYAHAN ANG ATING PAGPAPAGAL
10, 11. Ano ang makatutulong sa atin na maging positibo sa ating trabaho?
10 Ang sekular na trabaho ay bahagi ng buhay ng mga tunay na Kristiyano. Nais nating masiyahan at makontento sa ating trabaho, pero maaari itong maging isang malaking hamon kung hindi natin gusto ang ating trabaho. Paano tayo masisiyahan sa ating trabaho kapag ganito ang kalagayan?
11 Maging positibo. Hindi natin laging mababago ang ating mga kalagayan, pero mababago natin ang ating saloobin. Ang pagbubulay-bulay sa pananaw ng Diyos ay tutulong sa atin na maging positibo sa trabaho. Halimbawa, kung ikaw ay ulo ng pamilya, isaisip na ang iyong trabaho, gaano man ito kababa, ay nakatutulong sa iyo na mapaglaanan ng materyal na pangangailangan ang iyong pamilya. Ang pangangalaga sa pamilya ay hindi isang maliit na bagay sa paningin ng Diyos. Sinasabi sa kaniyang Salita na ang isang taong hindi naglalaan sa kaniyang pamilya ay “lalong masama kaysa sa taong nagtatwa kay Jehova.” (1 Timoteo 5:8; talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Kung alam mong nakatutulong ang trabaho mo para maabot ang iyong tunguhin—ang pagbalikat sa isang bigay-Diyos na pananagutan—madarama mo ang kasiyahan na maaaring hindi nadarama ng iyong mga katrabaho.
12. Paano nagiging kapaki-pakinabang ang pagiging masikap at matapat sa trabaho?
12 Maging masikap at matapat. Kung magpapagal tayo at paghuhusayan natin ang ating trabaho, magdudulot ito ng mga pagpapala. Ang masisikap at mahuhusay na trabahador ay madalas na napapamahal sa kanilang mga amo. (Kawikaan 12:24; 22:29) Bilang mga tunay na Kristiyano, dapat din tayong maging matapat sa ating trabaho—hindi natin ninanakawan ng pera, materyales, o oras ang ating amo. (Efeso 4:28) Gaya ng nakita natin sa naunang kabanata, kapaki-pakinabang ang pagiging matapat. Malamang na pagkakatiwalaan ang isang empleado na kilalang matapat. At mapansin man o hindi ng ating amo ang ating kasipagan, masaya pa rin tayo dahil mayroon tayong “matapat na budhi” at alam nating napalulugdan natin ang Diyos na iniibig natin.—Hebreo 13:18; Colosas 3:22-24.
13. Ano ang maaaring maging resulta ng pagpapakita natin ng magandang halimbawa sa lugar na ating pinagtatrabahuhan?
13 Isaisip na ang ating paggawi ay lumuluwalhati sa Diyos. Kapag patuloy tayong gumagawi kasuwato ng mataas na pamantayang Kristiyano sa lugar na ating pinagtatrabahuhan, napapansin ito ng iba. Ano ang resulta? ‘Nagagayakan natin ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos.’ (Tito 2:9, 10) Oo, dahil sa ating mainam na paggawi, nakikita at naaakit ang iba sa ating paraan ng pagsamba. Isipin na lamang ang kagalakang madarama mo kapag tumugon sa katotohanan ang isang katrabaho dahil sa iyong magandang halimbawa! Higit sa lahat, pag-isipan ito: May mas mahalaga pa ba kaysa sa pagkaalam na ang iyong magandang paggawi ay lumuluwalhati kay Jehova at nagpapasaya sa kaniyang puso?—Kawikaan 27:11; 1 Pedro 2:12.
GUMAMIT NG KAUNAWAAN SA PAGPILI NG TRABAHO
14-16. Kapag kailangang magdesisyon tungkol sa trabaho, anong dalawang mahalagang tanong ang kailangan nating pag-isipan?
14 Pagdating sa sekular na trabaho, hindi detalyadong binanggit sa Bibliya kung ano ang katanggap-tanggap at kung ano ang hindi. Pero hindi naman ibig sabihin nito na puwede na nating tanggapin ang kahit anong uri ng trabaho. Makatutulong sa atin ang Kasulatan sa pagpili ng makabuluhan at marangal na trabahong nakalulugod sa Diyos habang iniiwasan naman ang trabahong hindi kalugud-lugod sa kaniya. (Kawikaan 2:6) Kapag kailangang magdesisyon tungkol sa trabaho, may dalawang mahalagang tanong na kailangan nating pag-isipan.
15 Ang trabaho bang ito ay humihiling sa atin na gawin ang isang bagay na hinahatulan ng Bibliya? Maliwanag na hinahatulan ng Salita ng Diyos ang pagnanakaw, pagsisinungaling, at paggawa ng mga idolo. (Exodo 20:4; Gawa 15:29; Efeso 4:28; Apocalipsis 21:8) Tinatanggihan natin ang anumang trabahong humihiling sa atin na gawin ang mga ito. Dahil sa ating pag-ibig kay Jehova, hinding-hindi natin tatanggapin ang isang trabahong humihiling sa atin na gawin ang mga bagay na labag sa mga utos ng Diyos.—1 Juan 5:3.
16 Kung tatanggapin natin ang trabahong ito, magiging kasabuwat ba tayo o tagapagtaguyod ng paggawa ng mali? Tingnan ang isang halimbawa. Ang pagiging resepsiyonista ay hindi mali. Pero paano kung inaalok ang isang Kristiyano na maging resepsiyonista sa isang klinikang nagsasagawa ng aborsiyon? Oo nga’t hindi naman siya kailangang tumulong mismo sa pagsasagawa ng aborsiyon. Pero sa regular niyang pagtatrabaho sa klinikang iyon, hindi kaya parang sinusuportahan na rin niya ang isinasagawang aborsiyon doon—isang gawaing salungat sa Salita ng Diyos? (Exodo 21:22-24) Bilang mga umiibig kay Jehova, ayaw nating tuwirang masangkot sa mga di-makakasulatang gawain.
17. (a) Anu-anong bagay ang puwede nating pag-isipan sa paggawa ng mga desisyon tungkol sa trabaho? (Tingnan ang kahong “Tatanggapin Ko ba ang Trabaho?”) (b) Paano tayo matutulungan ng ating budhi na gumawa ng mga desisyong makalulugod sa Diyos?
17 Maraming iba pang tanong tungkol sa trabaho ang masasagot kung maingat na susuriin ang mga sagot sa dalawang mahalagang tanong na nasa parapo 15 at 16. Bukod dito, may ilan pang bagay na makabubuting pag-isipan natin kapag gumagawa ng mga desisyon tungkol sa trabaho.b Hindi naman natin aasahan ang uring tapat na alipin na gumawa ng mga patakaran para sa bawat situwasyon na maaaring bumangon. Dito pumapasok ang paggamit ng kaunawaan. Gaya ng natutuhan natin sa kabanata 2, kailangan nating turuan at sanayin ang ating budhi sa pamamagitan ng pag-aaral kung paano ikakapit ang Salita ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay. Kung ang ating “kakayahan sa pang-unawa” ay nasanay “dahil sa paggamit,” ang ating budhi ay makatutulong sa atin na gumawa ng mga desisyong makalulugod sa Diyos at sa gayo’y manatili sa kaniyang pag-ibig.—Hebreo 5:14.
MAGING TIMBANG SA TRABAHO
18. Bakit hindi madaling makapanatiling timbang sa espirituwal?
18 Sa “mga huling araw” na ito kung kailan ang “mga panahong mapanganib [ay] mahirap pakitunguhan,” hindi madaling makapanatiling timbang sa espirituwal. (2 Timoteo 3:1) Talagang isang hamon na maghanap ng trabaho at manatili sa trabaho. Bilang mga tunay na Kristiyano, alam nating mahalaga ang pagpapagal para mapaglaanan ang ating pamilya. Pero kung hindi tayo mag-iingat, posibleng mahadlangan ang ating espirituwal na mga tunguhin dahil sa panggigipit sa lugar ng trabaho o sa nakahahawang materyalistikong kaisipan ng sanlibutan. (1 Timoteo 6:9, 10) Tingnan natin kung paano natin mapananatili ang pagiging timbang, anupat tinitiyak “ang mga bagay na higit na mahalaga.”—Filipos 1:10.
19. Bakit nararapat si Jehova sa ating lubusang pagtitiwala, at ano ang maiiwasan natin dahil sa pagtitiwalang iyan?
19 Lubusang magtiwala kay Jehova. (Kawikaan 3:5, 6) Hindi ba’t nararapat lamang siya sa gayong pagtitiwala? Tutal, nagmamalasakit siya sa atin. (1 Pedro 5:7) Mas alam niya kaysa sa atin ang ating mga pangangailangan, at hindi kailanman naging maikli ang kaniyang kamay. (Awit 37:25) Kaya makabubuting makinig tayo sa babalang ito ng kaniyang Salita: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat . . . sinabi [ng Diyos]: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’” (Hebreo 13:5) Mapatutunayan ng maraming buong-panahong ministro na kaya ng Diyos na maglaan ng mga pangangailangan sa buhay. Kung lubusan tayong magtitiwalang pangangalagaan tayo ni Jehova, hindi tayo masyadong mababalisa sa paglalaan sa ating pamilya. (Mateo 6:25-32) Hindi natin hahayaan na dahil sa sekular na trabaho ay mapapabayaan na natin ang espirituwal na mga gawain, gaya ng pangangaral ng mabuting balita at pagdalo sa mga pulong.—Mateo 24:14; Hebreo 10:24, 25.
20. Ano ang ibig sabihin ng panatilihing simple ang mata, at paano mo mapananatili ang gayong pananaw?
20 Panatilihing simple ang iyong mata. (Mateo 6:22, 23) Ang pagkakaroon ng simpleng mata ay nangangahulugan ng pagpapanatiling simple ng ating buhay. Ang simpleng mata ng isang Kristiyano ay nakatuon sa iisang layunin—ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Kung wastong nakapokus ang ating mata, hindi natin uubusin ang ating panahon sa paghahanap ng trabahong mataas ang suweldo at paghahangad ng mas marangyang buhay. Ni hindi rin tayo pasisilo sa walang-katapusang paghahangad ng pinakamodelo at pinakamamahaling bagay na ayon sa mga tagapag-anunsiyo nito ay kailangan para maging maligaya. Paano mo mapananatiling simple ang iyong mata? Huwag pabigatan ang sarili ng di-kinakailangang pagkakautang. Huwag gawing komplikado ang iyong buhay dahil sa maraming pag-aari na nangangailangan ng maraming panahon at atensiyon. Sundin ang payo ng Bibliya na makontento na sa pagkakaroon ng “pagkain at pananamit.” (1 Timoteo 6:8) Sikaping maging simple ang iyong buhay hangga’t maaari.
21. Bakit kailangan tayong magtakda ng mga priyoridad, at ano ang dapat nating unahin sa ating buhay?
21 Magtakda ng espirituwal na mga priyoridad, at sundin ito. Yamang limitado ang ating panahon at lakas, kailangan tayong magtakda ng mga priyoridad. Kung hindi, baka ubusin ng di-gaanong importanteng bagay ang mahalagang panahon, anupat wala nang matira para sa mas importanteng bagay. Ano ba ang dapat unahin sa ating buhay? Inuuna ng marami ang pagkuha ng mataas na edukasyon para magkaroon sila ng magandang propesyon na magbibigay sa kanila ng malaking kita sa sistemang ito. Pero hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na “patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian.” (Mateo 6:33) Oo, bilang mga tunay na Kristiyano, inuuna natin sa ating buhay ang Kaharian ng Diyos. Dapat makita sa ating buhay—sa ating mga desisyon, mga tunguhin, at mga gawain—na mas mahalaga sa atin ang kapakanan ng Kaharian at ang kalooban ng Diyos kaysa sa materyal na mga bagay at sekular na mga gawain.
MAGPAGAL SA MINISTERYO
22, 23. (a) Ano ang pangunahing gawain ng mga tunay na Kristiyano, at paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang gawaing ito? (Tingnan ang kahong “Maligaya Ako at Kontento sa Aking Desisyon.”) (b) Ano ang determinado mong gawin may kinalaman sa sekular na trabaho?
22 Dahil alam nating nabubuhay na tayo sa huling yugto ng kawakasan, nananatiling nakatuon ang ating pansin sa pangunahing gawain ng mga tunay na Kristiyano—ang pangangaral at paggawa ng alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Gaya ng ating Huwaran, si Jesus, gusto nating maging abala sa nagliligtas-buhay na gawaing ito. Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang gawaing ito? Bilang mga mamamahayag ng kongregasyon, buong-pusong iniuukol ng karamihan sa bayan ng Diyos ang kanilang buhay sa pangangaral. Isinaayos naman ng ilan ang kanilang panahon upang makapaglingkod bilang mga payunir o misyonero. Dahil alam ng maraming magulang na mahalaga ang espirituwal na mga tunguhin, hinihimok nila ang kanilang mga anak na gawing karera ang buong-panahong paglilingkod. Nagdulot ba ng kasiyahan sa masisipag na tagapaghayag ng Kaharian ang kanilang pagpapagal sa ministeryo? Aba, oo! Ang buong-kaluluwang paglilingkod kay Jehova ay tiyak na aakay sa isang buhay na lipos ng kaligayahan, kasiyahan at pagpapala.—Kawikaan 10:22.
23 Marami sa atin ang kinakailangang gumugol ng mahabang oras sa sekular na trabaho para mapaglaanan ng materyal na pangangailangan ang ating pamilya. Tandaan natin na gusto ni Jehova na masiyahan tayo sa ating pagpapagal. Kung iaayon natin ang ating saloobin at mga paggawi sa kaniyang pananaw at mga simulain, masisiyahan tayo sa ating trabaho. Pero maging determinado tayong huwag hayaan ang sekular na trabaho na ilihis ang ating pansin mula sa ating pangunahing gawain—ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kung uunahin natin sa ating buhay ang gawaing ito, ipinapakita natin na iniibig natin si Jehova at sa gayo’y makapananatili tayo sa kaniyang pag-ibig.
a Ang salitang Griego na isinaling “karpintero” ay sinasabing “isang pangkalahatang termino para sa gumagawa ng bahay o muwebles o ng iba pang bagay na yari sa kahoy.”
b Para sa mas detalyadong pagtalakay sa mga bagay na kailangang pag-isipan tungkol sa trabaho, tingnan Ang Bantayan, Abril 15, 1999, pahina 28-30, at Enero 15, 1983, pahina 20.